II Mga Cronica 5

1 Ganito natapos ang gawaing ginawa ni Salomon sa bahay ng Panginoon. At ipinasok ni Salomon ang mga bagay na itinalaga ni David na kaniyang ama; sa makatuwid baga’y ang pilak, at ang ginto, at ang lahat ng mga kasangkapan, at inilagay sa mga ingatang-yaman ng bahay ng Dios.

2 Nang magkagayo’y pinulong ni Salomon ang mga matanda ng Israel, at ang lahat na pangulo ng mga lipi, ang mga prinsipe ng mga sangbahayan ng mga magulang ng mga anak ni Israel, sa Jerusalem, upang iahon ang kaban ng tipan ng Panginoon mula sa bayan ni David na siyang Sion.

3 At ang lahat na lalake ng Israel ay nangakipagpulong sa hari sa kapistahan, na sa ikapitong buwan.

4 At ang lahat ng mga matanda sa Israel ay nagsiparoon; at pinasan ng mga Levita ang kaban;

5 At kanilang iniahon ang kaban, at ang tabernakulo ng kapisanan, at ang lahat ng mga banal na kasangkapan na nangasa Tolda; ang mga ito’y iniahon ng mga saserdote na mga Levita.

6 At ang haring Salomon at ang buong kapisanan ng Israel, na nangakipagpulong sa kaniya, ay nangasa harap ng kaban na nagsisipaghain ng mga tupa at mga baka, na hindi masasaysay o mabibilang man dahil sa karamihan.

7 At ipinasok ng mga saserdote ang kaban ng tipan ng Panginoon sa dako niyaon, sa loob ng sanggunian ng bahay, sa kabanalbanalang dako, sa makatuwid baga’y sa ilalim ng mga pakpak ng mga querubin.

8 Sapagka’t ibinubuka ng mga querubin ang kanilang mga pakpak sa dako ng kaban, at ang mga querubin ay nagsisitakip sa kaban, at sa mga pingga niyaon sa ibabaw.

9 At ang mga pingga ay nangapakahaba na ang mga dulo ng mga pingga ay nakikita mula sa kaban sa harap ng sanggunian: nguni’t hindi nangakikita sa labas: at nandoon hanggang sa araw na ito.

10 Walang anomang bagay sa kaban liban sa dalawang tapyas na bato na inilagay ni Moises sa Horeb, nang ang Panginoon ay nakipagtipan sa mga anak ni Israel, nang sila’y magsilabas sa Egipto.

11 At nangyari, nang ang mga saserdote ay magsilabas sa banal na dako (sapagka’t ang lahat na saserdote na nangahaharap ay nangagpakabanal, at hindi sinunod ang kanilang pagkakahalihalili;

12 Ang mga Levita rin naman na mga mangaawit, silang lahat, sa makatuwid baga’y si Asaph, si Heman, si Jeduthun, at ang kanilang mga anak, at ang kanilang mga kapatid na may suot na mainam na kayong lino, na may mga simbalo at mga salterio at mga alpa, ay nangakatayo sa dakong sulok na silanganan ng dambana, at kasama nila’y isang daan at dalawang pung saserdote na nagpapatunog ng mga pakakak:)

13 Nangyari nga, nang ang mga nangagpapakakak at mga mangaawit ay nangagkakatugma, upang mangagpatunog ng isang tunog na maririnig sa pagdalangin at pasasalamat sa Panginoon; at nang kanilang itaas ang kanilang tinig na katugma ng mga pakakak, at mga simbalo, at mga panugtog ng tugtugin at magsipuri sa Panginoon, na magsipagsabi, Sapagka’t siya’y mabuti; sapagka’t ang kaniyang kaawaan ay magpakailan man: na nang magkagayo’y ang bahay ay napuno ng ulap; sa makatuwid bagay ang bahay ng Panginoon,

14 Na anopa’t ang mga saserdote ay hindi mangakatayo na mangakapangasiwa dahil sa ulap: sapagka’t napuno ng kaluwalhatian ng Panginoon ang bahay ng Dios.

II Mga Cronica 6

1 Nang magkagayo’y nagsalita si Salomon, Ang Panginoo’y nagsabi na siya’y tatahan sa salimuot na kadiliman,

2 Nguni’t ipinagtayo kita ng isang bahay na tahanan, at isang dako na ukol sa iyo na tahanan magpakailan man.

3 At ipinihit ng hari ang kaniyang mukha, at binasbasan ang buong kapisanan ng Israel: at ang buong kapisanan ng Israel ay tumayo.

4 At kaniyang sinabi, Purihin ang Panginoon, ang Dios ng Israel, na nagsalita ng kaniyang bibig kay David na aking ama, at tinupad ng kaniyang mga kamay, na sinasabi,

5 Mula sa araw na aking ilabas ang aking bayan mula sa lupain ng Egipto, hindi ako pumili ng siyudad mula sa lahat ng mga lipi ng Israel upang pagtayuan ng bahay, upang ang aking pangalan ay dumoon; o pumili man ako ng sinomang lalake upang maging pangulo sa aking bayang Israel:

6 Kundi aking pinili ang Jerusalem upang ang aking pangalan ay dumoon; aking pinili si David upang mamahala sa aking bayang Israel.

7 Nasa puso nga ni David na aking ama ang ipagtayo ng isang bahay ang pangalan ng Panginoon, ang Dios ng Israel.

8 Nguni’t sinabi ng Panginoon kay David na aking ama, Yamang nasa iyong puso ang ipagtayo ng isang bahay ang aking pangalan, mabuti ang iyong ginawa na inakala mo sa iyong puso;

9 Gayon ma’y hindi mo itatayo ang bahay; kundi ang iyong anak na lalabas sa iyong mga balakang ay siyang magtatayo ng bahay na ukol sa aking pangalan.

10 At tinupad ng Panginoon ang kaniyang salita na kaniyang sinalita; sapagka’t ako’y bumangon na kahalili ni David na aking ama, at umupo sa luklukan ng Israel, gaya ng ipinangako ng Panginoon, at nagtayo ako ng bahay na ukol sa pangalan ng Panginoon, ng Dios ng Israel.

11 At doo’y aking inilagay ang kaban na kinaroroonan ng tipan ng Panginoon, na kaniyang ginawa sa mga anak ni Israel.

12 At siya’y tumayo sa harap ng dambana ng Panginoon sa harapan ng buong kapisanan ng Israel, at iniunat ang kaniyang mga kamay:

13 (Sapagka’t gumawa si Salomon ng isang tungtungang tanso, na may limang siko ang haba, at limang siko ang luwang, at tatlong siko ang taas, at inilagay sa gitna ng looban; at sa ibabaw niyao’y tumayo siya, at lumuhod ng kaniyang mga tuhod sa harap ng buong kapisanan ng Israel, at iginawad ang kaniyang mga kamay sa dakong langit:)

14 At kaniyang sinabi, Oh Panginoon ang Dios ng Israel, walang Dios na gaya mo, sa langit o sa lupa; na nagiingat ng tipan at ng kaawaan sa iyong mga lingkod, na nagsisilakad sa harap mo ng kanilang buong puso:

15 Na siyang tumupad sa iyong lingkod na kay David na aking ama, ng iyong ipinangako sa kaniya: oo, ikaw ay nagsalita ng iyong bibig, at tinupad mo ng iyong kamay, gaya sa araw na ito.

16 Ngayon nga, Oh Panginoon, ang Dios ng Israel, tuparin mo sa iyong lingkod na kay David na aking ama ang iyong ipinangako sa kaniya, na iyong sinasabi, Hindi magkukulang sa iyo ng lalake sa aking paningin na uupo sa luklukan ng Israel; kung ang iyong mga anak lamang ay magsisipagingat ng kanilang lakad, na magsisilakad sa aking kautusan, gaya ng inilakad mo sa harap ko.

17 Ngayon nga, Oh Panginoon, ang Dios ng Israel, papangyarihin mo ang iyong salita na iyong sinalita sa iyong lingkod na kay David.

18 Nguni’t katotohanan bang ang Dios ay tatahang kasama ng mga tao sa lupa? narito, sa langit, at sa langit ng mga langit ay hindi ka magkasiya; gaano pa nga sa bahay na ito na aking itinayo!

19 Gayon ma’y iyong pakundanganan ang dalangin ng iyong lingkod, at ang kaniyang samo, Oh Panginoon kong Dios, na dinggin ang daing at ang dalangin na idinadalangin ng iyong lingkod sa harap mo:

20 Na anopa’t ang iyong mga mata ay idilat sa dako ng bahay na ito araw at gabi, sa makatuwid baga’y sa gawi ng dakong iyong pinagsabihan na iyong ilalagay ang iyong pangalan doon: upang dinggin ang dalangin na idadalangin ng iyong lingkod sa dakong ito.

21 At dinggin mo ang mga samo ng iyong lingkod, at ng iyong bayang Israel, pagka sila’y dadalangin sa gawi ng dakong ito: oo, dinggin mo mula sa iyong tahanang dako, sa makatuwid baga’y mula sa langit; at pagka iyong narinig ay patawarin mo.

22 Kung ang isang tao ay magkasala laban sa kaniyang kapuwa, at papanumpain siya upang siya’y sumumpa, at siya’y pumarito at manumpa sa harap ng iyong dambana sa bahay na ito:

23 Dinggin mo nga sa langit, at iyong gawin, at hatulan mo ang iyong mga lingkod, na papagbayarin ang masama, upang iyong dalhin ang kaniyang lakad sa kaniyang sariling ulo: at patotohanan ang matuwid, upang bigyan siya ng ayon sa kaniyang katuwiran.

24 At kung ang iyong bayang Israel ay masaktan sa harap ng kaaway, dahil sa sila’y nagkasala laban sa iyo, at magbabalik-loob, at kikilalanin ang iyong pangalan, at mananalangin at mamamanhik sa harap mo sa bahay na ito:

25 Dinggin mo nga sa langit, at ipatawad mo ang sala ng iyong bayang Israel, at dalhin mo sila uli sa lupain na iyong ibinigay sa kanila at sa kanilang mga magulang.

26 Pagka ang langit ay nasarhan, at walang ulan, dahil sa sila’y nagkasala laban sa iyo: kung sila’y dumalangin sa gawi ng dakong ito, at kilalanin ang iyong pangalan, at talikdan ang kanilang kasalanan, pagka iyong pinagdadalamhati sila:

27 Dinggin mo nga sa langit, at ipatawad mo ang kasalanan ng iyong mga lingkod, at ng iyong bayang Israel, pagka iyong tinuturuan sila ng mabuting daan na kanilang lalakaran; at hulugan mo ng ulan ang iyong lupain na iyong ibinigay sa iyong bayan na pinakamana.

28 Kung magkaroon ng kagutom sa lupain, kung magkaroon ng salot, kung magkaroon ng pagkalanta o amag, balang o tipaklong; kung kubkubin sila ng kanilang mga kaaway sa lupain ng kanilang mga bayan; anomang salot o anomang sakit na magkaroon;

29 Anomang dalangin at samo na gawin ng sinomang tao, o ng iyong buong bayang Israel, pagka makikilala ng bawa’t isa ang kaniyang sariling salot at ang kaniyang sariling sakit, at igagawad ang kaniyang mga kamay sa dako ng bahay na ito:

30 Dinggin mo nga sa langit na iyong tahanang dako, at iyong ipatawad, at gantihin mo ang bawa’t tao, ng ayon sa lahat niyang mga lakad, na ang puso ay iyong natataho: (sapagka’t ikaw, sa makatuwid baga’y ikaw lamang, ang nakatataho ng mga puso ng mga anak ng mga tao;)

31 Upang sila’y mangatakot sa iyo, upang magsilakad sa iyong mga daan, samantalang sila’y nangabubuhay sa lupain na iyong ibinigay sa aming mga magulang.

32 Bukod dito’y tungkol sa taga ibang lupa, na hindi sa iyong bayang Israel, pagka siya’y magbubuhat sa isang malayong lupain dahil sa iyong dakilang pangalan, at sa iyong makapangyarihang kamay, at sa iyong unat na bisig; pagka sila’y magsisiparito at magsisidalangin sa dako ng bahay na ito:

33 Dinggin mo nga sa langit, sa makatuwid baga’y sa iyong tahanang dako, at gawin mo ang ayon sa lahat na itawag sa iyo ng taga ibang lupa; upang makilala ng lahat ng mga bayan sa lupa ang iyong pangalan, at mangatakot sa iyo, na gaya ng iyong bayang Israel, at upang kanilang makilala na ang bahay na ito na aking itinayo ay tinatawag sa pamamagitan ng iyong pangalan.

34 Kung ang iyong bayan ay lumabas sa pakikipagbaka laban sa kanilang mga kaaway, saan mo man sila suguin, at manalangin sa iyo sa dako ng bayang ito na iyong pinili, at sa dako ng bahay na aking itinayo na ukol sa iyong pangalan:

35 Dinggin mo nga sa langit ang kanilang dalangin at ang kanilang samo, at alalayan mo ang kanilang usap.

36 Kung sila’y magkasala laban sa iyo, (sapagka’t walang tao na di nagkakasala,) at ikaw ay magalit sa kanila, at ibigay mo sila sa kaaway, na anopa’t sila’y dalhing bihag sa isang lupaing malayo o malapit;

37 Gayon ma’y kung sila’y magbulay sa kanilang sarili sa lupain na pagdadalhang bihag sa kanila, at magbalik-loob, at sumamo sa iyo sa lupain ng kanilang pagkabihag, na sasabihin, Kami ay nangagkasala, kami ay nagsigawa ng kalikuan, at nagsigawa ng kasamaan;

38 Kung sila’y nangagbalik-loob sa iyo ng buong puso nila at ng buong kaluluwa nila sa lupain ng kanilang pagkabihag, saan man sila dalhing bihag, at manalangin sa dako ng kanilang lupain na iyong ibinigay sa kanilang mga magulang, at ng bayan na iyong pinili, at sa dako ng bahay na aking itinayo na ukol sa iyong pangalan:

39 Dinggin mo nga sa langit, sa makatuwid baga’y sa iyong tahanang dako, ang kanilang dalangin at ang kanilang mga pamanhik, at alalayan mo ang kanilang usap; at patawarin mo ang iyong bayan na nagkasala laban sa iyo.

40 Ngayon, Oh Dios ko, isinasamo ko sa iyo na iyong idilat ang iyong mga mata, at pakinggan ng iyong mga pakinig ang dalangin na gawin sa dakong ito.

41 Ngayon nga’y bumangon ka, Oh Panginoong Dios, sa iyong pahingahang dako, ikaw, at ang kaban ng iyong kalakasan: suutan mo ng kaligtasan, Oh Panginoong Dios, ang iyong mga saserdote, at ang iyong mga banal ay mangagalak sa kabutihan.

42 Oh Panginoon, Dios, huwag mong papihitin ang mukha ng iyong pinahiran ng langis: alalahanin mo ang iyong mga kaawaan kay David na iyong lingkod.

II Mga Cronica 7

1 Nang makatapos nga ng pananalangin si Salomon, ang apoy ay lumagpak mula sa langit, at sinupok ang handog na susunugin at ang mga hain; at napuno ng kaluwalhatian ng Panginoon ang bahay.

2 At ang mga saserdote ay hindi mangakapasok sa bahay ng Panginoon, sapagka’t napuno ng kaluwalhatian ng Panginoon ang bahay ng Panginoon.

3 At ang lahat na mga anak ni Israel ay nagsitingin, nang ang apoy ay lumagpak, at ang kaluwalhatian ng Panginoon ay nasa bahay; at sila’y nangagpatirapa sa lupa sa pabimento, at nagsisamba, at nangagpasalamat sa Panginoon, na nagsisipagsabi, Sapagka’t siya’y mabuti; sapagka’t ang kaniyang kaawaan ay magpakailan man.

4 Nang magkagayo’y ang hari at ang buong bayan ay naghandog ng hain sa harap ng Panginoon.

5 At ang haring Salomon ay naghandog ng hain sa dalawangpu’t dalawang libong baka, at isang daan at dalawangpung libong tupa. Gayon ang hari at ang buong bayan ay nagtalaga sa bahay ng Dios.

6 At ang mga saserdote ay nagsitayo ayon sa kanilang mga katungkulan; gayon din ang mga Levita na may mga panugtog ng tugtugin ng Panginoon, na ginawa ni David na hari na ipinagpasalamat sa Panginoon, (sapagka’t ang kaniyang kaawaan ay magpakailan man), nang si David ay dumalangin sa pamamagitan ng kanilang pangangasiwa: at ang mga saserdote ay nangagpatunog ng mga pakakak sa harap nila, at ang buong Israel ay tumayo.

7 Bukod dito’y itinalaga ni Salomon ang gitna ng looban na nasa harap ng bahay ng Panginoon; sapagka’t doon niya inihandog ang mga handog na susunugin, at ang taba ng mga handog tungkol sa kapayapaan, sapagka’t ang tansong dambana na ginawa ni Salomon ay hindi makakaya sa handog na susunugin, at sa handog na harina, at sa taba.

8 Sa gayo’y ipinagdiwang ang kapistahan nang panahong yaon na pitong araw, ni Salomon, at ng buong Israel na kasama niya, ng totoong malaking kapisanan, mula sa pasukan sa Hamath hanggang sa batis ng Egipto.

9 At sa ikawalong araw ay nagsipagdiwang sila ng dakilang kapulungan: sapagka’t kanilang iningatan ang pagtatalaga sa dambana na pitong araw, at ang kapistahan ay pitong araw.

10 At sa ikadalawangpu’t tatlong araw ng ikapitong buwan, ay kaniyang pinauwi ang bayan sa kanilang mga tolda, na galak at may masayang puso dahil sa kabutihan na ipinakita ng Panginoon kay David, at kay Salomon, at sa Israel na kaniyang bayan.

11 Ganito tinapos ni Salomon ang bahay ng Panginoon, at ang bahay ng hari: at lahat na isinaloob ni Salomon gawin sa bahay ng Panginoon, at sa kaniyang sariling bahay, ay nagkawakas ng mabuti.

12 At ang Panginoon ay napakita kay Salomon sa gabi, at sinabi sa kaniya, Aking narinig ang iyong dalangin, at pinili ko ang dakong ito sa aking sarili na pinakabahay na hainan.

13 Kung aking sarhan ang langit na anopa’t huwag magkaroon ng ulan, o kung aking utusan ang balang na lamunin ang lupain, o kung ako’y magsugo ng salot sa gitna ng aking bayan;

14 Kung ang aking bayan na tinatawag sa pamamagitan ng aking pangalan ay magpakumbaba at dumalangin, at hanapin ang aking mukha, at talikuran ang kanilang masamang mga lakad; akin ngang didinggin sa langit, at ipatatawad ko ang kanilang kasalanan, at pagagalingin ko ang kanilang lupain.

15 Ngayo’y ang aking mga mata ay didilat, at ang aking pakinig ay makikinig, sa dalangin na gagawin sa dakong ito.

16 Sapagka’t ngayon ay aking pinili at itinalaga ang bahay na ito, upang ang aking pangalan ay dumoon magpakailan man; at ang aking mga mata at ang aking puso ay doroong palagi.

17 At tungkol sa iyo, kung ikaw ay lalakad sa harap ko, gaya ng inilakad ni David na iyong ama, at iyong gagawin ang ayon sa lahat na aking iniutos sa iyo, at iyong iingatan ang aking mga palatuntunan at ang aking mga kahatulan;

18 Akin ngang itatatag ang luklukan ng iyong kaharian ayon sa aking itinipan kay David na iyong ama, na sinasabi, Hindi magkukulang sa iyo ng lalake na magpupuno sa Israel.

19 Nguni’t kung kayo ay magsisihiwalay, at iiwan ninyo ang aking mga palatuntunan, at ang aking mga utos na aking inilagay sa harap ninyo, at magsisiyaon at magsisipaglingkod sa ibang mga dios, at magsisisamba sa kanila:

20 Akin ngang bubunutin sila sa aking lupain na aking ibinigay sa kanila; at ang bahay na ito na aking itinalaga para sa aking pangalan, at iwawaksi ko sa aking paningin, at gagawin kong isang kawikaan, at isang kakutyaan sa gitna ng lahat ng mga bayan.

21 At ang bahay na ito na totoong mataas, bawa’t magdaan sa kaniya’y magtataka, at magsasabi, Bakit ginawa ng Panginoon ang ganito sa lupaing ito, at sa bahay na ito?

22 At sila’y magsisisagot, Sapagka’t kanilang pinabayaan ang Panginoon, ang Dios ng kanilang mga magulang na naglabas sa kanila sa lupain ng Egipto, at nanghawak sa ibang mga dios at sinamba nila, at pinaglingkuran nila: kaya’t kaniyang dinala ang lahat na kasamaang ito sa kanila.

II Mga Cronica 8

1 At nangyari, sa katapusan ng dalawangpung taon na ipinagtayo ni Salomon ng bahay ng Panginoon, at ng kaniyang sariling bahay.

2 Na ang mga bayan na ibinigay ni Hiram kay Salomon, mga itinayo ni Salomon, at pinatahan doon ang mga anak ni Israel.

3 At si Salomon ay naparoon sa Hamath-soba, at nanaig laban doon.

4 At kaniyang itinayo ang Tadmor sa ilang, at lahat na bayan na imbakan na kaniyang itinayo sa Hamath.

5 Itinayo rin niya ang Bet-horon sa itaas, at ang Bet-horon sa ibaba, na mga bayang nakukutaan, na may mga kuta, mga pintuang-bayan, at mga halang;

6 At ang Baalath at ang lahat na bayan na imbakan na tinatangkilik ni Salomon, at lahat na bayan na ukol sa kaniyang mga karo, at ang mga bayan na ukol sa kaniyang mga mangangabayo, at lahat na ninasa ni Salomon, na itayo para sa kaniyang kasayahan sa Jerusalem, at sa Libano, at sa buong lupain ng kaniyang sakop.

7 Tungkol sa buong bayan na naiwan sa mga Hetheo, at mga Amorrheo, at mga Perezeo, at mga Heveo, at mga Jebuseo, na hindi sa Israel;

8 Ang kanilang mga anak na naiwan pagkamatay nila sa lupain na hindi nilipol ng mga anak ni Israel, ay sa kanila naglagay si Salomon ng mangaatag na mga alipin, hanggang sa araw na ito.

9 Nguni’t sa mga anak ni Israel ay walang ginawang alipin si Salomon sa kaniyang gawain; kundi sila’y mga lalaking mangdidigma, at mga pinuno sa kaniyang mga pinunong kawal, at mga pinuno sa kaniyang mga karo, at sa kaniyang mga mangangabayo.

10 At ito ang mga pangulong pinuno ng haring Salomon, na dalawang daan at limang pu na nagpupuno sa bayan.

11 At iniahon ni Salomon ang anak na babae ni Faraon mula sa bayan ni David hanggang sa bahay na kaniyang itinayo na ukol sa kaniya; sapagka’t kaniyang sinabi, Hindi tatahan ang aking asawa sa bahay ni David na hari sa Israel, sapagka’t ang mga dako ay banal na pinagpasukan sa kaban ng Panginoon.

12 Nang magkagayo’y naghandog si Salomon sa Panginoon ng mga handog na susunugin, sa dambana ng Panginoon, na kaniyang itinayo sa harap ng portiko,

13 Sa makatuwid baga’y ayon sa kailangan sa bawa’t araw, na naghahandog ayon sa utos ni Moises, sa mga sabbath, at sa mga bagong buwan, at sa mga takdang kapistahan, na makaitlo sa isang taon, sa kapistahan ng tinapay na walang lebadura, at sa kapistahan ng mga sanglinggo, at sa kapistahan ng mga balag.

14 At siya’y naghalal, ayon sa utos ni David na kaniyang ama ng mga bahagi ng mga saserdote sa kanilang paglilingkod, at ng mga Levita sa kanilang mga katungkulan upang mangagpuri, at upang mangasiwa sa harap ng mga saserdote, ayon sa kailangan ng katungkulan sa bawa’t araw: ang mga tagatanod-pinto naman ayon sa kanilang mga bahagi sa bawa’t pintuang-daan: sapagka’t gayon ang iniutos ni David na lalake ng Dios.

15 At sila’y hindi nagsihiwalay sa utos ng hari sa mga saserdote at mga Levita tungkol sa anomang bagay, o tungkol sa mga kayamanan.

16 Ang lahat ngang gawain ni Salomon ay nahanda sa araw ng pagtatayo ng bahay ng Panginoon, at hanggang sa natapos. Sa gayo’y nayari ang bahay ng Panginoon.

17 Nang magkagayo’y naparoon si Salomon sa Ezion-geber, at sa Eloth, sa tabi ng dagat sa lupain ng Edom.

18 At nagpadala sa kaniya si Hiram ng mga sasakyang dagat sa pamamagitan ng kamay ng kaniyang mga bataan, at mga bataan na bihasa sa dagat; at sila’y nagsiparoon sa Ophir na kasama ng mga bataan ni Salomon, at nagsipagdala mula roon ng apat na raan at limangpung talentong ginto, at dinala sa haring Salomon.

II Mga Cronica 9

1 At nang mabalitaan ng reina sa Seba ang kabantugan ni Salomon, siya’y naparoon upang subukin si Salomon, sa mga mahirap na tanong sa Jerusalem, na may maraming kaakbay, at mga kamelyo na may pasang mga espesia, at ginto na sagana, at mga mahalagang bato: at nang siya’y dumating kay Salomon, kaniyang inihinga sa kaniya ang lahat na laman ng kaniyang dibdib.

2 At isinaysay ni Salomon sa kaniya ang lahat niyang tanong: at walang bagay na nalingid kay Salomon na hindi niya isinaysay sa kaniya.

3 At nang makita ng reina sa Seba ang karunungan ni Salomon, at ang bahay na kaniyang itinayo.

4 At ang pagkain sa kaniyang dulang, at ang pagkaayos ng kaniyang mga alila, at ang tayo ng kaniyang mga tagapaglingkod, at ang kanilang mga pananamit, gayon din ang kaniyang mga tagahawak ng saro, at ang kanilang mga pananamit; at ang kaniyang sampahan na kaniyang sinasampahan sa bahay ng Panginoon: nawalan siya ng loob.

5 At sinabi niya sa hari, Tunay na balita ang aking narinig sa aking sariling lupain tungkol sa iyong mga gawa, at sa iyong karunungan.

6 Gayon ma’y hindi ko pinaniwalaan ang kanilang mga salita hanggang sa ako’y dumating, at nakita ng aking mga mata: at, narito, ang kalahati ng kalakhan ng iyong karunungan ay hindi nasaysay sa akin: ikaw ay humigit sa kabantugan na aking narinig.

7 Mapapalad ang iyong mga tao, at mapapalad itong iyong mga lingkod, na nagsisitayong palagi sa harap mo, at nangakakarinig ng iyong karunungan.

8 Purihin ang Panginoon mong Dios, na nalulugod sa iyo, na inilagay ka sa kaniyang luklukan, upang maging hari na ukol sa Panginoon mong Dios: sapagka’t minamahal ng iyong Dios ang Israel, upang itatag magpakailan man, kaya’t ginawa ka niyang hari sa kanila, upang magsagawa ng kahatulan at ng katuwiran.

9 At siya’y nagbigay sa hari ng isang daan at dalawangpung talentong ginto, at mga espesia na totoong sagana, at mga mahalagang bato: ni nagkaroon pa man ng gayong espesia na gaya ng ibinigay ng reina sa Seba sa haring Salomon.

10 At ang mga bataan naman ni Hiram, at ang mga bataan ni Salomon, na nagsipagdala ng ginto mula sa Ophir, nagsipagdala ng mga kahoy na algum at mga mahalagang bato.

11 At ginawang mga hagdanan ng hari ang mga kahoy na algum sa bahay ng Panginoon, at sa bahay ng hari, at mga alpa, at mga salterio na ukol sa mga mangaawit: at wala nang nakita pang gaya niyaon sa lupain ng Juda.

12 At ang haring Salomon ay nagbigay sa reina sa Seba ng lahat niyang nasa, anomang hiningi niya, bukod sa timbang ng kaniyang dinala sa hari. Sa gayo’y siya’y bumalik, at umuwi sa kaniyang sariling lupain, siya at ang kaniyang mga lingkod.

13 Ang timbang nga ng ginto na dumating kay Salomon sa isang taon ay anim na raan at anim na pu’t anim na talentong ginto,

14 Bukod doon sa dinala ng mga manglalako at mga mangangalakal; at ang lahat na hari sa Arabia at ang mga tagapamahala sa lupain ay nagsipagdala ng ginto at pilak kay Salomon.

15 At ang haring Salomon ay gumawa ng dalawang daang kalasag na pinukpok na ginto: anim na raang siklo na pinukpok na ginto ang ginamit sa bawa’t kalasag.

16 At siya’y gumawa ng tatlong daang kalasag na pinukpok na ginto; tatlong daang siklo na ginto ang ginamit sa bawa’t kalasag: at inilagay ng hari sa bahay na kahoy sa gubat ng Libano.

17 Bukod dito’y gumawa ang hari ng isang malaking luklukang garing, at binalot ng taganas na ginto.

18 At may anim na baytang sa luklukan, at isang gintong tungtungan, na mga nakakapit sa luklukan, at may mga pinakakamay sa bawa’t tagiliran sa siping ng dako ng upuan, at dalawang leon ang nakatayo sa siping ng mga pinakakamay.

19 At labing dalawang leon ang nakatayo roon sa isang dako at sa kabilang dako sa ibabaw ng anim na baytang: walang nagawang gayon sa alinmang kaharian.

20 At ang lahat na sisidlang inuman ni Salomon ay ginto, at ang lahat ng sisidlan sa bahay na kahoy sa gubat ng Libano ay taganas na ginto; ang pilak ay hindi mahalaga sa mga kaarawan ni Salomon.

21 Sapagka’t ang hari ay may mga sasakyan na nagsisiparoon sa Tharsis na kasama ng mga bataan ni Hiram: minsan sa bawa’t tatlong taon ay dumarating ang mga sasakyang dagat ng Tharsis, na nagsisipagdala ng ginto, at pilak, garing, at mga ungoy, at mga pabo real.

22 Sa gayo’y ang haring Salomon ay humihigit sa lahat ng hari sa lupa, sa kayamanan at sa karunungan.

23 At hinanap ng lahat na hari sa lupa ang harapan ni Salomon, upang magsipakinig ng kaniyang karunungan, na inilagay ng Dios sa kaniyang puso.

24 At sila’y nagsipagdala bawa’t isa ng kanikaniyang kaloob, na mga sisidlang pilak, at mga sisidlang ginto, at damit, sandata, at mga espesia, mga kabayo, at mga mula, isang takdang kayamanan sa taon-taon.

25 At si Salomon ay may apat na libong silungan ng kabayo at mga karo, at labing dalawang libong mangangabayo, na kaniyang mga inilagay sa mga bayan ng mga karo, at kasama ng hari sa Jerusalem.

26 At siya’y nagpuno sa lahat ng mga hari mula sa Ilog hanggang sa lupain ng mga Filisteo, at sa hangganan ng Egipto.

27 At ginawa ng hari na maging parang mga bato ang pilak sa Jerusalem, at ang mga sedro ay ginawa niyang maging parang mga puno ng sikomoro na nasa mababang lupa, dahil sa kasaganaan.

28 At sila’y nagsipagdala ng mga kabayo kay Salomon mula sa Egipto, at mula sa lahat ng mga lupain.

29 Ang iba nga sa mga gawa ni Salomon, na una at huli, di ba nangasusulat sa kasaysayan ni Nathan na propeta, at sa panghuhula ni Ahias na Silonita, at sa mga pangitain ni Iddo na tagakita tungkol kay Jeroboam na anak ni Nabat?

30 At si Salomon ay naghari sa Jerusalem sa buong Israel na apat na pung taon.

31 At natulog si Salomon na kasama ng kaniyang mga magulang, at siya’y nalibing sa bayan ni David na kaniyang ama: at si Roboam na kaniyang anak ay naghari na kahalili niya.

II Mga Cronica 10

1 At si Roboam ay naparoon sa Sichem: sapagka’t ang buong Israel ay naparoon sa Sichem upang gawin siyang hari.

2 At nangyari, nang mabalitaan ni Jeroboam na anak ni Nabat (sapagka’t siya’y nasa Egipto, na siya niyang tinakasan mula sa harap ng haring Salomon,) na si Jeroboam ay bumalik mula sa Egipto.

3 At sila’y nangagsugo at ipinatawag nila siya; at si Jeroboam at ang buong Israel ay nagsiparoon, at sila’y nagsipagsalita kay Roboam, na nagsisipagsabi,

4 Pinabigat ng iyong ama ang atang sa amin: ngayon nga’y pagaanin mo ang mabigat na paglilingkod sa iyong ama, at ang mabigat niyang atang na iniatang niya sa amin, at kami ay magsisipaglingkod sa iyo.

5 At sinabi niya sa kanila, Magsiparito uli kayo sa akin pagkatapos ng tatlong araw. At ang bayan ay yumaon.

6 At ang haring Roboam ay kumuhang payo sa mga matanda na nagsitayo sa harap ni Salomon na kaniyang ama samantalang siya’y nabubuhay pa, na sinasabi, Anong payo ang ibinibigay ninyo sa akin upang magbalik ng sagot sa bayang ito?

7 At sila’y nagsipagsalita sa kaniya, na nagsisipagsabi, Kung ikaw ay magmagandang loob sa bayang ito, at iyong pagbigyang loob sila, at magsalita ng mga mabuting salita sa kanila, iyo ngang magiging lingkod sila magpakailan man.

8 Nguni’t iniwan niya ang payo ng mga matanda na kanilang ibinigay sa kaniya, at kumuhang payo sa mga binata na nagsilaking kasabay niya, na nagsitayo sa harap niya.

9 At sinabi niya sa kanila, Anong payo ang ibinibigay ninyo, upang maibalik nating sagot sa bayang ito, na nagsalita sa akin, na sinasabi, Pagaanin mo ang atang na iniatang ng iyong ama sa amin?

10 At ang mga binata na nagsilaki na kasabay niya, ay nagsipagsalita sa kaniya, na nagsisipagsabi, Ganito ang iyong sasabihin sa bayan na nagsalita sa iyo, na sinasabi, Pinabigat ng iyong ama ang atang sa amin, nguni’t pagaanin mo sa amin; ganito ang iyong sasabihin sa kanila, Ang aking kalingkingan ay makapal kay sa mga balakang ng aking ama.

11 At sa paraan ngang inatangan kayo ng aking ama ng mabigat na atang, aking dadagdagan pa ang atang sa inyo: pinarusahan kayo ng aking ama ng mga panghagupit, nguni’t parurusahan ko kayo ng mga tila alakdan.

12 Sa gayo’y naparoon si Jeroboam at ang buong bayan kay Roboam sa ikatlong araw, gaya ng iniutos ng hari na sinasabi, Magsibalik kayo sa akin sa ikatlong araw.

13 At ang hari ay sumagot sa kanila na may katigasan, at iniwan ng haring Roboam ang payo ng mga matanda.

14 At nagsalita sa kanila ayon sa payo ng mga binata, na sinasabi, Pinabigat ng aking ama ang atang sa inyo, nguni’t aking dadagdagan pa: pinarusahan kayo ng aking ama ng mga panghagupit, nguni’t parurusahan ko kayo ng mga tila alakdan.

15 Sa gayo’y hindi dininig ng hari ang bayan: sapagka’t buhat sa Dios, upang itatag ng Panginoon ang kaniyang sinalita sa pamamagitan ni Ahias na Silonita kay Jeroboam na anak ni Nabat.

16 At nang makita ng buong Israel na hindi sila dininig ng hari, sumagot ang bayan sa hari, na sinasabi, Anong bahagi mayroon kami kay David? wala man kaming mana sa anak ni Isai: bawa’t tao sa inyo-inyong tolda, Oh Israel: ngayo’y ikaw ang bahala ng iyong sariling sangbahayan, David. Sa gayo’y yumaon ang buong Israel sa kanikanilang tolda.

17 Nguni’t tungkol sa mga anak ni Israel na nagsisitahan sa mga bayan ng Juda, pinagharian sila ni Roboam.

18 Nang magkagayo’y sinugo ng haring Roboam si Adoram, na nasa buwisan; at binato siya ng mga bato ng mga anak ni Israel, na anopa’t siya’y namatay. At ang haring Roboam ay nagmadaling sumampa sa kaniyang karo, upang tumakas sa Jerusalem.

19 Gayon nanghimagsik ang Israel laban sa sangbahayan ni David, hanggang sa araw na ito.

II Mga Cronica 11

1 At nang dumating si Roboam sa Jerusalem, kaniyang pinisan ang sangbahayan ni Juda at ni Benjamin, na isang daan at walong pung libo na piling mga lalake, na mga mangdidigma, na magsisilaban sa Israel, upang ibalik ang kaharian kay Roboam.

2 Nguni’t ang salita ng Panginoon ay dumating kay Semeias na lalake ng Dios, na sinasabi,

3 Salitain mo kay Roboam na anak ni Salomon, na hari sa Juda, at sa buong Israel sa Juda at Benjamin, na iyong sabihin,

4 Ganito ang sabi ng Panginoon, Kayo’y huwag magsisiahon, o magsisilaban man sa inyong mga kapatid: bumalik ang bawa’t lalake sa kaniyang bahay; sapagka’t ang bagay na ito ay sa akin. Sa gayo’y kanilang dininig ang mga salita ng Panginoon, at umurong ng kanilang lakad laban kay Jeroboam.

5 At si Roboam ay tumahan sa Jerusalem, at nagtayo ng mga bayan na pinaka sanggalang sa Juda.

6 Kaniyang itinayo nga ang Bethlehem, at ang Etham, at ang Tecoa,

7 At ang Beth-sur, at ang Socho, at ang Adullam,

8 At ang Gath, at ang Maresa, at ang Ziph,

9 At ang Adoraim, at ang Lachis, at ang Asecha,

10 At ang Sora, at ang Ajalon, at ang Hebron, na nangasa Juda at sa Benjamin, na mga bayang nangakukutaan.

11 At kaniyang pinagtibay ang mga katibayan, at mga nilagyan ng mga pinunong kawal, at saganang pagkain, at ng langis at alak.

12 At sa bawa’t bayan, siya’y naglagay ng mga kalasag at mga sibat, at pinatibay niyang mainam ang mga yaon. At ang Juda at ang Benjamin ay ukol sa kaniya.

13 At ang mga saserdote at mga Levita na nangasa buong Israel ay napasakop sa kaniya na mula sa kanilang buong hangganan.

14 Sapagka’t iniwan ng mga Levita ang kanilang mga nayon at ang kanilang pag-aari, at nagsiparoon sa Juda at Jerusalem: sapagka’t pinalayas sila ni Jeroboam at ng kaniyang mga anak, na huwag nilang gagawin ang katungkulang pagkasaserdote sa Panginoon;

15 At siya’y naghalal para sa kaniya ng mga saserdote na ukol sa mga mataas na dako, at sa mga kambing na lalake, at sa mga guya na kaniyang ginawa.

16 At pagkatapos nila, yaong sa lahat ng mga lipi ng Israel na naglagak ng kanilang puso na hanapin ang Panginoon, ang Dios ng Israel, ay nagsiparoon sa Jerusalem upang maghain sa Panginoon, sa Dios ng kanilang mga magulang.

17 Sa gayo’y kanilang pinagtibay ang kaharian ng Juda, at pinalakas si Roboam na anak ni Salomon sa tatlong taon: sapagka’t sila’y nagsilakad na tatlong taon sa lakad ni David at ni Salomon.

18 At nagasawa si Roboam kay Mahalath na anak ni Jerimoth na anak ni David, at kay Abihail na anak ni Eliab, na anak ni Isai;

19 At siya’y nagkaanak sa kaniya ng mga lalake; si Jeus, at si Samaria, at si Zaham.

20 At pagkatapos sa kaniya ay nagasawa siya kay Maacha na anak ni Absalom; ipinanganak nito sa kaniya si Abias, at si Athai, at si Ziza, at si Selomith.

21 At minahal ni Roboam si Maacha na anak ni Absalom ng higit kay sa lahat ng kaniyang mga asawa at sa kaniyang mga babae (sapagka’t siya’y nagasawa ng labing walo, at anim na pung babae, at nagkaanak ng dalawang pu’t walong lalake, at anim na pung babae.)

22 At inihalal ni Roboam si Abias na anak ni Maacha na maging pinuno, sa makatuwid baga’y prinsipe sa kaniyang mga kapatid: sapagka’t kaniyang inisip na gawin siyang hari.

23 At siya’y kumilos na may katalinuhan, at kaniyang pinangalat ang lahat niyang mga anak na nalabi, sa lahat ng lupain ng Juda at Benjamin, hanggang sa bawa’t bayang nakukutaan: at binigyan niya sila ng pagkaing sagana. At inihanap niya sila ng maraming asawa.

II Mga Cronica 12

1 At nangyari, nang matatag ang kaharian ni Roboam at siya’y malakas, na kaniyang iniwan ang kautusan ng Panginoon, at ang buong Israel ay kasama niya.

2 At nangyari nang ikalimang taon ng haring Roboam, na si Sisac na hari sa Egipto ay umahon laban sa Jerusalem, sapagka’t sila’y nagsisalangsang laban sa Panginoon,

3 Na may isang libo at dalawang daang karo, at anim na pung libong mangangabayo. At ang bayan ay walang bilang na naparoong kasama niya mula sa Egipto; ang mga Lubim, ang mga Sukim, at ang mga taga Etiopia.

4 At sinupok niya ang mga bayang nakukutaan na nauukol sa Juda, at naparoon sa Jerusalem.

5 Si Semeias nga na propeta ay naparoon kay Roboam, at sa mga prinsipe ng Juda, na pagpipisan sa Jerusalem dahil kay Sisac, at nagsabi sa kanila, Ganito ang sabi ng Panginoon, Inyo akong pinabayaan, kaya’t iniwan ko naman kayo sa kamay ni Sisac.

6 Nang magkagayo’y ang mga prinsipe ng Israel at ang hari ay nagpakababa; at kanilang sinabi, Ang Panginoon ay matuwid.

7 At nang makita ng Panginoon na sila’y nangagpakumbaba, ang salita ng Panginoon ay dumating kay Semeias, na sinasabi, Sila’y nangagpakumbaba; hindi ko gigibain sila: kundi aking bibigyan sila ng kaunting pagliligtas, at ang aking galit ay hindi mabubugso sa Jerusalem sa pamamagitan ng kamay ni Sisac.

8 Gayon ma’y sila’y magiging kaniyang alipin; upang kanilang makilala ang paglilingkod sa akin, at ang paglilingkod sa mga kaharian ng mga lupain.

9 Sa gayo’y umahon si Sisac na hari sa Egipto laban sa Jerusalem, at dinala ang mga kayamanan ng bahay ng Panginoon, at mga kayamanan ng bahay ng hari; kaniyang kinuhang lahat: kaniyang kinuha pati ng mga kalasag na ginto na ginawa ni Salomon.

10 At ang haring Roboam ay gumawa ng mga kalasag na tanso na kahalili ng mga yaon, at ipinagkatiwala sa mga kamay ng mga punong kawal ng bantay, na nagsisipagingat ng pintuan ng bahay ng hari.

11 At nangyari, na kung gaanong kadalas pumapasok ang hari sa bahay ng Panginoon, ang bantay ay naparoroon at dinadala ang mga yaon, at ibinabalik sa silid ng bantay.

12 At nang siya’y magpakumbaba, ang galit ng Panginoon ay nahiwalay sa kaniya, na anopa’t siya’y hindi lubos na pinatay: at bukod dito’y may nasumpungan sa Juda na mga mabuting bagay.

13 Sa gayo’y ang haring Roboam ay nagpakalakas sa Jerusalem at naghari: sapagka’t si Roboam ay may apat na pu’t isang taon nang siya’y magpasimulang maghari, at siya’y nagharing labing pitong taon sa Jerusalem, na bayang pinili ng Panginoon sa lahat na lipi ng Israel, upang ilagay ang kaniyang pangalan doon: at ang pangalan ng kaniyang ina ay Naama na Ammonita.

14 At siya’y gumawa ng masama, sapagka’t hindi niya inilagak ang kaniyang puso na hanapin ang Panginoon.

15 Ang mga gawa nga ni Roboam, na una at huli, di ba nangasusulat sa kasaysayan ni Semeias na propeta at ni Iddo na tagakita, ayon sa ayos ng mga talaan ng lahi? At nagkaroong palagi ng mga digmaan si Roboam at si Jeroboam.

16 At si Roboam ay natulog na kasama ng kaniyang mga magulang at nalibing sa bayan ni David: at si Abias na kaniyang anak ay naghari na kahalili niya.

II Mga Cronica 13

1 Nang ikalabing walong taon ng haring Jeroboam ay nagpasimula si Abias na maghari sa Juda.

2 Tatlong taong naghari siya sa Jerusalem: at ang pangalan ng kaniyang ina ay Michaia na anak ni Uriel na taga Gabaa. At nagkaroon ng digmaan si Abias at si Jeroboam.

3 At si Abias ay nagpisan sa pakikipagbaka ng isang hukbo na matatapang na lalaking mangdidigma, na apat na raang libo, na mga piling lalake: at humanay si Jeroboam sa pakikipagbaka laban sa kaniya na may walong daang libo, na piling mga lalake, na mga makapangyarihang lalaking may tapang.

4 At si Abias ay tumayo sa bundok ng Semaraim, na nasa lupaing maburol ng Ephraim, at nagsabi, Dinggin ninyo ako, Oh Jeroboam at buong Israel;

5 Hindi ba ninyo nalalaman na ibinigay ng Panginoon, ng Dios ng Israel, ang kaharian sa Israel kay David magpakailan man, sa kaniya at sa kaniyang mga anak, sa pamamagitan ng tipan na asin?

6 Gayon ma’y si Jeroboam na anak ni Nabat, na lingkod ni Salomon na anak ni David, ay tumindig, at nanghimagsik laban sa kaniyang panginoon.

7 At napisan sa kaniya ay mga walang kabuluhang lalake, na mga hamak na tao, na nangagpakatibay laban kay Roboam na anak ni Salomon, nang si Roboam ay bata at malumanay na puso, at hindi makapanaig sa kanila.

8 At ngayo’y inyong inaakalang daigin ang kaharian ng Panginoon sa kamay ng mga anak ni David; at kayo’y isang malaking karamihan, at mayroon kayong mga gintong guya, na ginawang mga dios sa inyo ni Jeroboam.

9 Hindi ba ninyo pinalayas ang mga saserdote ng Panginoon, na mga anak ni Aaron, at ang mga Levita, at kayo’y naghalal ng mga saserdote na ayon sa kaugalian ng mga bayan ng mga ibang lupain? na anopa’t sinomang naparoroon upang tumalaga sa pamamagitan ng isang guyang baka, at pitong lalaking tupa, yao’y maaaring saserdote sa mga yaon na hindi mga dios.

10 Nguni’t tungkol sa amin, ang Panginoon ay ang aming Dios, at hindi namin pinabayaan siya; at mayroon kaming mga saserdote na nagsisipangasiwa sa Panginoon, ang mga anak ni Aaron, at ang mga Levita sa kanilang gawain:

11 At sila’y nagsisipagsunog sa Panginoon tuwing umaga at tuwing hapon ng mga handog na susunugin at ng mainam na kamangyan: ang tinapay na handog naman ay inihanay nila sa dulang na dalisay; at ang kandelerong ginto na may mga ilawan, upang magsipagningas tuwing hapon: sapagka’t aming iningatan ang bilin ng Panginoon naming Dios; nguni’t pinabayaan ninyo siya.

12 At, narito, ang Dios ay nangungulo sa amin, at ang kaniyang mga saserdote ay mga may pakakak na panghudyat, upang mangagpatunog ng hudyat laban sa iyo. Oh mga anak ni Israel, huwag kayong mangakipaglaban sa Panginoon, sa Dios ng inyong mga magulang; sapagka’t kayo’y hindi magsisiginhawa.

13 Nguni’t pinaligid sa likuran nila ni Jeroboam ang isang kawal na bakay: na anopa’t sila’y nangasa harap ng Juda, at ang bakay ay nasa likuran nila.

14 At nang ang Juda ay lumingon, narito, ang pagbabaka’y nasa harap at likuran nila: at sila’y nagsidaing sa Panginoon, at ang mga saserdote ay nangagpatunog ng mga pakakak.

15 Nang magkagayo’y nagsihiyaw ang mga lalake ng Juda: at habang nagsisihiyaw ang mga anak ng Juda, nangyari, na sinaktan ng Dios si Jeroboam at ang buong Israel sa harap ni Abias at ng Juda.

16 At ang mga anak ni Israel ay nagsitakas sa harap ng Juda: at ibinigay ng Dios sila sa kanilang kamay.

17 At pinatay sila ni Abias at ng kaniyang bayan ng malaking pagpatay: sa gayo’y nangabuwal na patay sa Israel ay limang daang libo na piling mga lalake.

18 Ganito nangasakop ang mga anak ni Israel nang panahong yaon, at ang mga anak ni Juda ay nagsipanaig, sapagka’t sila’y nagsitiwala sa Panginoon, sa Dios ng kanilang mga magulang.

19 At hinabol ni Abias si Jeroboam, at inagawan siya ng mga bayan, ang Beth-el pati ng mga nayon niyaon, at ang Jesana pati ng mga nayon niyaon at ang Ephron pati ng mga nayon niyaon.

20 Na hindi man nagsauling lakas si Jeroboam uli sa mga kaarawan ni Abias: at sinaktan siya ng Panginoon at siya’y namatay.

21 Nguni’t si Abias ay naging makapangyarihan, at nagasawa ng labing apat, at nagkaanak ng dalawang pu’t dalawang lalake, at labing anim na babae.

22 At ang iba sa mga gawa ni Abias, at ang kaniyang mga lakad, at ang kaniyang mga sabi ay nangakasulat sa kasaysayan ni Iddo na propeta.

II Mga Cronica 14

1 Sa gayo’y natulog si Abias na kasama ng kaniyang mga magulang, at inilibing nila siya sa bayan ni David, at si Asa na kaniyang anak ay naghari na kahalili niya. Nang kaniyang mga kaarawan ay tahimik ang lupain na sangpung taon.

2 At gumawa si Asa ng mabuti at matuwid sa harap ng mga mata ng Panginoon niyang Dios:

3 Sapagka’t kaniyang inalis ang mga dambana ng iba, at ang mga mataas na dako, at pinagputolputol ang mga haligi, at ibinagsak ang mga Asera,

4 At iniutos sa Juda na hanapin ang Panginoon, ang Dios ng kanilang mga magulang, at tuparin ang kautusan at ang utos.

5 Kaniya rin namang inalis sa lahat na bayan ng Juda ang mga mataas na dako at ang mga larawang araw: at ang kaharian ay tahimik sa harap niya.

6 At siya’y nagtayo ng mga bayang nakukutaan sa Juda: sapagka’t ang lupain ay tahimik, at siya’y hindi nagkaroon ng pakikipagdigma sa mga taong yaon; sapagka’t binigyan siya ng Panginoon ng kapahingahan.

7 Sapagka’t sinabi niya sa Juda, Itayo natin ang mga bayang ito, at gawan sa palibot ng mga kuta, at ng mga moog, ng mga pintuang-bayan, at ng mga halang; ang lupain ay nasa harap pa natin, sapagka’t ating hinahanap ang Panginoon nating Dios; ating hinanap siya, at binigyan niya tayo ng kapahingahan sa lahat ng dako. Sa gayo’y kanilang itinayo at nagsiginhawa.

8 At si Asa ay may isang hukbo na may dalang mga kalasag at mga sibat, na mula sa Juda, na tatlong daang libo; at mula sa Benjamin, na nagdadala ng mga kalasag at nagpapahilagpos ng mga busog na dalawang daan at walong pung libo: lahat ng mga ito ay mga makapangyarihang lalake na matatapang.

9 At lumabas laban sa kanila si Zera na taga Etiopia na may hukbo na isang angaw, at tatlong daang karo; at siya’y naparoon sa Maresa.

10 Nang magkagayo’y lumabas si Asa na sumalubong sa kaniya, at sila’y nagsihanay ng pakikipagbaka sa libis ng Sephata sa Maresa.

11 At si Asa ay dumaing sa Panginoon niyang Dios, at kaniyang sinabi, Panginoon, walang iba liban sa iyo na makatutulong, sa pagitan ng makapangyarihan at niya na walang lakas: tulungan mo kami, Oh Panginoon naming Dios: sapagka’t kami ay nagsisitiwala sa iyo, at sa iyong pangalan ay kami nagsisiparito laban sa karamihang ito. Oh Panginoon, ikaw ay aming Dios; huwag mong panaigin ang tao laban sa iyo.

12 Sa gayo’y sinaktan ng Panginoon ang mga taga Etiopia sa harap ni Asa, at sa harap ng Juda; at ang mga taga Etiopia ay nagsitakas.

13 At si Asa at ang bayan na kasama niya ay nagsihabol sa kanila hanggang sa Gerar: at nangabuwal sa mga taga Etiopia ang totoong marami, na anopa’t sila’y hindi makabawi, sapagka’t sila’y nalansag sa harap ng Panginoon, at sa harap ng kaniyang hukbo; at sila’y nagsipagdala ng totoong maraming samsam.

14 At kanilang sinaktan ang lahat na bayan sa palibot ng Gerar; sapagka’t sila’y naratnan ng takot sa Panginoon; at kanilang sinamsaman ang lahat na bayan; sapagka’t maraming nasamsam sa kanila.

15 Kanila rin namang sinaktan ang mga toldang silungan ng mga hayop, at nagsipagdala ng mga tupa na sagana, at mga kamelyo, at nagsibalik sa Jerusalem.