Mga Taga-Colosas 3

1 Kung kayo nga’y muling binuhay na kalakip ni Cristo, ay hanapin ninyo ang mga bagay na nangasa itaas, na kinaroroonan ni Cristo, na nakaupo sa kanan ng Dios.

2 Ilagak ninyo ang inyong pagiisip sa mga bagay na nangasa itaas, huwag sa mga bagay na nangasa ibabaw ng lupa.

3 Sapagka’t kayo’y nangamatay na, at ang inyong buhay ay natatagong kasama ni Cristo sa Dios.

4 Pagka si Cristo na ating buhay ay mahayag, ay mahahayag nga rin kayo na kasama niya sa kaluwalhatian.

5 Patayin nga ninyo ang inyong mga sangkap ng katawang nangasa ibabaw ng lupa, pakikiapid, karumihan, masamang pita, masasamang nasa, at kasakiman, na iya’y pagsamba sa mga diosdiosan;

6 Na dahil sa mga bagay na iyan ay dumarating ang kagalitan ng Dios sa mga anak ng pagsuway:

7 Na inyo ring nilakaran nang una, nang kayo’y nangabubuhay pa sa mga bagay na ito;

8 Datapuwa’t ngayon ay inyo namang layuan ang lahat ng mga ito: galit, kapootan, paghihinala, panunungayaw, mga salitang kahalay-halay na mula sa inyong bibig:

9 Huwag kayong mangagbubulaan sa isa’t isa; yamang hinubad na ninyo ang datihang pagkatao pati ng kaniyang mga gawa,

10 At kayo’y nangagbihis ng bagong pagkatao, na nagbabago sa kaalaman ayon sa larawan niyaong lumalang sa kaniya:

11 Doo’y hindi maaaring magkaroon ng Griego at ng Judio, ng pagtutuli at ng di pagtutuli, ng barbaro, ng Scita, ng alipin, ng laya; kundi si Cristo ang lahat, at sa lahat.

12 Mangagbihis nga kayo gaya ng mga hinirang ng Dios, na mga banal at minamahal, ng isang pusong mahabagin, ng kagandahangloob, ng kababaan, ng kaamuan, ng pagpapahinuhod:

13 Mangagtiisan kayo sa isa’t isa, at mangagpatawaran kayo sa isa’t isa, kung ang sinoman ay may sumbong laban sa kanino man; na kung paanong pinatawad kayo ng Panginoon, ay gayon din naman ang inyong gawin:

14 At sa ibabaw ng lahat ng mga bagay na ito ay mangagbihis kayo ng pagibig na siyang tali ng kasakdalan.

15 At maghari sa inyong puso ang kapayapaan ni Cristo, na diya’y tinawag din naman kayo sa isang katawan; at kayo’y maging mapagpasalamat.

16 Manahanan nawang sagana sa inyo ang salita ni Cristo; ayon sa buong karunungan, kayo’y mangagturuan at mangagpaalalahanan sa isa’t isa sa pamamagitan ng mga salmo at ng mga himno at mga awit na ukol sa espiritu, na magsiawit kayong may biyaya sa inyong puso sa Dios.

17 At anomang inyong ginagawa, sa salita, o sa gawa, gawin ninyong lahat sa pangalan ng Panginoong Jesus, na nagpapasalamat kayo sa Dios sa pamamagitan niya.

18 Mga babae, pasakop kayo sa inyo-inyong asawa, gaya ng nararapat sa Panginoon.

19 Mga lalake, ibigin ninyo ang inyo-inyong asawa, at huwag kayong maging mapait sa kanila.

20 Mga anak, magsitalima kayo sa inyong magulang sa lahat ng mga bagay, sapagka’t ito’y totoong nakalulugod sa Panginoon.

21 Mga ama, huwag ninyong ipamungkahi sa galit ang inyong mga anak, upang huwag manghina ang loob nila.

22 Mga alipin, magsitalima kayo sa lahat ng mga bagay sa mga yaong ayon sa laman ay inyong mga panginoon: hindi ang paglilingkod sa paningin, na gaya ng pagbibigay lugod sa mga tao, kundi sa katapatan ng puso, na mangatakot sa Panginoon:

23 Anomang inyong ginagawa, ay inyong gawin ng buong puso, na gaya ng sa Panginoon, at hindi sa mga tao;

24 Yamang inyong nalalaman na sa Panginoon ay tatanggapin ninyo ang ganting mana; sapagka’t naglilingkod kayo sa Panginoong Jesucristo.

25 Sapagka’t ang gumagawa ng masama ay tatanggap ng ayon sa masama na kaniyang ginawa; at walang itinatanging mga tao.

Mga Taga-Colosas 4

1 Mga panginoon, gawin ninyo sa inyong mga alipin ang matuwid, at katampatan; yamang nalalaman ninyo na kayo naman ay mayroong ding isang Panginoon sa langit.

2 Manatili kayong palagi sa pananalangin, na kayo’y mangagpuyat na may pagpapasalamat;

3 Na tuloy idalangin din ninyo kami, na buksan sa amin ng Dios ang pinto sa salita, upang aming salitain ang hiwaga ni Cristo, na dahil din dito’y may mga tanikala ako;

4 Upang ito’y aking maihayag, gaya ng aking nararapat na salitain.

5 Magsilakad kayo na may karunungan sa nangasa labas, na inyong samantalahin ang panahon.

6 Ang inyong pananalita nawa’y laging may biyaya, na magkalasang asin, upang inyong maalaman kung ano ang nararapat ninyong isagot sa bawa’t isa.

7 Ang lahat na mga bagay ukol sa akin ay ipatatalastas sa inyo ni Tiquico, na minamahal na kapatid at tapat na ministro, at kasamang lingkod sa Panginoon:

8 Na siyang aking sinugo sa inyo sa bagay na ito, upang maalaman ninyo ang aming kalagayan, at upang kaniyang aliwin ang inyong mga puso;

9 Na kasama ni Onesimo, tapat at minamahal na kapatid, na siya’y isa sa inyo. Sila ang magpapatalastas sa inyo ng lahat ng mga bagay na nangyayari dini.

10 Binabati kayo ni Aristarco na kasama ko sa bilangguan, at ni Marcos na pinsan ni Bernabe (tungkol sa kaniya’y tinanggap na ninyo ang mga utos: kung paririyan siya sa inyo, ay inyong tanggapin),

11 At si Jesus na tinatawag na Justo, na pawang sa pagtutuli: ang mga ito lamang ang aking kamanggagawa sa kaharian ng Dios, mga taong naging kaaliwan ko.

12 Binabati kayo ni Epafras, na isa sa inyo, na lingkod ni Cristo Jesus, na siyang laging nagsisikap dahil sa inyo sa kaniyang pananalangin, upang kayo’y magsitatag na mga sakdal at lubos na tiwasay sa lahat na kalooban ng Dios.

13 Sapagka’t siya’y binibigyan kong patotoo na siya’y totoong nagpapagal sa inyo, at sa nangasa Laodicea, at sa nangasa Hierapolis.

14 Binabati kayo ni Lucas, ang minamahal na manggagamot, at ni Demas.

15 Batiin ninyo ang mga kapatid na nangasa Laodicea, at si Nimfas, at ang iglesiang nasa kanilang bahay.

16 At pagkabasa ng sulat na ito sa inyo, ay ipabasa naman ninyo sa iglesia ng mga taga Laodicea; at basahin naman ninyo ang sulat na mula sa Laodicea.

17 At sabihin ninyo kay Arquipo, Ingatan mong tuparin ang ministerio na tinanggap mo sa Panginoon.

18 Ang bating sinulat ng aking sariling kamay, akong si Pablo. Alalahanin ninyo ang aking mga tanikala. Ang biyaya’y sumasainyo nawa.

Mga Taga-Filipos 1

1 Si Pablo at si Timoteo, na mga alipin ni Cristo Jesus, sa lahat ng mga banal kay Cristo Jesus na nangasa Filipos, pati ng mga obispo at ng mga diakono:

2 Sumainyo nawa ang biyaya at kapayapaang mula sa Dios na ating Ama at sa Panginoong Jesucristo.

3 Ako’y nagpapasalamat sa aking Dios, sa tuwing kayo’y aking naaalaala,

4 Na parating sa bawa’t daing ko, ay masayang nananaing ako na patungkol sa inyong lahat,

5 Dahil sa inyong pakikisama sa pagpapalaganap ng evangelio, mula nang unang araw hanggang ngayon;

6 Na ako’y may lubos na pagkakatiwala sa bagay na ito, na ang nagpasimula sa inyo ng mabuting gawa, ay lulubusin hanggang sa araw ni Jesucristo:

7 Gaya ng matuwid na aking isiping gayon tungkol sa inyong lahat, sapagka’t kayo’y nasa aking puso, palibhasa’y, sa aking mga tanikala at pagsasanggalang at sa pagpapatunay naman sa evangelio, kayong lahat na kasama ko ay may bahagi sa biyaya.

8 Sapagka’t saksi ko ang Dios, kung gaano ang pananabik ko sa inyong lahat sa mahinahong habag ni Cristo Jesus.

9 At ito’y idinadalangin ko, na ang inyong pagibig ay lalo’t lalo pang sumagana nawa sa kaalaman at sa lahat ng pagkakilala;

10 Upang inyong kilalanin ang mga bagay na magagaling; upang kayo’y maging mga tapat at walang kapintasan hanggang sa kaarawan ni Cristo;

11 Na mangapuspos ng bunga ng kabanalan, na ito’y sa pamamagitan ni Jesucristo, sa ikaluluwalhati at ikapupuri ng Dios.

12 Ngayon ibig ko na inyong maalaman, mga kapatid, na ang mga bagay na nangyari sa akin ay nangyari sa lalong ikasusulong ng evangelio;

13 Ano pa’t ang aking mga tanikala kay Cristo ay nahayag sa lahat ng mga bantay ng pretorio, at sa mga iba’t iba pa;

14 At ang karamihan sa mga kapatid sa Panginoon, na palibhasa’y may pagkakatiwala sa aking mga tanikala, ay lalong nagkaroon ng tapang upang salitaing walang takot ang salita ng Dios.

15 Tunay na ipinangangaral ng iba si Cristo sa kapanaghilian at sa pakikipagtalo; at ng mga iba naman sa mabuting kalooban:

16 Ang isa’y gumagawa nito sa pagibig, palibhasa’y nalalaman na ako’y nalalagay sa pagsasanggalang ng evangelio;

17 Datapuwa’t itinatanyag ng iba si Cristo dahil sa pagkakampikampi, hindi sa pagtatapat, na ang iniisip ay dalhan ako ng kapighatian sa aking mga tanikala.

18 Ano nga? gayon man, sa lahat ng paraan, maging sa pagdadahilan o sa katotohanan, ay itinatanyag si Cristo; at sa ganito’y nagagalak ako, oo, at ako’y magagalak.

19 Sapagka’t nalalaman ko na ang kahihinatnan nito’y sa aking ikaliligtas, sa pamamagitan ng inyong pananaing at kapuspusan ng Espiritu ni Cristo,

20 Ayon sa aking maningas na paghihintay at pagasa, na, sa anoma’y hindi ako mapapahiya, kundi sa buong katapangan, na gaya ng dati, gayon din naman ngayon, ay dadakilain si Cristo sa aking katawan, maging sa pamamagitan ng kabuhayan, o sa pamamagitan ng kamatayan.

21 Sapagka’t sa ganang akin ang mabuhay ay si Cristo, at ang mamatay ay pakinabang.

22 Nguni’t kung ang mabuhay sa laman ay siya kong palad, ito’y magiging mabungang pagpapagal, na aywan ko nga kung ano ang aking pipiliin.

23 Sapagka’t ako’y nagigipit sa magkabila, akong may nasang umalis at suma kay Cristo; sapagka’t ito’y lalong mabuti:

24 Gayon ma’y ang manatili sa laman ay siyang lalong kinakailangan dahil sa inyo.

25 At sa pagkakatiwalang ito, ay aking nalalaman na ako’y mananatili, oo, at mananatili ako na kasama ninyong lahat, sa ikasusulong ninyo at ikagagalak sa pananampalataya;

26 Upang managana ang inyong pagmamapuri kay Cristo Jesus sa akin sa pamamagitan ng aking pagharap na muli sa inyo.

27 Ang inyo lamang pamumuhay ay maging karapatdapat sa evangelio ni Cristo: upang, maging ako ay dumating at kayo’y makita, o wala man sa harap ninyo, ay mabalitaan ko ang inyong kalagayan, na kayo’y matitibay sa isang espiritu, na kayo’y mangagkaisa ng kaluluwa na nangagsisikap sa pananampalataya sa evangelio;

28 At sa anoman ay huwag kayong mangatakot sa mga kaaway: na ito sa kanila ay malinaw na tanda ng kapahamakan, datapuwa’t tanda ng inyong pagkaligtas, at ito’y mula sa Dios;

29 Sapagka’t sa inyo’y ipinagkaloob alangalang kay Cristo, hindi lamang upang manampalataya sa kaniya, kundi upang magtiis din naman alangalang sa kaniya:

30 Yamang taglay ninyo ang pakikipagbuno na inyong nakita rin sa akin, at ngayo’y nababalitaan ninyong taglay ko.

Mga Taga-Filipos 2

1 Kaya nga kung mayroong anomang kasiglahan kay Cristo, kung mayroong anomang kaaliwan ng pagibig, kung mayroong anomang pakikisama ng Espiritu, kung mayroong anomang mahinahong awa at habag,

2 Ay lubusin ninyo ang aking katuwaan, upang kayo’y mangagkaisa ng pagiisip, mangagtaglay ng isa ring pagibig, na mangagkaisa ng akala, at isa lamang pagiisip;

3 Na huwag ninyong gawin ang anoman sa pamamagitan ng pagkakampikampi o sa pamamagitan ng pagpapalalo, kundi sa kababaan ng pagiisip, na ipalagay ng bawa’t isa ang iba na lalong mabuti kay sa kaniyang sarili;

4 Huwag tingnan ng bawa’t isa sa inyo ang sa kaniyang sarili, kundi ang bawa’t isa naman ay sa iba’t iba.

5 Mangagkaroon kayo sa inyo ng pagiisip, na ito’y na kay Cristo Jesus din naman:

6 Na siya, bagama’t nasa anyong Dios, ay hindi niya inaring isang bagay na nararapat panangnan ang pagkapantay niya sa Dios,

7 Kundi bagkus hinubad niya ito, at naganyong alipin, na nakitulad sa mga tao:

8 At palibhasa’y nasumpungan sa anyong tao, siya’y nagpakababa sa kaniyang sarili, na nagmasunurin hanggang sa kamatayan, oo, sa kamatayan sa krus.

9 Kaya siya naman ay pinakadakila ng Dios, at siya’y binigyan ng pangalang lalo sa lahat ng pangalan;

10 Upang sa pangalan ni Jesus ay iluhod ang lahat ng tuhod, ng nangasa langit, at ng nangasa ibabaw ng lupa, at ng nangasa ilalim ng lupa,

11 At upang ipahayag ng lahat ng mga dila na si Jesucristo ay Panginoon, sa ikaluluwalhati ng Dios Ama.

12 Kaya nga, mga minamahal ko, kung paano ang inyong laging pagsunod, na hindi lamang sa harapan ko, kundi bagkus pa ngayong ako’y wala, ay lubusin ninyo ang gawain ng inyong sariling pagkaligtas na may takot at panginginig;

13 Sapagka’t Dios ang gumagawa sa inyo maging sa pagnanasa at sa paggawa, ayon sa kaniyang mabuting kalooban.

14 Gawin ninyo ang lahat ng mga bagay na walang mga bulungbulong at pagtatalo:

15 Upang kayo’y maging walang sala at walang malay, mga anak ng Dios na walang dungis sa gitna ng isang lahing liko at masama, na sa gitna nila’y lumiliwanag kayong tulad sa mga ilaw sa sanglibutan,

16 Na nagpapahayag ng salita ng kabuhayan; upang may ipagkapuri ako sa kaarawan ni Cristo, na hindi ako tumakbo nang walang kabuluhan ni nagpagal man nang walang kabuluhan.

17 Oo, kahit ako’y maging hain sa paghahandog at paglilingkod ng inyong pananampalataya, ako’y nakikipagkatuwa, at nakikigalak sa inyong lahat:

18 At sa ganyan ding paraan kayo’y nakikipagkatuwa naman, at nakikigalak sa akin.

19 Datapuwa’t inaasahan ko sa Panginoong Jesus na suguing madali sa inyo si Timoteo, upang ako naman ay mapanatag, pagkaalam ko ng inyong kalagayan.

20 Sapagka’t walang taong katulad ko ang pagiisip na magmamalasakit na totoo sa inyong kalagayan.

21 Sapagka’t pinagsisikapan nilang lahat ang sa kanilang sarili, hindi ang mga bagay ni Jesucristo.

22 Nguni’t nalalaman ninyo ang pagkasubok sa kaniya na gaya ng paglilingkod ng anak sa ama, ay gayon naglilingkod siyang kasama ko sa ikalalaganap ng evangelio.

23 Siya nga ang aking inaasahang suguin madali, pagkakita ko kung ano ang mangyayari sa akin:

24 Datapuwa’t umaasa ako sa Panginoon, na diya’y makararating din naman akong madali.

25 Nguni’t inakala kong kailangang suguin sa inyo si Epafrodito, na aking kapatid at kamanggagawa, at kapuwa kawal at inyong sugo at katiwala sa aking kailangan.

26 Yamang siya’y nananabik sa inyong lahat, at totoong siya’y namanglaw, sapagka’t inyong nabalitaan na siya’y may-sakit:

27 Katotohanan ngang nagkasakit siya na malapit na sa kamatayan: nguni’t kinahabagan siya ng Dios; at hindi lamang siya kundi pati ako, upang ako’y huwag magkaroon ng sapinsaping kalumbayan.

28 Siya nga’y sinugo kong may malaking pagpipilit, upang, pagkakitang muli ninyo sa kaniya, kayo’y mangagalak, at ako’y mabawasan ng kalumbayan.

29 Tanggapin nga ninyo siya sa Panginoon ng buong galak; at ang gayon ay papurihan ninyo:

30 Sapagka’t dahil sa pagpapagal kay Cristo ay nalapit siya sa kamatayan, na isinasapanganib ang kaniyang buhay upang punan ang kakulangan sa inyong paglilingkod sa akin.

Mga Taga-Filipos 3

1 Sa katapustapusan, mga kapatid ko, mangagalak kayo sa Panginoon. Ang pagsulat ko nga sa inyo ng mga gayon ding bagay, sa akin ay tunay na hindi nakangangalay, nguni’t sa inyo’y katiwasayan.

2 Magsipagingat kayo sa mga aso, magsipagingat kayo sa masasamang manggagawa, magsipagingat kayo sa mga sa pagtutuli:

3 Sapagka’t tayo ang pagtutuli, na nagsisisamba sa Espiritu ng Dios, at nangagmamapuri kay Cristo Jesus, at walang anomang pagkakatiwala sa laman:

4 Bagama’t ako’y makapagkakatiwala sa laman: na kung ang iba ay nagaakala na may pagkakatiwala sa laman, ay lalo na ako:

5 Na tinuli ng ikawalong araw, mula sa lahi ng Israel, mula sa angkan ni Benjamin, Hebreo sa mga Hebreo; tungkol sa kautusan, ay Fariseo;

6 Tungkol sa pagsisikap, ay manguusig sa iglesia; tungkol sa kabanalan na nasa kautusan, ay walang kapintasan.

7 Gayon man ang mga bagay na sa akin ay pakinabang, ay inari kong kalugihan, alangalang kay Cristo.

8 Oo nga, at lahat ng mga bagay ay inaari kong kalugihan dahil sa dakilang kagalingan ng pagkakilala kay Cristo Jesus na Panginoon ko: na alangalang sa kaniya’y tiniis ko ang kalugihan ng lahat ng mga bagay, at inari kong sukal lamang, upang tamuhin ko si Cristo,

9 At ako’y masumpungan sa kaniya, na walang katuwirang aking sarili, sa makatuwid baga’y sa kautusan, kundi ang katuwirang sa pamamagitan ng pananampalataya kay Cristo, ang katuwiran ngang buhat sa Dios sa pamamagitan ng pananampalataya:

10 Upang makilala ko siya, at ang kapangyarihan ng kaniyang pagkabuhay na maguli, at ang pakikisama ng kaniyang mga kahirapan, na ako’y natutulad sa kaniyang pagkamatay;

11 Kung aking tamuhin sa anomang paraan ang pagkabuhay na maguli sa mga patay.

12 Hindi sa ako’y nagtamo na, o ako’y nalubos na: kundi nagpapatuloy ako, baka sakaling maabot ko yaong ikinaaabot naman sa akin ni Cristo Jesus.

13 Mga kapatid, hindi ko pa inaaring inabot: datapuwa’t isang bagay ang ginagawa ko, na nililimot ang mga bagay na nasa likuran, at tinutungo ang mga bagay na hinaharap,

14 Nagtutumulin ako sa hangganan sa ganting-pala ng dakilang pagtawag ng Dios na kay Cristo Jesus.

15 Kaya nga, kung ilan tayong mga sakdal, ay magisip ng gayon: at kung sa anoma’y nangagkakaiba kayo ng iniisip ay ipahahayag naman ito sa inyo ng Dios:

16 Lamang, ay magsilakad tayo ayon sa gayon ding ayos na ating inabot na.

17 Mga kapatid, kayo’y mangagkaisang tumulad sa akin, at tandaan ninyo ang mga nagsisilakad ng gayon, ayon sa halimbawang nakikita ninyo sa akin.

18 Sapagka’t marami ang mga nagsisilakad, na siyang madalas na aking sinabi sa inyo, at ngayo’y sinasabi ko sa inyo na may pagiyak, na sila ang mga kaaway ng krus ni Cristo:

19 Na ang kanilang kahihinatnan ay ang kapahamakan, na ang kanilang dios ay ang tiyan, at ang kanilang kapurihan ay nasa kanilang kahihiyan, na nagiisip ng mga bagay na ukol sa lupa.

20 Sapagka’t ang ating pagkamamamayan ay nasa langit; mula doon ay hinihintay naman natin ang Tagapagligtas, ang Panginoong Jesucristo:

21 Na siyang magbabago ng katawan ng ating pagkamababa, upang maging katulad ng katawan ng kaniyang kaluwalhatian, ayon sa paggawa na maipagpapasuko niya sa lahat ng mga bagay sa kaniya.

Mga Taga-Filipos 4

1 Kaya nga, mga kapatid kong minamahal at pinananabikan, aking katuwaan at putong, magsitibay nga kayo sa Panginoon, mga minamahal ko.

2 Ipinamamanhik ko kay Euodias, at ipinamamanhik ko kay Sintique, na mangagkaisa ng pagiisip sa Panginoon.

3 Oo, ipinamamanhik ko rin naman sa iyo, tapat na kasama sa pagtulong, na iyong tulungan ang mga babaing ito, sapagka’t sila’y nangagpagal na kasama ko sa evangelio, at kasama rin naman ni Clemente, at ng ibang aking mga kamanggagawa, na ang kanilang pangalan ay nangasa aklat ng buhay.

4 Mangagalak kayong lagi sa Panginoon: muli kong sasabihin, Mangagalak kayo.

5 Makilala nawa ang inyong kahinhinan ng lahat ng mga tao. Ang Panginoon ay malapit na.

6 Huwag kayong mangabalisa sa anomang bagay; kundi sa lahat ng mga bagay sa pamamagitan ng panalangin at daing na may pagpapasalamat ay ipakilala ninyo ang inyong mga kahilingan sa Dios.

7 At ang kapayapaan ng Dios, na di masayod ng pagiisip, ay magiingat ng inyong mga puso at ng inyong mga pagiisip kay Cristo Jesus.

8 Katapustapusan, mga kapatid, anomang bagay na katotohanan, anomang bagay na kagalanggalang, anomang bagay na matuwid, anomang bagay na malinis, anomang bagay na kaibigibig, anomang bagay na mabuting ulat; kung may anomang kagalingan, at kung may anomang kapurihan, ay isipin ninyo ang mga bagay na ito.

9 Ang mga bagay na inyong natutuhan at tinanggap at narinig at nakita sa akin, ang mga bagay na ito ang gawin ninyo: at ang Dios ng kapayapaan ay sasa inyo.

10 Datapuwa’t ako’y totoong nagagalak sa Panginoon, na ngayon sa kahulihulihan ay inyong binuhay ang inyong pagmamalasakit sa akin; na dito’y katotohanang nangagkaroon kayo ng malasakit, nguni’t kayo’y nagkulang ng mabuting pagkakataon.

11 Hindi sa sinasabi ko ang tungkol sa kailangan: sapagka’t aking natutuhan ang masiyahan sa anomang kalagayang aking kinaroroonan.

12 Marunong akong magpakababa, at marunong naman akong magpakasagana: sa bawa’t bagay at sa lahat ng bagay ay natutuhan ko ang lihim maging sa kabusugan, at maging sa kagutuman, at maging sa kasaganaan at maging sa kasalatan.

13 Lahat ng mga bagay ay aking magagawa doon sa nagpapalakas sa akin.

14 Gayon man ay mabuti ang inyong ginawa na kayo’y nakiramay sa aking kapighatian.

15 At kayo mga taga Filipos, nalalaman naman ninyo, na nang pasimulan ang evangelio, nang ako’y umalis sa Macedonia, alin mang iglesia ay walang nakipagkaisa sa akin sa pagkakaloob at pagtanggap kundi kayo lamang;

16 Sapagka’t sa Tesalonica ay nagpadala kayong minsan at muli para sa aking kailangan.

17 Hindi sa ako’y naghahanap ng kaloob; kundi hinahanap ko ang bunga na dumadami sa ganang inyo.

18 Datapuwa’t mayroon ako ng lahat ng bagay, at sumasagana: ako’y busog, palibhasa’y tumanggap kay Epafrodito ng mga bagay na galing sa inyo, na isang samyo ng masarap na amoy, isang handog na kaayaaya, na lubhang nakalulugod sa Dios.

19 At pupunan ng aking Dios ang bawa’t kailangan ninyo ayon sa kaniyang mga kayamanan sa kaluwalhatian kay Cristo Jesus.

20 Ngayon nawa’y suma ating Dios at Ama ang kaluwalhatian magpakailan man. Siya nawa.

21 Batiin ninyo ang bawa’t banal kay Cristo Jesus. Binabati kayo ng mga kapatid na kasama ko.

22 Binabati kayo ng lahat ng mga banal, lalong lalo na ng mga kasangbahay ni Cesar.

23 Ang biyaya ng Panginoong Jesucristo ay sumainyo nawang espiritu.

Mga Taga-Efeso 1

1 Si Pablo, na apostol ni Cristo Jesus sa pamamagitan ng kalooban ng Dios, sa mga banal na nangasa Efeso, at sa mga tapat kay Cristo Jesus:

2 Sumainyo nawa ang biyaya at kapayapaang mula sa Dios na ating Ama at sa Panginoong Jesucristo.

3 Purihin nawa ang Dios at Ama ng ating Panginoong Jesucristo, na siyang nagpala sa atin ng bawa’t pagpapalang ukol sa espiritu sa sangkalangitan kay Cristo:

4 Ayon sa pagkapili niya sa atin sa kaniya bago itinatag ang sanglibutan, upang tayo’y maging mga banal at mga walang dungis sa harapan niya sa pagibig:

5 Na tayo’y itinalaga niya nang una pa sa pagkukupkop na tulad sa mga anak sa pamamagitan ni Jesucristo sa ganang kaniya, ayon sa minagaling ng kaniyang kalooban,

6 Sa ikapupuri ng kaluwalhatian ng kaniyang biyaya, na sa atin ay ipinagkaloob na masagana sa Minamahal:

7 Na sa kaniya’y mayroon tayo ng ating katubusan sa pamamagitan ng kaniyang dugo, na kapatawaran ng ating mga kasalanan, ayon sa mga kayamanan ng kaniyang biyaya,

8 Na pinasagana niya sa atin, sa buong karunungan at katalinuhan,

9 Na ipinakikilala niya sa atin ang hiwaga ng kaniyang kalooban, ayon sa kaniyang minagaling na ipinasiya niya sa kaniya rin.

10 Sa pagiging katiwala sa kaganapan ng mga panahon, upang tipunin ang lahat ng mga bagay kay Cristo, ang mga bagay na nangasa sangkalangitan, at ang mga bagay na nangasa ibabaw ng lupa; sa kaniya, sinasabi ko,

11 Tayo rin naman sa kaniya ay ginawang mana, na itinalaga na niya tayo nang una pa ayon sa pasiya niyaong gumagawa ng lahat ng mga bagay ayon sa pasiya ng kaniyang kalooban;

12 Upang tayo’y maging kapurihan ng kaniyang kaluwalhatian, tayong nagsiasa nang una kay Cristo:

13 Na sa kaniya’y kayo rin naman, pagkarinig ng aral ng katotohanan, ng evangelio ng inyong kaligtasan, na sa kaniya rin naman, mula nang kayo’y magsisampalataya, ay kayo’y tinatakan ng Espiritu Santo, na ipinangako,

14 Na siyang patotoo sa ating mana, hanggang sa ikatutubos ng sariling pag-aari ng Dios, sa ikapupuri ng kaniyang kaluwalhatian.

15 Dahil dito ako rin naman, pagkarinig ng pananampalataya sa Panginoong Jesus na nasa inyo, at ng pagibig na inyong ipinakita sa lahat ng mga banal,

16 Ay hindi ako tumitigil ng pagpapasalamat dahil sa inyo, na aking binabanggit kayo sa aking mga panalangin;

17 Upang ipagkaloob sa inyo ng Dios ng ating Panginoong Jesucristo, ng Ama ng kaluwalhatian, ang espiritu ng karunungan at ng pahayag sa pagkakilala sa kaniya;

18 Yamang naliwanagan ang mga mata ng inyong puso, upang maalaman ninyo kung ano ang pagasa sa kaniyang pagtawag, kung ano ang mga kayamanan ng kaluwalhatian ng kaniyang pamana sa mga banal,

19 At kung ano ang dakilang kalakhan ng kaniyang kapangyarihan sa ating nagsisisampalataya, ayon sa gawa ng kapangyarihan ng kaniyang lakas,

20 Na kaniyang ginawa kay Cristo, nang ito’y kaniyang buhaying maguli sa mga patay, at pinaupo sa kaniyang kanan sa sangkalangitan,

21 Sa kaibaibabawan ng lahat na pamunuan, at kapamahalaan, at kapangyarihan, at pagkasakop, at sa bawa’t pangalan na ipinangungusap, hindi lamang sa sanglibutang ito, kundi naman sa darating:

22 At ang lahat ng mga bagay ay pinasuko niya sa ilalim ng kaniyang mga paa, at siyang pinagkaloobang maging pangulo ng lahat ng mga bagay sa iglesia,

23 Na siyang katawan niya, na kapuspusan niyaong pumupuspos ng lahat sa lahat.

Mga Taga-Efeso 2

1 At kayo’y binuhay niya, nang kayo’y mga patay dahil sa inyong mga pagsalangsang at mga kasalanan,

2 Na inyong nilakaran noong una ayon sa lakad ng sanglibutang ito, ayon sa pangulo ng mga kapangyarihan ng hangin, ng espiritu na ngayon ay gumagawa sa mga anak ng pagsuway;

3 Sa gitna ng mga yaon, tayo rin naman, ng ibang panahon ay nangabubuhay sa mga kahalayan ng ating laman, na ating ginagawa ang mga pita ng laman at ng pagiisip, at tayo noo’y katutubong mga anak ng kagalitan, gaya naman ng mga iba:

4 Nguni’t ang Dios, palibhasa’y mayaman sa awa, dahil sa kaniyang malaking pagibig na kaniyang iniibig sa atin,

5 Bagama’t tayo’y mga patay dahil sa ating mga kasalanan, tayo’y binuhay na kalakip ni Cristo (sa pamamagitan ng biyaya kayo’y nangaligtas),

6 At tayo’y ibinangong kalakip niya, at pinaupong kasama niya sa sangkalangitan, kay Cristo Jesus:

7 Upang sa mga panahong darating ay maihayag niya ang dakilang kayamanan ng kaniyang biyaya sa kagandahang-loob sa atin kay Cristo Jesus:

8 Sapagka’t sa biyaya kayo’y nangaligtas sa pamamagitan ng pananampalataya; at ito’y hindi sa inyong sarili, ito’y kaloob ng Dios;

9 Hindi sa pamamagitan ng mga gawa, upang ang sinoman ay huwag magmapuri.

10 Sapagka’t tayo’y kaniyang gawa, na nilalang kay Cristo Jesus para sa mabubuting gawa, na mga inihanda ng Dios nang una upang siya nating lakaran.

11 Kaya nga alalahanin ninyo, na kayo noong una, mga Gentil sa laman, tinatawag na Di-pagtutuli niyaong tinatawag na Pagtutuli sa laman, na ginawa ng mga kamay:

12 Na kayo nang panahong yaon ay mga hiwalay kay Cristo, na mga di kabilang sa bansa ng Israel, at mga taga ibang lupa tungkol sa mga tipan ng pangako, na walang pagasa at walang Dios sa sanglibutan.

13 Datapuwa’t ngayon kay Cristo Jesus kayo na noong panahon ay nalalayo ay inilapit sa dugo ni Cristo.

14 Sapagka’t siya ang ating kapayapaan, na kaniyang pinagisa ang dalawa, at iginiba ang pader na nasa gitna na nagpapahiwalay,

15 Na inalis ang pagkakaalit sa pamamagitan ng kaniyang laman, kahit kautusan na may mga batas at ang palatuntunan; upang sa dalawa ay lalangin sa kaniyang sarili ang isang taong bago, sa ganito’y ginagawa ang kapayapaan;

16 At upang papagkasunduin silang dalawa sa isang katawan sa Dios sa pamamagitan ng krus, na sa kaniya’y pinatay ang pagkakaalit.

17 At siya’y naparito at ipinangaral ang kapayapaan sa inyong nalalayo, at ang kapayapaan sa nangalalapit:

18 Sapagka’t sa pamamagitan niya tayo’y may pagpasok sa isang Espiritu rin sa Ama.

19 Kaya nga hindi na kayo mga taga ibang lupa at mga manglalakbay, kundi kayo’y mga kababayan na kasama ng mga banal, at sangbahayan ng Dios,

20 Na mga itinatayo sa ibabaw ng kinasasaligan ng mga apostol at ng mga propeta, na si Cristo Jesus din ang pangulong bato sa panulok;

21 Na sa kaniya’y ang buong gusali, na nakalapat na mabuti, ay lumalago upang maging isang templong banal sa Panginoon;

22 Na sa kaniya’y itinayo naman kayo upang maging tahanan ng Dios sa Espiritu.

Mga Taga-Efeso 3

1 Dahil dito, akong si Pablo, na bilanggo ni Cristo Jesus dahil sa inyong mga Gentil,

2 Kung tunay na inyong narinig yaong pagiging katiwala sa biyaya ng Dios na sa akin ay ibinigay sa ikagagaling ninyo;

3 Kung paanong sa pahayag ay ipinakilala sa akin ang hiwaga, gaya ng isinulat ko nang una sa ilang salita.

4 Sa pamamagitan niyaon, sa pagbasa ninyo, ay inyong mapagtatalastas ang aking pagkakilala sa hiwaga ni Cristo;

5 Na nang ibang panahon ay hindi ipinakilala sa mga anak ng mga tao, na gaya ngayon na ipinahayag sa kaniyang mga banal na apostol at propeta sa Espiritu;

6 Na ang mga Gentil ay mga tagapagmana, at mga kasangkap ng katawan, at mga may bahagi sa pangako na kay Cristo Jesus sa pamamagitan ng evangelio,

7 Na dito’y ginawa akong ministro, ayon sa kaloob ng biyayang yaon ng Dios na sa akin ay ibinigay ayon sa paggawa ng kaniyang kapangyarihan.

8 Sa akin, na ako ang kababababaan sa lahat ng lalong mababa sa mga banal, ay ibinigay ang biyayang ito, upang ipangaral sa mga Gentil ang mga di malirip na mga kayamanan ni Cristo;

9 At maipakita sa lahat ng mga tao kung ano ang pagiging katiwala sa hiwaga na sa lahat ng panahon ay inilihim ng Dios na lumalang ng lahat ng mga bagay;

10 Upang ngayo’y sa pamamagitan ng iglesia, ay maipakikilala sa mga pamunuan at sa mga kapangyarihan sa sangkalangitan ang kapuspusan ng karunungan ng Dios,

11 Ayon sa panukalang walang hanggan na ipinanukala kay Cristo Jesus na Panginoon natin:

12 Na sa kaniya’y mayroon tayong lakas ng loob at pagpasok na may pagasa sa pamamagitan ng ating pananampalataya sa kaniya.

13 Kaya nga ipinamamanhik ko na huwag kayong manglupaypay sa mga kapighatian ko dahil sa inyo, na pawang kapurihan ninyo.

14 Dahil dito ay iniluluhod ko ang aking mga tuhod sa Ama,

15 Na sa kaniya’y kumukuha ng pangalan ang bawa’t sangbahayan sa langit at sa lupa,

16 Upang sa inyo’y ipagkaloob niya, ayon sa mga kayamanan ng kaniyang kaluwalhatian, na kayo’y palakasin ng kapangyarihan sa pamamagitan ng kaniyang Espiritu sa pagkataong loob;

17 Na si Cristo ay manahan sa inyong mga puso sa pamamagitan ng pananampalataya; upang kung kayo’y magugat at magtumibay sa pagibig.

18 Ay lumakas upang matalastas pati ng lahat ng mga banal kung ano ang luwang at ang haba at ang taas at lalim,

19 At makilala ang pagibig ni Cristo na di masayod ng kaalaman, upang kayo’y mangapuspos hanggang sa buong kapuspusan ng Dios.

20 Ngayon sa makapangyarihang gumawa ng lubhang sagana ng higit sa lahat ng ating hinihingi o iniisip, ayon sa kapangyarihang gumagawa sa atin,

21 Ay sumakaniya nawa ang kaluwalhatian sa iglesia at kay Cristo Jesus sa buong panahon magpakailan man. Siya nawa.

Mga Taga-Efeso 4

1 Namamanhik nga sa inyo akong bilanggo sa Panginoon, na kayo’y magsilakad ng nararapat sa pagkatawag na sa inyo’y itinawag,

2 Ng buong kapakumbabaan at kaamuan, na may pagpapahinuhod, na mangagbatahan kayo-kayo sa pagibig;

3 Na pagsakitan ninyong ingatan ang pakikipagkaisa sa Espiritu sa tali ng kapayapaan.

4 May isang katawan, at isang Espiritu, gaya naman ng pagkatawag sa inyo sa isang pagasa ng pagtawag sa inyo;

5 Isang Panginoon, isang pananampalataya, isang bautismo,

6 Isang Dios at Ama ng lahat, na siyang sumasa ibabaw sa lahat, at sumasa lahat, at nasa lahat.

7 Datapuwa’t ang bawa’t isa sa atin ay binigyan ng biyaya ayon sa sukat na kaloob ni Cristo.

8 Kaya’t sinasabi niya, Nang umakyat siya sa itaas ay dinala niyang bihag ang pagkabihag, At nagbigay ng mga kaloob sa mga tao.

9 (Ngayon ito, Umakyat Siya, ano ito, kundi siya’y bumaba rin naman sa mga dakong kalaliman ng lupa?

10 Ang bumaba ay siya rin namang umakyat sa kaitaasan ng buong sangkalangitan, upang kaniyang mapuspos ang lahat ng mga bagay.)

11 At pinagkalooban niya ang mga iba na maging mga apostol; at ang mga iba’y propeta; at ang mga iba’y evangelista; at ang mga iba’y pastor at mga guro;

12 Sa ikasasakdal ng mga banal, sa gawaing paglilingkod sa ikatitibay ng katawan ni Cristo:

13 Hanggang sa abutin nating lahat ang pagkakaisa ng pananampalataya, at ang pagkakilala sa Anak ng Dios, hanggang sa lubos na paglaki ng tao, hanggang sa sukat ng pangangatawan ng kapuspusan ni Cristo:

14 Upang tayo’y huwag nang maging mga bata pa, na napapahapay dito’t doon at dinadala sa magkabikabila ng lahat na hangin ng aral, sa pamamagitan ng mga daya ng mga tao, sa katusuhan, ayon sa mga lalang ng kamalian;

15 Kundi sa pagsasalita ng katotohanan na may pagibig, ay mangagsilaki sa lahat ng mga bagay sa kaniya, na siyang pangulo, sa makatuwid baga’y si Cristo;

16 Na dahil sa kaniya’y ang buong katawan na nakalapat na mabuti at nagkakalakip sa pamamagitan ng tulong ng bawa’t kasukasuan, ayon sa paggawang nauukol sa bawa’t iba’t ibang sangkap, ay nagpapalaki sa katawan sa ikatitibay ng kaniyang sarili sa pagibig.

17 Ito nga ang sinasabi ko, at sinasaksihan sa Panginoon, na kayo’y hindi na nagsisilakad pa na gaya naman ng lakad ng mga Gentil, sa pagpapalalo sa kanilang pagiisip,

18 Na sa kadiliman ng kanilang pagiisip, ay nangahiwalay sa buhay ng Dios, dahil sa kahangalang nasa kanila, dahil sa pagmamatigas ng kanilang puso;

19 Na sila sa di pagkaramdam ng kahihiyan ay napahikayat sa kalibugan, upang kalakalin ang lahat ng karumihan ng buong kasakiman.

20 Nguni’t kayo’y hindi nangatuto ng ganito kay Cristo;

21 Kung tunay na siya’y inyong pinakinggan, at kayo’y tinuruan sa kaniya, gaya ng katotohanan na kay Jesus.

22 At inyong iwan, tungkol sa paraan ng inyong pamumuhay na nakaraan, ang dating pagkatao, na sumama ng sumama ayon sa mga kahalayan ng pagdaraya;

23 At kayo’y mangagbago sa espiritu ng inyong pagiisip,

24 At kayo’y mangagbihis ng bagong pagkatao, na ayon sa Dios ay nilalang sa katuwiran at sa kabanalan ng katotohanan.

25 Kaya nga, pagkatakuwil ng kasinungalingan, ay magsasalita ang bawa’t isa sa inyo ng katotohanan sa kaniyang kapuwa: sapagka’t tayo’y mga sangkap na isa’t isa sa atin.

26 Kayo’y mangagalit at huwag kayong mangakasala: huwag lumubog ang araw sa inyong galit:

27 Ni bigyan daan man ang diablo.

28 Ang nagnanakaw ay huwag nang magnakaw pa: bagkus magpagal, na igawa ang kaniyang mga kamay ng mabuting bagay, upang siya’y may maibigay sa nangangailangan.

29 Anomang salitang mahalay ay huwag lumabas sa inyong bibig, kundi ang mabuting ikatitibay ayon sa pangangailangan, upang makinabang ng biyaya ang mga nagsisipakinig.

30 At huwag ninyong pighatiin ang Espiritu Santo ng Dios, na sa kaniya kayo’y tinatakan hanggang sa kaarawan ng pagkatubos.

31 Ang lahat ng kapaitan, at kagalitan, at pagkakaalit, at kadaldalan, at panglilibak, ay mangaalis nawa sa inyo, pati ng lahat ng masasamang akala:

32 At magmagandang-loob kayo sa isa’t isa, mga mahabagin, na mangagpatawaran kayo sa isa’t isa, gaya naman ng pagpapatawad sa inyo ng Dios kay Cristo.