Ezra 5

1 Ang mga propeta nga, si Haggeo na propeta, at si Zacharias na anak ni Iddo, ay nanghula sa mga Judio na nasa Juda at Jerusalem; sa pangalan ng Dios ng Israel ay nagsipanghula sila sa kanila;

2 Nang magkagayo’y bumangon si Zorobabel na anak ni Sealthiel, at si Jesua na anak ni Josadach, at pinasimulang itinayo ang bahay ng Dios na nasa Jerusalem; at kasama nila ang mga propeta ng Dios, na nagsisitulong sa kanila.

3 Nang panahon ding yaon ay naparoon sa kanila si Tatnai, na tagapamahala sa dako roon ng Ilog, at si Sethar-boznai, at ang kanilang mga kasama, at nagsabi ng ganito sa kanila: Sino ang nagbigay sa inyo ng pasiya upang itayo ang bahay na ito, at yariin ang kutang ito?

4 Nang magkagayo’y nangagsalita kami sa kanila ng ganitong paraan: Ano-ano ang mga pangalan ng mga tao na nagsigawa ng bahay na ito?

5 Nguni’t ang mata ng kanilang Dios ay nakatingin sa mga matanda ng mga Judio, at hindi nila pinatigil, hanggang sa ang bagay ay dumating kay Dario, at nang magkagayo’y ang sagot ay nabalik sa pamamagitan ng sulat tungkol doon.

6 Ang salin ng sulat na ipinadala ni Tatnai, na tagapamahala sa dako roon ng Ilog at ni Sethar-boznai, at ng kaniyang mga kasama na mga Apharsachita, na nangasa dako roon ng Ilog, kay Dario na hari:

7 Sila’y nangagpadala ng isang sulat sa kaniya, na kinasusulatan ng ganito: Kay Dario na hari, buong kapayapaan.

8 Talastasin ng hari, na kami ay nagsiparoon sa lalawigan ng Juda, sa bahay ng dakilang Dios, na natayo ng mga malaking bato, at mga kahoy ay nalapat sa mga kuta; at ang gawaing ito ay pinagsisikapan at nayayari sa kanilang mga kamay.

9 Nang magkagayo’y tumanong kami sa mga matandang yaon, at nagsabi sa kanila ng ganito: Sino ang nagbigay sa inyo ng pasiya upang itayo ang bahay na ito at upang yariin ang kutang ito?

10 Aming itinanong naman sa kanila ang kanilang mga pangalan, na patotohanan sa iyo, upang aming maisulat ang mga pangalan ng mga tao na nangungulo sa kanila.

11 At ganito sila nangagbalik ng sagot sa amin, na nangagsasabi, Kami ay mga lingkod ng Dios ng langit at lupa, at nangagtatayo ng bahay na natayo nitong malaong panahon, na itinayo at niyari ng isang dakilang hari sa Israel.

12 Nguni’t pagkamungkahi sa pagiinit sa Dios ng langit ng aming mga magulang, ibinigay niya sila sa kamay ni Nabucodonosor na hari sa Babilonia, na Caldeo, na siyang gumiba ng bahay na ito, at dinala ang bayan sa Babilonia.

13 Nguni’t sa unang taon ni Ciro na hari sa Babilonia, gumawa ng pasiya si Ciro na hari na itayo ang bahay na ito ng Dios,

14 At ang ginto at pilak na mga sisidlan rin naman sa bahay ng Dios na inilabas ni Nabucodonosor sa templo na nasa Jerusalem, at nangadala sa loob ng templo ng Babilonia, ang mga yaon ay inilabas sa templo ng Babilonia ni Ciro na hari, at ibinigay sa isang nagngangalang Sesbassar, na siya niyang ginawang tagapamahala,

15 At sinabi niya sa kaniya, Kunin mo ang mga sisidlang ito, ikaw ay yumaon, ipagpasok mo sa templo na nasa Jerusalem, at ipahintulot mo na matayo ang bahay ng Dios sa kaniyang dako.

16 Nang magkagayo’y naparoon ang Sesbassar na yaon, at inilagay ang mga tatagang-baon ng bahay ng Dios na nasa Jerusalem: at mula sa panahong yaon hanggang ngayon ay itinatayo, at hindi pa yari.

17 Ngayon nga, kung inaakalang mabuti ng hari, magsagawa ng pagsaliksik sa bahay na ingatang-yaman ng hari, na nandiyan sa Babilonia, kung gayon nga, na nagpasiya si Ciro na hari na itayo ang bahay na ito ng Dios sa Jerusalem, at ipasabi sa amin ng hari ang kaniyang kalooban tungkol sa bagay na ito.

Ezra 6

1 Nang magkagayo’y si Dario, na hari ay gumawa ng pasiya, at ang pagsaliksik ay isinagawa sa bahay ng mga aklat, na kinalalagyan ng mga kayamanan sa Babilonia.

2 At nasumpungan sa Achmetta, sa bahay-hari na nasa lalawigan ng Media, ang isang ikid, at doo’y nasusulat ang ganito na pinakaalaala.

3 Nang unang taon ni Ciro na hari, si Ciro na hari ay gumawa ng pasiya: Tungkol sa bahay ng Dios sa Jerusalem, ipahintulot na matayo ang bahay, ang dako na kanilang pinaghahandugan ng mga hain, at ipahintulot na malagay na matibay ang mga tatagang-baon; ang taas niyao’y anim na pung siko, at ang luwang niyao’y anim na pung siko,

4 Na may tatlong hanay na mga malaking bato, at isang hanay ng bagong kahoy: at ang magugugol ay ibigay na mula sa bahay ng hari:

5 At ang ginto at pilak na mga sisidlan din naman ng bahay ng Dios na inilabas ni Nabucodonosor sa templo na nasa Jerusalem, at nangadala sa Babilonia, masauli, at ipasok uli sa templo na nasa Jerusalem, bawa’t isa’y sa kanikaniyang dako, at iyong ipaglalagay sa bahay ng Dios.

6 Ngayon nga, Tatnai, na tagapamahala sa dako roon ng Ilog, Setharboznai, at ang inyong mga kasama na mga Apharsachita, na nasa dako roon ng Ilog, magsilayo kayo mula riyan:

7 Pabayaan ninyo ang gawain sa bahay na ito ng Dios; ipahintulot ninyo na itayo ng tagapamahala ng mga Judio at ng mga matanda ng mga Judio ang bahay na ito ng Dios sa kaniyang dako.

8 Bukod dito’y gumagawa ako ng pasiya kung ano ang inyong gagawin sa mga matandang ito ng mga Judio sa pagtatayo ng bahay na ito ng Dios: na sa mga pag-aari ng hari, sa makatuwid baga’y sa buwis sa dako roon ng Ilog, ang mga magugugol ay ibigay ng buong sikap sa mga taong ito upang huwag mangagluwat.

9 At ang kanilang kakailanganin, mga guyang toro, at gayon din ang mga tupa, at mga kordero, na ukol sa mga handog na susunugin para sa Dios ng langit; trigo, asin, alak, at langis, ayon sa salita ng mga saserdote na nangasa Jerusalem, ibigay sa kanila araw-araw na walang pagsala.

10 Upang sila’y makapaghandog ng mga hain na pinaka masarap na amoy sa Dios ng langit, at idalangin ang buhay ng hari at ng kaniyang mga anak.

11 Ako nama’y gumawa ng pasiya, na sinomang bumago ng salitang ito, hugutan ng isang sikang ang kaniyang bahay at itaas siya, at mabitin doon; at ang kaniyang bahay ay maging tipunan ng dumi dahil dito:

12 At lipulin ng Dios na nagpatahan ng kaniyang pangalan doon ang lahat ng mga hari at mga bayan, na maguunat ng kanilang kamay na baguhin, upang gibain ang bahay na ito ng Dios na nasa Jerusalem. Akong si Dario ang gumawa ng pasiya: isagawa ng buong sikap.

13 Nang magkagayo’y si Tatnai na tagapamahala sa dako roon ng Ilog, si Sethar-boznai, at ang kanilang mga kasama, dahil sa iniutos ni Dario na hari, ay gumawa ng buong sikap.

14 At ang mga matanda ng mga Judio ay nangagtayo at nangapasulong, ayon sa hula ni Haggeo na propeta at ni Zacarias na anak ni Iddo. At kanilang itinayo at niyari, ayon sa utos ng Dios ng Israel, at ayon sa pasiya ni Ciro at ni Dario, at ni Artajerjes na hari sa Persia.

15 At ang bahay na ito ay nayari nang ikatlong araw ng buwan ng Adar, nang ikaanim na taon ng paghahari ni Dario na hari.

16 At ang mga anak ni Israel, ang mga saserdote, at ang mga Levita, at ang mga nalabi sa mga anak sa pagkabihag, ay nangagdiwang ng pagtatalaga ng bahay na ito ng Dios na may kagalakan.

17 At sila’y nangaghandog sa pagtatalaga ng bahay na ito ng Dios ng isang daang baka, dalawang daang lalaking tupa, apat na raang kordero; at ang pinakahandog dahil sa kasalanan na ukol sa buong Israel, ay labing dalawang lalaking kambing, ayon sa bilang ng mga lipi ng Israel.

18 At kanilang inilagay ang mga saserdote sa kanilang mga bahagi, at ang mga Levita sa kanilang mga paghahalihalili, sa paglilingkod sa Dios na nasa Jerusalem; gaya ng nasusulat sa aklat ni Moises.

19 At ang mga anak sa pagkabihag ay nangagdiwang ng pascua nang ikalabing apat ng unang buwan.

20 Sapagka’t ang mga saserdote at ang mga Levita ay nangagpakalinis na magkakasama; silang lahat ay malilinis: at kanilang pinatay ang kordero ng paskua na ukol sa lahat ng mga anak sa pagkabihag, at sa kanilang mga kapatid na mga saserdote, at sa kanilang sarili.

21 At ang mga anak ni Israel, na nangagbalik uli na mula sa pagkabihag, at yaong lahat na sa kanila’y nagsihiwalay sa karumihan ng mga bansa ng lupain, upang hanapin ang Panginoon, ang Dios ng Israel, ay nagsikain.

22 At nangagdiwang ng kapistahan ng tinapay na walang lebadura na pitong araw na may kagalakan: sapagka’t pinapagkatuwa sila ng Panginoon at nanumbalik ang puso ng hari sa Asiria sa kanila, upang palakasin ang kanilang mga kamay sa gawain sa bahay ng Dios, ng Dios ng Israel.

Ezra 7

1 Pagkatapos nga ng mga bagay na ito, sa paghahari ni Artajerjes na hari sa Persia, si Ezra na anak ni Seraias, na anak ni Azarias, na anak ni Hilcias,

2 Na anak ni Sallum, na anak ni Sadoc, na anak ni Achitob,

3 Na anak ni Amarias, na anak ni Azarias, na anak ni Meraioth,

4 Na anak ni Zeraias, na anak ni Uzzi, na anak ni Bucci,

5 Na anak ni Abisue, na anak ni Phinees, na anak ni Eleazar, na anak ni Aaron, na pangulong saserdote:

6 Ang Ezra na ito ay yumaon mula sa Babilonia. At siya’y kalihim na bihasa sa kautusan ni Moises, na ibinigay ng Panginoon, ng Dios ng Israel: at tinulutan siya ng hari sa lahat niyang kahilingan, ayon sa kamay ng Panginoon niyang Dios na sumasa kaniya.

7 At nakiahon sa Jerusalem ang ilan sa mga anak ni Israel, at sa mga saserdote, at sa mga Levita, at sa mga mangaawit, at sa mga tagatanod-pinto, at sa mga Nethineo, sa ikapitong taon ni Artajerjes na hari.

8 At siya’y naparoon sa Jerusalem sa ikalimang buwan, na sa ikapitong taon ng hari.

9 Sapagka’t sa unang araw ng unang buwan ay nagpasimula siyang umahon mula sa Babilonia, at sa unang araw ng ikalimang buwan ay dumating siya sa Jerusalem, ayon sa mabuting kamay ng kaniyang Dios na sumasa kaniya.

10 Sapagka’t inilagak ni Ezra ang kaniyang puso na hanapin ang kautusan ng Panginoon, at upang gawin, at upang magturo sa Israel ng mga palatuntunan at mga kahatulan.

11 Ito nga ang salin ng sulat na ibinigay ng haring Artajerjes kay Ezra na saserdote, na kalihim, na kalihim sa mga salita ng mga utos ng Panginoon, at ng kaniyang mga palatuntunan sa Israel.

12 Si Artajerjes, na hari ng mga hari, kay Ezra na saserdote, na kalihim sa kautusan ng Dios ng langit, na sakdal at iba pa.

13 Ako’y gumagawa ng pasiya, na silang lahat na sa bayan ng Israel, at ang kanilang mga saserdote at ang mga Levita, sa aking kaharian, na nagakala ng kanilang sariling kusang kalooban na nagsiparoon sa Jerusalem, ay magsisama sa iyo.

14 Yamang ikaw ay sinugo sa ganang hari at ng kaniyang pitong kasangguni, upang magusisa tungkol sa Juda at Jerusalem, ayon sa kautusan ng iyong Dios na nasa iyong kamay;

15 At dalhin ang pilak at ginto na inihandog na kusa ng hari at ng kaniyang mga kasangguni sa Dios ng Israel, na ang tahanan ay nasa Jerusalem.

16 At ang lahat na pilak at ginto na iyong masusumpungan sa buong lalawigan ng Babilonia, pati ng kusang handog ng bayan, at ng mga saserdote, na mga naghahandog na kusa sa bahay ng kanilang Dios na nasa Jerusalem;

17 Kaya’t ibibili mo ng buong sikap ang salaping ito ng mga toro, mga lalaking tupa, mga kordero, pati ng mga handog na harina at ng mga handog na inumin ng mga yaon, at iyong ihahandog sa ibabaw ng dambana ng bahay ng inyong Dios na nasa Jerusalem.

18 At anomang akalain mong mabuti at ng iyong mga kapatid na gawin sa labis sa pilak at ginto, gawin ninyo ayon sa kalooban ng inyong Dios.

19 At ang mga sisidlang nabigay sa iyo na ukol sa paglilingkod sa bahay ng iyong Dios, ibigay mo sa harap ng Dios sa Jerusalem.

20 At anomang kakailanganin pa sa bahay ng iyong Dios, na ipagkakailangan mong ibigay, ibigay mo na mula sa bahay ng kayamanan ng hari.

21 At ako, akong si Artajerjes na hari, nagpasiya sa lahat na mga tagaingat-yaman na nasa dako roon ng Ilog, na anomang hingin sa inyo ni Ezra na saserdote, na kalihim sa kautusan ng Dios ng langit, ibigay ng buong sikap,

22 Hanggang isang daang talentong pilak, at hanggang isang daang takal ng trigo, at isang daang bath ng alak at isang daang bath ng langis, at asin na walang tasa.

23 Anomang iniutos ng Dios ng langit, gawing lubos sa bahay ng Dios ng langit; sapagka’t bakit magkakaroon ng poot ng Dios laban sa kaharian ng hari at ng kaniyang mga anak?

24 Pinatototohanan din naman namin sa inyo, na tungkol sa sinoman sa mga saserdote at mga Levita, mga mangaawit, mga tagatanod-pinto, mga Nethineo, o mga lingkod sa bahay na ito ng Dios, ay hindi marapat na lapatan sila ng buwis, kabayaran, o upa.

25 At ikaw, Ezra, ayon sa karunungan ng iyong Dios na nasa iyong kamay, maghalal ka ng mga magistrado, at mga hukom, na makakahatol sa buong bayan na nasa dako roon ng Ilog, niyaong lahat na nakatatalos ng mga kautusan ng iyong Dios; at turuan ninyo yaong hindi nakakaalam.

26 At sinomang hindi tumupad ng kautusan ng iyong Dios, at ng kautusan ng hari, gawin sa kaniya ang kahatulan ng buong sikap, maging sa kamatayan, o sa pagtatapon o sa pagsamsam ng mga pag-aari, o sa pagkabilanggo.

27 Purihin ang Panginoon, ang Dios ng ating mga magulang, na naglagak ng ganyang mga bagay na gaya nito sa puso ng hari, na pagandahin ang bahay ng Panginoon na nasa Jerusalem:

28 At nagdulot sa akin ng kahabagan sa harap ng hari, at ng kaniyang mga kasangguni, at sa harap ng lahat na may kayang prinsipe ng hari. At ako’y tumibay ayon sa kamay ng Panginoon kong Dios na sumasa akin, at ako’y nagpisan mula sa Israel ng mga pangulong lalake upang magsiahong kasama ko.

Ezra 8

1 Ito nga ang mga pangulo ng mga sangbahayan ng kanilang mga magulang, at ito ang talaan ng lahi nila na nagsiahong kasama ko mula sa Babilonia, sa paghahari ni Artajerjes na hari.

2 Sa mga anak ni Phinees, si Gerson; sa mga anak ni Ithamar, si Daniel; sa mga anak ni David, si Hattus.

3 Sa mga anak ni Sechanias: sa mga anak ni Pharos, si Zacarias; at kasama niya na nabilang ayon sa talaan ng lahi ang mga lalake na isang daan at limang pu.

4 Sa mga anak ni Pahath-moab, si Eliehoenai na anak ni Zarahias, at kasama niya’y dalawang daang lalake.

5 Sa mga anak ni Sechanias, ang anak ni Jahaziel; at kasama niya’y tatlong daang lalake.

6 At sa mga anak ni Adin, si Ebed na anak ni Jonathan; at kasama niya ay limang pung lalake.

7 At sa mga anak ni Elam, si Isaia na anak ni Athalias, at kasama niya’y pitong pung lalake.

8 At sa mga anak ni Sephatias, si Zebadias na anak ni Michael; at kasama niya’y walong pung lalake.

9 Sa mga anak ni Joab, si Obadias na anak ni Jehiel; at kasama niya’y dalawang daan at labing walong lalake.

10 At sa mga anak ni Solomit, ang anak ni Josiphias; at kasama niya’y isang daan at anim na pung lalake.

11 At sa mga anak ni Bebai, si Zacarias na anak ni Bebai; at kasama niya ay dalawang pu’t walong lalake.

12 At sa mga anak ni Azgad, si Johanan na anak ni Catan; at kasama niya ay isang daan at sangpung lalake.

13 At sa mga anak ni Adonicam, na siyang mga huli: at ang mga ito ang kanilang mga pangalan: Eliphelet, Jeiel, at Semaias, at kasama nila ay anim na pung lalake.

14 At sa mga anak ni Bigvai, si Utai at si Zabud: at kasama nila ay pitong pung lalake.

15 At pinisan ko sila sa ilog na umaagos patungo sa Ahava; at doo’y nangagpahinga kaming tatlong araw; at aking minasdan ang bayan at ang mga saserdote, at walang nasumpungan doon sa mga anak ni Levi.

16 Nang magkagayo’y ipinasundo ko si Eliezer, si Ariel, si Semaias, at si Elnathan, at si Jarib, at si Elnathan, at si Nathan, at si Zacarias, at si Mesullam, na mga pangulong lalake; gayon din si Joiarib, at si Elnathan, na mga tagapagturo.

17 At aking sinugo sila kay Iddo na pangulo sa dako ng Casipia; at aking sinaysay sa kanila kung ano ang kanilang nararapat sabihin kay Iddo, at sa kaniyang mga kapatid na mga Nethineo, sa dako ng Casipia, upang sila’y mangagdala sa atin ng mga tagapangasiwa sa bahay ng ating Dios.

18 At ayon sa mabuting kamay ng ating Dios na sumasa atin ay nagdala sila sa atin ng isang lalake na matalino, sa mga anak ni Mahali, na anak ni Levi, na anak ni Israel; at si Serebias, pati ng kaniyang mga anak na lalake at mga kapatid, labing walo:

19 At si Hasabias, at kasama niya’y si Isaia sa mga anak ni Merari, ang kaniyang mga kapatid at kaniyang mga anak na lalake, dalawang pu;

20 At sa mga Nethineo, na ibinigay ni David at ng mga pangulo sa paglilingkod sa mga Levita, dalawang daan at dalawang pung Nethineo; silang lahat ay nasasaysay ayon sa pangalan.

21 Nang magkagayo’y nagtanyag ako ng ayuno doon, sa ilog ng Ahava, upang tayo’y magpakababa sa harap ng ating Dios, upang humanap sa kaniya ng matuwid na daan, sa ganang atin, at sa ating mga bata, at sa lahat ng ating pag-aari.

22 Sapagka’t ako’y nahiyang humingi sa hari ng pulutong ng mga sundalo, at ng mga mangangabayo upang tulungan tayo laban sa mga kaaway sa daan: sapagka’t aming sinalita sa hari, na sinasabi, Ang kamay ng ating Dios ay sumasa kanilang lahat na humahanap sa kaniya, sa ikabubuti; nguni’t ang kaniyang kapangyarihan at ang pagiinit ay laban sa kanilang lahat na nagpapabaya sa kaniya.

23 Sa gayo’y nangagayuno tayo at nagsidalangin sa ating Dios dahil dito: at dininig niya tayo.

24 Nang magkagayo’y inihiwalay ko ang labing dalawa sa mga puno ng mga saserdote, sa makatuwid baga’y si Serebias, si Hasabias, at sangpu sa kanilang mga kapatid na kasama nila.

25 At tinimbang sa kanila ang pilak, at ang ginto, at ang mga sisidlan, sa makatuwid baga’y ang handog sa bahay ng ating Dios, na pinaghandugan ng hari, at ng kaniyang mga kasangguni, at ng kaniyang mga prinsipe, at ng buong Israel na nakaharap doon:

26 Akin ngang tinimbang sa kanilang kamay ay anim na raan at limang pung talentong pilak, at mga pilak na sisidlan ay isang daang talento: sa ginto ay isang daang talento;

27 At dalawang pung mangkok na ginto, na may isang libong dariko; at dalawang sisidlan na pinong makinang na tanso, na halagang gaya ng ginto.

28 At sinabi ko sa kanila, Kayo’y banal sa Panginoon, at ang mga sisidlan ay natatalaga; at ang pilak at ang ginto ay kusang handog sa Panginoon, na Dios ng inyong mga magulang.

29 Magsipagbantay kayo, at ingatan ninyo, hanggang sa inyong matimbang sa harap ng mga puno ng mga saserdote, at ng mga Levita, at ng mga prinsipe ng mga sangbahayan ng mga magulang ng Israel, sa Jerusalem, sa mga silid ng bahay ng Panginoon.

30 Sa gayo’y tinanggap ng mga saserdote at ng mga Levita ang timbang ng pilak at ginto, at ng mga sisidlan, upang dalhin sa Jerusalem, sa bahay ng ating Dios.

31 Nang magkagayo’y nagsiyaon tayo mula sa ilog ng Ahava, nang ikalabing dalawang araw ng unang buwan, upang pumaroon sa Jerusalem: at ang kamay ng ating Dios ay sumaatin, at iniligtas niya tayo sa kamay ng kaaway at sa bumabakay sa daan.

32 At tayo ay nagsidating sa Jerusalem, at nagsitahan doon na tatlong araw.

33 At nang ikaapat na araw, ang pilak at ang ginto at ang mga sisidlan ay natimbang sa bahay ng ating Dios sa kamay ni Meremoth na anak ni Urias na saserdote (at kasama niya si Eleazar na anak ni Phinees; at kasama nila si Jozabad na anak ni Jesua, at si Noadias na anak ni Binnui, na mga Levita)

34 Ang kabuoan sa pamamagitan ng bilang, at ng timbang: at ang buong timbang ay nasulat nang panahong yaon.

35 Ang mga anak sa pagkabihag, na nagsipanggaling sa pagkatapon, ay nangaghandog ng mga handog na susunugin sa Dios ng Israel, labing dalawang toro sa ganang buong Israel, siyam na pu’t anim na lalaking tupa, pitong pu’t pitong kordero, labing dalawang kambing na lalake na pinakahandog dahil sa kasalanan: lahat ng ito’y handog na susunugin sa Panginoon.

36 At kanilang ibinigay ang mga bilin ng hari sa mga satrapa ng hari, at sa mga tagapamahala sa dako roon ng Ilog: at kanilang pinasulong ang bayan at ang bahay ng Dios.

Ezra 9

1 Nang magawa nga ang mga bagay na ito, ang mga prinsipe ay nagsilapit sa akin, na nangagsasabi: Ang bayan ng Israel, at ang mga saserdote, at ang mga Levita, ay hindi nagsihiwalay sa mga bayan ng mga lupain, na nagsisigawa ng ayon sa kanilang mga karumaldumal, sa makatuwid baga’y ang mga Cananeo, ang mga Hetheo, ang mga Pherezeo, ang mga Jebuseo, ang mga Ammonita, ang mga Moabita, ang mga taga Egipto, at ang mga Amorrheo.

2 Sapagka’t kinuha nila ang kanilang mga anak na babae sa ganang kanilang sarili, at sa kanilang mga anak na lalake, na anopa’t ang banal na binhi ay nahalo nga sa bayan ng mga lupain: oo, ang kamay ng mga prinsipe at ng mga pinuno ay naging puno sa pagsalangsang na ito.

3 At nang mabalitaan ko ang bagay na ito, aking hinapak ang aking suot at ang aking balabal, at binaltak ko ang buhok ng aking ulo at ng aking baba, at ako’y naupong natitigilan.

4 Nang magkagayo’y nagpipisan sa akin ang lahat na nanginginig sa mga salita ng Dios ng Israel, dahil sa pagsalangsang nila na sa pagkabihag; at ako’y naupong natitigilan hanggang sa pagaalay sa hapon.

5 At sa pagaalay sa kinahapunan ay bumangon ako sa aking pagpapakumbaba, na hapak ang aking suot at ang aking balabal; at ako’y lumuhod ng aking mga tuhod, at iniunat ko ang aking mga kamay sa Panginoon kong Dios;

6 At aking sinabi, Oh aking Dios; ako’y napahiya at namula na itaas ang aking mukha sa iyo, na aking Dios: sapagka’t ang aming mga kasamaan ay nagsilala sa aming ulo, at ang aming sala ay umabot hanggang sa langit.

7 Mula ng mga kaarawan ng aming mga magulang ay naging totoong salarin kami hanggang sa araw na ito; at dahil sa aming mga kasamaan, kami, ang aming mga hari, at ang aming mga saserdote ay nangabigay sa kamay ng mga hari ng mga lupain, sa tabak, sa pagkabihag, sa pagkasamsam, at sa kahihiyan ng mukha, gaya sa araw na ito.

8 At ngayon sa sandaling panahon ay napakita ang biyaya na mula sa Panginoon naming Dios, upang iwan sa amin ang isang nalabi na nakatanan at upang bigyan kami ng isang pako sa kaniyang dakong banal, upang palinawin ng aming Dios ang aming mga mata, at bigyan kami ng kaunting kabuhayan sa aming pagkaalipin.

9 Sapagka’t kami ay mga alipin; gayon ma’y hindi kami pinabayaan ng aming Dios sa aming pagkaalipin, kundi naggawad ng kaawaan sa amin sa paningin ng mga hari sa Persia, upang bigyan kami ng kabuhayan, upang itayo ang bahay ng aming Dios, at upang husayin ang sira niyaon, at upang bigyan kami ng kuta sa Juda at sa Jerusalem.

10 At ngayon, Oh aming Dios, ano ang aming sasabihin pagkatapos nito? sapagka’t aming pinabayaan ang iyong mga utos.

11 Na iyong iniutos sa pamamagitan ng iyong mga lingkod na mga propeta, na nangagsasabi, Ang lupain, na inyong pinaroroonan upang ariin, ay maruming lupain dahil sa mga karumihan ng mga bayan ng mga lupain, dahil sa kanilang mga karumaldumal, na pinuno sa dulo’t dulo ng kanilang karumihan.

12 Ngayon nga’y huwag ninyong ibigay ang inyong mga anak na babae sa kanilang mga anak na lalake, ni kunin man ninyo ang kanilang mga anak na babae sa ganang inyong mga anak na lalake, ni hanapin ang kanilang kapayapaan o ang kanilang kaginhawahan magpakailan man: na kayo baga’y magsilakas, at magsikain ng buti ng lupain, at iwan ninyo na pinakamana sa inyong mga anak magpakailan man.

13 At pagkatapos ng lahat na dumating sa amin dahil sa aming masamang mga gawa, at dahil sa aming malaking sala, sa paraang ikaw na aming Dios ay nagparusa sa amin, ng kulang kay sa marapat sa aming mga kasamaan, at binigyan mo kami ng ganitong nalabi.

14 Amin ba uling sisirain ang iyong mga utos, at makikipisan ng mahigpit sa mga bayan na nagsisigawa ng mga karumaldumal na ito? hindi ka ba magagalit sa amin hanggang sa inyong malipol kami, na anopa’t huwag magkaroon ng nalabi, o ng sinomang nakatanan.

15 Oh Panginoon, na Dios ng Israel, ikaw ay matuwid, sapagka’t kami ay naiwan na isang nalabi na nakatanan, na gaya sa araw na ito: narito, kami ay nangasa harap mo sa aming sala; sapagka’t walang makatatayo sa harap mo dahil dito.

Ezra 10

1 Habang si Ezra nga ay dumadalangin, at nagpapahayag ng kasalanan na umiiyak at nagpapatirapa sa harap ng bahay ng Dios, nagpipisan sa kaniya mula sa Israel ang isang napakalaking kapisanan ng mga lalake at mga babae at mga bata: sapagka’t ang bayan ay umiyak na mainam.

2 At si Sechanias na anak ni Jehiel, na isa sa mga anak ni Elam, ay sumagot at nagsabi kay Ezra: Kami ay nagsisalangsang laban sa ating Dios, at nangagasawa sa mga babaing taga ibang bayan ng lupain: gayon man, may pagasa sa Israel tungkol sa bagay na ito.

3 Ngayon nga’y mangakipagtipan tayo sa ating Dios, na ating ihiwalay ang lahat na asawa, at ang mga ipinanganak nila, ayon sa payo ng aking panginoon, at niyaong mga nanginginig sa utos ng ating Dios; at gawin ayon sa kautusan.

4 Bumangon ka: sapagka’t bagay na ukol sa iyo, at kami ay sumasaiyo: magpakatapang kang mabuti, at iyong gawin.

5 Nang magkagayo’y tumindig si Ezra at pinasumpa ang mga puno ng mga saserdote, ang mga Levita at ang buong Israel, na kanilang gagawin ayon sa salitang ito. Sa gayo’y sumumpa sila.

6 Nang magkagayo’y tumindig si Ezra mula sa harap ng bahay ng Dios, at naparoon sa silid ni Johanan na anak ni Eliasib: at nang siya’y dumating doon, siya’y hindi kumain ng tinapay, o uminom man ng tubig: sapagka’t siya’y nanangis dahil sa pagsalangsang nila na sa pagkabihag.

7 At siya’y gumawa ng pahayag sa Juda’t Jerusalem sa lahat na mga anak sa pagkabihag, na sila’y magpipisan sa Jerusalem;

8 At yaong hindi pumaroon sa loob ng tatlong araw, ayon sa payo ng mga prinsipe at ng mga matanda, lahat niyang pag-aari ay sasamsamin, at ihihiwalay siya sa kapisanan ng sa pagkabihag.

9 Nang magkagayo’y ang lahat na lalake ng Juda at Benjamin ay nagpipisan sa Jerusalem sa loob ng tatlong araw (siyang ikasiyam na buwan nang ikadalawang pung araw ng buwan): at ang buong bayan ay naupo sa luwal na dako sa harap ng bahay ng Dios, na nanginginig dahil sa bagay na ito at dahil sa malakas na ulan.

10 At si Ezra na saserdote ay tumayo, at nagsabi sa kanila: Kayo’y nagsisalangsang, at nangagasawa ng mga babaing tagaibang bayan, upang palalain ang sala ng Israel.

11 Ngayon nga’y mangagpahayag kayo sa Panginoon, sa Dios ng inyong mga magulang, at inyong gawin ang kaniyang kalooban: at magsihiwalay kayo sa mga bayan ng lupain, at sa mga babaing tagaibang bayan.

12 Nang magkagayo’y ang buong kapisanan ay sumagot at nagsabi ng malakas, Kung ano ang iyong sinabi tungkol sa amin, gayon ang nararapat naming gawin.

13 Nguni’t ang bayan ay marami, at panahong maulan, at kami ay hindi makatatayo sa labas: ni ito man ay gawa sa isang araw o dalawa: sapagka’t kami ay nagkasalang mainam sa bagay na ito.

14 Mahalal ngayon ang ating mga prinsipe sa buong kapisanan, at magsiparito sa takdang panahon yaong lahat na nangasa ating mga bayan na nangagasawa sa mga babaing taga ibang bayan, at pumaritong kasama nila ang mga matanda ng lahat na bayan, at ang mga hukom doon, hanggang sa ang mabangis na kapootan ng ating Dios ay mahiwalay sa atin, hanggang sa ang bagay na ito ay matapos.

15 Si Jonathan lamang na anak ni Asael, at si Jaazias na anak ni Tikvah ang tumayo laban sa bagay na ito: at si Mesullam, at si Sabethai na Levita ang tumulong sa kanila.

16 At ginawang gayon ng mga anak sa pagkabihag. At si Ezra na saserdote na kasama ng ilang mga pangulo ng mga sangbahayan ng mga magulang, ayon sa mga sangbahayan ng kanilang mga magulang, at silang lahat ayon sa kanilang mga pangalan, ay nangaghiwalay; at sila’y nangaupo sa unang araw ng ikasangpung buwan upang litisin ang bagay.

17 At kanilang tinapos ang tungkol sa lahat na lalake na nangagasawa sa mga babaing tagaibang bayan nang unang araw ng unang buwan.

18 At sa mga anak ng mga saserdote ay nangasumpungan na nangagasawa sa mga babaing tagaibang bayan; sa mga anak ni Jesua, na anak ni Josadec, at sa kaniyang mga kapatid, si Maasias, at si Elieser, at si Jarib, at si Gedalias.

19 At sila’y nangakipagkamay na kanilang ihihiwalay ang kanilang mga asawa; at yamang mga salarin, sila’y nangaghandog ng isang lalaking tupa sa kawan dahil sa kanilang sala.

20 At sa mga anak ni Immer; si Hanani at si Zebadias.

21 At sa mga anak ni Harim; si Maasias, at si Elias, at si Semeias, at si Jehiel, at si Uzzias.

22 At sa mga anak ni Phasur; si Elioenai, si Maasias, si Ismael, si Nathanael, si Jozabad at si Elasa.

23 At sa mga Levita; si Jozabad, at si Simi, at si Kelaia (na siya ring Kelita), si Pethaia, si Juda, at si Eliezer.

24 At sa mga mangaawit: si Eliasib: at sa mga tagatanod-pinto; si Sellum, at si Telem, at si Uri.

25 At sa Israel: sa mga anak ni Pharos; si Ramia at si Izzias, at si Malchias, at si Miamim, at si Eleazar, at si Malchias, at si Benaias.

26 At sa mga anak ni Elam: si Mathanias, si Zacharias, at si Jehiel, at si Abdi, at si Jeremoth, at si Elia.

27 At sa mga anak ni Zattu; si Elioenai, si Eliasib, si Mathanias, at si Jeremoth, at si Zabad, at si Aziza.

28 At sa mga anak ni Bebai; si Johanan, si Hananias, si Zabbai, at si Atlai.

29 At sa mga anak ni Bani; si Mesullam, si Malluch, at si Adaias, si Jasub, si Seal, at si Ramoth.

30 At sa mga anak ni Pahath-moab; si Adna, at si Cheleal, si Benaias, si Maasias, si Mathanias, si Besaleel, at si Bennui, at si Manases.

31 At sa mga anak ni Harim; si Eliezer, si Issia, at si Malchias, si Semeia, si Simeon;

32 Si Benjamin, si Malluch, si Semarias.

33 Sa mga anak ni Hasum; si Mathenai, si Mathatha, si Zabad, si Eliphelet, si Jeremai, si Manases, at si Sami.

34 Sa mga anak ni Bani; si Maadi si Amram, at si Uel;

35 Si Benaias, si Bedias, si Cheluhi;

36 Si Vanias, si Meremoth, si Eliasib;

37 Si Mathanias, si Mathenai, at si Jaasai;

38 At si Bani, at si Binnui, si Simi;

39 At si Selemias, at si Nathan, at si Adaias;

40 Si Machnadbai, si Sasai, si Sarai;

41 Si Azareel, at si Selemias, si Semarias;

42 Si Sallum, si Amarias, si Joseph.

43 Sa mga anak ni Nebo; si Jehiel, si Matithias, si Zabad, si Zebina, si Jadau, at si Joel, si Benaias.

44 Lahat ng mga ito’y nangagasawa sa mga babaing taga ibang bayan: at ang iba sa kanila ay may mga asawang pinagkaroonan ng mga anak.

II Mga Cronica 1

1 At si Salomon na anak ni David ay tumibay sa kaniyang kaharian, at ang Panginoon niyang Dios ay sumakaniya, at pinadakila siyang mainam.

2 At si Salomon ay nagsalita sa buong Israel, sa mga pinunong kawal ng lilibuhin at dadaanin, at sa mga hukom, at sa bawa’t prinsipe sa buong Israel, na mga pangulo ng mga sangbahayan ng mga magulang.

3 Sa gayo’y si Salomon, at ang buong kapisanan na kasama niya, ay naparoon sa mataas na dako na nasa Gabaon; sapagka’t nandoon ang tabernakulo ng kapisanan ng Dios, na ginawa sa ilang ni Moises na lingkod ng Panginoon.

4 Nguni’t ang kaban ng Dios ay iniahon ni David mula sa Chiriath-jearim hanggang sa dakong pinaghandaan ni David: sapagka’t kaniyang ipinagtayo ng tolda sa Jerusalem.

5 Bukod dito’y ang dambanang tanso na ginawa ni Bezaleel na anak ni Uri, na anak ni Hur, ay nandoon sa harap ng tabernakulo ng Panginoon: at doo’y sumangguni si Salomon at ang buong kapisanan.

6 At si Salomon ay sumampa roon sa dambanang tanso sa harap ng Panginoon, na nasa tabernakulo ng kapisanan, at naghandog ng isang libong handog na susunugin doon.

7 Nang gabing yaon ay napakita ang Dios kay Salomon, at nagsabi sa kaniya, Hingin mo kung ano ang ibibigay ko sa iyo.

8 At sinabi ni Salomon sa Dios, Ikaw ay nagpakita ng malaking kagandahang loob kay David na aking ama, at ginawa mo akong hari na kahalili niya.

9 Ngayon, Oh Panginoong Dios, itatag mo ang iyong pangako kay David na aking ama: sapagka’t ginawa mo akong hari sa bayang gaya ng alabok ng lupa sa karamihan.

10 Bigyan mo ako ngayon ng karunungan at kaalaman, upang ako’y makapaglabas pumasok sa harap ng bayang ito: sapagka’t sinong makahahatol dito sa iyong bayan na totoong malaki?

11 At sinabi ng Dios kay Salomon, Sapagka’t ito ang sumaiyong puso, at hindi ka humingi ng kayamanan, pag-aari o karangalan o ng buhay man ng nangapopoot sa iyo, o humingi ka kaya ng mahabang buhay; kundi humingi ka ng karunungan at kaalaman sa ganang iyong sarili, upang iyong mahatulan ang aking bayan, na aking pinaggawan sa iyo na hari:

12 Karunungan at kaalaman ay nabigay sa iyo; at bibigyan kita ng kayamanan, at pag-aari, at karangalan na walang hari na una sa iyo na nagkaroon ng ganyan, o sinoman ay magkakaroon ng gayong pagkamatay mo.

13 Sa gayo’y dumating si Salomon mula sa mataas na dako na nasa Gabaon, mula sa harap ng tabernakulo ng kapisanan hanggang sa Jerusalem; at siya’y naghari sa Israel.

14 At si Salomon ay nagpisan ng mga karo at mga mangangabayo: at siya’y mayroong isang libo at apat na raang karo, at labing dalawang libong mangangabayo, na kaniyang inilagay sa bayan ng mga karo, at kasama ng hari sa Jerusalem.

15 At ginawa ng hari ang pilak at ginto na maging gaya ng mga bato sa Jerusalem, at ang mga sedro na maging gaya ng mga sikomoro na nangasa mababang lupa dahil sa kasaganaan.

16 At ang mga kabayo na tinatangkilik ni Salomon ay inilabas sa Egipto; ang mga mangangalakal ng hari ay nagsitanggap sa kanila ng mga kawan, na bawa’t kawan ay sa halaga.

17 At kanilang iniaahon at inilalabas sa Egipto ang isang karo sa halagang anim na raang siklong pilak, at ang isang kabayo sa isang daan at limangpu: at gayon sa lahat na hari ng mga Hetheo, at sa mga hari sa Siria, kanilang mga inilalabas sa pamamagitan nila.

II Mga Cronica 2

1 Si Salomon nga ay nagpasiya na ipagtayo ng bahay ang pangalan ng Panginoon, at ng isang bahay ang kaniyang kaharian.

2 At si Salomon ay bumilang ng pitong pung libong lalake upang magsipagpasan ng mga pasan, at walong pung libong lalake na mga maninibag ng bato sa mga bundok, at tatlong libo at anim na raan upang mamahala sa kanila.

3 At si Salomon ay nagsugo kay Hiram na hari sa Tiro, na ipinasasabi, Kung paanong iyong ginawa kay David na aking ama at pinadalhan siya ng mga sedro upang ipagtayo siya ng bahay na matirahan doon, gayon din ang gawin mo sa akin.

4 Narito, aking ipinagtatayo ng isang bahay ang pangalan ng Panginoon kong Dios, upang italaga sa kaniya, at upang magsunog sa harap niya ng kamangyan na may mga mainam na espesia, at maiukol sa palaging tinapay na handog, at sa mga handog na susunugin sa umaga at hapon, sa mga sabbath, at sa mga bagong buwan, at sa mga takdang kapistahan sa Panginoon naming Dios. Ito ang utos sa Israel magpakailan man.

5 At ang bahay na aking itinatayo ay dakila: sapagka’t dakila ang aming Dios kay sa lahat ng mga Dios.

6 Nguni’t sinong makapagtatayo para sa kaniya ng isang bahay, dangang sa langit at sa langit ng mga langit ay hindi siya magkasiya? sino nga ako, na ipagtatayo ko siya ng isang bahay, liban sa magsunog lamang ng kamangyan sa harap niya?

7 Ngayon nga’y suguan mo ako ng isang lalake na bihasang manggagawa sa ginto, at sa pilak, at sa tanso, at sa bakal, at sa kulay ube, at matingkad na pula, at bughaw, at ng makauukit ng sarisaring ukit, upang makasama ng mga matalinong lalake na kasama ko sa Juda at sa Jerusalem, na itinaan ni David na aking ama.

8 Padalhan mo rin ako ng mga kahoy na sedro, mga kahoy na abeto, at mga kahoy na algum, na mula sa Libano, sapagka’t talastas ko na ang iyong mga bataan ay matalinong pumutol ng kahoy sa Libano. At, narito, ang aking mga alipin ay sasama sa iyong mga bataan,

9 Sa makatuwid baga’y upang ipaghanda ako ng kahoy na sagana: sapagka’t ang bahay na aking itatayo ay magiging dakila at kagilagilalas.

10 At narito, aking ibibigay sa iyong mga bataan, na mga mamumutol ng kahoy, ang dalawangpung libong koro ng binayong trigo, at dalawang pung libong koro ng sebada, at dalawangpung libong bath ng alak, at dalawangpung libong bath ng langis.

11 Nang magkagayo’y si Hiram na hari sa Tiro ay sumagot sa sulat, na kaniyang ipinadala kay Salomon, Sapagka’t minamahal ng Panginoon ang kaniyang bayan, ay ginawa ka niyang hari sa kanila.

12 Sinabi ni Hiram bukod dito, Purihin ang Panginoon, ang Dios ng Israel, na lumikha ng langit at lupa, na nagbigay kay David na hari ng isang pantas na anak, na may bait at kaalaman, na ipagtatayo ng isang bahay ang Panginoon, at ng isang bahay ang kaniyang kaharian.

13 At ngayo’y nagsugo ako ng bihasang lalake na may kaalaman, kay Hiram na aking ama,

14 Na anak ng isang babae sa mga anak ni Dan; at ang kaniyang ama ay taga Tiro na bihasang manggagawa sa ginto, at sa pilak, sa tanso, sa bakal, sa bato, at sa kahoy, sa kulay ube, sa bughaw, at sa mainam na kayong lino, at sa matingkad na pula; upang umukit din naman ng anomang paraan ng ukit, at magmunakala ng anoman; upang magkaroon ng isang takdang dako sa kaniya na kasama ng iyong mga bihasang lalake at ng mga bihasang lalake ng aking panginoong si David na iyong ama.

15 Ngayon nga’y ang trigo at ang sebada, ang langis at ang alak, na sinalita ng aking panginoon, ipadala niya sa kaniyang mga bataan:

16 At kami ay magsisiputol ng kahoy mula sa Libano, kung gaano ang iyong kakailanganin: at aming dadalhin sa iyo sa mga balsa na idadaan sa dagat hanggang sa Joppe; at iyong iaahon sa Jerusalem.

17 At binilang ni Salomon ang lahat na taga ibang lupa na nangasa lupain ng Israel, ayon sa bilang na ibinilang ni David na kaniyang ama sa kanila; at nasumpungan ay isang daan at limang pu’t tatlong libo at anim na raan.

18 At kaniyang inilagay sa kanila ay pitong pung libong tagadala ng pasan, at walong pung libo na mga maninibag ng bato sa mga bundok, at tatlong libo at anim na raan na kapatas upang magayos ng gawain ng bayan.

II Mga Cronica 3

1 Nang magkagayo’y pinasimulan ni Salomon na itayo ang bahay ng Panginoon, sa Jerusalem sa bundok ng Moria, na pinagkakitaan ng Panginoon kay David na kaniyang ama, sa dakong kaniyang pinaghandaan na pinagtakdaan ni David sa giikan ni Ornan na Jebuseo.

2 At siya’y nagpasimulang magtayo nang ikalawang araw ng ikalawang buwan ng ikaapat na taon ng kaniyang paghahari.

3 Ang mga ito nga ay ang mga tatagangbaon na inilagay ni Salomon na ukol sa pagtatayo ng bahay ng Dios. Ang haba sa mga siko ayon sa panukat ng una ay anim na pung siko, at ang luwang ay dalawangpung siko.

4 At ang portiko na nasa harap ng bahay, ang haba niyao’y ayon sa luwang ng bahay ay dalawang pung siko, at ang taas ay isang daang at dalawangpu: at kaniyang binalutan sa loob ng taganas na ginto.

5 At ang lalong malaking bahay ay kaniyang kinisamihan ng kahoy na abeto, na kaniyang binalot ng dalisay na ginto, at ginawan niya ng mga palma at mga tanikala.

6 At kaniyang ginayakan ang bahay ng mga mahalagang bato na pinakapangpaganda: at ang ginto, ay ginto sa Parvaim.

7 Kaniyang binalutan din naman ng ginto ang bahay, ang mga sikang, ang mga pintuan, at ang mga panig niyaon at ang mga pinto; at inukitan ng mga querubin sa mga panig niyaon.

8 At kaniyang ginawa ang kabanalbanalang bahay; ang haba niyaon, ayon sa luwang ng bahay, ay dalawangpung siko, at ang luwang niyaon ay dalawangpung siko; at kaniyang binalutan ng dalisay na ginto, na may timbang na anim na raang talento.

9 At ang bigat ng mga pako ay limangpung siklong ginto. At kaniyang binalot ng ginto ang pinakamataas na silid.

10 At sa kabanalbanalang bahay ay gumawa siya ng dalawang querubin na gawang nilarawan; at binalot nila ng ginto.

11 At ang mga pakpak ng mga querubin ay dalawangpung siko ang haba; ang pakpak ng isang querubin ay limang siko, na abot sa panig ng bahay; at ang kabilang pakpak ay gayon din na limang siko na abot sa pakpak ng isang querubin.

12 At ang pakpak ng isang querubin ay limang siko, na abot sa panig ng bahay: at ang kabilang pakpak ay limang siko rin, na nakadaiti sa pakpak ng isang querubin.

13 Ang mga pakpak ng mga querubing ito ay nangakaladlad ng dalawangpung siko: at sila’y nangakatayo ng kanilang mga paa, at ang kanilang mga mukha ay paharap sa dako ng bahay.

14 At kaniyang ginawa ang lambong na bughaw, at kulay ube, at matingkad na pula, at mainam na kayong lino, at ginawan ng mga querubin.

15 Siya’y gumawa rin sa harap ng bahay ng dalawang haligi na may tatlongpu’t limang siko ang taas, at ang kapitel na nasa ibabaw ng bawa’t isa sa mga yaon ay limang siko.

16 At kaniyang ginawan ng mga tanikala ang sanggunian at inilagay sa ibabaw ng mga haligi; at siya’y gumawa ng isang daang granada, at inilagay sa mga tanikala.

17 At kaniyang itinayo ang mga haligi sa harap ng templo, ang isa’y sa kanan, at ang isa’y sa kaliwa; at tinawag ang pangalan niyaong nasa kanan ay Jachin, at ang pangalan niyaong nasa kaliwa ay Boaz.

II Mga Cronica 4

1 Bukod dito’y gumawa siya ng dambanang tanso na dalawangpung siko ang haba niyaon, at dalawangpung siko ang luwang niyaon, at sangpung siko ang taas niyaon.

2 Gumawa rin siya ng dagatdagatan na binubo na may sangpung siko sa labi’t labi, na mabilog, at ang taas niyaon ay limang siko; at isang panukat na pisi na may tatlong pung siko na nakalibid sa paligid.

3 At sa ilalim niyao’y may kawangis ng mga baka na lumilibot sa palibot, na sangpung siko, na nakaligid sa palibot ng dagatdagatan. Ang mga baka ay dalawang hanay, na binubo nang bubuin yaon.

4 Nakapatong ang dagatdagatan sa labing dalawang baka, tatlo’y nakaharap sa dakong hilagaan, at tatlo’y nakaharap sa dakong kalunuran, at tatlo’y nakaharap sa dakong timugan, at tatlo’y nakaharap sa dakong silanganan: at ang dagatdagatan ay napapatong sa mga yaon sa ibabaw, at lahat nilang puwitan ay nasa dakong loob.

5 At ang kapal ng dagatdagatan ay isang dangkal; at ang labi niyao’y yaring gaya ng labi ng isang saro, gaya ng bulaklak ng lila: naglalaman ng tatlong libong bath.

6 Siya nama’y gumawa ng sangpung hugasan, at inilagay ang lima sa kanan, at lima sa kaliwa, upang paghugasan: na ang mga bagay na nauukol sa handog na susunugin ay hinugasan doon: nguni’t ang dagatdagatan ay upang paghugasan ng mga saserdote.

7 At siya’y gumawa ng sangpung kandelero na ginto ayon sa ayos tungkol sa mga yaon; at inilagay niya sa templo, na lima sa kanan, at lima sa kaliwa.

8 Gumawa rin naman siya ng sangpung dulang, at inilagay sa templo, na lima sa dakong kanan, at lima sa kaliwa. At siya’y gumawa ng isang daang mangkok na ginto.

9 Bukod dito’y ginawa niya ang looban ng mga saserdote, at ang malaking looban, at ang mga pinto na ukol sa looban at binalot ng tanso ang mga pinto ng mga yaon.

10 At kaniyang inilagay ang dagatdagatan sa dakong kanan ng bahay sa may dakong silanganan na gawing timugan.

11 At ginawa ni Hiram ang mga palayok, at ang mga pala, at ang mga mangkok. Gayon tinapos ni Hiram ang paggawa ng gawain na ginawa niya na ukol sa haring Salomon sa bahay ng Dios:

12 Ang dalawang haligi, at ang mga kabilugan, at ang dalawang kapitel na nasa dulo ng mga haligi, at ang dalawang yaring lambat na nagsisitakip sa dalawang kabilugan ng mga kapitel na nangasa dulo ng mga haligi;

13 At ang apat na raang granada na ukol sa dalawang yaring lambat; dalawang hanay na granada na ukol sa bawa’t yaring lambat, upang tumakip sa dalawang kabilugan ng mga kapitel na nangasa dulo ng mga haligi.

14 Ginawa rin niya ang mga tungtungan, at ang mga hugasan ay ginawa niya sa ibabaw ng mga tungtungan;

15 Isang dagatdagatan, at ang labing dalawang baka ay sa ilalim niyaon.

16 Ang mga palayok naman, at ang mga pala, at ang mga pangduro, at lahat ng kasangkapan niyaon, ay ginawa ni Hiram na kaniyang ama para sa haring Salomon na ukol sa bahay ng Panginoon na tansong binuli.

17 Sa kapatagan ng Jordan binubo ng hari, sa malagkit na lupa sa pagitan ng Suchot at ng Sereda.

18 Ganito ginawa ni Salomon ang lahat na kasangkapang ito na totoong sagana; sapagka’t ang timbang ng tanso ay hindi makukuro.

19 At ginawa ni Salomon ang lahat na kasangkapan na nangasa bahay ng Dios, ang gintong dambana rin naman, at ang mga dulang na kinaroroonan ng tinapay na handog;

20 At ang mga kandelero na kalakip ng mga ilawan niyaon, na mga paniningasan ayon sa ayos sa harap ng sanggunian, na taganas na ginto;

21 At ang mga bulaklak, at ang mga ilawan at ang mga gunting, na ginto, at yao’y dalisay na ginto;

22 At ang mga gunting, at ang mga mangkok, at ang mga panandok, at ang mga pangsuob, na taganas na ginto: at tungkol sa pasukan ng bahay, ang mga pinakaloob na pinto niyaon na ukol sa kabanalbanalang dako, at ang mga pinto ng bahay, ng templo, ay ginto.