I Mga Cronica 19

1 At nangyari, pagkatapos nito, na si Naas na hari ng mga anak ni Ammon ay namatay, at ang kaniyang anak ay naghari na kahalili niya.

2 At sinabi ni David, Ako’y magpapakita ng kagandahang loob kay Hanan na anak ni Naas, sapagka’t ang kaniyang ama ay nagpakita ng kagandahang loob sa akin. Sa gayo’y nagsugo si David ng mga sugo upang aliwin siya tungkol sa kaniyang ama. At ang mga lingkod ni David ay naparoon sa lupain ng mga anak ni Ammon kay Hanan, upang aliwin siya.

3 Nguni’t sinabi ng mga prinsipe ng mga anak ni Ammon kay Hanan: Inaakala mo bang pinararangalan ni David ang iyong ama, na siya’y nagsugo ng mga mangaaliw sa iyo? hindi ba ang kaniyang mga lingkod ay nagsiparito sa iyo upang kilalanin, at upang gibain, at upang tiktikan ang lupain?

4 Sa gayo’y sinunggaban ni Hanan ang mga lingkod ni David, at inahitan, at pinutol ang kanilang mga suot sa gitna hanggang sa kanilang pigi, at sila’y pinayaon.

5 Nang magkagayo’y may nagsiparoong ilan at nagsipagsaysay kay David kung paanong dinuwahagi ang mga lalake. At kaniyang sinugong salubungin sila; sapagka’t ang mga lalake ay nangapahiyang mainam. At sinabi ng hari, Kayo’y magsipaghintay sa Jerico hanggang sa ang inyong balbas ay tumubo, at kung magkagayo’y magsibalik kayo.

6 At nang makita ng mga anak ni Ammon na sila’y naging nakapopoot kay David, si Hanan at ang mga anak ni Ammon ay nagpadala ng isang libong talentong pilak, upang mangupahan sila ng mga karo at mga mangangabayo na mula sa Mesopotamia, at mula sa Aram-maacha, at mula sa Soba.

7 Sa gayo’y nangupahan sila ng tatlongpu’t dalawang libong karo, at sa hari sa Maacha at sa kaniyang bayan; na siyang pumaroon at humantong sa harap ng Medeba. At ang mga anak ni Ammon ay nagpipisan mula sa kanilang mga bayan, at nagsiparoon upang makipagbaka.

8 At nang mabalitaan ni David, ay kaniyang sinugo si Joab at ang buong hukbo ng makapangyarihang mga lalake.

9 At ang mga anak ni Ammon, ay nagsilabas, at nagsihanay ng pakikipagbaka sa pintuan ng bayan: at ang mga hari na nagsiparoon ay nangagisa sa parang.

10 Nang makita nga ni Joab na ang pagbabaka ay nahahanay laban sa kaniya sa harapan at sa likuran, pinili niya yaong mga piling lalake ng Israel, at inihanay laban sa mga taga Siria.

11 At ang nalabi sa bayan ay kaniyang ipinamahala sa kapangyarihan ng kaniyang kapatid na si Abisai, at sila’y nagsihanay laban sa mga anak ni Ammon.

12 At sinabi niya, Kung ang mga taga Siria ay manaig sa akin, iyo ngang tutulungan ako: nguni’t kung ang mga anak ni Ammon ay manaig sa iyo, akin ngang tutulungan ka.

13 Magpakatapang kang mabuti, at tayo’y magpakalalake para sa ating bayan, at sa mga bayan ng ating Dios: at gawin ng Panginoon ang inaakala niyang mabuti.

14 Sa gayo’y si Joab at ang bayan na nasa kaniya ay nagsilapit sa harap ng mga taga Siria sa pakikipagbaka; at sila’y nagsitakas sa harap niya.

15 At nang makita ng mga anak ni Ammon na ang mga taga Siria ay nagsitakas, sila ma’y nagsitakas sa harap ni Abisai na kaniyang kapatid, at nagsipasok sa bayan. Nang magkagayo’y si Joab ay naparoon sa Jerusalem.

16 At nang makita ng mga taga Siria na sila’y nalagay sa kasamaan sa harap ng Israel, sila’y nagsipagsugo ng mga sugo, at dinala ang mga taga Siria na nandoon sa dako roon ng Ilog, na kasama ni Sophach na punong kawal ng hukbo ni Adarezer sa kanilang unahan.

17 At nasaysay kay David; at kaniyang pinisan ang buong Israel, at tumawid sa Jordan, at naparoon sa kanila, at humanay laban sa kanila. Sa gayo’y nang humanay sa pakikipagbaka si David laban sa mga taga Siria, sila’y nangakipaglaban sa kaniya.

18 At ang mga taga Siria ay nagsitakas sa harap ng Israel; at si David ay pumatay sa mga taga Siria ng mga tao sa pitong libong karo, at apat na pung libong naglalakad, at pinatay si Sophach na pinunong kawal ng hukbo.

19 At nang makita ng mga lingkod ni Adarezer na sila’y nangalagay sa kasamaan sa harap ng Israel, sila’y nakipagpayapaan kay David, at nangaglingkod sa kaniya: ni hindi na tumulong pa ang mga taga Siria sa mga anak ni Ammon.

I Mga Cronica 20

1 At nangyari sa panahon ng pagpihit ng taon, sa panahong ang mga hari ay nagsisilabas sa pakikipagbaka, na pinatnubayan ni Joab ang hukbo, at sinira ang lupain ng mga anak ni Ammon, at naparoon at kinubkob ang Rabba. Nguni’t si David ay naghintay sa Jerusalem. At sinaktan ni Joab ang Rabba, at sinira.

2 At kinuha ni David ang putong ng kanilang hari sa ibabaw ng kaniyang ulo, at nasumpungang may timbang na isang talentong ginto, at may mga mahalagang bato roon: at naputong sa ulo ni David: at kaniyang inilabas ang samsam sa bayan, na totoong marami.

3 At kaniyang inilabas ang bayan na nandoon, at pinutol sila ng mga lagari, at ng mga suyod na bakal, at ng mga palakol. At ganito ang ginawa ni David sa lahat ng mga bayan ng mga anak ni Ammon. At si David at ang buong bayan ay bumalik sa Jerusalem.

4 At nangyari, pagkatapos nito, na nagkaroon ng pagdidigma sa Gezer laban sa mga Filisteo: nang magkagayo’y pinatay ni Sibbecai na Husathita si Sippai, sa mga anak ng mga higante; at sila’y sumuko.

5 At nagkaroon uli ng pakikipagdigma laban sa mga Filisteo; at pinatay ni Elhanan na anak ni Jair si Lahmi na kapatid ni Goliath na Getheo, na ang puluhan ng sibat niya ay gaya ng panghabi ng manghahabi.

6 At nagkaroon uli ng pagdidigma sa Gath, na doo’y may isang lalaking may malaking bulas, na ang mga daliri ng kamay at paa ay dalawangpu’t apat, anim sa bawa’t kamay at anim sa bawa’t paa; at siya rin nama’y ipinanganak sa higante.

7 At nang kaniyang hamunin ang Israel, pinatay siya ni Jonathan na anak ni Sima na kapatid ni David.

8 Ang mga ito ang ipinanganak sa higante sa Gath, at sila’y nangabuwal sa pamamagitan ng kamay ni David, at sa pamamagitan ng kamay ng mga lingkod niya.

I Mga Cronica 21

1 At si Satan ay tumayo laban sa Israel, at kinilos si David na bilangin ang Israel.

2 At sinabi ni David kay Joab, at sa mga prinsipe ng bayan, Kayo’y magsiyaon, bilangin ninyo ang Israel mula sa Beer-seba hanggang sa Dan; at dalhan ninyo ako ng salita; upang aking maalaman ang bilang nila.

3 At sinabi ni Joab, Gawin nawa ng Panginoon ang kaniyang bayan na makasandaang higit sa dami nila; nguni’t, panginoon ko na hari, di ba silang lahat ay mga lingkod ng aking panginoon? bakit kinakailangan ng panginoon ko ang bagay na ito? bakit siya’y magiging sanhi ng ipagkakasala ng Israel?

4 Gayon ma’y ang salita ng hari ay nanaig laban kay Joab. Kaya’t si Joab ay yumaon, at naparoon sa buong Israel, at dumating sa Jerusalem.

5 At ibinigay ni Joab ang kabuuan ng bilang ng bayan kay David. At silang lahat na taga Israel ay labing isang daan libo na nagsisihawak ng tabak: at ang Juda ay apat na raan at pitongpung libong lalake na nagsisihawak ng tabak.

6 Nguni’t ang Levi at ang Benjamin ay hindi binilang; sapagka’t ang pananalita ng hari ay kahalayhalay kay Joab.

7 At sumama ang loob ng Dios sa bagay na ito; kaya’t kaniyang sinaktan ang Israel.

8 At sinabi ni David sa Dios, Ako’y nagkasala ng mabigat sa aking paggawa ng bagay na ito: nguni’t ngayo’y alisin mo, ipinamamanhik ko sa iyo, ang kasamaan ng iyong lingkod, sapagka’t aking ginawang may lubhang kamangmangan.

9 At ang Panginoon ay nagsalita kay Gad na tagakita ni David, na sinasabi,

10 Yumaon ka at magsalita kay David na sasabihin, Ganito ang sabi ng Panginoon, Pinagpapalagayan kita ng tatlong bagay; pumili ka ng isa sa mga iyan, upang aking magawa sa iyo.

11 Sa gayo’y naparoon si Gad kay David, at nagsabi sa kaniya, Ganito ang sabi ng Panginoon, Piliin mo ang iniibig mo:

12 Tatlong taong kagutom; o tatlong buwan na pagkalipol sa harap ng iyong mga kaaway, samantalang ang tabak ng iyong mga kaaway ay umabot sa iyo; o kung dili ay tatlong araw na ang tabak ng Panginoon, sa makatuwid baga’y ang salot sa lupain, at ang anghel ng Panginoon ay mangwawasak sa lahat na hangganan ng Israel. Ngayon nga’y akalain mo kung anong sagot ang ibabalik ko sa kaniya na nagsugo sa akin.

13 At sinabi ni David kay Gad, Ako’y totoong nasa kagipitan: ipinamamanhik ko na ihulog mo ako ngayon sa kamay ng Panginoon; sapagka’t totoong malaki ang kaniyang kaawaan; at huwag akong mahulog sa kamay ng tao.

14 Sa gayo’y nagsugo ang Panginoon ng salot sa Israel: at nabuwal sa Israel ay pitongpung libong lalake.

15 At ang Dios ay nagsugo ng isang anghel sa Jerusalem, upang gibain; at nang kaniyang lilipulin, ang Panginoo’y tumingin, at nagsisi siya tungkol sa kasamaan, at sinabi sa manglilipol na anghel, Siya na, ngayo’y itigil mo ang iyong kamay. At ang anghel ng Panginoon ay tumayo sa tabi ng giikan ni Ornan na Jebuseo.

16 At itinanaw ni David ang kaniyang mga mata, at nakita ang anghel ng Panginoon na nakatayo sa pagitan ng lupa at ng langit, na may hawak na tabak sa kaniyang kamay na nakaunat sa Jerusalem. Nang magkagayo’y si David at ang mga matanda, na nangakapanamit ng kayong magaspang ay nangagpatirapa.

17 At sinabi ni David sa Dios, Hindi ba ako ang nagpabilang sa bayan? sa makatuwid baga’y ako yaong nagkasala at gumawa ng totoong kasamaan; nguni’t ang mga tupang ito, ano ang kanilang ginawa? Idinadalangin ko sa iyo, Oh Panginoon kong Dios, na ang iyong kamay ay maging laban sa akin, at laban sa sangbahayan ng aking ama; nguni’t huwag laban sa iyong bayan, na sila’y masasalot.

18 Nang magkagayo’y inutusan ng anghel ng Panginoon si Gad upang sabihin kay David na siya’y sumampa, at magtayo ng isang dambana sa Panginoon sa giikan ni Ornan na Jebuseo.

19 At si David ay sumampa sa sabi ni Gad na kaniyang sinalita sa pangalan ng Panginoon.

20 At si Ornan ay bumalik at nakita ang anghel; at ang kaniyang apat na anak na kasama niya ay nagsipagkubli. Si Ornan nga ay gumigiik ng trigo.

21 At samantalang si David ay naparoroon kay Ornan, si Ornan ay tumanaw at nakita si David, at lumabas sa giikan, at iniyukod kay David ang kaniyang mukha sa lupa.

22 Nang magkagayo’y sinabi ni David kay Ornan, Ibigay mo sa akin ang dako ng giikang ito, upang aking mapagtayuan ng isang dambana sa Panginoon: sa buong halaga ay ibibigay mo sa akin: upang ang salot ay tumigil sa bayan.

23 At sinabi ni Ornan kay David, Kunin mo, at gawin ng panginoon kong hari ang mabuti sa harap ng kaniyang mga mata: narito, aking ibinibigay sa iyo ang mga baka na mga pinakahandog na susunugin, at ang mga kasangkapan ng giikan na pinaka kahoy, at ang trigo na pinakahandog na harina; aking ibinibigay sa lahat.

24 At sinabi ng haring David kay Ornan, Huwag; kundi katotohanang aking bibilhin ng buong halaga: sapagka’t hindi ko kukunin ang iyo para sa Panginoon, o maghahandog man ng handog na susunugin na walang bayad.

25 Sa gayo’y ibinigay ni David kay Ornan dahil sa dakong yaon ang anim na raang siklong ginto na pinakatimbang.

26 At ipinagtayo roon ni David ng isang dambana ang Panginoon, at naghandog ng mga handog na susunugin, at ng mga handog tungkol sa kapayapaan, at tumawag sa Panginoon; at sinagot niya siya mula sa langit sa pamamagitan ng apoy sa ibabaw ng dambana ng handog na susunugin.

27 At inutusan ng Panginoon ang anghel; at kaniyang isinuksok sa kaluban ang kaniyang tabak.

28 Nang panahong yaon, nang makita ni David na sinagot siya ng Panginoon sa giikan ni Ornan na Jebuseo, siya nga’y naghain doon.

29 Sapagka’t ang tabernakulo ng Panginoon na ginawa ni Moises sa ilang at ang dambana ng handog na susunugin, ay nasa mataas na dako nang panahong yaon sa Gabaon.

30 Nguni’t si David ay hindi makaparoon sa harap niyaon upang magusisa sa Dios: sapagka’t siya’y natakot dahil sa tabak ng anghel ng Panginoon.

I Mga Cronica 22

1 Nang magkagayo’y sinabi ni David, Ito ang bahay ng Panginoong Dios, at ito ang dambana ng handog na susunugin para sa Israel.

2 At iniutos ni David na pisanin ang mga taga ibang bayan na nasa lupain ng Israel; at siya’y naglagay ng mga kantero upang magsitabas ng mga yaring bato, upang itayo ang bahay ng Dios.

3 At si David ay naghanda ng bakal na sagana na mga pinaka pako sa mga pinto ng mga pintuang-daan, at sa mga sugpong; at tanso na sagana na walang timbang;

4 At mga puno ng sedro na walang bilang; sapagka’t ang mga Sidonio at ang mga taga Tiro ay nangagdala kay David ng mga puno ng sedro na sagana.

5 At sinabi ni David, Si Salomong aking anak ay bata at mura, at ang bahay na matatayo na laan sa Panginoon ay marapat na totoong mainam, na bantog at maluwalhati sa lahat na lupain: akin ngang ipaghahanda. Sa gayo’y naghanda si David ng sagana bago sumapit ang kaniyang kamatayan.

6 Nang magkagayo’y ipinatawag niya si Salomon na kaniyang anak, at binilinan niyang magtayo ng isang bahay na laan sa Panginoon, sa Dios ng Israel.

7 At sinabi ni David kay Salomon na kaniyang anak, Tungkol sa akin, na sa aking kalooban ang magtayo ng isang bahay sa pangalan ng Panginoon kong Dios.

8 Nguni’t ang salita ng Panginoon ay dumating sa akin, na nagsasabi, Ikaw ay nagbubo ng dugo na sagana, at gumawa ng malaking pagdidigma: huwag mong ipagtatayo ng bahay ang aking pangalan, sapagka’t ikaw ay nagbubo ng maraming dugo sa lupa sa aking paningin:

9 Narito, isang lalake ay ipanganganak sa iyo, na siyang magiging lalaking mapayapa; at bibigyan ko siya ng kapahingahan sa lahat ng kaniyang mga kaaway sa palibot: sapagka’t ang kaniyang magiging pangalan ay Salomon, at bibigyan ko ng kapayapaan at katahimikan ang Israel sa kaniyang mga kaarawan:

10 Kaniyang ipagtatayo ng bahay ang aking pangalan; at siya’y magiging aking anak, at ako’y magiging kaniyang ama; at aking itatatag ang luklukan ng kaniyang kaharian sa Israel magpakailan man.

11 Ngayon, anak ko, ang Panginoon ay sumaiyo; at guminhawa ka, at iyong itayo ang bahay ng Panginoon mong Dios, gaya ng kaniyang sinalita tungkol sa iyo.

12 Pagkalooban ka lamang ng Panginoon ng pagmumunimuni, at pagkakilala, at bigyan ka niya ng bilin tungkol sa Israel; na anopa’t iyong maingatan ang kautusan ng Panginoon mong Dios.

13 Kung magkagayo’y giginhawa ka, kung isasagawa mo ang mga palatuntunan at ang mga kahatulan na ibinilin ng Panginoon kay Moises tungkol sa Israel: ikaw ay magpakalakas at magpakatapang; huwag kang matakot o manglupaypay man.

14 Ngayon, narito, sa aking karalitaan ay ipinaghanda ko ang bahay ng Panginoon ng isang daang libong talentong ginto, at isang libong libong talentong pilak; at ng tanso at bakal na walang timbang; dahil sa kasaganaan: gayon din ng kahoy at bato ay naghanda ako; at iyong madadagdagan.

15 Bukod dito’y may kasama kang mga manggagawa na sagana, mga mananabas ng bato at manggagawa sa bato at sa kahoy, at lahat ng mga tao na bihasa sa anoman gawain;

16 Sa ginto, sa pilak, at sa tanso, at sa bakal, walang bilang. Ikaw ay bumangon at iyong gawin, at ang Panginoon ay sumaiyo.

17 Iniutos naman ni David sa lahat na prinsipe ng Israel na tulungan si Salomon na kaniyang anak, na sinasabi,

18 Hindi ba ang Panginoon ninyong Dios ay sumasainyo? at hindi ba binigyan niya kayo ng kapahingahan sa lahat na dako? sapagka’t kaniyang ibinigay ang mga nananahan sa lupain sa aking kamay; at ang lupain ay suko sa harap ng Panginoon, at sa harap ng kaniyang bayan.

19 Ngayo’y inyong ilagak ang inyong puso at ang inyong kaluluwa upang hanaping sundin ang Panginoon ninyong Dios; kayo’y bumangon nga, at itayo ninyo ang santuario ng Panginoong Dios, upang dalhin ang kaban ng tipan ng Panginoon, at ang mga banal na kasangkapan ng Dios, sa loob ng bahay na itatayo sa pangalan ng Panginoon.

I Mga Cronica 23

1 Si David nga ay matanda na at puspos ng mga araw: at ginawa niyang hari si Salomon na kaniyang anak sa Israel.

2 At pinisan niya ang lahat na prinsipe ng Israel, pati ang mga saserdote at ng mga Levita.

3 At ang mga Levita ay binilang mula sa tatlongpung taon na patanda: at ang kanilang bilang, ayon sa kanilang mga ulo, lalake’t lalake, ay tatlongpu’t walong libo.

4 Sa mga ito, dalawangpu’t apat na libo ang nagsisitingin ng gawa sa bahay ng Panginoon; at anim na libo ay mga pinuno at mga hukom:

5 At apat na libo ay tagatanod-pinto: at apat na libo ay mangaawit sa Panginoon na may mga panugtog na aking ginawa, sabi ni David, upang ipangpuri.

6 At hinati sila ni David sa mga hanay ayon sa mga anak ni Levi; si Gerson, si Coath, at si Merari.

7 Sa mga Gersonita: si Ladan, at si Simi.

8 Ang mga anak ni Ladan: si Jehiel na pinuno, at si Zetham, at si Joel, tatlo.

9 Ang mga anak ni Simi: si Selomith, at si Haziel, at si Aran, tatlo. Ang mga ito ang mga pangulo sa mga sangbahayan ng mga magulang ni Ladan.

10 At ang mga anak ni Simi: si Jahath, si Zinat, at si Jeus, at si Berias. Ang apat na ito ang mga anak ni Simi.

11 At si Jahath ay siyang pinuno, at si Zinat ang ikalawa: nguni’t si Jeus at si Berias ay hindi nagkaroon ng maraming anak; kaya’t sila’y naging isang sangbahayan ng mga magulang sa isang bilang.

12 Ang mga anak ni Coath: si Amram, si Ishar, si Hebron, at si Uzziel, apat.

13 Ang mga anak ni Amram: si Aaron at si Moises: at si Aaron ay nahiwalay, upang kaniyang ariing banal ang mga kabanalbanalang bagay, niya at ng kaniyang mga anak magpakailan man, upang magsunog ng kamangyan sa harap ng Panginoon, upang mangasiwa sa kaniya, at upang bumasbas sa pamamagitan ng kaniyang pangalan, magpakailan man.

14 Nguni’t tungkol kay Moises na lalake ng Dios, ang kaniyang mga anak ay ibinilang na lipi ni Levi.

15 Ang mga anak ni Moises: si Gerson at si Eliezer.

16 Ang mga anak ni Gerson: si Sebuel na pinuno.

17 At ang mga anak ni Eliezer: si Rehabia na pinuno. At si Eliezer ay hindi nagkaroon ng ibang mga anak; nguni’t ang mga anak ni Rehabia ay totoong marami.

18 Ang mga anak ni Ishar: si Selomith na pinuno.

19 Ang mga anak ni Hebron: si Jeria ang pinuno, si Amarias ang ikalawa, si Jahaziel ang ikatlo, at si Jecaman ang ikaapat.

20 Ang mga anak ni Uzziel: si Micha ang pinuno, at si Isia ang ikalawa.

21 Ang mga anak ni Merari: si Mahali at si Musi. Ang mga anak ni Mahali: si Eleazar at si Cis.

22 At si Eleazar ay namatay, at hindi nagkaanak ng lalake, kundi mga babae lamang: at nangagasawa sa kanila ang kanilang mga kapatid na mga anak ni Cis.

23 Ang mga anak ni Musi: si Mahali, at si Eder, at si Jerimoth, tatlo.

24 Ang mga ito ang mga anak ni Levi, ayon sa mga sangbahayan ng kanilang mga magulang, sa makatuwid baga’y mga pangulo sa mga sangbahayan ng mga magulang doon sa mga nabilang, sa bilang ng mga pangalan, ayon sa kanilang mga ulo, na nagsigawa ng gawain sa paglilingkod sa bahay ng Panginoon, mula sa dalawangpung taong gulang na patanda.

25 Sapagka’t sinabi ni David, Ang Panginoon, ang Dios ng Israel ay nagbigay ng kapahingahan sa kaniyang bayan; at siya’y tumatahan sa Jerusalem magpakailan man:

26 At ang mga Levita naman ay hindi na magkakailangan pang pasanin ang tabernakulo at ang lahat na kasangkapan niyaon sa paglilingkod doon.

27 Sapagka’t ayon sa mga huling salita ni David ay nabilang ang mga anak ni Levi, mula sa dalawangpung taong gulang na patanda.

28 Sapagka’t ang kanilang katungkulan ay tumulong sa mga anak ni Aaron sa paglilingkod sa bahay ng Panginoon, sa mga looban, at sa mga silid, at sa paglilinis ng lahat na banal na bagay, sa gawain na paglilingkod sa bahay ng Dios;

29 Gayon din sa tinapay na handog, at sa mainam na harina na pinakahandog na harina, maging sa mga manipis na tinapay na walang lebadura, at doon sa niluto sa kawali, at doon sa pinirito; at sa lahat na sarisaring takalan at panakal;

30 At upang tumayo tuwing umaga na pasalamat at pumuri sa Panginoon, at gayon din naman sa hapon;

31 At upang maghandog ng lahat na handog sa Panginoon na susunugin sa mga sabbath, sa mga bagong buwan, at sa mga takdang kapistahan, sa bilang alinsunod sa utos tungkol sa kanila, na palagi sa harap ng Panginoon:

32 At sila ang magsisipagingat ng katungkulan sa tabernakulo ng kapisanan, at ng katungkulan sa banal na dako, at ng katungkulan ng mga anak ni Aaron na kanilang mga kapatid, sa paglilingkod sa bahay ng Panginoon.

I Mga Cronica 24

1 At ang pagkabahagi ng mga anak ni Aaron ay ito. Ang mga anak ni Aaron; si Nadab at si Abiu, si Eleazar at si Ithamar.

2 Nguni’t si Nadab at si Abiu ay namatay na una sa kanilang ama, at hindi nangagkaanak: kaya’t si Eleazar at si Ithamar ang nagsigawa ng katungkulang pagkasaserdote.

3 At si David na kasama ni Sadoc sa mga anak ni Eleazar, at si Ahimelech sa mga anak ni Ithamar, ay siyang bumahagi sa kanila ayon sa kanilang paglilingkod.

4 At may higit na mga pinuno na nasumpungan sa mga anak ni Eleazar kay sa mga anak ni Ithamar: at ganito nila binahagi: sa mga anak ni Eleazar ay may labing anim, na mga pangulo sa mga sangbahayan ng mga magulang; at sa mga anak ni Ithamar, ayon sa mga sangbahayan ng kanilang mga magulang, walo.

5 Ganito nila binahagi sa pamamagitan ng sapalaran, ng isa’t isa sa kanila; sapagka’t may mga prinsipe sa santuario, at mga prinsipe ng Dios, sa mga anak ni Eleazar, at gayon din sa mga anak ni Ithamar.

6 At si Semeias na anak ni Nathanael na kalihim, na sa mga Levita ay isinulat sila sa harapan ng hari, at ng mga prinsipe, at si Sadoc na saserdote, at ni Ahimelech na anak ni Abiathar, at ng mga pangulo sa mga sangbahayan ng mga magulang ng mga saserdote, at ng mga Levita: isang sangbahayan ng mga magulang ay kinuha para sa kay Eleazar, at isa’y kinuha para sa kay Ithamar.

7 Ang una ngang kapalaran ay lumabas kay Joiarib, ang ikalawa’y kay Jedaia;

8 Ang ikatlo ay kay Harim, ang ikaapat ay kay Seorim;

9 Ang ikalima ay kay Malchias, ang ikaanim ay kay Miamim;

10 Ang ikapito ay kay Cos, ang ikawalo ay kay Abias;

11 Ang ikasiyam ay kay Jesua, ang ikasangpu ay kay Sechania;

12 Ang ikalabing isa ay kay Eliasib, ang ikalabing dalawa ay kay Jacim;

13 Ang ikalabing tatlo ay kay Uppa, ang ikalabing apat ay kay Isebeab;

14 Ang ikalabing lima ay kay Bilga, ang ikalabing anim ay kay Immer;

15 Ang ikalabing pito ay kay Hezir, ang ikalabing walo ay kay Aphses;

16 Ang ikalabing siyam ay kay Pethaia, ang ikadalawangpu ay kay Hezeciel;

17 Ang ikadalawangpu’t isa ay kay Jachin, ang ikadalawangpu’t dalawa ay kay Hamul;

18 Ang ikadalawangpu’t tatlo ay kay Delaia, ang ikadalawangpu’t apat ay kay Maazia.

19 Ito ang ayos nila sa kanilang paglilingkod, upang pumasok sa bahay ng Panginoon ayon sa alituntunin na ibinigay sa kanila sa pamamagitan ng kamay ni Aaron na kanilang magulang, gaya ng iniutos sa kaniya ng Panginoon, ng Dios ng Israel.

20 At sa nalabi sa mga anak ni Levi: sa mga anak ni Amram: si Subael; sa mga anak ni Subael, si Jehedias.

21 Kay Rehabia: sa mga anak ni Rehabia, si Isias ang pinuno.

22 Sa mga Isharita, si Selomoth; sa mga anak ni Selomoth, si Jath.

23 At sa mga anak ni Hebron: si Jeria ang pinuno, si Amarias ang ikalawa, si Jahaziel ang ikatlo, si Jecaman ang ikaapat.

24 Ang mga anak ni Uzziel; si Micha; sa mga anak ni Micha, si Samir.

25 Ang kapatid ni Micha, si Isia; sa mga anak ni Isia, si Zacharias.

26 Ang mga anak ni Merari: si Mahali at si Musi: ang mga anak ni Jaazia: si Benno.

27 Ang mga anak ni Merari: kay Jaazia, si Benno, at si Soam, at si Zachur, at si Ibri.

28 Kay Mahali: si Eleazar, na hindi nagkaanak.

29 Kay Cis: ang mga anak ni Cis, si Jerameel.

30 At ang mga anak ni Musi: si Mahali, at si Eder, at si Jerimoth. Ang mga ito ang mga anak ng mga Levita ayon sa mga sangbahayan ng kanilang mga magulang.

31 Ang mga ito nama’y nagsapalaran din na gaya ng kanilang mga kapatid na mga anak ni Aaron, sa harap ni David na hari, at ni Sadoc, at ni Ahimelech at ng mga pangulo sa mga sangbahayan ng mga magulang ng mga saserdote at ng mga Levita: ang mga sangbahayan ng mga magulang ng pinuno, gaya ng kaniyang batang kapatid.

I Mga Cronica 25

1 Bukod dito’y si David at ang mga punong kawal ng hukbo ay nagsipaghiwalay sa paglilingkod ng ilan sa mga anak ni Asaph, at ni Heman, at ni Jeduthun; na magsisipuri na may mga alpa, at mga salterio, at may mga simbalo: at ang bilang ng nagsigawa ng ayon sa kanilang paglilingkod.

2 Sa mga anak ni Asaph: si Zachur, at si Jose, at si Methanias, at si Asareela, na mga anak ni Asaph; sa ilalim ng kapangyarihan ni Asaph na siyang pumuri ayon sa utos ng hari.

3 Kay Jeduthun: ang mga anak ni Jeduthun; si Gedalias, at si Sesi, at si Jesaias, si Hasabias, at si Mathithias, anim; sa ilalim ng kapangyarihan ng kanilang ama na si Jeduthun na may alpa, na siyang pumuri na may pagpapasalamat at pagpapaunlak sa Panginoon.

4 Kay Heman: ang mga anak ni Heman: si Buccia, at si Mathania, si Uzziel, si Sebuel, at si Jerimoth, si Hananias, si Hanani, si Eliatha, si Gidalthi, at si Romamti-ezer, si Josbecasa, si Mallothi, si Othir, si Mahazioth:

5 Lahat ng mga ito’y mga anak ni Haman na tagakita ng hari sa mga salita ng Dios, upang magtaas ng sungay. At ibinigay ng Dios kay Heman ay labing apat na anak na lalake at tatlong anak na babae.

6 Lahat ng mga ito’y nangasa ilalim ng kapangyarihan ng kanilang ama sa pagawit sa bahay ng Panginoon, na may mga simbalo, mga salterio, at mga alpa, sa paglilingkod sa bahay ng Dios; sa ilalim ng kapangyarihan ng hari, sa makatuwid baga’y si Asaph, si Jeduthun, at si Heman.

7 At ang bilang nila, pati ng kanilang mga kapatid na mga tinuruan sa pagawit sa Panginoon, lahat na bihasa ay dalawang daan at walongpu’t walo.

8 At sila’y nagsapalaran sa ganang kanilang mga katungkulan, silang lahat na parapara, kung paano ang maliit ay gayon din ang malaki, ang guro na gaya ng mga alagad.

9 Ang una ngang kapalaran ay kay Asaph na nahulog kay Jose; ang ikalawa’y kay Gedalias; siya at ang kaniyang mga kapatid at mga anak ay labing dalawa:

10 Ang ikatlo ay kay Zachur, sa kaniyang mga anak at sa kaniyang mga kapatid, labing dalawa:

11 Ang ikaapat ay kay Isri, sa kaniyang mga anak at sa kaniyang mga kapatid, labing dalawa:

12 Ang ikalima ay kay Nethanias, sa kaniyang mga anak at sa kaniyang mga kapatid, labing dalawa:

13 Ang ikaanim ay kay Buccia, sa kaniyang mga anak at sa kaniyang mga kapatid, labing dalawa:

14 Ang ikapito ay kay Jesarela, sa kaniyang mga anak at sa kaniyang mga kapatid, labing dalawa:

15 Ang ikawalo ay kay Jesahias, sa kaniyang mga anak at sa kaniyang mga kapatid, labing dalawa:

16 Ang ikasiyam ay kay Mathanias, sa kaniyang mga anak at sa kaniyang mga kapatid, labing dalawa:

17 Ang ikasangpu ay kay Simi, sa kaniyang mga anak at sa kaniyang mga kapatid, labing dalawa:

18 Ang ikalabing isa ay kay Azareel, sa kaniyang mga anak at sa kaniyang mga kapatid, labing dalawa.

19 Ang ikalabing dalawa ay kay Hasabias, sa kaniyang mga anak at sa kaniyang mga kapatid, labing dalawa.

20 Ang ikalabing tatlo ay kay Subael, sa kaniyang mga anak at sa kaniyang mga kapatid, labing dalawa:

21 Ang ikalabing apat ay kay Mathithias, sa kaniyang mga anak at sa kaniyang mga kapatid, labing dalawa:

22 Ang ikalabing lima ay kay Jerimoth, sa kaniyang mga anak at sa kaniyang mga kapatid, labing dalawa:

23 Ang ikalabing anim ay kay Hananias sa kaniyang mga anak at sa kaniyang mga kapatid, labing dalawa:

24 Ang ikalabing pito ay kay Josbecasa, sa kaniyang mga anak at sa kaniyang mga kapatid, labing dalawa:

25 Ang ikalabing walo ay kay Hanani, sa kaniyang mga anak at sa kaniyang mga kapatid, labing dalawa:

26 Ang ikalabing siyam ay kay Mallothi, sa kaniyang mga anak at sa kaniyang mga kapatid, labing dalawa:

27 Ang ikadalawangpu ay kay Eliatha, sa kaniyang mga anak at sa kaniyang mga kapatid, labing dalawa:

28 Ang ikadalawangpu’t isa ay kay Othir, sa kaniyang mga anak at sa kaniyang mga kapatid, labing dalawa:

29 Ang ikadalawangpu’t dalawa’y kay Giddalthi, sa kaniyang mga anak at sa kaniyang mga kapatid, labing dalawa:

30 Ang ikadalawangpu’t tatlo ay kay Mahazioth, sa kaniyang mga anak at sa kaniyang mga kapatid, labing dalawa:

31 Ang ikadalawangpu’t apat ay kay Romamti-ezer, sa kaniyang mga anak at sa kaniyang mga kapatid, labing dalawa.

I Mga Cronica 26

1 Sa pagka bahagi ng mga tagatanod-pinto: sa mga Coraita: si Meselemia na anak ni Core, sa mga anak ni Asaph.

2 At si Meselemia ay nagkaanak; si Zacharias ang panganay, si Jediael ang ikalawa, si Zebadias ang ikatlo, si Jatnael ang ikaapat;

3 Si Elam ang ikalima, si Johanam ang ikaanim, si Elioenai ang ikapito.

4 At si Obed-edom ay nagkaanak; si Semeias ang panganay, si Jozabad ang ikalawa, si Joab ang ikatlo, at si Sachar ang ikaapat, at si Nathanael ang ikalima;

5 Si Anmiel ang ikaanim, si Issachar ang ikapito, si Peullethai ang ikawalo; sapagka’t pinagpala siya ng Dios.

6 Kay Semeias namang kaniyang anak ay nagkaanak ng mga lalake na nagsipagpuno sa sangbahayan ng kanilang magulang: sapagka’t sila’y mga makapangyarihang lalaking matatapang.

7 Ang mga anak ni Semeias: si Othni, at si Raphael at si Obed, si Elzabad, na ang mga kapatid ay matatapang na lalake, si Eliu, at si Samachias.

8 Lahat ng mga ito’y sa mga anak ni Obed-edom: sila at ang kanilang mga anak at ang kanilang mga kapatid, mga bihasang lalake sa kalakasan ukol sa paglilingkod; anim na pu’t dalawa kay Obed-edom.

9 At si Meselemia ay nagkaroon ng mga anak at mga kapatid na matatapang na lalake, labing walo.

10 Si Hosa naman sa mga anak ni Merari ay nagkaroon ng mga anak; si Simri ang pinuno (sapagka’t bagaman hindi siya panganay, gayon ma’y ginawa siyang pinuno ng kaniyang ama;)

11 Si Hilcias ang ikalawa, si Tebelias ang ikatlo, si Zacharias ang ikaapat; lahat ng mga anak at mga kapatid ni Hosa ay labing tatlo.

12 Sa mga ito ang mga bahagi ng mga tagatanod-pinto, sa makatuwid baga’y ng mga pinuno na may mga katungkulang gaya ng kanilang mga kapatid na magsipangasiwa sa bahay ng Panginoon.

13 At sila’y nangagsapalaran, gayon ang maliit na gaya ng malaki, ayon sa mga sangbahayan ng kanilang mga magulang na ukol sa bawa’t pintuang-daan.

14 At ang kapalaran sa dakong silanganan ay nahulog kay Selemia. Sa ganang kay Zacharias nga na kaniyang anak na matalinong kasangguni, sila’y nagsapalaran; at ang kaniyang kapalaran ay nahulog sa dakong hilagaan.

15 Kay Obed-edom ay dakong timugan; at sa kaniyang mga anak ay ang kamalig.

16 Kay Suppim at kay Hosa ay dakong kalunuran, sa tabi ng pintuang-daan ng Sallechet, sa daanang paahon, na pulutong at pulutong.

17 Sa dakong silanganan ay anim na Levita, sa dakong hilagaan ay apat araw-araw, sa dakong timugan ay apat araw-araw, at sa kamalig ay dalawa’t dalawa.

18 Sa Parbar sa dakong kalunuran, apat sa daanan, at dalawa sa Parbar.

19 Ito ang mga bahagi ng mga tagatanod-pinto; sa mga anak ng mga Coraita, at sa mga anak ni Merari.

20 At sa mga Levita, si Achias ay nasa mga kayamanan ng bahay ng Dios, at nasa mga kayamanan ng mga itinalagang bagay.

21 Ang mga anak ni Ladan: ang mga anak ng mga Gersonita na nauukol kay Ladan; ang mga pangulo ng mga sangbahayan ng mga magulang na ukol kay Ladan na Gersonita; si Jehieli.

22 Ang mga anak ni Jehieli: si Zethan at si Joel na kaniyang kapatid, sa mga ingatang-yaman ng bahay ng Panginoon.

23 Sa mga Amramita, sa mga Isharita, sa mga Hebronita, sa mga Uzzielita:

24 At si Sebuel na anak ni Gerson, na anak ni Moises, ay puno sa mga ingatang-yaman.

25 At ang kaniyang mga kapatid kay Eliezer ay nanggaling si Rehabia na kaniyang anak, at si Isaias na kaniyang anak, at si Joram na kaniyang anak, at si Zichri na kaniyang anak, at si Selomith na kaniyang anak.

26 Ang Selomith na ito at ang kaniyang mga kapatid ay nangasa lahat ng ingatang-yaman ng nangatalagang mga bagay na itinalaga ni David na hari, at ng mga pangulo ng mga sangbahayan ng mga magulang, ng mga pinunong kawal ng lilibuhin at ng dadaanin, at ng mga pinunong kawal ng hukbo.

27 Ang samsam na pinanalunan sa pakikipagbaka, ay kanilang itinalaga upang ayusin ang bahay ng Panginoon.

28 At lahat na itinalaga ni Samuel na tagakita, at ni Saul na anak ni Cis, at ni Abner na anak ni Ner, at ni Joab na anak ni Sarvia; ang anomang bagay na itinalaga ninoman ay nasa ilalim ng pamamahala ni Selomith, at ng kaniyang mga kapatid.

29 Sa mga Isharita, si Chenania at ang kaniyang mga anak ay mga tagapamahala at hukom sa mga gawain sa labas ng Israel.

30 Sa mga Hebronita, si Hasabias, at ang kaniyang mga kapatid na mga lalaking matapang, na isang libo’t pitong daan, ay nangamamahala sa Israel sa dako roon ng Jordan sa dakong kalunuran, na ukol sa lahat ng gawain sa Panginoon, at sa paglilingkod sa hari.

31 Sa mga Hebronita ay si Jerias ang pinuno, sa makatuwid baga’y sa mga Hebronita, ayon sa kanilang mga lahi ayon sa mga sangbahayan ng mga magulang. Nang ikaapat na pung taon ng paghahari ni David, sila’y hinanapan, at may nasumpungan, sa kanilang mga makapangyarihang lalaking matapang sa Jazer ng Galaad.

32 At ang kaniyang mga kapatid na mga lalaking matapang, ay dalawang libo at pitong daan, na mga pangulo ng mga sangbahayan ng mga magulang na siyang ginawa ni David na mga tagapamahala sa mga Rubenita, at sa mga Gadita, at sa kalahating lipi ng mga Manasita, sa lahat ng usap na ukol sa Dios, at sa mga bagay ng hari.

I Mga Cronica 27

1 Ang mga anak nga ni Israel ayon sa kanilang bilang, sa makatuwid baga’y ang mga pangulo ng mga sangbahayan ng mga magulang at ang mga pinunong kawal ng lilibuhin at ng dadaanin, at ang kanilang mga pinuno na nangaglilingkod sa hari, sa anomang bagay sa mga bahagi ng pumapasok at lumalabas buwan-buwan sa lahat ng mga buwan ng taon, sa bawa’t bahagi ay dalawang pu’t apat na libo.

2 Sa unang pagka bahagi na ukol sa unang buwan ay si Jasobam na anak ni Zabdiel: at sa kaniyang bahagi ay dalawang pu’t apat na libo.

3 Siya’y sa mga anak ni Phares, na pinuno sa lahat na punong kawal ng hukbo na ukol sa unang buwan.

4 At sa bahagi sa ikalawang buwan ay si Dodai na Ahohita, at ang kaniyang bahagi, at si Miclot na tagapamahala: at sa kaniyang bahagi ay dalawang pu’t apat na libo.

5 Ang ikatlong pinuno ng pulutong na ukol sa ikatlong buwan ay si Benaias, na anak ni Joiada na saserdote, pinuno: at sa kaniyang bahagi ay dalawang pu’t apat na libo.

6 Ito yaong Benaias na siyang makapangyarihang lalake sa tatlong pu, at pinuno sa tatlong pu; at sa kaniyang bahagi ay si Amisabad na kaniyang anak.

7 Ang ikaapat na pinuno sa ikaapat na buwan ay si Asael na kapatid ni Joab, at si Zebadias na kaniyang kapatid ang sumusunod sa kaniya: at sa kaniyang bahagi ay dalawang pu’t apat na libo.

8 Ang ikalimang pinuno sa ikalimang buwan ay si Sambuth na Izrita: at sa kaniyang bahagi ay dalawang pu’t apat na libo.

9 Ang ikaanim na pinuno sa ikaanim na buwan ay si Ira na anak ni Icces na Tecoita: at sa kaniyang bahagi ay dalawang pu’t apat na libo.

10 Ang ikapitong pinuno sa ikapitong buwan ay si Helles na Pelonita, sa mga anak ni Ephraim: at sa kanilang bahagi ay dalawang pu’t apat na libo.

11 Ang ikawalong pinuno sa ikawalong buwan ay si Sibbecai na Husatita, sa mga Zarahita; at sa kaniyang bahagi ay dalawang pu’t apat na libo.

12 Ang ikasiyam na pinuno sa ikasiyam na buwan ay si Abiezer na Anathothita sa mga Benjamita; at sa kaniyang bahagi ay dalawang pu’t apat na libo.

13 Ang ikasangpung pinuno sa ikasangpung buwan ay si Maharai na Nethophathita sa mga Zarahita: at sa kaniyang bahagi ay dalawang pu’t apat na libo.

14 Ang ikalabing isang pinuno sa ikalabing isang buwan ay si Benaias na Piratonita, sa mga anak ni Ephraim: at sa kaniyang bahagi ay dalawang pu’t apat na libo.

15 Ang ikalabing dalawang pinuno sa ikalabing dalawang buwan ay si Heldai na Nethophatita, sa Othniel: at sa kaniyang bahagi ay dalawang pu’t apat na libo.

16 Bukod dito’y sa mga lipi ng Israel: sa mga Rubenita, si Eliezer, na anak ni Zichri, na tagapamahala; sa mga Simeonita, si Sephatias na anak ni Maacha.

17 Sa Levi, si Hasabias, na anak ni Camuel; sa Aaron, si Sadoc;

18 Sa Juda, si Eliu, isa sa mga kapatid ni David; sa Issachar, si Omri na anak ni Michael:

19 Sa Zabulon, si Ismaias na anak ni Abdias: sa Nephtali, si Jerimoth na anak ni Azriel:

20 Sa mga anak ni Ephraim, si Oseas na anak ni Azazia: sa kalahating lipi ni Manases, si Joel na anak ni Pedaia:

21 Sa kalahating lipi ni Manases sa Galaad, si Iddo na anak ni Zacharias: sa Benjamin, si Jaaciel na anak ni Abner.

22 Sa Dan, si Azarael na anak ni Jeroam. Ang mga ito ang mga pinunong kawal ng mga lipi ng Israel.

23 Nguni’t hindi tinuos ni David ang bilang nila mula sa dalawang pung taon na paibaba: sapagka’t sinabi ng Panginoon na kaniyang pararamihin ang Israel na gaya ng mga bituin sa langit.

24 Si Joab na anak ni Sarvia ay nagpasimulang bumilang, nguni’t hindi natapos; at dumating sa Israel ang pag-iinit dahil dito: ni hindi nalagda ang bilang sa mga alaala ng haring David.

25 At nasa mga ingatang-yaman ng hari, si Azmaveth na anak ni Adiel: at sa mga ingatang-yaman sa mga bukid, sa mga bayan, at sa mga nayon, at sa mga kastilyo ay si Jonathan na anak ni Uzzias:

26 At sa nagsisigawa sa bukiran, na ukol sa pagbubukid sa lupa ay si Izri na anak ni Chelud:

27 At sa mga ubasan ay si Simi na Ramathita: at sa mga pakinabang sa mga ubasan na ukol sa mga kamalig ng alak ay si Zabdias na Siphmita:

28 At sa mga puno ng olibo at sa mga puno ng sikomoro na nangasa mababang lupa ay si Baal-hanan na Gederita: at sa mga kamalig ng langis ay si Joas:

29 At sa mga bakahan na pinasasabsab sa Saron ay si Sitrai na Saronita: at sa mga bakahan na nangasa mga libis ay si Saphat na anak ni Adlai:

30 At sa mga kamelyo ay si Obil na Ismaelita: at sa mga asno ay si Jedias na Meronothita: At sa mga kawan ay si Jaziz na Hagrita.

31 Lahat ng mga ito’y mga katiwala sa mga pag-aari ng haring David.

32 At si Jonathan na amain ni David ay kasangguni at lalaking matalino, at kalihim; at si Jehiel na anak ni Hacmoni ay nasa mga anak ng hari:

33 At si Achitophel ay kasangguni ng hari: at si Husai na Archita ay kaibigan ng hari:

34 At sumusunod kay Achitophel ay si Joiada na anak ni Benaias, at si Abiathar: at ang pinunong kawal sa hukbo ng hari ay si Joab.

I Mga Cronica 28

1 At pinulong ni David ang lahat na prinsipe sa Israel, ang mga prinsipe ng mga lipi, at ang mga punong kawal ng mga pulutong na nagsisipaglingkod sa hari ayon sa halinhinan, at ang mga punong kawal ng lilibuhin, at ang mga punong kawal ng dadaanin, at ang mga katiwala sa lahat ng tinatangkilik at pag-aari ng hari at ng kaniyang mga anak, na kasama ng mga pinuno at ng mga makapangyarihang lalake, lahat na makapangyarihang lalaking matapang, sa Jerusalem.

2 Nang magkagayo’y tumayo si David na hari sa kaniyang mga paa, at nagsabi, Dinggin ninyo ako: mga kapatid ko, at bayan ko sa ganang akin, na sa aking puso ang ipagtayo ng isang bahay na pahingahan ang kaban ng tipan ng Panginoon, at upang tungtungan ng mga paa ng ating Dios; at ako’y humanda sa pagtatayo.

3 Nguni’t sinabi ng Dios sa akin, Huwag mong ipagtatayo ng bahay ang aking pangalan, sapagka’t ikaw ay lalaking mangdidigma, at nagbubo ka ng dugo.

4 Gayon ma’y pinili ako ng Panginoon, ng Dios ng Israel, sa buong sangbahayan ng aking ama upang maging hari sa Israel magpakailan man: sapagka’t kaniyang pinili ang Juda upang maging pangulo: at sa sangbahayan ng Juda, ang sangbahayan ng aking ama; at sa gitna ng mga anak ng aking ama ay kinaluguran niya ako upang gawin akong hari sa buong Israel:

5 At sa lahat ng aking mga anak (sapagka’t binigyan ako ng Panginoon ng maraming anak,) pinili niya si Salomon na aking anak upang umupo sa luklukan ng kaharian ng Panginoon sa Israel.

6 At kaniyang sinabi sa akin, Si Salomon na iyong anak ay siyang magtatayo ng aking bahay at ng aking mga looban; sapagka’t aking pinili siya upang maging anak ko, at ako’y magiging kaniyang ama.

7 At aking itatatag ang kaniyang kaharian magpakailan man, kung kaniyang pamamalagiang sundin ang aking mga utos at ang aking mga kahatulan, gaya sa araw na ito.

8 Ngayon nga’y sa paningin ng buong Israel, ng kapisanan ng Panginoon, at sa pakinig ng ating Dios, sundin at suriin ang lahat na utos ng Panginoon ninyong Dios: upang inyong ariin ang mabuting lupaing ito, at maiwang pinakamana sa inyong mga anak pagkamatay ninyo, magpakailan man.

9 At ikaw, Salomon na aking anak, kilalanin mo ang Dios ng iyong ama, at paglingkuran mo siya ng sakdal na puso at ng kusang pagiisip: sapagka’t sinasaliksik ng Panginoon ang lahat na puso, at naaalaman ang lahat na akala ng pagiisip: kung iyong hanapin siya, ay masusumpungan siya sa iyo; nguni’t kung pabayaan mo siya, kaniyang itatakwil ka magpakailan man.

10 Magingat ka ngayon; sapagka’t pinili ka ng Panginoon upang ipagtayo mo ng bahay ang santuario; magpakalakas ka, at gawin mo.

11 Nang magkagayo’y ibinigay ni David kay Salomon na kaniyang anak ang anyo ng portiko ng templo, at ng mga kabahayan niyaon, at ng mga ingatang-yaman niyaon, at ng mga mataas na silid niyaon, at ng mga pinakaloob na silid niyaon, at ng dakong luklukan ng awa:

12 At ang anyo ng lahat na kaniyang naisip sa pamamagitan ng Espiritu tungkol sa mga looban ng bahay ng Panginoon, at tungkol sa lahat ng silid sa palibot, tungkol sa mga ingatang-yaman ng bahay ng Dios, at tungkol sa mga ingatang-yaman ng mga natalagang bagay:

13 Tungkol din naman sa mga bahagi ng mga saserdote at ng mga Levita, at tungkol sa lahat na gawain sa paglilingkod sa bahay ng Panginoon, at tungkol sa lahat na kasangkapan na ipinaglilingkod sa bahay ng Panginoon.

14 Sa ginto na ang timbang na ukol sa mga kasangkapang ginto, sa lahat na kasangkapan ng sarisaring paglilingkod; sa pilak na ukol sa lahat ng kasangkapan na pilak ang timbang, sa lahat na kasangkapan ng sarisaring paglilingkod:

15 Na ang timbang din naman na ukol sa mga kandelero na ginto, at sa mga ilawan niyaon, na ginto: na ang timbang sa bawa’t kandelero at sa mga ilawan niyaon: at sa mga kandelerong pilak, pilak na ang timbang sa bawa’t kandelero, at sa mga ilawan niyaon, ayon sa kagamitan sa bawa’t kandelero:

16 At ang ginto na ang timbang na ukol sa mga dulang ng tinapay na handog, na ukol sa bawa’t dulang; at pilak na ukol sa mga dulang na pilak:

17 At ang mga panduro, at ang mga mangkok, at ang mga saro, na taganas na ginto: at sa mga gintong taza ay ang timbang sa bawa’t taza; at sa mga pilak na taza ay ang timbang sa bawa’t taza;

18 At sa dambana ng kamangyan ay gintong dalisay ayon sa timbang: at ginto sa anyo ng karo, sa makatuwid baga’y ang mga querubin na nakabuka ang mga pakpak at lumililim sa kaban ng tipan ng Panginoon.

19 Lahat ng ito’y, sabi ni David, aking naalaman sa sulat na mula sa kamay ng Panginoon, sa makatuwid baga’y lahat ng gawain sa anyong ito.

20 At sinabi ni David kay Salomon na kaniyang anak, Ikaw ay magpakalakas at magpakatapang, at gawin mo: huwag kang matakot, o manglupaypay man; sapagka’t ang Panginoong Dios, na aking Dios, ay sumasaiyo; hindi ka niya iiwan, o pababayaan man, hanggang sa ang lahat na gawain sa paglilingkod sa bahay ng Panginoon ay matapos.

21 At, narito, may mga bahagi sa mga saserdote at sa mga Levita, na ukol sa lahat na paglilingkod sa bahay ng Dios: at magkakaroon sa iyo sa lahat ng sarisaring gawain ng bawa’t may kusang kaloobang tao na bihasa sa sarisaring paglilingkod: ang mga punong kawal naman at ang buong bayan ay lubos na sasa iyong utos.