II Mga Cronica 15

1 At ang espiritu ng Dios ay suma kay Azarias na anak ni Obed:

2 At siya’y lumabas na sinalubong si Asa, at sinabi niya sa kaniya, Dinggin ninyo ako, Asa, at buong Juda at Benjamin: ang Panginoon ay sumasa inyo samantalang kayo’y sumasa kaniya: at kung inyong hanapin siya, siya’y masusumpungan ninyo; nguni’t kung pabayaan ninyo siya, kaniyang pababayaan kayo.

3 Ngayon nga ang Israel ay malaon nang walang Dios na tunay at walang tagapagturong saserdote, at walang kautusan:

4 Nguni’t nang sa kanilang kapanglawan ay nagsipagbalik sila sa Panginoon, sa Dios ng Israel, at hinanap nila siya, siya’y nasumpungan nila.

5 At nang mga panahong yaon ay walang kapayapaan sa kaniya na lumabas, o sa kaniya na pumasok, kundi malaking ligalig ang nangasa lahat ng mga nananahan sa mga lupain.

6 At sila’y nagkapangkatpangkat, bansa laban sa bansa, at bayan laban sa bayan: sapagka’t niligalig sila ng Dios ng buong kapighatian.

7 Nguni’t mangagpakalakas kayo, at huwag manglata ang inyong mga kamay; sapagka’t ang inyong mga gawa ay gagantihin.

8 At nang marinig ni Asa ang mga salitang ito, at ang hula ni Obed na propeta, siya’y lumakas, at inalis ang mga karumaldumal sa buong lupain ng Juda at ng Benjamin, at sa mga bayan na kaniyang sinakop sa lupaing maburol ng Ephraim; at kaniyang binago ang dambana ng Panginoon, na nasa harap ng portiko ng Panginoon.

9 At kaniyang pinisan ang buong Juda at Benjamin, at silang mga nakikipamayan na kasama nila mula sa Ephraim at Manases, at mula sa Simeon; sapagka’t sila’y nagsihilig sa kaniya na mula sa Israel na sagana, nang kanilang makita na ang Panginoon niyang Dios ay sumasa kaniya.

10 Sa gayo’y nangagpipisan sila sa Jerusalem sa ikatlong buwan, sa ikalabing limang taon ng paghahari ni Asa.

11 At sila’y nagsipaghain sa Panginoon sa araw na yaon, sa samsam na kanilang dinala, na pitong daang baka at pitong libong tupa.

12 At sila’y pumasok sa tipan upang hanapin ang Panginoon, ang Dios ng kanilang mga magulang, ng kanilang buong puso, at ng kanilang buong kaluluwa.

13 At sinomang hindi humanap sa Panginoon, sa Dios ng Israel, ay papatayin, maging maliit o malaki, maging lalake o babae.

14 At sila’y nagsisumpa sa Panginoon ng malakas na tinig, at may mga hiyawan, at may mga pakakak, at may mga patunog.

15 At ang buong Juda ay nagalak sa sumpa: sapagka’t sila’y nagsisumpa ng kanilang buong puso, at hinanap siya ng buo nilang nasa; at siya’y nasumpungan sa kanila: at binigyan sila ng Panginoon ng kapahingahan sa palibot.

16 At si Maacha naman na ina ni Asa na hari, ay inalis niya sa pagkareina, sapagka’t siya’y gumawa ng nakasusuklam na larawan na pinaka Asera; at pinutol ni Asa ang kaniyang larawan, at ginawang alabok, at sinunog sa batis ng Cedron.

17 Nguni’t ang mga mataas na dako ay hindi inalis sa Israel: gayon ma’y ang puso ni Asa ay sakdal sa lahat ng kaniyang mga kaarawan.

18 At kaniyang ipinasok sa bahay ng Dios ang mga bagay na itinalaga ng kaniyang ama, at yaon mang kaniyang itinalaga, na pilak, at ginto, at mga sisidlan.

19 At nawalan na ng digma sa ikatatlong pu’t limang taon ng paghahari ni Asa.

II Mga Cronica 16

1 Nang ikatatlong pu’t anim na taon ng paghahari ni Asa, si Baasa na hari sa Israel ay umahon laban sa Juda, at itinayo ang Rama, upang huwag niyang matiis na sinoma’y lumabas o pumaroon kay Asa na hari sa Juda.

2 Nang magkagayo’y kumuha si Asa ng pilak, at ginto sa mga kayamanan ng bahay ng Panginoon, at sa bahay ng hari, at nagsugo kay Ben-adad, na hari sa Siria, na tumatahan sa Damasco, na ipinasasabi,

3 May pagkakasundo ako at ikaw, na gaya ng aking ama at ng iyong ama: narito, ako’y nagpapadala sa iyo ng pilak at ginto; yumaon ka, sirain mo ang iyong pakikipagkasundo kay Baasa na hari sa Israel, upang siya’y lumayas sa akin.

4 At dininig ni Ben-adad ang haring Asa, at sinugo niya ang mga pinunong kawal ng kaniyang mga hukbo laban sa mga bayan ng Israel, at kanilang sinaktan ang Ion, at ang Dan, at ang Abel-maim, at ang lahat na bayang kamaligan ng Nephtali.

5 At nangyari, nang mabalitaan ni Baasa, na iniwan niya ang pagtatayo ng Rama, at ipinatigil ang kaniyang gawa.

6 Nang magkagayo’y ipinagsama ni Asa na hari ang buong Juda; at kanilang dinala ang mga bato ng Rama, at ang kahoy niyaon, na ipinagtayo ni Baasa; at itinayo niya sa pamamagitan niyaon ang Gibaa at Mizpa.

7 At nang panahong yaon ay naparoon kay Asa na hari sa Juda si Hanani na tagakita, at nagsabi sa kaniya, Sapagka’t ikaw ay nagtiwala sa hari sa Siria, at hindi ka nagtiwala sa Panginoon mong Dios, kaya’t ang hukbo ng hari sa Siria ay nagtanan sa iyong kamay.

8 Hindi ba ang mga taga Etiopia at ang mga Lubim ay makapal na hukbo, na may mga karo at mangangabayo na totoong marami? gayon ma’y sapagka’t ikaw ay nagtiwala sa Panginoon, ibinigay sila sa iyong kamay.

9 Sapagka’t ang mga mata ng Panginoon ay nagsisiyasat sa palibot ng buong lupa, upang pakilala na matibay sa ikagagaling ng mga yaon na ang puso ay sakdal sa kaniya. Ikaw ay gumawang may kamangmangan; sapagka’t mula ngayo’y magkakaroon ka ng mga pakikipagdigma.

10 Nang magkagayo’y nagalit si Asa sa tagakita, at inilagay niya siya sa bilangguan: sapagka’t siya’y nagalit sa kaniya dahil sa bagay na ito. At pinighati ni Asa ang iba sa bayan nang panahon ding yaon.

11 At, narito, ang mga gawa ni Asa, na una at huli, narito, nangakasulat sa aklat ng mga hari sa Juda at Israel.

12 At nang ikatatlong pu’t siyam na taon ng kaniyang paghahari, si Asa ay nagkasakit sa kaniyang mga paa; ang kaniyang sakit ay totoong malubha: gayon ma’y sa kaniyang sakit ay hindi niya hinanap ang Panginoon, kundi ang mga manggagamot.

13 At si Asa ay natulog na kasama ng kaniyang mga magulang, at namatay sa ikaapat na pu’t isang taon ng kaniyang paghahari.

14 At inilibing nila siya sa kaniyang sariling mga libingan, na kaniyang ipinahukay para sa kaniya sa bayan ni David, at inihiga siya sa higaan na pinunu ng mga masarap na amoy at sarisaring espesia na inihanda ng manggagawa ng mga pabango; at ipinagsunog nila niyaon ng di kawasa.

II Mga Cronica 17

1 At si Josaphat na kaniyang anak ay naghari, na kahalili niya, at nagpakalakas laban sa Israel.

2 At siya’y naglagay ng mga kawal sa lahat ng bayang nakukutaan ng Juda, at naglagay ng mga pulutong sa lupain ng Juda, at sa mga bayan ng Ephraim, na sinakop ni Asa sa kaniyang ama.

3 At ang Panginoon ay sumasa kay Josaphat, sapagka’t siya’y lumakad ng mga unang lakad ng kaniyang magulang na si David, at hindi hinanap ang mga Baal;

4 Kundi hinanap ang Dios ng kaniyang ama, at lumakad sa kaniyang mga utos, at hindi ayon sa mga gawa ng Israel.

5 Kaya’t itinatag ng Panginoon ang kaharian sa kaniyang kamay; at ang buong Juda ay nagdala kay Josaphat ng mga kaloob; at siya’y nagkaroon ng mga kayamanan at dangal na sagana.

6 At ang kaniyang puso ay nataas sa mga daan ng Panginoon: at bukod dito’y inalis niya ang mga mataas na dako at ang mga Asera sa Juda.

7 Nang ikatlong taon naman ng kaniyang paghahari ay kaniyang sinugo ang kaniyang mga prinsipe, sa makatuwid bagay si Ben-hail, at si Obdias, at si Zacharias, at si Nathaniel, at si Micheas, upang mangagturo sa mga bayan ng Juda.

8 At kasama nila ang mga Levita, na si Semeias, at si Nethanias, at si Zebadias, at si Asael, at si Semiramoth, at si Jonathan, at si Adonias, at si Tobias, at si Tob-adonias, na mga Levita; at kasama nila si Elisama, at si Joram na mga saserdote.

9 At sila’y nangagturo sa Juda, na may aklat ng kautusan ng Panginoon; at sila’y nagsiyaon sa palibot ng lahat na bayan ng Juda, at nangagturo sa gitna ng bayan.

10 At ang takot sa Panginoon ay nahulog sa lahat ng kaharian ng mga lupain na nangasa palibot ng Juda, na anopa’t sila’y hindi nangakipagdigma laban kay Josaphat.

11 At ang ilan sa mga Filisteo ay nangagdala ng mga kaloob kay Josaphat, at pilak na pinakabuwis; ang mga taga Arabia man ay nangagdala rin sa kaniya ng mga kawan, na pitong libo at pitong daang lalaking tupa, at pitong libo at pitong daang kambing na lalake.

12 At si Josaphat ay dumakilang mainam; at siya’y nagtayo sa Juda ng mga kastilyo at mga bayang kamaligan.

13 At siya’y nagkaroon ng maraming mga gawain sa mga bayan ng Juda; at ng mga lalaking mangdidigma, na mga makapangyarihang lalaking matatapang, sa Jerusalem.

14 At ito ang bilang nila ayon sa mga sangbahayan ng kanilang mga magulang: sa Juda, ang mga pinunong kawal ng lilibuhin; si Adna na pinunong kawal, at ang kasama niya na mga makapangyarihang lalaking matatapang ay tatlong daang libo:

15 At sumusunod sa kaniya ay si Johanan na pinunong kawal, at kasama niya’y dalawang daan at walong pung libo;

16 At sumusunod sa kaniya ay si Amasias na anak ni Zichri, na humandog na kusa sa Panginoon; at kasama niya ay dalawang daang libo na mga makapangyarihang lalaking matatapang:

17 At sa Benjamin; si Eliada na makapangyarihang lalaking matapang, at kasama niya ay dalawang daang libong may sakbat na busog at kalasag:

18 At sumusunod sa kaniya ay si Jozabad, at kasama niya ay isang daan at walong pung libo na handa sa pakikipagdigma.

19 Ang mga ito ang nangaglingkod sa hari bukod doon sa inilagay ng hari sa mga bayang nakukutaan sa buong Juda.

II Mga Cronica 18

1 Si Josaphat nga ay nagkaroon ng kayamanan, at dangal na sagana; at siya’y nakipagkamaganak kay Achab.

2 At pagkatapos ng ilang taon, kaniyang nilusong si Achab sa Samaria. At ipinagpatay siya ni Achab ng mga tupa at baka na sagana, at ang bayan na kasama niya; at inupahan siya na umahon na kasama niya sa Ramoth-galaad.

3 At sinabi ni Achab na hari sa Israel kay Josaphat na hari sa Juda, Sasama ka ba sa akin sa Ramoth-galaad? At sinagot niya siya, Ako’y gaya mo, at ang aking bayan ay gaya ng iyong bayan; at kami ay sasaiyo sa pakikipagdigma.

4 At sinabi ni Josaphat sa hari sa Israel, Magusisa ka ngayon, isinasamo ko sa iyo, sa salita ng Panginoon.

5 Nang magkagayo’y pinisan ng hari sa Israel ang mga propeta, na apat na raang lalake, at sinabi sa kanila, Magsisiparoon ba kami sa Ramoth-galaad upang makipagbaka, o uurong ako? At sinabi nila, Umahon ka; sapagka’t ibibigay ng Dios sa kamay ng hari.

6 Nguni’t sinabi ni Josaphat: Wala ba ritong ibang propeta ng Panginoon, upang tayo’y makapagusisa sa kaniya?

7 At sinabi ng hari sa Israel kay Josaphat, May isa pang lalake na mapaguusisaan natin sa Panginoon: nguni’t kinapopootan ko siya: sapagka’t kailan man ay hindi siya nanghuhula ng mabuti tungkol sa akin, kundi laging kasamaan; si Micheas nga na anak ni Imla. At sinabi ni Josaphat, Huwag magsabi ng ganyan ang hari.

8 Nang magkagayo’y tumawag ang hari sa Israel ng isang pinuno, at kaniyang sinabi, Dalhin mo ritong madali si Micheas na anak ni Imla.

9 Ang hari nga ng Israel at si Josaphat na hari sa Juda, ay nakaupo bawa’t isa sa kanikaniyang luklukan na nakapanamit hari, at sila’y nakaupo sa isang hayag na dako sa pasukan ng pintuang-bayan ng Samaria; at ang lahat na propeta ay nanganghula sa harap nila.

10 At si Sedechias na anak ni Chenaana ay gumawa ng mga sungay na bakal, at kaniyang sinabi, Ganito ang sabi ng Panginoon, Sa pamamagitan ng mga ito ay iyong itutulak ang mga taga Siria, hanggang sa mangalipol.

11 At lahat na propeta ay nanganghulang gayon, na sinasabi, Umahon ka sa Ramoth-galaad, at guminhawa ka: sapagka’t ibibigay ng Panginoon sa kamay ng hari.

12 At ang sugo na yumaong tumawag kay Micheas ay nagsalita sa kaniya na sinasabi, Narito, ang mga salita ng mga propeta ay nagsaysay ng mabuti sa hari na magkakaisa: isinasamo ko nga sa iyo na ang iyong salita ay maging gaya ng isa sa kanila, at magsalita ka ng mabuti.

13 At sinabi ni Micheas, Buhay ang Panginoon, kung ano ang sabihin ng aking Dios, yaon ang aking sasalitain.

14 At nang siya’y dumating sa hari, sinabi ng hari sa kaniya, Micheas, magsisiyaon ba kami sa Ramoth-galaad upang makipagbaka, o uurong ako? At sinabi niya, Magsiyaon kayo at magsiginhawa nawa; at sila’y mangabibigay sa inyong kamay.

15 At sinabi ng hari sa kaniya: Makailang ipasusumpa ko sa iyo na ikaw ay huwag magsalita ng anoman sa akin kundi katotohanan sa pangalan ng Panginoon?

16 At kaniyang sinabi, Aking nakita ang buong Israel na nangangalat sa mga bundok, na gaya ng mga tupa na walang pastor: at sinabi ng Panginoon, Ang mga ito’y walang panginoon; umuwing payapa ang bawa’t lalake sa kaniyang bayan.

17 At sinabi ng hari sa Israel kay Josaphat, Di ba isinaysay ko sa iyo na siya’y hindi manghuhula ng mabuti tungkol sa akin, kundi kasamaan?

18 At sinabi ni Micheas, Kaya’t dinggin ninyo ang salita ng Panginoon: Aking nakita ang Panginoon na nakaupo sa kaniyang luklukan, at ang buong hukbo ng langit na nakatayo sa kaniyang kanan at sa kaniyang kaliwa.

19 At sinabi ng Panginoon, Sinong dadaya kay Achab na hari sa Israel, upang siya’y umahon at mabuwal sa Ramoth-galaad? At ang isa’y nagsalita na nagsabi ng ayon sa ganitong paraan, at ang iba’y nagsabi ayon sa gayong paraan.

20 At lumabas ang isang espiritu, at tumayo sa harap ng Panginoon, at nagsabi, Aking dadayain siya. At sinabi ng Panginoon sa kaniya, Sa ano?

21 At kaniyang sinabi, Ako’y lalabas, at ako’y magiging magdarayang espiritu sa bibig ng lahat niyang mga propeta. At kaniyang sinabi, Iyong dadayain siya, at mananaig ka rin: lumabas ka, at gawin mong gayon.

22 Ngayon nga, narito, inilagay ng Panginoon ang magdarayang espiritu sa bibig ng iyong mga propetang ito; ang Panginoon ay nagsalita ng kasamaan tungkol sa iyo.

23 Nang magkagayo’y lumapit si Sedechias na anak ni Chenaana, at sinampal si Micheas, at nagsabi, Saan nagdaan ang Espiritu ng Panginoon na mula sa akin upang magsalita sa iyo?

24 At sinabi ni Micheas, Narito, iyong makikita sa araw na yaon, pagka ikaw ay papasok sa pinakaloob na silid upang magkubli.

25 At sinabi ng hari sa Israel, Dalhin ninyo si Micheas, at ibalik ninyo siya kay Amon na tagapamahala ng bayan, at kay Joas na anak ng hari;

26 At sabihin ninyo, Ganito ang sabi ng hari, Ilagay ang taong ito sa bilangguan, at pakanin siya ng tinapay ng kadalamhatian at ng tubig ng kadalamhatian hanggang sa ako’y bumalik na payapa.

27 At sinabi ni Micheas, Kung ikaw ay bumalik sa anomang paraan na payapa, ang Panginoon ay hindi nagsalita sa pamamagitan ko. At kaniyang sinabi, Dinggin ninyo, ninyong mga bayan, ninyong lahat.

28 Sa gayo’y ang hari sa Israel at si Josaphat na hari sa Juda ay nagsiahon sa Ramoth-galaad.

29 At sinabi ng hari sa Israel kay Josaphat, Ako’y magpapakunwaring iba, at paroroon ako sa pagbabaka; nguni’t ikaw ay magbalabal ng iyong mga balabal hari. Sa gayo’y ang hari ng Israel ay nagpakunwaring iba; at sila’y nagsiparoon sa pagbabaka.

30 Ang hari nga sa Siria ay nagutos sa mga pinunong kawal ng kaniyang mga karo, na sinasabi, Huwag kayong magsilaban kahit sa maliit o sa malaki man, liban lamang sa hari sa Israel.

31 At nangyari, nang makita ng mga punong kawal ng mga karo ni Josaphat, na kanilang sinabi, Siyang hari sa Israel. Kaya’t sila’y nagsiligid upang magsilaban sa kaniya: nguni’t si Josaphat ay humiyaw, at tinulungan siya ng Panginoon; at kinilos sila ng Dios na humiwalay sa kaniya.

32 At nangyari nang makita ng mga pinunong kawal ng mga karo na hindi siyang hari sa Israel, na sila’y nagsihiwalay ng paghabol sa kaniya.

33 At inihilagpos ng isang lalake ang kaniyang pana sa isang pagbabakasakali, at tinamaan ang hari sa Israel, sa pagitan ng mga pagkakasugpong ng sakbat kaya’t sinabi niya sa nagpapatakbo ng karo, Ipihit mo ang iyong kamay, at ihiwalay mo ako sa hukbo; sapagka’t ako’y nasugatan ng mabigat.

34 At ang pagbabaka ay lumala nang araw na yaon; gayon ma’y ang hari sa Israel ay nanatili sa kaniyang karo laban sa mga taga Siria hanggang sa kinahapunan: at sa may paglubog ng araw ay namatay siya.

II Mga Cronica 19

1 At si Josaphat na hari sa Juda ay umuwing payapa sa kaniyang bahay sa Jerusalem.

2 At si Jehu na anak ni Hanani na tagakita ay lumabas na sinalubong siya, at sinabi sa haring Josaphat: Tutulungan mo ba ang mga masama at mamahalin yaong mga napopoot sa Panginoon? dahil sa bagay na ito ay kapootan ang sasaiyo na mula sa harap ng Panginoon.

3 Gayon ma’y may mabuting mga bagay na nasumpungan sa iyo, sa iyong pagaalis ng mga Asera sa lupain, at inilagak mo ang iyong puso upang hanapin ang Dios.

4 At si Josaphat ay tumahan sa Jerusalem: at siya’y lumabas uli sa gitna ng bayan na mula sa Beer-seba hanggang sa lupaing maburol ng Ephraim, at ibinalik niya sila sa Panginoon, sa Dios ng kanilang mga magulang.

5 At siya’y naglagay ng mga hukom sa lupain sa lahat na bayang nakukutaan ng Juda sa bayan at bayan.

6 At sinabi sa mga hukom, Buhayin ninyo kung ano ang inyong ginagawa: sapagka’t hindi kayo nagsisihatol ng dahil sa tao, kundi dahil sa Panginoon, at siya’y sumasainyo sa kahatulan.

7 Ngayon nga’y sumainyo nawa ang takot sa Panginoon; magsipagingat kayo at inyong gawin: sapagka’t walang kasamaan sa Panginoon nating Dios, o tumangi man sa mga tao, o tumanggap man ng mga suhol.

8 Bukod dito’y naglagay si Josaphat sa Jerusalem ng ilan sa mga Levita, at sa mga saserdote, at sa mga pangulo sa mga sangbahayan ng mga magulang ng Israel, dahil sa kahatulan ng Panginoon, at sa mga pagkakaalitan. At sila’y nagsibalik sa Jerusalem.

9 At kaniyang binilinan sila, na sinasabi, Ganito ang inyong gagawin, sa takot sa Panginoon, na may pagtatapat, at may sakdal na puso.

10 At anomang kaalitan ang dumating sa inyo na mula sa inyong mga kapatid na nagsisitahan sa kanilang mga bayan, na dugo’t dugo, kautusan at utos, mga palatuntunan at mga kahatulan, ay inyong papayuhan sila, upang sila’y huwag maging salarin sa Panginoon, at sa gayo’y kapootan ay huwag dumating sa inyo, at sa inyong mga kapatid: ito’y inyong gawin, at kayo’y hindi magiging salarin.

11 At, narito, si Amarias na punong saserdote ay nasa inyo sa lahat ng bagay ng Panginoon; at si Zebadias na anak ni Ismael, na tagapamahala sa sangbahayan ni Juda, sa lahat ng mga bagay ng hari: ang mga Levita rin naman ay magiging mga pinuno sa harap ninyo. Gawin ninyong may katapangan at ang Panginoon ay sumasamabuti nawa.

II Mga Cronica 20

1 At nangyari, pagkatapos nito, na ang mga anak ni Moab, at ang mga anak ni Ammon, at pati ng iba sa mga Ammonita, ay naparoon laban kay Josaphat upang makipagbaka.

2 Nang magkagayo’y nagsiparoon ang iba na nagsipagsaysay kay Josaphat, na nagsasabi, May lumalabas na isang lubhang karamihan laban sa iyo na mula sa dako roon ng dagat na mula sa Siria; at, narito, sila’y nangasa Hasason-tamar (na siyang Engedi).

3 At si Josaphat ay natakot, at tumalagang hanapin ang Panginoon; at siya’y nagtanyag ng ayuno sa buong Juda.

4 At ang Juda’y nagpipisan, upang huminging tulong sa Panginoon: sa makatuwid baga’y mula sa lahat na bayan ng Juda ay nagsiparoon upang hanapin ang Panginoon.

5 At si Josaphat ay tumayo sa kapisanan ng Juda at Jerusalem, sa bahay ng Panginoon, sa harap ng bagong looban;

6 At kaniyang sinabi, Oh Panginoon, na Dios ng aming mga magulang, di ba ikaw ay Dios sa langit? at di ba ikaw ay puno sa lahat na kaharian ng mga bansa? at nasa iyong kamay ang kapangyarihan at lakas, na anopa’t walang makahaharap sa iyo.

7 Di mo ba pinalayas, Oh aming Dios, ang mga nananahan sa lupaing ito sa harap ng iyong bayang Israel, at iyong ibinigay sa binhi ni Abraham na iyong kaibigan magpakailan man?

8 At nagsitahan sila roon at ipinagtayo ka ng santuario roon na ukol sa iyong pangalan, na sinasabi,

9 Kung ang kasamaan ay dumating sa amin, ang tabak ng kahatulan, o salot, o kagutom, kami ay magsisitayo sa harap ng bahay na ito, at sa harap mo, (sapagka’t ang iyong pangalan ay nasa bahay na ito,) at kami ay dadaing sa iyo sa aming pagdadalamhati, at kami ay iyong didinggin at ililigtas.

10 At ngayon, narito, ang mga anak ni Ammon at ni Moab, at ng sa bundok ng Seir na hindi mo ipinalusob sa Israel, nang sila’y magsilabas sa lupain ng Egipto, kundi kanilang nilikuan sila, at hindi sila nilipol;

11 Tingnan mo, kung paanong sila’y gumaganti sa amin, na nagsisiparito upang palayasin kami sa iyong pag-aari, na iyong ibinigay sa amin upang manahin.

12 Oh aming Dios, hindi mo ba hahatulan sila? sapagka’t wala kaming kaya laban sa malaking pulutong na ito na naparirito laban sa amin, ni hindi man nalalaman namin kung anong marapat gawin; nguni’t ang aming mga mata ay nasa iyo.

13 At ang buong Juda ay tumayo sa harap ng Panginoon, pati ang kanilang mga bata, ang kanilang mga asawa, at ang kanilang mga anak.

14 Nang magkagayo’y dumating kay Jahaziel na anak ni Zacharias, na anak ni Benaias, na anak ni Jeiel, na anak ni Mathanias na Levita, sa mga anak ni Asaph ang Espiritu ng Panginoon sa gitna ng kapisanan;

15 At kaniyang sinabi, Dinggin ninyo, buong Juda, at ninyong mga taga Jerusalem, at ikaw na haring Josaphat: ganito ang sabi ng Panginoon sa inyo, Huwag kayong mangatakot, o manglupaypay man dahil sa malaking karamihang ito; sapagka’t ang pakikipagbaka ay hindi inyo, kundi sa Dios.

16 Bukas ay magsilusong kayo laban sa kanila: narito, sila’y nagsiahon sa ahunan ng Sis; at inyong masusumpungan sila sa dulo ng libis, sa harap ng ilang ng Jeruel.

17 Kayo’y hindi magkakailangan na makipaglaban sa pagbabakang ito: magsilagay kayo, magsitayo kayong panatag, at tingnan ninyo ang pagliligtas, ng Panginoon na kasama ninyo, Oh Juda at Jerusalem: huwag kayong mangatakot, o manganglupaypay man: bukas ay magsilabas kayo laban sa kanila; sapagka’t ang Panginoon ay sumasa inyo.

18 At itinungo ni Josaphat ang kaniyang ulo sa lupa: at ang buong Juda at ang mga taga Jerusalem ay nangagpatirapa sa harap ng Panginoon, na nagsisamba sa Panginoon.

19 At ang mga Levita, sa mga anak ng mga Coathita at sa mga anak ng mga Coraita; ay nagsitayo upang purihin ang Panginoon, ang Dios ng Israel, ng totoong malakas na tinig.

20 At sila’y nagsibangong maaga sa kinaumagahan, at nagsilabas sa ilang ng Tecoa: at habang sila’y nagsisilabas, si Josaphat ay tumayo, at nagsabi, Dinggin ninyo ako, Oh Juda, at ninyong mga taga Jerusalem; sumampalataya kayo sa Panginoon ninyong Dios, sa gayo’y matatatag kayo; sumampalataya kayo sa kaniyang mga propeta, sa gayo’y giginhawa kayo.

21 At nang siya’y makakuhang payo sa bayan, kaniyang inihalal sa kanila ang magsisiawit sa Panginoon at magsisipuri sa ganda ng kabanalan habang sila’y nagsisilabas na nagpapauna sa hukbo at magsipagsabi, Mangagpasalamat kayo sa Panginoon; sapagka’t ang kaniyang kaawaan ay magpakailan man.

22 At nang sila’y mangagpasimulang magsiawit at magsipuri, ang Panginoon ay naglagay ng mga bakay laban sa mga anak ni Ammon, ni Moab, at ng sa bundok ng Seir, na nagsiparoon laban sa Juda; at sila’y nangasugatan.

23 Sapagka’t ang mga anak ni Ammon at ni Moab ay nagsitayo laban sa mga taga bundok ng Seir, upang lubos na magsipatay at lipulin sila: at nang sila’y makatapos sa mga taga bundok ng Seir, bawa’t isa’y tumulong na lumipol sa iba.

24 At nang ang Juda ay dumating sa bantayang moog sa ilang, sila’y nagsitingin sa karamihan; at, narito, mga bangkay na nangakabuwal sa lupa, at walang nakatanan.

25 At nang si Josaphat at ang kaniyang bayan ay magsiparoon upang kunin ang samsam sa kanila, kanilang nasumpungan sa kanila na sagana ay mga kayamanan at mga bangkay, at mga mahahalagang hiyas na kanilang mga sinamsam para sa kanilang sarili, na higit kay sa kanilang madala: at sila’y nagsidoon na tatlong araw, sa pagkuha ng samsam, na totoong marami.

26 At nang ikaapat na araw, sila’y nagpupulong sa libis ng Baracah; sapagka’t doo’y kanilang pinuri ang Panginoon: kaya’t ang pangalan ng dakong yaon ay tinawag na Libis ng Baracah, hanggang sa araw na ito.

27 Nang magkagayo’y nagsibalik sila, bawa’t lalake sa Juda, at sa Jerusalem, at si Josaphat ay sa unahan nila, upang bumalik sa Jerusalem na may kagalakan; sapagka’t sila’y pinapagkatuwa ng Panginoon sa kanilang mga kaaway.

28 At sila’y nagsiparoon sa Jerusalem na may mga salterio at mga alpa, at mga pakakak sa bahay ng Panginoon.

29 At ang takot sa Dios ay napasa lahat na kaharian ng mga lupain, nang kanilang mabalitaang ang Panginoon ay nakipaglaban sa mga kaaway ng Israel.

30 Sa gayo’y ang kaharian ni Josaphat ay natahimik: sapagka’t binigyan siya ng kaniyang Dios ng kapahingahan sa palibot.

31 At si Josaphat ay naghari sa Juda: siya’y may tatlong pu’t limang taong gulang nang siya’y magpasimulang maghari; at siya’y nagharing dalawang pu’t limang taon sa Jerusalem: at ang pangalan ng kaniyang ina ay Azuba na anak ni Silhi.

32 At siya’y lumakad ng lakad ni Asa na kaniyang ama, at hindi siya lumiko sa paggawa ng matuwid sa harap ng mga mata ng Panginoon.

33 Gayon ma’y ang mga mataas na dako ay hindi inalis; ni inilagak pa man ng bayan ang kanilang puso sa Dios ng kanilang mga magulang.

34 Ang iba nga sa mga gawa ni Josaphat, na una at huli, narito, nangakasulat sa kasaysayan ni Jehu na anak ni Hanani, na nasusulat sa aklat ng mga hari sa Israel.

35 At pagkatapos nito ay nakipisan si Josaphat na hari sa Juda kay Ochozias na hari sa Israel; na siyang gumawa ng totoong masama:

36 At siya’y nakipisan sa kaniya upang gumawa ng mga sasakyang dagat na magsisiparoon sa Tharsis: at kanilang ginawa ang mga sasakyan sa Esion-geber.

37 Nang magkagayo’y si Eliezer na anak ni Dodava sa Mareosah ay nanghula laban kay Josaphat, na kaniyang sinabi, Sapagka’t ikaw ay nakipisan kay Ochozias, giniba ng Panginoon ang iyong mga gawa. At ang mga sasakyan ay nangabasag, na anopa’t sila’y hindi na makaparoon sa Tharsis.

II Mga Cronica 21

1 At si Josaphat ay natulog na kasama ng kaniyang mga magulang, at nalibing na kasama ng kaniyang mga magulang sa bayan ni David: at si Joram na kaniyang anak ay naghari na kahalili niya.

2 At siya’y nagkaroon ng mga kapatid, na mga anak ni Josaphat, na si Azarias, at si Jehiel, at si Zacharias, at si Azarias, at si Michael, at si Sephatias: lahat ng ito ay mga anak ni Josaphat na hari sa Israel.

3 At binigyan sila ng kanilang ama ng mga dakilang kaloob, na pilak, at ginto, at mga mahalagang bagay, pati ng mga bayang nakukutaan ng Juda: nguni’t ang kaharian ay ibinigay niya kay Joram, sapagka’t siya ang panganay.

4 Nang si Joram nga ay bumangon sa kaharian ng kaniyang ama, at lumakas, ay kaniyang pinatay ng tabak ang lahat niyang mga kapatid, at gayon din ang iba sa mga prinsipe ng Israel.

5 Si Joram ay tatlongpu’t dalawang taon nang siya’y magpasimulang maghari; at siya’y nagharing walong taon sa Jerusalem.

6 At siya’y lumakad ng lakad ng mga hari sa Israel, gaya ng ginawa ng sangbahayan ni Achab; sapagka’t siya’y nagasawa sa anak ni Achab: at siya’y gumawa ng kasamaan sa paningin ng Panginoon.

7 Gayon ma’y hindi nilipol ng Panginoon ang sangbahayan ni David, dahil sa tipan na kaniyang ginawa kay David, at yamang siya’y nangako na bibigyan siya ng ilawan at ang kaniyang mga anak magpakailan man.

8 Sa kaniyang mga kaarawan ay nanghimagsik ang Edom na mula sa kapangyarihan ng Juda, at naghalal ng hari sa kanilang sarili.

9 Nang magkagayo’y nagdaan si Joram na kasama ang kaniyang mga punong kawal, at dala ang lahat niyang mga karo: at siya’y bumangon ng kinagabihan at sinaktan ang mga Idumeo na kumubkob sa kaniya, at ang mga pinunong kawal sa mga karo.

10 Sa gayo’y nanghimagsik ang Edom na mula sa kapangyarihan ng Juda, hanggang sa araw na ito: nang magkagayo’y nanghimagsik ang Libna nang panahong yaon na mula sa kaniyang kapangyarihan: sapagka’t kaniyang pinabayaan ang Panginoon, ang Dios ng kaniyang mga magulang.

11 Bukod dito’y kaniyang ginawa ang mga mataas na dako sa mga bundok ng Juda, at pinasamba sa diosdiosan ang mga taga Jerusalem, at iniligaw ang Juda.

12 At dumating ang isang sulat sa kaniya na mula kay Elias na propeta, na sinasabi, Ganito ang sabi ng Panginoon, ng Dios ni David na iyong ama, sapagka’t hindi ka lumakad ng mga lakad ni Josaphat na iyong ama, o ng mga lakad man ni Asa na hari sa Juda:

13 Kundi ikaw ay lumakad ng mga lakad ng mga hari sa Israel, at iyong pinasamba sa diosdiosan ang Juda at ang mga nananahan sa Jerusalem, gaya ng ginawa ng sangbahayan ni Achab; at iyo rin namang pinatay ang iyong mga kapatid sa sangbahayan ng iyong ama, na lalong mabuti kay sa iyo:

14 Narito, ang Panginoon ay mananalot ng malaki sa iyong bayan, at sa iyong mga anak, at sa iyong mga asawa, at sa lahat ng iyong pag-aari:

15 At ikaw ay magkakasakit ng mabigat, na sakit ng iyong tiyan, hanggang sa lumabas ang loob ng iyong tiyan dahil sa sakit araw-araw.

16 At inudyukan ng Panginoon laban kay Joram ang diwa ng mga Filisteo, at ng mga taga Arabia na nangasa siping ng mga taga Etiopia:

17 At sila’y nagsiahon laban sa Juda, at nagpumilit doon, at dinala ang lahat na pag-aari na nasumpungan sa bahay ng hari, at pati ang mga anak niya, at ang mga asawa niya; na anopa’t walang naiwang anak sa kaniya, liban si Joachaz na bunso sa kaniyang mga anak.

18 At pagkatapos ng lahat na ito ay sinaktan siya ng Panginoon sa kaniyang tiyan ng walang kagamutang sakit.

19 At nangyari, sa lakad ng panahon sa katapusan ng dalawang taon, na ang loob ng kaniyang tiyan ay lumabas dahil sa kaniyang sakit, at siya’y namatay sa mabigat na sakit. At hindi ipinagsunog siya ng kaniyang bayan, na gaya ng pagsusunog sa kaniyang mga magulang.

20 May tatlongpu’t dalawang taon siya nang siya’y magpasimulang maghari, at siya’y naghari sa Jerusalem na walong taon: at siya’y nanaw na walang nagnasang pumigil; at inilibing nila siya sa bayan ni David, nguni’t hindi sa mga libingan ng mga hari.

II Mga Cronica 22

1 At ginawang hari ng mga taga Jerusalem si Ochozias na kaniyang bunsong anak na kahalili niya: sapagka’t pinatay ang mga pinaka matanda sa kampamento ng pulutong na lalake na naparoon na kasama ng mga taga Arabia. Sa gayo’y si Ochozias na anak ni Joram na hari sa Juda ay naghari.

2 May apat na pu’t dalawang taon si Ochozias nang magpasimulang maghari; at siya’y nagharing isang taon sa Jerusalem: at ang pangalan ng kaniyang ina ay Athalia na anak ni Omri.

3 Siya rin naman ay lumakad ng mga lakad ng sangbahayan ni Achab: sapagka’t ang kaniyang ina ay siyang kaniyang taga-payo upang gumawang may kasamaan.

4 At siya’y gumawa ng kasamaan sa paningin ng Panginoon, gaya ng ginawa ng sangbahayan ni Achab: sapagka’t sila ang naging kaniyang taga-payo pagkamatay ng kaniyang ama, sa ikapapahamak niya.

5 Siya’y lumakad din naman ng ayon sa kanilang payo, at yumaon na kasama ni Joram na anak ni Achab na hari sa Israel upang makipagdigma laban kay Hazael na hari sa Siria sa Ramoth-galaad: at sinugatan ng mga taga Siria si Joram.

6 At siya’y bumalik upang magpagaling sa Jezreel ng mga sugat na isinugat nila sa kaniya sa Rama, ng siya’y makipaglaban kay Hazael na hari sa Siria. At si Azarias na anak ni Joram na hari sa Juda ay lumusong upang tingnan si Joram na anak ni Achab sa Jezreel, sapagka’t siya’y may sakit.

7 Ang kapahamakan nga ni Ochozias ay sa ganang Dios, sa kaniyang pagparoon kay Joram: sapagka’t nang siya’y dumating, siya’y lumabas na kasama ni Joram laban kay Jehu na anak ni Nimsi, na siyang pinahiran ng langis ng Panginoon upang ihiwalay ang sangbahayan ni Achab.

8 At nangyari, nang si Jehu ay maglalapat ng kahatulan sa bahay ni Achab, na kaniyang nasumpungan ang mga prinsipe sa Juda, at ang mga anak ng mga kapatid ni Ochozias, na nagsisipangasiwa kay Ochozias, at pinatay sila.

9 At kaniyang hinanap si Ochozias, at hinuli nila siya, (siya nga’y nagtatago sa Samaria,) at dinala nila siya kay Jehu, at pinatay siya; at inilibing nila siya, sapagka’t kanilang sinabi, Siya’y anak ni Josaphat, na humanap sa Panginoon ng buo niyang puso. At ang sangbahayan ni Ochozias ay walang kapangyarihang humawak ng kaharian.

10 Nang makita nga ni Athalia na ina ni Ochozias na ang kaniyang anak ay patay, siya’y tumindig at nilipol ang lahat na binhing hari ng sambahayan ni Juda.

11 Nguni’t kinuha ni Josabeth, na anak na babae ng hari, si Joas na anak ni Ochozias, at inalis niyang lihim siya sa gitna ng mga anak ng hari na nangapatay, at inilagay niya siya at ang kaniyang yaya sa silid na higaan. Gayon ikinubli ni Josabeth, na anak ng haring Joram, na asawa ni Joiada na saserdote, (sapagka’t siya’y kapatid ni Ochozias) kay Athalia, na anopa’t siya’y hindi napatay.

12 At siya’y nakakubling kasama nila sa bahay ng Dios na anim na taon: at si Athalia ay naghari sa lupain.

II Mga Cronica 23

1 At sa ikapitong taon ay lumakas si Joiada, at nakipagtipan siya sa mga pinunong kawal ng dadaanin, kay Azarias na anak ni Joram, at kay Ismael na anak ni Johanan, at kay Azarias na anak ni Obed, at kay Maasias na anak ni Adaias, at kay Elisaphat na anak ni Zichri.

2 At kanilang nilibot ang Juda, at pinisan ang mga Levita mula sa lahat na bayan ng Juda, at ang mga pangulo ng mga sangbahayan ng mga magulang ng Israel, at sila’y nagsiparoon sa Jerusalem.

3 At ang buong kapisanan ay nakipagtipan sa hari sa bahay ng Dios. At sinabi niya sa kanila, Narito, ang anak ng hari ay maghahari, gaya ng sinalita ng Panginoon tungkol sa mga anak ni David.

4 Ito ang bagay na inyong gagawin: isang ikatlong bahagi ninyo, na pumapasok sa sabbath, sa mga saserdote at sa mga Levita, magiging mga tagatanod-pinto;

5 At ang ikatlong bahagi ay magiging sa bahay ng hari; at ang ikatlong bahagi sa pintuang-bayan ng patibayan; at ang buong bayan ay malalagay sa mga looban ng bahay ng Panginoon.

6 Nguni’t walang papasok sa bahay ng Panginoon, liban sa mga saserdote, at nagsisipangasiwang mga Levita; sila’y magsisipasok, sapagka’t sila’y mga banal: nguni’t ang buong bayan ay magiingat ng pagbabantay sa Panginoon.

7 At kukulungin ng mga Levita ang hari sa palibot, bawa’t isa’y may dalang kaniyang mga sandata sa kaniyang kamay; at sinomang pumasok sa bahay, patayin: at kayo’y magsiabay sa hari pagka siya’y pumapasok at pagka siya’y lumalabas.

8 Gayon ginawa ng mga Levita at ng buong Juda ang ayon sa lahat na iniutos ni Joiada na saserdote: at sila’y kumuha bawa’t lalake ng kaniyang mga lalake, yaong nagsisipasok sa sabbath, na kasama niyaong nagsisilabas sa sabbath; sapagka’t hindi pinayaon ni Joiada na saserdote ang mga pangkat.

9 At si Joiada na saserdote ay nagbigay sa mga pinunong kawal ng mga dadaanin ng mga sibat, at mga maliit na kalasag at mga kalasag na naging sa haring David, na nangasa bahay ng Dios.

10 At kaniyang inilagay ang buong bayan, na bawa’t isa’y may kaniyang sandata sa kaniyang kamay, mula sa dakong kanan ng bahay hanggang sa dakong kaliwa ng bahay, sa siping ng dambana at ng bahay, sa siping ng hari sa palibot.

11 Nang magkagayo’y kanilang inilabas ang anak ng hari, at ipinutong nila ang putong sa kaniya, at binigyan siya ng patotoo, at ginawa siyang hari: at pinahiran siya ng langis ni Joiada at ng kaniyang mga anak; at kanilang sinabi, Mabuhay ang hari.

12 At nang marinig ni Athalia ang kaingay ng bayan, na tumatakbo at pinupuri ang hari, siya’y naparoon sa bayan sa loob ng bahay ng Panginoon:

13 At siya’y tumingin, at, narito, ang hari ay nakatayo sa siping ng kaniyang haligi sa pasukan, at ang mga punong kawal at ang mga may pakakak ay sa siping ng hari: at ang buong bayan ng lupain ay nagalak, at humihip ng mga pakakak; ang mga mangaawit naman ay nagsitugtog ng mga panugtog ng tugtugin, at tinugmaan ang awit ng papuri. Nang magkagayo’y hinapak ni Athalia ang kaniyang suot, at sinabi: Paglililo, paglililo.

14 At inilabas ni Joiada na saserdote ang mga pinunong kawal ng dadaanin na nangalalagay sa hukbo, at sinabi sa kanila, Palabasin ninyo siya sa pagitan ng mga hanay; at sinomang sumunod sa kaniya, patayin ng tabak: sapagka’t sinabi ng saserdote, Huwag patayin siya sa bahay ng Panginoon.

15 Sa gayo’y binigyang daan nila siya; at siya’y naparoon sa pasukan ng pintuang-daan ng kabayo sa bahay ng hari: at pinatay nila siya roon.

16 At si Joiada ay nakipagtipan sa kaniya, at sa buong bayan, at sa hari na sila’y magiging bayan ng Panginoon.

17 At ang buong bayan ay naparoon sa bahay ni Baal, at ibinagsak, at pinagputolputol ang kaniyang mga dambana at ang kaniyang mga larawan, at pinatay si Mathan na saserdote ni Baal sa harap ng mga dambana.

18 At inihalal ni Joiada ang mga katungkulan sa bahay ng Panginoon, sa kapangyarihan ng kamay ng mga saserdote na mga Levita, na siyang binahagi ni David sa bahay ng Panginoon, upang maghandog ng mga handog na susunugin sa Panginoon, gaya ng nasusulat sa kautusan ni Moises, na may pagkagalak, at may pagawit ayon sa ayos ni David.

19 At kaniyang inilagay ang mga tagatanod-pinto sa mga pintuangdaan ng bahay ng Panginoon, upang walang pumasok na marumi sa anomang bagay.

20 At kaniyang ipinagsama ang mga pinunong kawal ng dadaanin at ang mga mahal na tao, at ang mga tagapamahala ng bayan, at ang buong bayan ng lupain, at ibinaba ang hari mula sa bahay ng Panginoon: at sila’y pumasok sa bahay ng hari, na nagdaan sa pinakamataas na pintuang-daan, at inilagay ang hari sa luklukan ng kaharian.

21 Sa gayo’y ang buong bayan ng lupain ay nagalak, at ang bayan ay natahimik: at pinatay nila ng tabak si Athalia.

II Mga Cronica 24

1 Si Joas ay may pitong taon nang magpasimulang maghari; at siya’y nagharing apat na pung taon sa Jerusalem: at ang pangalan ng kaniyang ina ay Sibia na taga Beer-seba.

2 At gumawa si Joas ng matuwid sa harap ng mga mata ng Panginoon lahat ng mga kaarawan ni Joiada na saserdote.

3 At kumuha si Joiada ng dalawang babae upang maging asawa ng hari, at siya’y nagkaanak ng mga lalake at mga babae.

4 At nangyari, pagkatapos nito, na inisip ni Joas na husayin ang bahay ng Panginoon.

5 At kaniyang pinisan ang mga saserdote at ang mga Levita, at sinabi sa kanila, Magsilabas kayo hanggang sa mga bayan ng Juda, at magtipon kayo sa buong Israel ng salapi upang husayin ang bahay ng inyong Dios sa taontaon, at sikapin ninyo na inyong madaliin ang bagay. Gayon ma’y hindi minadali ng mga Levita.

6 At ipinatawag ng hari si Joiada na pinuno, at sinabi sa kaniya, Bakit hindi mo ipinadala sa mga Levita ang buwis na iniutos ni Moises, na lingkod ng Panginoon, at ng kapisanan ng Israel, mula sa Juda, at mula sa Jerusalem, na ukol sa tabernakulo ng patotoo?

7 Sapagka’t giniba ng mga anak ni Athalia, niyaong masamang babae, ang bahay ng Dios, at kanila namang ginugol sa mga Baal ang lahat na itinalagang bagay sa bahay ng Panginoon.

8 Sa gayo’y nagutos ang hari, at sila’y nagsigawa ng isang kaban, at inilagay sa labas sa pintuang daan ng bahay ng Panginoon.

9 At sila’y nangagtanyag sa Juda at sa Jerusalem, na dalhin sa Panginoon ang buwis na iniatang ni Moises na lingkod ng Dios sa Israel sa ilang.

10 At ang lahat na prinsipe at ang buong bayan ay nagalak, at dinala, at inilagay sa kaban, hanggang sa natapos.

11 At nagkagayon, nang dalhin ang kaban sa kawanihan ng hari, sa pamamagitan ng kamay ng mga Levita, at nang kanilang makita na maraming salapi, na ang kalihim ng hari at ang pinuno ng pangulong saserdote ay naparoon at inalisan ng laman ang kaban, at kinuha, at dinala uli sa dakong kinaroroonan. Ganito ang kanilang ginawa araw-araw, at nagtipon ng salapi na sagana.

12 At ibinigay ng hari at ni Joiada sa gumagawa ng gawaing paglilingkod sa bahay ng Panginoon; at sila’y nagsiupa ng mga kantero at ng mga anluwagi upang husayin ang bahay ng Panginoon, at ng nagsisigawa naman sa bakal at tanso upang husayin ang bahay ng Panginoon.

13 Sa gayo’y nagsigawa ang mga manggagawa, at ang gawa ay nayari sa pamamagitan nila, at kanilang itinayo ang bahay ng Dios sa kaniyang kalagayan, at pinatibay.

14 At nang kanilang matapos, kanilang dinala ang labis ng salapi sa harap ng hari at ni Joiada, na siyang mga ipinagpagawa ng mga sisidlan sa bahay ng Panginoon, sa makatuwid baga’y mga sisidlan upang ipangasiwa, at upang ipaghandog ng hain, at mga sandok, at mga sisidlang ginto, at pilak. At sila’y nangaghandog na palagi ng mga handog na susunugin sa bahay ng Panginoon sa lahat ng mga kaarawan ni Joiada.

15 Nguni’t si Joiada ay tumanda at napuspos ng mga araw, at siya’y namatay; siya’y may isang daan at tatlongpung taon nang siya’y mamatay.

16 At inilibing nila siya sa bayan ni David sa kasamahan ng mga hari, sapagka’t siya’y gumawa ng mabuti sa Israel, at sa Dios at sa kaniyang sangbahayan.

17 Pagkamatay nga ni Joiada ay nagsiparoon ang mga prinsipe ng Juda, at nangagbigay galang sa hari. Nang magkagayo’y dininig sila ng hari.

18 At kanilang pinabayaan ang bahay ng Panginoon, ng Dios ng kanilang mga magulang, at nangaglingkod sa mga Asera at sa mga dios-diosan: at ang pag-iinit ay dumating sa Juda at sa Jerusalem dahil sa kanilang salang ito.

19 Gayon ma’y nagsugo siya ng mga propeta sa kanila upang dalhin sila uli sa Panginoon; at sila’y sumaksi laban sa kanila; nguni’t hindi sila pinakinggan.

20 At ang Espiritu ng Dios ay dumating kay Zacharias na anak ni Joiada na saserdote; at siya’y tumayong mataas kay sa bayan, at nagsabi sa kanila, Ganito ang sabi ng Dios, Bakit kayo’y nagsisisalangsang sa mga utos ng Panginoon, na anopa’t kayo’y huwag magsiginhawa? sapagka’t inyong pinabayaan ang Panginoon, kaniya namang pinabayaan kayo.

21 At sila’y nagsipagbanta laban sa kaniya, at binato siya ng mga bato, sa utos ng hari sa looban ng bahay ng Panginoon.

22 Sa ganito ay hindi inalaala ni Joas na hari ang kagandahang loob na ginawa ni Joiada na kaniyang ama sa kaniya, kundi pinatay ang kaniyang anak. At nang siya’y mamatay, kaniyang sinabi, Masdan ng Panginoon, at pakialaman.

23 At nangyari, sa katapusan ng taon, na ang hukbo ng mga taga Siria ay umahon laban sa kaniya: at sila’y nagsiparoon sa Juda at sa Jerusalem, at nilipol ang lahat na prinsipe ng bayan mula sa gitna ng bayan, at ipinadala ang buong samsam sa kanila sa hari sa Damasco.

24 Sapagka’t ang hukbo ng mga taga Siria ay naparoong may munting pangkat ng mga lalake; at ibinigay ng Panginoon ang isang totoong malaking hukbo sa kanilang kamay sapagka’t kanilang pinabayaan ang Panginoon, ang Dios ng kanilang mga magulang. Sa gayo’y nilapatan nila ng kahatulan si Joas.

25 At nang kanilang lisanin siya, (sapagka’t iniwan nila siya sa maraming mga sakit,) ang kaniyang sariling mga lingkod ay nagsipagbanta laban sa kaniya dahil sa dugo ng mga anak ni Joiada na saserdote, at pinatay siya sa kaniyang higaan, at siya’y namatay: at inilibing nila siya sa bayan ni David, nguni’t hindi inilibing nila siya sa mga libingan ng mga hari.

26 At ang mga ito ang nagsipagbanta laban sa kaniya; si Zabad na anak ni Simath, na Ammonita, at si Jozabad na anak ni Simrith, na Moabita.

27 Tungkol nga sa kaniyang mga anak, at sa kalakhan ng mga pasang ipinasan sa kaniya, at sa pagtatayong muli ng bahay ng Dios, narito, nakasulat sa kasaysayan ng aklat ng mga hari. At si Amasias na kaniyang anak ay naghari na kahalili niya.