Esther 8

1 Nang araw na yaon ay ibinigay ng haring Assuero ang bahay ni Aman na kaaway ng mga Judio kay Esther na reina. At si Mardocheo ay naparoon sa harap ng hari; sapagka’t isinaysay ni Esther kung ano niya siya.

2 At hinubad ng hari ang kaniyang singsing na hinubad niya kay Aman, at ibinigay kay Mardocheo. At inilagay ni Esther si Mardocheo sa bahay ni Aman.

3 At si Esther ay nagsalita pa uli sa harap ng hari, at nagpatirapa sa kaniyang mga paa, at ipinamanhik sa kaniya na may luha, na pawiin ang kasamaan ni Aman na Agageo, at ang kaniyang banta na kaniyang ibinanta sa mga Judio.

4 Nang magkagayo’y inilawit ng hari kay Esther ang gintong cetro. Sa gayo’y tumindig si Esther, at tumayo sa harap ng hari.

5 At sinabi niya, Kung kinalulugdan ng hari at kung ako’y nakasumpong ng biyaya sa kaniyang paningin, at ang bagay ay inaakalang matuwid sa harap ng hari, at ako’y nakalulugod sa kaniyang mga mata, masulat na tiwaliin ang mga sulat na ibinanta ni Aman na anak ni Amedata, na Agageo, na kaniyang sinulat upang lipulin ang mga Judio na nangasa lahat na lalawigan ng hari:

6 Sapagka’t paanong ako’y makapagtitiis na makita ang kasamaan na darating sa aking bayan? o paanong ako’y makapagtitiis na makita ang paglipol sa aking kamaganakan?

7 Nang magkagayo’y sinabi ng haring Assuero kay Esther na reina, at kay Mardocheo na Judio: Narito, ibinigay ko kay Esther ang bahay ni Aman, at siya ang kanilang binitay sa bibitayan, sapagka’t siya’y nagbuhat ng kaniyang kamay sa mga Judio.

8 Sumulat naman kayo sa mga Judio, kung anong maibigan ninyo sa pangalan ng hari, at tatakan ninyo ng singsing ng hari: sapagka’t ang sulat na nasusulat sa pangalan ng hari, at natatakan ng singsing ng hari ay walang taong makatitiwali.

9 Nang magkagayo’y tinawag ang mga kalihim ng hari ng panahong yaon, sa ikatlong buwan, na siyang buwan ng Sivan, nang ikadalawang pu’t tatlo niyaon; at nasulat ayon sa lahat na iniutos ni Mardocheo sa mga Judio at sa mga satrapa, at sa mga tagapamahala at mga prinsipe ng mga lalawigan na nandoon mula sa India hanggang sa Etiopia, na isang daan at dalawang pu’t pitong lalawigan, sa bawa’t lalawigan ayon sa sulat niyaon, at sa bawa’t bayan ayon sa wika nila, at sa mga Judio ayon sa sulat nila, at ayon sa wika nila.

10 At kaniyang sinulat sa pangalan ng haring Assuero, at tinatakan ng singsing ng hari, at nagpadala ng mga sulat sa pamamagitan ng mga sugo na nagsisipangabayo na nangakasakay sa mga matulin na kabayo na ginagamit sa paglilingkod sa hari, at sa mga batang dromedario;

11 Na pinagkakalooban ng hari ang mga Judio na nangasa bawa’t bayan, na magpipisan, at ipagsanggalang ang kanilang buhay, upang magpahamak, pumatay, at magpalipol, sa buong kapangyarihan ng bayan at lalawigan na loloob sa kanila, sa kanilang mga bata at mga babae, at kumuha ng samsam sa kanila na pinakahuli,

12 Sa isang araw sa lahat na lalawigan ng haring Assuero, nang ikalabing tatlong araw ng ikalabing dalawang buwan, na siyang buwan ng Adar.

13 Isang salin ng sulat na ang pasiya’y ihayag sa bawa’t lalawigan, ay nahayag sa lahat ng mga bayan, at upang ang mga Judio ay magsihanda sa araw na yaon na magsipanghiganti sa kanilang mga kaaway.

14 Sa gayo’y ang mga sugo na nangasasakay sa mga matulin na kabayo na ginagamit sa paglilingkod sa hari ay nagsilabas, na nangagmamadali at nangagtutumulin sa utos ng hari; at ang pasiya ay nahayag sa Susan na bahay-hari.

15 At si Mardocheo ay lumabas mula sa harapan ng hari na nakapanamit hari na bughaw, at puti, at may dakilang putong na ginto, at may balabal na mainam na lino at kulay ube: at ang bayan ng Susan ay humiyaw at natuwa.

16 Nagkaroon ang mga Judio ng kaliwanagan at ng kasayahan, at ng kagalakan at ng karangalan.

17 At sa bawa’t lalawigan, at sa bawa’t bayan, saan man dumating ang utos ng hari at pasiya niya, ay nagkaroon ang mga Judio ng kasayahan at kagalakan, ng kapistahan at mabuting araw. At marami na mula sa mga bayan ng lupain ay naging mga Judio; sapagka’t ang takot sa mga Judio ay suma kanila.

Esther 9

1 Sa ikalabing dalawang buwan nga, na siyang buwan ng Adar, nang ikalabing tatlong araw ng buwan ding yaon, nang ang utos ng hari at ang pasiya niya ay malapit nang gagawin, nang araw na inaasahan ng mga kaaway ng mga Judio na magpuno sa kanila; (yamang napabaligtad, na ang mga Judio ay siyang naghari sa kanila na nangapopoot sa kanila),

2 Ang mga Judio ay nagpipisan sa kanilang mga bayan sa lahat na lalawigan ng haring Assuero, upang magbuhat ng kamay sa mga nagbabanta ng kanilang kapahamakan: at walang makatayo sa kanila; sapagka’t ang takot sa kanila ay nahulog sa lahat ng mga bayan.

3 At lahat ng mga prinsipe sa mga lalawigan, at ang mga satrapa, at ang mga tagapamahala, at ang mga nagsisigawa ng gawain ng hari, ay nagsitulong sa mga Judio; sapagka’t ang takot kay Mardocheo ay suma kanila,

4 Sapagka’t si Mardocheo ay dakila sa bahay ng hari, at ang kaniyang kabantugan ay lumaganap sa lahat ng mga lalawigan: sapagka’t ang lalaking si Mardocheo ay dumakila, ng dumakila.

5 At sinaktan ng mga Judio ang lahat ng kanilang mga kaaway sa taga ng tabak, at sa pagpatay at paggiba, at ginawa ang naibigan nila sa nangapopoot sa kanila.

6 At sa Susan na bahay-hari ay nagsipatay ang mga Judio at nagsilipol ng limang daang lalake.

7 At si Phorsandatha, at si Dalphon, at si Asphatha,

8 At si Phoratha, at si Ahalia, at si Aridatha.

9 At si Pharmastha, at si Arisai, at si Aridai, at si Vaizatha,

10 Na sangpung anak ni Aman, na anak ni Amedatha, na kaaway ng mga Judio, ay pinatay nila; nguni’t sa pagsamsam, hindi nila binuhat ang kanilang kamay.

11 Nang araw na yaon ay ang bilang ng nangapatay sa Susan na bahay-hari ay dinala sa harap ng hari.

12 At sinabi ng hari kay Esther na reina; Ang mga Judio ay nagsipatay at nagsilipol ng limang daang lalake sa Susan na bahay-hari, at ng sangpung anak ni Aman; ano nga ang kanilang ginawa kaya sa ibang mga lalawigan ng hari? Ngayon, ano pa ang iyong kahilingan? at ipagkakaloob sa iyo: o ano pa ang iyong kahingian? at gagawin.

13 Nang magkagayo’y sinabi ni Esther, Kung kinalulugdan ng hari ipagkaloob sa mga Judio na nangasa Susan na gawin din bukas ang ayon sa pasiya ng araw na ito, at ang sangpung anak ni Aman ay mabitin sa bibitayan.

14 At iniutos ng hari na gawing gayon: at ang pasiya ay nabigay mula sa Susan; at kanilang ibinitin ang sangpung anak ni Aman.

15 At ang mga Judio na nangasa Susan ay nagpipisan nang ikalabing apat na araw din ng buwan ng Adar, at nagsipatay ng tatlong daang lalake sa Susan: nguni’t sa pagsamsam ay hindi sila nangagbuhat na kanilang kamay.

16 At ang ibang mga Judio na nangasa mga lalawigan ng hari ay nagpipisan, at ipinagsanggalang ang kanilang buhay, at nangagkaroon ng kapahingahan sa kanilang mga kaaway, at nagsipatay sa mga nangapopoot sa kanila ng pitong pu’t limang libo; nguni’t sa pagsamsam ay hindi nila binuhat ang kanilang kamay.

17 Ito’y nagawa nang ikalabing tatlong araw ng buwan ng Adar: at nang ikalabing apat na araw ng buwan ding yaon ay nangagpahinga sila, at ginawang araw ng pistahan at kasayahan.

18 Nguni’t ang mga Judio na nangasa Susan ay nagpipisan nang ikalabing tatlong araw niyaon, at nang ikalabing apat niyaon; at nang ikalabing limang araw ng buwan ding yaon ay nangagpahinga sila, at ginawang araw ng kapistahan at kasayahan.

19 Kaya’t ang mga Judio sa mga nayon, na nagsisitahan sa mga bayan na hindi nangakukutaan, ginagawa ang ikalabing apat na araw ng buwan ng Adar na araw ng kasayahan at pistahan, at mabuting araw, at ng padalahan ng mga bahagi ng isa’t isa.

20 At sinulat ni Mardocheo ang mga bagay na ito, at nagpadala ng mga sulat sa lahat ng Judio, na nangasa lahat na lalawigan ng haring Assuero, sa malapit at gayon din sa malayo,

21 Upang ipagbilin sa kanila na kanilang ipangilin ang ikalabing apat na araw ng buwan ng Adar, at ang ikalabing lima niyaon, taon-taon.

22 Na mga pinakaaraw na ipinagkaroon ng kapahingahan ng mga Judio sa kanilang mga kaaway, at buwan ng ikinapaging kasayahan ng kapanglawan, at ikinapaging mabuting araw ng pagtangis: upang kanilang gawing mga araw ng pistahan at kasayahan, at ng pagpapadalahan ng mga bahagi ng isa’t isa, at ng mga kaloob sa mga dukha.

23 At pinagkasunduan ng mga Judio na gawin ang gaya ng kanilang pinasimulan, at ang isinulat ni Mardocheo sa kanila;

24 Sapagka’t si Aman na anak ni Amedatha na Agageo, na kaaway ng lahat na Judio ay nagbanta laban sa mga Judio upang lipulin sila, at pinagsapalaran nga ang Pur, upang patayin, at upang lipulin sila;

25 Nguni’t nang dumating sa harap ng hari ang bagay, ay kaniyang iniutos sa pamamagitan ng mga sulat na ang kaniyang masamang banta, na kaniyang ibinanta laban sa mga Judio, ay mauwi sa kaniyang sariling ulo; at siya at ang kaniyang mga anak ay mabitay sa bibitayan.

26 Kaya’t kanilang tinawag ang mga araw na ito na Purim, ayon sa pangalan ng Pur. Kaya’t dahil sa lahat na salita ng sulat na ito, at ng kanilang nakita tungkol sa bagay na ito, at ng dumating sa kanila,

27 Ang mga Judio ay nangagpasiya at nagsipangako sa kanilang sarili at sa kanilang binhi, at sa lahat ng yaon na nagpipisan sa kanila, na anopa’t huwag magkulang, na kanilang ipangingilin ang dalawang araw na ito ayon sa sulat niyaon, at ayon sa takdang panahon niyaon taon-taon;

28 At ang mga araw na ito ay aalalahanin at ipangingilin sa buong panahon, na bawa’t angkan, ng bawa’t lalawigan, at ng bawa’t bayan; at ang mga araw na ito ng Purim ay hindi lilipas sa mga Judio, o ang alaala man sa mga yaon ay lilipas sa kanilang binhi.

29 Nang magkagayo’y si Esther na reina na anak ni Abihail, at si Mardocheo na Judio, sumulat ng buong kapamahalaan upang pagtibayin ang ikalawang sulat na ito ng Purim.

30 At siya’y nagpadala ng mga sulat sa lahat ng mga Judio, sa isang daan at dalawang pu’t pitong lalawigan ng kaharian ni Assuero, na may mga salita ng kapayapaan at katotohanan,

31 Upang pagtibayin ang mga araw na ito ng Purim, sa kanilang mga takdang panahon, ayon sa ibinilin sa kanila ni Mardocheo na Judio at ni Esther na reina, at ayon sa kanilang ipinasiya sa kanilang sarili at sa kanilang binhi, sa bagay ng pag-aayuno at ng kanilang pagdaing.

32 At pinagtibay ng utos ni Esther ang mga bagay na ito ng Purim; at nasulat sa aklat.

Esther 10

1 At ang haring Assuero ay nagatang ng buwis sa lupain, at sa mga pulo ng dagat.

2 At lahat ng mga gawa ng kaniyang kapangyarihan at ng kaniyang kakayahan, at ang lubos na kasaysayan ng kadakilaan ni Mardocheo, na ipinagtaas sa kaniya ng hari, hindi ba nangasusulat sa aklat ng mga alaala sa mga hari sa Media at Persia?

3 Sapagka’t si Mardocheo na Judio ay pangalawa ng haring Assuero, at dakila sa gitna ng mga Judio, at kinalulugdan ng karamihan ng kaniyang mga kapatid: na humahanap ng ikabubuti ng kaniyang bayan, at nagsasalita ng kapayapaan sa kaniyang buong lahi.

Nehemias 1

1 Ang mga salita ni Nehemias na anak ni Hachalias. Nangyari nga sa buwan ng Chislu, sa ikadalawang pung taon, samantalang ako’y nasa bahay-hari sa Susan.

2 Na si Hanani, na isa sa aking mga kapatid, ay dumating, siya at ilang lalake na mula sa Juda; at tinanong ko sila ng tungkol sa mga Judio na nakatanan, na nangaiwan sa pagkabihag, at tungkol sa Jerusalem.

3 At sinabi nila sa akin, Ang nalabi na naiwan sa pagkabihag doon sa lalawigan, ay nasa malaking kapighatian at kakutyaan: ang kuta naman sa Jerusalem ay nabagsak, at ang mga pintuang-bayan ay nangasunog sa apoy.

4 At nangyari, nang marinig ko ang mga salitang ito, na ako’y naupo at umiyak, at nanangis na ilang araw; at ako’y nagayuno, at dumalangin sa harap ng Dios ng langit.

5 At nagsabi, Aking idinadalangin sa iyo, Oh Panginoon, na Dios ng langit, na dakila at kakilakilabot na Dios, na nagiingat ng tipan at kaawaan sa nagsisiibig sa kaniya, at nangagiingat ng kaniyang mga utos:

6 Pakinggan ngayon ng iyong tainga, at idilat ang iyong mga mata, upang iyong dinggin ang dalangin ng iyong lingkod, na aking idinadalangin sa harap mo sa panahong ito, araw at gabi, dahil sa mga anak ni Israel na iyong mga lingkod, habang aking ipinahahayag ang mga kasalanan ng mga anak ni Israel, na aming ipinagkasala laban sa iyo. Oo, ako at ang sangbahayan ng aking magulang ay nagkasala:

7 Kami ay lubhang nagpakahamak laban sa iyo, at hindi nangagingat ng mga utos, o ng mga palatuntunan man, o ng mga kahatulan, na iyong iniutos sa iyong lingkod na kay Moises.

8 Alalahanin mo, isinasamo ko sa iyo, ang salita na iyong iniutos sa iyong lingkod na kay Moises, na sinasabi, Kung kayo’y magsisalangsang, aking pangangalatin kayo sa lahat na bayan:

9 Nguni’t kung kayo’y magsibalik sa akin, at ingatan ninyo ang aking mga utos, at gawin, bagaman ang nangatapon sa inyo ay nasa kaduluduluhang bahagi ng mga langit, akin ngang pipisanin sila mula roon, at dadalhin ko sila sa dakong aking pinili upang patahanin doon ang aking pangalan.

10 Ang mga ito nga’y ang iyong mga lingkod at ang iyong bayan, na iyong tinubos sa pamamagitan ng iyong dakilang kapangyarihan, at sa pamamagitan ng iyong malakas na kamay.

11 Oh Panginoon, isinasamo ko sa iyo, pakinggan ngayon ng inyong pakinig ang dalangin ng iyong lingkod, at ang dalangin ng iyong mga lingkod, na nangasasayahang matakot sa iyong pangalan: at paginhawahin mo, isinasamo ko sa iyo, ang iyong lingkod sa araw na ito, at pagkalooban mo siya ng kaawaan sa paningin ng lalaking ito. (Ngayo’y tagahawak ako ng saro ng hari.)

Nehemias 2

1 At nangyari sa buwan ng Nisan, sa ikadalawang pung taon ni Artajerjes na hari, nang ang alak ay nasa harap niya, na aking kinuha ang alak at ibinigay ko sa hari. Hindi nga ako nalungkot nang una sa kaniyang harapan.

2 At sinabi ng hari sa akin, Bakit ang iyong mukha ay malungkot, dangang wala kang sakit? ito’y dili iba kundi kalungkutan ng puso. Nang magkagayo’y natakot akong mainam.

3 At sinabi ko sa hari, Mabuhay ang hari magpakailan man: bakit ang aking mukha ay hindi malulungkot, kung ang bayan, ang dako ng mga libingan sa aking mga magulang ay giniba, at ang mga pintuang-bayan niyaon ay nasupukan ng apoy?

4 Nang magkagayo’y sinabi ng hari sa akin, Ano ang iyong hinihiling? Sa gayo’y dumalangin ako sa Dios ng langit.

5 At nagsabi ako sa hari, Kung ikinalulugod ng hari, at kung ang iyong lingkod ay nakasumpong ng biyaya sa iyong paningin ay suguin mo ako sa Juda, sa bayan ng libingan sa aking mga magulang, upang aking maitayo.

6 At ang hari ay nagsabi sa akin, (ang reina ay nakaupo naman sa siping niya,) Magiging gaano kalaon ang iyong paglalakbay? at kailan ka babalik? Sa gayo’y nalugod ang hari na suguin ako, at nagtakda ako sa kaniya ng panahon.

7 Bukod dito’y sinabi ko sa hari, Kung ikinalulugod ng hari, bigyan ako ng mga sulat sa mga tagapamahala sa dako roon ng Ilog, upang ako’y kanilang paraanin hanggang sa ako’y dumating sa Juda;

8 At isang sulat kay Asaph na tagapagingat ng gubat ng hari, upang bigyan niya ako ng mga kahoy na magawang mga tahilan sa mga pintuang-daan ng kastillo na nauukol sa bahay, at sa kuta ng bayan at sa bahay na aking papasukan. At pinagkalooban ako ng hari ayon sa mabuting kamay ng aking Dios na sumasa akin.

9 Nang magkagayo’y pumaroon ako sa mga tagapamahala sa dako roon ng Ilog, at ibinigay ko sa kanila ang mga sulat ng hari. Sinugo nga ako ng hari na may kasamang mga punong kawal ng hukbo at mga mangangabayo.

10 At nang mabalitaan ni Sanballat na Horonita, at ni Tobias na lingkod, na Ammonita, ay namanlaw na mainam, sapagka’t may naparoong isang lalake upang hanapin ang ikagagaling ng mga anak ni Israel.

11 Sa gayo’y naparoon ako sa Jerusalem, at dumoon akong tatlong araw.

12 At ako’y bumangon sa kinagabihan, ako, at ilang lalake na kasama ko; ni hindi ko man isinaysay sa kanino man kung anong inilagak ng aking Dios sa aking puso na gawin sa ikagagaling ng Jerusalem: wala rin namang anomang hayop na kasama ako, liban sa hayop na aking sinasakyan.

13 At ako’y lumabas ng kinagabihan sa pintuang-bayan ng libis, sa makatuwid baga’y sa dako ng balon ng dragon, at sa pintuang-bayan ng tapunan ng dumi, at minasdan ko ang mga kuta ng Jerusalem, na nangabagsak, at ang mga pintuang-bayan na sinupok ng apoy.

14 Nang magkagayo’y nagpatuloy ako sa pintuang-bayan ng bukal at sa tangke ng hari: nguni’t walang dakong mararaanan ang hayop sa ilalim ko.

15 Nang magkagayo’y namaybay ako ng kinagabihan sa batis, at aking minasdan ang kuta; at ako’y bumalik, at pumasok sa pintuang-bayan ng libis, at sa gayo’y pumihit ako.

16 At hindi naalaman ng mga pinuno kung saan ako naparoon, o kung ano ang ginawa ko; ni hindi ko rin isinaysay sa mga Judio, ni sa mga saserdote man, ni sa mga mahal na tao man, ni sa mga pinuno man, ni sa nalabi man na gumagawa ng gawain.

17 Nang magkagayo’y sinabi ko sa kanila, Inyong nakikita ang masamang kalagayan na kinaroroonan natin, kung paanong ang Jerusalem ay guho at ang mga pintuang-bayan nito ay nasunog sa apoy: kayo’y parito, at ating itayo ang kuta ng Jerusalem, upang tayo’y huwag nang maging kadustaan.

18 At isinaysay ko sa kanila ang kamay ng aking Dios na naging mabuti sa akin, at gayon din ang mga salita ng hari na sinalita niya sa akin. At kanilang sinabi, Magbangon tayo at magtayo. Sa gayo’y kanilang pinalakas ang kanilang mga kamay sa mabuting gawa.

19 Nguni’t nang mabalitaan ni Sanballat na Horonita, at ni Tobias na lingkod, na Ammonita, at ni Gesem na taga Arabia, ay kanilang tinawanang mainam kami, at hinamak kami, at sinabi, Ano itong bagay na inyong ginagawa? manghihimagsik ba kayo laban sa hari?

20 Nang magkagayo’y sumagot ako sa kanila, at sinabi ko sa kanila, Ang Dios ng langit, siya ang magpapaginhawa sa amin: kaya’t kaming kaniyang mga lingkod ay magbabangon at magtatayo: nguni’t kayo’y walang bahagi, o matuwid man, o alaala man, sa Jerusalem.

Nehemias 3

1 Nang magkagayo’y si Eliasib na pangulong saserdote ay tumayo na kasama ng kaniyang mga kapatid na mga saserdote, at kanilang itinayo ang pintuang-bayan ng mga tupa; kanilang itinalaga, at inilagay ang mga pinto niyaon; hanggang sa moog ng Meah ay kanilang itinalaga, hanggang sa moog ng Hananeel.

2 At sumunod sa kaniya ay nagsipagtayo ang mga lalake ng Jerico. At sumunod sa kanila ay nagtayo si Zachur na anak ni Imri.

3 At ang pintuang-bayan ng mga isda ay itinayo ng mga anak ni Senaa; kanilang inilapat ang mga tahilan niyaon, at inilagay ang mga pinto niyaon, ang mga trangka niyaon, at ang mga halang niyaon.

4 At sumunod sa kanila ay hinusay ni Meremoth na anak ni Urias, na anak ni Cos. At sumunod sa kanila ay hinusay ni Mesullam, na anak ni Berechias, na anak ni Mesezabeel. At sumunod sa kanila ay hinusay ni Sadoc na anak ni Baana.

5 At sumunod sa kanila ay hinusay ng mga Tecoita; nguni’t hindi inilagay ng kanilang mga mahal na tao ang kanilang mga leeg sa gawain ng kanilang Panginoon.

6 At ang dating pintuang-bayan ay hinusay ni Joiada na anak ni Pasea at ni Mesullam na anak ni Besodias; kanilang inilapat ang mga tahilan niyaon, at inilagay ang mga pinto niyaon, at ang mga trangka niyaon, at ang mga halang niyaon.

7 At sumunod sa kanila ay hinusay ni Melatias na Gabaonita, at ni Jadon na Meronothita, ng mga lalaking taga Gabaon, at taga Mizpa, na ukol sa luklukan ng tagapamahala sa dako roon ng Ilog.

8 Sumunod sa kanila ay hinusay ni Uzziel na anak ni Harhaia, na platero. At sumunod sa kaniya ay hinusay ni Hananias na isa sa mga manggagawa ng pabango, at kanilang pinagtibay ang Jerusalem, hanggang sa maluwang na kuta.

9 At sumunod sa kanila ay hinusay ni Repaias na anak ni Hur, na pinuno ng kalahating distrito ng Jerusalem.

10 At sumunod sa kanila ay hinusay ni Jedaias na anak ni Harumaph, sa tapat ng kaniyang bahay. At sumunod sa kaniya ay hinusay ni Hattus na anak ni Hasbanias.

11 Ang ibang bahagi at ang moog ng mga hurno ay hinusay ni Malchias na anak ni Harim, at ni Hasub na anak ni Pahatmoab.

12 At sumunod sa kaniya ay hinusay ni Sallum na anak ni Lohes, na pinuno ng kalahating distrito ng Jerusalem, niya at ng kaniyang mga anak na babae.

13 Ang pintuang-bayan ng libis ay hinusay ni Hanun, at ng mga taga Zanoa; kanilang itinayo, at inilagay ang mga pinto niyaon, ang mga trangka niyaon, at ang mga halang niyaon, at isang libong siko sa kuta hanggang sa pintuang-bayan ng tapunan ng dumi.

14 At ang pintuang-bayan ng tapunan ng dumi ay hinusay ni Malchias na anak ni Rechab, na pinuno ng distrito ng Beth-haccerem; kaniyang itinayo, at inilagay ang mga pinto niyaon, ang mga trangka niyaon, at ang mga halang niyaon.

15 At ang pintuang-bayan ng bukal ay hinusay ni Sallum na anak ni Cholhoce, na pinuno ng distrito ng Mizpa, kaniyang itinayo, at tinakpan, at inilagay ang mga pinto niyaon, ang trangka niyaon, at ang mga halang niyaon, at ang pader ng tangke ng Selah sa tabi ng halamanan ng hari, hanggang sa mga baytang na paibaba mula sa bayan ni David.

16 Sumunod sa kaniya ay hinusay ni Nehemias na anak ni Azbuc, na pinuno ng kalahating distrito ng Beth-sur, hanggang sa dako ng tapat ng mga libingan ni David, at hanggang sa tangke na ginawa, at hanggang sa bahay ng mga makapangyarihang lalake.

17 Sumunod sa kaniya ay hinusay ng mga Levita, ni Rehum na anak ni Bani. Sumunod sa kaniya, ay hinusay ni Asabias, na pinuno ng kalahating distrito ng Ceila, na pinaka distrito niya.

18 Sumunod sa kaniya ay hinusay ng kanilang mga kapatid, ni Bavvai na anak ni Henadad, na pinuno ng kalahating distrito ng Ceila.

19 At sumunod sa kaniya ay hinusay ni Ezer na anak ni Jesua, na pinuno ng Mizpa, na ibang bahagi, sa tapat ng sampahan sa lagayan ng mga sandata sa pagliko ng kuta.

20 Sumunod sa kaniya ay hinusay na masikap ni Baruch na anak ni Zachai ang ibang bahagi, mula sa may pagliko ng kuta hanggang sa pintuan ng bahay ni Eliasib na pangulong saserdote.

21 Sumunod sa kaniya ay hinusay ni Meremoth, na anak ni Urias na anak ni Cos ang ibang bahagi mula sa pintuan ng bahay ni Eliasib hanggang sa hangganan ng bahay ni Eliasib.

22 At sumunod sa kaniya, ay hinusay ng mga saserdote, na mga lalake sa Kapatagan.

23 Sumunod sa kanila, ay hinusay ni Benjamin at ni Hasub sa tapat ng kanilang bahay. Sumunod sa kanila ay hinusay ni Azarias na anak ni Maasias na anak ni Ananias, sa siping ng kaniyang sariling bahay.

24 Sumunod sa kaniya ay hinusay ni Binnui na anak ni Henadad ang ibang bahagi, mula sa bahay ni Azarias hanggang sa pagliko ng kuta, at hanggang sa sulok.

25 Si Paal na anak ni Uzai ay naghusay ng tapat ng may pagliko ng kuta, at ng moog na lumalabas mula sa lalong mataas na bahay ng hari, na nasa tabi ng looban ng bantay. Sumunod sa kaniya’y si Pedaia na anak ni Pharos ang naghusay.

26 (Ang mga Nethineo nga ay nagsitahan sa Ophel, hanggang sa dako na nasa tapat ng pintuang-bayan ng tubig sa dakong silanganan, at ng moog na nakalabas.)

27 Sumunod sa kaniya ay hinusay ng mga Tecoita ang ibang bahagi, sa tapat ng malaking moog na nakalabas, at hanggang sa pader ng Ophel.

28 Sa itaas ng pintuang-bayan ng mga kabayo, mga saserdote ang naghusay na bawa’t isa’y sa tapat ng kaniyang sariling bahay.

29 Sumunod sa kanila ay hinusay ni Sadoc na anak ni Immer sa tapat ng kaniyang sariling bahay. At sumunod sa kaniya ay hinusay ni Semaias na anak ni Sechanias na tagatanod ng pintuang silanganan.

30 Sumunod sa kaniya ay hinusay ni Hananias na anak ni Selemias, at ni Anun na ikaanim na anak ni Salaph ang ibang bahagi. Sumunod sa kaniya ay hinusay ni Mesullam na anak ni Berechias sa tapat ng kaniyang silid.

31 Sumunod sa kaniya, ay hinusay ni Malchias na isa sa mga platero sa bahay ng mga Nethineo, at sa mga mangangalakal, sa tapat ng pintuang-bayan ng Hammiphcad, at sa sampahan sa sulok.

32 At sa pagitan ng sampahan sa sulok at ng pintuang-bayan ng mga tupa, ang naghusay ay ang mga platero at ang mga mangangalakal.

Nehemias 4

1 Nguni’t nangyari, na nang mabalitaan ni Sanballat na aming itinayo ang kuta, siya’y naginit, at nagalit na mainam, at tinuya ang mga Judio.

2 At siya’y nagsalita sa harap ng kaniyang mga kapatid, at ng hukbo ng Samaria, at nagsabi, Anong ginagawa nitong mahihinang Judio? magpapakatibay ba sila? mangaghahain ba sila? wawakasan ba nila sa isang araw? kanila bang bubuhayin ang mga bato mula sa mga bunton ng dumi, dangang nangasunog na ang mga yaon?

3 Si Tobias nga na Ammonita ay nasa tabi niya, at sinabi niya, Bagaman sila’y nangagtatayo, kung ang isang zorra ay sumampa, ibabagsak ang kanilang mga batong kuta.

4 Dinggin mo, Oh aming Dios: sapagka’t kami ay hinamak; at ibalik mo ang kanilang pagdusta sa kanilang sariling ulo, at ibigay mo sila sa pagkasamsam sa isang lupain sa pagkabihag:

5 At huwag mong ikubli ang kanilang kasamaan, at huwag mong pawiin ang kanilang kasalanan sa harap mo: sapagka’t kanilang minungkahi ka sa galit sa harap ng mga manggagawa.

6 Sa gayo’y aming itinayo ang kuta; at ang buong kuta ay nahusay hanggang sa kalahatian ng taas niyaon: sapagka’t ang bayan ay nagkaroon ng kaloobang gumawa.

7 Nguni’t nangyari, na nang mabalitaan ni Sanballat, at ni Tobias, at ng mga taga Arabia, at ng mga Ammonita, at ng mga Asdodita, na ipinatuloy ang paghuhusay ng mga kuta ng Jerusalem, at ang mga sira ay pinasimulang tinakpan, sila nga’y nangaginit na mainam;

8 At nagsipagbanta silang lahat na magkakasama upang magsiparoon, at magsilaban sa Jerusalem, at upang manggulo roon.

9 Nguni’t kami ay nagsidalangin sa aming Dios, at naglagay ng bantay laban sa kanila araw at gabi, dahil sa kanila.

10 At ang Juda ay nagsabi, Nawalan ng lakas ang mga tagadala ng mga pasan, at may maraming dumi; na anopa’t hindi kami makapagtayo ng kuta.

11 At sinabi ng aming mga kalaban: Sila’y hindi mangakakaalam, o mangakakakita man hanggang sa kami ay magsidating sa gitna nila, at patayin sila, at ipatigil ang gawain.

12 At nangyari, na nang magsidating ang mga Judio na nagsisitahan sa siping nila, sinabi nila sa aming makasangpu, mula sa lahat na dako: Kayo’y marapat magsibalik sa amin.

13 Kaya’t inilagay ko sa mga pinakamababang dako ng pagitan ng likuran ng kuta, sa mga luwal na dako, sa makatuwid baga’y aking inilagay ang bayan ayon sa kanilang mga angkan, pati ng kanilang mga tabak, ng kanilang mga sibat, at ng kanilang mga busog.

14 At ako’y tumingin, at tumayo, at nagsabi sa mga mahal na tao, at sa mga pinuno, at sa nalabi sa bayan: Huwag kayong mangatakot sa kanila: inyong alalahanin ang Panginoon, na dakila at kakilakilabot, at ipakipaglaban ninyo ang inyong mga kapatid, ang inyong mga anak na lalake at babae, ang inyong mga asawa at ang inyong mga bahay.

15 At nangyari, nang mabalitaan ng aming mga kaaway na naalaman namin, at iniuwi sa wala ng Dios ang kanilang payo, na kami na nagsibalik na lahat sa kuta, bawa’t isa’y sa kaniyang gawa.

16 At nangyari, mula nang panahong yaon, na kalahati sa aking mga lingkod ay nagsigawa sa gawain, at kalahati sa kanila ay nagsisihawak ng mga sibat, mga kalasag, at mga busog, at ng mga baluti; at ang mga pinuno ay nangasa likuran ng buong sangbahayan ng Juda.

17 Silang nangagtayo ng kuta, at silang nangagpapasan ng mga pasan ay nagsipagsakbat, bawa’t isa’y may isa ng kaniyang mga kamay na iginagawa sa gawain, at may isa na inihahawak ng kaniyang sakbat;

18 At ang mga manggagawa, bawa’t isa’y may kaniyang tabak na nakasabit sa kaniyang tagiliran, at gayon gumagawa. At ang nagpapatunog ng pakakak ay nasa siping ko.

19 At sinabi ko sa mga mahal na tao at sa mga pinuno, at sa nalabi sa bayan: Ang gawain ay malaki at malaon, at tayo’y nangagkakahiwalay sa kuta, isa’y malayo sa isa:

20 Sa anomang dako na inyong marinig ang tunog ng pakakak, ay makipisan kayo sa amin; ipakikipaglaban tayo ng ating Dios.

21 Ganito nagsigawa kami sa gawain: at kalahati sa kanila ay nagsisihawak ng mga sibat mula sa pagbubukang liwayway hanggang sa ang mga bituin ay magsilitaw.

22 Sinabi ko rin nang panahong yaon sa bayan: Magsitahan bawa’t isa sa Jerusalem, na kasama ng kanikaniyang lingkod upang sa gabi ay maging bantay sila sa atin, at makagawa sa araw.

23 Sa gayo’y maging ako, ni ang aking mga kapatid man, ni ang aking mga lingkod man, ni ang mga lalake mang bantay na nagsisisunod sa akin, ay walang naghubad sa amin ng aming mga suot, na bawa’t isa’y yumaon na may kaniyang sandata sa tubig.

Nehemias 5

1 Nang magkagayo’y umalingawngaw ang malakas na daing ng bayan at ng kanilang mga asawa laban sa kanilang mga kapatid na mga Judio,

2 Sapagka’t may nagsisipagsabi, Kami, ang aming mga anak na lalake at babae ay marami: tulutan kaming magsikuha ng trigo, upang aming makain at mabuhay kami.

3 May nagsisipagsabi naman: Aming isinasangla ang aming mga bukid at ang aming mga ubasan, at ang aming mga bahay: tulutan kaming magsikuha ng trigo, dahil sa kasalatan.

4 May nagsisipagsabi naman: Aming ipinangutang ng salapi ang buwis sa hari na hinihingi sa aming mga bukid at aming mga ubasan.

5 Gayon ma’y ang aming laman ngayon ay gaya ng laman ng aming mga kapatid, ang aming mga anak ay gaya ng kanilang mga anak: at, narito, aming dinadala sa pagkaalipin ang aming mga anak na lalake at babae upang maging mga alipin, at ang iba sa aming mga anak na babae ay nangadala sa pagkaalipin: wala man lamang kaming kapangyarihang makatulong; sapagka’t ibang mga tao ang nagtatangkilik ng aming bukid at ng aming mga ubasan.

6 At ako’y nagalit na mainam, nang aking marinig ang kanilang daing at ang mga salitang ito.

7 Nang magkagayo’y sumangguni ako sa aking sarili, at nakipagtalo ako sa mga mahal na tao at sa mga pinuno, at nagsabi sa kanila, Kayo’y nangagpapatubo, bawa’t isa sa kaniyang kapatid. At ako’y nagdaos ng malaking kapulungan laban sa kanila.

8 At sinabi ko sa kanila, Kami ayon sa aming kaya ay aming tinubos ang aming mga kapatid na mga Judio, na mga naipagbili sa mga bansa; at inyo ba ring ipagbibili ang inyong mga kapatid, at sila’y maipagbibili sa amin? Nang magkagayo’y nagsitahimik sila, at hindi nakasumpong kailan man ng salita.

9 Sinabi ko rin, Ang bagay na inyong ginagawa ay hindi mabuti: hindi ba kayo marapat magsilakad sa takot sa ating Dios, dahil sa pagdusta ng mga bansa, na ating mga kaaway?

10 At ako’y gayon din, ang aking mga kapatid at ang aking mga lingkod ay nangutang sa kanila ng salapi at trigo. Isinasamo ko sa inyo na ating iwan ang patubong ito.

11 Isinasamo ko sa inyo, na isauli ninyo sa kanila, sa araw ding ito, ang kanilang mga bukid, at ang kanilang mga ubasan, ang kanilang mga olibohan, at ang kanilang mga bahay, gayon din ang ikasangdaang bahagi ng salapi, at ng trigo, ng alak, at ng langis, na inyong hinihingi sa kanila.

12 Nang magkagayo’y sinabi nila, Aming isasauli, at wala kaming hihilingin sa kanila; gayon namin gagawin, gaya ng iyong sinasabi. Nang magkagayo’y tinawag ko ang mga saserdote at pinanumpa ko sila, na sila’y magsisigawa ng ayon sa pangakong ito.

13 Ipinagpag ko naman ang aking laylayan, at ako’y nagsabi, Ganito ipagpag ng Dios ang bawa’t tao mula sa kaniyang bahay, at mula sa kaniyang gawain, na hindi tumupad ng pangakong ito; sa makatuwid baga’y ganito ipagpag siya, at mahungkag. At ang buong kapisanan ay nagsabi, Siya nawa, at pumuri sa Panginoon. At ginawa ng bayan ayon sa pangakong ito.

14 Bukod dito’y mula sa panahon na ako’y mahalal na kanilang tagapamahala sa lupain ng Juda, mula sa ikadalawang pung taon hanggang sa ikatatlong pu’t dalawang taon ni Artajerjes na hari, sa makatuwid baga’y labing dalawang taon, ako at ang aking mga kapatid ay hindi nagsikain ng tinapay ng tagapamahala.

15 Nguni’t ang mga dating tagapamahala na una sa akin ay naging pasan sa bayan, at kumuha sa kanila ng tinapay at alak, bukod sa apat na pung siklong pilak; oo, pati ng kanilang mga lingkod ay nagpupuno sa bayan: nguni’t ang gayon ay hindi ko ginawa, dahil sa takot sa Dios.

16 Oo, ako nama’y nagpatuloy sa gawain ng kutang ito, ni hindi man lamang kami nagsibili ng anomang lupain: at ang lahat ng aking mga lingkod ay nagpipisan doon sa gawain.

17 Bukod dito’y nagkaroon sa dulang ko ng mga Judio at mga pinuno na isang daan at limang pung tao, bukod sa nagsiparoon sa amin na mula sa mga bansa na nasa palibot namin.

18 Ang inihahanda nga sa bawa’t araw ay isang baka at anim na piling tupa; mga ibon naman ay nahanda sa akin, at minsan sa sangpung araw ay sarisaring alak na masagana: gayon ma’y sa lahat ng ito ay hindi ako humingi ng tinapay sa tagapamahala, sapagka’t ang pagkaalipin ay mabigat sa bayang ito.

19 Alalahanin mo ako, Oh aking Dios, sa ikabubuti, lahat na aking ginawa dahil sa bayang ito.

Nehemias 6

1 Nangyari nga nang maibalita kay Sanballat at kay Tobias, at kay Gesem na taga Arabia, at sa nalabi sa aming mga kaaway, na aking naitayo na ang kuta, at wala nang sirang naiiwan doon; (bagaman hanggang sa panahong yaon ay hindi ko pa nailalagay ang mga pinto sa mga pintuang-bayan;)

2 Na si Sanballat at si Gesem ay nagsugo sa akin, na nagpapasabi, Ikaw ay parito, magkikita tayo sa isa ng mga nayon sa mga kapatagan ng Ono. Nguni’t pinagisipan nila akong gawan ng masama.

3 At ako’y nagsugo ng mga sugo sa kanila, na nangagsasabi, Ako’y gumagawa ng dakilang gawain, na anopa’t hindi ako makababa: bakit ititigil ang gawain, habang aking maiiwan, at binababa kayo?

4 At sila’y nangagsugo sa aking makaapat sa dahilang ito; at sinagot ko sila ng ayon sa gayon ding paraan.

5 Nang magkagayo’y sinugo ni Sanballat ang kaniyang lingkod sa akin ng gaya ng paraan ng ikalima na may bukas na sulat sa kaniyang kamay.

6 Na kinasusulatan: Naibalita sa mga bansa, at sinasabi ni Gasmu na ikaw at ang mga Judio ay nagaakalang manghimagsik; na siyang kadahilanan ng iyong pagtatayo ng kuta: at ikaw ay magiging kanilang hari ayon sa mga salitang ito.

7 At ikaw naman ay naghalal ng mga propeta upang magsipangaral tungkol sa iyo sa Jerusalem, na nangagsasabi, May isang hari sa Juda; at ngayo’y ibabalita sa hari ang ayon sa mga salitang ito. Parito ka nga ngayon, at magsanggunian tayo.

8 Nang magkagayo’y nagsugo ako sa kaniya, na aking sinasabi, Walang ganyang mga bagay na nagawa na gaya ng iyong sinasabi, kundi iyong mga pinagbubuhat sa iyong sariling puso.

9 Sapagka’t ibig nilang lahat na sidlan ng takot kami, na sinasabi, Ang kanilang mga kamay ay manganghihina sa gawain na anopa’t hindi mayayari. Nguni’t ngayon, Oh Dios, palakasin mo ang aking mga kamay.

10 At ako’y naparoon sa bahay ni Semaias na anak ni Delaias na anak ni Mehetabeel na nakulong; at kaniyang sinabi, Tayo’y magpupulong na magkakasama sa bahay ng Dios, sa loob ng templo, at ating isara ang mga pinto ng templo: sapagka’t sila’y magsisiparito upang patayin ka; oo, sa kinagabiha’y magsisiparito sila upang patayin ka.

11 At aking sinabi, Tatakas ba ang isang lalaking gaya ko? at sino kaya; na sa paraang gaya ko, ay paroroon sa templo upang iligtas ang kaniyang buhay? hindi ako papasok.

12 At nahalata ko, at, narito, hindi siya sinugo ng Dios; kundi kaniyang sinaysay ang hulang ito laban sa akin: at inupahan siya ni Tobias, at ni Sanballat.

13 Dahil sa bagay na ito inupahan siya, upang ako’y matakot, at gumawa ng gayon, at magkasala, at upang sila’y magkaroon ng dahilan sa isang masamang pinaka hiwatig, upang kanilang madusta ako.

14 Alalahanin mo, Oh aking Dios, si Tobias at si Sanballat ayon sa ganitong mga gawa nila, at gayon din ang propetisa na Noadias, at ang nalabi sa mga propeta, na ibig nilang sidlan ako ng katakutan.

15 Sa gayo’y natapos ang kuta sa ikadalawang pu’t limang araw ng buwan ng Elul, sa limang pu’t dalawang araw.

16 At nangyari, nang mabalitaan ng lahat naming mga kaaway, na ang lahat ng mga bansa na nangasa palibot namin ay nangatakot, at nangalumatang mainam: sapagka’t kanilang nahalata na ang gawang ito ay gawa ng aming Dios.

17 Bukod dito’y sa mga araw na yao’y ang mga mahal na tao sa Juda ay nangagpadala ng maraming sulat kay Tobias at ang mga sulat ni Tobias ay dumating sa kanila.

18 Sapagka’t marami sa Juda na nanganumpa sa kaniya, sapagka’t siya’y manugang ni Sechanias na anak ni Arah; at ang kaniyang anak na si Johanan ay nagasawa sa anak na babae ni Mesullam na anak ni Berechias.

19 Sila nama’y nangagsalita ng kaniyang mga mabuting gawa sa harap ko, at ibinalita ang aking mga salita sa kaniya. At si Tobias ay nagpadala ng mga sulat upang sidlan ako ng katakutan.

Nehemias 7

1 Nangyari nga nang ang kuta ay maitayo, at aking mailagay ang mga pinto, at ang mga tagatanod-pinto, at ang mga mangaawit, at ang mga Levita ay mangahalal.

2 Na aking ibinigay kay Hanani, na aking kapatid at kay Hananias na tagapamahala ng kuta, ang pamamahala sa Jerusalem: sapagka’t siya’y tapat na lalake at natatakot sa Dios na higit kay sa marami.

3 At aking sinabi sa kanila, Huwag buksan ang mga pintuang-bayan ng Jerusalem hanggang sa ang araw ay uminit; at samantalang sila’y nangagbabantay, isara nila ang mga pinto, at inyong mga itrangka: at kayo’y mangaghalal ng mga bantay sa mga taga Jerusalem, bawa’t isa’y sa kaniyang pagbabantay, at bawa’t isa’y sa tapat ng kaniyang bahay.

4 Ang bayan nga ay maluwang at malaki: nguni’t ang mga tao ay kakaunti roon, at ang mga bahay ay hindi naitatayo pa.

5 At inilagak ng aking Dios sa aking puso na pisanin ang mga mahal na tao, at ang mga pinuno, at ang bayan, upang mangabilang ayon sa talaan ng lahi. At aking nasumpungan ang aklat ng talaan ng lahi nila na nagsiahon noong una, at aking nasumpungang nakasulat doon:

6 Ang mga ito sa nangadala, ang mga anak ng lalawigan, na nagsiahon mula sa pagkabihag na dinala ni Nabucodonosor na hari sa Babilonia, at nagsibalik sa Jerusalem at sa Juda, na bawa’t isa’y sa kaniyang bayan;

7 Na siyang nagsisama kay Zorobabel, kay Jesua, kay Nehemias, kay Azarias, kay Raamias, kay Nahamani, kay Mardocheo, kay Bilsan, kay Misperet, kay Bigvai, kay Nehum, kay Baana. Ang bilang ng mga lalake ng Israel ay ito:

8 Ang mga anak ni Paros, dalawang libo’t isang daan at pitong pu’t dalawa.

9 Ang mga anak ni Sephatias, tatlong daan at pitong pu’t dalawa.

10 Ang mga anak ni Ara, anim na raan at limang pu’t dalawa.

11 Ang mga anak ni Pahath-moab, sa mga anak ni Jesua at ni Joab, dalawang libo’t walong daan at labing walo.

12 Ang mga anak ni Elam, isang libo’t dalawang daan at limang pu’t apat.

13 Ang mga anak ni Zattu, walong daan at apat na pu’t lima.

14 Ang mga anak ni Zachai, pitong daan at anim na pu.

15 Ang mga anak ni Binnui, anim na raan at apat na pu’t walo.

16 Ang mga anak ni Bebai, anim na raan at dalawang pu’t walo.

17 Ang mga anak ni Azgad, dalawang libo’t tatlong daan at dalawang pu’t dalawa.

18 Ang mga anak ni Adonicam, anim na raan at anim na pu’t pito.

19 Ang mga anak ni Bigvai, dalawang libo’t anim na pu’t pito.

20 Ang mga anak ni Addin, anim na raan at limang pu’t lima.

21 Ang mga anak ni Ater, ni Ezechias, siyam na pu’t walo.

22 Ang mga anak ni Hasum, tatlong daan at dalawang pu’t walo.

23 Ang mga anak ni Besai, tatlong daan at dalawang pu’t apat.

24 Ang mga anak ni Hariph, isang daan at labing dalawa.

25 Ang mga anak ni Gabaon, siyam na pu’t lima.

26 Ang mga lalake ng Bethlehem, at ng Netopha, isang daan at walong pu’t walo.

27 Ang mga lalake ng Anathoth, isang daan at dalawang pu’t walo.

28 Ang mga lalake ng Beth-azmaveth, apat na pu’t dalawa.

29 Ang mga lalake ng Chiriathjearim, ng Chephra, at ng Beeroth, pitong daan at apat na pu’t tatlo.

30 Ang mga lalake ng Rama, at ng Gebaa, anim na raan at dalawang pu’t isa.

31 Ang mga lalake ng Michmas, isang daan at dalawang pu’t dalawa.

32 Ang mga lalake ng Beth-el at ng Ai isang daan at dalawang pu’t tatlo.

33 Ang mga lalake ng isang Nebo, limang pu’t dalawa.

34 Ang mga anak ng isang Elam, isang libo’t dalawang daan at limang pu’t apat.

35 Ang mga anak ni Harim, tatlong daan at dalawang pu.

36 Ang mga anak ni Jerico, tatlong daan at apat na pu’t lima.

37 Ang mga anak ni Lod, ni Hadid, at ni Ono, pitong daan at dalawang pu’t isa.

38 Ang mga anak ni Senaa, tatlong libo at siyam na raan at tatlong pu.

39 Ang mga saserdote: ang mga anak ni Jedaias sa sangbahayan ni Jesua, siyam na raan at pitong pu’t tatlo.

40 Ang mga anak ni Immer, isang libo’t limang pu’t dalawa.

41 Ang mga anak ni Pashur, isang libo’t dalawang daan at apat na pu’t pito.

42 Ang mga anak ni Harim, isang libo’t labing pito.

43 Ang mga Levita: ang mga anak ni Jesua, ni Cadmiel, sa mga anak ni Odevia, pitong pu’t apat.

44 Ang mga mangaawit: ang mga anak ni Asaph isang daan at apat na pu’t walo.

45 Ang mga tagatanod-pinto: ang mga anak ni Sallum, ang mga anak ni Ater, ang mga anak ni Talmon, ang mga anak ni Accub, ang mga anak ni Hatita, ang mga anak ni Sobai, isang daan at tatlong pu’t walo.

46 Ang mga Nethineo: ang mga anak ni Siha, ang mga anak ni Hasupha, ang mga anak ni Thabaoth;

47 Ang mga anak ni Ceros, ang mga anak ni Siaa, ang mga anak ni Phadon:

48 Ang mga anak ni Lebana, ang mga anak ni Hagaba, ang mga anak ni Salmai;

49 Ang mga anak ni Hanan, ang mga anak ni Giddel, ang mga anak ni Gahar;

50 Ang mga anak ni Rehaia, ang mga anak ni Resin, ang mga anak ni Necoda;

51 Ang mga anak ni Gazzam, ang mga anak ni Uzza, ang mga anak ni Phasea;

52 Ang mga anak ni Besai, ang mga anak ni Meunim, ang mga anak ni Nephisesim;

53 Ang mga anak ni Bacbuc, ang mga anak ni Hacupha, ang mga anak ni Harhur;

54 Ang mga anak ni Baslit, ang mga anak ni Mehida, ang mga anak ni Harsa;

55 Ang mga anak ni Barcos, ang mga anak ni Sisera, ang mga anak ni Tema;

56 Ang mga anak ni Nesia, ang mga anak ni Hatipha.

57 Ang mga anak ng mga lingkod ni Salomon; ang mga anak ni Sotai, ang mga anak ni Sophereth, ang mga anak ni Perida;

58 Ang mga anak ni Jahala, ang mga anak ni Darcon, ang mga anak ni Giddel;

59 Ang mga anak ni Sephatias, ang mga anak ni Hattil, ang mga anak ni Pochereth-hassebaim, ang mga anak ni Amon.

60 Lahat ng Nethineo, at ang mga anak ng mga lingkod ni Salomon, ay tatlong daan at siyam na pu’t dalawa.

61 At ang mga ito ang nagsiahon mula sa Telmelah, Telharsa, Cherub, Addon, at Immer: nguni’t hindi nila naipakilala ang mga sangbahayan ng kanilang mga magulang, o ang kanilang binhi man kung mga taga Israel:

62 Ang mga anak ni Delaia, ang mga anak ni Tobias, ang mga anak ni Necoda, anim na raan at apat na pu’t dalawa.

63 At sa mga saserdote: ang mga anak ni Hobaias, ang mga anak ni Cos, ang mga anak ni Barzillai, na nagasawa sa anak ni Barzillai, na Galaadita, at tinawag ayon sa kanilang pangalan.

64 Ang mga ito ay nagsihanap ng kanilang talaan ng lahi sa mga yaon na nangabilang sa pamamagitan ng talaan ng lahi, nguni’t hindi nasumpungan: kaya’t sila’y nangabilang na hawa, at nangaalis sa pagkasaserdote.

65 At ang tagapamahala ay nagsabi sa kanila na sila’y huwag magsikain ng mga kabanalbanalang bagay, hangang sa tumayo ang isang saserdote na may Urim at may Thummim.

66 Ang buong kapisanang magkakasama ay apat na pu’t dalawang libo at tatlong daan at anim na pu.

67 Bukod sa kanilang mga bataang lalake at babae, na may pitong libo at tatlong daan at tatlong pu’t pito: at sila’y may dalawang daan at apat na pu’t lima na mangaawit na lalake at babae.

68 Ang kanilang mga kabayo ay pitong daan at tatlong pu’t anim; ang kanilang mga mula, dalawang daan at apat na pu’t lima;

69 Ang kanilang mga kamelyo, apat na raan at tatlong pu’t lima; ang kanilang mga asno, anim na libo’t pitong daan at dalawang pu.

70 At ang mga iba sa mga pangulo ng mga sangbahayan ng mga magulang ay nangagbigay sa gawain. Ang tagapamahala ay nagbigay sa ingatang-yaman ng isang libong darikong ginto, limangpung mangkok, limang daan at tatlong pung bihisan ng mga saserdote.

71 At ang iba sa mga pangulo ng mga sangbahayan ng mga magulang ay nangagbigay sa ingatang-yaman ng gawain ng dalawang pung libong darikong ginto, at dalawang libo at dalawang daang librang pilak.

72 At ang nangalabi sa bayan ay nangagbigay ng dalawang pung libong darikong ginto, at dalawang libong librang pilak, at anim na pu’t pitong bihisan ng mga saserdote.

73 Sa gayo’y ang mga saserdote, at ang mga Levita, at ang mga tagatanod-pinto, at ang mga mangaawit, at ang iba sa bayan, at ang mga Nethineo, at ang buong Israel, ay nagsitahan sa kanilang mga bayan. At nang dumating ang ikapitong buwan ang mga anak ni Israel ay nangasa kanilang mga bayan.