Job 20

1 Nang magkagayo’y sumagot si Zophar na Naamathita, at nagsabi,

2 Kaya’t nagbibigay sagot sa akin ang aking mga pagiisip, dahil nga sa aking pagmamadali na taglay ko.

3 Aking narinig ang saway na inilalagay ako sa kahihiyan, at ang diwa ng aking pagkaunawa ay sumasagot sa akin.

4 Hindi mo ba nalalaman ito ng una, mula nang ang tao’y malagay sa lupa,

5 Na ang pagtatagumpay ng masama ay maikli, at ang kagalakan ng di banal ay sandali lamang?

6 Bagaman ang kaniyang karilagan ay napaiilanglang hanggang sa langit, at ang kaniyang ulo ay umaabot hanggang sa mga alapaap;

7 Gayon may matutunaw siya magpakailan man, na gaya ng kaniyang sariling dumi: silang nangakakita sa kaniya ay mangagsasabi: Nasaan siya?

8 Siya’y mawawala na gaya ng panaginip, at hindi masusumpungan. Oo, siya’y mawawala na parang pangitain sa gabi.

9 Ang mata na nakakita sa kaniya ay hindi na siya makikita pa; ni mamamalas pa man siya sa kaniyang pook.

10 Hahanapin ng kaniyang mga anak ang lingap ng dukha, at ang kaniyang mga kamay ay magsasauli ng kaniyang kayamanan.

11 Ang kaniyang mga buto ay puspos ng kaniyang kabataan, nguni’t hihiga na kasama niya sa alabok.

12 Bagaman ang kasamaan ay masarap sa kaniyang bibig, bagaman kaniyang itago sa ilalim ng kaniyang dila;

13 Bagaman kaniyang patawarin, at hindi niya ito babayaan, kundi ingatan pa sa loob ng kaniyang bibig;

14 Gayon ma’y ang kaniyang pagkain ay nabago na sa kaniyang tiyan, siyang kamandag ng mga ahas sa loob niya.

15 Siya’y sumakmal ng mga kayamanan, at kaniyang mga isusuka uli: mga aalisin uli ng Dios sa kaniyang tiyan.

16 Kaniyang hihititin ang kamandag ng mga ahas; papatayin siya ng dila ng ulupong.

17 Hindi niya matitingnan ang mga ilog, ang umaagos na mga bukal ng pulot at mantekilya.

18 Na kaniyang isasauli ang kaniyang pinagpagalan, at hindi lalamunin; ayon sa pag-aari na kaniyang tinangkilik, hindi siya magagalak.

19 Sapagka’t kaniyang pinighati at pinabayaan ang dukha; kaniyang kinuhang marahas ang isang bahay; at hindi niya itatayo.

20 Sapagka’t hindi siya nakakilala ng katiwasayan sa loob niya, hindi siya makapagliligtas ng anoman sa kaniyang kinaluluguran.

21 Walang bagay na naiwan na hindi niya sinakmal; kaya’t ang kaniyang kaginhawahan ay hindi mananatili.

22 Sa lubos niyang kasaganaan ay magigipit siya; ang kamay ng bawa’t nasa karalitaan ay darating sa kaniya.

23 Pagka kaniyang bubusugin ang kaniyang tiyan, ihuhulog ng Dios ang kaniyang mabangis na poot sa kaniya. At ibubugso sa kaniya samantalang siya’y kumakain.

24 Kaniyang tatakasan ang sandatang bakal, at ang busog na tanso ay hihilagpos sa kaniya.

25 Binubunot niya ang pana, at lumalabas sa kaniyang katawan: Oo, ang makintab na talim ay lumalabas mula sa kaniyang apdo; mga kakilabutan ang sumasa kaniya.

26 Lahat na kadiliman ay nalalagay na mga pinakakayamanan niya; isang apoy na hindi hinipan ng tao ay susupok sa kaniya: susupukin niyaon ang naiwan sa kaniyang tolda.

27 Ihahayag ng mga langit ang kaniyang kasamaan, at ang lupa ay babangon laban sa kaniya.

28 Ang pakinabang ng kaniyang bahay ay yayaon, ang kaniyang mga pag-aari ay huhuho sa kaarawan ng kaniyang kapootan.

29 Ito ang bahagi ng masamang tao mula sa Dios, at ang manang takda sa kaniya ng Dios.

Job 21

1 Nang magkagayo’y sumagot si Job, at nagsabi,

2 Pakinggan ninyong mainam ang aking pananalita; at ito’y maging inyong mga kaaliwan.

3 Pagdalitaan ninyo ako, at ako nama’y magsasalita, at pagkatapos na ako’y makapagsalita, ay manuya kayo.

4 Tungkol sa akin, ay sa tao ba ang aking daing? At bakit hindi ako maiinip?

5 Tandaan ninyo ako, at matigilan kayo. At ilagay ninyo ang inyong kamay sa inyong bibig,

6 Pagka aking naaalaala nga ay nababagabag ako, at kikilabutan ang humahawak sa aking laman.

7 Bakit nabubuhay ang masama, nagiging matanda, oo, nagiging malakas ba sa kapangyarihan?

8 Ang kanilang binhi ay natatatag nakasama nila sa kanilang paningin, at ang kanilang mga suwi ay nasa harap ng kanilang mga mata.

9 Ang kanilang mga bahay ay tiwasay na walang takot, kahit ang pamalo man ng Dios ay wala sa kanila.

10 Ang kanilang baka ay naglilihi, at hindi nababaog; ang kanilang baka ay nanganganak, at hindi napapahamak ang kaniyang guya.

11 Kaniyang inilabas ang kanilang mga bata na gaya ng kawan, at ang kanilang mga anak ay nangagsasayawan,

12 Sila’y nangagaawitan na katugma ng pandereta at alpa, at nangagkakatuwa sa tunog ng plauta.

13 Kanilang ginugugol ang kanilang mga kaarawan sa kaginhawahan, at sa isang sandali ay nagsisilusong sila sa Sheol.

14 At sinasabi nila sa Dios: Lumayo ka sa amin; sapagka’t hindi namin ninanasa ang pagkaalam ng inyong mga lakad.

15 Ano ang Makapangyarihan sa lahat na siya’y paglilingkuran namin? At anong pakinabang magkakaroon kami, kung kami ay magsidalangin sa kaniya?

16 Narito, ang kanilang kaginhawahan ay wala sa kanilang kamay: ang payo ng masama ay malayo sa akin.

17 Gaano kadalas pinapatay ang ilawan ng masama? Na ang kanilang kapahamakan ay dumarating ba sa kanila? Na nagbabahagi ba ang Dios ng mga kapanglawan sa kaniyang galit?

18 Na sila’y gaya ng dayami sa harap ng hangin, at gaya ng ipa na tinatangay ng bagyo?

19 Inyong sinasabi, Inilalapat ng Dios ang kaniyang parusa sa kaniyang mga anak. Gantihin sa kaniyang sarili upang maalaman niya.

20 Makita ng kaniyang mga mata ang kaniyang pagkagiba, at uminom siya ng poot ng Makapangyarihan sa lahat.

21 Sapagka’t anong kasayahan magkakaroon siya sa kaniyang bahay pagkamatay niya, pagka ang bilang ng kaniyang mga buwan ay nahiwalay sa gitna?

22 May makapagtuturo ba ng kaalaman sa Dios? Dangang kaniyang hinahatulan yaong nangasa mataas.

23 Isa’y namamatay sa kaniyang lubos na kalakasan, palibhasa’t walang bahala at tahimik:

24 Ang kaniyang mga suso ay puno ng gatas, at ang utak ng kaniyang mga buto ay halumigmig.

25 At ang iba’y namamatay sa paghihirap ng kaluluwa, at kailan man ay hindi nakakalasa ng mabuti.

26 Sila’y nahihigang magkakasama sa alabok, at tinatakpan sila ng uod.

27 Narito, aking nalalaman ang inyong pagiisip, at ang mga maling haka ng inyong inaakala laban sa akin.

28 Sapagka’t inyong sinasabi, Saan naroon ang bahay ng prinsipe? At saan naroon ang tolda na tinatahanan ng masama?

29 Hindi ba ninyo itinanong sa kanilang nangagdadaan? At hindi ba ninyo nalalaman ang kanilang mga pinagkakakilanlan?

30 Na ang masamang tao ay natataan sa kaarawan ng kasakunaan? Na sila’y pinapatnubayan sa kaarawan ng kapootan?

31 Sinong magpapahayag ng kaniyang lakad sa kaniyang mukha? At sinong magbabayad sa kaniya ng kaniyang ginawa?

32 Gayon ma’y dadalhin siya sa libingan, at magbabantay ang mga tao sa libingan.

33 Ang mga bugal ng libis ay mamabutihin niya, at lahat ng tao ay magsisisunod sa kaniya, gaya ng nauna sa kaniya na walang bilang.

34 Paano ngang inyong aaliwin ako ng walang kabuluhan, dangang sa inyong mga sagot ang naiiwan lamang ay kabulaanan?

Job 22

1 Nang magkagayo’y sumagot si Eliphaz na Temanita, at nagsabi,

2 Mapapakinabangan ba ang tao ng Dios? Tunay na siyang pantas ay nakikinabang sa kaniyang sarili.

3 May kasayahan ba sa Makapangyarihan sa lahat na ikaw ay matuwid? O may pakinabang ba sa kaniya na iyong pinasasakdal ang iyong mga lakad?

4 Dahil ba sa iyong takot sa kaniya na kaniyang sinasaway ka, na siya’y pumasok sa iyo sa kahatulan?

5 Hindi ba malaki ang iyong kasamaan? Ni wala mang anomang wakas sa iyong mga kasamaan.

6 Sapagka’t ikaw ay kumuha ng sangla ng iyong kapatid sa wala, at iyong hinubdan ng kanilang suot ang hubad.

7 Ikaw ay hindi nagbigay ng tubig sa pagod upang uminom, at ikaw ay nagkait ng tinapay sa gutom.

8 Nguni’t tungkol sa makapangyarihang tao, siya’y nagtatangkilik ng lupa; at ang marangal na tao, ay tumatahan doon.

9 Iyong pinayaong walang dala ang mga babaing bao, at ang mga kamay ng ulila ay nangabali.

10 Kaya’t ang mga silo ay nangasa palibot mo, at biglang takot ay bumabagabag sa iyo,

11 O kadiliman, upang huwag kang makakita. At kasaganaan ng tubig ay tumatabon sa iyo.

12 Hindi ba ang Dios ay nasa kaitaasan ng langit? At, narito, ang kataasan ng mga bituin, pagkataastaas nila!

13 At iyong sinasabi, Anong nalalaman ng Dios? Makahahatol ba siya sa salisalimuot na kadiliman?

14 Masinsing alapaap ang tumatakip sa kaniya, na siya’y hindi nakakakita; at siya’y lumalakad sa balantok ng langit.

15 Iyo bang pagpapatuluyan ang dating daan, na nilakaran ng mga masamang tao?

16 Na siyang mga naalis bago dumating ang kanilang kapanahunan. Na ang patibayan ay nahuhong parang agos:

17 Na nagsabi sa Dios: Lumayo ka sa amin; at, anong magagawa sa amin ng Makapangyarihan sa lahat?

18 Gayon ma’y pinuno niya ang kanilang mga bahay ng mga mabuting bagay; nguni’t ang payo ng masama ay malayo sa akin.

19 Nakikita ng mga matuwid at nangatutuwa; at tinatawanang mainam ng walang sala:

20 Na nagsasabi, Walang pagsalang silang nagsisibangon laban sa atin ay nahiwalay, at ang nalabi sa kanila ay sinupok ng apoy.

21 Makipagkilala ka sa kaniya, at ikaw ay mapayapa: anopa’t ang mabuti ay darating sa iyo.

22 Iyong tanggapin, isinasamo ko sa iyo, ang kautusan mula sa kaniyang bibig, at ilagak mo ang kaniyang mga salita sa iyong puso.

23 Kung ikaw ay bumalik sa Makapangyarihan sa lahat, ay matatayo ka; kung iyong ilayo ang kalikuan sa iyong mga tolda.

24 At ilagay mo ang iyong kayamanan sa alabok, at ang ginto ng Ophir sa gitna ng mga bato ng mga batis:

25 At ang Makapangyarihan sa lahat ay magiging iyong kayamanan, at mahalagang pilak sa iyo.

26 Sapagka’t ikaw ay magagalak nga ng iyong sarili sa Makapangyarihan sa lahat, at iyong itataas ang iyong mukha sa Dios.

27 Ikaw ay dadalangin sa kaniya, at kaniyang didinggin ka: at iyong babayaran ang iyong mga panata.

28 Ikaw nama’y magpapasiya ng isang bagay, at ito’y matatatag sa iyo; at liwanag ay sisilang sa iyong mga daan.

29 Pagka inilulugmok ka nila, ay iyong sasabihin: Magpakataas; at ililigtas niya ang mapagpakumbabang tao.

30 Kaniyang ililigtas, pati ng hindi banal: Oo, siya’y maliligtas sa kalinisan ng iyong mga kamay.

Job 23

1 Nang magkagayo’y sumagot si Job, at nagsabi,

2 Magpahanggang ngayo’y mapanghimagsik ang aking daing: ang bugbog sa akin ay lalong mabigat kaysa aking hibik.

3 Oh mano nawang maalaman ko kung saan ko masusumpungan siya, upang ako’y dumating hanggang sa kaniyang likmuan!

4 Aking aayusin ang aking usap sa harap niya, at pupunuin ko ang aking bibig ng mga pangangatuwiran.

5 Aking malalaman ang mga salita na kaniyang isasagot sa akin, at matatalastas ko kung ano ang kaniyang sasabihin sa akin.

6 Makikipagtalo ba siya sa akin sa kalakhan ng kaniyang kapangyarihan? Hindi; kundi pakikinggan niya ako.

7 Doo’y makapangangatuwiran sa kaniya ang matuwid; sa gayo’y maliligtas ako magpakailan man sa aking hukom.

8 Narito, ako’y nagpapatuloy, nguni’t wala siya; at sa dakong likuran, nguni’t hindi ko siya mamataan:

9 Sa kaliwa pagka siya’y gumagawa, nguni’t hindi ko mamasdan siya: siya’y nagkukubli sa kanan, na hindi ko makita siya.

10 Nguni’t nalalaman niya ang daang aking nilalakaran; pagka kaniyang nasubok ako ay lalabas akong parang ginto.

11 Ang aking paa ay sumunod na lubos sa kaniyang mga hakbang. Ang kaniyang daan ay aking iningatan, at hindi ako lumiko.

12 Ako’y hindi humiwalay sa utos ng kaniyang mga labi; aking pinagyaman ang mga salita ng kaniyang bibig ng higit kay sa aking kailangang pagkain.

13 Nguni’t siya’y sa isang akala, at sinong makapagpapabalik sa kaniya? At kung ano ang ninanasa ng kaniyang kaluluwa siya nga niyang ginagawa.

14 Sapagka’t kaniyang isinasagawa ang itinakda sa akin: at maraming gayong mga bagay ang nasa kaniya.

15 Kaya’t ako’y nababagabag sa kaniyang harapan; pagka aking binubulay, ay natatakot ako sa kaniya.

16 Dahil sa pinapanglupaypay ng Dios ang aking puso, at binagabag ako ng Makapangyarihan sa lahat:

17 Sapagka’t hindi ako inihiwalay sa harap ng kadiliman, ni tinakpan man niya ang salimuot na kadiliman sa aking mukha.

Job 24

1 Bakit ang mga kapanahunan ay hindi itinakda ng Makapangyarihan sa lahat? At bakit hindi nangakakakita ng kaniyang mga araw ang nangakakakilala sa kaniya?

2 May nagsisipagbago ng lindero; kanilang dinadalang may karahasan ang mga kawan, at pinasasabsab.

3 Kanilang itinataboy ang asno ng ulila, kanilang kinukuha ang baka ng babaing bao na pinakasangla.

4 Kanilang inililigaw sa daan ang mapagkailangan: ang mga dukha sa lupa ay nagsisikubling magkakasama.

5 Narito, gaya ng mga mabangis na asno sa ilang, sila’y nagsisilabas sa kanilang gawa, na nagsisihanap na masikap ng pagkain; ang ilang ay siyang nagbibigay sa kanila ng pagkaing ukol sa kanilang mga anak.

6 Kanilang pinitas sa bukid ang kanilang pagkain; at kanilang pinamumulutan ang ubasan ng masama.

7 Sila’y hubad na nangahihiga buong gabi na walang suot. At walang kumot sa ginaw.

8 Sila’y basa ng ulan sa mga bundok, at niyayakap ang bato sa pagkakailangan ng kulungan.

9 May nagsisiagaw ng ulila mula sa suso, at nagsisikuha ng sangla ng dukha:

10 Na anopa’t sila’y yumayaong hubad na walang damit, at palibhasa’y gutom ay kanilang dinadala ang mga bigkis;

11 Sila’y nagsisigawa ng langis sa loob ng olibohan ng mga taong ito; sila’y nagpipisa sa kanilang pisaan ng ubas, at nagtitiis ng uhaw.

12 Mula sa makapal na bayan ay nagsisidaing ang mga tao, at ang kaluluwa ng may sugat ay humihiyaw; gayon ma’y hindi inaaring mangmang ng Dios.

13 Ito’y sa mga nangaghihimagsik laban sa liwanag; Hindi nila nalalaman ang mga daan niyaon, ni tumatahan man sa mga landas niyaon.

14 Ang mamamatay tao ay bumabangon pagliliwanag, pinapatay niya ang dukha at mapagkailangan; at sa gabi ay gaya siya ng magnanakaw.

15 Ang mata naman ng mapangalunya ay naghihintay ng pagtatakip-silim, na sinasabi, Walang matang makakakita sa akin: at nagiiba ng kaniyang mukha.

16 Sa kadiliman ay nagsisihukay sila sa mga bahay: sila’y nagkukulong sa sarili kung araw; hindi nila nalalaman ang liwanag,

17 Sapagka’t ang umaga sa kanilang lahat ay parang salimuot na kadiliman, sapagka’t kanilang nalalaman ang mga kakilabutan ng salimot na kadiliman.

18 Siya’y matulin sa ibabaw ng tubig; ang kanilang bahagi ay sinumpa sa lupa: siya’y hindi babalik sa daan ng mga ubasan.

19 Katuyuan at kainitan ay tumutunaw ng mga niebeng tubig: gaya ng Sheol ng mga nagkakasala.

20 Kalilimutan siya ng bahay-bata: siya’y kakaning maigi ng uod; siya’y hindi na maaalaala pa: at ang kalikuan ay babaliing parang punong kahoy.

21 Kaniyang sinasakmal ang baog na hindi nanganganak; at hindi gumagawa ng mabuti sa babaing bao.

22 Inaagawan naman ng Dios ang may kaya sa pamamagitan ng kaniyang kapangyarihan: siya’y bumabangon na walang katiwasayan sa buhay.

23 Pinagkakalooban sila ng Dios na malagay sa katiwasayan, at sila’y nagpapahinga roon; at ang kaniyang mga mata ay nasa kanilang mga lakad.

24 Sila’y nangataas, gayon ma’y isang sandali pa, at sila’y wala na. Oo, sila’y nangababa, sila’y nangaalis sa daan na gaya ng lahat ng mga iba, at nangaputol na gaya ng mga uhay.

25 At kung hindi gayon ngayon, sinong magpapatotoo na ako’y sinungaling, at magwawala ng kabuluhan ng aking pananalita?

Job 25

1 Nang magkagayo’y sumagot si Bildad na Suhita, at nagsabi,

2 Kapangyarihan at takot ay sumasa kaniya; siya’y gumagawa ng kapayapaan sa kaniyang mga mataas na dako.

3 May anomang bilang ba sa kaniyang mga hukbo? At doon sa hindi sinisikatan ng kaniyang liwanag?

4 Paano ngang makapagiging ganap ang tao sa Dios? O paanong magiging malinis siya na ipinanganak ng isang babae.

5 Narito, pati ng buwan ay walang liwanag, at ang mga bituin ay hindi dalisay sa kaniyang paningin:

6 Gaano pa nga kaliit ang tao, na isang uod! At ang anak ng tao, na isang uod!

Job 26

1 Nang magkagayo’y sumagot si Job, at nagsabi,

2 Paano mong tinulungan siya na walang kapangyarihan! Paano mong iniligtas ang kamay na walang lakas!

3 Paano mong pinayuhan siya na walang karunungan, at saganang ipinahayag mo ang mabuting kaalaman!

4 Kanino mo binigkas ang mga salita? At kanino ang diwa na lumabas sa iyo?

5 Ang mga patay ay nanginginig sa ilalim ng tubig, at ang mga nananahan doon.

6 Ang Sheol ay hubad sa harap ng Dios, at ang Abaddon ay walang takip.

7 Kaniyang iniuunat ang hilagaan sa pagitang walang laman, at ibinibitin ang lupa sa wala.

8 Kaniyang itinatali ang tubig sa kaniyang masinsing alapaap; at ang alapaap ay hindi nahahapak sa ilalim nila.

9 Kaniyang tinatakpan ang ibabaw ng kaniyang luklukan, at iniladlad ang kaniyang mga alapaap sa ibabaw niyaon.

10 Siya’y gumuguhit ng isang hangganan sa ibabaw ng tubig, hanggang sa pinagsasalikupan ng liwanag at kadiliman.

11 Ang mga haligi ng langit ay nagsisipanginig. At nangatitigilan sa kaniyang saway.

12 Kaniyang pinapag-iinalon ang dagat ng kaniyang kapangyarihan, at sa kaniyang kaalaman ay sinasaktan niya ang Rahab.

13 Sa pamamagitan ng kaniyang Espiritu ay ginayakan niya ang langit; sinaksak ng kaniyang mga kamay ang maliksing ahas.

14 Narito, ang mga ito ang mga gilid lamang ng kaniyang mga daan: at pagkarahan ng bulong na ating naririnig sa kaniya! Nguni’t sinong makakaunawa ng kulog ng kaniyang kapangyarihan?

Job 27

1 At muling sinambit ni Job ang kaniyang talinhaga, at nagsabi,

2 Buhay ang Dios, na siyang nagalis ng aking katuwiran, at ang Makapangyarihan sa lahat na siyang nagpapanglaw ng aking kaluluwa;

3 (Sapagka’t ang aking buhay ay buo pa sa akin, at ang espiritu ng Dios ay nasa mga butas ng aking ilong);

4 Tunay na ang aking mga labi ay hindi magsasalita ng kalikuan, ni ang aking dila man ay magsasaysay ng karayaan.

5 Malayo nawa sa aking kayo’y ariin kong ganap: Hanggang sa ako’y mamatay ay hindi ko aalisin sa akin ang aking pagtatapat.

6 Ang aking katuwiran ay aking pinanghahawakan at hindi ko bibitiwan: hindi ako aalipustain ng aking puso habang ako’y buhay.

7 Ang aking kaaway ay maging gaya nawa ng masama, at ang bumangon laban sa akin ay maging gaya nawa ng liko.

8 Sapagka’t ano ang pagasa ng di banal, bagaman siya’y makikinabang sa kaniya, pagka kinuha ng Dios ang kaniyang kaluluwa?

9 Didinggin ba ng Dios ang kaniyang iyak, pagka ang kabagabagan ay dumating sa kaniya?

10 Makapagsasaya ba siya sa Makapangyarihan sa lahat, at tatawag sa Dios sa lahat ng mga panahon?

11 Aking tuturuan kayo ng tungkol sa kamay ng Dios; ang nasa Makapangyarihan sa lahat ay hindi ko ililihim.

12 Narito, kayong lahat ay nangakakita; bakit nga kayo ay lubos na nawalan ng kabuluhan?

13 Ito ang bahagi ng masamang tao sa Dios, at ang mana ng mga mamimighati, na kanilang tinatanggap sa Makapangyarihan sa lahat.

14 Kung ang kaniyang mga anak ay dumami, ay para sa tabak, at ang kaniyang lahi ay hindi mabubusog ng tinapay.

15 Yaong nangaiwan sa kaniya ay mangalilibing sa kamatayan, at ang kaniyang mga bao ay hindi magsisipanaghoy.

16 Bagaman siya’y magbunton ng pilak na parang alabok, at maghahanda ng bihisan na parang putik;

17 Maihahanda niya, nguni’t ang ganap ang magsusuot niyaon. At babahagihin ng walang sala ang pilak.

18 Siya’y nagtatayo ng kaniyang bahay na gaya ng tanga, at gaya ng isang bantayan na ginagawa ng bantay.

19 Siya’y nahihigang mayaman, nguni’t hindi siya pupulutin; kaniyang ididilat ang kaniyang mga mata, nguni’t wala na siya.

20 Mga kakilabutan ang tumatabon sa kaniya na gaya ng tubig; bagyo ang umaagaw sa kaniya sa kinagabihan,

21 Tinangay siya ng hanging silanganan, at siya’y nananaw; at pinapalis siya sa kaniyang kinaroroonang dako.

22 Sapagka’t hahalibasin siya ng Dios, at hindi magpapatawad; siya’y magpupumilit na tumakas sa kaniyang kamay.

23 Ipapakpak ng mga tao ang kanilang mga kamay sa kaniya. At hihiyawan siya mula sa kaniyang kinaroroonang dako.

Job 28

1 Tunay na may mina na mayroong pilak, at dako na ukol sa ginto na kanilang pinagdadalisayan.

2 Bakal ay hinuhukay sa lupa, at tanso ay binububo mula sa bato.

3 Ang tao’y naglalagay ng wakas sa kadiliman, at sumisiyasat hanggang sa kalayulayuang hangganan ng mga bato ng kadiliman at salimuot na kadiliman.

4 Siya’y humuhukay ng malayo sa tinatahanan ng mga tao: nililimot ng paa na dumadaan nagbibitin doong malayo sa mga tao, sila’y umuugoy na paroo’t parito.

5 Tungkol sa lupa, mula rito’y nanggagaling ang tinapay: at sa ilalim ay wari tinutuklap ng apoy.

6 Ang mga bato nito’y kinaroroonan ng mga zafiro. At ito’y may alabok na ginto.

7 Yaong landas na walang ibong mangdadagit ay nakakaalam. Ni nakita man ng mata ng falkon:

8 Hindi natungtungan ng mga palalong hayop, ni naraanan man ng mabangis na leon,

9 Kaniyang inilalabas ang kaniyang kamay sa batong pingkian; binabaligtad ng mga ugat ang mga bundok.

10 Siya’y nagbabangbang sa gitna ng mga bato; at ang kaniyang mata ay nakakakita ng bawa’t mahalagang bagay.

11 Kaniyang tinatalian ang mga lagaslas upang huwag umagos; at ang bagay na nakukubli ay inililitaw niya sa liwanag.

12 Nguni’t saan masusumpungan ang karunungan? At saan naroon ang dako ng pagkaunawa?

13 Hindi nalalaman ng tao ang halaga niyaon; ni nasusumpungan man sa lupain ng may buhay.

14 Sinasabi ng kalaliman. Wala sa akin: at sinasabi ng dagat: Hindi sumasaakin.

15 Hindi mabibili ng ginto, ni matitimbangan man ng pilak ang halaga niyaon.

16 Hindi mahahalagahan ng ginto sa Ophir, ng mahalagang onix, o ng zafiro.

17 Ginto at salamin ay hindi maihahalintulad doon: ni maipagpapalit man sa mga hiyas na dalisay na ginto.

18 Hindi mabibilang ang coral o ang cristal; Oo, ang halaga ng karunungan ay higit sa mga rubi.

19 Ang topacio sa Etiopia ay hindi maipapantay doon, ni mahahalagahan man ng dalisay na ginto.

20 Saan nanggagaling nga ang karunungan? At saan naroon ang dako ng pagkaunawa?

21 Palibhasa’t nakukubli sa mga mata ng lahat na may buhay, at natatago sa mga ibon sa himpapawid.

22 Ang kapahamakan at ang kamatayan ay nagsasabi, narinig namin ng aming mga pakinig ang bulungbulungan niyaon.

23 Nauunawa ng Dios ang daan niyaon, at nalalaman niya ang dako niyaon.

24 Sapagka’t tumitingin siya hanggang sa mga wakas ng lupa, at nakikita ang silong ng buong langit;

25 Upang bigyan ng timbang ang hangin; Oo, kaniyang tinatakal ang tubig sa takalan.

26 Nang siya’y gumawa ng pasiya sa ulan, at ng daan sa kidlat ng kulog:

27 Nang magkagayo’y nakita niya ito, at inihayag; kaniyang itinatag ito, oo, at siniyasat.

28 At sa tao ay sinabi niya, Narito, ang pagkatakot sa Dios ay siyang karunungan; at ang paghiwalay sa kasamaan ay pagkaunawa.

Job 29

1 At muling ipinagbadya ni Job ang kaniyang talinghaga, at nagsabi,

2 Oh ako nawa’y napasa mga buwan noong dakong una, gaya noong mga kaarawan ng binabantayan ako ng Dios;

3 Nang ang kaniyang ilawan ay sumisilang sa aking ulo at sa pamamagitan ng kaniyang liwanag ay lumalakad ako sa kadiliman;

4 Gaya noong ako’y nasa kabutihan ng aking mga kaarawan, noong ang pagkasi ng Dios ay nasa aking tolda;

5 Noong ang Makapangyarihan sa lahat ay sumasaakin pa, at ang aking mga anak ay nangasa palibot ko;

6 Noong ang aking mga hakbang ay naliligo sa gatas, at ang bato ay nagbubuhos para sa akin ng mga ilog ng langis!

7 Noong ako’y lumalabas sa pintuang-bayan hanggang sa bayan, noong aking inihahanda ang aking upuan sa lansangan,

8 Nakikita ako ng mga binata, at nagsisipagkubli, at ang mga matanda ay nagsisitindig at nagsisitayo:

9 Ang mga pangulo ay nagpipigil ng pangungusap, at inilalagay ang kanilang kamay sa kanilang bibig;

10 Ang tinig ng mga mahal na tao ay tumatahimik, at ang kanilang dila ay dumidikit sa ngalangala ng kanilang bibig.

11 Sapagka’t pagka naririnig ako ng pakinig, ay pinagpapala nga ako; at pagka nakikita ako ng mata, ay sumasaksi sa akin:

12 Sapagka’t aking iniligtas ang dukha na dumadaing, ang ulila rin naman na walang tumutulong sa kaniya.

13 Ang basbas ng malapit nang mamamatay ay sumaakin: at aking pinaawit sa kagalakan ang puso ng babaing bao.

14 Ako’y nagbibihis ng katuwiran, at sinusuutan niya ako: ang aking kaganapan ay parang isang balabal at isang diadema.

15 Ako’y naging mga mata sa bulag, at naging mga paa ako sa pilay.

16 Ako’y naging ama sa mapagkailangan; at ang usap niyaong hindi ko nakikilala ay aking sinisiyasat.

17 At aking binali ang mga pangil ng liko, at inagaw ko ang huli sa kaniyang mga ngipin.

18 Nang magkagayo’y sinabi ko, mamamatay ako sa aking pugad, at aking pararamihin ang aking mga kaarawan na gaya ng buhangin:

19 Ang aking ugat ay nakalat sa tubig, at ang hamog ay lumalapag buong gabi sa aking sanga:

20 Ang aking kaluwalhatian ay sariwa sa akin, at ang aking busog ay nababago sa aking kamay.

21 Sa akin ay nangakikinig ang mga tao, at nangaghihintay, at nagsisitahimik sa aking payo.

22 Pagkatapos ng aking mga salita ay hindi na sila nagsasalita pa uli; at ang aking pananalita ay tumutulo sa kanila.

23 At kanilang hinihintay ako, na gaya ng paghihintay sa ulan, at kanilang ibinubuka ang kanilang bibig na maluwang na gaya sa huling ulan.

24 Ako’y ngumingiti sa kanila pagka sila’y hindi nanganiniwala: at ang liwanag ng aking mukha ay hindi nila hinahamak.

25 Ako’y namimili sa kanilang daan, at nauupong gaya ng puno, at tumatahang gaya ng hari sa hukbo, gaya ng nangaaliw sa nananangis.