I Mga Cronica 9

1 Sa gayo’y ang buong Israel ay nabilang ayon sa mga talaan ng lahi; at, narito, sila’y nangasusulat sa aklat ng mga hari sa Israel. At ang Juda’y dinalang bihag sa Babilonia dahil sa kanilang pagsalangsang.

2 Ang mga unang mananahanan na nagsitahan sa kanilang mga pag-aari sa kanilang mga bayan ay ang Israel, ang mga saserdote, ang mga Levita, at ang mga Nethineo.

3 At sa Jerusalem ay tumahan sa mga anak ni Juda, at sa mga anak ni Benjamin, at sa mga anak ni Ephraim at Manases;

4 Si Urai, na anak ni Amiud, na anak ni Omri, na anak ni Imrai, na anak ni Bani, sa mga anak ni Phares na anak ni Juda.

5 At sa mga Silonita: si Asaias na panganay, at ang kaniyang mga anak.

6 At sa mga anak ni Zara: si Jehuel, at ang kanilang mga kapatid, na anim na raan at siyam na pu.

7 At sa mga anak ni Benjamin: si Sallu, na anak ni Mesullam, na anak ni Odavia, na anak ni Asenua;

8 At si Ibnias na anak ni Jeroham, at si Ela na anak ni Uzzi, na anak ni Michri, at si Mesullam na anak ni Sephatias, na anak ni Rehuel, na anak ni Ibnias;

9 At ang kanilang mga kapatid, ayon sa kanilang mga lahi, na siyam na raan at limangpu’t anim. Lahat ng mga lalaking ito ay mga pangulo sa mga sangbahayan ng mga magulang ayon sa mga sangbahayan ng kanilang mga magulang.

10 At sa mga saserdote: si Jedaia, at si Joiarib, at si Joachim.

11 At si Azarias na anak ni Hilcias, na anak ni Mesullam, na anak ni Sadoc, na anak ni Meraioth, na anak ni Achitob, na tagapamahala sa bahay ng Dios;

12 At si Adaias na anak ni Jeroham, na anak ni Phasur, na anak ni Machias, at si Mahsai na anak ni Adiel, na anak ni Jazera, na anak ni Mesullam, na anak ni Mesillemith, na anak ni Immer;

13 At ang kanilang mga kapatid, na mga pangulo sa mga sangbahayan ng kanilang mga magulang, na isang libo at pitong daan at anim na pu; na mga lalaking totoong bihasa sa gawaing paglilingkod sa bahay ng Dios.

14 At sa mga Levita: si Semeias na anak ni Hassub, na anak ni Azricam, na anak ni Hasabias sa mga anak ni Merari;

15 At si Bacbacar, si Heres, at si Galal, at si Mattania na anak ni Michas, na anak ni Zichri, na anak ni Asaph;

16 At si Obadias na anak ni Semeias, na anak ni Galal, na anak ni Iduthum, at si Berechias na anak ni Asa na anak ni Elcana, na tumahan sa mga nayon ng mga Nethophatita.

17 At ang mga tagatanod-pinto: si Sallum, at si Accub, at si Talmon, at si Ahiman: at ang kanilang mga kapatid (si Sallum ang puno),

18 Na hanggang ngayo’y namamalagi sa pintuang-daan ng hari na dakong silanganan: sila ang mga tagatanod-pinto sa kampamento ng mga anak ni Levi.

19 At si Sallum na anak ni Core, na anak ni Abiasath, na anak ni Corah, at ang kaniyang mga kapatid, sa sangbahayan ng kaniyang magulang, ang mga Koraita ay nangamamahala sa gawaing paglilingkod, na mga tagapagingat ng mga pintuang-daan ng tabernakulo; at ang kanilang mga magulang ay nangapasa kampamento ng Panginoon, na mga tagapagingat ng pasukan.

20 At si Phinees na anak ni Eleazar ay pinuno sa kanila nang panahong nakaraan, at ang Panginoon ay sumasa kaniya.

21 Si Zacarias na anak ni Meselemia ay tagatanod-pinto ng tabernakulo ng kapisanan.

22 Lahat ng mga ito na mga napili upang maging mga tagatanod-pinto sa mga pintuang-daan ay dalawang daan at labing dalawa. Ang mga ito’y nangabilang ayon sa talaan ng lahi sa kanilang mga nayon, na siyang pinagkatiwalaan sa kanilang katungkulan ni David at ni Samuel na tagakita.

23 Sa gayo’y sila, at ang kanilang mga anak ay namahala na pinakabantay sa mga pintuang-daan ng bahay ng Panginoon, sa makatuwid baga’y ng bahay ng tabernakulo, ayon sa paghahalinhinan.

24 Na sa apat na sulok ang mga tagatanod-pinto, sa dakong silanganan, kalunuran, hilagaan, at timugan.

25 At ang kanilang mga kapatid, sa kanilang mga nayon, ay paroroon sa bawa’t pitong araw, tuwing kapanahunan upang sumakanila:

26 Sapagka’t ang apat na punong tagatanod-pinto, na mga Levita, ay nangasa takdang katungkulan, at nangasa mga silid at sa mga ingatangyaman sa bahay ng Dios.

27 At sila’y nagsitahan sa palibot ng bahay ng Dios, sapagka’t ang katungkulan doon ay kanila, at sa kanila nauukol ang pagbubukas tuwing umaga.

28 At ang ilan sa kanila ay may katungkulan sa mga kasangkapan na ipinaglilingkod; sapagka’t ayon sa bilang ipinapasok, at ayon sa bilang inilalabas.

29 Ang ilan naman sa kanila ay nangahalal sa kasangkapan, at sa lahat ng mga kasangkapan ng santuario, at sa mainam na harina, at sa alak, at sa langis, at sa kamangyan, at sa mga espesia.

30 At ang ilan sa mga anak ng mga saserdote ay nagsisipaghanda ng paghahalohalo ng mga espesia.

31 At si Mathathias, na isa sa mga Levita, na siyang panganay ni Sallum na Coraita, may takdang katungkulan sa mga bagay na niluluto sa kawali.

32 At ang ilan sa kanilang mga kapatid sa mga anak ng mga Coatita, ay nangasa tinapay na handog upang ihanda bawa’t sabbath.

33 At ang mga ito ang mga mangaawit, na mga pangulo sa mga sangbahayan ng mga magulang ng mga Levita, na mga nagsisitahan sa mga silid, at mga laya sa ibang katungkulan: sapagka’t sila’y nangalalagay sa kanilang gawain araw at gabi.

34 Ang mga ito ay mga pangulo sa mga sangbahayan ng mga magulang ng mga Levita, ayon sa kanilang lahi na mga lalaking pinuno: ang mga ito’y nagsitahan sa Jerusalem.

35 At sa Gabaon ay tumahan ang ama ni Gabaon, si Jehiel, na ang pangalan ng kaniyang asawa ay Maacha:

36 At ang anak niyang panganay si Abdon, at si Sur, at si Cis, at si Baal, at si Ner, at si Nadab;

37 At si Gedor, at si Ahio, at si Zacharias, at si Micloth.

38 At naging anak ni Micloth si Samaam. At sila nama’y nagsitahan na kasama ng kanilang mga kapatid sa Jerusalem, sa tapat ng kanilang mga kapatid.

39 At naging anak ni Ner si Cis; at naging anak ni Cis si Saul; at naging anak ni Saul si Jonathan, at si Malchi-sua, at si Abinadab, at si Esbaal.

40 At ang anak ni Jonathan ay si Merib-baal; at naging anak ni Merib-baal si Micha.

41 At ang mga anak ni Micha: si Phiton, at si Melech, at si Tharea, at si Ahaz.

42 At naging anak ni Ahaz si Jara; at naging anak ni Jara si Alemeth, at si Azmaveth, at si Zimri; at naging anak ni Zimri si Mosa;

43 At naging anak ni Mosa si Bina; at si Rephaia na kaniyang anak, si Elasa na kaniyang anak, si Asel na kaniyang anak:

44 At si Asel ay nagkaroon ng anim na anak, na ang kanilang mga pangalan ay ang mga ito: si Azricam, si Bochru, at si Ismael, at si Seraia, at si Obadias, at si Hanan: ang mga ito ang mga naging anak ni Asel.

I Mga Cronica 10

1 Ang mga Filisteo nga ay nakipaglaban sa Israel: at ang mga lalake ng Israel ay nagsitakas sa harap ng mga Filisteo, at nangabuwal na patay sa bundok ng Gilboa.

2 At ang mga Filisteo ay nangagsisunod na mainam sa likuran ni Saul at ng kaniyang mga anak; at pinatay ng mga Filisteo si Jonathan, at si Abinadab, at si Malchi-sua, na mga anak ni Saul.

3 At ang pagbabaka ay lumalang mainam laban kay Saul, at inabutan siya ng mga mamamana; at siya’y nahirapan dahil sa mga mamamana.

4 Nang magkagayo’y sinabi ni Saul sa kaniyang tagadala ng sandata: Bunutin mo ang iyong tabak, at iyong palagpasin sa akin; baka ang mga hindi tuling ito ay magsiparito at pahirapan ako. Nguni’t hindi inibig ng kaniyang tagadala ng sandata; sapagka’t siya’y totoong natakot. Kaya’t kinuha ni Saul ang kaniyang tabak, at nagpatibuwal doon.

5 At nang makita ng kaniyang tagadala ng sandata na si Saul ay patay, siya nama’y nagpatibuwal sa kaniyang tabak, at namatay.

6 Gayon namatay si Saul, at ang kaniyang tatlong anak; at ang kaniyang buong sangbahayan ay namatay na magkakasama.

7 At nang makita ng lahat na lalake ng Israel na nangasa libis na sila’y nagsitakas, at si Saul at ang kaniyang mga anak ay patay, ay kanilang iniwan ang kanilang mga bayan at nagsitakas; at ang mga Filisteo ay nagsiparoon at nagsitahan sa mga yaon.

8 At nangyari nang kinaumagahan nang magsiparoon upang hubaran ng mga Filisteo ang nangapatay, na kanilang nasumpungan si Saul at ang kaniyang mga anak na buwal sa bundok ng Gilboa.

9 At hinubaran nila siya at kinuha ang kaniyang ulo, at ang kaniyang sandata, at ipinadala sa lupain ng mga Filisteo sa palibot, upang ibalita sa kanilang mga diosdiosan, at sa bayan.

10 At inilagay nila ang kaniyang sandata sa bahay ng kanilang mga dios, at ipinako ang kaniyang ulo sa bahay ni Dagon.

11 At nang mabalitaan ng buong Jabes-galaad ang buong ginawa ng mga Filisteo kay Saul,

12 Ang lahat na matapang na lalake ay nagsitindig, at kinuha ang bangkay ni Saul, at ang mga bangkay ng kaniyang mga anak, at dinala sa Jabes, at inilibing ang kanilang mga buto sa ilalim ng ensina sa Jabes, at nangagayunong pitong araw.

13 Sa gayo’y namatay si Saul dahil sa kaniyang pagsalangsang na kaniyang nagawa laban sa Panginoon, dahil sa salita ng Panginoon na hindi niya iningatan; at dahil naman na siya’y nakipagsanggunian sa masamang espiritu, upang pagsiyasatan.

14 At hindi nagsiyasat sa Panginoon: kaya’t pinatay niya siya, at inilipat ang kaharian kay David na anak ni Isai.

I Mga Cronica 11

1 Nang magkagayo’y ang buong Israel ay nagpipisan kay David sa Hebron, na nagsasabi, Narito, kami ay iyong buto at iyong laman.

2 Nang mga panahong nakaraan, sa makatuwid baga’y nang si Saul ay hari, ikaw ang pumapatnubay at nagpapasok sa Israel: at sinabi sa iyo ng Panginoon mong Dios, Iyong aalagaan ang aking bayang Israel, at ikaw ay magiging pangulo ng aking bayang Israel.

3 Sa gayo’y lahat ng mga matanda sa Israel ay nagsiparoon sa hari sa Hebron; at si David ay nakipagtipan sa kanila sa Hebron sa harap ng Panginoon, at kanilang pinahiran ng langis si David na hari sa Israel, ayon sa salita ng Panginoon sa pamamagitan ni Samuel.

4 At si David at ang buong Israel ay naparoon sa Jerusalem (na siyang Jebus); at ang mga Jebuseo na mga tagaroon sa lupain, ay nangandoon.

5 At sinabi ng mga taga Jebus kay David, Ikaw ay hindi makapapasok rito. Gayon ma’y sinakop ni David ang katibayan ng Sion; na siyang bayan ni David.

6 At sinabi ni David, Sinomang sumakit sa mga Jebuseo na una ay magiging pinuno at kapitan. At si Joab na anak ni Sarvia ay sumampang una, at naging pinuno.

7 At si David ay tumahan sa katibayan; kaya’t kanilang tinawag na bayan ni David.

8 At kaniyang itinayo ang bayan sa palibot, mula sa Millo hanggang sa palibot: at hinusay ni Joab ang nalabi sa bayan.

9 At si David ay dumakila ng dumakila; sapagka’t ang Panginoon ng mga hukbo ay sumasa kaniya.

10 Ang mga ito ang mga pinuno ng mga makapangyarihang lalake na nasa kay David, na napakilala na malakas na kasama niya sa kaniyang kaharian, na kasama ng buong Israel, upang gawin siyang hari, ayon sa salita ng Panginoon tungkol sa Israel.

11 At ito ang bilang ng mga makapangyarihang lalake na nasa kay David: si Jasobam, na anak ng isang Hachmonita, na pinuno ng tatlongpu; siya ang nagtaas ng kaniyang sibat laban sa tatlong daan, at pinatay niya sila na paminsan.

12 At pagkatapos niya ay si Eleazar na anak ni Dodo, na Ahohita, na isa sa tatlong makapangyarihang lalake.

13 Siya’y kasama ni David sa Pasdammin, at doo’y ang mga Filisteo ay nagpipisan upang bumaka, na kinaroroonan ng isang putol na lupa na puno ng sebada; at ang bayan ay tumakas sa harap ng mga Filisteo.

14 At sila’y nagsitayo sa gitna ng putol na yaon at ipinagsanggalang, at pinatay ang mga Filisteo; at iniligtas ng Panginoon sila sa pamamagitan ng isang dakilang pagtatagumpay.

15 At binaba sa malaking bato si David ng tatlo sa tatlongpung pinuno, sa loob ng yungib ni Adullam; at ang hukbo ng mga Filisteo ay humantong sa libis ng Raphaim.

16 At si David nga ay nasa katibayan, at ang pulutong ng mga Filisteo ay nasa Bethlehem noon.

17 At si David ay nagbuntonghininga, at nagsabi, Oh may magbigay sana sa akin ng tubig sa balon ng Bethlehem na mainom, na nasa siping ng pintuang-bayan!

18 At ang tatlo’y nagsisagasa sa hukbo ng mga Filisteo, at nagsiigib ng tubig sa balon ng Bethlehem na nasa siping ng pintuang-bayan, at kinuha at dinala kay David: nguni’t hindi ininom ni David yaon, kundi ibinuhos na pinakainuming handog sa Panginoon.

19 At sinabi, Huwag itulot sa akin ng aking Dios na aking gawin ito; iinumin ko ba ang dugo ng mga lalaking ito na ipinain ang kanilang buhay sa pagkamatay? sapagka’t sa pagpapain ng kanilang mga buhay ay kanilang dinala. Kaya’t hindi niya ininom. Ang mga bagay na ito ay ginawa ng tatlong makapangyarihang lalake.

20 At si Abisai na kapatid ni Joab, siyang pinuno ng tatlo: sapagka’t kaniyang itinaas ang kaniyang sibat laban sa tatlong daan, at pinatay niya sila, at nagkaroon ng pangalan sa tatlo.

21 Sa tatlo, siya’y lalong marangal kay sa dalawa, at ginawang kanilang pinunong kawal: gayon ma’y hindi siya umabot sa unang tatlo.

22 Si Benaias na anak ni Joiada, na anak ng isang matapang na lalake sa Cabseel, na gumawa ng mga makapangyarihang gawa, ay kaniyang pinatay ang dalawang anak ni Ariel na taga Moab: siya’y bumaba rin naman at pumatay ng isang leon sa gitna ng isang hukay sa panahon ng niebe.

23 At siya’y pumatay ng isang taga Egipto, na isang lalaking may malaking bulas, na limang siko ang taas; at sa kamay ng taga Egipto ay may isang sibat na gaya ng panghabi ng manghahabi; at binaba niya siya na may isang tungkod, at inagaw ang sibat sa kamay ng taga Egipto, at pinatay niya siya ng kaniyang sariling sibat.

24 Ang mga bagay na ito ay ginawa ni Benaias na anak ni Joiada, at nagkapangalan sa tatlong makapangyarihang lalake.

25 Narito, siya’y lalong marangal kay sa tatlongpu, nguni’t hindi siya umabot sa unang tatlo: at inilagay ni David sa kaniya na bantay.

26 Ang mga makapangyarihang lalake naman sa mga hukbo; si Asael na kapatid ni Joab, si Elchanan na anak ni Dodo na taga Bethlehem:

27 Si Samoth na Arorita, si Helles na Pelonita;

28 Si Ira na anak ni Acces na Tecoita, si Abiezer na Anathothita;

29 Si Sibbecai na Husatita, si Ilai na Ahohita;

30 Si Maharai na Nethophatita, si Heled na anak ni Baana na Nethophatita;

31 Si Ithai na anak ni Ribai na taga Gabaath, sa mga anak ni Benjamin, si Benaias na Phirathita.

32 Si Hurai sa mga batis ng Gaas, si Abiel na Arbathonita;

33 Si Azmaveth na Baharumita, si Eliaba na Saalbonita;

34 Ang mga anak ni Asem na Gizonita, si Jonathan na anak ni Saje na Hararita;

35 Si Ahiam na anak ni Sachar, na Ararita, si Eliphal na anak ni Ur;

36 Si Hepher na Mecherathita, si Ahia na Phelonita;

37 Si Hesro na Carmelita, si Nahari na anak ni Ezbai;

38 Si Joel na kapatid ni Nathan, si Mibhar na anak ni Agrai,

39 Si Selec na Ammonita, si Naarai na Berothita, na tagadala ng sandata ni Joab na anak ni Sarvia;

40 Si Ira na Ithrita, si Yared na Ithrita:

41 Si Uria na Hetheo, si Zabad na anak ni Ahli;

42 Si Adina na anak ni Siza na Rubenita, na pinuno ng mga Rubenita, at tatlongpu ang kasama niya;

43 Si Hanan na anak ni Maacha, at si Josaphat na Mithnita;

44 Si Uzzias na Astarothita, si Samma at si Jehiel na mga anak ni Hotham na Arorita;

45 Si Jediael na anak ni Simri; at si Joha na kaniyang kapatid, na Thisaita;

46 Si Eliel na Mahavita, at si Jeribai, at si Josabias na mga anak ni Elnaam, at si Ithma na Moabita;

47 Si Eliel, at si Obed, at si Jaasiel, na taga Mesobiata.

I Mga Cronica 12

1 Ang mga ito nga ang nagsiparoon kay David sa Siclag, samantalang siya’y nagkukubli pa dahil kay Saul na anak ni Cis: at sila’y nasa mga makapangyarihang lalake, na kaniyang mga katulong sa pakikipagdigma.

2 Sila’y nasasakbatan ng mga busog, at kanilang ginagamit kapuwa ang kanang kamay at kaliwa sa pagpapahilagpos ng mga bato, at sa pagpapahilagpos ng mga pana mula sa busog; sila’y sa mga kapatid ni Saul sa Benjamin.

3 Ang pinuno ay si Ahiezer, saka si Joas, na mga anak ni Semaa na Gabaathita; at si Jeziel, at si Pheleth, na mga anak ni Azmaveth; at si Beraca, at si Jehu na Anathothita;

4 At si Ismaias na Gabaonita, na makapangyarihang lalake sa tatlongpu, at pinuno ng tatlongpu; at si Jeremias, at si Jahaziel, at si Joanan, at si Jozabad na Gederathita;

5 Si Eluzai, at si Jeremoth, at si Bealias, at si Semarias, at si Sephatias na Haruphita;

6 Si Elcana, at si Isias, at si Azareel, at si Joezer, at si Jasobam, na mga Corita:

7 At si Joela, at si Zebadias, na mga anak ni Jeroham na taga Gedor.

8 At sa mga Gadita ay nagsihiwalay na nagsilakip kay David sa katibayan sa ilang, ang mga makapangyarihang lalaking may tapang, na mga lalaking bihasa sa pakikidigma, na makahahawak ng kalasag at sibat; na ang mga mukha nila ay gaya ng mga mukha ng mga leon, at sila’y maliliksing gaya ng mga usa sa mga bundok;

9 Si Eser ang pinuno, si Obadias ang ikalawa, si Eliab ang ikatlo;

10 Si Mismana ang ikaapat, si Jeremias ang ikalima;

11 Si Attai ang ikaanim, si Eliel ang ikapito;

12 Si Johanan ang ikawalo, si Elzabad ang ikasiyam;

13 Si Jeremias ang ikasangpu, si Machbani ang ikalabingisa.

14 Ang mga ito sa mga anak ni Gad ay mga pinunong kawal ng hukbo; ang pinakamaliit ay katimbang ng isang daan, at ang pinakamalaki ay ng isang libo.

15 Ang mga ito ang nagsitawid sa Jordan sa unang buwan, nang apawan ang lahat niyang mga pangpang; at kanilang pinatakas ang lahat na sa mga libis, ang sa dakong silanganan, at gayon din ang sa dakong kalunuran.

16 At nagsiparoon ang ilan sa mga anak ni Benjamin at ni Juda sa katibayan kay David.

17 At si David ay lumabas na sinalubong sila, at sumagot at nagsabi sa kanila, Kung kayo’y nagsisiparitong payapa sa akin upang tulungan ako, ang aking puso ay malalakip sa inyo: nguni’t kung upang pagliluhan ako sa aking mga kaaway, dangang walang kasamaan sa aking mga kamay, masdan ng Dios ng ating mga magulang, at sawayin.

18 Nang magkagayo’y ang Espiritu ay dumating kay Amasai, na siyang pinuno ng tatlongpu, at sinabi niya, Iyo kami, David, at para sa iyo, ikaw anak ni Isai: kapayapaan, kapayapaan ang sumaiyo, at kapayapaan ang sumaiyong mga katulong; sapagka’t tinutulungan ka ng iyong Dios. Nang magkagayo’y tinanggap ni David sila, at ginawa silang mga pinunong kawal ng pulutong.

19 Sa Manases naman ay nagsihilig ang ilan kay David, nang siya’y pumaroong kasama ng mga Filisteo laban kay Saul upang bumaka: nguni’t hindi nila tinulungan sila: sapagka’t pinapagpaalam siya ng mga panginoon ng mga Filisteo sa payo na sinasabi, Siya’y mahihilig sa kaniyang panginoong kay Saul sa pamumuhunan ng ating mga ulo.

20 Sa pagparoon niya sa Siclag, ay nagsihilig sa kaniya mula sa Manases, si Adnas, at si Jozabad, at si Jediaiel, at si Michael, at si Jozabad at si Eliu, at si Sillethai, na mga pinunong kawal ng mga lilibuhin na nasa Manases.

21 At kanilang tinulungan si David laban sa pulutong ng mga magnanakaw: sapagka’t silang lahat ay mga makapangyarihang lalake na may tapang, at mga pinunong kawal sa hukbo.

22 Sapagka’t araw-araw ay may naparoon kay David upang tumulong sa kaniya, hanggang sa naging malaking hukbo, na gaya ng hukbo ng Dios.

23 At ito ang bilang ng mga ulo nila na mga may sandata na handa sa pakikidigma, na nagsiparoon kay David sa Hebron, upang ibalik ang kaharian ni Saul sa kaniya, ayon sa salita ng Panginoon.

24 Ang mga anak ni Juda na nagsisihawak ng kalasag at sibat ay anim na libo at walong daan, na may mga sandata sa pakikipagdigma.

25 Sa mga anak ni Simeon, na mga makapangyarihang lalake na may tapang na handa sa pakikipagdigma, pitong libo at isang daan.

26 Sa mga anak ni Levi ay apat na libo at anim na raan.

27 At si Joiada ang tagapamatnugot ng sangbahayan ni Aaron, at kasama niya’y tatlong libo at pitong daan;

28 At si Sadoc, na isang binatang makapangyarihan na may tapang, at sa sangbahayan ng kaniyang magulang ay dalawang pu at dalawang pinunong kawal.

29 At sa mga anak ni Benjamin, na mga kapatid ni Saul, tatlong libo: sapagka’t ang kalakhang bahagi sa kanila ay nagsisipagingat ng kanilang pakikipagkasundo sa sangbahayan ni Saul.

30 At sa mga anak ni Ephraim, dalawang pung libo at walong daan, na mga makapangyarihang lalaking may tapang, mga bantog na lalake sa mga sangbahayan ng kanilang mga magulang.

31 At sa kalahating lipi ng Manases ay labing walong libo, na mga nasaysay sa pamamagitan ng pangalan, upang magsiparoon at gawing hari si David.

32 At sa mga anak ni Issachar, na mga lalaking maalam ng mga panahon, upang matalastas kung ano ang marapat gawin ng Israel; ang mga pinuno sa kanila ay dalawang daan; at ang lahat nilang kapatid ay nasa kanilang utos.

33 Sa Zabulon, yaong mga makalalabas sa hukbo, na makahahanay sa pagbabaka na may sarisaring kasangkapang pangdigma, ay limangpung libo; at makapagaayos sa hanay sa pagbabaka, at hindi nagaalinlangan ang loob.

34 At sa Nephtali ay isang libong pinunong kawal, at may kasama silang mga may kalasag at sibat na tatlong pu’t pitong libo.

35 At sa mga Danita na makahahanay sa pagbabaka ay dalawangpu’t walong libo at anim na raan.

36 At sa Aser, yaong mga makalalabas sa hukbo, na makahahanay sa pagbabaka, apat na pung libo.

37 At sa kabilang dako ng Jordan, sa mga Rubenita, at sa mga Gadita, at sa kalahating lipi ni Manases, na may sarisaring kasangkapang pangdigma sa pakikipagbaka, isang daan at dalawangpung libo.

38 Lahat ng mga ito na mga lalaking mangdidigma na makahahanay sa pagbabaka, ay nagsiparoong may sakdal na puso sa Hebron, upang gawing hari si David sa buong Israel: at ang lahat na nangalabi sa Israel ay nagkaisang loob din naman upang gawing hari si David.

39 At sila’y dumoong kasama ni David na tatlong araw, na kumain at uminom: sapagka’t ipinaghanda sila ng kanilang mga kapatid.

40 Bukod dito’y silang malapit sa kaniya, sa makatuwid baga’y hanggang sa Issachar, at Zabulon at Nephtali, ay nagsipagdala ng tinapay na nasa ibabaw ng mga asno, at ng mga kamelyo, at ng mga mula, at ng mga baka, mga pagkaing harina, at mga binilong igos, at mga buwig ng pasas, at alak, at langis, at mga baka, at mga tupa na sagana: sapagka’t may kagalakan sa Israel.

I Mga Cronica 13

1 At sumangguni si David sa mga pinunong kawal ng mga lilibuhin, at mga dadaanin, sa bawa’t tagapamatnugot.

2 At sinabi ni David sa buong kapisanan ng Israel, Kung inaakala ninyong mabuti, at kung sa Panginoon nating Dios, ay pasuguan natin sa bawa’t dako ang ating mga kapatid na nangaiwan sa buong lupain ng Israel, na makasama nila ang mga saserdote at mga Levita sa kanilang mga bayan na may mga nayon, upang sila’y mapapisan sa atin;

3 At ating dalhin uli ang kaban ng ating Dios sa atin: sapagka’t hindi natin hinanap ng mga kaarawan ni Saul.

4 At ang buong kapulungan ay nagsabi na kanilang gagawing gayon: sapagka’t ang bagay ay matuwid sa harap ng mga mata ng buong bayan.

5 Sa gayo’y pinisan ni David ang buong Israel, mula sa Sihor, na batis ng Egipto hanggang sa pasukan sa Hamath, upang dalhin ang kaban ng Dios mula sa Chiriath-jearim.

6 At si David ay umahon, at ang buong Israel sa Baala, sa makatuwid baga’y sa Chiriath-jearim, na nauukol sa Juda, upang iahon mula roon ang kaban ng Dios, ng Panginoon na nauupo sa mga querubin, na tinatawag ayon sa Pangalan.

7 At kanilang dinala ang kaban ng Dios na nakasakay sa isang bagong karo, at inilabas sa bahay ni Abinadab: at pinalakad ni Uzza at ni Ahio ang karo.

8 At si David at ang buong Israel ay tumugtog sa harap ng Dios ng kanilang buong lakas: sa pamamagitan ng mga awit, at ng mga alpa, at ng mga salterio, at ng mga pandereta at ng mga simbalo, at ng mga pakakak.

9 At nang sila’y dumating sa giikan ng Chidon, ay iniunat ni Uzza ang kaniyang kamay upang hawakan ang kaban; sapagka’t ang mga baka ay natisod.

10 At ang galit ng Panginoon ay nagalab laban kay Uzza, at sinaktan niya siya, sapagka’t kaniyang iniunat ang kaniyang kamay sa kaban; at doo’y namatay siya sa harap ng Dios.

11 At sumama ang loob ni David, sapagka’t nagalit ang Panginoon kay Uzza: at kaniyang tinawag ang dakong yaon na Perez-uzza hanggang sa araw na ito.

12 At si David ay natakot sa Dios nang araw na yaon, na nagsasabi, Paanong aking iuuwi ang kaban ng Dios?

13 Sa gayo’y hindi inilipat ni David ang kaban sa kaniya sa bayan ni David, kundi nilihisan ang daan at dinala sa bahay ni Obed-edom na Getheo.

14 At ang kaban ng Dios ay naiwan sa sangbahayan ni Obed-edom sa kaniyang bahay na tatlong buwan: at pinagpala ng Panginoon ang sangbahayan ni Obed-edom, at ang buo niyang tinatangkilik.

I Mga Cronica 14

1 At si Hiram na hari sa Tiro ay nagsugo ng mga sugo kay David, at nagpadala ng mga puno ng sedro, at mga mananabas ng bato, at mga anluwagi, upang ipagtayo siya ng bahay.

2 At nahalata ni David na itinatag siyang hari ng Panginoon sa Israel; sapagka’t ang kaniyang kaharian ay itinaas ng mataas, dahil sa kaniyang bayang Israel.

3 At si David ay kumuha pa ng mga asawa sa Jerusalem: at si David ay nagkaanak pa ng mga lalake at mga babae.

4 At ito ang mga pangalan ng mga naging anak niya sa Jerusalem: si Smua, at si Sobab, si Nathan, at si Salomon.

5 At si Ibhar, at si Elisua, at si Elphelet;

6 At si Noga, at si Nepheg, at si Japhias;

7 At si Elisama, at si Beeliada, at si Eliphelet.

8 At nang mabalitaan ng mga Filisteo na si David ay pinahiran ng langis na maging hari sa buong Israel, ay nagsiahon ang lahat ng Filisteo upang hanapin si David: at nabalitaan ni David, at nilabas sila.

9 Ang mga Filisteo nga ay nagsidating at nanganamsam sa libis ng Raphaim.

10 At si David ay sumangguni sa Dios, na nagsasabi, Aahon ba ako laban sa mga Filisteo? at iyo bang ibibigay sila sa aking kamay? At sinabi ng Panginoon sa kaniya, Umahon ka: sapagka’t aking ibibigay sila sa iyong kamay.

11 Sa gayo’y nagsiahon sila sa Baal-perasim, at sinaktan sila ni David doon; at sinabi ni David, Nilansag ng Dios ang aking mga kaaway na gaya ng baha ng tubig. Kaya’t kanilang tinawag ang pangalan ng dakong yaon na Baal-perasim.

12 At kanilang iniwan doon ang kanilang mga dios; at nagutos si David, at sinunog sa apoy ang mga yaon.

13 At nanganamsam pa uli ang mga Filisteo sa libis.

14 At si David ay sumangguni uli sa Dios; at sinabi ng Dios sa kaniya, Huwag kang aahong kasunod nila; lihisan mo sila, at pumaroon ka sa kanila sa tapat ng mga puno ng morales.

15 At mangyayari, na pagka iyong narinig ang hugong ng lakad sa mga dulo ng mga puno ng morales, na ikaw nga ay lalabas sa pakikipagbaka: sapagka’t ang Dios ay yumaon sa unahan mo upang saktan ang hukbo ng mga Filisteo.

16 At ginawa ni David kung ano ang iniutos sa kaniya ng Dios: at kanilang sinaktan ang hukbo ng mga Filisteo mula sa Gabaon hanggang sa Gezer.

17 At ang kabantugan ni David ay lumaganap sa lahat ng lupain; at sinidlan ng Panginoon ng takot sa kaniya ang lahat na bansa.

I Mga Cronica 15

1 At gumawa si David ng mga bahay sa bayan ni David; at ipinaghanda niya ng isang dako ang kaban ng Dios, at ipinaglagay roon ng isang tolda.

2 Nang magkagayo’y sinabi ni David, Walang makapagdadala ng kaban ng Dios kundi ang mga Levita: sapagka’t sila ang pinili ng Panginoon upang magsipagdala ng kaban ng Dios, at upang mangasiwa sa kaniya magpakailan man.

3 At pinisan ni David ang buong Israel sa Jerusalem, upang iahon ang kaban ng Panginoon sa dakong pinaghandaan.

4 At pinisan ni David ang mga anak ni Aaron, at ang mga Levita:

5 Sa mga anak ni Coath: si Uriel na pinuno, at ang kaniyang mga kapatid, isang daan at dalawangpu;

6 Sa mga anak ni Merari: si Asaias na pinuno, at ang kaniyang mga kapatid, dalawang daan at dalawangpu;

7 Sa mga anak ni Gersom: si Joel na pinuno, at ang kaniyang mga kapatid, isang daan at tatlongpu;

8 Sa mga anak ni Elisaphan: si Semeias na pinuno, at ang kaniyang mga kapatid, dalawang daan:

9 Sa mga anak ni Hebron: si Eliel na pinuno, at ang kaniyang mga kapatid, walongpu;

10 Sa mga anak ni Uzziel: si Aminadab na pinuno, at ang kaniyang mga kapatid, isang daan at labing dalawa.

11 At ipinatawag ni David si Sadoc at si Abiathar na mga saserdote, at ang mga Levita, si Uriel, si Asaias, at si Joel, si Semeias, at si Eliel, at si Aminadab,

12 At sinabi sa kanila, Kayo ang mga pinuno sa mga sangbahayan ng mga magulang ng mga Levita: magpakabanal kayo, at gayon din ang inyong mga kapatid, upang inyong maiahon ang kaban ng Panginoon, ng Dios ng Israel, hanggang sa dakong aking pinaghandaan.

13 Sapagka’t dahil sa hindi ninyo dinala nang una, ang Panginoon nating Dios ay nagalit sa atin, sapagka’t hindi natin hinanap siya ayon sa utos.

14 Sa gayo’y ang mga saserdote at ang mga Levita ay nagpakabanal, upang iahon ang kaban ng Panginoon, ng Dios ng Israel.

15 At pinisan ng mga anak ng mga Levita ang kaban ng Dios sa kanilang mga balikat sa pamamagitan ng mga pingga niyaon, gaya ng iniutos ni Moises ayon sa salita ng Panginoon.

16 At si David ay nagsalita sa pinuno ng mga Levita, na ihalal ang kanilang mga kapatid na mangaawit, na may mga panugtog ng tugtugin, mga salterio, at mga alpa, at mga simbalo, upang magsitugtog ng malakas, at maglakas ng tinig na may kagalakan.

17 Sa gayo’y inihalal ng mga Levita si Heman na anak ni Joel; at sa kaniyang mga kapatid ay si Asaph na anak ni Berechias; at sa mga anak ni Merari na kanilang mga kapatid ay si Ethan na anak ni Cusaias;

18 At kasama nila, ang kanilang mga kapatid sa ikalawang hanay, si Zacharias, si Ben, at si Jaaziel, at si Semiramoth, at si Jehiel, at si Unni, si Eliab, at si Benaias, at si Maasias, at si Mathithias, at si Eliphelehu, at si Micnias, at si Obed-edom, at si Jehiel, na mga tagatanod-pinto.

19 Sa gayo’y ang mga mangaawit, si Heman, si Asaph, at si Ethan, ay nangahalal na may mga simbalong tanso upang patunuging malakas;

20 At si Zacharias, at si Jaaziel, at si Semiramoth, at si Jehiel, at si Unni, at si Eliab, at si Maasias, at si Benaias, na may mga salterio na itinugma sa Alamoth;

21 At si Mathithias, at si Eliphelehu, at si Micnias, at si Obed-edom, at si Jehiel, at si Azazias, na may mga alpa na itinugma sa Seminit, upang magayos sa pagawit.

22 At si Chenanias, na pinuno ng mga Levita, nasa pamamahala sa awitan: siya ang nagtuturo tungkol sa pagawit, sapagka’t siya’y bihasa.

23 At si Berechias, at si Elcana ay mga tagatanod sa kaban.

24 At si Sebanias, at si Josaphat, at si Nathanael, at si Amasai, at si Zacharias, at si Benaias at si Eliezer na mga saserdote, ay nagsihihip ng mga pakakak sa harap ng Dios: at si Obed-edom, at si Jehias ay mga tagatanod sa kaban.

25 Sa gayo’y si David, at ang mga matanda sa Israel, at ang mga punong kawal sa mga lilibuhin, ay nagsiyaon upang iahong may sayahan ang kaban ng tipan ng Panginoon mula sa bahay ni Obed-edom:

26 At nangyari, na pagka tinulungan ng Dios ang mga Levita na nangagdadala ng kaban ng tipan ng Panginoon, na sila’y naghahain ng pitong baka at pitong tupa.

27 At si David ay nababalot ng isang balabal na mainam na kayong lino, at ang lahat na Levita na nagsisipasan ng kaban, at ang mga mangaawit, at si Chenanias na tagapagturo ng awit na kasama ng mga mangaawit: at si David ay mayroong isang epod na lino.

28 Gayon iniahon ng buong Israel ang kaban ng tipan ng Panginoon na may mga hiyawan, at may mga tunog ng korneta, at mga pakakak, at may mga simbalo, na tumutunog ng malakas na may mga salterio at mga alpa.

29 At nangyari, samantalang ang kaban ng tipan ng Panginoon ay dumarating sa bayan ni David, na si Michal na anak ni Saul ay tumanaw sa dungawan, at nakita niya ang haring David na sumasayaw at tumutugtog; at kaniyang niwalang kabuluhan siya sa kaniyang puso.

I Mga Cronica 16

1 At kanilang ipinasok ang kaban ng Dios, at inilagay sa gitna ng tolda na itinayo ni David para roon: at sila’y nagsipaghandog ng mga handog na susunugin, at mga handog tungkol sa kapayapaan sa harap ng Dios.

2 At nang si David ay makatapos na maghandog ng handog na susunugin at ng mga handog tungkol sa kapayapaan, ay kaniyang binasbasan ang bayan sa pangalan ng Panginoon.

3 At siya’y nagbigay sa bawa’t isa sa Israel, sa lalake at gayon din sa babae, sa bawa’t isa ng isang tinapay, at ng isang bahaging laman, at isang binilong pasas.

4 At siya’y naghalal ng ilan sa mga Levita upang magsipangasiwa sa harap ng kaban ng Panginoon, at upang magsipagdiwang at mangagpasalamat, at mangagpuri sa Panginoon, sa Dios ng Israel:

5 Si Asaph ang pinuno, at ang ikalawa niya’y si Zacharias, si Jeiel, at si Semiramoth, at si Jehiel, at si Eliab, at si Benaias, at si Obed-edom, at si Jeiel, na may mga salterio at mga alpa; at si Asaph na may mga simbalo, na tumutunog ng malakas;

6 At si Benaias at si Jahaziel na mga saserdote na mga may pakakak na palagi, sa harap ng kaban ng tipan ng Dios.

7 Nang magkagayo’y nang araw na yao’y unang iniutos ni David ang magpasalamat sa Panginoon, sa pamamagitan ng kamay ni Asaph at ng kaniyang mga kapatid.

8 Oh kayo’y mangagpasalamat sa Panginoon, magsitawag kayo sa kaniyang pangalan; Ipakilala ninyo sa mga bayan ang kaniyang mga gawa.

9 Magsiawit kayo sa kaniya, magsiawit kayo ng mga pagpuri sa kaniya; Salitain ninyo ang lahat niyang mga kamanghamanghang gawa.

10 Mangagpakaluwalhati kayo sa kaniyang banal na pangalan: Mangagalak ang puso niyaong nagsisihanap sa Panginoon.

11 Hanapin ninyo ang Panginoon at ang kaniyang lakas; Hanapin ninyo ang kaniyang mukha na palagi.

12 Alalahanin ninyo ang kaniyang kamanghamanghang mga gawa na kaniyang ginawa; Ang kaniyang mga kababalaghan, at ang mga kahatulan ng kaniyang bibig;

13 Oh kayong binhi ng Israel na kaniyang lingkod, Kayong mga anak ni Jacob na kaniyang pinili.

14 Siya ang Panginoon nating Dios; Ang kaniyang mga kahatulan ay nasa sangkalupaan.

15 Alalahanin ninyo ang kaniyang tipan magpakailan man, Ang salita na kaniyang iniutos sa libolibong sali’t saling lahi;

16 Ang tipan na kaniyang ginawa kay Abraham, At ang kaniyang sumpa kay Isaac:

17 At pinatotohanan din kay Jacob na pinaka palatuntunan, Kay Israel na pinaka walang hanggang tipan:

18 Na sinasabi, Sa iyo’y ibibigay ko ang lupain ng Canaan, Ang kapalaran ng inyong mana:

19 Noong kayo’y kakaunting tao sa bilang; Oo, totoong kaunti, at nangakikipamayan doon;

20 At sila’y nagsiyaon sa bansa at bansa, At mula sa isang kaharian hanggang sa ibang bayan.

21 Hindi niya tiniis na gawan sila nino man ng kasamaan; Oo, kaniyang sinaway ang mga hari dahil sa kanila;

22 Na sinasabi, Huwag ninyong galawin ang aking mga pinahiran ng langis, At huwag ninyong saktan ang aking mga propeta.

23 Kayo’y magsiawit sa Panginoon, buong lupa, Ihayag ninyo ang kaniyang pagliligtas sa araw-araw.

24 Ipahayag ninyo ang kaniyang kaluwalhatian sa gitna ng mga bansa, Ang kaniyang mga kamanghamanghang gawa sa gitna ng lahat ng mga bayan.

25 Sapagka’t dakila ang Panginoon, at marapat na purihing mainam: Siya rin nama’y marapat na katakutan ng higit sa lahat na dios.

26 Sapagka’t lahat ng dios ng mga bayan ay mga diosdiosan: Nguni’t nilikha ng Panginoon ang mga langit.

27 Karangalan at kamahalan ang nangasa harap niya: Kalakasan at kasayahan ang nangasa kaniyang tahanan.

28 Mangagbigay kayo sa Panginoon, kayong mga angkan ng mga bayan, Mangagbigay kayo sa Panginoon ng kaluwalhatian at ng kalakasan.

29 Inyong ibigay sa Panginoon ang kaluwalhatiang marapat sa kaniyang pangalan: Mangagdala kayo ng handog, at magsiparoon kayo sa harap niya: Inyong sambahin ang Panginoon sa ganda ng kabanalan.

30 Manginig sa harap niya ang buong lupa: Ang sanglibutan nama’y natatatag na hindi makikilos.

31 Mangagsaya ang mga langit, at magalak ang lupa; At sabihin nila sa gitna ng mga bansa, Ang Panginoon ay naghahari.

32 Umugong ang dagat at ang kapunuan niyaon; Matuwa ang parang at ang lahat na nandoon;

33 Kung magkagayo’y aawit ang mga puno ng kahoy sa gubat dahil sa kagalakan sa harap ng Panginoon, Sapagka’t siya’y naparirito upang hatulan ang lupa.

34 Oh mangagpasalamat kayo sa Panginoon; sapagka’t siya’y mabuti: Sapagka’t ang kaniyang kaawaan ay magpakailan man.

35 At sabihin ninyo, Iligtas mo kami, Oh Dios ng aming kaligtasan, At pisanin mo kami, at iligtas mo kami sa mga bansa, Upang kami ay pasalamat sa iyong banal na pangalan, At magtagumpay sa iyong kapurihan.

36 Purihin ang Panginoon, ang Dios ng Israel, Mula sa walang pasimula hanggang sa walang hanggan. At sinabi ng buong bayan, Siya nawa: at pinuri ang Panginoon.

37 Sa gayo’y iniwan niya roon sa harap ng kaban ng tipan ng Panginoon, si Asaph at ang kaniyang mga kapatid upang magsipangasiwang palagi sa harap ng kaban, gaya ng kinakailangan ng gawain sa araw-araw:

38 At si Obed-edom pati ng kanilang mga kapatid, ay anim na pu’t walo; si Obed-edom din na anak ni Jeduthun at si Asa ay upang maging mga tagatanod-pinto:

39 At si Sadoc na saserdote, at ang kaniyang mga kapatid na mga saserdote, sa harap ng tabernakulo ng Panginoon sa mataas na dako na nasa Gabaon,

40 Upang maghandog na palagi ng mga handog na susunugin sa Panginoon sa ibabaw ng dambana ng handog na susunugin sa umaga at hapon, ayon sa lahat na nangasusulat sa kautusan ng Panginoon na kaniyang iniutos sa Israel;

41 At kasama nila si Heman at si Jeduthun, at ang nalabi sa mga pinili, na nangasaysay sa pangalan upang pasalamat sa Panginoon, sapagka’t ang kaniyang kaawaan ay magpakailan man;

42 At kasama nila si Heman at si Jeduthun na may mga pakakak at mga simbalo sa mangagpapatunog ng malakas, at mga may panugtog sa mga awit sa Dios: at ang mga anak ni Jeduthun upang mangalagay sa pintuang-daan.

43 At ang buong bayan ay nagsiuwi bawa’t tao sa kanikaniyang bahay: at si David ay bumalik upang basbasan ang kaniyang sangbahayan.

I Mga Cronica 17

1 At nangyari, nang si David ay tumahan sa kaniyang bahay, na sinabi ni David kay Nathan na propeta, Narito, ako’y tumatahan sa isang bahay na sedro, nguni’t ang kaban ng tipan ng Panginoon ay sa ilalim ng mga kubong.

2 At sinabi ni Nathan kay David, Gawin mo ang buong nasa iyong kalooban; sapagka’t ang Dios ay sumasaiyo.

3 At nangyari, nang gabing yaon, na ang salita ng Dios ay dumating kay Nathan na sinasabi,

4 Ikaw ay yumaon at saysayin mo kay David na aking lingkod, Ganito ang sabi ng Panginoon, Huwag mo akong ipagtatayo ng bahay na matatahanan:

5 Sapagka’t hindi ako tumahan sa bahay mula nang araw na aking iahon ang Israel, hanggang sa araw na ito; kundi ako’y yumaon sa tolda at tolda, at sa tabernakulo, at tabernakulo.

6 Sa lahat ng mga dako na aking nilakaran na kasama ang buong Israel, ako ba’y nagsalita ng isang salita sa sinoman sa mga hukom ng Israel, na siyang aking inutusang maging pastor sa aking bayan, na nagsasabi, Bakit hindi ninyo ako ipinagtayo ng bahay na sedro?

7 Ngayon nga’y ganito ang iyong sasabihin sa aking lingkod na kay David. Ganito ang sabi ng Panginoon ng mga hukbo, Kita’y kinuha sa pasabsaban, sa pagsunod sa mga tupa upang ikaw ay maging pangulo sa aking bayang Israel:

8 At ako’y sumaiyo saan ka man naparoon, at aking inihiwalay ang lahat na iyong mga kaaway sa harap mo; at gagawin kitang isang pangalan, na gaya ng pangalan ng mga dakila na nangasa lupa.

9 At aking ipagtataan ng isang dako ang aking bayang Israel, at itatatag sila, upang sila’y mangakatahan sa kanilang sariling dako, at huwag nang mabago pa; ni sisirain pa man sila ng mga anak ng kasamaan, na gaya ng una,

10 At gaya ng araw na maghalal ako ng mga hukom upang malagay sa aking bayang Israel; at aking pasusukuin ang lahat mong mga kaaway. Bukod dito’y isinaysay ko sa iyo na ipagtatayo ka ng Panginoon ng isang bahay.

11 At mangyayari, pagka ang iyong mga araw ay nalubos na ikaw ay marapat yumaon na makasama ng iyong mga magulang, na aking patatatagin ang iyong binhi pagkamatay mo, na magiging sa iyong mga anak; at aking itatatag ang kaniyang kaharian.

12 Kaniyang ipagtatayo ako ng isang bahay, at aking itatatag ang kaniyang luklukan magpakailan man.

13 Ako’y magiging kaniyang ama, at siya’y magiging aking anak: at hindi ko na aalisin ang aking kaawaan sa kaniya, gaya ng aking pagkakuha roon sa nauna sa iyo:

14 Kundi siya’y aking ilalagay sa aking bahay at sa aking kaharian magpakailan man: at ang kaniyang luklukan ay matatatag magpakailan man.

15 Ayon sa lahat na salitang ito, at ayon sa buong pangitaing ito, ay gayon sinalita ni Nathan kay David.

16 Nang magkagayo’y yumaon ang haring David at naupo sa harap ng Panginoon; at kaniyang sinabi, Sino ako, Oh Panginoong Dios, at ano ang aking bahay na ako’y dinala mo sa ganyang kalayo?

17 At ito’y munting bagay sa harap ng iyong mga mata, Oh Dios; nguni’t iyong sinalita tungkol sa sangbahayan ng iyong lingkod ang hanggang sa malaong panahong darating, at ako’y iyong nilingap na ayon sa kalagayan ng isang tao na may mataas na kalagayan, Oh Panginoong Dios.

18 Ano pa ang masasabi ni David sa iyo, tungkol sa karangalang ginawa sa iyong lingkod? sapagka’t iyong kilala ang iyong lingkod.

19 Oh Panginoon, dahil sa iyong lingkod, at ayon sa iyong sariling puso, ay iyong ginawa ang buong kadakilaang ito, upang ipakilala ang lahat na dakilang bagay na ito.

20 Oh Panginoon, walang gaya mo, ni mayroon mang sinomang Dios liban sa iyo, ayon sa lahat naming narinig ng aming mga pakinig.

21 At anong bansa sa lupa ang gaya ng iyong bayang Israel, na tinubos ng Dios upang maging kaniyang sariling bayan, upang gawin kang pangalan sa pamamagitan ng malaki at kakilakilabot na mga bagay, sa pagpapalayas ng mga bansa sa harap ng iyong bayan, na iyong tinubos sa Egipto?

22 Sapagka’t ang iyong bayang Israel ay iyong ginawang iyong sariling bayan magpakailan man; at ikaw, Panginoon, ay naging kanilang Dios.

23 At ngayon, Oh Panginoon, matatag nawa ang salita na iyong sinalita tungkol sa iyong lingkod, at tungkol sa kaniyang sangbahayan magpakailan man, at gawin mo nawa na gaya ng iyong sinalita.

24 At ang iyong pangalan ay mamalagi nawa, at dakilain magpakailan man, na sabihin, Ang Panginoon ng mga hukbo ay Dios ng Israel, sa makatuwid baga’y Dios sa Israel: at ang sangbahayan ni David na iyong lingkod ay natatag sa harap mo.

25 Sapagka’t ikaw, Oh aking Dios, napakilala sa iyong lingkod na iyong ipagtatayo siya ng bahay: kaya’t pinangahasan ng iyong lingkod sa kaniyang puso na dumalangin sa harap mo.

26 At ngayon, Oh Panginoon, ikaw ang Dios, at iyong ipinangako ang dakilang bagay na ito sa iyong lingkod:

27 At ngayo’y kinalugdan mong pagpalain ang sangbahayan ng iyong lingkod, upang mamalagi magpakailan man sa harap mo: sapagka’t iyong pinagpala, Oh Panginoon, at yao’y magiging mapalad magpakailan man.

I Mga Cronica 18

1 At pagkatapos nito’y nangyari na sinaktan ni David ang mga Filisteo, at pinasuko sila, at sinakop ang Gath, at ang mga nayon niyaon sa kamay ng mga Filisteo.

2 At sinaktan niya ang Moab; at ang mga Moabita ay naging alipin ni David, at nagsipagdala ng mga kaloob.

3 At sinaktan ni David sa Hamath si Adarezer na hari sa Soba samantalang kaniyang itinatatag ang kaniyang kapangyarihan sa tabi ng ilog Eufrates.

4 At kumuha si David sa kaniya ng isang libong karo, at pitong libong mangangabayo, at dalawangpung libong naglalakad: at pinilayan ni David ang lahat ng mga kabayo ng mga karo, nguni’t nagtira sa mga yaon ng sa isang daang karo.

5 At nang ang mga taga Siria sa Damasco ay magsiparoon upang magsisaklolo kay Adarezer na hari sa Soba, sumakit si David sa mga taga Siria ng dalawangpu’t dalawang libong lalake.

6 Nang magkagayo’y naglagay si David ng mga pulutong sa Siria ng Damasco; at ang mga taga Siria ay naging mga alipin ni David, at nagsipagdala ng mga kaloob. At binigyan ng Panginoon ng pagtatagumpay si David saan man siya naparoon.

7 At kinuha ni David ang mga kalasag na ginto, na nangasa mga lingkod ni Adarezer, at pinagdadala sa Jerusalem.

8 At mula sa Thibath at mula sa Chun, na mga bayan ni Adarezer; ay kumuha si David ng totoong maraming tanso, na siyang ginawa ni Salomon na dagatdagatan na tanso, at mga haligi, at mga kasangkapang tanso.

9 At nang mabalitaan ni Tou na hari sa Hamath na sinaktan ni David ang buong hukbo ni Adarezer na hari sa Soba,

10 Kaniyang sinugo si Adoram na kaniyang anak sa haring David, upang bumati sa kaniya, at purihin siya, sapagka’t siya’y lumaban kay Adarezer at sinaktan niya siya (sapagka’t si Adarezer ay may mga pakikipagdigma kay Tou); at siya’y nagdala ng lahat na sarisaring kasangkapang ginto, at pilak, at tanso.

11 Ang mga ito naman ay itinalaga ng haring David sa Panginoon, pati ng pilak at ginto na kaniyang kinuha sa lahat na bansa; na mula sa Edom, at mula sa Moab, at mula sa mga anak ni Ammon, at mula sa mga Filisteo, at mula sa Amalec.

12 Bukod dito’y si Abisai na anak ni Sarvia ay sumakit sa mga Idumeo sa Libis ng Asin, ng labingwalong libo.

13 At naglagay siya ng mga pulutong sa Edom; at lahat ng mga Idumeo ay naging mga alipin ni David. At binigyan ng pagtatagumpay ng Panginoon si David saan man siya naparoon.

14 At si David ay naghari sa buong Israel; at siya’y gumawa ng kahatulan at ng katuwiran sa buong bayan niya.

15 At si Joab na anak ni Sarvia ay nasa pamamahala sa hukbo; at si Josaphat na anak ni Ahilud ay kasangguni.

16 At si Sadoc na anak ni Achitob, at si Abimelec na anak ni Abiathar, ay mga saserdote; at si Sausa ay kalihim;

17 At si Benaias na anak ni Joiada ay nasa pamamahala sa mga Ceretheo at sa mga Peletheo; at ang mga anak ni David ay mga pinuno sa siping ng hari.