II Mga Hari 20

1 Nang mga araw na yaon ay may sakit na ikamamatay si Ezechias. At si Isaias na propeta na anak ni Amos ay naparoon sa kaniya, at nagsabi sa kaniya, Ganito ang sabi ng Panginoon, Ayusin mo ang iyong bahay; sapagka’t ikaw ay mamamatay, at hindi mabubuhay.

2 Nang magkagayo’y kaniyang ipinihit ang kaniyang mukha sa panig ng bahay, at nanalangin sa Panginoon, na nagsasabi,

3 Idinadalangin ko sa iyo, Oh Panginoon, na iyong alalahanin, kung paanong ako’y lumakad sa harap mo sa katotohanan, at may dalisay na puso at gumawa ng mabuti sa iyong paningin. At si Ezechias ay umiyak na mainam.

4 At nangyari, bago si Isaias ay lumabas sa pinakaloob ng bayan, na ang salita ng Panginoon ay dumating sa kaniya, na nagsasabi,

5 Bumalik ka uli, at sabihin mo kay Ezechias na pangulo ng aking bayan. Ganito ang sabi ng Panginoon ng Dios ni David na iyong magulang, Aking narinig ang iyong panalangin, aking nakita ang iyong mga luha: narito, aking pagagalingin ka: sa ikatlong araw ay sasampa ka sa bahay ng Panginoon.

6 At aking idadagdag sa iyong mga kaarawan ay labing limang taon; at aking ililigtas ka at ang bayang ito sa kamay ng hari sa Asiria; at aking ipagsasanggalang ang bayang ito dahil sa akin, at dahil sa aking lingkod na si David.

7 At sinabi ni Isaias, Kayo’y magsikuha ng isang binilong igos. At kinuha nila at itinapal sa bukol at siya’y gumaling.

8 At sinabi ni Ezechias kay Isaias, Ano ang magiging tanda na ako’y pagagalingin ng Panginoon, at ako’y sasampa sa bahay ng Panginoon sa ikatlong araw?

9 At sinabi ni Isaias, Ito ang magiging tanda sa iyo na mula sa Panginoon, na gagawin ng Panginoon ang bagay na kaniyang sinalita: magpapauna ba ang anino ng sangpung grado, o magpapahuli ng sangpung grado?

10 At sumagot si Ezechias, Magaang bagay sa anino na kumiling ng sangpung grado: hindi, kundi pahulihin ang anino ng sangpung grado.

11 At si Isaias na propeta ay dumalangin sa Panginoon: at kaniyang pinapagpahuli ang anino ng sangpung grado, na nakababa na sa orasan ni Achaz.

12 Nang panahong yaon ay si Berodach-baladan, na anak ni Baladan, na hari sa Babilonia, ay nagpadala ng mga sulat at ng kaloob kay Ezechias: sapagka’t kaniyang nabalitaan na si Ezechias ay nagkasakit.

13 At dininig ni Ezechias sila, at ipinakita sa kanila ang buong bahay ng kaniyang mahalagang mga bagay, ang pilak, at ang ginto, at ang mga espesia, at ang mahalagang langis, at ang bahay na taguan ng kaniyang sandata, at ang lahat na nasusumpungan sa mga kayamanan niya: walang anoman sa kaniyang bahay, o sa buong kaniyang sakop, na hindi ipinakita sa kanila ni Ezechias.

14 Nang magkagayo’y naparoon si Isaias na propeta sa haring Ezechias, at nagsabi sa kaniya, Anong sinasabi ng mga lalaking ito? at saan nagsipanggaling na napasa iyo? At sinabi ni Ezechias, Sila’y nagsipanggaling sa malayong lupain, sa makatuwid baga’y sa Babilonia.

15 At kaniyang sinabi, Anong kanilang nakita sa iyong bahay? At sumagot si Ezechias. Lahat na nasa aking bahay ay kanilang nakita: walang anomang bagay na nasa aking mga kayamanan na di ko ipinakita sa kanila.

16 At sinabi ni Isaias kay Ezechias, Dinggin mo ang salita ng Panginoon.

17 Narito, ang mga kaarawan ay dumarating, na ang lahat na nangasa iyong bahay, at ang itinago ng iyong mga magulang hanggang sa araw na ito, ay dadalhin sa Babilonia: walang maiiwan, sabi ng Panginoon.

18 At ang ilan sa iyong mga anak na magmumula sa iyo na iyong ipanganganak, sila’y dadalhin; at sila’y magiging bating sa bahay ng hari sa Babilonia.

19 Nang magkagayo’y sinabi ni Ezechias kay Isaias, Mabuti ang salita ng Panginoon na iyong sinalita. Kaniyang sinabi, bukod dito, Hindi ba, kung magkakaroon ng kapayapaan at katotohanan sa aking mga kaarawan?

20 Ang iba nga sa mga gawa ni Ezechias, at ang buo niyang kapangyarihan, at kung paano niyang ginawa ang tipunan ng tubig, at ang padaluyan, at nagdala ng tubig sa bayan, hindi ba nangasusulat sa aklat ng mga alaala sa mga hari sa Juda?

21 At natulog si Ezechias na kasama ng kaniyang mga magulang: at si Manases na kaniyang anak ay naghari na kahalili niya.

II Mga Hari 21

1 Si Manases ay may labing dalawang taon nang magpasimulang maghari; at siya’y nagharing limangpu’t limang taon sa Jerusalem: at ang pangalan ng kaniyang ina ay Hepsi-ba.

2 At siya’y gumawa ng masama sa paningin ng Panginoon, ayon sa mga karumaldumal ng mga bansa, na pinalayas ng Panginoon sa harap ng mga anak ni Israel.

3 Sapagka’t kaniyang itinayo uli ang mga mataas na dako na iginiba ni Ezechias na kaniyang ama; at kaniyang ipinagtayo ng mga dambana si Baal, at gumawa ng Asera, gaya ng ginawa ni Achab na hari sa Israel, at sumamba sa lahat ng natatanaw sa langit, at naglingkod sa kanila.

4 At siya’y nagtayo ng mga dambana sa bahay ng Panginoon, na pinagsabihan ng Panginoon, Sa Jerusalem ay ilalagay ko ang aking pangalan.

5 At kaniyang ipinagtayo ng mga dambana ang lahat na natatanaw sa langit sa dalawang looban ng bahay ng Panginoon.

6 At kaniyang pinaraan ang kaniyang anak sa apoy, at nagpamahiin, at nagsanay ng panghuhula, at nakipagsanggunian sa masamang espiritu, at sa mga mahiko: siya’y gumawa ng maraming kasamaan sa paningin ng Panginoon, upang mungkahiin niya siya sa galit.

7 At siya’y naglagay ng larawang inanyuan na Asera, na kaniyang ginawa, sa bahay na pinagsabihan ng Panginoon kay David, at kay Salomon na kaniyang anak, Sa bahay na ito, at sa Jerusalem, na aking pinili sa lahat na lipi ng Israel, aking ilalagay ang aking pangalan magpakailan man.

8 At hindi ko na pagagalain pa ang mga paa ng Israel sa labas ng lupain na aking ibinigay sa kanilang mga magulang, kung kanila lamang tutuparing gawin ang ayon sa lahat na aking iniutos sa kanila, at ayon sa buong kautusan na iniutos sa kanila ng aking lingkod na si Moises.

9 Nguni’t hindi nila dininig: at hinikayat sila ni Manases na gumawa ng lalong masama kay sa ginawa ng mga bansa, na pinaglipol ng Panginoon sa harap ng mga anak ni Israel.

10 At ang Panginoon ay nagsalita sa pamamagitan ng kaniyang mga lingkod na mga propeta, na nagsasabi,

11 Sapagka’t ginawa ni Manases na hari sa Juda ang mga karumaldumal na ito, at gumawa ng kasamaan na higit kay sa lahat na ginawa ng mga Amorrheo, na una sa kaniya, at ipinapagkasala sa Juda naman sa pamamagitan ng kaniyang mga diosdiosan:

12 Kaya’t ganito ang sabi ng Panginoon, ng Dios ng Israel, Narito, aking dadalhin ang ganiyang kasamaan sa Jerusalem at sa Juda, na sinomang makabalita ay magpapanting ang dalawang tainga.

13 At aking paaabutin sa Jerusalem ang pising panukat ng Samaria, at ang pabato ng bahay ni Achab: at aking lilinisin ang Jerusalem gaya ng paglilinis ng isang tao ng isang pinggan, na nililinis at itinataob.

14 At aking ihihiwalay ang nalabi sa aking mana, at aking ibibigay sa kamay ng kanilang mga kaaway: at sila’y magiging bihag at samsam sa lahat nilang kaaway.

15 Sapagka’t gumawa sila ng masama sa aking paningin at minungkahi nila ako sa galit, mula nang araw na ang kanilang mga magulang ay magsilabas sa Egipto, hanggang nga sa araw na ito.

16 Bukod dito’y nagbubong mainam si Manases ng dugong walang sala, hanggang sa kaniyang napuno ang Jerusalem mula sa isang dulo hanggang sa kabila; bukod sa kaniyang sala na kaniyang ipinapagkasala sa Juda, sa paggawa ng masama sa paningin ng Panginoon.

17 Ang iba nga sa mga gawa ni Manases, at ang lahat niyang ginawa, at ang sala na kaniyang ipinagkasala, di ba nangasusulat sa aklat ng mga alaala sa mga hari sa Juda?

18 At si Manases ay natulog na kasama ng kaniyang mga magulang, at nalibing sa halamanan ng kaniyang sariling bahay, sa halamanan ng Uzza: at si Amon na kaniyang anak ay naghari na kahalili niya.

19 Si Amon ay may dalawang pu’t dalawang taon nang siya’y magpasimulang maghari; at siya’y nagharing dalawang taon sa Jerusalem: at ang pangalan ng kaniyang ina ay Mesalemeth na anak ni Harus na taga Jotba.

20 At siya’y gumawa ng masama sa paningin ng Panginoon gaya ng ginawa ni Manases na kaniyang ama.

21 At siya’y lumakad ng buong lakad na inilakad ng kaniyang ama, at naglingkod sa mga diosdiosan na pinaglingkuran ng kaniyang ama, at sinamba niya ang mga yaon:

22 At binayaan ang Panginoon, ang Dios ng kaniyang mga magulang, at hindi lumakad sa daan ng Panginoon.

23 At ang mga lingkod ni Amon ay nagsipagbanta laban sa kaniya, at pinatay ang hari sa kaniyang sariling bahay.

24 Nguni’t pinatay ng bayan ng lupain ang lahat na nagsipagbanta laban sa haring Amon; at ginawang hari ng bayan ng lupain si Josias na kaniyang anak na kahalili niya.

25 Ang iba nga sa mga gawa ni Amon na kaniyang ginawa, di ba nangasusulat sa aklat ng mga alaala sa mga hari sa Juda?

26 At siya’y nalibing sa kaniyang libingan sa halamanan ng Uzza; at si Josias na kaniyang anak ay naghari na kahalili niya.

II Mga Hari 22

1 Si Josias ay may walong taon nang magpasimulang maghari; at siya’y nagharing tatlongpu’t isang taon sa Jerusalem: at ang pangalan ng kaniyang ina ay Idida na anak ni Adaia na taga Boscat.

2 At siya’y gumawa ng matuwid sa harap ng mga mata ng Panginoon, at lumakad sa buong lakad ni David na kaniyang magulang, at hindi lumiko sa kanan o sa kaliwa.

3 At nangyari, nang ikalabing walong taon ng haring Josias, na sinugo ng hari si Saphan na anak ni Azalia, na anak ni Mesullam, na kalihim, sa bahay ng Panginoon, na sinasabi,

4 Ahunin mo si Hilcias na dakilang saserdote, upang kaniyang bilangin ang salapi na ipinasok sa bahay ng Panginoon, na tinipon sa bayan ng tagatanod-pinto:

5 At ibinigay sa kamay ng mga manggagawa na siyang tumitingin ng gawain sa bahay ng Panginoon; at ibigay sa mga manggagawa na nangasa bahay ng Panginoon, upang husayin ang mga sira ng bahay.

6 Sa mga anluwagi, at sa mga manggagawa, at sa mga kantero at sa pagbili ng kahoy, at ng batong tabas upang husayin ang bahay.

7 Gayon ma’y walang pagtutuos na ginawa sila sa kanila sa salapi na nabigay sa kanilang kamay; sapagka’t kanilang ginawang may pagtatapat.

8 At si Hilcias na dakilang saserdote ay nagsabi kay Saphan na kalihim, Aking nasumpungan ang aklat ng kautusan sa bahay ng Panginoon. At ibinigay ni Hilcias ang aklat kay Saphan, at kaniyang binasa.

9 At si Saphan na kalihim ay naparoon sa hari, at nagbalik ng salita sa hari, at nagsabi, Inilabas ng iyong mga lingkod ang salapi na nasumpungan sa bahay, at ibinigay sa kamay ng mga manggagawa na siyang tumitingin ng gawain sa bahay ng Panginoon.

10 At isinaysay ni Saphan na kalihim, sa hari na sinasabi, Si Hilcias na saserdote ay nagbigay sa akin ng isang aklat.

11 At binasa ni Saphan sa harap ng hari. At nangyari, nang marinig ng hari ang mga salita ng aklat ng kautusan, na kaniyang hinapak ang kaniyang suot.

12 At ang hari ay nagutos kay Hilcias na saserdote, at kay Ahicam na anak ni Saphan, at kay Achbor na anak ni Michaia, at kay Saphan na kalihim, at kay Asaia na lingkod ng hari, na sinasabi,

13 Kayo’y magsiyaon, isangguni ninyo sa Panginoon ako, at ang bayan, at ang buong Juda, tungkol sa mga salita ng aklat na ito na nasumpungan: sapagka’t malaki ang pagiinit ng Panginoon na nabugso sa atin, sapagka’t hindi dininig ng ating mga magulang ang mga salita ng aklat na ito, na gawin ang ayon sa lahat na nasusulat tungkol sa atin.

14 Sa gayo’y si Hilcias na saserdote, at si Ahicam, at si Achbor, at si Saphan, at si Asaia, ay nagsiparoon kay Hulda na propetisa, na asawa ni Sallum na anak ni Ticva na anak ni Araas, na katiwala sa mga kasuutan (siya nga’y tumatahan sa Jerusalem sa ikalawang bahagi;) at sila’y nakipagsanggunian sa kaniya.

15 At sinabi niya sa kanila, Ganito, ang sabi ng Panginoon, ng Dios ng Israel: Saysayin ninyo sa lalake na nagsugo sa inyo sa akin,

16 Ganito ang sabi ng Panginoon, Narito, ako’y magdadala ng kasamaan sa dakong ito, at sa mga tagarito, sa makatuwid baga’y lahat na salita ng aklat na nabasa ng hari sa Juda:

17 Sapagka’t kanilang pinabayaan ako, at nagsunog ng kamangyan sa ibang mga dios, upang ipamungkahi nila ako sa galit sa lahat na gawa ng kanilang mga kamay, kaya’t ang aking pagiinit ay magaalab sa dakong ito, at hindi mapapatay.

18 Nguni’t sa hari sa Juda, na nagsugo sa inyo upang magusisa sa Panginoon, ganito ang sasabihin ninyo sa kaniya, Ganito ang sabi ng Panginoon, ng Dios ng Israel. Tungkol sa mga salita na inyong narinig.

19 Sapagka’t ang iyong puso ay malumanay, at ikaw ay nagpakababa sa harap ng Panginoon, nang iyong marinig ang aking sinalita laban sa dakong ito, at laban sa mga tagarito na sila’y magiging kagibaan, at sumpa, at hinapak mo ang iyong kasuutan, at umiyak sa harap ko: ay dininig naman kita, sabi ng Panginoon.

20 Kaya’t narito, ipipisan kita sa iyong mga magulang, at ikaw ay malalagay sa iyong libingan na payapa, at hindi makikita ng iyong mga mata ang lahat ng kasamaan na aking dadalhin sa dakong ito. At sila’y nagbalik ng salita sa hari.

II Mga Hari 23

1 At ang hari ay nagsugo, at pinisan nila sa kaniya ang lahat na matanda sa Juda, at sa Jerusalem.

2 At sumampa ang hari sa bahay ng Panginoon, at ang lahat na lalake ng Juda, at ang lahat na taga Jerusalem na kasama niya, at ang mga saserdote, at ang mga propeta, at ang buong bayan, maliit at gayon din ang malaki: at kanilang binasa sa kanilang mga pakinig ang lahat na salita ng aklat ng tipan na nasumpungan sa bahay ng Panginoon.

3 At ang hari ay tumayo sa tabi ng haligi, at nakipagtipan sa harap ng Panginoon, upang lumakad ng ayon sa Panginoon, at upang ingatan ang kaniyang mga utos, at ang kaniyang mga patotoo, at ang kaniyang mga palatuntunan, ng buong puso at ng buong kaluluwa, upang tuparin ang mga salita ng tipang ito na nasusulat sa aklat na ito: at ang buong bayan ay nananayo sa tipan.

4 At inutusan ng hari si Hilcias na dakilang saserdote, at ang mga saserdote sa ikalawang hanay, at ang mga tagatanod-pinto, na ilabas sa templo ng Panginoon ang lahat na kasangkapan na ginawa kay Baal at sa mga Asera, at sa lahat na natatanaw sa langit; at kaniyang sinunog sa labas ng Jerusalem sa mga parang ng Cedron, at dinala ang mga abo niyaon sa Beth-el.

5 At kaniyang inalis ang mga saserdote na palasamba sa mga dios-diosan na inihalal ng mga hari sa Juda na nagpasunog ng kamangyan sa mga mataas na dako sa mga bayan ng Juda, at sa mga dakong nangasa palibot ng Jerusalem; pati silang nagsisipagsunog ng kamangyan kay Baal, sa araw, at sa buwan, at sa mga tala, at sa lahat ng natatanaw sa langit.

6 At kaniyang inilabas ang mga Asera sa bahay ng Panginoon, sa labas ng Jerusalem sa batis ng Cedron, at sinunog sa batis ng Cedron, at dinurog, at inihagis ang nangadurog niyaon sa libingan ng karaniwang mga tao.

7 At kaniyang ibinagsak ang mga bahay ng mga sodomita, na nangasa bahay ng Panginoon, na pinagtatahian ng mga tabing ng mga babae para sa mga Asera.

8 At dinala ang lahat na saserdote mula sa mga bayan ng Juda, at nilapastangan ang mga mataas na dako, sa pinagsusunugan ng kamangyan ng mga saserdote, mula sa Geba hanggang sa Beerseba; at kaniyang ibinagsak ang mga mataas na dako ng mga pintuang-bayan na nangasa pasukan ng pintuang-bayan ni Josue, na tagapamahala ng bayan, na nangasa kaliwa ng pasukan sa pintuan ng bayan.

9 Gayon ma’y ang mga saserdote sa mga mataas na dako ay hindi sumampa sa dambana ng Panginoon sa Jerusalem, kundi sila’y nagsikain ng tinapay na walang lebadura sa gitna ng kanilang mga kapatid.

10 At kaniyang nilapastangan ang Topheth, na nasa libis ng mga anak ni Hinnom, upang huwag paraanin ng sinoman ang kaniyang anak na lalake o babae sa apoy kay Moloch.

11 At kaniyang inalis ang mga kabayo na ibinigay ng hari ng Juda sa araw, sa pasukan ng bahay ng Panginoon, sa siping ng silid ni Nathan-melech na kamarero, na nasa looban; at sinunog niya sa apoy ang mga karo ng araw.

12 At ang mga dambana na nangasa bubungan ng silid sa itaas ni Achaz, na ginawa ng mga hari sa Juda, at ang mga dambana na ginawa ni Manases sa dalawang looban ng bahay ng Panginoon ay ipinagbabagsak ng hari, at pinaggigiba mula roon, at inihagis ang alabok ng mga yaon sa batis ng Cedron.

13 At ang mga mataas na dako na nangasa harap ng Jerusalem, na nasa kanan ng bundok ng kapahamakan, na itinayo ng haring Salomon kay Asthareth na karumaldumal ng mga Sidonio, at kay Chemos na karumaldumal ng Moab, at sa kay Milcom na karumaldumal ng mga anak ni Ammon, ay nilapastangan ng hari.

14 At kaniyang pinagputolputol ang mga haligi na pinakaalaala, at pinutol ang mga Asera, at pinuno ang kanilang mga dako ng mga buto ng tao.

15 Bukod dito’y ang dambana na nasa Bethel at ang mataas na dako na ginawa ni Jeroboam, na anak ni Nabat, na nakapagkasala sa Israel, sa makatuwid baga’y ang dambanang yaon at ang mataas na dako ay kaniyang ibinagsak; at kaniyang sinunog ang mataas na dako at dinurog, at sinunog ang mga Asera.

16 At pagpihit ni Josias, ay kaniyang natanawan ang mga libingan na nangasa bundok; at siya’y nagsugo, at kinuha ang mga buto sa mga libingan, at sinunog sa dambana, at dinumhan, ayon sa salita ng Panginoon na itinanyag ng lalake ng Dios, na siyang nagtanyag ng mga bagay na ito.

17 Nang magkagayo’y kaniyang sinabi, Anong monumento yaong aking nakikita? At isinaysay ng mga lalake ng bayan sa kaniya, Yao’y libingan ng lalake ng Dios, na nanggaling sa Juda, at itinanyag ang mga bagay na ito na iyong ginawa laban sa dambana sa Beth-el.

18 At kaniyang sinabi, Bayaan ninyo; huwag galawin ng sinoman ang mga buto niya. Sa gayo’y binayaan nila ang mga buto niya, na kasama ng mga buto ng propeta na nanggaling sa Samaria.

19 At ang lahat na bahay naman sa mga mataas na dako na nangasa bayan ng Samaria, na ginawa ng mga hari sa Israel upang mungkahiin ang Panginoon sa galit, ay pinagaalis ni Josias, at ginawa sa mga yaon ang ayon sa lahat na gawa na kaniyang ginawa sa Beth-el.

20 At kaniyang pinatay ang lahat na saserdote sa mga mataas na dako na nangandoon, sa ibabaw ng mga dambana, at sinunog ang mga buto ng mga tao sa mga yaon; at siya’y bumalik sa Jerusalem.

21 At iniutos ng hari sa buong bayan, na sinasabi, Ipagdiwang ninyo ang paskua sa Panginoon ninyong Dios, gaya ng nasusulat sa aklat na ito ng tipan.

22 Tunay na hindi ipinagdiwang ang gayong paskua mula sa mga araw ng mga hukom na naghukom sa Israel, o sa lahat ng mga araw man ng mga hari sa Israel, o ng mga hari man sa Juda;

23 Kundi nang ikalabing walong taon ng haring Josias ay ipinagdiwang ang paskuang ito sa Panginoon sa Jerusalem.

24 Bukod dito’y sila na nakikipagsanggunian sa masamang espiritu, at ang mga manghuhula, at ang mga terap, at ang mga diosdiosan, at ang lahat na karumaldumal na natanawan sa lupain ng Juda, at sa Jerusalem, ay pinagaalis ni Josias, upang kaniyang matupad ang mga salita ng kautusan na nasusulat sa aklat na nasumpungan ni Hilcias na saserdote sa bahay ng Panginoon.

25 At walang naging hari na gaya niya na una sa kaniya, na bumalik sa Panginoon ng buong puso niya, at ng buong kaluluwa niya, at ng buong kapangyarihan niya, ayon sa buong kautusan ni Moises; ni may bumangon mang sumunod sa kaniya na gaya niya.

26 Gayon ma’y hindi tinalikdan ng Panginoon ang bagsik ng kaniyang malaking pag-iinit, na ipinagalab ng kaniyang galit laban sa Juda, dahil sa lahat na pamumungkahi na iminungkahi ni Manases sa kaniya.

27 At sinabi ng Panginoon, Akin ding aalisin ang Juda sa aking paningin, gaya ng aking pagaalis sa Israel, at aking itatakuwil ang bayang ito na aking pinili, sa makatuwid baga’y ang Jerusalem, at ang bahay na aking pinagsabihan. Ang pangalan ko’y doroon.

28 Ang iba nga sa mga gawa ni Josias, at ang lahat na kaniyang ginawa, di ba nangasusulat sa aklat ng mga alaala sa mga hari sa Juda?

29 Nang mga kaarawan niya, si Faraon-nechao na hari sa Egipto at umahon laban sa hari sa Asiria, sa ilog Eufrates: at ang haring Josias ay naparoon laban sa kaniya; at pinatay niya siya sa Megiddo, nang makita niya siya.

30 At dinala siyang patay ng kaniyang mga lingkod sa isang karo, mula sa Megiddo at dinala siya sa Jerusalem, at inilibing siya sa kaniyang sariling libingan. At kinuha ng bayan ng lupain si Joachaz na anak ni Josias, at pinahiran ng langis siya, at ginawa siyang hari na kahalili ng kaniyang ama.

31 Si Joachaz ay may dalawangpu’t tatlong taon nang siya’y magpasimulang maghari; at siya’y nagharing tatlong buwan sa Jerusalem: at ang pangalan ng kaniyang ina ay Amutal na anak ni Jeremias na taga Libna.

32 At siya’y gumawa ng masama sa paningin ng Panginoon, ayon sa lahat na ginawa ng kaniyang mga magulang.

33 At inilagay ni Faraon-nechao siya sa pangawan sa Ribla, sa lupain ng Hamath, upang siya’y huwag makapaghari sa Jerusalem; at siningilan ang bayan ng isang daang talentong pilak, at isang talentong ginto.

34 At ginawa ni Faraon-nechao si Eliacim na anak ni Josias, na hari na kahalili ni Josias, na kaniyang ama, at pinalitan ang kaniyang pangalan ng Joacim: nguni’t kaniyang dinala si Joachaz; at siya’y naparoon sa Egipto, at namatay roon.

35 At ibinigay ni Joacim ang pilak at ginto kay Faraon; nguni’t kaniyang pinabuwis ang lupain upang magbigay ng salapi ayon sa utos ni Faraon; kaniyang siningil ang pilak at ginto ng bayan ng lupain, sa bawa’t isa ayon sa ipinabuwis niya upang ibigay kay Faraon-nechao.

36 Si Joacim ay may dalawangpu’t limang taon nang magpasimulang maghari: at siya’y nagharing labing isang taon sa Jerusalem: at ang pangalan ng kaniyang ina ay Zebuda na anak ni Pedaia na taga Ruma.

37 At siya’y gumawa ng masama sa paningin ng Panginoon, ayon sa lahat na ginawa ng kaniyang mga magulang.

II Mga Hari 24

1 Nang kaniyang mga kaarawan ay umahon si Nabucodonosor na hari sa Babilonia, at si Joacim ay naging kaniyang alipin na tatlong taon: nang magkagayo’y bumalik siya at nanghimagsik laban sa kaniya.

2 At ang Panginoon ay nagsugo laban sa kaniya ng mga pulutong ng mga Caldeo, at ng mga pulutong ng mga taga Siria, at ng mga pulutong ng mga Moabita, at ng mga pulutong ng mga anak ni Ammon, at sinugo sila laban sa Juda upang lipulin ayon sa salita ng Panginoon, na kaniyang sinalita sa pamamagitan ng kaniyang mga lingkod na mga propeta.

3 Tunay na sa utos ng Panginoon ay dumating ito sa Juda, upang alisin sila sa kaniyang paningin, dahil sa mga kasalanan ni Manases, ayon sa lahat niyang ginawa.

4 At dahil naman sa walang salang dugo na kaniyang ibinubo; sapagka’t kaniyang pinuno ang Jerusalem ng walang salang dugo: at hindi pinatawad ng Panginoon.

5 Ang iba nga sa mga gawa ni Joacim, at ang lahat niyang ginawa, di ba nangasusulat sa aklat ng mga alaala sa mga hari sa Juda.

6 Sa gayo’y natulog si Joacim na kasama ng kaniyang mga magulang: at si Joachin na kaniyang anak ay naghari na kahalili niya.

7 At ang hari sa Egipto ay hindi na bumalik pa mula sa kaniyang lupain: sapagka’t sinakop ng hari ng Babilonia, mula sa batis ng Egipto hanggang sa ilog Eufrates, lahat na nauukol sa hari sa Egipto.

8 Si Joachin ay may labing walong taon nang siya’y magpasimulang maghari; at siya’y naghari sa Jerusalem na tatlong buwan: at ang pangalan ng kaniyang ina ay Neusta na anak na babae ni Elnathan na taga Jerusalem.

9 At siya’y gumawa ng masama sa paningin ng Panginoon, ayon sa lahat na ginawa ng kaniyang ama.

10 Nang panahong yao’y ang mga lingkod ni Nabucodonosor, na hari sa Babilonia ay nagsiahon sa Jerusalem, at ang bayan ay nakubkob.

11 At si Nabucodonosor, na hari sa Babilonia ay naparoon sa bayan, samantalang ang kaniyang mga lingkod ay nangakukulong.

12 At nilabas ni Joachin na hari sa Juda ang hari sa Babilonia, niya, at ng kaniyang ina, at ng kaniyang mga lingkod, at ng kaniyang mga prinsipe, at ng kaniyang mga pinuno: at kinuha siya ng hari ng Babilonia sa ikawalong taon ng kaniyang paghahari.

13 At dinala niya mula roon ang lahat na kayamanan ng bahay ng Panginoon, at ang mga kayamanan ng bahay ng hari, at pinagputolputol ang lahat na kasangkapang ginto na ginawa ng haring Salomon sa templo ng Panginoon, gaya ng sinabi ng Panginoon.

14 At kaniyang dinala ang buong Jerusalem, at ang lahat na prinsipe, at ang lahat na makapangyarihang lalake na may tapang, sa makatuwid baga’y sangpung libong bihag, at ang lahat na manggagawa at mangbabakal; walang nalabi liban sa mga pinakadukha sa bayan ng lupain.

15 At dinala niya si Joachin sa Babilonia; at ang ina ng hari, at ang mga asawa ng hari, at ang kaniyang mga pinuno, at ang mga pinakamahal sa lupain, ay dinala niya sa pagkabihag sa Babilonia mula sa Jerusalem.

16 At ang lahat na makapangyarihang lalake na pitong libo, at ang mga manggagawa at ang mga mangbabakal na isang libo, lahat na sa kanila ay malakas at matalino sa pakikipagdigma, ay pinagdadalang bihag sa Babilonia ng hari.

17 At ginawa ng hari sa Babilonia na hari si Matanias na kapatid ng ama ni Joachin na kahalili niya, at binago ang kaniyang pangalan ng Sedecias.

18 Si Sedecias ay may dalawangpu’t isang taon nang magpasimulang maghari, at siya’y nagharing labing isang taon sa Jerusalem: at ang pangalan ng kaniyang ina ay Amutal na anak ni Jeremias na taga Libna.

19 At siya’y gumawa ng masama sa paningin ng Panginoon, ayon sa lahat na ginawa ni Joachin.

20 Sapagka’t sa pamamagitan ng galit ng Panginoon ay nangyari sa Jerusalem at sa Juda, hanggang sa kaniyang itinaboy sila sa kaniyang harap: at si Sedecias ay nanghimagsik laban sa hari sa Babilonia.

II Mga Hari 25

1 At nangyari nang ikasiyam na taon ng kaniyang paghahari sa ikasangpung buwan, nang ikasangpung araw ng buwan, na si Nabucodonosor na hari sa Babilonia ay naparoon, siya at ang buo niyang hukbo, laban sa Jerusalem, at humantong laban doon; at nagsipagtayo sila ng mga kuta sa palibot laban doon.

2 Sa gayo’y nakubkob ang bayan hanggang sa ikalabing isang taon ng haring Sedecias.

3 Nang ikasiyam na araw ng ikaapat na buwan, ang kagutom ay lumala sa bayan, na anopa’t walang tinapay sa bayan ng lupain.

4 Nang magkagayo’y gumawa ng isang butas sa kuta ng bayan, at ang lahat na lalaking mangdidigma ay nagsitakas sa gabi sa daan ng pintuang-bayan sa pagitan ng dalawang kuta, na nasa siping ng halamanan ng hari (ang mga Caldeo nga ay nangasa tapat ng palibot ng bayan;) at ang hari ay yumaon sa daan ng Araba.

5 Nguni’t hinabol ng hukbo ng mga Caldeo ang hari, at inabutan nila siya sa mga kapatagan ng Jerico: at ang buo niyang hukbo ay nangalat sa kaniya.

6 Nang magkagayo’y kinuha nila ang hari at dinala nila siya sa hari sa Babilonia sa Ribla; at sila’y nangagbigay ng kahatulan sa kaniya.

7 At kanilang pinatay ang mga anak ni Sedecias, sa harap ng kaniyang mga mata, at inukit ang mga mata ni Sedecias at siya’y nilagyan ng damal, at dinala siya sa Babilonia.

8 Nang ikalimang buwan nga, nang ikapitong araw ng buwan, na siyang ikalabing siyam na taon ng haring Nabucodonosor, na hari sa Babilonia, ay naparoon sa Jerusalem si Nabuzaradan na punong kawal ng bantay, na lingkod ng hari sa Babilonia.

9 At kaniyang sinunog ang bahay ng Panginoon, at ang bahay ng hari; at ang lahat na bahay sa Jerusalem, sa makatuwid baga’y bawa’t malaking bahay, ay sinunog niya ng apoy.

10 At ibinagsak ang mga kuta ng Jerusalem sa palibot, ng buong hukbo ng mga Caldeo, na kasama ng punong kawal ng bantay.

11 At ang nalabi na mga tao na naiwan sa bayan, at yaong nagsihiwalay, na nagsihilig sa hari sa Babilonia, at ang labi sa karamihan, ay dinalang bihag ni Nabuzaradan na punong kawal ng bantay.

12 Nguni’t iniwan ng punong kawal ng bantay ang mga pinakadukha sa lupain upang maging maguubas at magbubukid.

13 At ang mga haliging tanso na nangasa bahay ng Panginoon, at ang mga tungtungan at ang dagatdagatan na tanso na nasa bahay ng Panginoon, ay dinurog ng mga Caldeo, at dinala ang tanso sa Babilonia.

14 At ang mga palayok, at ang mga pala, at ang mga gunting, at ang mga kutchara, at ang lahat na kasangkapan na tanso na kanilang ipinangangasiwa, ay kanilang dinala.

15 At ang mga apuyan, at ang mga mangkok; na ang sa ginto, ay ginto, at ang sa pilak ay pilak, pinagdadala ng punong kawal ng bantay.

16 Ang dalawang haligi, ang dagatdagatan, at ang mga tungtungan, na ginawa ni Salomon sa bahay ng Panginoon; ang tanso ng lahat ng kasangkapang ito ay walang timbang.

17 Ang taas ng isang haligi ay labing walong siko, at isang kapitel na tanso ang nasa dulo niyaon; at ang taas ng kapitel ay tatlong siko, na may yaring lambat at mga granada sa kapitel sa palibot, lahat ay tanso; at mayroong gaya ng mga ito ang ikalawang haligi na may yaring lambat.

18 At kinuha ng punong kawal ng bantay si Saraias na dakilang saserdote, at si Sophonias na ikalawang saserdote, at ang tatlong tagatanod-pinto:

19 At sa bayan ay kumuha siya ng isang pinuno na inilagay sa mga lalaking mangdidigma: at limang lalake sa kanila na nakakita ng mukha ng hari na nangasumpungan sa bayan: at ang kalihim, ang punong kawal ng hukbo, na humusay ng bayan ng lupain; at anim na pung lalake ng bayan ng lupain, na nangasumpungan sa bayan.

20 At kinuha sila ni Nabuzaradan na punong kawal ng bantay, at dinala sila sa hari sa Babilonia sa Ribla.

21 At sinaktan sila ng hari sa Babilonia, at pinatay sila sa Ribla, sa lupain ng Hamath. Sa gayo’y dinala ang Juda na bihag mula sa kaniyang lupain.

22 At tungkol sa bayan na naiwan sa lupain ng Juda, na iniwan ni Nabucodonosor na hari sa Babilonia, ay sa mga yaon ginawa niyang tagapamahala si Gedalias na anak ni Ahicam, na anak ni Saphan.

23 Nang mabalitaan nga ng lahat ng pinuno ng mga hukbo, nila, at ng kanilang mga lalake, na ginawang tagapamahala si Gedalias ng hari sa Babilonia, ay nagsiparoon sila kay Gedalias sa Mizpa, sa makatuwid bagay si Ismael na anak ni Nathanias, at si Johanan na anak ni Carea, at si Saraia na anak ni Tanhumet, na Netofatita, at si Jaazanias na anak ng Maachateo, sila at ang kanilang mga lalake.

24 At si Gedalias ay sumampa sa kanila at sa kanilang mga lalake, at nagsabi sa kanila, Kayo’y huwag mangatakot ng dahil sa mga lingkod ng mga Caldeo: magsitahan kayo sa lupain, at kayo’y magsipaglingkod sa hari sa Babilonia, at ikabubuti ninyo.

25 Nguni’t nangyari nang ikapitong buwan, na si Ismael na anak ni Nathanias, na anak ni Elisama, na mula sa lahing hari, at sangpung lalake na kasama niya, ay naparoon, at sinaktan si Gedalias, na anopa’t namatay, at ang mga Judio at ang mga Caldeo, na mga kasama niya sa Mizpa.

26 At ang buong bayan, maliit at gayon din ang malaki, at ang mga pinuno ng hukbo, ay nagsitindig, at nagsiparoon sa Egipto; sapagka’t sila’y nangatakot sa mga Caldeo.

27 At nangyari nang ikatatlongpu’t pitong taon ng pagkabihag ni Joachin na hari sa Juda, nang ikalabing dalawang buwan, nang ikadalawangpu’t pitong araw ng buwan, na si Evil-merodach na hari sa Babilonia, nang taon na siya’y magpasimulang maghari, ay itinaas ang ulo ni Joachin na hari sa Juda sa bilangguan;

28 At siya’y nagsalita na may kagandahang loob sa kaniya, at inilagay ang kaniyang luklukan sa itaas ng luklukan ng mga hari na kasama niya sa Babilonia.

29 At kaniyang pinalitan ang kaniyang damit na pagkabihag. At kumain si Joachin ng tinapay sa harap niya na palagi sa lahat ng kaarawan ng kaniyang buhay.

30 At tungkol sa kaloob sa kaniya, may palaging kaloob na ibinibigay sa kaniya ang hari, bawa’t araw isang bahagi ng pagkain, lahat ng mga araw ng kaniyang buhay.

I Mga Hari 1

1 Si David na hari nga ay matanda at totoong magulang na; at kanilang tinakpan siya ng mga kumot, nguni’t siya’y hindi naiinitan.

2 Kaya’t sinabi ng mga lingkod niya sa kaniya, Ihanap ang aking panginoon na hari ng isang dalaga: at patayuin siya sa harap ng hari, at libangin niya siya; at mahiga siya sa iyong sinapupunan, upang ang aking panginoon na hari ay mainitan.

3 Sa gayo’y inihanap nila siya ng isang magandang dalaga sa lahat ng mga hangganan ng Israel, at nasumpungan si Abisag na Sunamita, at dinala sa hari.

4 At ang dalaga ay totoong maganda: at kaniyang nilibang ang hari at nagaalaga sa kaniya; nguni’t hindi siya ginalaw ng hari.

5 Nang magkagayo’y nagmataas si Adonia na anak ni Haggith, na nagsabi, Ako’y magiging hari: at siya’y naghanda ng mga karo at mga mangangabayo, at limang pung lalaking mananakbo sa unahan niya.

6 At hindi siya kinasamaan ng loob ng kaniyang ama kailan man, na nagsabi, Bakit ka gumawa ng ganyan? at siya’y totoong makisig na lalake rin naman; at siya’y ipinanganak na kasunod ni Absalom.

7 At siya’y nakipagsalitaan kay Joab na anak ni Sarvia, at sa saserdoteng kay Abiathar: at pagsunod nila kay Adonia ay nagsitulong sa kaniya.

8 Nguni’t si Sadoc na saserdote, at si Benaia na anak ni Joiada, at si Nathan na propeta, at si Semei, at si Reihi, at ang mga makapangyarihang lalake na nauukol kay David, ay hindi kasama ni Adonia.

9 At nagpatay si Adonia ng mga tupa, at mga baka at ng mga pinataba sa siping ng bato ng Zoheleth, na nasa tabi ng Enrogel: at kaniyang tinawag ang lahat niyang kapatid na mga anak ng hari, at ang lahat na lalake sa Juda na mga lingkod ng hari.

10 Nguni’t si Nathan na propeta, at si Benaia, at ang mga makapangyarihang lalake, at si Salomon na kaniyang kapatid ay hindi niya tinawag.

11 Nang magkagayo’y nagsalita si Nathan kay Bath-sheba na ina ni Salomon, na nagsasabi, Hindi mo ba nabalitaan na naghahari si Adonia na anak ni Haggith, at hindi nalalaman ni David na ating panginoon?

12 Ngayon nga’y parito ka, isinasamo ko sa iyo, na bigyang payo kita, upang iyong mailigtas ang iyong sariling buhay, at ang buhay ng iyong anak na si Salomon.

13 Ikaw ay yumaon, at pasukin mo ang haring si David, at sabihin mo sa kaniya, Di ba, panginoon ko, isinumpa mo sa iyong lingkod, na iyong sinasabi, Tunay na si Salomon na iyong anak ay maghahari pagkamatay ko, at siya’y uupo sa aking luklukan? bakit nga maghahari si Adonia?

14 Narito, samantalang nagsasalita ka pa roon sa hari, ay papasok naman ako na kasunod mo, at aking patototohanan ang iyong mga salita.

15 At pinasok ni Bath-sheba ang hari sa silid; at ang hari ay totoong matanda na; at si Abisag na Sunamita ay siyang nagaalaga sa hari.

16 At si Bath-sheba ay yumukod at nagbigay galang sa hari. At sinabi ng hari, Anong ibig mo?

17 At sinabi niya sa kaniya, Panginoon ko, isinumpa mo ang Panginoon mong Dios sa iyong lingkod, na sinasabi, Tunay na si Salomon na iyong anak ay maghahari pagkamatay ko, at siya’y uupo sa aking luklukan.

18 At ngayo’y narito, si Adonia ay naghahari; at ikaw, panginoon ko na hari, ay hindi mo nalalaman;

19 At siya’y pumatay ng mga baka, at mga pinataba, at tupa na sagana, at tinawag ang lahat na anak ng hari, at si Abiathar na saserdote, at si Joab na puno ng hukbo: nguni’t si Salomon na iyong lingkod ay hindi niya tinawag.

20 At ikaw, panginoon ko na hari, ang mga mata ng buong Israel ay nasa iyo, upang iyong saysayin sa kanila kung sino ang uupo sa luklukan ng aking panginoon na hari pagkamatay niya.

21 Sa ibang paraa’y mangyayari, na pagka ang aking panginoon na hari ay natutulog na kasama ng kaniyang mga magulang, na ako at ang aking anak na si Salomon ay mabibilang sa mga may sala.

22 At, narito, samantalang siya’y nakikipagsalitaan pa sa hari, ay pumasok si Nathan na propeta.

23 At kaniyang isinaysay sa hari, na sinasabi, Narito, si Nathan na propeta. At nang siya’y dumating sa harap ng hari, siya’y yumukod ng kaniyang mukha sa lupa sa harap ng hari.

24 At sinabi ni Nathan, Panginoon ko, Oh hari, iyo bang sinabi, Si Adonia ay maghahari pagkamatay ko, at siya’y uupo sa aking luklukan?

25 Sapagka’t siya’y lumusong nang araw na ito, at nagpatay ng mga baka, at mga pinataba, at mga tupa na sagana, at tinawag ang lahat na anak ng hari, at ang mga puno ng hukbo, at si Abiathar na saserdote; at, narito, sila’y nagkakainan at nagiinuman sa harap niya at nagsisipagsabi, Mabuhay ang haring si Adonia.

26 Nguni’t ako, akong iyong lingkod, at si Sadoc na saserdote, at si Benaia na anak ni Joiada, at ang iyong lingkod na si Salomon, hindi niya tinawag.

27 Ang bagay na ito baga ay ginawa ng aking panginoon na hari, at hindi mo ipinakilala sa iyong mga lingkod kung sino ang uupo sa luklukan ng aking panginoon na hari pagkamatay niya?

28 Nang magkagayo’y sumagot ang haring si David, at nagsabi, Tawagin ninyo sa akin si Bath-sheba. At siya’y pumasok sa harap ng hari, at tumayo sa harap ng hari.

29 At sumumpa ang hari, at nagsabi, Buhay ang Panginoon, na tumubos ng aking kaluluwa sa lahat ng karalitaan,

30 Katotohanang kung paanong sumumpa ako sa iyo sa pangalan ng Panginoon, na Dios ng Israel, na sinasabi, Tunay na si Salomon na iyong anak ay maghahari pagkamatay ko, at siya’y uupo sa aking luklukan na kahalili ko; katotohanang gayon ang aking gagawin sa araw na ito.

31 Nang magkagayo’y iniyukod ni Bath-sheba ang kaniyang mukha sa lupa, at nagbigay galang sa hari, at nagsabi, Mabuhay ang aking panginoon na haring si David magpakailan man.

32 At sinabi ng haring si David, Tawagin ninyo sa akin si Sadoc na saserdote, at si Nathan na propeta, at si Benaia na anak ni Joiada. At sila’y pumasok sa harap ng hari.

33 At sinabi ng hari sa kanila, Ipagsama ninyo ang mga lingkod ng inyong panginoon, at pasakayin ninyo ang aking anak na si Salomon sa aking sariling mula, at ilusong ninyo siya sa Gihon.

34 At pahiran siya ng langis doon ni Sadoc na saserdote at ni Nathan na propeta na maging hari sa Israel: at kayo’y magsihihip ng pakakak, at magsipagsabi, Mabuhay ang haring si Salomon.

35 Kung magkagayo’y magsisiahon kayong kasunod niya, at siya’y paririto, at uupo sa aking luklukan: sapagka’t siya’y magiging hari, na kahalili ko: at inihalal ko siyang maging prinsipe sa Israel at sa Juda.

36 At si Benaia na anak ni Joiada ay sumagot sa hari, at nagsabi, Siya nawa: ang Panginoon, ang Dios ng aking panginoon na hari ay magsabi nawa ng ganyan din.

37 Kung paanong ang Panginoon ay sumaaking panginoon na hari ay gayon suma kay Salomon at gawin nawa ang kaniyang luklukang lalong dakila kay sa luklukan ng aking panginoong haring si David.

38 Sa gayo’y si Sadoc na saserdote at si Nathan na propeta, at si Benaia na anak ni Joiada, at ang mga Ceretheo, at ang mga Peletheo ay nagsibaba, at pinasakay si Salomon sa mula ng haring si David, at dinala sa Gihon.

39 At kinuha ni Sadoc na saserdote ang sisidlang sungay ng langis mula sa Tolda, at pinahiran ng langis si Salomon. At sila’y humihip ng pakakak; at ang buong bayan ay nagsabi, Mabuhay ang haring si Salomon.

40 At ang buong bayan ay nagsiahong kasunod niya, at ang bayan ay humihip ng mga plauta, at nangagalak ng malaking pagkagalak, anopa’t ang lupa ay umalingawngaw sa hugong nila.

41 At narinig ni Adonia at ng buong inanyayahan na nasa kaniya pagkatapos nilang makakain. At nang marinig ni Joab ang tunog ng pakakak, ay kaniyang sinabi, Anong dahil nitong hugong sa bayan na kaingay?

42 Samantalang siya’y nagsasalita pa, narito, si Jonathan na anak ni Abiathar na saserdote ay dumating at si Adonia ay nagsabi, Pumasok ka; sapagka’t ikaw ay karapatdapat na tao, at nagdadala ka ng mabubuting balita.

43 At si Jonathan ay sumagot, at nagsabi kay Adonia, Katotohanang ginawang hari si Salomon ng ating panginoong haring si David:

44 At sinugo ng hari na kasama niya si Sadoc na saserdote, at si Nathan na propeta, at si Benaia na anak ni Joiada, at ang mga Ceretheo at ang mga Peletheo at pinasakay nila siya sa mula ng hari:

45 At siya’y pinapaging hari na pinahiran ng langis ni Sadoc na saserdote at ni Nathan na propeta sa Gihon: at sila’y nagsiahong galak mula roon, na anopa’t ang bayan ay umalingawngaw uli. Ito ang hugong na iyong narinig.

46 At si Salomon naman ay nauupo sa luklukan ng kaharian.

47 At bukod dito’y ang mga lingkod ng hari ay nagsiparoon upang purihin ang ating panginoong haring si David, na nagsisipagsabi, Gawin nawa ng iyong Dios ang pangalan ni Salomon na lalong maigi kay sa iyong pangalan, at gawin ang kaniyang luklukan na lalong dakila kay sa iyong luklukan; at ang hari ay yumukod sa kaniyang higaan.

48 At ganito pa ang sinabi ng hari, Purihin ang Panginoon, ang Dios ng Israel, na siyang nagbigay sa akin ng isa na makakaupo sa aking luklukan sa araw na ito, na nakita ng aking mga mata.

49 At ang lahat na inanyayahan ni Adonia ay nangatakot at nagsitindig, at yumaon bawa’t isa sa kaniyang lakad.

50 At natakot si Adonia dahil kay Salomon: at siya’y tumindig at yumaon, at pumigil sa mga anyong sungay ng dambana.

51 At nasaysay kay Salomon na sinasabi, Narito, si Adonia ay natatakot sa haring Salomon: sapagka’t, narito, siya’y pumigil sa mga anyong sungay ng dambana, na nagsasabi, Isumpa ng haring Salomon sa akin sa araw na ito, na hindi niya papatayin ng tabak ang kaniyang lingkod.

52 At sinabi ni Salomon, Kung siya’y pakikilalang karapatdapat na tao, ay walang malalaglag na isang buhok sa kaniya sa lupa; nguni’t kung kasamaan ang masumpungan sa kaniya siya’y mamamatay.

53 Sa gayo’y nagsugo ang haring Salomon, at kanilang ibinaba siya mula sa dambana. At siya’y naparoon at nagbigay galang sa haring Salomon; at sinabi ni Salomon sa kaniya, Umuwi ka sa iyong bahay.

I Mga Hari 2

1 Ang mga araw nga ni David na ikamamatay ay nalalapit; at kaniyang ibinilin kay Salomon na kaniyang anak, na sinasabi,

2 Ako’y yumayaon ng lakad ng buong lupa; ikaw ay magpakalakas nga at magpakalalake;

3 At iyong ingatan ang bilin ng Panginoon mong Dios, na lumakad sa kaniyang mga daan, na ingatan ang kaniyang mga palatuntunan, ang kaniyang mga utos, at ang kaniyang mga kahatulan, at ang kaniyang mga patotoo, ayon sa nasusulat sa kautusan ni Moises, upang ikaw ay guminhawa sa lahat ng iyong ginagawa, at saan ka man pumihit:

4 Upang papagtibayin ng Panginoon ang kaniyang salita na kaniyang sinalita tungkol sa akin, na sinasabi, Kung ang iyong mga anak ay magsisipagingat sa kanilang lakad, na lalakad sa harap ko sa katotohanan ng kanilang buong puso at ng kanilang buong kaluluwa, hindi ka kukulangin (sabi niya) ng lalake sa luklukan ng Israel.

5 Bukod dito’y talastas mo naman ang ginawa ni Joab na anak ni Sarvia sa akin, sa makatuwid baga’y ang ginawa niya sa dalawang puno ng mga hukbo ng Israel, kay Abner na anak ni Ner, at kay Amasa na anak ni Jether na kaniyang pinatay, at ibinubo sa kapayapaan ang dugo ng pakikidigma at nabubo ang dugo ng pakikidigma sa kaniyang bigkis na nasa kaniyang mga balakang, at sa loob ng kaniyang mga pangyapak na nasa kaniyang mga paa.

6 Gumawa ka nga ng ayon sa iyong karunungan, at huwag mong tulutang ang kaniyang uban sa ulo ay bumabang payapa sa Sheol.

7 Nguni’t pagpakitaan mo ng kagandahang loob ang mga anak ni Barzillai na Galaadita, at maging kabilang sa nagsisikain sa iyong dulang; sapagka’t gayon sila nagsilapit sa akin nang ako’y tumakas kay Absalom na iyong kapatid.

8 At, narito, nasa iyo si Semei na anak ni Gera na Benjamita, na taga Bahurim, na siyang sumumpa sa akin ng mahigpit na sumpa nang araw na ako’y pumaroon sa Mahanaim: nguni’t nilusong niyang sinalubong ako sa Jordan, at isinumpa ko sa kaniya ang Panginoon, na sinasabi, Hindi kita papatayin ng tabak.

9 Ngayon nga’y huwag mong ariing walang sala, sapagka’t ikaw ay lalaking pantas: at iyong maaalaman ang dapat gawin sa kaniya, at iyong ilusong na may dugo ang kaniyang uban sa ulo sa Sheol.

10 At si David ay natulog na kasama ng kaniyang mga magulang, at nalibing sa bayan ni David.

11 At ang mga araw na ipinaghari ni David sa Israel ay apat na pung taon: pitong taong naghari siya sa Hebron, at tatlong pu’t tatlong taong naghari siya sa Jerusalem.

12 At si Salomon ay naupo sa luklukan ni David na kaniyang ama: at ang kaniyang kaharian ay natatag na mainam.

13 Nang magkagayo’y si Adonia na anak ni Hagith ay naparoon kay Bath-sheba na ina ni Salomon. At kaniyang sinabi, Naparirito ka bang payapa? At sinabi niya, Payapa.

14 Kaniyang sinabi bukod dito: Mayroon pa akong sasabihin sa iyo. At sinabi niya, Sabihin mo.

15 At kaniyang sinabi, Talastas mo na ang kaharian ay naging akin, at itinitig ng buong Israel ang kanilang mukha sa akin, upang ako’y maghari: gayon ma’y ang kaharian ay nagbago, at napasa aking kapatid: sapagka’t kaniya sa ganang Panginoon.

16 At ngayo’y hihingi ako ng isang hiling sa iyo, huwag mo akong pahindian. At sinabi niya sa kaniya, Sabihin mo.

17 At kaniyang sinabi, Isinasamo ko sa iyo na iyong salitain kay Salomon na hari, (sapagka’t hindi siya pahihindi sa iyo,) na ibigay niyang asawa sa akin si Abisag na Sunamita.

18 At sinabi ni Bath-sheba, Mabuti; aking ipakikiusap ka sa hari.

19 Si Bath-sheba nga’y naparoon sa haring Salomon, upang ipakiusap sa kaniya si Adonia. At tumindig ang hari na sinalubong siya, at yumukod siya sa kaniya, at umupo sa kaniyang luklukan, at nagpalagay ng luklukan para sa ina ng hari; at siya’y naupo sa kaniyang kanan.

20 Nang magkagayo’y sinabi niya, Ako’y humihingi ng isang munting hiling sa iyo: huwag mo akong pahindian. At sinabi ng hari sa kaniya, Hilingin mo, ina ko: sapagka’t hindi kita pahihindian.

21 At sinabi niya, Ibigay mong asawa si Abisag na Sunamita sa iyong kapatid na kay Adonia.

22 At ang haring Salomon ay sumagot, at nagsabi sa kaniyang ina, At bakit mo hinihiling si Abisag na Sunamita para kay Adonia? hilingin mo para sa kaniya pati ng kaharian; sapagka’t siya’y aking matandang kapatid; oo, para sa kaniya, at kay Abiathar na saserdote, at kay Joab na anak ni Sarvia.

23 Nang magkagayo’y isinumpa ng haring Salomon ang Panginoon, na sinasabi, Hatulan ako ng Dios, at lalo na kung si Adonia ay hindi nagsalita ng salitang ito laban sa kaniyang sariling buhay.

24 Ngayon nga’y buhay ang Panginoon, na nagtatag sa akin, at naglagay sa akin sa luklukan ni David na aking ama, at siyang gumawa sa akin ng isang bahay, gaya ng kaniyang ipinangako, tunay na si Adonia ay papatayin sa araw na ito.

25 At nagsugo ang haring Salomon sa pamamagitan ng kamay ni Benaia na anak ni Joiada; at siyang dumaluhong sa kaniya, na anopa’t siya’y namatay.

26 At kay Abiathar na saserdote ay sinabi ng hari, Umuwi ka sa Anathoth, sa iyong sariling mga bukid; sapagka’t ikaw ay karapatdapat sa kamatayan: nguni’t sa panahong ito’y hindi kita papatayin, sapagka’t iyong dinala ang kaban ng Panginoong Dios sa harap ni David na aking ama, at sapagka’t ikaw ay napighati sa lahat ng kinapighatian ng aking ama.

27 Sa gayo’y inalis ni Salomon si Abiathar sa pagkasaserdote sa Panginoon upang kaniyang tuparin ang salita ng Panginoon, na kaniyang sinalita tungkol sa sangbahayan ni Eli, sa Silo.

28 At ang mga balita ay dumating kay Joab: sapagka’t si Joab ay umanib kay Adonia, bagaman hindi siya umanib kay Absalom. At si Joab ay tumakas na napatungo sa Tolda ng Panginoon, at pumigil sa mga anyong sungay ng dambana.

29 At nasaysay sa haring Salomon, Si Joab ay tumakas na napatungo sa Tolda ng Panginoon, at, narito, siya’y nasa siping ng dambana. Nang magkagayo’y sinugo niya si Benaia na anak ni Joiada, na sinasabi, Ikaw ay yumaon, daluhungin mo siya.

30 At si Benaia ay naparoon sa Tolda ng Panginoon, at nagsabi sa kaniya, Ganito ang sabi ng hari, Lumabas ka. At kaniyang sinabi, Hindi; kundi ako’y mamamatay rito, At dinala ni Benaia sa hari ang salita uli, na sinasabi, Ganito ang sinabi ni Joab, at ganito ang isinagot sa akin.

31 At sinabi ng hari sa kaniya, Gawin kung paano ang sinabi niya, at daluhungin mo siya, at ilibing mo siya; upang iyong maalis ang dugo na ibinubo ni Joab ng walang kadahilanan sa akin at sa sangbahayan ng aking ama.

32 At ibabalik ng Panginoon ang kaniyang dugo sa kaniyang sariling ulo, sapagka’t siya’y dumaluhong sa dalawang lalake, na lalong matuwid, at maigi kay sa kaniya, at mga pinatay ng tabak, at hindi nalalaman ng aking amang si David, sa makatuwid baga’y si Abner na anak ni Ner, na puno ng hukbo ng Israel, at si Amasa na anak ni Jether, na puno ng hukbo ng Juda.

33 Sa gayo’y ang kanilang dugo ay mababalik sa ulo ni Joab, at sa ulo ng kaniyang binhi magpakailan man: nguni’t kay David, at sa kaniyang binhi, at sa kaniyang sangbahayan, sa kaniyang luklukan ay magkakaroon ng kapayapaan magpakailan man na mula sa Panginoon.

34 Nang magkagayo’y sinampa ni Benaia na anak ni Joiada, at dinaluhong siya, at pinatay siya; at siya’y inilibing sa kaniyang sariling bahay sa ilang.

35 At inilagay ng hari si Benaia na anak ni Joiada na kahalili niya sa hukbo: at si Sadoc na saserdote ay inilagay ng hari na kahalili ni Abiathar.

36 At ang hari ay nagsugo at ipinatawag si Semei, at sinabi sa kaniya, Magtayo ka ng isang bahay sa Jerusalem, at tumahan ka roon, at huwag kang pumaroon saan man na mula roon.

37 Sapagka’t sa araw na ikaw ay lumabas, at tumawid sa batis ng Cedron, talastasin mong mainam, na ikaw ay walang pagsalang mamamatay: ang iyong dugo ay sasa iyong sariling ulo.

38 At sinabi ni Semei sa hari, Ang sabi ay mabuti: kung paanong sinabi ng aking panginoong hari, gayon gagawin ng iyong lingkod. At si Semei ay tumahan sa Jerusalem na malaon.

39 At nangyari, sa katapusan ng tatlong taon, na dalawa sa mga alipin ni Semei ay tumanan na pumaroon kay Achis, na anak ni Maacha, hari sa Gath. At kanilang sinaysay kay Semei, na sinasabi, Narito, ang iyong mga alipin ay nasa Gath.

40 At tumindig si Semei, at siniyahan ang kaniyang asno, at napasa Gath kay Achis, upang hanapin ang kaniyang mga alipin: at si Semei ay yumaon at dinala ang kaniyang mga alipin mula sa Gath.

41 At nasaysay kay Salomon na si Semei ay naparoon sa Gath mula sa Jerusalem, at bumalik uli.

42 At ang hari ay nagsugo at ipinatawag si Semei, at nagsabi sa kaniya, Di ba ipinasumpa ko sa iyo ang Panginoon, at ipinatalastas kong totoo sa iyo, na aking sinasabi, Talastasin mong tunay na sa araw na ikaw ay lumabas, at yumaon saan man, ay walang pagsalang mamamatay ka? at iyong sinabi sa akin. Ang sabi na aking narinig ay mabuti.

43 Bakit nga hindi mo iningatan ang sumpa sa Panginoon, at ang utos na aking ibinilin sa iyo?

44 Sinabi pa ng hari kay Semei, Iyong talastas ang buong kasamaan na nalalaman ng iyong puso, na iyong ginawa kay David na aking ama: kaya’t ibabalik ng Panginoon ang iyong kasamaan sa iyong sariling ulo.

45 Nguni’t ang haring si Salomon ay magiging mapalad, at ang luklukan ni David ay magiging matatag sa harap ng Panginoon magpakailan man.

46 Sa gayo’y inutusan ng hari si Benaia na anak ni Joiada; at siya’y lumabas, at dumaluhong sa kaniya, na anopa’t siya’y namatay. At ang kaharian ay matatag sa kamay ni Salomon,

I Mga Hari 3

1 At si Salomon ay nakipagkamaganak kay Faraon na hari sa Egipto sa pag-aasawa niya sa anak na babae ni Faraon, at dinala niya sa bayan ni David, hanggang sa kaniyang natapos itayo ang kaniyang sariling bahay, at ang bahay ng Panginoon, at ang kuta ng Jerusalem sa palibot.

2 Ang bayan ay naghahain lamang sa mga mataas na dako, sapagka’t walang bahay na itinayo sa pangalan ng Panginoon hanggang sa mga araw na yaon.

3 At inibig ni Salomon ang Panginoon, na lumalakad sa mga palatuntunan ni David na kaniyang ama: siya’y naghahain lamang at nagsusunog ng kamangyan sa matataas na dako.

4 At ang hari ay naparoon sa Gabaon upang maghain doon; sapagka’t yaon ang pinakamataas na dako; isang libong handog na susunugin ang inihandog ni Salomon sa dambanang yaon.

5 Sa Gabaon ay napakita ang Panginoon kay Salomon sa panaginip sa gabi: at sinabi ng Dios, Hingin mo kung ano ang ibibigay ko sa iyo.

6 At sinabi ni Salomon, Ikaw ay nagpakita sa iyong lingkod na aking amang kay David ng malaking kagandahang loob, ayon sa kaniyang inilakad sa harap mo sa katotohanan, at sa katuwiran, at sa katapatan ng puso sa iyo; at iyong iningatan sa kaniya itong dakilang kagandahang loob, na iyong binigyan siya ng isang anak na makauupo sa kaniyang luklukan, gaya sa araw na ito.

7 At ngayon, Oh Panginoon kong Dios, iyong ginawang hari ang iyong lingkod na kahalili ni David na aking ama; at ako’y isang munting bata lamang; hindi ko nalalaman ang paglulumabas at pumasok.

8 At ang iyong lingkod ay nasa gitna ng iyong bayan na iyong pinili, isang malaking bayan na hindi mabibilang o matuturingan dahil sa karamihan.

9 Bigyan mo nga ang iyong lingkod ng isang matalinong puso upang humatol sa iyong bayan, upang aking makilala ang mabuti at ang masama; sapagka’t sino ang makahahatol dito sa iyong malaking bayan?

10 At ang pangungusap ay nakalugod sa Panginoon, na hiningi ni Salomon ang bagay na ito.

11 At sinabi ng Dios sa kaniya, Sapagka’t iyong hiningi ang bagay na ito, at hindi mo hiningi sa iyo ang mahabang buhay; o hiningi mo man sa iyo ang mga kayamanan, o hiningi mo man ang buhay ng iyong mga kaaway; kundi hiningi mo sa iyo’y katalinuhan upang kumilala ng kahatulan;

12 Narito, aking ginawa ayon sa iyong salita: narito, aking binigyan ka ng isang pantas at matalinong puso; na anopa’t walang naging gaya mo na una sa iyo, o may babangon mang sinoman pagkamatay mo.

13 At akin namang ibinigay sa iyo ang hindi mo hinihingi, ang kayamanan at gayon din ang karangalan, na anopa’t walang magiging gaya mo sa mga hari, sa lahat ng iyong mga kaarawan.

14 At kung ikaw ay lalakad sa aking mga daan, upang ingatan ang aking mga palatuntunan, at ang aking mga utos, gaya ng inilakad ng iyong amang si David, ay akin ngang palalaunin ang iyong mga kaarawan.

15 At nagising si Salomon, at narito, yao’y isang panaginip: at siya’y naparoon sa Jerusalem, at tumayo sa harap ng kaban ng tipan ng Panginoon, at naghandog ng mga handog na susunugin, at naghandog ng mga handog tungkol sa kapayapaan, at gumawa ng kasayahan sa lahat ng kaniyang mga lingkod.

16 Nang magkagayo’y naparoon sa hari ang dalawang babae na mga patutot, at nagsitayo sa harap niya.

17 At sinabi ng isang babae, Oh panginoon ko, ako at ang babaing ito ay tumatahan sa isang bahay; at ako’y nanganak ng isang batang lalake sa bahay na kasama ko siya.

18 At nangyari, nang ikatlong araw pagkatapos na ako’y makapanganak, na ang babaing ito’y nanganak naman; at kami ay magkasama; walang iba sa amin sa bahay, liban sa kaming dalawa sa bahay.

19 At ang anak ng babaing ito ay namatay sa kinagabihan; sapagka’t kaniyang nahigan.

20 At siya’y bumangon sa hating gabi, at kinuha niya ang anak kong lalake sa siping ko, samantalang ang iyong lingkod ay natutulog, at inihiga niya sa kaniyang sinapupunan, at inilagay ang kaniyang patay na anak sa aking sinapupunan.

21 At nang ako’y bumangon sa kinaumagahan upang aking pasusuhin ang aking anak, narito, siya’y patay: nguni’t nang aking kilalanin ng kinaumagahan, narito, hindi ang aking anak na aking ipinanganak.

22 At sinabi ng isang babae, Hindi; kundi ang buhay ay aking anak at ang patay ay iyong anak. At sinabi ng isa: Hindi; kundi ang patay ay ang iyong anak, at ang buhay ay siyang aking anak. Ganito sila nangagsalita sa harap ng hari.

23 Nang magkagayo’y sinabi ng hari, Ang isa’y nagsasabi, Ang aking anak ay ang buhay, at ang iyong anak ay ang patay: at ang isa’y nagsasabi, Hindi; kundi ang iyong anak ay ang patay, at ang aking anak ay ang buhay.

24 At sinabi ng hari, Dalhan ninyo ako ng isang tabak. At sila’y nagdala ng isang tabak sa harap ng hari.

25 At sinabi ng hari, Hatiin ng dalawa ang buhay na bata, at ibigay ang kalahati sa isa at ang kalahati ay sa isa.

26 Nang magkagayo’y nagsalita ang babae na ina ng buhay na bata sa hari, sapagka’t ang kaniyang pagmamahal ay nagniningas sa kaniyang anak, at sinabi niya, Oh panginoon ko, ibigay mo sa kaniya ang buhay na bata, at sa anomang paraa’y huwag mong patayin. Nguni’t ang sabi ng isa, Hindi magiging akin ni iyo man; hatiin siya.

27 Nang magkagayo’y sumagot ang hari at nagsabi, ibigay sa kaniya ang buhay na bata, at sa anomang paraa’y huwag patayin: siya ang ina niya.

28 At nabalitaan ng buong Israel ang kahatulan na inihatol ng hari; at sila’y nangatakot sa hari: sapagka’t kanilang nakita na ang karunungan ng Dios ay nasa kaniya, upang gumawa ng kahatulan.

I Mga Hari 4

1 At ang haring Salomon, ay hari sa buong Israel.

2 At ito ang mga naging prinsipe na napasa kaniya: si Azarias, na anak ng saserdoteng si Sadoc.

3 Si Elioreph at si Ahia, na mga anak ni Sisa, ay mga kalihim; si Josaphat na anak ni Ahilud, ay kasangguni;

4 At si Benaia, na anak ni Joiada ay nangungulo sa hukbo; at si Sadoc at si Abiathar ay mga saserdote;

5 At si Azarias na anak ni Nathan ay nangungulo sa mga pinuno; at si Zabud na anak ni Nathan ay pangulong tagapangasiwa, na kaibigan ng hari;

6 At si Ahisar ay katiwala sa kaniyang bahay; at si Adoniram na anak ni Abda ay nasa mga magpapabuwis.

7 At si Salomon ay may labing dalawang katiwala sa buong Israel, na sila ang nag-iimbak ng pagkain ukol sa hari, at sa kaniyang sangbahayan: bawa’t isa sa kanila’y nag-iimbak ng pagkain na isang buwan sa bawa’t taon.

8 At ito ang kanilang mga pangalan: si Ben-hur sa lupaing maburol ng Ephraim:

9 Si Ben-dacer, sa Maccas, at sa Saalbim, at sa Beth-semes, at sa Elonbeth-hanan:

10 Si Ben-hesed, sa Aruboth (sa kaniya’y nauukol ang Socho, at ang buong lupain ng Ephet:)

11 Si Ben-abinadab sa buong kataasan ng Dor (na ang asawa’y si Taphat na anak ni Salomon:)

12 Si Baana na anak ni Ahilud sa Taanach, at sa Megiddo, at sa buong Beth-san na nasa siping ng Zaretan, sa ibaba ng Jezreel, mula sa Bethsan hanggang sa Abel-mehola, na may layong hanggang sa dako roon ng Jocmeam:

13 Si Ben-geber, sa Ramoth-galaad; (sa kaniya nauukol ang mga bayan ni Jair na anak ni Manases, na nasa Galaad; sa makatuwid baga’y sa kaniya nauukol ang lupain ng Argob, na nasa Basan, anim na pung malaking bayan na may mga kuta at mga halang na tanso:)

14 Si Ahinadab, anak ni Iddo sa Mahanaim:

15 Si Ahimaas, sa Nephtali; (Ito rin ang nagasawa kay Basemath na anak na babae ni Salomon.)

16 Si Baana, na anak ni Husai sa Aser at sa Alot.

17 Si Josaphat, na anak ni Pharua sa Issachar:

18 Si Semei, na anak ni Ela sa Benjamin:

19 Si Geber, na anak ni Uri sa lupain ng Galaad, na lupain ni Sehon na hari ng mga Amorrheo, at ni Og na hari sa Basan; at siya lamang ang katiwala sa lupaing yaon.

20 Ang Juda at ang Israel ay marami, na gaya ng buhangin sa tabi ng dagat sa karamihan, na nagkakainan, at nagiinuman, at nagkakatuwa.

21 At si Salomon ay nagpupuno sa lahat ng kaharian na mula sa Ilog hanggang sa lupain ng mga Filisteo, at hanggang sa hangganan ng Egipto: sila’y nagsipagdala ng mga kaloob, at nagsipaglingkod kay Salomon lahat ng kaarawan ng kaniyang buhay.

22 At ang pagkain ni Salomon sa isang araw ay tatlong pung takal ng mainam na harina, at anim na pung takal na harina,

23 Sangpung matabang baka, at dalawang pung baka na mula sa pastulan, at isang daang tupa, bukod pa ang mga usang lalake at babae, at mga usang masungay, at mga pinatabang hayop na may pakpak.

24 Sapagka’t sakop niya ang buong lupain ng dakong ito ng Ilog, mula sa Tiphsa hanggang sa Gaza, sa lahat ng mga hari sa dakong ito ng Ilog: at siya’y may kapayapaan sa lahat ng mga dako sa palibot niya.

25 At ang Juda at ang Israel ay nagsitahang tiwasay, na bawa’t tao’y sa ilalim ng kaniyang puno ng ubas at sa ilalim ng kaniyang puno ng igos, mula sa Dan hanggang sa Beer-seba, sa lahat ng kaarawan ni Salomon.

26 At mayroon si Salomong apat na pung libong kabayo sa kaniyang mga silungan para sa kaniyang mga karo, at labing dalawang libong mangangabayo.

27 At ipinag-imbak ng mga katiwalang yaon ng pagkain ang haring Salomon, at ang lahat na naparoon sa dulang ng haring Salomon, bawa’t isa’y sa kaniyang buwan: walang nagkulang na anoman.

28 Sebada naman at dayami sa mga kabayo, at sa mga matuling kabayo ay nagsipagdala sila sa dakong kinaroroonan ng mga pinuno, bawa’t isa’y ayon sa kaniyang katungkulan.

29 At binigyan ng Dios si Salomon ng karunungan, at di kawasang katalinuhan at kaluwagan ng puso, gaya ng buhanging nasa tabi ng dagat.

30 At ang karunungan ni Salomon ay mahigit kay sa karunungan ng lahat na anak ng silanganan, at kay sa buong karunungan ng Egipto.

31 Sapagka’t lalong pantas kay sa lahat ng mga tao; kay sa kay Ethan na Ezrahita, at kay Eman, at kay Calchol, at kay Darda, na mga anak ni Mahol: at ang kaniyang kabantugan ay lumipana sa lahat ng mga bansa sa palibot.

32 At siya’y nagsalita ng tatlong libong kawikaan; at ang kaniyang mga awit ay isang libo at lima.

33 At siya’y nagsalita ng tungkol sa mga punong kahoy, mula sa sedro na nasa Libano hanggang sa isopo na sumisibol sa pader: siya’y nagsalita rin ng tungkol sa mga hayop, at sa mga ibon, at sa nagsisiusad at sa mga isda.

34 At naparoon ang mga taong mula sa lahat na bayan, upang marinig ang karunungan ni Salomon na mula sa lahat na hari sa lupa, na nakabalita ng kaniyang karunungan.