I Mga Cronica 29

1 At sinabi ni David na hari sa buong kapisanan, si Salomon na aking anak na siya lamang pinili ng Dios ay bata pa at sariwa, at ang gawain ay malaki; sapagka’t ang templo ay hindi ukol sa tao, kundi sa Panginoong Dios.

2 Akin ngang ipinaghanda ng aking buong kaya ang bahay ng aking Dios, ng ginto na ukol sa mga bagay na ginto, at ng pilak na ukol sa mga bagay na pilak, at ng tanso na ukol sa mga bagay na tanso, ng bakal na ukol sa mga bagay na bakal, at ng kahoy na ukol sa mga bagay na kahoy; ng mga batong onix, at mga batong pangkalupkop, ng mga batong panggayak, at may sarisaring kulay, at ng lahat na sarisaring mahalagang bato, at ng mga batong marmol na sagana.

3 Bukod din naman dito, sapagka’t aking inilagak ang aking loob sa bahay ng aking Dios, na yamang may tinatangkilik ako na aking sariling ginto at pilak, ay aking ibinibigay sa bahay ng aking Dios, bukod sa lahat na aking inihanda na ukol sa banal na bahay;

4 Sa makatuwid baga’y tatlong libong talentong ginto, na ginto sa Ophir, at pitong libong talentong dalisay na pilak upang ibalot sa mga panig ng mga bahay:

5 Ginto na ukol sa mga bagay na ginto, at pilak na ukol sa mga bagay na pilak at sa lahat na sarisaring gawain na yayariin ng mga kamay ng mga manggagawa. Sino nga ang naghahandog na kusa upang magtalaga sa Panginoon sa araw na ito?

6 Nang magkagayo’y naghandog na kusa ang mga prinsipe ng mga sangbahayan ng mga magulang, at ang mga prinsipe ng mga lipi ng Israel, at ang mga pinunong kawal ng lilibuhin at ng dadaanin, pati ng mga tagapamahala sa gawain ng hari;

7 At ibinigay nila sa paglilingkod sa bahay ng Dios, ay ginto, na limang libong talento, at sangpung libong dariko, at pilak na sangpung libong talento, at tanso na labing walong libong talento, at bakal na isang daang libong talento.

8 At sila’y nangasumpungang may mga mahalagang bato ay nagsipagbigay sa kayamanan ng bahay ng Panginoon, sa ilalim ng kapangyarihan ng kamay ni Jehiel na Gersonita.

9 Nang magkagayo’y nagalak ang bayan, dahil sa sila’y nangaghandog na kusa, sapagka’t sila’y may dalisay na puso na nangaghandog na kusa sa Panginoon: at si David naman na hari ay nagalak ng dakilang pagkagalak.

10 Kaya’t pinuri ni David ang Panginoon sa harap ng buong kapisanan; at sinabi ni David, Purihin ka, Oh Panginoon, na Dios ng Israel na aking ama, magpakailan kailan man.

11 Iyo, Oh Panginoon ang kadakilaan, at ang kapangyarihan, at ang kaluwalhatian, at ang pagtatagumpay, at ang karangalan: sapagka’t lahat na nangasa langit at nangasa lupa ay iyo: iyo ang kaharian, Oh Panginoon, at ikaw ay nataas na pangulo sa lahat.

12 Ang mga kayamanan at gayon din ang karangalan ay nangagmumula sa iyo, at ikaw ang nagpupuno sa lahat; at nasa iyong kamay ang kapangyarihan at kalakasan; at nasa iyong kamay ang pagpapadakila, at pagpapalakas sa lahat.

13 Kaya’t ngayon, aming Dios, kami ay nagpasasalamat sa iyo, at aming pinupuri ang iyong maluwalhating pangalan.

14 Nguni’t sino ako, at ano ang aking bayan, na makapaghahandog na ganyang kusa ayon sa ganitong paraan? sapagka’t ang lahat na bagay ay nangagmumula sa iyo, at ang iyong sarili ay aming ibinigay sa iyo.

15 Sapagka’t kami ay mga taga ibang lupa sa harap mo, at mga nakikipamayan, gaya ng lahat naming mga magulang: ang aming mga kaarawan sa lupa ay gaya ng anino, at hindi nagtatagal.

16 Oh Panginoon naming Dios, lahat ng bagay na ito na aming inihanda upang ipagtayo ka ng bahay na ukol sa iyong banal na pangalan ay nangagmumula sa iyong kamay, at iyong sariling lahat.

17 Talastas ko rin, Dios ko na iyong sinusubok ang puso, at nalulugod sa katuwiran. Sa ganang akin, sa katuwiran ng aking puso ay aking inihandog na kusa ang lahat na bagay na ito: at ngayo’y nakita kong may kagalakan ang iyong bayan na nahaharap dito, na naghahandog na kusa sa iyo.

18 Oh Panginoon, na Dios ni Abraham, ni Isaac, at ni Israel na aming mga magulang, ingatan mo ito magpakailan man sa akala ng mga pagiisip ng puso ng iyong bayan, at ihanda mo ang kanilang puso sa iyo:

19 At bigyan mo naman si Salomon na aking anak ng sakdal na puso, upang ingatan ang iyong mga utos, ang iyong mga patotoo, at ang iyong mga palatuntunan, at upang gawin ang lahat na bagay na ito, at upang itayo ang templo, na siyang aking ipinaghanda.

20 At sinabi ni David sa buong kapisanan, Ngayo’y purihin ninyo ang Panginoon ninyong Dios. At ang buong kapisanan ay pumuri sa Panginoon, sa Dios ng kanilang mga magulang, at iniyukod ang kanilang mga ulo, at sumamba sa Panginoon, at sa hari.

21 At sila’y nagsipaghain ng mga hain sa Panginoon, at nagsipaghandog sa Panginoon ng mga handog na susunugin sa kinabukasan, pagkatapos nang araw na yaon, sa makatuwid baga’y isang libong baka, at isang libong tupang lalake, at isang libong kordero, pati ng mga inuming handog na ukol sa mga yaon, at ng mga hain na sagana ukol sa buong Israel;

22 At nagkainan at naginuman sa harap ng Panginoon nang araw na yaon na may malaking kasayahan. At kanilang ginawang hari na ikalawa si Salomon na anak ni David, at pinahiran ng langis siya sa Panginoon upang maging pangulo, at si Sadoc upang maging saserdote.

23 Nang magkagayo’y naupo si Salomon sa luklukan ng Panginoon na pinaka hari na kahalili ni David na kaniyang ama, at guminhawa; at ang buong Israel ay tumalima sa kaniya.

24 At ang lahat na prinsipe at mga matapang na lalake, at ang lahat ding anak ng haring David, ay sumailalim ng kapangyarihan ng haring Salomon.

25 At pinadakilang mainam ng Panginoon si Salomon sa paningin ng buong Israel, at isinakaniya ang gayong karangalang pagkahari na hindi napasa kanino mang hari na nauna sa kaniya sa Israel.

26 Si David nga na anak ni Isai ay naghari sa buong Israel.

27 At ang panahon na kaniyang ipinaghari sa Israel ay apat na pung taon; pitong taon na naghari siya sa Hebron, at tatlong pu’t tatlong taon na naghari siya sa Jerusalem.

28 At siya’y namatay sa mabuting katandaan, puspus ng mga araw, mga kayamanan, at karangalan: at si Salomon na kaniyang anak ay naghari na kahalili niya.

29 Ang mga gawa nga ni David na hari, na una at huli, narito, nangasusulat sa kasaysayan ni Samuel na tagakita, at sa kasaysayan ni Nathan na propeta, at sa kasaysayan ni Gad na tagakita;

30 Pati ng buo niyang paghahari, at kaniyang kapangyarihan at ang mga panahong dinaanan niya, at ng Israel, at ng lahat ng mga kaharian ng mga lupain.

II Mga Hari 1

1 At ang Moab ay nanghimagsik laban sa Israel pagkamatay ni Achab.

2 At si Ochozias ay nahulog sa silahia sa kaniyang silid sa itaas na nasa Samaria, at nagkasakit: at siya’y nagsugo ng mga sugo, at nagsabi sa kanila, Kayo ay magsiyaon, usisain ninyo kay Baal-zebub, na dios sa Ecron, kung ako’y gagaling sa sakit na ito.

3 Nguni’t sinabi ng anghel ng Panginoon kay Elias na Thisbita, Ikaw ay bumangon, umahon ka na salubungin mo ang mga sugo ng hari ng Samaria, at sabihin mo sa kanila, Dahil ba sa walang Dios sa Israel, na kaya kayo’y nagsisiyaon upang magsipagusisa kay Baal-zebub na dios sa Ecron?

4 Ngayon nga’y ganito ang sabi ng Panginoon, Ikaw ay hindi bababa sa higaan na iyong sinampahan, kundi walang pagsalang ikaw ay mamamatay. At si Elias ay umalis.

5 At ang mga sugo ay nagsibalik sa kaniya, at sinabi niya sa kanila. Bakit kayo’y nagsibalik?

6 At sinabi nila sa kaniya, May umahong isang lalake na sinalubong kami, at sinabi sa amin, Kayo’y magsiyaon, magsibalik kayo sa hari na nagsugo sa inyo, at sabihin ninyo sa kaniya, Ganito ang sabi ng Panginoon, Dahil ba sa walang Dios sa Israel na kaya ikaw ay nagsusugo upang magusisa kay Baal-zebub na dios sa Ecron? Kaya’t hindi ka bababa sa higaan na iyong sinampahan, kundi walang pagsalang ikaw ay mamamatay.

7 At sinabi niya sa kanila, Anong anyo ng lalaking yaong umahon na sumalubong sa inyo, at nagsaysay sa inyo ng mga salitang ito?

8 At sila’y nagsisagot sa kaniya: Siya’y lalaking mabalahibo at nakabigkis ng bigkis na balat ng hayop sa kaniyang mga balakang. At kaniyang sinabi, Siya’y si Elias na Thisbita.

9 Nang magkagayo’y nagsugo ang hari sa kaniya ng isang punong kawal ng lilimangpuin na kasama ang kaniyang limangpu. At inahon niya siya: at, narito, siya’y nakaupo sa taluktok ng burol. At siya’y nagsalita sa kaniya: Oh lalake ng Dios, sinabi ng hari: Bumaba ka.

10 At si Elias ay sumagot, at nagsabi sa punong kawal ng lilimangpuin: Kung ako’y lalake ng Dios, bumaba ang apoy na mula sa langit, at sakupin ka at ang iyong limangpu. At bumaba ang apoy na mula sa langit, at sinupok siya at ang kaniyang limangpu.

11 At muli siyang nagsugo sa kaniya ng ibang punong kawal ng limangpuin na kasama ang kaniyang limangpu. At siya’y sumagot, at nagsabi sa kaniya: Oh lalake ng Dios, ganito ang sabi ng hari, Bumaba kang madali.

12 At si Elias ay sumagot, at nagsabi sa kanila, Kung ako’y lalake ng Dios, bumaba ang apoy na mula sa langit, at supukin ka at ang iyong limangpu. At ang apoy ng Dios ay bumaba na mula sa langit, at sinupok siya at ang kaniyang limangpu.

13 At muling siya’y nagsugo ng punong kawal ng ikatlong lilimangpuin na kasama ng kaniyang limangpu. At ang ikatlong punong kawal ng lilimangpuin ay umahon, at naparoon at lumuhod sa harap ni Elias, at namanhik sa kaniya at nagsabi sa kaniya, Oh lalake ng Dios, isinasamo ko sa iyo na ang aking buhay, at ang buhay ng limangpung ito na iyong mga lingkod ay maging mahalaga nawa sa iyong paningin.

14 Narito, bumaba ang apoy na mula sa langit, at sinupok ang dalawang unang punong kawal ng lilimangpuin sangpu ng kanilang limalimangpu; nguni’t ang aking buhay nga’y maging mahalaga nawa sa iyong paningin.

15 At sinabi ng anghel ng Panginoon kay Elias, Bumaba kang kasama niya: huwag kang matakot sa kaniya. At siya’y tumindig, at bumabang kasama niya hanggang sa hari.

16 At sinabi niya sa kaniya, Ganito ang sabi ng Panginoon: Yamang ikaw ay nagsugo ng mga sugo upang magusisa kay Baal-zebub na dios sa Ecron, dahil ba sa walang Dios sa Israel na mapaguusisaan ng kaniyang salita? kaya’t hindi ka bababa sa higaan na iyong sinampahan, kundi walang pagsalang mamamatay ka.

17 Sa gayo’y namatay siya, ayon sa salita ng Panginoon na sinalita ni Elias. At si Joram ay nagpasimulang maghari na kahalili niya nang ikalawang taon ni Joram na anak ni Josaphat na hari sa Juda; sapagka’t wala siyang anak.

18 Ang iba nga sa mga gawa ni Ochozias na kaniyang ginawa, di ba nangasusulat sa aklat ng mga alaala sa mga hari sa Israel?

II Mga Hari 2

1 At nangyari, nang isasampa ng Panginoon si Elias sa langit sa pamamagitan ng isang ipoipo, na si Elias ay yumaong kasama ni Eliseo mula sa Gilgal.

2 At sinabi ni Elias kay Eliseo, Isinasamo ko sa iyo na maghintay ka rito: sapagka’t sinugo ako ng Panginoon hanggang sa Beth-el. At sinabi ni Eliseo, Buhay ang Panginoon, at buhay ang iyong kaluluwa, hindi kita iiwan. Sa gayo’y bumaba sila sa Beth-el.

3 At nilabas ng mga anak ng mga propeta na nasa Beth-el si Eliseo, at nagsipagsabi sa kaniya, Talastas mo ba na ihihiwalay ng Panginoon ang iyong panginoon sa iyong ulo ngayon? At kaniyang sinabi, Oo, talastas ko; pumayapa kayo.

4 At sinabi ni Elias sa kaniya, Eliseo, isinasamo ko sa iyo na maghintay ka rito; sapagka’t sinugo ako ng Panginoon sa Jerico. At kaniyang sinabi, Buhay ang Panginoon, at buhay ang iyong kaluluwa, hindi kita iiwan. Sa gayo’y nagsiparoon sila sa Jerico.

5 At nagsilapit kay Eliseo ang mga anak ng mga propeta na nangasa Jerico, at nagsipagsabi sa kaniya, Talastas mo ba na ihihiwalay ng Panginoon ang iyong panginoon sa iyong ulo ngayon? At siya’y sumagot, Oo, talastas ko; pumayapa kayo.

6 At sinabi ni Elias sa kaniya, Isinasamo ko sa iyo na maghintay ka rito; sapagka’t sinugo ako ng Panginoon sa Jordan. At kaniyang sinabi, Buhay ang Panginoon, at buhay ang iyong kaluluwa, hindi kita iiwan. At silang dalawa ay nagsiyaon.

7 At limangpu sa mga anak ng mga propeta ay nagsiyaon, at nagsitayo sa tapat nila sa malayo; at silang dalawa ay nagsitayo sa tabi ng Jordan.

8 At kinuha ni Elias ang kaniyang balabal, at tiniklop, at hinampas ang tubig, at nahawi dito at doon, na ano pa’t silang dalawa’y nagsidaan sa tuyong lupa.

9 At nangyari, nang sila’y makatawid, na sinabi ni Elias kay Eliseo, Hingin mo kung ano ang gagawin ko sa iyo, bago ako ihiwalay sa iyo. At sinabi ni Eliseo, Isinasamo ko sa iyo, na ang ibayong bahagi ng iyong diwa ay sumaakin.

10 At sinabi niya, Ikaw ay humingi ng mabigat na bagay: gayon ma’y kung makita mo ako pagka ako’y inihiwalay sa iyo, magiging gayon sa iyo; nguni’t kung hindi ay hindi magiging gayon.

11 At nangyari, samantalang sila’y nagpapatuloy, at nagsasalitaan, na narito, napakita ang isang karong apoy, at mga kabayong apoy, na naghiwalay sa kanila kapuwa; at si Elias ay sumampa sa langit sa pamamagitan ng isang ipoipo.

12 At nakita ni Eliseo, at siya’y sumigaw. Ama ko, ama ko, mga karo ng Israel at mga mangangabayo niyaon! At hindi na niya nakita siya: at kaniyang hinawakan ang kaniyang sariling kasuutan, at hinapak ng dalawang hati.

13 Kinuha rin niya ang balabal ni Elias na nahulog sa kaniya, at siya’y bumalik, at tumayo sa tabi ng pangpang ng Jordan.

14 At kaniyang kinuha ang balabal ni Elias na nahulog sa kaniya, at hinampas ang tubig, at sinabi, Saan nandoon ang Panginoon, ang Dios ni Elias? at nang kaniyang mahampas naman ang tubig, ay nahawi dito at doon: at si Eliseo ay tumawid.

15 At nang makita siya ng mga anak ng mga propeta na nangasa Jerico sa tapat niya, ay kanilang sinabi, Ang diwa ni Elias ay sumasa kay Eliseo. At sila’y nagsiyaon na sinalubong siya, at sila’y nangagpatirapa sa lupa sa harap niya.

16 At kanilang sinabi sa kaniya, Narito ngayon, sa iyong mga lingkod ay may limangpung malalakas na lalake; isinasamo namin sa iyo na payaunin mo sila, at hanapin ang inyong panginoon, baka sakaling itinaas ng Espiritu ng Panginoon, at inihagis sa isang bundok, o sa isang libis. At kaniyang sinabi, Huwag kayong magsipagsugo.

17 At nang kanilang pilitin siya hanggang sa siya’y mapahiya, at kaniyang sinabi, Magsipagsugo kayo. Sila’y nagsipagsugo nga ng limangpung lalake, at hinanap nilang tatlong araw, nguni’t hindi nasumpungan siya.

18 At sila’y nagsibalik sa kaniya, samantalang siya’y naghihintay sa Jerico; at kaniyang sinabi sa kanila, Di ba sinabi ko sa inyo: Huwag kayong magsiyaon?

19 At sinabi ng mga lalake sa bayan kay Eliseo: Tingnan mo, isinasamo namin sa iyo, na ang kalagayan ng bayang ito ay maligaya, gaya ng nakikita ng aking panginoon: nguni’t ang tubig ay masama, at ang lupa ay nagpapalagas ng bunga.

20 At kaniyang sinabi, Dalhan ninyo ako ng isang bagong banga, at sidlan ninyo ng asin. At kanilang dinala sa kaniya.

21 At siya’y naparoon sa bukal ng tubig, at hinagisan niya ng asin, at nagsabi, Ganito ang sabi ng Panginoon, Aking pinabuti ang tubig na ito; hindi na magkakaroon mula rito ng kamatayan pa o pagkalagas ng bunga.

22 Sa gayo’y bumuti ang tubig hanggang sa araw na ito, ayon sa salita ni Eliseo na kaniyang sinalita.

23 At siya’y umahon sa Beth-el mula roon: at samantalang siya’y umaahon sa daan, may nagsilabas sa bayan na mga bata, at tinuya siya, at sinabi nila sa kaniya, Umahon ka, ikaw na kalbo ang ulo; umahon ka, ikaw na kalbo ang ulo.

24 At siya’y lumingon sa likuran niya, at nangakita niya, at sinumpa niya sila sa pangalan ng Panginoon. At doo’y lumabas ang dalawang osong babae sa gubat, at lumapa ng apat na pu’t dalawang bata sa kanila.

25 At siya’y naparoon sa bundok ng Carmelo mula roon, at mula roo’y bumalik siya sa Samaria.

II Mga Hari 3

1 Si Joram nga na anak ni Achab ay nagpasimulang maghari sa Israel sa Samaria nang ikalabing walong taon ni Josaphat na hari sa Juda, at nagharing labing dalawang taon.

2 At siya’y gumawa ng masama sa paningin ng Panginoon; nguni’t hindi gaya ng kaniyang ama, at ng kaniyang ina: sapagka’t kaniyang inalis ang haligi na pinakaalaala kay Baal na ginawa ng kaniyang ama.

3 Gayon ma’y lumakip siya sa mga kasalanan ni Jeroboam na anak ni Nabat, na ipinagkasala niya sa Israel; hindi niya hiniwalayan.

4 Si Mesa nga na hari sa Moab ay may mga tupa; at siya’y nagbubuwis sa hari sa Israel ng balahibo ng isang daang libong kordero at ng isang daang libong lalaking tupa.

5 Nguni’t nangyari nang mamatay si Achab, na ang hari sa Moab ay nanghimagsik laban sa hari sa Israel.

6 At ang haring Joram ay lumabas sa Samaria nang panahong yaon, at hinusay ang buong Israel.

7 At siya’y yumaon, at nagsugo kay Josaphat na hari sa Juda, na nagsasabi, Ang hari sa Moab ay nanghimagsik laban sa akin: yayaong ka ba na kasama ko laban sa Moab upang bumaka? At kaniyang sinabi, Ako’y aahon: ako’y gaya mo, ang aking bayan ay gaya ng iyong bayan, ang aking mga kabayo ay gaya ng iyong mga kabayo.

8 At kaniyang sinabi, Sa aling daan magsisiahon tayo? At siya’y sumagot, Sa daan ng ilang ng Edom.

9 Sa gayo’y yumaon ang hari sa Israel, at ang hari sa Juda, at ang hari sa Edom: at sila’y nagsiligid ng pitong araw na paglalakbay; at walang tubig para sa hukbo, o sa mga hayop man na nagsisisunod sa kanila.

10 At sinabi ng hari sa Israel, Sa aba natin! sapagka’t tinawag ng Panginoon ang tatlong haring ito na magkakasama upang ibigay sa kamay ng Moab.

11 Nguni’t sinabi ni Josaphat, Wala ba ritong isang propeta ng Panginoon, upang tayo’y makapagusisa sa Panginoon sa pamamagitan niya? At isa sa mga lingkod ng hari sa Israel ay sumagot, at nagsabi, Si Eliseo na anak ni Saphat ay nandito na nagbuhos ng tubig sa mga kamay ni Elias.

12 At sinabi ni Josaphat, Ang salita ng Panginoon ay sumasa kaniya. Sa gayo’y binaba siya ng hari sa Israel, at ni Josaphat at ng hari sa Edom.

13 At sinabi ni Eliseo sa hari sa Israel, Anong ipakikialam ko sa iyo? pumaroon ka sa mga propeta ng iyong ama, at sa mga propeta ng iyong ina. At sinabi ng hari sa Israel sa kaniya, Hindi; sapagka’t tinawag ng Panginoon ang tatlong haring ito na magkakasama upang ibigay sila sa kamay ng Moab.

14 At sinabi ni Eliseo, Buhay ang Panginoon ng mga hukbo, na nakatayo ako sa harap niya, tunay na kung wala akong pagtingin sa harap ni Josaphat na hari sa Juda, hindi kita lilingapin, ni titingnan man.

15 Nguni’t ngayo’y dalhan ninyo ako ng isang manunugtog. At nangyari, nang ang manunugtog ay tumugtog, na ang kamay ng Panginoon ay suma kaniya.

16 At kaniyang sinabi, Ganito ang sabi ng Panginoon, Punuin ninyo ang libis na ito ng mga hukay.

17 Sapagka’t ganito ang sabi ng Panginoon, Kayo’y hindi makakakita ng hangin, ni kayo’y makakakita man ng ulan; gayon ma’y ang libis na yaon ay mapupuno ng tubig, at kayo’y iinom, kayo at gayon din ang inyong mga baka, at ang inyong mga hayop.

18 At ito’y isang bagay na magaan sa paningin ng Panginoon: kaniya rin namang ibibigay ang mga Moabita sa inyong kamay.

19 At inyong sasaktan ang bawa’t bayang nakukutaan, at ang bawa’t piling bayan, at inyong ibubuwal ang bawa’t mabuting punong kahoy, at inyong patitigilin ang lahat na bukal ng tubig, at inyong sisirain ng mga bato ang bawa’t mabuting bahagi ng lupain.

20 At nangyari, sa kinaumagahan, sa may panahon ng paghahandog ng alay, na, narito, humuho ang tubig sa daan ng Edom, at ang lupain ay napuno ng tubig.

21 Nang mabalitaan nga ng lahat na Moabita na ang mga hari ay nagsiahon upang magsilaban sa kanila, ay nagpipisan silang lahat na makapagsasakbat ng sandata at hanggang sa katandatandaan, at nagsitayo sa hangganan.

22 At sila’y nagsibangong maaga nang kinaumagahan, at ang araw ay suminag sa tubig, at nakita ng mga Moabita ang tubig sa tapat nila na mapulang gaya ng dugo: at kanilang sinabi,

23 Ito’y dugo; ang mga hari ay walang pagsalang lipol, at sinaktan ng bawa’t isa sa kanila ang kaniyang kasama: ngayon nga, Moab, sa pagsamsam.

24 At nang sila’y dumating sa kampamento ng Israel, ang mga taga Israel ay nagsitindig, at sinaktan ang mga Moabita, na anopa’t sila’y tumakas sa harap nila; at sila’y nagpatuloy sa lupain na sinasaktan ang mga Moabita.

25 At kanilang giniba ang mga bayan at sa bawa’t mabuting bahagi ng lupain ay naghagis ang bawa’t tao ng kaniyang bato, at pinuno; at kanilang pinatigil ang lahat ng bukal ng tubig, at ibinuwal ang lahat na mabuting punong kahoy, hanggang sa Cir-hareseth lamang nagiwan ng mga bato niyaon; gayon ma’y kinubkob ng mga manghihilagpos, at sinaktan.

26 At nang makita ng hari sa Moab na ang pagbabaka ay totoong malala sa ganang kaniya ay nagsama siya ng pitong daang lalake na nagsisihawak ng tabak, upang dumaluhong sa hari sa Edom: nguni’t hindi nila nagawa.

27 Nang magkagayo’y kinuha niya ang kaniyang pinaka matandang anak na maghahari sana na kahalili niya, at inihandog niya na pinakahandog na susunugin sa ibabaw ng kuta. At nagkaroon ng malaking galit laban sa Israel: at kanilang nilisan siya, at bumalik sa kanilang sariling lupain.

II Mga Hari 4

1 Sumigaw nga kay Eliseo ang isang babae na isa sa mga asawa ng mga anak ng mga propeta, na nagsasabi, Ang iyong lingkod na aking asawa ay patay na: at iyong talastas na ang iyong lingkod ay natakot sa Panginoon: at ang pinagkautangan ay naparito upang kuning alipinin niya ang aking dalawang anak.

2 At sinabi ni Eliseo sa kaniya, Anong gagawin ko sa iyo? saysayin mo sa akin; anong mayroon ka sa bahay? At sinabi niya, Ang iyong lingkod ay walang anomang bagay sa bahay liban sa isang palyok na langis.

3 Nang magkagayo’y sinabi niya, Ikaw ay yumaon, manghiram ka ng mga sisidlan sa labas sa lahat ng iyong mga kapitbahay, sa makatuwid baga’y ng mga walang lamang sisidlan; huwag kang manghiram ng kaunti.

4 At ikaw ay papasok, at ikaw at ang iyong mga anak ay magsasara ng pintuan, at iyong ibubuhos ang langis sa lahat ng sisidlang yaon; at iyong itatabi ang mapuno.

5 Sa gayo’y nilisan niya siya, at siya at ang kaniyang mga anak ay nagsara ng pintuan; kanilang dinala ang mga sisidlan sa kaniya, at kaniyang pinagbuhusan.

6 At nangyari, nang mapuno ang mga sisidlan, na kaniyang sinabi sa kaniyang anak, Dalhan mo pa ako ng isang sisidlan. At sinabi niya sa kaniya: Wala pang sisidlan. At ang langis ay tumigil.

7 Nang magkagayo’y naparoon siya, at kaniyang isinaysay sa lalake ng Dios. At kaniyang sinabi, ikaw ay yumaon, ipagbili mo ang langis, at bayaran mo ang iyong utang, at mabuhay ka at ang iyong mga anak sa nalabi.

8 At nangyari, isang araw na si Eliseo ay nagdaan sa Sunem, na kinaroroonan ng isang dakilang babae; at pinilit siya niya na kumain ng tinapay. At nagkagayon, na sa tuwing siya’y daraan doon ay lumiliko roon upang kumain ng tinapay.

9 At sinabi niya sa kaniyang asawa, Narito ngayon, aking nahahalata na ito’y isang banal na lalake ng Dios na nagdadaan sa ating palagi.

10 Isinasamo ko sa iyo na tayo’y gumawa ng isang maliit na silid sa pader; at ating ipaglagay siya roon ng isang higaan, at ng isang dulang, at ng isang upuan, at ng isang kandelero: at mangyayari, pagka siya’y dumarating sa atin, na siya’y papasok doon.

11 At nangyari, isang araw, na siya’y dumating doon, at siya’y lumiko na pumasok sa silid, at nahiga roon.

12 At sinabi niya kay Giezi na kaniyang lingkod, Tawagin mo ang Sunamitang ito. At nang matawag niya, siya’y tumayo sa harap niya.

13 At sinabi niya sa kaniya, Sabihin mo ngayon sa kaniya, Narito, ikaw ay naging maingat sa amin ng buong pagiingat na ito; ano nga ang magagawa sa iyo? ibig mo bang ipakiusap kita sa hari, o sa punong kawal ng hukbo? At siya’y sumagot, Ako’y tumatahan sa gitna ng aking sariling bayan.

14 At kaniyang sinabi, Ano nga ang magagawa sa kaniya? At sumagot si Giezi. Katotohanang siya’y walang anak, at ang kaniyang asawa ay matanda na.

15 At kaniyang sinabi, Tawagin siya. At nang kaniyang tawagin siya, siya’y tumayo sa pintuan.

16 At kaniyang sinabi, Sa panahong ito, pagpihit ng panahon, ikaw ang kakalong ng isang anak na lalake. At kaniyang sinabi, Hindi panginoon ko, ikaw na lalake ng Dios huwag kang magsinungaling sa iyong lingkod.

17 At ang babae ay naglihi, at nanganak ng isang lalake nang panahong yaon, nang ang panahon ay makapihit gaya ng sinabi ni Eliseo sa kaniya.

18 At nang lumaki ang bata ay nangyari, isang araw, nang siya’y umalis na patungo sa kaniyang ama, sa mga manggagapas.

19 At kaniyang sinabi sa kaniyang ama, Ulo ko, ulo ko. At sinabi niya sa kaniyang bataan, Dalhin mo siya sa kaniyang ina.

20 At nang kaniyang makuha siya at dalhin siya sa kaniyang ina, siya’y umupo sa kaniyang tuhod hanggang sa katanghaliang tapat, at nang magkagayo’y namatay.

21 At siya’y pumanhik at inihiga siya sa higaan ng lalake ng Dios, at pinagsarhan niya ng pintuan siya, at lumabas.

22 At kaniyang dinaingan ang kaniyang asawa, at nagsabi, Isinasamo ko sa iyo na iyong suguin sa akin ang isa sa iyong mga bataan, at ang isa sa mga asno, upang aking takbuhin ang lalake ng Dios, at bumalik uli.

23 At kaniyang sinabi, Bakit paroroon ka sa kaniya ngayon? hindi bagong buwan o sabbath man. At kaniyang sinabi, Magiging mabuti.

24 Nang magkagayo’y siniyahan niya ang isang asno, at nagsabi sa kaniyang bataan, Ikaw ay magpatakbo, at magpatuloy; huwag mong pahinain ang pagpapatakbo sa akin, malibang sabihin ko sa iyo.

25 Sa gayo’y yumaon siya at naparoon sa lalake ng Dios sa bundok ng Carmelo. At nangyari, nang makita siya ng lalake ng Dios sa malayo, na kaniyang sinabi kay Giezi na kaniyang lingkod, Narito, nandoon ang Sunamita:

26 Tumakbo ka, isinasamo ko sa iyo ngayon, na salubungin siya, at iyong sabihin sa kaniya, Mabuti ka ba? mabuti ba ang iyong asawa? mabuti ba ang bata? At siya’y sumagot, Mabuti.

27 At nang siya’y dumating sa lalake ng Dios sa burol, siya’y humawak sa kaniyang mga paa. At lumapit si Giezi upang ihiwalay siya; nguni’t sinabi ng lalake ng Dios: Bayaan siya; sapagka’t siya’y namamanglaw; at inilihim ng Panginoon sa akin, at hindi isinaysay sa akin.

28 Nang magkagayo’y sinabi niya, Ako ba’y humiling ng isang anak sa aking panginoon? di ba sinabi ko, Huwag mo akong dayain?

29 Nang magkagayo’y sinabi niya kay Giezi, Bigkisan mo ang iyong mga balakang, at tangnan mo ang aking tungkod sa iyong kamay, at yumaon ka ng iyong lakad: kung ikaw ay makasasalubong ng sinomang tao, huwag mo siyang batiin; at kung ang sinoman ay bumati sa iyo, huwag mo siyang sagutin: at ipatong mo ang aking tungkod sa mukha ng bata.

30 At sinabi ng ina ng bata, Buhay ang Panginoon, at buhay ang iyong kaluluwa, hindi kita iiwan. At siya’y tumindig, at sumunod sa kaniya.

31 At si Giezi ay nagpauna sa kanila, at ipinatong ang tungkod sa mukha ng bata; nguni’t wala kahit tinig, o pakinig man. Kaya’t siya’y bumalik na sinalubong siya, at nagsaysay sa kaniya, na nagsabi, Ang bata’y hindi magising.

32 At nang si Eliseo ay dumating sa bahay, narito, ang bata’y patay, at nakahiga sa kaniyang higaan.

33 Siya’y pumasok nga at sinarhan ang pintuan sa kanilang dalawa, at dumalangin sa Panginoon.

34 At siya’y sumampa, at dumapa sa ibabaw ng bata, at idinikit ang kaniyang bibig sa bibig niya, at ang kaniyang mga mata sa mga mata niya, at ang kaniyang mga kamay sa mga kamay niya: at siya’y dumapa sa kaniya; at ang laman ng bata ay uminit.

35 Nang magkagayo’y bumalik siya, at lumakad sa bahay na paroo’t parito na minsan; at sumampa, at dumapa sa ibabaw niya: at ang bata’y nagbahing makapito, at idinilat ng bata ang kaniyang mga mata.

36 At tinawag niya si Giezi, at sinabi, Tawagin mo ang Sunamitang ito. Sa gayo’y tinawag niya siya. At nang siya’y pumaroon sa kaniya, sinabi niya, Kalungin mo ang iyong anak.

37 Nang magkagayo’y pumasok siya at nagpatirapa sa kaniyang mga paa, at yumukod sa lupa; at kinalong niya ang kaniyang anak, at umalis.

38 At si Eliseo ay bumalik sa Gilgal: at may kagutom sa lupain; at ang mga anak ng mga propeta ay nangakaupo sa harap niya: at sinabi niya sa kaniyang lingkod: Isalang mo ang malaking palayok, at ipagluto mo ng lutuin ang mga anak ng mga propeta.

39 At ang isa ay lumabas sa bukid upang manguha ng mga gugulayin, at nakasumpong ng isang baging gubat, at namitas doon ng mga kalabasang gubat na ang kaniyang kandungan ay napuno, at bumalik at pinagputolputol sa palayok ng lutuin: sapagka’t hindi nila nalalaman.

40 Sa gayo’y kanilang ibinuhos para sa mga tao upang kanin. At nangyari, samantalang sila’y nagsisikain ng lutuin, na sila’y nagsisigaw, at nagsipagsabi, Oh lalake ng Dios, may kamatayan sa palayok. At hindi nakain yaon.

41 Nguni’t kaniyang sinabi, Magdala nga rito ng harina. At kaniyang isinilid sa palayok; at kaniyang sinabi, Ibuhos ninyo para sa bayan, upang sila’y makakain. At wala nang makasasama sa palayok.

42 At dumating ang isang lalake na mula sa Baal-salisa, at nagdala sa lalake ng Dios ng tinapay ng mga unang bunga, na dalawang pung tinapay na sebada, at mga murang uhay ng trigo na nangasa kaniyang bayong. At kaniyang sinabi, Ibigay mo sa bayan, upang kanilang makain.

43 At sinabi ng kaniyang lingkod: Ano, ilalapag ko ba ito sa harap ng isang daang tao? Nguni’t kaniyang sinabi, Ibigay sa bayan upang kanilang makain; sapagka’t ganito ang sabi ng Panginoon, Sila’y kakain, at magtitira niyaon.

44 Sa gayo’y inilapag niya sa harap nila, at sila’y nagsikain, at nagsipagtira niyaon, ayon sa salita ng Panginoon.

II Mga Hari 5

1 Si Naaman nga, na punong kawal ng hukbo ng hari sa Siria, ay dakilang lalake sa kaniyang panginoon, at marangal, sapagka’t sa pamamagitan niya’y nagbigay ang Panginoon ng pagtatagumpay sa Siria: siya rin nama’y malakas na lalake na may tapang, nguni’t may ketong.

2 At ang mga taga Siria ay nagsilabas na mga pulupulutong, at nagdala ng bihag na mula sa lupain ng Israel na isang dalagita; at siya’y naglingkod sa asawa ni Naaman.

3 At sinabi niya sa kaniyang babaing panginoon. Mano nawa ang aking panginoon ay humarap sa propeta na nasa Samaria! kung magkagayo’y pagagalingin niya siya sa kaniyang ketong.

4 At pumasok ang isa, at isinaysay sa kaniyang panginoon, na sinasabi, Ganito’t ganito ang sabi ng dalagita na nagmula sa lupain ng Israel.

5 At sinabi ng hari sa Siria, Yumaon ka, yumaon ka, at ako’y magpapadala ng sulat sa hari sa Israel. At siya’y yumaon, at nagdala siya ng sangpung talentong pilak, at anim na libong putol na ginto, at sangpung pangpalit na bihisan.

6 At kaniyang dinala ang sulat sa hari sa Israel, na sinasabi, At pagka nga dumating sa iyo ang sulat na ito, ay talastasin mo na aking sinugo si Naaman na aking lingkod sa iyo, upang iyong pagalingin siya sa kaniyang ketong.

7 At nangyari, nang mabasa ng hari sa Israel ang sulat, na kaniyang hinapak ang kaniyang suot at nagsabi, Ako ba’y Dios upang pumatay at bumuhay, na ang lalaking ito ay nagsugo sa akin upang pagalingin ito sa kaniyang ketong? nguni’t talastasin mo, isinasamo ko sa iyo, at tingnan mo kung paanong siya’y humahanap ng dahilan laban sa akin.

8 At nagkagayon, nang mabalitaan ni Eliseo na lalake ng Dios na hinapak ng hari sa Israel ang kaniyang suot, na siya’y nagsugo sa hari, na nagsabi: Bakit mo hinapak ang iyong mga kasuutan? paparituhin mo siya sa akin, at kaniyang malalaman na may isang propeta sa Israel.

9 Sa gayo’y naparoon si Naaman na dala ang kaniyang mga kabayo at ang kaniyang mga karo, at tumayo sa pintuan ng bahay ni Eliseo.

10 At si Eliseo ay nagsugo ng sugo sa kaniya, na nagsasabi, ikaw ay yumaon, at maligo sa Jordan na makapito, at ang iyong laman ay sasauli sa iyo, at ikaw ay magiging malinis.

11 Nguni’t si Naaman ay naginit, at umalis, at nagsabi, Narito, aking inakalang, walang pagsalang lalabasin niya ako, at tatayo, at tatawag sa pangalan ng Panginoon niyang Dios, at pagagalawgalawin ang kaniyang kamay sa kinaroroonan, at mapapawi ang ketong.

12 Hindi ba ang Abana at ang Pharphar, na mga ilog ng Damasco, ay mainam kay sa lahat ng tubig sa Israel? hindi ba ako makapaliligo sa mga yaon, at maging malinis? Sa gayo’y pumihit siya at umalis sa paginit.

13 At ang kaniyang mga lingkod ay nagsilapit, at nagsipagsalita sa kaniya, at nagsabi, Ama ko, kung ipinagawa sa iyo ng propeta ang anomang mahirap na bagay, hindi mo ba gagawin? gaano nga kung sabihin niya sa iyo, Ikaw ay maligo, at maging malinis?

14 Nang magkagayo’y lumusong siya at sumugbong makapito sa Jordan, ayon sa sabi ng lalake ng Dios: at ang kaniyang laman ay nagsauling gaya ng laman ng isang munting bata, at siya’y naging malinis.

15 At siya’y bumalik sa lalake ng Dios, siya at ang buong pulutong niya, at naparoon, at tumayo sa harap niya: at siya’y nagsabi, Narito ngayon, aking talastas na walang Dios sa buong lupa, kundi sa Israel: isinasamo ko ngayon sa iyo na tanggapin mo ang kaloob ng iyong lingkod.

16 Nguni’t kaniyang sinabi, Buhay ang Panginoon, na nakatayo ako sa harap niya, wala akong tatanggapin. At ipinilit niya sa kaniyang kunin; nguni’t siya’y tumanggi.

17 At sinabi ni Naaman, Kung hindi, isinasamo ko pa sa iyo, na bigyan ko ang iyong lingkod ng lupang mapapasan ng dalawang mula; sapagka’t ang iyong lingkod buhat ngayon ay hindi maghahandog ng handog na susunugin o hain man sa ibang mga dios, kundi sa Panginoon.

18 Sa bagay na ito’y patawarin nawa ng Panginoon ang iyong lingkod, pagka ang aking panginoon ay pumasok sa bahay ni Rimmon upang sumamba roon, at siya’y umagapay sa aking kamay, at ako’y yumukod sa bahay ni Rimmon, pagyukod ko sa bahay ni Rimmon, na patawarin nawa ng Panginoon ang iyong lingkod sa bagay na ito.

19 At sinabi niya sa kaniya, Ikaw ay yumaong payapa. Sa gayo’y nilisan niya siya ng may aguwat na kaunti.

20 Nguni’t si Giezi, na lingkod ni Eliseo na lalake ng Dios, ay nagsabi, Narito, pinalagpas ng aking panginoon ang Naamang ito na taga Siria, sa di pagtanggap sa kaniyang mga kamay ng kaniyang dala; buhay ang Panginoon, tatakbuhin ko siya, at kukuha ako ng anoman sa kaniya.

21 Sa gayo’y sinundan ni Giezi si Naaman, at nang makita ni Naaman na isa’y humahabol sa kaniya, siya’y bumaba sa karo na sinalubong niya, at sinabi, Lahat ba’y mabuti?

22 At kaniyang sinabi, Lahat ay mabuti. Sinugo ako ng aking panginoon, na sinabi, Narito, dumating sa akin ngayon mula sa lupaing maburol ng Ephraim ang dalawang binata sa mga anak ng mga propeta: isinasamo ko sa iyo na bigyan mo sila ng isang talentong pilak, at dalawang pangpalit na bihisan.

23 At sinabi ni Naaman, Matuwa ka, kunin mo ang dalawang talento. At ipinilit niya sa kaniya, at ibinalot ang dalawang talentong pilak sa dalawang supot, sangpu ng dalawang pangpalit na bihisan, at mga ipinasan sa dalawa sa kaniyang mga bataan; at dinala nila sa unahan niya.

24 At nang siya’y dumating sa burol, kinuha niya sa kanilang kamay, at itinago niya sa bahay: at pinayaon niya ang mga lalake, at sila’y nagsiyaon.

25 Nguni’t siya’y pumasok at tumayo sa harap ng kaniyang panginoon. At sinabi ni Eliseo sa kaniya, Saan ka nanggaling Giezi? At kaniyang sinabi, Ang iyong lingkod ay walang pinaroonan.

26 At kaniyang sinabi, Hindi ba sumasa iyo ang aking puso nang ang lalake ay bumalik mula sa kaniyang karo na sinasalubong ka? panahon ba ng pagtanggap ng salapi, at pagtanggap ng bihisan, at ng mga olibohan, at ng mga ubasan, at ng mga tupa, at ng mga baka, at ng mga aliping lalake at babae?

27 Ang ketong nga ni Naaman ay kakapit sa iyo, at sa iyong binhi magpakailan man. At siya’y umalis sa kaniyang harapan na may ketong na kasingputi ng niebe.

II Mga Hari 6

1 At sinabi ng mga anak ng mga propeta kay Eliseo, Narito ngayon, ang dakong aming kinatitirahan sa harap mo ay totoong gipit sa ganang amin.

2 Isinasamo namin sa iyo na kami ay paparoonin sa Jordan, at kumuha roon ang bawa’t isa ng sikang, at gumawa kami para sa amin ng isang dako roon, na aming matatahanan. At siya’y sumagot, Magsiyaon kayo.

3 At sinabi ng isa, Isinasamo ko sa iyo na ikaw ay matuwa, at yumaon na kasama ng iyong mga lingkod. At siya’y sumagot, Ako’y yayaon.

4 Sa gayo’y yumaon siyang kasama nila. At nang sila’y dumating sa Jordan, sila’y nagsiputol ng kahoy.

5 Nguni’t samantalang ang isa’y pumuputol ng isang sikang, ang talim ng palakol ay nalaglag sa tubig: at siya’y sumigaw, at nagsabi, Sa aba ko, panginoon ko! sapagka’t hiram.

6 At sinabi ng lalake ng Dios, Saan nalaglag? At itinuro niya sa kaniya ang dako. At siya’y pumutol ng isang patpat, at inihagis doon, at pinalutang ang bakal.

7 At kaniyang sinabi, Kunin mo. Sa gayo’y kaniyang iniunat ang kaniyang kamay, at kinuha.

8 Ang hari nga sa Siria ay nakipagdigma sa Israel; at siya’y kumuhang payo sa kaniyang mga lingkod, na nagsasabi, Sa gayo’t gayong dako malalagay ang aking kampamento.

9 At ang lalake ng Dios ay nagsugo sa hari sa Israel, na nagsasabi, Magingat ka na huwag dumaan sa dakong yaon; sapagka’t doo’y lumulusong ang mga taga Siria.

10 At nagsugo ang hari sa Israel sa dakong isinaysay sa kaniya ng lalake ng Dios at ipinagpauna sa kaniya; at siya’y lumigtas doon, na hindi miminsan o mamakalawa.

11 At ang puso ng hari sa Siria ay nabagabag na mainam dahil sa bagay na ito; at kaniyang tinawag ang kaniyang mga lingkod, at sinabi sa kanila, Hindi ba ninyo ipakikilala sa akin kung sino sa atin ang sa hari sa Israel?

12 At sinabi ng isa sa kaniyang mga lingkod, Hindi panginoon ko, Oh hari: kundi si Eliseo, na propeta na nasa Israel, ay nagsaysay sa hari sa Israel ng mga salita na iyong sinalita sa iyong silid na tulugan.

13 At kaniyang sinabi, Ikaw ay yumaon at tingnan mo kung saan siya nandoon, upang ako’y makapagpasundo at dalhin siya. At nasaysay sa kaniya, na sinabi, Narito, siya’y nasa Dothan.

14 Kaya’t siya’y nagsugo roon ng mga kabayo at mga karo, at ng isang malaking hukbo: at sila’y naparoon sa gabi, at kinubkob ang bayan sa palibot.

15 At nang ang lingkod ng lalake ng Dios ay magbangong maaga, at maglabas, narito, isang hukbo na may mga kabayo at mga karo ay nakalibot sa bayan. At ang kaniyang lingkod ay nagsabi sa kaniya, Sa aba natin, panginoon ko! paano ang ating gagawin?

16 At siya’y sumagot, Huwag kang matakot: sapagka’t ang sumasaatin ay higit kay sa sumasa kanila.

17 At si Eliseo ay nanalangin, at nagsabi, Idinadalangin ko sa iyo, Panginoon, na idilat ang kaniyang mga mata, upang siya’y makakita. At idinilat ng Panginoon ang mga mata ng binata; at siya’y nakakita, at narito, ang bundok ay puno ng mga kabayo at ng mga karo ng apoy sa palibot ni Eliseo.

18 At nang kanilang lusungin siya, ay nanalangin si Eliseo sa Panginoon, at nagsabi, Idinadalangin ko sa iyo, na bulagin mo ang bayang ito. At kaniyang binulag sila ayon sa salita ni Eliseo.

19 At sinabi ni Eliseo sa kanila, Hindi ito ang daan, o ang bayan man: sumunod kayo sa akin, at dadalhin ko kayo sa lalake na inyong hinahanap. At kaniyang pinatnubayan sila hanggang sa Samaria.

20 At nangyari, nang sila’y magsidating sa Samaria, na sinabi ni Eliseo, Panginoon, idilat mo ang mga mata ng mga lalaking ito, upang sila’y makakita. At idinilat ng Panginoon ang kanilang mga mata, at sila’y nangakakita; at, narito, sila’y nangasa gitna ng Samaria.

21 At sinabi ng hari sa Israel kay Eliseo, nang makita niya sila, Ama ko, sasaktan ko ba sila? sasaktan ko ba sila?

22 At siya’y sumagot. Huwag mong sasaktan sila; sasaktan mo ba ang iyong binihag ng iyong tabak at ng iyong busog? maghain ka ng tinapay at tubig sa harap nila, upang kanilang makain at mainom, at magsiparoon sa kanilang panginoon.

23 At ipinaghanda niya ng malaking pagkain sila: at nang sila’y makakain at makainom, kaniyang pinayaon sila, at sila’y nagsiparoon sa kanilang panginoon. At ang pulutong ng Siria ay hindi na naparoon pa sa lupain ng Israel.

24 At nangyari, pagkatapos nito, na pinisan ni Ben-adad na hari sa Siria, ang buo niyang hukbo, at umahon, at kinubkob ang Samaria.

25 At nagkaroon ng malaking kagutom sa Samaria: at, narito, kanilang kinubkob, hanggang sa ang ulo ng isang asno ay naipagbili ng walong pung putol na pilak, at ang ikaapat na bahagi ng isang takal ng dumi ng kalapati ay ng limang putol na pilak.

26 At pagdaraan sa kuta ng hari sa Israel, humiyaw ang isang babae sa kaniya, na nagsasabi, Saklolo, panginoon ko, Oh hari.

27 At kaniyang sinabi, Kung hindi ka saklolohan ng Panginoon, sa ano kita sasaklolohan sa giikan ba, o sa ubasan.

28 At sinabi ng hari sa kaniya, Anong nangyayari sa iyo? At siya’y sumagot, Sinabi ng babaing ito sa akin, Ibigay mo ang iyong anak, upang makain natin siya ngayon, at kakanin natin ang anak ko bukas.

29 Sa gayo’y pinakuluan namin ang anak ko, at kinain namin siya: at sinabi ko sa kaniya sa sumunod na araw, Ibigay mo ang iyong anak, upang makain natin siya; at kaniyang ikinubli ang kaniyang anak.

30 At nangyari, nang marinig ng hari ang mga salita ng babae, na kaniyang hinapak ang kaniyang suot (nagdadaan nga siya sa kuta;) at ang bayan ay tumingin, at, narito, siya’y may magaspang na damit sa loob sa kaniyang katawan.

31 Nang magkagayo’y kaniyang sinabi, Gawing gayon ng Dios sa akin, at lalo na, kung ang ulo ni Eliseo, na anak ni Saphat ay matira sa kaniya sa araw na ito.

32 Nguni’t si Eliseo ay nakaupo sa kaniyang bahay, at ang mga matanda ay nagsiupo na kasama niya; at ang hari ay nagsugo ng isang lalake na mula sa harap niya: nguni’t bago dumating ang sugo sa kinaroroonan niya, sinabi niya sa mga matanda, Hindi ba ninyo nakita kung paanong ang anak na ito ng isang mamamatay tao ay nagsugo sa akin na alisin ang aking ulo? masdan ninyo, pagdating ng sugo, sarhan ninyo ang pintuan, at itulak ninyo ang pinto laban sa kaniya: di ba ang ingay ng mga paa ng kaniyang panginoon sa likod niya?

33 At samantalang siya’y nakikipagusap sa kanila, narito, nilusong siya ng sugo: at kaniyang sinabi, Narito, ang kasamaang ito’y mula sa Panginoon; bakit pa ako maghihintay sa Panginoon?

II Mga Hari 7

1 At sinabi ni Eliseo, Dinggin ninyo ang salita ng Panginoon, ganito ang sabi ng Panginoon: Bukas sa may ganitong oras, ang isang takal ng mainam na harina ay maipagbibili ng isang siklo, at ang dalawang takal ng sebada ay ng dalawang siklo, sa pintuang-bayan ng Samaria.

2 Nang magkagayo’y ang punong kawal na pinangangapitan ng hari ay sumagot sa lalaki ng Dios, at nagsabi, Narito, kung ang Panginoo’y gagawa ng mga dungawan sa langit, mangyayari ba ito? At kaniyang sinabi, Narito, makikita mo yaon ng iyong mga mata, nguni’t hindi ka kakain niyaon.

3 Mayroon ngang apat na may ketong sa pasukan ng pintuang-bayan: at sila’y nagsangusapan. Bakit nauupo tayo rito hanggang sa tayo’y mamatay?

4 Kung ating sabihin, Tayo’y magsisipasok sa bayan, ang kagutom nga’y nasa bayan, at tayo’y mamamatay roon: at kung tayo’y magsisitigil ng pagkaupo rito, tayo’y mamamatay rin. Ngayon nga’y halina, at tayo’y lumapit sa hukbo ng mga taga Siria: kung tayo’y iligtas nilang buhay, tayo’y mabubuhay; at kung tayo’y patayin nila, mamamatay lamang tayo.

5 At sila’y nagsitindig pagtatakip silim, upang magsiparoon sa kampamento ng mga taga Siria: at nang sila’y magsidating sa pinakamalapit na bahagi ng kampamento ng mga taga Siria, narito, walang tao roon.

6 Sapagka’t ipinarinig ng Panginoon sa hukbo ng mga taga Siria ang hugong ng mga karo, at ang huni ng mga kabayo, sa makatuwid baga’y ang hugong ng malaking hukbo: at sila’y nagsangusapan. Narito, inupahan ng hari ng Israel laban sa atin ang mga hari ng mga Hetheo, at ang mga hari ng mga taga Egipto, upang magsidaluhong sa atin.

7 Kaya’t sila’y nagsitindig, at nagsitakas sa pagtatakip silim, at iniwan ang kanilang mga tolda, at ang kanilang mga kabayo, at ang kanilang mga asno, at ang buong kampamento, na gaya ng dati, at nagsitakas dahil sa kanilang buhay.

8 At nang ang mga may ketong na ito’y magsidating sa pinakamalapit na bahagi ng kampamento, sila’y nagsipasok sa isang tolda, at nagsikain at nagsiinom, at nagsipagdala mula roon ng pilak, at ng ginto, at ng bihisan, at nagsiyaon at itinago; at sila’y bumalik, at pumasok sa ibang tolda, at nagdala rin mula roon, at nagsiyaon at itinago.

9 Nang magkagayo’y nagsangusapan sila. Hindi mabuti ang ginagawa natin: ang araw na ito ay araw ng mabubuting balita, at tayo’y tumatahimik: kung tayo’y magsipaghintay ng hanggang sa pagliliwayway sa kinaumagahan, parusa ang aabot sa atin: ngayon nga’y halina, tayo’y magsiyaon at ating saysayin sa sangbahayan ng hari.

10 Sa gayo’y nagsiparoon sila, at nagsitawag sa tagatanod-pinto ng bayan: at kanilang isinaysay sa kanila, na sinasabi, Kami ay nagsiparoon sa kampamento ng mga taga Siria, at, narito, walang lalake roon ni tinig man ng lalake, kundi mga nakataling kabayo, at mga asnong nangakatali, at ang mga tolda na gaya ng dati.

11 At tinawag niya ang mga tagatanod-pinto; at kanilang sinaysay sa sangbahayan ng hari sa loob.

12 At ang hari ay bumangon sa gabi, at nagsabi sa kaniyang mga lingkod, Ipakikita ko sa inyo ngayon kung ano ang ginawa ng mga taga Siria sa atin. Kanilang talastas na tayo’y gutom; kaya’t sila’y nagsilabas ng kampamento upang magsipangubli sa parang, na nagsasabi, Pagka sila’y nagsilabas sa bayan, ating kukunin silang buhay at papasok tayo sa bayan.

13 At isa sa kaniyang mga lingkod ay sumagot, at nagsabi, Isinasamo ko sa inyo na kunin ng ilan ang lima sa mga kabayong nalabi, na natira sa bayan (narito, sila’y gaya ng buong karamihan ng Israel na natira roon; narito, sila’y gaya ng buong karamihan ng Israel na nalipol:) at tayo’y magsugo at ating tingnan.

14 Sila nga’y nagsikuha ng dalawang karo na may mga kabayo; at ang hari ay nagsugo na pinasundan ang hukbo ng mga taga Siria, na nagsabi, Kayo ay yumaon at tingnan ninyo.

15 At kanilang sinundan sila hanggang sa Jordan; at, narito, ang buong daa’y puno ng mga kasuutan at ng mga kasangkapan na mga inihagis ng mga taga Siria sa kanilang pagmamadali. At ang mga sugo ay nagsibalik at nagsaysay sa hari.

16 At ang bayan ay lumabas, at sinamsaman ang kampamento ng mga taga Siria. Sa gayo’y ang takal ng mainam na harina ay naipagbili ng isang siklo, at ang dalawang takal ng sebada ay isang siklo, ayon sa salita ng Panginoon.

17 At inihabilin ng hari sa punong kawal na pinangangapitan niya, ang katungkulan sa pintuang-bayan: at niyapakan siya ng bayan sa pintuang-bayan, at siya’y namatay na gaya ng sinabi ng lalake ng Dios, na nagsalita nang lusungin siya ng hari.

18 At nangyari, gaya ng sinabi ng lalake ng Dios sa hari, na sinasabi, Ang dalawang takal ng sebada ay maipagbibili isang siklo, at ang isang takal ng mainam na harina ay isang siklo, mangyayari bukas sa may ganitong oras sa pintuang-bayan ng Samaria;

19 At ang punong kawal na yaon ay sumagot sa lalake ng Dios, at nagsabi, Ngayon, narito, kung ang Panginoon ay gagawa ng mga dungawan sa langit, mangyayari ba ang gayong bagay? At kaniyang sinabi, Narito, makikita mo yaon ng iyong mga mata, nguni’t hindi ka kakain niyaon:

20 Nangyari ngang gayon sa kaniya; sapagka’t niyapakan siya ng bayan sa pintuang-bayan, at siya’y namatay.

II Mga Hari 8

1 Nagsalita nga si Eliseo sa babae, na ang anak ay kaniyang sinaulian ng buhay, na sinasabi, Ikaw ay bumangon at yumaon ka at ang iyong sangbahayan, at mangibang bayan ka kung saan ka makakapangibang bayan: sapagka’t nagtalaga ang Panginoon ng kagutom; at magtatagal naman sa lupain na pitong taon.

2 At ang babae ay bumangon, at ginawa ang ayon sa sinalita ng lalake ng Dios: at siya’y yumaon na kasama ng kaniyang sangbahayan, at nangibang bayan sa lupain ng mga Filisteo na pitong taon.

3 At nangyari, sa katapusan ng ikapitong taon, na ang babae ay bumalik na mula sa lupain ng mga Filisteo: at siya’y lumabas upang dumaing sa hari dahil sa kaniyang bahay at dahil sa kaniyang lupain.

4 Ang hari nga’y nakipagusap kay Giezi na lingkod ng lalake ng Dios, na sinasabi, Isinasamo ko sa iyo, na saysayin mo sa akin ang lahat na mga dakilang bagay na ginawa ni Eliseo.

5 At nangyari, samantalang kaniyang sinasaysay sa hari kung paanong kaniyang isinauli ang buhay niyaon na patay, na narito, ang babae, na ang anak ay kaniyang sinaulian ng buhay, ay dumaing sa hari dahil sa kaniyang bahay at dahil sa kaniyang lupain. At sinabi ni Giezi, Panginoon ko, Oh hari, ito ang babae, at ito ang kaniyang anak na sinaulian ng buhay ni Eliseo.

6 At nang tanungin ng hari ang babae, sinaysay niya sa kaniya. Sa gayo’y hinalalan ng hari siya ng isang pinuno, na sinasabi, Isauli mo ang lahat ng kaniya, at ang lahat ng bunga ng bukid mula nang araw na kaniyang iwan ang lupain, hanggang ngayon.

7 At si Eliseo ay naparoon sa Damasco; at si Ben-adad na hari sa Siria ay may sakit: at nasaysay sa kaniya, na sinabi, Ang lalake ng Dios ay naparito.

8 At sinabi ng hari kay Hazael, Magdala ka ng isang kaloob sa iyong kamay, at yumaon kang salubungin mo ang lalake ng Dios, at magusisa ka sa Panginoon sa pamamagitan niya, na magsabi, Gagaling ba ako sa sakit na ito?

9 Sa gayo’y naparoon na sinalubong siya ni Hazael, at nagdala siya ng kaloob, ng bawa’t mabuting bagay sa Damasco, na apat na pung pasang kamelyo at naparoon at tumayo sa harap niya, at nagsabi, Sinugo ako sa iyo ng anak mong si Ben-adad na hari sa Siria, na sinasabi, Gagaling ba ako sa sakit na ito?

10 At sinabi ni Eliseo sa kaniya, Ikaw ay yumaon, sabihin mo sa kaniya, Walang pagsalang ikaw ay gagaling? gayon ma’y ipinakilala sa akin ng Panginoon na siya’y walang pagsalang mamamatay.

11 At kaniyang itinitig ang kaniyang mukha, hanggang sa siya’y napahiya: at ang lalake ng Dios ay umiyak.

12 At sinabi ni Hazael, Bakit umiyak ang panginoon ko? At siya’y sumagot, Sapagka’t talastas ko ang kasamaan na iyong gagawin sa mga anak ni Israel: ang kanilang mga katibayan ay iyong sisilaban ng apoy, at ang kanilang mga binata ay iyong papatayin ng tabak, at mga pagpuputol-putulin ang kanilang mga bata, at iyong paluluwain ang bituka ng mga babaing buntis.

13 At sinabi ni Hazael, Nguni’t ano ang iyong lingkod na isang aso lamang na kaniyang gagawin ang dakilang bagay na ito? At sumagot si Eliseo, Ipinakilala sa akin ng Panginoon, na ikaw ay magiging hari sa Siria.

14 Nang magkagayo’y nilisan niya si Eliseo, at naparoon sa kaniyang panginoon; na nagsabi sa kaniya, Ano ang sabi ni Eliseo sa iyo? At siya’y sumagot, Kaniyang sinaysay sa akin na walang pagsalang ikaw ay gagaling.

15 At nangyari, nang kinabukasan, na kaniyang kinuha ang munting kumot at binasa sa tubig, at iniladlad sa kaniyang mukha, na anopa’t siya’y namatay: at si Hazael ay naghari na kahalili niya.

16 At nang ikalimang taon ni Joram na anak ni Achab na hari sa Israel, noong si Josaphat ay hari sa Juda, ay nagpasimulang maghari si Joram na anak ni Josaphat na hari sa Juda.

17 Tatlongpu’t dalawang taon ang gulang nang siya’y magpasimulang maghari; at siya’y nagharing walong taon sa Jerusalem.

18 At siya’y lumakad ng lakad ng mga hari sa Israel, gaya ng ginawa ng sangbahayan ni Achab: sapagka’t ang anak ni Achab ay kaniyang asawa: at siya’y gumawa ng masama sa paningin ng Panginoon.

19 Gayon ma’y hindi giniba ng Panginoon ang Juda, dahil kay David na kaniyang lingkod gaya ng kaniyang ipinangako sa kaniya na bibigyan siya ng isang ilawan sa ganang kaniyang mga anak magpakailan man.

20 Sa kaniyang mga kaarawan ay nanghimagsik ang Edom na humiwalay sa ilalim ng kapangyarihan ng kamay ng Juda, at naghalal sila ng hari sa kanila.

21 Nang magkagayo’y nagdaan si Joram sa Seir, at ang lahat niyang mga karo na kasama niya: at siya’y bumangon sa gabi, at sinaktan ang mga Edomeo na kumubkob sa kaniya, at ang mga punong kawal ng mga karo; at ang bayan ay tumakas sa kanilang mga tolda.

22 Sa gayo’y nanghimagsik ang Edom sa kamay ng Juda, hanggang sa araw na ito. Nang magkagayo’y nanghimagsik ang Libna nang panahon ding yaon.

23 At ang iba sa mga gawa ni Joram, at ang lahat niyang ginawa di ba nangasusulat sa aklat ng mga alaala sa mga hari sa Juda?

24 At si Joram ay natulog na kasama ng kaniyang mga magulang, at nalibing na kasama ng kaniyang mga magulang sa bayan ni David: at si Ochozias na kaniyang anak ay naghari na kahalili niya.

25 Nang ikalabing dalawang taon ni Joram na anak ni Achab na hari sa Israel ay nagpasimulang maghari si Ochozias na anak ni Joram na hari sa Juda.

26 May dalawangpu’t dalawang taon si Ochozias nang siya’y magpasimulang maghari; at siya’y nagharing isang taon sa Jerusalem. At ang pangalan ng kaniyang ina ay Athalia na anak ni Omri na hari sa Israel.

27 At siya’y lumakad ng lakad ng sangbahayan ni Achab; at gumawa ng kasamaan sa paningin ng Panginoon, gaya ng ginawa ng sangbahayan ni Achab: sapagka’t siya’y manugang sa sangbahayan ni Achab.

28 At siya’y yumaong kasama ni Joram na anak ni Achab upang makipagdigma laban kay Hazael na hari sa Siria sa Ramoth-galaad: at sinugatan ng mga taga Siria si Joram.

29 At ang haring Joram ay bumalik upang magpagaling sa Jezreel, ng mga sugat na isinugat sa kaniya ng mga taga Siria sa Ramoth nang siya’y lumaban kay Hazael na hari sa Siria. At si Ochozias na anak ni Joram na hari sa Juda ay lumusong upang tingnan si Joram na anak ni Achab sa Jezreel, sapagka’t siya’y nasugatan.

II Mga Hari 9

1 At tinawag ni Eliseo na propeta ang isa sa mga anak ng mga propeta at nagsabi sa kaniya, Bigkisan mo ang iyong mga balakang, at hawakan mo ang sisidlang ito ng langis sa iyong kamay, at pumaroon ka sa Ramoth-galaad.

2 At pagdating mo roon, hanapin mo roon si Jehu na anak ni Josaphat na anak ni Nimsi, at iyong pasukin at patayuin mo sa gitna ng kaniyang mga kapatid, at dalhin mo siya sa isang silid sa loob.

3 Kung magkagayo’y kunin mo ang sisidlan ng langis, at ibuhos mo sa kaniyang ulo, at iyong sabihin, Ganito ang sabi ng Panginoon, Pinahiran kita upang maging hari sa Israel. Kung magkagayo’y buksan mo ang pintuan, at ikaw ay tumakas at huwag kang maghintay.

4 Sa gayon ang binata, sa makatuwid baga’y ang binatang propeta, ay naparoon sa Ramoth-galaad.

5 At nang siya’y dumating, narito; ang mga punong kawal ng hukbo ay nangakaupo: at kaniyang sinabi, Ako’y may isang sadya sa iyo, Oh punong kawal. At sinabi ni Jehu, Sa alin sa aming lahat? At kaniyang sinabi, Sa iyo, Oh punong kawal.

6 At siya’y tumindig at pumasok sa bahay, at kaniyang ibinuhos ang langis sa kaniyang ulo, at nagsabi sa kaniya, Ganito ang sabi ng Panginoon, ng Dios ng Israel. Aking pinahiran ka upang maging hari sa bayan ng Panginoon, sa makatuwid baga’y sa Israel.

7 At iyong sasaktan ang sangbahayan ni Achab na iyong panginoon, upang aking ipaghiganti ang dugo ng aking mga lingkod na mga propeta, at ang dugo ng lahat na lingkod ng Panginoon sa kamay ni Jezabel.

8 Sapagka’t ang buong sangbahayan ni Achab ay malilipol: at aking ihihiwalay kay Achab ang bawa’t batang lalake, at ang nakulong at ang naiwan sa kaluwangan sa Israel.

9 At aking gagawin ang sangbahayan ni Achab na gaya ng sangbahayan ni Jeroboam na anak ni Nabat, at gaya ng sangbahayan ni Baasa na anak ni Ahia.

10 At lalapain ng mga aso si Jezabel sa putol ng lupa ni Jezreel, at walang maglilibing sa kaniya. At kaniyang binuksan ang pintuan, at tumakas.

11 Nang magkagayon, nilabas ni Jehu ang mga lingkod ng kaniyang panginoon: at sinabi ng isa sa kaniya, Lahat ba’y mabuti? bakit naparito ang ulol na taong ito sa iyo? At sinabi niya sa kanila, Inyong kilala ang lalake at ang kaniyang pananalita.

12 At kanilang sinabi, Kabulaanan nga; saysayin mo sa amin ngayon. At kaniyang sinabi, Ganito’t ganito ang sinalita niya sa akin, na sinasabi, Ganito ang sabi ng Panginoon: Pinahiran kita ng langis upang maging hari sa Israel.

13 Nang magkagayo’y sila’y nangagmadali, at kinuha ng bawa’t isa ang kaniyang kasuutan, at inilagay sa ilalim niya sa ibabaw ng hagdan, at humihip ng pakakak, na nagsasabi, Si Jehu ay hari.

14 Ganito, si Jehu na anak ni Josaphat, na anak ni Nimsi, nanghimagsik laban kay Joram. (Iningatan nga ni Joram ang Ramoth-galaad niya at ng buong Israel, dahil kay Hazael na hari sa Siria;

15 Nguni’t bumalik ang haring Joram upang magpagaling sa Jezreel ng mga sugat na isinugat sa kaniya ng mga taga Siria, nang siya’y lumaban kay Hazael na hari sa Siria.) At sinabi ni Jehu, Kung ito ang inyong isipan, huwag tumanan ang sinoman at lumabas sa bayan, upang yumaon na saysayin sa Jezreel.

16 Sa gayo’y sumakay si Jehu sa karo at naparoon sa Jezreel; sapagka’t si Joram ay nahihiga roon. At si Ochozias na hari sa Juda ay bumaba upang tingnan si Joram.

17 Ang tagatanod nga ay tumayo sa moog sa Jezreel, at kaniyang tinanaw ang pulutong ni Jehu habang dumarating siya, at nagsabi, Ako’y nakakakita ng isang pulutong. At sinabi ni Joram, Kumuha ka ng isang mangangabayo, at iyong suguin na salubungin sila, at magsabi, Kapayapaan ba?

18 Sa gayo’y naparoon ang isa na nangangabayo na sinalubong siya, at nagsabi, Ganito ang sabi ng hari, Kapayapaan ba? At sinabi ni Jehu, Anong ipakikialam mo sa kapayapaan? bumalik kang kasunod ko. At isinaysay ng tagatanod, na sinasabi, Ang sugo ay dumating sa kanila, nguni’t siya’y hindi bumabalik.

19 Nang magkagayo’y nagsugo ng ikalawa na nangangabayo na dumating sa kanila, at nagsabi, Ganito ang sabi ng hari, Kapayapaan ba? At sumagot si Jehu, Ano ang iyong ipakikialam sa kapayapaan? bumalik kang kasunod ko.

20 At isinaysay ng tagatanod, na sinasabi, Siya’y dumating hanggang sa kanila, at hindi bumabalik: at ang pagpapatakbo ay gaya ng pagpapatakbo ni Jehu, na anak ni Nimsi; sapagka’t siya’y nagpapatakbo na magilas.

21 At sinabi ni Joram, Magsingkaw. At kanilang isiningkaw ang kaniyang karo. At si Joram na hari sa Israel at si Ochozias na hari sa Juda ay nagsilabas, bawa’t isa sa kaniyang karo, at sila’y nagsilabas upang salubungin si Jehu, at nasumpungan nila siya sa putol ng lupa ni Naboth na Jezreelita.

22 At nangyari, nang makita ni Joram si Jehu, na kaniyang sinabi, Kapayapaan ba Jehu? At siya’y sumagot. Anong kapayapaan, habang ang mga pakikiapid ng iyong inang si Jezabel at ang kaniyang panggagaway ay totoong lumalala?

23 At ipinihit ni Joram ang kaniyang mga kamay, at tumakas, at nagsabi kay Ochozias. May paglililo, Oh Ochozias.

24 At binunot ni Jehu ang kaniyang busog ng kaniyang buong lakas, at sinaktan si Joram sa pagitan ng kaniyang mga balikat, at ang pana ay lumagpas sa kaniyang puso, at siya’y nabuwal sa kaniyang karo.

25 Nang magkagayo’y sinabi ni Jehu kay Bidkar na kaniyang punong kawal: Itaas mo, at ihagis mo sa bahagi ng bukid ni Naboth na Jezreelita: sapagka’t alalahanin mo kung paanong ako’t ikaw ay sumakay na magkasama na kasunod ni Achab na kaniyang ama, na ipinasan ng Panginoon ang pasang ito sa kaniya;

26 Tunay na aking nakita kahapon ang dugo ni Naboth, at ang dugo ng kaniyang mga anak, sabi ng Panginoon; at aking sisiyasatin sa iyo sa panig na ito, sabi ng Panginoon. Ngayon nga’y kunin mo, at ihagis mo sa panig ng lupa, ayon sa salita ng Panginoon.

27 Nguni’t nang makita ito ni Ochozias na hari sa Juda, siya’y tumakas sa daan ng bahay sa halamanan. At si Jehu ay sumunod sa kaniya, at nagsabi, Saktan mo rin siya sa karo: at sinaktan nila siya sa ahunan sa Gur, na nasa siping ng Ibleam. At siya’y tumakas na napatungo sa Megiddo, at namatay roon.

28 At dinala siya ng kaniyang mga lingkod sa isang karo sa Jerusalem, at inilibing siya sa kaniyang libingan na kasama ng kaniyang mga magulang sa bayan ni David.

29 At nang ikalabing isang taon ni Joram na anak ni Achab ay nagpasimulang maghari si Ochozias sa Juda.

30 At nang si Jehu ay dumating sa Jezreel nabalitaan ni Jezabel; at kaniyang kinulayan ang kaniyang mga mata, at ginayakan ang kaniyang ulo, at dumungaw sa dungawan.

31 At samantalang si Jehu ay pumapasok sa pintuang-bayan, kaniyang sinabi, Kapayapaan ba ikaw Zimri, ikaw na mamamatay sa iyong Panginoon?

32 At kaniyang itiningala ang kaniyang mukha sa dungawan, at nagsabi, Sino ang sa ganang akin? sino? At dinungaw siya ng dalawa o tatlong bating.

33 At kaniyang sinabi, Ibagsak ninyo siya. Sa gayo’y ibinagsak nila siya: at ang iba sa kaniyang dugo ay pumilansik sa pader, at sa mga kabayo: at siya’y kaniyang niyapakan ng paa.

34 At pagkapasok niya, siya’y kumain at uminom; at kaniyang sinabi, Tingnan ninyo ngayon ang sinumpang babaing ito, at ilibing ninyo siya: sapagka’t anak ng hari.

35 At sila’y nagsiyaon upang ilibing siya: nguni’t wala na silang nasumpungan sa kaniya kundi ang bungo, at ang mga paa, at ang mga palad ng kaniyang mga kamay.

36 Kaya’t sila’y nagsibalik, at isinaysay sa kaniya. At kaniyang sinabi, Ito ang salita ng Panginoon, na kaniyang sinalita sa pamamagitan ng kaniyang lingkod na si Elias na Thisbita, na sinasabi, Sa bahagi ng Jezreel kakanin ng mga aso ang laman ni Jezabel:

37 At ang bangkay ni Jezabel ay magiging gaya ng dumi na itinapon sa ibabaw ng bukid sa bahagi ng Jezreel; na anopa’t hindi nila sasabihin, Ito’y si Jezabel.