II Mga Hari 10

1 Si Achab nga’y may pitong pung anak sa Samaria. At sumulat si Jehu ng mga sulat, at ipinadala sa Samaria, sa mga pinuno sa Jezreel, sa makatuwid baga’y sa mga matanda, at sa kanila na tagapagalaga sa mga anak ni Achab, na nagsasabi,

2 At pagdating nga ng sulat na ito sa inyo, sa paraang ang mga anak ng inyong panginoon ay kasama ninyo, at mayroon kayong mga karo at mga kabayo, at bayan na nakukutaan naman, at sakbat;

3 Piliin ninyo ang pinaka mainam at ang pinaka marapat sa mga anak ng inyong panginoon, at iupo ninyo sa luklukan ng kaniyang ama, at ipakipaglaban ang sangbahayan ng inyong panginoon.

4 Nguni’t sila’y natakot na mainam, at nagsabi, Narito, ang dalawang hari ay hindi nagsitayo sa harap niya: paano ngang tayo’y tatayo?

5 At ang katiwala, at ang tagapamahala ng bayan, gayon din ang mga matanda, at ang mga tagapagalaga sa mga bata, ay nagsipagsugo kay Jehu, na nagsisipagsabi, Kami ay iyong mga lingkod, at gagawin namin ang lahat na iyong iuutos sa amin; hindi namin gagawing hari ang sinoman; gawin mo ang mabuti sa iyong mga mata.

6 Nang magkagayo’y sumulat siya ng isang sulat na ikalawa sa kanila, na nagsasabi, Kung kayo’y sasa aking siping, at kung inyong didinggin ang aking tinig, kunin ninyo ang mga ulo ng mga lalake na mga anak ng inyong panginoon, at magsiparito kayo sa akin sa Jezreel sa kinabukasan sa may ganitong panahon. Ang mga anak nga ng hari, yamang pitong pung katao ay nangasa kasamahan ng mga dakilang tao sa bayan, na nagalaga sa kanila.

7 At nangyari, nang ang sulat ay dumating sa kanila, na kanilang kinuha ang mga anak ng hari, at pinagpapatay sila, pitongpung katao, at inilagay ang kanilang mga ulo sa mga batulang na ipinadala sa kaniya sa Jezreel.

8 At dumating ang isang sugo, at isinaysay sa kaniya, na sinasabi, Kanilang dinala ang mga ulo ng mga anak ng hari. At kaniyang sinabi, Inyong ihanay ng dalawang bunton sa pasukan ng pintuang-bayan hanggang sa kinaumagahan.

9 At nangyari, sa kinaumagahan, na siya’y lumabas, at tumayo, at nagsabi sa buong bayan, Kayo’y mga matuwid: narito, aking pinagbantaan ang aking panginoon, at pinatay siya, nguni’t sinong sumakit sa lahat ng ito?

10 Talastasin ninyo ngayon na walang mahuhulog sa lupa sa salita ng Panginoon, na sinalita ng Panginoon tungkol sa sangbahayan ni Achab: sapagka’t ginawa ng Panginoon ang kaniyang sinalita sa pamamagitan ng kaniyang lingkod na si Elias.

11 Sa gayo’y sinaktan ni Jehu ang lahat na nalabi sa sangbahayan ni Achab sa Jezreel, at ang lahat niyang dakilang tao, at ang kaniyang mga kasamasamang kaibigan, at ang kaniyang mga saserdote, hanggang sa wala siyang inilabi.

12 At siya’y nagtindig at yumaon, at naparoon sa Samaria. At samantalang siya’y nasa pagupitang-bahay ng mga pastor sa daan,

13 Ay nasalubong ni Jehu ang mga kapatid ni Ochozias na hari sa Juda, at sinabi, Sino kayo? At sila’y nagsisagot, Kami ay mga kapatid ni Ochozias: at kami ay nagsilusong upang magsibati sa mga anak ng hari at mga anak ng reina.

14 At kaniyang sinabi, Hulihin ninyo silang buhay. At hinuli nila silang buhay, at pinatay sa hukay ng pagupitang-bahay, sa makatuwid baga’y apat na pu’t dalawang lalake; hindi nagiwan ng sinoman sa kanila.

15 At nang siya’y makayaon mula roon, kaniyang nasumpungan si Jonadab na anak ni Rechab na sumasalubong sa kaniya: at kaniyang binati siya, at nagsabi sa kaniya, Ang iyo bang puso ay tapat, na gaya ng aking puso sa iyong puso? At sumagot si Jonadab, Tapat. Kung gayon, iabot mo sa akin ang iyong kamay. At iniabot niya sa kaniya ang kaniyang kamay; at isinampa niya siya sa loob ng karo.

16 At kaniyang sinabi, Sumama ka sa akin at tingnan mo ang aking sikap sa Panginoon. Sa gayo’y kanilang pinasakay sila sa kaniyang karo.

17 At nang siya’y dumating sa Samaria, kaniyang sinaktan ang lahat na nalabi kay Achab sa Samaria, hanggang sa kaniyang naibuwal siya, ayon sa salita ng Panginoon, na kaniyang sinalita kay Elias.

18 At pinisan ni Jehu ang buong bayan, at sinabi sa kanila, Si Achab ay naglingkod kay Baal ng kaunti: nguni’t si Jehu ay maglilingkod sa kaniya ng marami.

19 Ngayon nga’y tawagin ninyo sa akin ang lahat na propeta ni Baal, ang lahat niyang mananamba, at ang lahat niyang mga saserdote; huwag may magkulang; sapagka’t mayroon akong dakilang haing gagawin kay Baal; sinomang magkulang ay hindi mabubuhay. Nguni’t ginawa ni Jehu na may katusuhan, na ang nasa ay kaniyang malipol ang mga mananamba kay Baal.

20 At sinabi ni Jehu, Magdaos kayo ng isang dakilang kapulungan kay Baal. At kanilang itinanyag yaon.

21 At nagsugo si Jehu sa buong Israel, at ang lahat ng mananamba kay Baal ay nagsiparoon, na anopa’t walang naiwan na hindi naparoon. At sila’y nagsipasok sa bahay ni Baal; at ang bahay ni Baal ay napuno sa magkabikabilang dulo.

22 At sinabi niya sa kaniya na katiwala sa bihisang-silid, Ilabas mo ang mga kasuutang para sa lahat na mananamba kay Baal. At nilabasan niya sila ng mga kasuutan.

23 At si Jehu, at si Jonadab na anak ni Rechab, ay pumasok sa bahay ni Baal; at kaniyang sinabi sa mga mananamba kay Baal, Kayo’y magsihanap, at magsipagmasid kayo na huwag magkaroon sa kasamahan ninyo ng mga lingkod ng Panginoon, kundi mga mananamba kay Baal lamang.

24 At sila’y nagsipasok na nangaghandog ng mga hain at ng mga handog na susunugin. Si Jehu nga ay naghalal para sa kaniya ng walongpung lalake sa labas, at nagsabi, Kung sinoman sa mga lalake na aking dalhin sa inyong mga kamay ay makatanan ang buhay ng nagpakawala ay isasagot sa buhay niyaon.

25 At nangyari, pagkatapos niyang makapaghandog ng mga handog na susunugin, na sinabi ni Jehu sa bantay at sa mga punong kawal, Kayo’y magsipasok at inyo silang patayin; huwag makalabas ang sinoman. At sinaktan nila sila ng talim ng tabak; at inihagis sila sa labas ng bantay, at ng mga punong kawal, at nagsiparoon sa bayan ng bahay ni Baal.

26 At kanilang inilabas ang mga haligi na pinakaalaala na nasa bahay ni Baal, at pinagsunog.

27 At kanilang sinira ang haligi na pinakaalaala kay Baal, at sinira ang bahay ni Baal, at ginawang bahay na tapunan ng dumi, hanggang sa araw na ito.

28 Ganito ibinuwal ni Jehu si Baal, sa Israel.

29 Gayon ma’y ang mga kasalanan ni Jeroboam na anak ni Nabat, na kaniyang pinapagkasala sa Israel, hindi mga hiniwalayan ni Jehu, sa makatuwid baga’y ang pagsunod sa mga guyang ginto na nangasa Beth-el, at nangasa Dan.

30 At sinabi ng Panginoon kay Jehu, Sapagka’t ikaw ay gumawa ng mabuti sa paggawa ng matuwid sa harap ng aking mga mata, at iyong ginawa sa sangbahayan ni Achab ang ayon sa nasa aking buong puso, ang iyong mga anak sa ikaapat na lahi ay uupo sa luklukan ng Israel.

31 Nguni’t si Jehu ay hindi nagingat na lumakad sa kautusan ng Panginoon, na Dios ng Israel, ng kaniyang buong puso: siya’y hindi humiwalay sa mga kasalanan ni Jeroboam, na kaniyang ipinagkasala sa Israel.

32 Nang mga araw na yaon ay pinasimulan ng Panginoon na pinaikli ang Israel: at sinaktan sila ni Hazael sa lahat ng mga hangganan ng Israel;

33 Mula sa Jordan, hanggang sa silanganan, ang buong lupain ng Galaad, ang mga Gadita, at ang mga Rubenita at ang mga Manasita, mula sa Aroer, na nasa siping ng libis ng Arnon, hanggang sa Galaad at Basan.

34 Ang iba nga sa mga gawa ni Jehu, at ang lahat niyang ginawa, at ang buo niyang kapangyarihan, di ba nangasusulat sa aklat ng mga alaala sa mga hari sa Israel?

35 At si Jehu ay natulog na kasama ng kaniyang mga magulang: at inilibing nila siya sa Samaria. At si Joachaz na kaniyang anak ay naghari na kahalili niya.

36 At ang panahon na ipinaghari ni Jehu sa Israel sa Samaria ay dalawangpu’t walong taon.

II Mga Hari 11

1 Nang makita nga ni Athalia na ina ni Ochozias na ang kaniyang anak ay patay, siya’y tumindig at nilipol ang lahat na lahing hari.

2 Nguni’t kinuha ni Josaba, na anak na babae ng haring Joram, na kapatid na babae ni Ochozias, si Joas na anak ni Ochozias, at kinuhang lihim siya sa gitna ng mga anak ng hari na nangapatay, siya, at ang kaniyang yaya, at inilagay sila sa silid na tulugan; at kaniyang ikinubli siya kay Athalia, na anopa’t siya’y hindi napatay.

3 At siya’y nakakubling kasama niya sa bahay ng Panginoon na anim na taon: at si Athalia ay naghari sa lupain.

4 At nang ikapitong taon, si Joiada ay nagsugo, at kinuha ang mga punong kawal ng dadaanin, sa mga Cariteo, at sa bantay, at ipinagsama niya sa bahay ng Panginoon; at siya’y nakipagtipan sa kanila, at pinasumpa sila sa bahay ng Panginoon, at ipinakita sa kanila ang anak ng hari;

5 At kaniyang iniutos sa kanila, na sinasabi, ito ang bagay na inyong gagawin: ang ikatlong bahagi ninyo na papasok sa sabbath ay magiging bantay sa bahay ng hari;

6 At ang ikatlong bahagi ay malalagay sa pintuang-bayan ng Sur; at ang ikatlong bahagi ay sa pintuang-bayan sa likod ng bantay: gayon kayo magbabantay sa bahay, at magiging hadlang.

7 At ang dalawang pulutong ninyo, sa makatuwid baga’y ang lahat na nagsilabas sa sabbath, ay magbabantay ng bahay ng Panginoon sa palibot ng hari.

8 At inyong kukulungin ang hari sa palibot, na bawa’t isa’y may dalang kaniyang mga sandata sa kaniyang kamay; at ang pumasok sa hanay, patayin: at kayo’y magsiabay sa hari pagka siya’y lumalabas, at pagka siya’y pumapasok.

9 At ginawa ng mga punong kawal ng dadaanin ang ayon sa lahat na iniutos ni Joiada na saserdote: at kinuha ng bawa’t lalake ang kaniyang mga lalake, yaong nagsisipasok sa sabbath na kasama ng mga nagsisilabas sa sabbath, at nagsiparoon kay Joiada na saserdote.

10 At ibinigay ng saserdote sa mga punong kawal ng dadaanin ang mga sibat at ang mga kalasag na naging sa haring David, na nangasa bahay ng Panginoon.

11 At ang bantay ay tumayo, bawa’t isa’y may kaniyang mga sandata sa kaniyang kamay, mula sa dakong kanan ng bahay hanggang sa dakong kaliwa ng bahay, sa siping ng dambana at ng bahay, sa siping ng hari sa palibot.

12 Nang magkagayo’y inilabas niya ang anak ng hari, at inilagay niya ang putong sa kaniya, at binigyan siya ng patotoo; at ginawa nila siyang hari, at pinahiran siya ng langis; at kanilang ipinakpak ang kanilang mga kamay, at nagsipagsabi, Mabuhay ang hari.

13 At nang marinig ni Athalia ang ingay ng bantay at ng bayan, ay naparoon siya sa bayan sa loob ng bahay ng Panginoon.

14 At siya’y tumingin, at, narito, ang hari ay nakatayo sa siping ng haligi ayon sa kaugalian, at ang mga punong kawal at ang mga pakakak sa siping ng hari; at ang buong bayan ng lupain ay nagalak, at humihip ng mga pakakak. Nang magkagayo’y hinapak ni Athalia ang kaniyang kasuutan, at humiyaw Paglililo! paglililo!

15 At si Joiada na saserdote ay nagutos sa mga punong kawal ng dadaanin na nalalagay sa hukbo, at nagsabi sa kanila, Palabasin ninyo siya sa pagitan ng mga hanay, at ang sumunod sa kaniya, patayin ng tabak: sapagka’t sinabi ng saserdote, Huwag patayin siya sa bahay ng Panginoon.

16 Sa gayo’y binigyang daan nila siya, at siya’y naparoon sa daan na pinapasukan ng mga kabayo sa bahay ng hari; at doon siya pinatay.

17 At si Joiada ay nakipagtipan sa Panginoon at sa hari at sa bayan, na sila’y magiging bayan ng Panginoon; gayon din sa hari at sa bayan.

18 At ang buong bayan ng lupain ay naparoon sa bahay ni Baal, at ibinagsak; ang kaniyang mga dambana at ang kaniyang mga larawan ay pinagputolputol nilang mainam, at pinatay si Mathan na saserdote ni Baal sa harap ng mga dambana. At ang saserdote ay naghalal ng mga katiwala sa bahay ng Panginoon.

19 At kaniyang ipinagsama ang mga punong kawal ng mga dadaanin, at ang mga Cariteo, at ang bantay, at ang buong bayan ng lupain; at kanilang ibinaba ang hari mula sa bahay ng Panginoon, at nagsipagdaan sa pintuang-bayan ng bantay hanggang sa bahay ng hari. At siya’y naupo sa luklukan ng mga hari.

20 Sa gayo’y ang buong bayan ng lupain ay nagalak, at ang bayan ay tahimik. At pinatay nila ng tabak si Athalia sa bahay ng hari.

21 Si Joas ay may pitong taon nang magpasimulang maghari.

II Mga Hari 12

1 Nang ikapitong taon ni Jehu ay nagpasimulang maghari si Joas: at siya’y nagharing apat na pung taon sa Jerusalem: at ang pangalan ng kaniyang ina ay Sibia na taga Beerseba.

2 At gumawa si Joas ng matuwid sa harap ng mga mata ng Panginoon, sa lahat ng kaniyang kaarawan na ipinagturo sa kaniya ni Joiada na saserdote.

3 Gayon ma’y ang mga mataas na dako ay hindi inalis: ang bayan ay nagpatuloy na naghain at nagsunog ng kamangyan sa mga mataas na dako.

4 At sinabi ni Joas sa mga saserdote, Ang buong salapi ng mga bagay na itinalaga na napasok sa bahay ng Panginoon, na karaniwang salapi, na salapi na inihalaga sa mga pagkatao na hiniling sa bawa’t isa, at ang buong salapi na nagudyok sa puso ng sinomang lalake na dalhin sa bahay ng Panginoon.

5 Kunin ng mga saserdote, ng bawa’t isa sa kaniyang kakilala: at kanilang huhusayin ang mga sira ng bahay saan man makakasumpong ng anomang sira.

6 Nguni’t nangyari, nang ikadalawangpu’t tatlong taon ng haring si Joas, na hindi hinusay ng mga saserdote ang mga sira ng bahay.

7 Nang magkagayo’y tinawag ng haring si Joas si Joiada na saserdote, at ang ibang mga saserdote, at sinabi sa kanila, Bakit hindi ninyo hinuhusay ang mga sira ng bahay? ngayon nga’y huwag na kayong magsikuha pa ng salapi sa inyong mga kakilala, kundi inyong ibigay para sa mga sira ng bahay.

8 At pinayagan ng mga saserdote na huwag na silang magsikuha pa ng salapi sa bayan, o husayin man ang mga sira ng bahay.

9 Nguni’t si Joiada na saserdote ay kumuha ng isang kaban, at binutasan ang takip niyaon, at inilagay sa tabi ng dambana sa dakong kanan ng pumapasok sa bahay ng Panginoon: at isinilid doon ng mga saserdote na tagatanod-pinto ang buong salapi na dinala sa bahay ng Panginoon.

10 At nagkagayon, nang makita nila na maraming salapi sa kaban, na ang kalihim ng hari at ang dakilang saserdote ay sumampa, at kanilang isinilid sa mga supot at binilang ang salapi na nasumpungan sa bahay ng Panginoon.

11 At ibinigay nila ang salapi na tinimbang sa mga kamay nila na gumawa ng gawain, na siyang mga tagapangasiwa sa bahay ng Panginoon; at kanilang ibinayad sa mga anluwagi at sa mga manggagawa, na gumawa sa bahay ng Panginoon,

12 At sa mga mangdadaras ng bato, at sa mga mananabas ng bato, at sa pagbili ng mga kahoy, at mga batong tabas upang husayin ang mga sira ng bahay ng Panginoon, at sa lahat sa magugugol sa bahay upang husayin.

13 Nguni’t walang ginawa para sa bahay ng Panginoon na mga tasang pilak, mga gunting, mga mangkok, mga pakakak, anomang mga kasangkapang ginto, o mga kasangkapang pilak, sa salapi na napasok sa bahay ng Panginoon:

14 Sapagka’t kanilang ibinigay yaon sa kanila na nagsigawa ng gawain, at ipinaghusay ng bahay ng Panginoon.

15 Bukod dito’y hindi sila nangakikipagtuos sa mga lalake, na pinagabutan nila sa kamay ng salapi upang ibigay sa nagsisigawa ng gawain: sapagka’t sila’y nagsisigawang may pagtatapat.

16 Ang salaping handog dahil sa pagkakasala, at ang salaping handog dahil sa kasalanan, ay hindi ipinasok sa bahay ng Panginoon: yao’y sa mga saserdote nga.

17 Nang magkagayo’y si Hazael na hari sa Siria ay umahon, at lumaban sa Gath, at sinakop yaon: at itinanaw ni Hazael ang kaniyang mukha upang umahon sa Jerusalem.

18 At kinuha ni Joas sa hari sa Juda ang lahat na bagay na itinalaga ni Josaphat, at ni Joram, at ni Ochozias, na kaniyang mga magulang, na mga hari sa Juda, at ang kaniyang mga itinalagang bagay, at ang lahat na ginto na masusumpungan sa mga kayamanan ng bahay ng Panginoon, at ng bahay ng hari, at ipinadala kay Hazael na hari sa Siria: at siya’y umalis sa Jerusalem.

19 Ang iba nga sa mga gawa ni Joas, at ang lahat niyang ginawa, di ba nangasusulat sa aklat ng mga alaala sa mga hari sa Juda?

20 At ang kaniyang mga lingkod ay nagsibangon, at nagsipagbanta, at sinaktan si Joas sa bahay sa Millo, sa daan na palusong sa Silla.

21 Sapagka’t sinaktan siya ni Josachar na anak ni Simaath, at ni Jozabad na anak ni Somer, na kaniyang mga lingkod, at siya’y namatay; at inilibing nila siya na kasama ng kaniyang mga magulang sa bayan ni David: at naghari si Amasias na kaniyang anak na kahalili niya.

II Mga Hari 13

1 Nang ikadalawangpu’t tatlong taon ni Joas na anak ni Ochozias na hari sa Juda, nagpasimulang maghari si Joachaz na anak ni Jehu sa Israel sa Samaria, at nagharing labing pitong taon.

2 At gumawa siya ng masama sa paningin ng Panginoon, at sumunod sa mga kasalanan ni Jeroboam na anak ni Nabat, na kaniyang ipinapagkasala sa Israel; hindi niya hiniwalayan ang mga yaon.

3 At ang galit ng Panginoon ay nagalab laban sa Israel, at palagi niyang ibinigay sila sa kamay ni Hazael na hari sa Siria, at sa kamay ni Ben-adad na anak ni Hazael.

4 At si Joachaz ay dumalangin sa Panginoon, at dininig siya ng Panginoon: sapagka’t nakita niya ang kapighatian ng Israel, kung paanong inapi sila ng hari sa Siria.

5 (At binigyan ng Panginoon ang Israel ng isang tagapagligtas, na anopa’t sila’y nagsilabas na mula sa kamay ng mga taga Siria: at ang mga anak ni Israel ay nagsitahan sa kanilang mga tolda, gaya ng dati.

6 Gayon ma’y hindi sila nagsihiwalay sa mga kasalanan ng sangbahayan ni Jeroboam, na ipinapagkasala sa Israel, kundi nilakaran nila: at nalabi ang Asera naman na Samaria).

7 Sapagka’t hindi siya nagiwan kay Joachaz sa mga tao liban sa limangpung nangangabayo, at sangpung karo, at sangpung libong taong lakad; sapagka’t nilipol sila ng hari sa Siria, at ginawa silang parang alabok sa giikan.

8 Ang iba nga sa mga gawa ni Joachaz, at ang lahat niyang ginawa, at ang kaniyang kapangyarihan, di ba nangasusulat sa aklat ng mga alaala sa mga hari sa Israel?

9 At si Joachaz ay natulog na kasama ng kaniyang mga magulang: at inilibing nila siya sa Samaria: at si Joas na kaniyang anak ay naghari na kahalili niya.

10 Nang ikatatlongpu’t pitong taon ni Joas na hari sa Juda ay nagpasimula si Joas na anak ni Joachaz na maghari sa Israel sa Samaria, at nagharing labing anim na taon.

11 At siya’y gumawa ng masama sa paningin ng Panginoon; siya’y hindi humiwalay sa lahat na kasalanan ni Jeroboam na anak ni Nabat, na kaniyang ipinapagkasala sa Israel; kundi kaniyang nilakaran.

12 Ang iba nga sa mga gawa ni Joas, at ang lahat niyang ginawa, at ang kaniyang kapangyarihan na kaniyang ipinakipaglaban kay Amasias na hari sa Juda, hindi ba nangasusulat sa aklat ng mga alaala sa mga hari sa Israel?

13 At si Joas ay natulog na kasama ng kaniyang mga magulang; at si Jeroboam ay naupo sa kaniyang luklukan; at si Joas ay nalibing sa Samaria na kasama ng mga hari sa Israel.

14 Si Eliseo nga ay nagkasakit ng sakit na kaniyang ikinamatay: at binaba siya at iniyakan siya ni Joas na hari sa Israel, at nagsabi, Ama ko, ama ko, ang mga karo ng Israel at ang mga nangangabayo niyaon!

15 At sinabi ni Eliseo sa kaniya, Kumuha ka ng busog at mga pana: at siya’y kumuha ng busog at mga pana.

16 At sinabi niya sa hari sa Israel, Ilagay mo ang iyong kamay sa busog: at inilagay niya ang kaniyang kamay roon. At inilagay ni Eliseo ang kaniyang mga kamay sa mga kamay ng hari.

17 At kaniyang sinabi, Buksan mo ang dungawan sa dakong silanganan: at binuksan niya. Nang magkagayo’y sinabi ni Eliseo, Magpahilagpos ka: at siya’y nagpahilagpos. At kaniyang sinabi, Ang pana nga ng pagtatagumpay ng Panginoon, sa makatuwid baga’y ang pana ng pagtatagumpay sa Siria: sapagka’t iyong sasaktan ang mga taga Siria sa Aphec, hanggang sa iyong mangalipol.

18 At kaniyang sinabi, Tangnan mo ang mga pana: at tinangnan niya ang mga yaon. At sinabi niya sa hari sa Israel, Humampas ka sa lupa: at siya’y humampas na makaitlo, at tumigil.

19 At ang lalake ng Dios ay naginit sa kaniya, at nagsabi, Marapat nga sana na iyong hampasing makalima o makaanim; sinaktan mo nga sana ang Siria hanggang sa iyong nalipol: kaya’t ngayo’y sasaktan mo ang Siria na makaitlo lamang.

20 At namatay si Eliseo, at kanilang inilibing siya. Ang mga pulutong nga ng mga Moabita ay nagsilusob sa lupain sa pagdating ng taon.

21 At nangyari, samantalang kanilang inililibing ang isang lalake, na, narito, kanilang natanaw ang isang pulutong; at kanilang inihagis ang lalake sa libingan ni Eliseo: at pagkasagi ng tao ng mga buto ni Eliseo, siya’y nabuhay uli, at tumayo sa kaniyang mga paa.

22 At pinighati ni Hazael na hari sa Siria ang Israel sa lahat ng kaarawan ni Joachaz.

23 Nguni’t ang Panginoo’y naawa sa kanila at nahabag sa kanila, at kaniyang pinakundanganan sila, dahil sa kaniyang tipan kay Abraham, kay Isaac, at kay Jacob, at hindi nilipol sila o pinalayas man sila sa kaniyang harapan hanggang noon.

24 At si Hazael na hari sa Siria ay namatay; at si Ben-adad na kaniyang anak ay naghari na kahalili niya.

25 At inalis uli ni Joas na anak ni Joachaz sa kamay ni Ben-adad na anak ni Hazael ang mga bayan na kaniyang inalis sa kamay ni Joachaz na kaniyang ama sa pakikipagdigma. Makaitlong sinaktan siya ni Joas, at binawi ang mga bayan ng Israel.

II Mga Hari 14

1 Nang ikalawang taon ni Joas na anak ni Joachaz na hari sa Israel ay nagpasimula si Amasias na anak ni Joas na hari sa Juda na maghari.

2 Siya’y may dalawangpu’t limang taon nang siya’y magpasimulang maghari; at siya’y nagharing dalawangpu’t siyam na taon sa Jerusalem: at ang pangalan ng kaniyang ina ay Joaddan na taga Jerusalem.

3 At siya’y gumawa ng matuwid sa harap ng mga mata ng Panginoon, gayon man di gaya ni David na kaniyang magulang: kaniyang ginawa ang ayon sa lahat na ginawa ni Joas na kaniyang ama.

4 Gayon ma’y ang mga mataas na dako ay hindi inalis: ang bayan ay nagpatuloy na naghain at nagsunog ng kamangyan sa mga mataas na dako.

5 At nangyari, pagkatatag ng kaharian sa kaniyang kamay, na kaniyang pinatay ang kaniyang mga lingkod na nagsipatay sa hari na kaniyang ama.

6 Nguni’t ang mga anak ng mga mamamatay tao ay hindi niya pinatay; ayon doon sa nasusulat sa aklat ng kautusan ni Moises, gaya ng iniutos ng Panginoon, na sinasabi, Ang mga ama ay hindi papatayin dahil sa mga anak, o ang mga anak man ay papatayin dahil sa mga ama; kundi bawa’t tao ay mamamatay dahil sa kaniyang sariling kasalanan.

7 Siya’y pumatay sa mga Idumeo ng sangpung libo sa Libis ng Asin, at sinakop ang Sela sa pakikipagdigma, at pinanganlang Jocteel, hanggang sa araw na ito.

8 Nang magkagayo’y nagsugo ng mga sugo si Amasias kay Joas na anak ni Joachaz na anak ni Jehu, na hari sa Israel, na sinasabi, Halika, tayo’y magtitigan,

9 At si Joas na hari sa Israel ay nagsugo kay Amasias na hari sa Juda, na nagsasabi, Ang dawag na nasa Libano ay nagsugo sa sedro na nasa Libano, na nagsasabi, Ibigay mong asawa ang iyong anak na babae sa aking anak: at nagdaan ang isang mabangis na hayop na nasa Libano, at niyapakan ang dawag.

10 Iyong tunay na sinaktan ang Edom, at pinapagmataas ka ng iyong puso: lumuwalhati ka nawa, at tumahan sa bahay: sapagka’t bakit ka nakikialam sa ikasasama, upang ikaw ay mabuwal, ikaw, at ang Juda na kasama mo?

11 Nguni’t hindi dininig ni Amasias. Sa gayo’y umahon si Joas na hari sa Israel; at siya, at si Amasias na hari sa Juda ay nagtitigan sa Beth-semes, na ukol sa Juda.

12 At ang Juda ay napariwara sa harap ng Israel; at sila’y tumakas bawa’t isa sa kaniyang tolda.

13 At kinuha ni Joas na hari sa Israel si Amasias na hari sa Juda, na anak ni Joas na anak ni Ochozias, sa Beth-semes, at naparoon sa Jerusalem, at ibinagsak ang kuta ng Jerusalem mula sa pintuang-bayan ng Ephraim hanggang sa pintuang-bayan ng sulok, na apat na raang siko.

14 At kinuha niya ang lahat na ginto at pilak, at ang lahat na kasangkapan na masumpungan sa bahay ng Panginoon, at sa mga kayamanan ng bahay ng hari, pati ng mga sanglang tao at bumalik sa Samaria.

15 Ang iba nga sa mga gawa ni Joas na kaniyang ginawa, at ang kaniyang kapangyarihan, at kung paanong siya’y lumaban kay Amasias na hari sa Juda, di ba nangasusulat sa aklat ng mga alaala sa mga hari sa Israel?

16 At natulog si Joas na kasama ng kaniyang mga magulang, at nalibing sa Samaria na kasama ng mga hari sa Israel; at si Jeroboam na kaniyang anak ay naghari na kahalili niya.

17 At si Amasias na anak ni Joas na hari sa Juda ay nabuhay pagkamatay ni Joas na anak ni Joachaz na hari sa Israel, na labing limang taon.

18 Ang iba nga sa mga gawa ni Amasias, di ba nangasusulat sa aklat ng mga alaala sa mga hari sa Juda?

19 At sila’y nagsipagbanta laban sa kaniya sa Jerusalem; at siya’y tumakas sa Lachis: nguni’t pinasundan nila siya sa Lachis, at pinatay siya roon.

20 At dinala nila siya na nakapatong sa mga kabayo: at siya’y nalibing sa Jerusalem na kasama ng kaniyang mga magulang sa bayan ni David.

21 At kinuha ng buong bayan ng Juda si Azarias na may labing anim na taon, at ginawa siyang hari na kahalili ng kaniyang ama na si Amasias.

22 Kaniyang itinayo ang Elath, at isinauli sa Juda pagkatapos na ang hari ay matulog na kasama ng kaniyang mga magulang.

23 Nang ikalabing limang taon ni Amasias na Anak ni Joas na hari sa Juda, si Jeroboam na anak ni Joas na hari sa Israel ay nagpasimulang maghari sa Samaria, at nagharing apat na pu’t isang taon.

24 At gumawa siya ng masama sa paningin ng Panginoon: hindi niya hiniwalayan ang lahat na kasalanan ni Jeroboam na Anak ni Nabat, na kaniyang ipinapagkasala sa Israel.

25 Kaniyang isinauli ang hangganan ng Israel mula sa pasukan ng Hamath hanggang sa dagat ng Araba, ayon sa salita ng Panginoon, ng Dios ng Israel, na nagsalita sa pamamagitan ng kaniyang lingkod na si Jonas na anak ni Amittai, na propeta na taga Gath-hepher.

26 Sapagka’t nakita ng Panginoon ang kapighatian ng Israel, na totoong masaklap: sapagka’t walang nakulong o naiwan sa kaluwangan man, o sinomang tumulong sa Israel.

27 At hindi sinabi ng Panginoon na kaniyang papawiin ang pangalan ng Israel mula sa silong ng langit, kundi iniligtas nila siya sa pamamagitan ng kamay ni Jeroboam na anak ni Joas.

28 Ang iba nga sa mga gawa ni Jeroboam, at ang lahat na kaniyang ginawa, at ang kaniyang kapangyarihan, kung paanong siya’y nakipagdigma, at kung paanong binawi niya para sa Israel ang Damasco at ang Hamath, na nangaukol sa Juda, di ba nangasusulat sa aklat ng mga alaala sa mga hari sa Israel?

29 At si Jeroboam ay natulog na kasama ng kaniyang mga magulang, sa makatuwid baga’y ng mga hari sa Israel; at si Zacharias na kaniyang anak ay naghari na kahalili niya.

II Mga Hari 15

1 Nang ikadalawangpu’t pitong taon ni Jeroboam na hari sa Israel ay nagpasimulang maghari si Azarias na anak ni Amasias na hari sa Juda.

2 May labing anim na taon siya nang siya’y magpasimulang maghari; at siya’y nagharing limangpu’t dalawang taon sa Jerusalem: at ang pangalan ng kaniyang ina ay Jecolia na taga Jerusalem.

3 At siya’y gumawa ng matuwid sa harap ng mga mata ng Panginoon, ayon sa lahat na ginawa ng kaniyang amang si Amasias.

4 Gayon ma’y ang mga mataas na dako ay hindi inalis: ang bayan ay nagpatuloy na naghain at nagsunog ng kamangyan sa mga mataas na dako.

5 At sinaktan ng Panginoon ang hari, na anopa’t siya’y nagkaketong hanggang sa araw ng kaniyang kamatayan, at tumahan na bukod sa bahay. At si Jotham na anak ng hari ay nasa pamamahala ng sangbahayan na humahatol sa bayan ng lupain.

6 Ang iba nga sa mga gawa ni Azarias, at ang lahat ng kaniyang ginawa di ba nangasusulat sa aklat ng mga alaala sa mga hari sa Juda?

7 At si Azarias ay natulog na kasama ng kaniyang mga magulang; at inilibing nila siya na kasama ng kaniyang mga magulang sa bayan ni David: at si Jotham na kaniyang anak ay naghari na kahalili niya.

8 Nang ikatatlongpu’t walong taon ni Azarias na hari sa Juda, ay naghari sa Israel si Zacharias na anak ni Jeroboam sa Samaria na anim na buwan.

9 At siya’y gumawa ng masama sa paningin ng Panginoon, gaya ng ginawa ng kaniyang mga magulang: hindi niya hiniwalayan ang mga kasalanan ni Jeroboam na anak ni Nabat, na kaniyang ipinapagkasala sa Israel.

10 At si Sallum na anak ni Jabes ay nagbanta laban sa kaniya, at sinaktan siya sa harap ng bayan, at pinatay siya, at naghari na kahalili niya.

11 Ang iba nga sa mga gawa ni Zacharias, narito, nangasusulat sa aklat ng mga alaala sa mga hari sa Israel.

12 Ito ang salita ng Panginoon, na kaniyang sinalita kay Jehu, na sinasabi, Ang iyong mga anak sa ikaapat na salin ng lahi ay magsisiupo sa luklukan ng Israel. At gayon ang nangyari.

13 Si Sallum na anak ni Jabes ay nagpasimulang maghari nang ikatatlongpu’t siyam na taon ni Uzzia na hari sa Juda; at siya’y naghari sa loob ng isang buwan sa Samaria.

14 At si Manahem na anak ni Gadi ay umahon mula sa Thirza, at naparoon sa Samaria, at sinaktan si Sallum na anak ni Jabes sa Samaria, at pinatay niya siya at naghari na kahalili niya.

15 Ang nalabi nga sa mga gawa ni Sallum, at ang pagbabanta niya na kaniyang ginawa, narito, nangasusulat sa aklat ng mga alaala sa mga hari sa Israel.

16 Nang magkagayo’y sinaktan ni Manahem si Tiphsa, at ang lahat na nandoon, at ang mga hangganan niyaon, mula sa Thirza: sapagka’t hindi nila siya pinabuksan, kaya’t sinaktan niya; at ang lahat na babae na nandoon na buntis ay pinaluwa niya ang bituka.

17 Nang ikatatlongpu’t siyam na taon ni Azarias na hari sa Juda ay nagpasimulang maghari sa Israel si Manahem na anak ni Gadi, at nagharing sangpung taon sa Samaria.

18 At kaniyang ginawa ang masama sa paningin ng Panginoon: siya’y hindi humiwalay ng lahat niyang kaarawan sa mga kasalanan ni Jeroboam na anak ni Nabat, na kaniyang ipinapagkasala sa Israel.

19 Naparoon laban sa lupain si Phul na hari sa Asiria; at binigyan ni Manahem si Phul ng isang libong talentong pilak, upang ang kamay niya’y sumakaniya, upang pagtibayin ang kaharian sa kaniyang kamay.

20 At siningil ni Manahem ng salapi ang Israel, ang lahat na makapangyarihang lalake na mayaman, na bawa’t lalake ay limangpung siklo na pilak upang ibigay sa hari sa Asiria. Sa gayo’y ang hari sa Asiria ay bumalik, at hindi tumigil doon sa lupain.

21 Ang iba nga sa mga gawa ni Manahem, at ang lahat niyang ginawa, di ba nangasusulat sa aklat ng mga alaala sa mga hari sa Israel?

22 At natulog si Manahem na kasama ng kaniyang mga magulang; at si Pekaia na kaniyang anak ay naghari na kahalili niya.

23 Nang ikalimangpung taon ni Azarias na hari sa Juda ay nagpasimulang maghari sa Israel si Pekaia na anak ni Manahem sa Samaria, at nagharing dalawang taon.

24 At gumawa siya ng masama sa paningin ng Panginoon: hindi niya hiniwalayan ang mga kasalanan ni Jeroboam na anak ni Nabat, na kaniyang ipinapagkasala sa Israel.

25 At si Peka na anak ni Remalias, na kaniyang punong kawal, ay nagbanta laban sa kaniya, at sinaktan siya sa Samaria, sa castilyo ng bahay ng hari, na kasama si Argob at si Ariph; at kasama niya’y limangpung lalake na mga Galaadita: at pinatay niya siya, at naghari na kahalili niya.

26 Ang iba nga sa mga gawa ni Pekaia, at ang lahat niyang ginawa, narito, nangasusulat sa aklat ng mga alaala sa mga hari sa Israel.

27 Nang ikalimangpu’t dalawang taon ni Azarias na hari sa Juda ay nagpasimulang maghari si Peka na anak ni Remalias sa Israel sa Samaria, at nagharing dalawangpung taon.

28 At gumawa siya ng masama sa paningin ng Panginoon: hindi niya hiniwalayan ang mga kasalanan ni Jeroboam na anak ni Nabat, na kaniyang ipinapagkasala sa Israel.

29 Nang mga kaarawan ni Peka na hari sa Israel ay naparoon si Tiglathpileser na hari sa Asiria, at sinakop ang Ihion, at ang Abel-bethmaacha, at ang Janoa, at ang Cedes, at ang Asor, at ang Galaad, at ang Galilea, ang buong lupain ng Nephtali; at kaniyang dinalang bihag sila sa Asiria.

30 At si Oseas na anak ni Ela ay nagbanta laban kay Peka na anak ni Remalias, at sinaktan niya siya, at pinatay niya siya, at naghari na kahalili niya, nang ikadalawangpung taon ni Jotham na anak ni Uzzia.

31 Ang iba nga sa mga gawa ni Peka, at ang lahat niyang ginawa, narito, nangasusulat sa aklat ng mga alaala sa mga hari sa Israel.

32 Nang ikalawang taon ni Peka na anak ni Remalias na hari sa Israel, ay nagpasimulang maghari si Jotham na anak ni Uzzia na hari sa Juda.

33 Siya’y may dalawangpu’t limang taon nang siya’y magpasimulang maghari, at siya’y nagharing labing anim na taon sa Jerusalem: at ang pangalan ng kaniyang ina ay Jerusa na anak ni Sadoc.

34 At siya’y gumawa ng matuwid sa harap ng mga mata ng Panginoon: kaniyang ginawa ang ayon sa lahat na ginawa ng kaniyang amang si Uzzia.

35 Gayon ma’y ang mga mataas na dako ay hindi nangaalis: ang bayan ay nagpatuloy na naghain at nagsunog ng kamangyan sa mga mataas na dako. Itinayo niya ang mataas na pintuang-bayan sa bahay ng Panginoon.

36 Ang iba nga sa mga gawa ni Jotham, at ang lahat niyang ginawa, di ba nangasusulat sa aklat ng mga alaala sa mga hari sa Juda?

37 Nang mga araw na yao’y pinasimulan ng Panginoon na suguin laban sa Juda si Resin na hari sa Siria, at si Peka na anak ni Remalias.

38 At si Jotham ay natulog na kasama ng kaniyang mga magulang, at inilibing na kasama ng kaniyang mga magulang sa bayan ni David na kaniyang magulang: at si Achaz na kaniyang anak ay naghari na kahalili niya.

II Mga Hari 16

1 Nang ikalabing pitong taon ni Peka na anak ni Remalias ay nagpasimulang maghari si Achaz na anak ni Jotham na hari sa Juda.

2 May dalawangpung taon si Achaz nang siya’y magpasimulang maghari; at siya’y nagharing labing anim na taon sa Jerusalem: at hindi siya gumawa ng matuwid sa harap ng mga mata ng Panginoon niyang Dios, na gaya ni David na kaniyang magulang.

3 Kundi siya’y lumakad ng lakad ng mga hari sa Israel, oo, at kaniyang pinaraan ang kaniyang anak sa apoy, ayon sa mga karumaldumal ng mga bansa na pinalayas ng Panginoon mula sa harap ng mga anak ni Israel.

4 At siya’y naghain, at nagsunog ng kamangyan sa mga mataas na dako, at sa mga burol, at sa ilalim ng bawa’t sariwang punong kahoy.

5 Nang magkagayo’y si Resin na hari sa Siria at si Peka na anak ni Remalias na hari sa Israel ay umahon sa Jerusalem upang makipagdigma: at kanilang kinulong si Achaz, nguni’t hindi nila nadaig.

6 Nang panahong yaon ay binawi ni Resin na hari sa Siria ang Elath sa Siria at pinalayas ang mga Judio sa Elath: at ang mga taga Siria ay nagsiparoon sa Elath, at tumanan doon, hanggang sa araw na ito.

7 Sa gayo’y nagsugo si Achaz ng mga sugo kay Tiglath-pileser na hari sa Asiria, na ipinasabi, Ako ang iyong lingkod at ang iyong anak: ikaw ay umahon, at iligtas mo ako sa kamay ng hari sa Siria at sa kamay ng hari sa Israel, na bumabangon laban sa akin.

8 At kinuha ni Achaz ang pilak at ginto na nasumpungan sa bahay ng Panginoon, at sa mga kayamanan ng bahay ng hari, at ipinadalang kaloob sa hari sa Asiria.

9 At dininig siya ng hari sa Asiria; at ang hari sa Asiria ay umahon laban sa Damasco, at sinakop, at dinala sa Cir ang bayan na bihag, at pinatay si Resin.

10 At ang haring si Achaz ay naparoon sa Damasco upang salubungin si Tiglath-pileser na hari sa Asiria: at nakita ang dambana na nasa Damasco: at ipinadala ng haring si Achaz kay Urias na saserdote ang ayos ng dambana at ang anyo niyaon, ayon sa buong pagkayari niyaon.

11 At si Urias na saserdote ay nagtayo ng isang dambana: ayon sa buong ipinadala ng haring si Achaz mula sa Damasco, gayon ginawa ni Urias na saserdote, bago dumating ang haring Achaz mula sa Damasco.

12 At nang dumating ang hari mula sa Damasco, ay nakita ng hari ang dambana: at ang hari ay lumapit sa dambana, at naghandog doon.

13 At kaniyang sinunog ang kaniyang handog na susunugin, at ang kaniyang handog na harina, at ibinuhos ang kaniyang inuming handog, at iniwisik ang dugo ng kaniyang mga handog tungkol sa kapayapaan sa ibabaw ng dambana.

14 At ang dambana na tanso na nasa harap ng Panginoon ay kaniyang dinala mula sa harapan ng bahay, mula sa pagitan ng kaniyang dambana at ng bahay ng Panginoon, at inilagay sa dakong hilagaan ng kaniyang dambana.

15 At inutusan ng haring Achaz si Urias na saserdote, na sinasabi, Sa ibabaw ng malaking dambana, ay magsunog ka ng handog na susunugin sa umaga, at ng handog na harina sa hapon, at ng handog na susunugin ng hari at ng kaniyang handog na harina sangpu ng handog na susunugin ng buong bayan ng lupain at ng kanilang handog na harina, at ng kanilang mga handog na inumin; at iwisik mo roon ang buong dugo ng handog na susunugin, at ang buong dugo ng hain: nguni’t ang dambanang tanso ay mapapasa akin upang pagusisaan.

16 Ganito ang ginawa ni Urias na saserdote, ayon sa buong iniutos ng haring Achaz.

17 At pinutol ng haring Achaz ang mga hangganan ng mga tungtungan, at inalis sa mga yaon ang hugasan, at ibinaba ang dagatdagatan mula sa mga bakang tanso na nasa ilalim niyaon, at ipinatong sa isang pavimentong bato.

18 At ang dakong natatakpan na daan sa sabbath na kanilang itinayo sa bahay, at ang pasukan ng hari na nasa labas, ibinago sa bahay ng Panginoon, dahil sa hari sa Asiria.

19 Ang iba nga sa mga gawa ni Achaz na kaniyang ginawa, di ba nangasusulat sa aklat ng mga alaala sa mga hari sa Juda.

20 At si Achaz ay natulog na kasama ng kaniyang mga magulang, at inilibing na kasama ng kaniyang mga magulang sa bayan ni David: at si Ezechias na kaniyang anak ay naghari na kahalili niya.

II Mga Hari 17

1 Nang ikalabing dalawang taon ni Achaz na hari sa Juda ay nagpasimula si Oseas na anak ni Ela na maghari sa Samaria sa Israel, at nagharing siyam na taon.

2 At gumawa siya ng masama sa paningin ng Panginoon, bagaman hindi gaya ng mga hari sa Israel na mga una sa kaniya.

3 Laban sa kaniya ay umahon si Salmanasar na hari sa Asiria; at si Oseas ay naging kaniyang lingkod, at dinalhan siya ng mga kaloob.

4 At ang hari sa Asiria ay nakasumpong kay Oseas ng pagbabanta; sapagka’t siya’y nagsugo ng mga sugo kay So na hari sa Egipto, at hindi naghandog ng kaloob sa hari sa Asiria, na gaya ng kaniyang ginagawa taontaon; kaya’t kinulong siya ng hari sa Asiria, at ipinangaw siya sa bilangguan.

5 Nang magkagayon ay umahon ang hari sa Asiria sa buong lupain, at umahon sa Samaria, at kinulong na tatlong taon.

6 Nang ikasiyam na taon ni Oseas, sinakop ng hari sa Asiria ang Samaria, at dinala ang Israel sa Asiria, at inilagay sila sa Hala, at sa Habor, sa ilog ng Gozan, at sa mga bayan ng mga Medo.

7 At nagkagayon, sapagka’t ang mga anak ni Israel ay nangagkasala laban sa Panginoon nilang Dios, na siyang nagahon sa kanila mula sa lupain ng Egipto, mula sa kamay ni Faraon na hari sa Egipto, at sila’y natakot sa ibang mga dios.

8 At lumakad sa mga palatuntunan ng mga bansa, na pinalayas ng Panginoon sa harap ng mga anak ni Israel, at ng mga hari ng Israel, na kanilang ginawa.

9 At ang mga anak ni Israel ay nagsigawa ng mga lihim na bagay na hindi matuwid sa Panginoon nilang Dios, at sila’y nagsipagtayo sa kanila ng mga mataas na dako sa lahat nilang bayan mula sa moog ng mga bantay hanggang sa bayang nakukutaan.

10 At sila’y nangagsipaglagay ng mga haligi na pinakaalaala at mga Asera sa bawa’t mataas na burol, at sa ilalim ng lahat na sariwang punong kahoy;

11 At doo’y nagsunog sila ng kamangyan sa lahat na mataas na dako, gaya ng ginawa ng mga bansa na pinalayas ng Panginoon sa harap nila; at nagsigawa ng masasamang bagay upang mungkahiin ang Panginoon sa galit;

12 At sila’y nagsipaglingkod sa mga diosdiosan, na siyang sa kanila ay sinabi ng Panginoon, Huwag ninyong gagawin ang bagay na ito.

13 Gayon ma’y tumutol ang Panginoon sa Israel, at sa Juda, sa pamamagitan ng bawa’t propeta, at ng bawa’t tagakita, na sinasabi, Iwan ninyo ang inyong masasamang lakad, at ingatan ninyo ang aking mga utos, at ang aking mga palatuntunan, ayon sa buong kautusan na aking iniutos sa inyong mga magulang, at aking ipinadala sa inyo, sa pamamagitan ng aking mga lingkod na mga propeta.

14 Gayon ma’y hindi nila dininig, kundi kanilang pinatigas ang kanilang ulo, na gaya ng ulo ng kanilang mga magulang, na hindi nagsisampalataya sa Panginoon nilang Dios.

15 At kanilang itinakuwil ang kaniyang mga palatuntunan, at ang kaniyang tipan na kaniyang itinipan sa kanilang mga magulang, at ang kaniyang mga patotoo na kaniyang ipinatotoo sa kanila; at sila’y nagsisunod sa walang kabuluhan, at naging walang kabuluhan, at nagsisunod sa mga bansa na nangasa palibot nila, ayon sa ibinilin ng Panginoon na huwag silang magsigawa ng gaya ng mga yaon.

16 At kanilang iniwan ang lahat na utos ng Panginoon nilang Dios, at nagsigawa ng mga larawang binubo, sa makatuwid baga’y ng dalawang guya, at nagsigawa ng isang Asera, at sinamba ang buong natatanaw sa langit, at nagsipaglingkod kay Baal.

17 At kanilang pinaraan ang kanilang mga anak na lalake at babae sa apoy, at nagsihilig sa panghuhula at mga panggagaway, at nangapabili upang magsigawa ng masama sa paningin ng Panginoon, upang mungkahiin siya sa galit.

18 Kaya’t ang Panginoon ay totoong nagalit sa Israel, at inalis sila sa kaniyang paningin: walang naiwan kundi ang lipi ni Juda lamang.

19 Hindi rin naman iningatan ng Juda ang mga utos ng Panginoon nilang Dios, kundi nagsilakad sa mga palatuntunan ng Israel na kanilang ginawa.

20 At itinakuwil ng Panginoon ang buong binhi ng Israel, at pinighati sila at ibinigay sila sa kamay ng mga mananamsam hanggang sa kaniyang pinalayas sila sa kaniyang paningin.

21 Sapagka’t kaniyang inihiwalay ang Israel sa sangbahayan ni David, at kanilang ginawang hari si Jeroboam na anak ni Nabat: at pinahiwalay ni Jeroboam ang Israel sa pagsunod sa Panginoon at pinapagkasala sila ng malaking kasalanan.

22 At ang mga anak ni Israel ay nagsilakad sa lahat ng kasalanan ni Jeroboam na kaniyang ginawa; hindi nila hiniwalayan;

23 Hanggang sa inihiwalay ng Panginoon ang Israel sa kaniyang paningin, gaya ng kaniyang sinalita sa pamamagitan ng lahat niyang lingkod na mga propeta. Gayon dinala ang Israel sa Asiria na mula sa kanilang sariling lupain, hanggang sa araw na ito.

24 At ang hari sa Asiria ay nagdala ng mga tao na mula sa Babilonia, at sa Cutha, at sa Ava, at sa Hamath at sa Sepharvaim, at inilagay sila sa mga bayan ng Samaria na kahalili ng mga anak ni Israel: at kanilang inari ang Samaria, at nagsitahan sa mga bayan niyaon.

25 At nagkagayon, sa pasimula ng kanilang pagtahan doon, na hindi sila nangatakot sa Panginoon: kaya’t ang Panginoon ay nagsugo ng mga leon sa gitna nila, na pinatay ang ilan sa kanila.

26 Kaya’t kanilang sinalita sa hari sa Asiria, na sinasabi, Ang mga bansa na iyong dinala at inilagay sa mga bayan ng Samaria, hindi nakaaalam ng paraan ng Dios sa lupain; kaya’t siya’y nagsugo ng mga leon sa gitna nila, at, narito, pinatay sila, sapagka’t hindi sila nakakaalam ng paraan ng Dios sa lupain.

27 Nang magkagayo’y nagutos ang hari sa Asiria, na nagsasabi, Dalhin ninyo roon ang isa sa mga saserdote na inyong dinala mula roon; at inyong payaunin at patahanin doon, at turuan niya sila ng paraan ng Dios sa lupain.

28 Sa gayo’y isa sa mga saserdote na kanilang dinala mula sa Samaria ay naparoon at tumahan sa Beth-el, at tinuruan sila kung paanong sila’y marapat na matakot sa Panginoon.

29 Gayon ma’y bawa’t bansa ay gumawa ng mga dios sa kanikaniyang sarili, at ipinaglalagay sa mga bahay sa mga mataas na dako na ginawa ng mga Samaritano, na bawa’t bansa ay sa kanilang mga bayan na kanilang tinatahanan.

30 At itinayo ng mga lalake sa Babilonia ang Succoth-benoth, at itinayo ng mga lalake sa Cutha ang Nergal, at itinayo ng mga lalake sa Hamath ang Asima,

31 At itinayo ng mga Avveo ang Nibhaz at ang Tharthac, at sinunog ng mga Sepharvita ang kanilang mga anak sa apoy sa Adrammelech at sa Anammelech, na mga dios ng Sefarvaim.

32 Sa gayo’y nangatakot sila sa Panginoon, at nagsipaghalal sila sa gitna nila ng mga saserdote sa mga mataas na dako, na siyang naghahain para sa kanila sa mga bahay, na nangasa mga mataas na dako.

33 Sila’y nangatakot sa Panginoon, at nagsipaglingkod sa kanilang sariling mga dios, ayon sa paraan ng mga bansa na kinadalhang bihag nila.

34 Hanggang sa araw na ito ay ginagawa nila ang ayon sa mga dating paraan: sila’y hindi nangatatakot sa Panginoon, o nagsisigawa man ng ayon sa kanilang mga palatuntunan, o ayon sa kanilang mga ayos, o ayon sa kautusan, o ayon sa utos na iniutos ng Panginoon sa mga anak ni Jacob, na kaniyang pinanganlang Israel,

35 Na siyang pinakipagtipanan ng Panginoon, at pinagbilinan na sinasabi, Kayo’y huwag mangatatakot sa ibang mga dios, o nagsisiyukod man sa kanila, o magsisipaglingkod man sa kanila, o magsisipaghain man sa kanila:

36 Kundi ang Panginoon, na nagahon sa inyo mula sa lupain ng Egipto na may dakilang kapangyarihan at may unat na kamay, siya ninyong katatakutan, at sa kaniya kayo magsisiyukod, at sa kaniya kayo magsisipaghain.

37 At ang mga palatuntunan, at ang mga ayos, at ang kautusan, at ang utos na kaniyang sinulat para sa inyo ay inyong isasagawa magpakailan man; at kayo’y huwag mangatatakot sa ibang mga dios:

38 At ang tipan na aking ipinakipagtipan sa inyo, huwag ninyong kalilimutan; ni mangatatakot man kayo sa ibang mga dios:

39 Nguni’t sa Panginoon ninyong Dios ay mangatatakot kayo; at kaniyang ililigtas kayo sa kamay ng lahat ninyong mga kaaway.

40 Gayon ma’y hindi nila dininig, kundi kanilang ginawa ang ayon sa kanilang dating paraan.

41 Sa gayo’y ang mga bansang ito ay nangatakot sa Panginoon, at nagsipaglingkod sa kanilang mga larawang inanyuan; ang kanilang mga anak ay gayon din, at ang mga anak ng kanilang mga anak, kung ano ang ginawa ng kanilang mga magulang ay gayon ang ginawa nila hanggang sa araw na ito.

II Mga Hari 18

1 Nangyari nga, nang ikatlong taon ni Oseas na anak ni Ela na hari sa Israel, na si Ezechias na anak ni Achaz na hari sa Juda ay nagpasimulang maghari.

2 May dalawangpu’t limang taon siya nang magpasimulang maghari; at siya’y nagharing dalawangpu’t siyam na taon sa Jerusalem: at ang pangalan ng kaniyang ina ay Abi na anak ni Zacharias.

3 At siya’y gumawa ng matuwid sa harap ng mga mata ng Panginoon, ayon sa lahat na ginawa ni David na kaniyang magulang.

4 Kaniyang inalis ang mga mataas na dako, at sinira ang mga haligi, at ibinagsak ang mga Asera: at kaniyang pinagputolputol ang ahas na tanso na ginawa ni Moises; sapagka’t hanggang sa mga araw na yaon ay pinagsusunugan ng kamangyan ng mga anak ni Israel; at pinanganlang Nehustan.

5 Siya’y tumiwala sa Panginoon, na Dios ng Israel; na anopa’t nang mamatay siya ay walang naging gaya niya sa lahat ng hari sa Juda, o sa nangauna man sa kaniya.

6 Sapagka’t siya’y lumakip sa Panginoon; siya’y hindi humiwalay ng pagsunod sa kaniya, kundi iningatan ang kaniyang mga utos na iniutos ng Panginoon kay Moises.

7 At ang Panginoon ay sumasa kaniya; saan man siya lumabas ay gumiginhawa siya; at siya’y nanghimagsik laban sa hari sa Asiria, at hindi niya pinaglingkuran.

8 Kaniyang sinaktan ang mga Filisteo hanggang sa Gaza, at ang mga hangganan niyaon, mula sa moog ng bantay hanggang sa bayang nakukutaan.

9 At nangyari, nang ikaapat na taon ng haring Ezechias, na siyang ikapitong taon ni Oseas na anak ni Ela na hari sa Israel, na si Salmanasar na hari sa Asiria ay umahon laban sa Samaria, at kinubkob niya.

10 At sa katapusan ng tatlong taon ay kanilang sinakop: sa makatuwid baga’y nang ikaanim na taon ni Ezechias, na siyang ikasiyam na taon ni Oseas na hari sa Israel, ang Samaria ay sinakop.

11 At dinala ng hari sa Asiria ang Israel sa Asiria, at inilagay sa Hala, at sa Habor, sa ilog ng Gozan, at sa mga bayan ng mga Medo:

12 Sapagka’t hindi nila sinunod ang tinig ng Panginoon nilang Dios, kundi kanilang sinalangsang ang kaniyang tipan, ang lahat na iniutos ni Moises na lingkod ng Panginoon, at hindi dininig o ginawa man.

13 Nang ikalabing apat na taon nga ng haring Ezechias ay umahon si Sennacherib na hari sa Asiria laban sa lahat na bayang nakukutaan ng Juda, at pinagsakop.

14 At si Ezechias na hari sa Juda ay nagsugo sa hari sa Asiria sa Lachis, na nagsasabi, Ako’y nagkasala; talikdan mo ako: ang iyong ipabayad sa akin ay aking babayaran. At siningil ng hari sa Asiria si Ezechias na hari sa Juda ng tatlong daang talentong pilak at tatlong pung talentong ginto.

15 At ibinigay ni Ezechias ang lahat na pilak na nasumpungan sa bahay ng Panginoon, at sa mga kayamanan ng bahay ng hari.

16 Nang panahong yaon ay inihiwalay ni Ezechias ang ginto sa mga pintuan ng templo ng Panginoon, at sa mga haligi na binalutan ni Ezechias na hari sa Juda, at ibinigay sa hari sa Asiria.

17 At sinugo ng hari sa Asiria si Thartan at si Rab-saris, at si Rabsaces, sa haring kay Ezechias na mula sa Lachis na may malaking hukbo sa Jerusalem. At sila’y nagsiahon at nagsiparoon sa Jerusalem. At nang sila’y mangakaahon, sila’y nagsiparoon at nagsitayo sa tabi ng padaluyan ng tubig ng mataas na tipunan ng tubig na nasa lansangan sa parang ng tagapagpaputi ng kayo.

18 At nang matawag na nila ang hari, ay nilabas sila ni Eliacim na anak ni Hilcias, na siyang katiwala ng bahay, at ni Sebna na kalihim, at ni Joah na anak ni Asaph na kasangguni.

19 At sinabi ni Rabsaces sa kanila, Sabihin ninyo ngayon kay Ezechias, Ganito ang sabi ng dakilang hari, ng hari sa Asiria, Anong pagasa ito sa iyong tinitiwalaan?

20 Iyong sinasabi (nguni’t mga salitang walang kabuluhan lamang) May payo at kalakasan sa pakikipagdigma. Ngayon, kanino ka tumitiwala, na ikaw ay nanghimagsik laban sa akin?

21 Ngayon, narito, ikaw ay tumitiwala sa tungkod na ito na kahoy na lapok, sa makatuwid baga’y sa Egipto; na kung sinoman ay sumandal, ay tutuhog sa kaniyang kamay, at palalagpasan: gayon si Faraon na hari sa Egipto sa lahat na tumitiwala sa kaniya.

22 Nguni’t kung inyong sabihin sa akin: Kami ay tumitiwala sa Panginoon naming Dios: hindi ba siya’y yaong inalisan ni Ezechias ng mga mataas na dako, at ng mga dambana, at nagsabi sa Juda at sa Jerusalem, Kayo’y magsisisamba sa harap ng dambanang ito sa Jerusalem?

23 Isinasamo ko nga ngayon sa iyo na magbigay ka ng mga sangla sa aking panginoon na hari sa Asiria, at bibigyan kita ng dalawang libong kabayo, kung ikaw ay makapaglalagay sa ganang iyo ng mga mangangabayo sa mga yaon.

24 Paano ngang iyong mapapipihit ang mukha ng isang punong kawal sa pinaka mababa sa mga lingkod ng aking panginoon, at iyong ilalagak ang iyong tiwala sa Egipto dahil sa mga karo at sa mga mangangabayo?

25 Ako ba’y umahon na di ko kasama ang Panginoon laban sa dakong ito upang lipulin? Sinabi ng Panginoon sa akin, Ikaw ay umahon laban sa lupaing ito, at iyong lipulin.

26 Nang magkagayo’y sinabi ni Eliacim na anak ni Hilcias, at si Sebna, at ni Joah, kay Rabsaces. Isinasamo ko sa iyo na magsalita ka sa iyong mga lingkod ng wikang Siria; sapagka’t aming naiintindihan yaon; at huwag kang magsalita sa amin ng wikang Judio, sa mga pakinig ng bayan na nasa kuta.

27 Nguni’t sinabi ni Rabsaces sa kanila, Sinugo ba ako ng aking panginoon sa iyong panginoon, at sa iyo, upang salitain ang mga salitang ito? di ba niya ako sinugo sa mga lalake na nangakaupo sa kuta, upang magsikain ng kanilang sariling dumi, at upang magsiinom ng kanilang sariling ihi na kasalo ninyo?

28 Nang magkagayo’y si Rabsaces ay tumayo at sumigaw ng malakas sa wikang Judio, at nagsalita, na sinasabi, Dinggin ninyo ang salita ng dakilang hari, ng hari sa Asiria.

29 Ganito ang sabi ng hari, Huwag kayong dayain ni Ezechias; sapagka’t hindi niya kayo maililigtas sa kaniyang kamay.

30 Ni patiwalain man kayo ni Ezechias sa Panginoon, na sabihin, Walang pagsalang ililigtas tayo ng Panginoon, at ang bayang ito ay hindi mabibigay sa kamay ng hari sa Asiria.

31 Huwag ninyong dinggin si Ezechias: sapagka’t ganito ang sabi ng hari sa Asiria, Makipagpayapaan kayo sa akin, at labasin ninyo ako; at kumain ang bawa’t isa sa inyo ng bunga ng kaniyang puno ng ubas, at ang bawa’t isa ng bunga ng kaniyang puno ng igos, at uminom ang bawa’t isa sa inyo ng tubig ng kaniyang sariling balon;

32 Hanggang sa ako’y dumating at dalhin ko kayo sa isang lupaing gaya ng inyong sariling lupain, na lupain ng trigo at ng alak, na lupain ng tinapay at ng mga ubasan, na lupain ng langis na olibo at ng pulot, upang kayo’y mangabuhay, at huwag mangamatay: at huwag ninyong dinggin si Ezechias, pagka kayo’y hinihikayat niya, na sinasabi, Ililigtas tayo ng Panginoon.

33 Nagligtas ba kailan man ang sinoman sa mga dios sa mga bansa ng kaniyang lupain sa kamay ng hari sa Asiria?

34 Saan nandoon ang mga dios ng Hamath, at ng Arphad? Saan nandoon ang mga dios ng Sepharvaim, ng Hena, at ng Hiva? Iniligtas ba nila ang Samaria sa aking kamay?

35 Sino sa kanila sa lahat na dios ng mga lupain, ang nagligtas ng kanilang lupain sa aking kamay, na ililigtas ng Panginoon ang Jerusalem sa aking kamay?

36 Nguni’t ang bayan ay tumahimik, at hindi sumagot ng kahit isang salita: sapagka’t utos ng hari, na sinasabi, Huwag ninyong sagutin siya.

37 Nang magkagayo’y naparoon si Eliacim na anak ni Hilcias, na siyang katiwala sa sangbahayan, at si Sebna na kalihim, at si Joah na anak ni Asaph na kasangguni, kay Ezechias na ang kanilang suot ay hapak, at isinaysay sa kaniya ang mga salita ni Rabsaces.

II Mga Hari 19

1 At nangyari, nang mabalitaan ng haring Ezechias, ay hinapak niya ang kaniyang mga suot, at nagbalot ng kayong magaspang, at pumasok sa bahay ng Panginoon.

2 At kaniyang sinugo si Eliacim, na katiwala sa bahay, at si Sebna na kalihim, at ang mga matanda sa mga saserdote na may mga balot na kayong magaspang, kay Isaias na propeta na anak ni Amos.

3 At sinabi nila sa kaniya, Ganito ang sabi ni Ezechias, Ang araw na ito ay araw ng kabagabagan, at ng pagsaway, at ng pagkutya: sapagka’t ang mga anak ay nagsidating sa kapanganakan, at walang kalakasang ilabas.

4 Marahil ay didinggin ng Panginoon mong Dios ang lahat ng mga salita ni Rabsaces na siyang sinugo ng kaniyang panginoon na hari sa Asiria upang tungayawin ang buhay na Dios, at sasansalain ang mga salita na narinig ng Panginoon mong Dios: kaya’t idalangin mo ang labis na natitira.

5 Sa gayo’y ang mga lingkod ng haring Ezechias ay nagsiparoon kay Isaias.

6 At sinabi ni Isaias sa kanila, Ganito ang inyong sasabihin sa inyong panginoon, Ganito ang sabi ng Panginoon, Huwag kang matakot sa mga salita na iyong narinig, na ipinanungayaw sa akin ng mga lingkod ng hari sa Asiria.

7 Narito, ako’y maglalagay ng isang espiritu sa kaniya, at siya’y makakarinig ng kaingay, at babalik sa kaniyang sariling lupain; at aking ipabubuwal siya sa pamamagitan ng tabak sa kaniyang sariling lupain.

8 Sa gayo’y bumalik si Rabsaces, at nasumpungan ang hari sa Asiria na nakikipagdigma laban sa Libna: sapagka’t nabalitaan niya na kaniyang nilisan ang Lachis.

9 At ng kaniyang marinig na sabihin ang tungkol kay Thiraca na hari sa Ethiopia, Narito, siya’y lumabas upang lumaban sa iyo, siya’y nagsugo ng mga sugo uli kay Ezechias, na sinasabi,

10 Ganito ang inyong sasalitain kay Ezechias na hari sa Juda, na sasabihin, Huwag kang dayain ng Dios na iyong tinitiwalaan na sabihin, Ang Jerusalem ay hindi mabibigay sa kamay ng hari sa Asiria.

11 Narito, nabalitaan mo ang ginawa ng mga hari sa Asiria sa lahat ng lupain, sa paglipol na lubos sa kanila: at maliligtas ka ba?

12 Iniligtas ba sila ng mga dios ng mga bansa na nilipol ng aking mga magulang, gaya ng Gozan, at ng Haran, at ng Reseph, at ng mga anak ni Eden na nangasa Thalasar?

13 Saan nandoon ang hari sa Hamath, at ang hari sa Arphad, at ang hari sa bayan ng Sepharvaim, ng Hena, at ng Hiva?

14 At tinanggap ni Ezechias ang sulat sa kamay ng mga sugo, at binasa; at pumanhik si Ezechias sa bahay ng Panginoon, at iniladlad sa harap ng Panginoon.

15 At si Ezechias ay dumalangin sa harap ng Panginoon at nagsabi, Oh Panginoon, na Dios ng Israel na nauupo sa mga querubin, ikaw ang Dios, ikaw lamang sa lahat ng kaharian sa lupa; ikaw ang lumikha ng langit at lupa.

16 Ikiling mo ang iyong pakinig, Oh Panginoon, at iyong dinggin; idilat mo ang iyong mga mata, Oh Panginoon, at tumingin ka: at dinggin mo ang mga salita ni Sennacherib, na kaniyang ipinasugo upang ipanungayaw sa buhay na Dios.

17 Sa katotohanan, Panginoon, sinira ng mga hari sa Asiria ang mga bansa, at ang kanilang mga lupain,

18 At inihagis ang kanilang mga dios sa apoy: sapagka’t sila’y hindi mga dios, kundi gawa ng mga kamay ng mga tao, na kahoy at bato; kaya’t kanilang nilipol ang mga yaon.

19 Ngayon nga, Oh Panginoon naming Dios, iligtas mo kami, isinasamo ko sa iyo sa kaniyang kamay, upang makilala ng lahat na kaharian sa lupa na ikaw ang Panginoong Dios, ikaw lamang.

20 Nang magkagayo’y nagsugo si Isaias na anak ni Amos kay Ezechias, na nagsasabi, Ganito ang sabi ng Panginoon, ng Dios ng Israel, Yamang ikaw ay dumalangin sa akin laban kay Sennacherib na hari sa Asiria, dininig kita.

21 Ito ang salita na sinalita ng Panginoon tungkol sa kaniya. Niwalang kabuluhan ka ng anak na dalaga ng Sion at tinatawanan ka, ang anak na babae ng Jerusalem ay iginalaw ang kaniyang ulo sa iyo.

22 Sino ang iyong pinulaan at tinungayaw? at laban kanino itinaas mo ang iyong tinig at ipinandilat mo ang iyong mga mata ng mataas? sa makatuwid baga’y laban sa Isang Banal ng Israel.

23 Sa pamamagitan ng iyong mga sugo ay iyong pinulaan ang Panginoon, at sinabi mo, Sa karamihan ng aking mga karo ako’y nakaahon sa kataasan ng mga bundok, sa mga kaloobloobang bahagi ng Libano; at aking ibubuwal ang mga matayog na sedro niyaon, at ang mga piling puno ng abeto niyaon: at ako’y papasok sa kaniyang pinaka malayong tuluyan, sa gubat ng kaniyang mabungang bukid.

24 Ako’y humukay at uminom ng tubig ng iba, at aking tutuyuin ang lahat na ilog ng Egipto ng talampakan ng aking mga paa.

25 Hindi mo ba nabalitaan kung paanong aking ginawa na malaon na, at aking iniakma ng una? ngayo’y aking pinapangyari, upang iyong sirain ang mga bayang nakukutaan na magiging mga guho na bunton.

26 Kaya’t ang kanilang mga mananahan ay may munting kapangyarihan, sila’y nanganglupaypay at nangatulig; sila’y gaya ng damo sa bukid, at ng sariwang gugulayin, na gaya ng damo sa mga bubungan, at gaya ng trigo na lanta bago nakalaki.

27 Nguni’t talastas ko ang iyong pagupo, at ang iyong paglabas, at ang iyong pagpasok, at ang iyong pag-iinit laban sa akin.

28 Dahil sa iyong galit laban sa akin, at dahil sa iyong kagilasan ay dumating sa aking mga pakinig, kaya’t aking ikakawit ang aking taga sa iyong ilong, at ang aking paningkaw sa iyong mga labi, at ibabalik kita sa daan na iyong pinanggalingan.

29 At ito ang magiging tanda sa iyo: ikaw ay kakain sa taong ito ng tumutubo sa sarili, at sa ikalawang taon ay ang tumubo roon; at sa ikatlong taon ay maghasik kayo, at umani, at mag-ubasan, at kanin ninyo ang bunga niyaon.

30 At ang nalabi na nakatanan sa mga anak ni Juda ay maguugat uli sa ilalim, at magbubunga sa itaas,

31 Sapagka’t sa Jerusalem ay lalabas ang isang nalabi, at sa bundok ng Sion ay silang magtatanan: gaganapin ito ng sikap ng Panginoon.

32 Kaya’t ganito ang sabi ng Panginoon, tungkol sa hari sa Asiria. Siya’y hindi paririto sa bayang ito, o magpapahilagpos man ng pana riyan, ni haharap man siya riyan na may kalasag, o maghahagis man ng bunton laban doon.

33 Sa daang kaniyang pinanggalingan, doon din siya babalik, at hindi siya darating sa bayang ito, sabi ng Panginoon.

34 Sapagka’t aking ipagsasanggalang ang bayang ito upang iligtas, dahil sa akin at dahil sa aking lingkod na si David.

35 At nangyari, nang gabing yaon, na ang anghel ng Panginoon ay lumabas, at nanakit sa kampamento ng mga taga Asiria ng isang daan at walong pu’t limang libo: at nang ang mga tao ay magsibangong maaga sa kinaumagahan, narito, silang lahat ay mga bangkay.

36 Sa gayo’y umalis si Sennacherib na hari sa Asiria, at yumaon, at bumalik, at tumahan sa Ninive.

37 At nangyari, nang siya’y sumamba sa bahay ni Nisroch na kaniyang dios, na sinugatan siya ng tabak ni Adramelech, at ni Saresar: at sila’y nagsitanan na patungo sa lupain ng Ararat. At si Esar-hadon na kaniyang anak ay naghari na kahalili niya.