I Mga Hari 15

1 Nang ikalabing walong taon nga ng haring Jeroboam, na anak ni Nabat, ay nagpasimula si Abiam na maghari sa Juda.

2 Tatlong taon siyang naghari sa Jerusalem, at ang pangalan ng kaniyang ina ay Maacha na anak ni Abisalom.

3 At siya’y lumakad sa lahat ng mga kasalanan ng kaniyang ama na ginawa nito na una sa kaniya: at ang kaniyang puso ay hindi sakdal sa Panginoon niyang Dios, na gaya ng puso ni David na kaniyang magulang.

4 Gayon ma’y dahil kay David ay binigyan siya ng Panginoon na kaniyang Dios ng isang ilawan sa Jerusalem, upang itaas ang kaniyang anak pagkamatay niya, at upang itatag sa Jerusalem:

5 Sapagka’t ginawa ni David ang matuwid sa harap ng mga mata ng Panginoon, at hindi lumihis sa anomang bagay na iniutos niya sa kaniya sa lahat ng kaarawan ng kaniyang buhay, liban lamang sa bagay ni Uria na Hetheo.

6 Nagkaroon nga ng pagdidigmaan si Roboam at si Jeroboam sa lahat ng kaarawan ng kaniyang buhay.

7 At ang iba nga sa mga gawa ni Abiam, at ang lahat niyang ginagawa, hindi ba nasusulat sa aklat ng mga alaala sa mga hari sa Juda? At nagkaroon ng pagdidigmaan si Abiam at si Jeroboam.

8 At si Abiam ay natulog na kasama ng kaniyang mga magulang; at inilibing nila siya sa bayan ni David: at si Asa na kaniyang anak ay naghari na kahalili niya.

9 At nang ikadalawang pung taon ni Jeroboam na hari sa Israel ay nagpasimula si Asa na maghari sa Juda.

10 At apat na pu’t isang taong naghari siya sa Jerusalem: at ang pangalan ng kaniyang ina ay Maacha, na anak ni Abisalom.

11 At ginawa ni Asa ang matuwid sa harap ng mga mata ng Panginoon, gaya ng ginawa ni David na kaniyang magulang.

12 At kaniyang inalis ang mga Sodomita sa lupain, at inalis ang lahat ng diosdiosan na ginawa ng kaniyang mga magulang.

13 At si Maacha naman na kaniyang ina ay inalis niya sa pagkareina, sapagka’t gumawa ng karumaldumal na larawan na pinaka Asera; at pinutol ni Asa ang kaniyang larawan, at sinunog sa batis Cedron.

14 Nguni’t ang matataas na dako ay hindi inalis: gayon ma’y ang puso ni Asa ay sakdal sa Panginoon sa lahat ng kaniyang kaarawan.

15 At kaniyang ipinasok sa bahay ng Panginoon ang mga bagay na itinalaga ng kaniyang ama, at ang mga bagay na itinalaga niya, pilak, at ginto, at mga sisidlan.

16 At nagkaroon ng pagdidigmaan si Asa at si Baasa na hari sa Israel sa lahat ng kanilang kaarawan.

17 At si Baasa na hari sa Israel ay umahon laban sa Juda, at itinayo ang Rama upang huwag niyang matiis na sinoma’y lumabas o pumaroon kay Asa na hari sa Juda.

18 Nang magkagayo’y kinuha ni Asa ang lahat na pilak at ginto na naiwan sa mga kayamanan ng bahay ng Panginoon, at sa mga kayamanan ng bahay ng hari, at ibinigay sa kamay ng kaniyang mga lingkod: at ipinadala ang mga yaon ng haring Asa kay Ben-adad na anak ni Tabrimon, na anak ni Hezion, na hari sa Siria, na tumatahan sa Damasco, na nagsasabi,

19 May pagkakasundo ako at ikaw, ang aking ama at ang iyong ama: narito, aking ipinadala sa iyo ang isang kaloob na pilak at ginto; ikaw ay yumaon, sirain mo ang iyong pakikipagkasundo kay Baasa na hari sa Israel, upang siya’y lumayas sa akin.

20 At dininig ni Ben-adad ang haring Asa, at sinugo ang mga puno ng kaniyang mga hukbo laban sa mga bayan ng Israel, at sinaktan ang Ahion at ang Dan, at ang Abel-bethmaacha at ang buong Cinneroth, sangpu ng buong lupain ng Nephtali.

21 At nangyari nang mabalitaan yaon ni Baasa, na iniwan ang pagtatayo ng Rama, at tumahan sa Thirsa.

22 Nang magkagayo’y itinanyag ng haring Asa ang buong Juda; walang natangi: at kanilang inalis ang mga bato ng Rama, at ang mga kahoy niyaon, na ipinagtayo ni Baasa; at itinayo ng haring Asa sa pamamagitan niyaon ang Gabaa ng Benjamin at ang Mizpa.

23 Ang iba nga sa lahat na gawa ni Asa, at sa kaniyang buong kapangyarihan, at ang lahat niyang ginawa, at ang mga bayan na kaniyang itinayo, di ba nasusulat sa aklat ng mga alaala sa mga hari sa Juda? Nguni’t sa panahon ng kaniyang katandaan, siya’y nagkasakit sa kaniyang mga paa.

24 At si Asa ay natulog na kasama ng kaniyang mga magulang, at nalibing na kasama ng kaniyang mga magulang sa bayan ni David na kaniyang magulang: at si Josaphat na kaniyang anak ay naghari na kahalili niya.

25 At si Nadab na anak ni Jeroboam ay nagpasimulang maghari sa Israel sa ikalawang taon ni Asa na hari sa Juda, at siya’y naghari sa Israel na dalawang taon.

26 At siya’y gumawa ng masama sa paningin ng Panginoon, at lumakad ng lakad ng kaniyang ama, at sa kaniyang kasalanan na kaniyang ipinapagkasala sa Israel.

27 At si Baasa na anak ni Ahia, sa sangbahayan ni Issachar ay nagbanta laban sa kaniya; at sinaktan siya ni Baasa sa Gibbethon, na nauukol sa mga Filisteo; sapagka’t kinukulong ni Nadab at ng buong Israel ang Gibbethon.

28 Nang ikatlong taon nga ni Asa na hari sa Juda, ay pinatay siya ni Baasa, at naghari na kahalili niya.

29 At nangyari, na pagkapaging hari niya, sinaktan niya ang buong sangbahayan ni Jeroboam, hindi siya nag-iwan kay Jeroboam ng sinomang may hininga, hanggang sa kaniyang nilipol siya, ayon sa sabi ng Panginoon na kaniyang sinalita sa pamamagitan ng kaniyang lingkod na si Ahias na Silonita:

30 Dahil sa mga kasalanan ni Jeroboam na kaniyang ipinagkasala, at kaniyang ipinapagkasala sa Israel; dahil sa kaniyang pamumungkahi na kaniyang iminungkahing galit sa Panginoon, sa Dios ng Israel.

31 Ang iba nga sa mga gawa ni Nadab, at ang lahat niyang ginawa, di ba nasusulat sa aklat ng mga alaala sa mga hari sa Israel?

32 At nagkaroon ng pagdidigmaan si Asa at si Baasa na hari sa Israel sa lahat ng kanilang kaarawan.

33 Nang ikatlong taon ni Asa na hari sa Juda, ay nagpasimulang maghari si Baasa na anak ni Ahia sa buong Israel sa Thirsa, at naghari na dalawang pu’t apat na taon.

34 At siya’y gumawa ng masama sa paningin ng Panginoon, at lumakad ng lakad ni Jeroboam, at sa kaniyang kasalanan na ipinapagkasala sa Israel.

I Mga Hari 16

1 At ang salita ng Panginoon ay, dumating kay Jehu na anak ni Hanani, laban kay Baasa, na sinasabi,

2 Yamang itinaas kita mula sa alabok, at ginawa kitang pangulo sa aking bayang Israel; at ikaw ay lumakad ng lakad ni Jeroboam, at iyong pinapagkasala ang aking bayang Israel, upang mungkahiin mo ako sa galit sa pamamagitan ng kanilang mga kasalanan;

3 Narito, aking lubos na papalisin si Baasa at ang kaniyang sangbahayan; at aking gagawin ang iyong sangbahayan na gaya ng sangbahayan ni Jeroboam na anak ni Nabat.

4 Ang mamatay kay Baasa sa bayan ay kakanin ng mga aso; at ang mamatay sa kaniya sa parang ay kakanin ng mga ibon sa himpapawid,

5 Ang iba nga sa mga gawa ni Baasa, at ang kaniyang ginawa, at ang kaniyang kapangyarihan, di ba nasusulat sa aklat ng mga alaala sa mga hari sa Israel?

6 At natulog si Baasa na kasama ng kaniyang mga magulang, at nalibing sa Thirsa; at si Ela na kaniyang anak ay naghari na kahalili niya.

7 At bukod dito’y, sa pamamagitan ng propetang si Jehu na anak ni Hanani, ay dumating ang salita ng Panginoon laban kay Baasa, at laban sa kaniyang sangbahayan, dahil sa lahat na kasamaan na kaniyang ginawa sa paningin ng Panginoon, upang mungkahiin siya sa galit sa pamamagitan ng gawa ng kaniyang mga kamay, sa pagkagaya sa sangbahayan ni Jeroboam, at sapagka’t sinaktan din niya siya.

8 Nang ikadalawang pu’t anim na taon ni Asa na hari sa Juda ay nagpasimula si Ela na anak ni Baasa na maghari sa Israel sa Thirsa, at nagharing dalawang taon.

9 At ang kaniyang lingkod na si Zimri, na punong kawal sa kalahati ng kaniyang mga karo, ay nagbanta laban sa kaniya. Siya’y nasa Thirsa nga, na nagiinom at lasing sa bahay ni Arsa, na siyang katiwala sa sangbahayan sa Thirsa:

10 At pumasok si Zimri, at sinaktan siya, at pinatay siya, nang ikadalawang pu’t pitong taon ni Asa na hari sa Juda, at naghari na kahalili niya.

11 At nangyari, nang siya’y magpasimulang maghari, pagupo niya sa kaniyang luklukan, ay kaniyang sinaktan ang buong sangbahayan ni Baasa: hindi siya nagiwan ng isa man lamang lalaking bata, kahit kamaganak niya, kahit mga kaibigan niya.

12 Ganito nilipol ni Zimri ang buong sangbahayan ni Baasa, ayon sa salita ng Panginoon, na kaniyang sinalita laban kay Baasa, sa pamamagitan ni Jehu na propeta,

13 Dahil sa lahat ng mga kasalanan ni Baasa, at mga kasalanan ni Ela na kaniyang anak, na kanilang ipinagkasala, at kanilang ipinapagkasala sa Israel, upang mungkahiin sa galit ang Panginoon, ang Dios ng Israel sa pamamagitan ng kanilang mga kalayawan.

14 Ang iba nga sa mga gawa ni Ela, at ang lahat na kaniyang ginawa, di ba nasusulat sa aklat ng mga alaala sa mga hari sa Israel?

15 Nang ikadalawang pu’t pitong taon ni Asa na hari sa Juda, ay naghari si Zimri na pitong araw sa Thirsa. Ang bayan nga ay humantong laban sa Gibbethon na nauukol sa mga Filisteo.

16 At narinig ng bayan na nasa hantungan na sinabing nagbanta si Zimri, at sinaktan ang hari: kaya’t ginawang hari sa Israel ng buong Israel si Omri na punong kawal ng hukbo nang araw na yaon sa kampamento.

17 At si Omri ay umahon mula sa Gibbethon, at ang buong Israel ay kasama niya, at kanilang kinubkob ang Thirsa.

18 At nangyari, nang makita ni Zimri na ang bayan ay nasakop, na siya’y naparoon sa castilyo ng bahay ng hari, at sinunog ng apoy ang bahay na kinaroroonan ng hari at siya’y namatay.

19 Dahil sa kaniyang mga kasalanan na kaniyang ipinagkasala sa paggawa ng masama sa paningin ng Panginoon sa paglakad sa lakad ni Jeroboam, at sa kaniyang kasalanan na kaniyang ginawa, upang papagkasalahin ang Israel.

20 Ang iba nga sa mga gawa ni Zimri, at ang kaniyang panghihimagsik na kaniyang ginawa, di ba nasusulat sa aklat ng mga alaala sa mga hari sa Israel?

21 Nang magkagayo’y ang bayan ng Israel ay nahati sa dalawa: ang kalahati ng bayan ay sumunod kay Thibni na anak ni Gineth, upang gawin siyang hari; at ang kalahati ay sumunod kay Omri.

22 Nguni’t ang bayan na sumunod kay Omri ay nanaig laban sa bayan na sumunod kay Thibni na anak ni Gineth: sa gayo’y namatay si Thibni at naghari si Omri.

23 Nang ikatatlong pu’t isang taon ni Asa na hari sa Juda ay nagpasimula si Omri na maghari sa Israel, at naghari na labing dalawang taon: anim na taon na naghari siya sa Thirsa.

24 At binili niya ang burol ng Samaria kay Semer sa halagang dalawang talentong pilak; at siya’y nagtayo sa burol, at tinawag ang pangalan ng bayan na kaniyang itinayo, ayon sa pangalan ni Semer, na may-ari ng burol, na Samaria.

25 At gumawa si Omri ng masama sa paningin ng Panginoon, at gumawa ng masama na higit kay sa lahat na nauna sa kaniya.

26 Sapagka’t siya’y lumakad sa buong lakad ni Jeroboam na anak ni Nabat, at sa kaniyang mga kasalanan na ipinapagkasala niya sa Israel, upang mungkahiin sa galit ang Panginoon, ang Dios ng Israel sa pamamagitan ng kanilang mga kalayawan.

27 Ang iba nga sa mga gawa ni Omri na kaniyang ginawa, at ang kapangyarihan niya na kaniyang ipinamalas, di ba nasusulat sa mga aklat ng mga alaala sa mga hari sa Israel?

28 Sa gayo’y natulog si Omri na kasama ng kaniyang mga magulang, at nalibing sa Samaria; at si Achab na kaniyang anak ay naghari na kahalili niya.

29 At nang ikatatlong pu’t walong taon ni Asa na hari sa Juda, ay nagpasimula si Achab na anak ni Omri na maghari sa Israel: at si Achab na anak ni Omri ay naghari sa Israel sa Samaria na dalawang pu’t dalawang taon.

30 At si Achab na anak ni Omri ay gumawa ng masama sa paningin ng Panginoon na higit kay sa lahat na nauna sa kaniya.

31 At nangyari, na wari isang magaang bagay sa kaniya na lumakad sa mga kasalanan ni Jeroboam na anak ni Nabat, na siya’y nagasawa kay Jezabel, na anak ni Ethbaal na hari ng mga Sidonio, at yumaon at naglingkod kay Baal, at sumamba sa kaniya.

32 At kaniyang ipinagtayo ng dambana si Baal sa bahay ni Baal na kaniyang itinayo sa Samaria.

33 At gumawa si Achab ng Asera; at gumawa pa ng higit si Achab upang mungkahiin ang Panginoon, ang Dios ng Israel, sa galit kay sa lahat ng mga hari sa Israel na nauna sa kaniya.

34 Sa kaniyang mga kaarawan itinayo ni Hiel na taga Beth-el ang Jerico: siya’y naglagay ng talagang-baon sa pagkamatay ni Abiram na kaniyang panganay, at itinayo ang mga pintuang-bayan niyaon sa pagkamatay ng kaniyang bunsong anak na si Segub; ayon sa salita ng Panginoon na kaniyang sinalita sa pamamagitan ni Josue na anak ni Nun.

I Mga Hari 17

1 At si Elias na Thisbita, na sa mga nakikipamayan sa Galaad, ay nagsabi kay Achab: Buhay ang Panginoon, ang Dios ng Israel, na ako’y nakatayo sa harap niya hindi magkakaroon ng hamog o ulan man sa mga taong ito, kundi ayon sa aking salita.

2 At ang salita ng Panginoon ay dumating sa kaniya, na nagsasabi,

3 Umalis ka rito, at lumiko ka sa dakong silanganan, at magkubli ka sa tabi ng batis Cherith na nasa tapat ng Jordan.

4 At mangyayari, na ikaw ay iinom sa batis; at aking iniutos sa mga uwak na pakanin ka roon.

5 Sa gayo’y naparoon siya at ginawa ang ayon sa salita ng Panginoon: sapagka’t siya’y pumaroon at tumahan sa tabi ng batis Cherith, na nasa tapat ng Jordan.

6 At dinadalhan siya ng tinapay at laman ng mga uwak sa umaga, at tinapay at laman sa hapon, at siya’y umiinom sa batis.

7 At nangyari, pagkaraan ng sanggayon, na ang batis ay natuyo, sapagka’t walang ulan sa lupain.

8 At ang salita ng Panginoon ay dumating sa kaniya, na sinasabi,

9 Ikaw ay bumangon, paroon ka sa Sarepta, na nauukol sa Sidon, at tumahan ka roon: narito, aking inutusan ang isang baong babae roon na pakanin ka.

10 Sa gayo’y bumangon siya, at naparoon sa Sarepta; at nang siya’y dumating sa pintuan ng bayan, narito, isang baong babae ay nandoon na namumulot ng mga patpat: at tinawag niya siya, at sinabi, Isinasamo ko sa iyo na dalhan mo ako ng kaunting tubig sa inuman, upang aking mainom.

11 At nang siya’y yumayaon upang kumuha, tinawag niya siya, at sinabi, Dalhan mo ako, isinasamo ko sa iyo, ng isang subong tinapay sa iyong kamay.

12 At kaniyang sinabi, Ang Panginoon mong Dios ay buhay, ako’y wala kahit munting tinapay, kundi isang dakot na harina sa gusi, at kaunting langis sa banga: at, narito, ako’y namumulot ng dalawang patpat, upang ako’y pumasok, at ihanda sa akin at sa aking anak, upang aming makain, bago kami mamatay.

13 At sinabi ni Elias sa kaniya, Huwag kang matakot; yumaon ka, at gawin mo ang iyong sinabi, nguni’t igawa mo muna ako ng munting tinapay, at ilabas mo sa akin, at pagkatapos ay gumawa ka para sa iyo at para sa iyong anak.

14 Sapagka’t ganito ang sabi ng Panginoon, ng Dios ng Israel, Ang gusi ng harina ay hindi makukulangan, o ang banga ng langis man ay mababawasan hanggang sa araw na magpaulan ang Panginoon sa ibabaw ng lupa.

15 At siya’y yumaon, at ginawa ang ayon sa sabi ni Elias: at kumain ang babae, at siya, at ang kaniyang sangbahayan na maraming araw.

16 Ang gusi ng harina ay hindi nakulangan, o ang banga ng langis man ay nabawasan, ayon sa salita ng Panginoon, na kaniyang sinalita sa pamamagitan ni Elias.

17 At nangyari, pagkatapos ng mga bagay na ito, na ang anak na lalake ng babae, na may-ari ng bahay ay nagkasakit; at ang kaniyang sakit ay malubha, na walang hiningang naiwan sa kaniya.

18 At sinabi niya kay Elias, Ano ang ipakikialam ko sa iyo, Oh ikaw na lalake ng Dios? ikaw ay naparito sa akin upang ipaalala mo ang aking kasalanan, at upang patayin ang aking anak!

19 At sinabi niya sa kaniya, Ibigay mo sa akin ang iyong anak. At kinuha niya sa kaniyang kandungan, at dinala sa silid na kaniyang tinatahanan, at inihiga sa kaniyang sariling higaan.

20 At siya’y dumaing sa Panginoon, at nagsabi, Oh Panginoon kong Dios, dinalhan mo rin ba ng kasamaan ang bao na aking kinatutuluyan, sa pagpatay sa kaniyang anak?

21 At siya’y umunat sa bata na makaitlo, at dumaing sa Panginoon, at nagsabi, Oh Panginoon kong Dios, idinadalangin ko sa iyo na iyong pabalikin sa kaniya ang kaluluwa ng batang ito.

22 At dininig ng Panginoon ang tinig ni Elias; at ang kaluluwa ng bata ay bumalik sa kaniya, at siya’y muling nabuhay.

23 At kinuha ni Elias ang bata, at ibinaba sa loob ng bahay na mula sa silid, at ibinigay siya sa kaniyang ina: at sinabi ni Elias, Tingnan mo, ang iyong anak ay buhay.

24 At sinabi ng babae kay Elias, Ngayo’y talastas ko na ikaw ay lalake ng Dios, at ang salita ng Panginoon sa iyong bibig ay katotohanan.

I Mga Hari 18

1 At nangyari, pagkaraan ng maraming araw, na ang salita ng Panginoon ay dumating kay Elias, sa ikatlong taon, na nagsasabi, Ikaw ay yumaon, pakita ka kay Achab; at ako’y magpapaulan sa lupa.

2 At si Elias ay yumaon napakita kay Achab. At ang kagutom ay malala sa Samaria.

3 At tinawag ni Achab si Abdias na siyang katiwala sa bahay. (Si Abdias nga ay natatakot na mainam sa Panginoon:

4 Sapagka’t nangyari, nang ihiwalay ni Jezabel ang mga propeta ng Panginoon, na kumuha si Abdias ng isang daang propeta, at ikinubli na limalimangpu sa isang yungib, at pinakain sila ng tinapay at tubig,)

5 At sinabi ni Achab kay Abdias, Lakarin mo ang lupain, hanggang sa lahat ng mga bukal ng tubig, at hanggang sa lahat ng mga batis: marahil tayo’y makakasumpong ng damo, at maililigtas nating buhay ang mga kabayo at mga mula upang huwag tayong mawalan ng lahat na hayop.

6 Sa gayo’y pinaghati nila ang lupain sa gitna nila upang lakarin: si Achab ay lumakad ng kaniyang sarili sa isang daan, at si Abdias ay lumakad ng kaniyang sarili sa isang daan.

7 At samantalang si Abdias ay nasa daan, narito, nasalubong siya ni Elias: at nakilala niya siya, at nagpatirapa, at nagsabi, Di ba ikaw, ang panginoon kong si Elias?

8 At siya’y sumagot sa kaniya, Ako nga: ikaw ay yumaon, saysayin mo sa iyong panginoon, Narito, si Elias ay nandito.

9 At kaniyang sinabi, Sa ano ako nagkasala na iyong ibibigay ang iyong lingkod sa kamay ni Achab, upang patayin ako?

10 Buhay ang Panginoon mong Dios, walang bansa o kaharian man na hindi pinagpahanapan sa iyo ng aking panginoon: at pagka kanilang sinasabi, Siya’y wala rito, kaniyang pinasusumpa ang kaharian at bansa, na hindi kinasusumpungan sa iyo.

11 At ngayo’y iyong sinasabi, Ikaw ay yumaon, saysayin mo sa iyong panginoon, Narito, si Elias ay nandito.

12 At mangyayari, pagkahiwalay ko sa iyo na dadalhin ka ng Espiritu ng Panginoon sa hindi ko nalalaman; na anopa’t pagka ako’y pumaroon at isinaysay ko kay Achab, at ikaw ay hindi niya nasumpungan, papatayin niya ako: nguni’t akong iyong lingkod ay natatakot sa Panginoon mula sa aking pagkabinata.

13 Hindi ba nasaysay sa aking panginoon, kung ano ang aking ginawa nang patayin ni Jezabel ang mga propeta ng Panginoon, kung paanong nagkubli ako ng isang daan sa mga propeta ng Panginoon, na limalimangpu sa isang yungib, at pinakain ko sila ng tinapay at tubig?

14 At ngayo’y iyong sinasabi, Ikaw ay yumaon, saysayin mo sa iyong panginoon. Narito, si Elias ay nandito; at papatayin niya ako.

15 At sinabi ni Elias, Buhay ang Panginoon ng mga hukbo, na sa harap niya’y nakatayo ako, ako’y walang salang pakikita sa kaniya ngayon.

16 Sa gayo’y yumaon si Abdias upang salubungin si Achab, at sinaysay sa kaniya: at si Achab ay yumaon upang salubungin si Elias.

17 At nangyari, nang makita ni Achab si Elias, na sinabi ni Achab sa kaniya, Di ba ikaw, ang mangbabagabag sa Israel?

18 At siya’y sumagot, Hindi ko binagabag ang Israel; kundi ikaw, at ang sangbahayan ng iyong ama, sa inyong pagkapabaya ng mga utos ng Panginoon, at ikaw ay sumunod kay Baal.

19 Ngayon nga’y magsugo ka, at pisanin mo sa akin ang buong Israel sa bundok ng Carmelo, at ang mga propeta ni Baal na apat na raan at limangpu, at ang mga propeta ni Asera na apat na raan, na nagsikain sa dulang ni Jezabel.

20 Sa gayo’y nagsugo si Achab sa lahat ng mga anak ni Israel, at pinisan ang mga propeta sa bundok ng Carmelo.

21 At si Elias ay lumapit sa buong bayan, at nagsabi, Hanggang kaylan kayo mangagaalinlangan sa dalawang isipan? kung ang Panginoon ay Dios, sumunod kayo sa kaniya: nguni’t kung si Baal, sumunod nga kayo sa kaniya. At ang bayan ay hindi sumagot sa kaniya kahit isang salita.

22 Nang magkagayo’y sinabi ni Elias sa bayan, Ako, ako lamang, ang naiwang propeta ng Panginoon; nguni’t ang mga propeta ni Baal ay apat na raan at limang pung lalake.

23 Bigyan nga nila tayo ng dalawang baka; at pumili sila sa ganang kanila ng isang baka, at katayin, at ilagay sa ibabaw ng kahoy, at huwag lagyan ng apoy sa ilalim: at ihahanda ko ang isang baka at ilalagay ko sa kahoy, at hindi ko lalagyan ng apoy sa ilalim.

24 At tawagan ninyo ang pangalan ng inyong dios, at tatawagan ko ang pangalan ng Panginoon: at ang Dios na sumagot sa pamamagitan ng apoy, ay siyang maging Dios. At ang buong bayan ay sumagot, at nagsabi, Mabuti ang pagkasabi.

25 At sinabi ni Elias sa mga propeta ni Baal, Magsipili kayo ng isang baka sa ganang inyo, at inyong ihandang una, sapagka’t kayo’y marami; at tawagan ninyo ang pangalan ng inyong dios, nguni’t huwag ninyong lagyan ng apoy sa ilalim.

26 At kanilang kinuha ang baka na ibinigay sa kanila, at kanilang inihanda, at tinawagan ang pangalan ni Baal mula sa kinaumagahan hanggang sa kinatanghaliang tapat, na nagsisipagsabi, Oh Baal dinggin mo kami. Nguni’t walang tinig, o sinomang sumagot. At sila’y nagsisilukso sa siping ng dambana na ginawa.

27 At nangyari, nang kinatanghaliang tapat, na biniro sila ni Elias, at sinabi, Sumigaw kayo ng malakas: sapagka’t siya’y dios; siya nga’y nagmumunimuni, o nasa tabi, o nasa paglalakbay, o marahil siya’y natutulog, at marapat gisingin.

28 At sila’y nagsisigaw ng malakas, at sila’y nagsipagkudlit ayon sa kanilang kaugalian ng sundang at mga sibat, hanggang sa bumuluwak ang dugo sa kanila.

29 At nangyari nang makaraan ang kinatanghaliang tapat, na sila’y nanghula hanggang sa oras ng paghahandog ng alay na ukol sa hapon: nguni’t wala kahit tinig, ni sinomang sumagot, ni sinomang makinig.

30 At sinabi ni Elias sa buong bayan, Lumapit kayo sa akin; at ang buong bayan ay lumapit sa kaniya. At kaniyang inayos ang dambana ng Panginoon na nabagsak.

31 At kumuha si Elias ng labing dalawang bato, ayon sa bilang ng mga lipi ng mga anak ni Jacob, na sa kaniya ang salita ng Panginoon ay dumating, na sinasabi, Israel ang magiging iyong pangalan.

32 At sa pamamagitan ng mga bato ay kaniyang itinayo ang dambana sa pangalan ng Panginoon; at kaniyang nilagyan ng hukay sa palibot ng dambana, na ang laki ay kasisidlan ng dalawang takal na binhi.

33 At kaniyang inilagay ang kahoy na maayos, at kinatay ang baka at ipinatong sa kahoy. At kaniyang sinabi, Punuin ninyo ang apat na tapayan ng tubig, at ibuhos ninyo sa handog na susunugin, at sa kahoy.

34 At kaniyang sinabi, Gawin ninyong ikalawa; at kanilang ginawang ikalawa. At kaniyang sinabi, Gawin ninyong ikaitlo; at kanilang ginawang ikaitlo.

35 At ang tubig ay umagos sa palibot ng dambana; at kaniyang pinuno naman ng tubig ang hukay.

36 At nangyari, sa oras ng paghahandog ng alay sa hapon, na si Elias, na propeta ay lumapit, at nagsabi, Oh Panginoon, na Dios ni Abraham, ni Isaac, at ni Israel, pakilala ka sa araw na ito, na ikaw ay Dios sa Israel, at ako ang iyong lingkod, at aking ginawa ang lahat na bagay na ito sa iyong salita.

37 Dinggin mo ako, Oh Panginoon, dinggin mo ako, upang matalastas ng bayang ito, na ikaw, na Panginoon, ay Dios, at iyong pinapanumbalik ang kanilang puso.

38 Nang magkagayo’y ang apoy ng Panginoon ay nalaglag, at sinupok ang handog na susunugin at ang kahoy, at ang mga bato, at ang alabok, at hinimuran ang tubig na nasa hukay.

39 At nang makita ng buong bayan, sila’y nagpatirapa: at kanilang sinabi, Ang Panginoon ay siyang Dios; ang Panginoon ay siyang Dios.

40 At sinabi ni Elias sa kanila, Dakpin ninyo ang mga propeta ni Baal; huwag makatanan ang sinoman sa kanila. At kanilang dinakip sila: at sila’y ibinaba ni Elias sa batis ng Cison, at pinatay roon.

41 At sinabi ni Elias kay Achab, Ikaw ay umahon, kumain ka at uminom ka; sapagka’t may hugong ng kasaganaan ng ulan.

42 Sa gayo’y umahon si Achab upang kumain at uminom. At si Elias ay umahon sa taluktok ng Carmelo; at siya’y yumukod sa lupa, at inilagay ang kaniyang mukha sa pagitan ng kaniyang mga tuhod.

43 At kaniyang sinabi sa kaniyang lingkod, Umahon ka ngayon, tumingin ka sa dakong dagat. At siya’y umahon at tumingin, at nagsabi, Walang anomang bagay. At kaniyang sinabi, Yumaon ka uling makapito.

44 At nangyari, sa ikapito, na kaniyang sinabi, Narito, may bumangong isang ulap sa dagat, na kasingliit ng kamay ng isang lalake. At kaniyang sinabi, Ikaw ay yumaon, sabihin mo kay Achab, Ihanda mo ang iyong karo, at ikaw ay lumusong baka ka mapigil ng ulan.

45 At nangyari, pagkaraan ng sangdali, na ang langit ay nagdilim sa alapaap at hangin, at nagkaroon ng malakas na ulan. At si Achab ay sumakay, at naparoon sa Jezreel.

46 At ang kamay ng Panginoon ay nasa kay Elias; at kaniyang binigkisan ang kaniyang mga balakang, at tumakbong nagpauna kay Achab sa pasukan ng Jezreel.

I Mga Hari 19

1 At sinaysay ni Achab kay Jezabel ang lahat na ginawa ni Elias, at kung paanong kaniyang pinatay ng tabak ang lahat ng mga propeta.

2 Nang magkagayo’y nagsugo si Jezabel ng sugo kay Elias, na nagsasabi, Ganito ang gawin sa akin ng mga dios, at lalo na, kung hindi ko gawin ang buhay mo na gaya ng buhay ng isa sa kanila kinabukasan sa may ganitong panahon.

3 At nang makita niya ay bumangon siya, at yumaon dahil sa kaniyang buhay, at naparoon sa Beerseba, na nauukol sa Juda, at iniwan ang kaniyang lingkod doon.

4 Nguni’t siya’y lumakad ng paglalakbay na isang araw sa ilang at naparoon, at umupo sa ilalim ng isang punong kahoy na enebro: at siya’y humiling sa ganang kaniya na siya’y mamatay sana, at nagsabi, Sukat na; ngayon, Oh Panginoon kunin mo ang aking buhay; sapagka’t hindi ako mabuti kay sa aking mga magulang.

5 At siya’y nahiga at natulog sa ilalim ng punong kahoy na enebro; at, narito, kinalabit siya ng isang anghel, at sinabi sa kaniya, Ikaw ay gumising at kumain.

6 At siya’y tumingin, at, narito, na sa kaniyang ulunan ang isang munting tinapay na luto sa baga, at isang sarong tubig. At siya’y kumain at uminom, at nahiga uli.

7 At ang anghel ng Panginoon ay nagbalik na ikalawa, at kinalabit siya, at sinabi, Ikaw ay bumangon at kumain; sapagka’t ang paglalakbay ay totoong malayo sa ganang iyo.

8 At siya’y bumangon, at kumain, at uminom, at siya’y yumaon sa lakas ng pagkaing yaon, na apat na pung araw at apat na pung gabi hanggang sa Horeb sa bundok ng Dios.

9 At siya’y naparoon sa isang yungib, at tumuloy roon: at, narito, ang salita ng Panginoon ay dumating sa kaniya, at sinabi niya sa kaniya, Ano ang ginagawa mo rito Elias?

10 At sinabi niya, Ako’y naging totoong marubdob dahil sa Panginoon, sa Dios ng mga hukbo; sapagka’t pinabayaan ng mga anak ni Israel ang iyong tipan, ibinagsak ang iyong mga dambana, at pinatay ng tabak ang iyong mga propeta: at ako, ako lamang, ang naiwan; at kanilang pinaguusig ang aking buhay, upang kitlin.

11 At kaniyang sinabi, Ikaw ay yumaon, at tumayo ka sa ibabaw ng bundok sa harap ng Panginoon. At, narito, ang Panginoon ay nagdaan, at bumuka ang mga bundok sa pamamagitan ng isang malaki at malakas na hangin, at pinagputolputol ang mga bato sa harap ng Panginoon; nguni’t ang Panginoon ay wala sa hangin: at pagkatapos ng hangin ay isang lindol; nguni’t ang Panginoon ay wala sa lindol:

12 At pagkatapos ng lindol ay apoy; nguni’t ang Panginoon ay wala sa apoy: at pagkatapos ng apoy ay isang marahang bulong na tinig.

13 At nangyari, nang marinig ni Elias, ay tinakpan niya ang kaniyang mukha ng kaniyang balabal, at lumabas, at tumayo sa pasukan sa yungib. At, narito, dumating ang isang tinig sa kaniya, at nagsabi, Ano ang ginagawa mo rito Elias?

14 At kaniyang sinabi, Ako’y naging totoong marubdob dahil sa Panginoon, sa Dios ng mga hukbo: sapagka’t pinabayaan ng mga anak ni Israel ang iyong tipan, ibinagsak ang iyong mga dambana, at pinatay ng tabak ang iyong mga propeta; at ako, ako lamang, ang naiwan; at kanilang pinaguusig ang buhay ko, upang kitlin.

15 At sinabi ng Panginoon sa kaniya, Ikaw ay yumaon, bumalik ka sa iyong lakad sa ilang ng Damasco: at pagdating mo, ay iyong pahiran ng langis si Hazael upang maging hari sa Siria.

16 At si Jehu na anak ni Nimsi ay iyong papahiran ng langis upang maging hari sa Israel: at si Eliseo na anak ni Saphat sa Abel-mehula ay iyong papahiran ng langis upang maging propeta na kahalili mo.

17 At mangyayari na ang makatanan sa tabak ni Hazael ay papatayin ni Jehu: at ang makatanan sa tabak ni Jehu ay papatayin ni Eliseo.

18 Gayon ma’y iiwan ko’y pitong libo sa Israel, lahat na tuhod na hindi nagsiluhod kay Baal, at lahat ng bibig na hindi nagsihalik sa kaniya.

19 Sa gayo’y umalis siya roon at nasumpungan niya si Eliseo na anak ni Saphat, na nag-aararo, na may labing dalawang parehang baka sa unahan niya, at siya’y kasabay ng ikalabing dalawa: at dinaanan siya ni Elias at inihagis sa kaniya ang balabal niya.

20 At kaniyang iniwan ang mga baka, at tumakbong sinundan si Elias, at sinabi, Isinasamo ko sa iyo na pahagkan mo sa akin ang aking ama at aking ina, at susunod nga ako sa iyo. At sinabi niya sa kaniya, Bumalik ka uli; sapagka’t ano ang ginawa ko sa iyo?

21 At siya’y bumalik na mula sa pagsunod sa kaniya, at kinuha ang parehang mga baka, at pinatay ang mga yaon, at inilaga ang laman ng mga yaon sa pamamagitan ng mga kasangkapan ng mga baka, at ibinigay sa bayan, at kanilang kinain. Nang magkagayo’y tumindig siya, at sumunod kay Elias, at naglingkod sa kaniya.

I Mga Hari 20

1 At pinisan ni Ben-adad na hari sa Siria ang buong hukbo niya: at may tatlong pu’t dalawang hari na kasama siya, at mga kabayo, at mga karo: at siya’y umahon at kinubkob ang Samaria, at nilabanan yaon.

2 At siya’y nagsugo ng mga sugo kay Achab na hari sa Israel, sa loob ng bayan, at sinabi niya sa kaniya, Ganito ang sabi ni Ben-adad,

3 Ang iyong pilak at ang iyong ginto ay akin: pati ng iyong mga asawa at ng iyong mga anak, ang mga pinaka mahusay, ay akin.

4 At ang hari ng Israel ay sumagot, at nagsabi, Ayon sa iyong sabi, panginoon ko, Oh hari; ako’y iyo, at lahat ng aking tinatangkilik.

5 At ang mga sugo ay bumalik, at nagsabi, Ganito ang sinasalita ni Ben-adad na sinasabi, Ako’y tunay na nagsugo sa iyo, na nagpapasabi, Iyong ibibigay sa akin ang iyong pilak, at ang iyong ginto, at ang iyong mga asawa, at ang iyong mga anak;

6 Nguni’t susuguin ko sa iyo kinabukasan ang aking mga lingkod; sa may ganitong panahon, at kanilang sasaliksikin ang iyong bahay, at ang mga bahay ng iyong mga lingkod, at mangyayari, na anomang maligaya sa harap ng iyong mga mata ay hahawakan nila ng kanilang kamay, at dadalhin.

7 Nang magkagayo’y tinawag ng hari ng Israel ang lahat na matanda sa lupain, at sinabi, Isinasamo ko sa inyo na inyong tandaan at tingnan kung paanong ang taong ito’y humahanap ng pakikipagkaalit: sapagka’t kaniyang ipinagbilin ang aking mga asawa, at aking mga anak, at aking pilak, at aking ginto; at hindi ko ipinahindi sa kaniya.

8 At sinabi sa kaniya ng lahat na matanda at ng buong bayan, Huwag mong dinggin, o tulutan man.

9 Kaya’t kaniyang sinabi sa mga sugo ni Ben-adad, Saysayin ninyo sa aking panginoon na hari, Ang lahat na iyong ipinasugo sa iyong lingkod ng una ay aking gagawin: nguni’t ang bagay na ito ay hindi ko magagawa. At ang mga sugo ay nagsialis at nagsipagbalik ng salita sa kaniya.

10 At si Ben-adad ay nagsugo sa kaniya, at nagsabi, Gawing gayon ng mga dios sa akin, at lalo na kung ang alabok sa Samaria ay magiging sukat na dakutin ng buong bayan na sumusunod sa akin.

11 At ang hari sa Israel ay sumagot, at nagsabi, Saysayin ninyo sa kaniya na huwag maghambog ang nagbibigkis ng sakbat na gaya ng naghuhubad.

12 At nangyari, nang marinig ni Ben-adad ang pasugong ito, sa paraang siya’y umiinom, siya, at ang mga hari sa mga kulandong, na kaniyang sinabi sa kaniyang mga lingkod, Magsihanay kayo. At sila’y nagsihanay laban sa bayan.

13 At, narito, isang propeta ay lumapit kay Achab na hari sa Israel, at nagsabi, Ganito ang sabi ng Panginoon, Nakita mo ba ang lubhang karamihang ito? narito, aking ibibigay sa iyong kamay sa araw na ito; at iyong makikilala na ako ang Panginoon.

14 At sinabi ni Achab, Sa pamamagitan nino? At kaniyang sinabi, Ganito ang sabi ng Panginoon, Sa pamamagitan ng mga bataan ng mga prinsipe sa mga lalawigan. Nang magkagayo’y sinabi niya, Sino ang magpapasimula ng pagbabaka? At siya’y sumagot, Ikaw.

15 Nang magkagayo’y kaniyang hinusay ang mga bataan ng mga prinsipe sa mga lalawigan, at sila’y dalawang daan at tatlong pu’t dalawa; at pagkatapos ay kaniyang pinisan ang buong bayan, ang lahat ng mga anak ni Israel, na may pitong libo.

16 At sila’y nagsialis ng katanghaliang tapat. Nguni’t si Ben-adad ay umiinom na lango sa mga kulandong, siya, at ang mga hari, na tatlong pu’t dalawang hari na nagsisitulong sa kaniya.

17 At ang mga bataan ng mga prinsipe sa mga lalawigan ay nagsilabas na una; at si Ben-adad ay nagsugo, at isinaysay nila sa kaniya, na sinabi, May mga taong nagsilabas na mula sa Samaria.

18 At kaniyang sinabi, Maging sila’y magsilabas sa ikapapayapa, ay hulihin ninyong buhay; o maging sila’y magsilabas sa pakikidigma, ay hulihin ninyong buhay.

19 Sa gayo’y ang mga ito ay lumabas sa bayan, ang mga bataan ng mga prinsipe sa mga lalawigan, at ang hukbong sumusunod sa kanila.

20 At pinatay ng bawa’t isa ang kanikaniyang kalabang lalake; at ang mga taga Siria ay nagsitakas, at hinabol sila ng Israel; at si Ben-adad na hari sa Siria ay tumakas na nakasakay sa isang kabayo na kasama ng mga mangangabayo.

21 At ang hari sa Israel ay lumabas, at sinaktan ang mga kabayo at mga karo, at pinatay ang mga taga Siria ng malaking pagpatay.

22 At ang propeta ay lumapit sa hari sa Israel, at nagsabi sa kaniya, Ikaw ay yumaon, magpakalakas ka, at iyong tandaan, at tingnan mo kung ano ang iyong ginagawa; sapagka’t sa pagpihit ng taon ay aahon ang hari sa Siria laban sa iyo.

23 At sinabi ng mga lingkod ng hari sa Siria sa kaniya, Ang kanilang dios ay dios sa mga burol; kaya’t sila’y nagsipanaig sa atin: nguni’t magsilaban tayo laban sa kanila sa kapatagan, at walang pagsalang tayo’y magiging lalong malakas kay sa kanila.

24 At gawin mo ang bagay na ito; alisin mo ang mga hari sa kanikaniyang kalagayan, at maglagay ka ng mga punong kawal na kahalili nila:

25 At bumilang ka sa iyo ng isang hukbo, na gaya ng hukbo na iyong ipinahamak, kabayo kung kabayo, at karo kung karo: at tayo’y magsisilaban sa kanila sa kapatagan, at walang pagsalang tayo’y magiging lalong malakas kay sa kanila. At kaniyang dininig ang kanilang tinig at ginawang gayon.

26 At nangyari, sa pagpihit ng taon, na hinusay ni Ben-adad ang mga taga Siria at umahon sa Aphec upang lumaban sa Israel.

27 At ang mga anak ng Israel ay nangaghusay rin, at nangagbaon, at nagsiyaon laban sa kanila: at ang mga anak ng Israel ay humantong sa harap nila na wari dalawang munting kawang anak ng kambing; nguni’t linaganapan ng mga taga Siria ang lupain.

28 At isang lalake ng Dios ay lumapit at nagsalita sa hari ng Israel at nagsabi, Ganito ang sabi ng Panginoon, Sapagka’t sinabi ng mga taga Siria, Ang Panginoon ay dios sa mga burol, nguni’t hindi siya dios sa mga libis: kaya’t aking ibibigay ang buong malaking karamihang ito sa iyong kamay, at inyong malalaman na ako ang Panginoon.

29 At sila’y humantong na ang isa ay tapat sa isa na pitong araw. At nagkagayon, nang sa ikapitong araw, ay sinimulan ang pagbabaka; at ang mga anak ni Israel ay nagsipatay sa mga taga Siria ng isang daang libong nangaglalakad sa isang araw.

30 Nguni’t ang nangatira ay nagsitakas sa Aphec sa loob ng bayan; at ang kuta ay nabuwal sa dalawang pu’t pitong libong lalake na nangatira. At si Ben-adad ay tumakas at pumasok sa bayan, sa isang silid na pinakaloob.

31 At sinabi ng kaniyang mga lingkod sa kaniya, Narito, ngayon, aming narinig na ang mga hari sa sangbahayan ng Israel ay maawaing mga hari: isinasamo namin sa iyo na kami ay papagbigkisin ng magaspang na kayo sa aming mga balakang, at mga lubid sa aming mga leeg at labasin namin ang hari ng Israel: marahil, kaniyang ililigtas ang iyong buhay.

32 Sa gayo’y nagsipagbigkis sila ng magaspang na kayo sa kanilang mga balakang, at mga lubid sa kanilang mga leeg, at nagsiparoon sa hari ng Israel, at nagsipagsabi, Sinasabi ng iyong lingkod na si Ben-adad, Isinasamo ko sa iyo, na tulutan mong ako’y mabuhay. At sinabi niya, Siya ba’y buhay pa? siya’y aking kapatid.

33 Minatyagan ngang maingat ng mga lalake, at nagsipagmadaling hinuli kung sa ano nandoon ang kaniyang pagiisip: at kanilang sinabi, Ang iyong kapatid na si Ben-adad. Nang magkagayo’y sinabi niya, Kayo’y magsiyaon, dalhin ninyo siya sa akin. Nang magkagayo’y nilabas siya ni Ben-adad; at kaniyang pinasampa sa karo.

34 At sinabi ni Ben-adad sa kaniya, Ang mga bayan na sinakop ng aking ama sa iyong ama ay aking isasauli; at ikaw ay gagawa sa ganang iyo ng mga lansangan sa Damasco, gaya ng ginawa ng aking ama sa Samaria. At ako, sabi ni Achab, payayaunin kita sa tipang ito. Sa gayo’y nakipagtipan siya sa kaniya, at pinayaon niya siya.

35 At isang lalake sa mga anak ng mga propeta ay nagsabi sa kaniyang kasama sa pamamagitan ng salita ng Panginoon, Isinasamo ko sa iyo na saktan mo ako. At tumanggi ang lalake na saktan niya.

36 Nang magkagayo’y sinabi niya sa kaniya, Sapagka’t hindi mo sinunod ang tinig ng Panginoon, narito, pagkahiwalay mo sa akin, ay papatayin ka ng isang leon. At pagkahiwalay niya sa kaniya, ay nasumpungan siya ng isang leon, at pinatay siya.

37 Nang magkagayo’y nakasumpong siya ng isang lalake, at nagsabi, Isinasamo ko sa iyo na saktan mo ako. At sinaktan siya ng lalake, na sinaktan at sinugatan siya.

38 Sa gayo’y umalis ang propeta at hinintay ang hari sa daan, at nagpakunwari na may isang piring sa kaniyang mga mata.

39 At pagdadaan ng hari ay kaniyang sinigawan ang hari: at kaniyang sinabi, Ang iyong lingkod ay lumabas sa gitna ng pagbabaka; at, narito, isang lalake ay lumihis, at nagdala ng isang lalake sa akin, at nagsabi, Ingatan mo ang lalaking ito: kung sa anomang paraan ay makatanan siya, ang iyo ngang buhay ang mapapalit sa kaniyang buhay, o magbabayad ka kaya ng isang talentong pilak.

40 At sa paraang ang iyong lingkod ay may ginagawa rito at doon, siya’y nakaalis. At sinabi ng hari ng Israel sa kaniya, Magiging ganyan ang iyong kahatulan: ikaw rin ang magpasiya.

41 At siya’y nagmadali, at inalis niya ang piring sa kaniyang mga mata; at nakilala siya ng hari ng Israel na siya’y isa sa mga propeta.

42 At sinabi niya sa kaniya, Ganito ang sabi ng Panginoon, Sapagka’t iyong pinabayaang makatanan sa iyong kamay ang lalake na aking itinalaga sa kamatayan, ang iyo ngang buhay ay papanaw na kapalit ng kaniyang buhay, at ang iyong bayan ng kaniyang bayan.

43 At ang hari ng Israel ay umuwi sa kaniyang bahay na yamot at lunos at, naparoon sa Samaria.

I Mga Hari 21

1 At nangyari, pagkatapos ng mga bagay na ito, na si Naboth na Jezreelita ay mayroong isang ubasan na nasa Jezreel, na malapit sa bahay ni Achab na hari ng Samaria.

2 At sinalita ni Achab kay Naboth, na sinabi, Ibigay mo sa akin ang iyong ubasan, upang aking tangkilikin na pinaka halamanang pananim, sapagka’t malapit sa aking bahay; at aking ipapalit sa iyo na kahalili niyaon ang isang mainam na ubasan kay sa roon; o kung inaakala mong mabuti, aking ibibigay sa iyo ang halaga niyaon na salapi.

3 At sinabi ni Naboth kay Achab, Huwag itulot ng Panginoon sa akin, na aking ibigay ang mana sa aking mga magulang sa iyo.

4 At pumasok si Achab sa kaniyang bahay na yamot at lunos dahil sa salita na sinalita ni Naboth na Jezreelita sa kaniya: sapagka’t kaniyang sinabi, Hindi ko ibibigay sa iyo ang mana sa aking mga magulang. At siya’y nahiga sa kaniyang higaan, at ipinihit ang kaniyang mukha, at ayaw kumain ng tinapay.

5 Nguni’t si Jezabel na kaniyang asawa ay naparoon sa kaniya, at nagsabi sa kaniya, Bakit ang iyong diwa ay totoong malungkot na hindi ka kumakain ng tinapay?

6 At sinabi niya sa kaniya, Sapagka’t nagsalita ako kay Naboth na Jezreelita, at nagsabi sa kaniya, Ibigay mo sa akin ang iyong ubasan sa kahalagahang salapi; o kung dili, kung iyong minamabuti, papalitan ko sa iyo ng ibang ubasan: at siya’y sumagot, Hindi ko ibibigay sa iyo ang aking ubasan.

7 At sinabi ni Jezabel na kaniyang asawa sa kaniya, Ikaw ba ngayon ang namamahala sa kaharian ng Israel? ikaw ay bumangon, at kumain ng tinapay, at pasayahin mo ang iyong puso: aking ibibigay sa iyo ang ubasan ni Naboth na Jezreelita.

8 Sa gayo’y sumulat siya ng mga sulat sa pangalan ni Achab, at pinagtatakan ng kaniyang tatak; at ipinadala ang mga sulat sa mga matanda at sa mga maginoo na nangasa kaniyang bayan, at nagsisitahang kasama ni Naboth.

9 At kaniyang isinulat sa mga sulat, na sinasabi, Mangagtanyag kayo ng isang ayuno at ilagay ninyo si Naboth sa pangulo na kasamahan ng bayan:

10 At lumagay ang dalawang lalake na mga hamak na tao sa harap niya, at mangagsisaksi laban sa kaniya, na magsipagsabi, Ikaw ay namusong sa Dios at sa hari. At ilabas nga siya, at batuhin siya upang siya’y mamatay.

11 At ginawa ng mga tao sa kaniyang bayan, sa makatuwid baga’y ng mga matanda at ng mga maginoo na nagsisitahan sa kaniyang bayan, kung ano ang ipinagutos ni Jezabel sa kanila, ayon sa nangasusulat sa mga sulat na kaniyang ipinadala sa kanila.

12 Sila’y nangagtanyag ng isang ayuno, at inilagay si Naboth sa pangulo na kasamahan ng bayan.

13 At ang dalawang lalake na mga hamak na tao ay nagsipasok at nagsiupo sa harap niya: at ang mga lalake na hamak ay nagsisaksi laban sa kaniya, sa makatuwid baga’y laban kay Naboth sa harap ng bayan, na nagsisipagsabi, Si Naboth ay namusong sa Dios at sa hari. Nang magkagayo’y inilabas nila sa bayan, at binato nila siya ng mga bato, na anopa’t siya’y namatay.

14 Nang magkagayo’y sila’y nagsipagsugo kay Jezabel, na nagsisipagsabi, Si Naboth ay pinagbatuhanan, at patay.

15 At nangyari, nang mabalitaan ni Jezabel na si Naboth ay pinagbatuhanan, at patay, na sinabi ni Jezabel kay Achab, Ikaw ay bumangon, ariin mo ang ubasan ni Naboth, na Jezreelita na kaniyang ipinagkait na ibigay sa iyo sa halaga ng salapi: sapagka’t si Naboth ay hindi buhay, kundi patay.

16 At nangyari, nang mabalitaan ni Achab na patay si Naboth, na bumangon si Achab na bumaba sa ubasan ni Naboth na Jezreelita, upang ariin.

17 At ang salita ng Panginoon ay dumating kay Elias na Thisbita, na nagsabi,

18 Bumangon ka, panaugin mong salubungin si Achab na hari ng Israel, na tumatahan sa Samaria: narito, siya’y nasa ubasan ni Naboth na kaniyang pinapanaog upang ariin.

19 At iyong sasalitain sa kaniya, na sasabihin, Ganito ang sabi ng Panginoon, Iyo bang pinatay at iyo rin namang inari? at iyong sasalitain sa kaniya, na sasabihin, Ganito ang sabi ng Panginoon, Sa dakong pinaghimuran ng mga aso ng dugo ni Naboth ay hihimuran ng mga aso ang iyong dugo, sa makatuwid baga’y ang iyong dugo.

20 At sinabi ni Achab kay Elias, Nasumpungan mo ba ako, Oh aking kaaway? At sumagot siya, Nasumpungan kita: sapagka’t ikaw ay napabili upang gumawa ng kasamaan sa paningin ng Panginoon.

21 Narito, aking dadalhan ng kasamaan ka, at aking lubos na papalisin ka, at aking ihihiwalay kay Achab ang bawa’t anak na lalake, at ang nakukulong at ang naiwan sa kaluwangan sa Israel.

22 At aking gagawin ang iyong sangbahayan na gaya ng sangbahayan ni Jeroboam na anak ni Nabat, at gaya ng sangbahayan ni Baasa na anak ni Ahia, dahil sa pamumungkahi na iyong iminungkahi sa akin sa galit, at iyong pinapagkasala ang Israel.

23 At tungkol kay Jezabel ay nagsalita naman ang Panginoon, na nagsabi, Lalapain ng mga aso si Jezabel sa tabi ng kuta ng Jezreel.

24 Ang mamatay kay Achab sa bayan ay lalapain ng mga aso; at ang mamatay sa parang ay tutukain ng mga ibon sa himpapawid.

25 (Nguni’t walang gaya ni Achab na nagbili ng kaniyang sarili upang gumawa ng kasamaan sa paningin ng Panginoon, na hinikayat ni Jezabel na kaniyang asawa.

26 At siya’y gumawa ng totoong karumaldumal sa pagsunod sa mga diosdiosan, ayon sa lahat na ginawa ng mga Amorrheo, na pinalayas ng Panginoon sa harap ng mga anak ni Israel.)

27 At nangyari, nang marinig ni Achab ang mga salitang yaon, na kaniyang hinapak ang kaniyang mga damit, at nagsuot ng kayong magaspang sa kaniyang katawan, at nagayuno, at nahiga sa kayong magaspang, at lumakad ng marahan.

28 At ang salita ng Panginoon ay dumating kay Elias na Thisbita, na sinabi,

29 Nakita mo ba kung paanong si Achab ay nagpakababa sa harap ko? sapagka’t siya’y nagpakababa sa harap ko, hindi ko dadalhin ang kasamaan sa kaniyang mga kaarawan: kundi sa mga kaarawan ng kaniyang anak dadalhin ko ang kasamaan sa kaniyang sangbahayan.

I Mga Hari 22

1 At sila’y nagpatuloy na tatlong taon na walang pagdidigma ang Siria at ang Israel.

2 At nangyari, nang ikatlong taon, na binaba ni Josaphat na hari sa Juda ang hari sa Israel.

3 At sinabi ng hari sa Israel sa kaniyang mga lingkod, Di ba talastas ninyo na ang Ramoth-galaad ay atin, at tayo’y tatahimik, at hindi natin aagawin sa kamay ng hari sa Siria?

4 At sinabi niya kay Josaphat, Sasama ka ba sa akin sa pagbabaka sa Ramoth-galaad? At sinabi ni Josaphat sa hari sa Israel, Ako’y gaya mo, ang aking bayan ay gaya ng iyong bayan, ang aking mga kabayo ay gaya ng iyong mga kabayo.

5 At sinabi ni Josaphat sa hari sa Israel, Sumangguni ka, isinasamo ko sa iyo, sa salita ng Panginoon ngayon.

6 Nang magkagayo’y pinisan ng hari sa Israel ang mga propeta na may apat na raang lalake, at nagsabi sa kanila, Yayaon ba akong laban sa Ramoth-galaad upang bumaka, o uurong ako? At sinabi nila, Umahon ka: sapagka’t ibibigay ng Panginoon sa kamay ng hari.

7 Nguni’t sinabi ni Josaphat, Wala ba ritong ibang propeta ng Panginoon upang makapagusisa tayo sa kaniya?

8 At sinabi ng hari sa Israel kay Josaphat, May isa pang lalake na mapaguusisaan natin sa Panginoon, si Micheas na anak ni Imla: nguni’t kinapopootan ko siya; sapagka’t hindi siya nanghuhula ng mabuti tungkol sa akin, kundi kasamaan. At sinabi ni Josaphat: Huwag sabihing gayon ng hari.

9 Nang magkagayo’y tumawag ang hari sa Israel ng isang punong kawal, at nagsabi, Dalhin mo ritong madali si Micheas na anak ni Imla.

10 Ang hari nga sa Israel at si Josaphat na hari sa Juda, ay nagsiupo kapuwa sa kanikaniyang luklukan, na nakapanamit hari sa isang hayag na dako sa pasukan ng pintuang-bayan ng Samaria; at ang lahat na propeta ay nagsipanghula sa harap nila.

11 At si Sedechias na anak ni Chanaana ay gumawa ng mga sungay na bakal, at nagsabi, Ganito ang sabi ng Panginoon, Sa pamamagitan ng mga ito ay iyong itutulak ang mga taga Siria hanggang sa mangalipol.

12 At ang lahat na propeta ay nagsisipanghulang gayon, na nagsisipagsabi, Umahon ka sa Ramoth-galaad, at guminhawa ka: sapagka’t ibibigay ng Panginoon sa kamay ng hari.

13 At ang sugo na yumaong tumawag kay Micheas ay nagsalita sa kaniya, na nagsasabi, Narito ngayon, ang mga salita ng mga propeta ay mabuti sa hari na magkakaisa: isinasamo ko sa iyo na ang iyong bibig ay maging gaya ng isa sa kanila, at magsalita ka ng mabuti.

14 At sinabi ni Micheas, Buhay ang Panginoon kung ano ang sabihin ng Panginoon sa akin, yaon ang aking sasalitain.

15 At nang siya’y dumating sa hari, sinabi ng hari sa kaniya, Micheas, paroroon ba kami sa Ramoth-galaad upang bumaka, o uurong kami? At kaniyang isinagot sa kaniya, Ikaw ay yumaon, at guminhawa; at ibibigay ng Panginoon yaon sa kamay ng hari.

16 At sinabi ng hari sa kaniya, Makailang manunumpa ako sa iyo, na ikaw ay huwag magsalita ng anoman sa akin, kundi ng katotohanan sa pangalan ng Panginoon?

17 At kaniyang sinabi, Aking nakita ang buong Israel na nangangalat sa mga bundok, na gaya ng mga tupa na walang pastor: at sinabi ng Panginoon, Ang mga ito ay walang panginoon; umuwi ang bawa’t lalake sa kaniyang bahay na payapa.

18 At sinabi ng hari sa Israel kay Josaphat, Di ba isinaysay ko sa iyo na siya’y hindi manghuhula ng mabuti tungkol sa akin, kundi ng kasamaan?

19 At sinabi ni Micheas, Kaya’t iyong dinggin ang salita ng Panginoon: Aking nakita ang Panginoon na nakaupo sa kaniyang luklukan, at ang buong hukbo ng langit ay nakatayo sa siping niya sa kaniyang kanan at sa kaniyang kaliwa.

20 At sinabi ng Panginoon, Sinong dadaya kay Achab, upang siya’y umahon at mabuwal sa Ramoth-galaad? At ang isa’y nagsalita ng ganitong paraan; at ang iba’y nagsalita ng gayong paraan.

21 At lumabas ang isang espiritu at tumayo sa harap ng Panginoon, at nagsabi, Aking dadayain siya.

22 At sinabi ng Panginoon sa kaniya, Paano? At kaniyang sinabi, Ako’y lalabas, at magiging magdarayang espiritu sa bibig ng lahat niyang mga propeta. At kaniyang sinabi, Iyong dadayain siya, at mananaig ka rin: lumabas ka, at gawin mong gayon.

23 Ngayon nga, narito, inilagay ng Panginoon ang magdarayang espiritu sa bibig ng lahat ng iyong mga propetang ito: at ang Panginoon ay nagsalita ng kasamaan tungkol sa iyo.

24 Nang magkagayo’y lumapit si Sedechias na anak ni Chanaana, at sinampal si Micheas, at sinabi, Saan nagdaan ang Espiritu ng Panginoon na mula sa akin, upang magsalita sa iyo?

25 At sinabi ni Micheas, Narito, iyong makikita sa araw na yaon pagka ikaw ay papasok sa pinakaloob na silid upang magkubli.

26 At sinabi ng hari sa Israel, Kunin mo si Micheas, at ibalik mo kay Amon na tagapamahala ng bayan, at kay Joas na anak ng hari;

27 At iyong sabihin, Ganito ang sabi ng hari, Ilagay ninyo ang taong ito sa bilangguan, at pakanin ninyo siya ng tinapay ng kadalamhatian at ng tubig ng kadalamhatian hanggang sa ako’y dumating na payapa.

28 At sinabi ni Micheas, Kung ikaw ay bumalik sa anomang paraan na payapa, ang Panginoon ay hindi nagsalita sa pamamagitan ko. At kaniyang sinabi, Dinggin ninyo, ninyong mga bayan, ninyong lahat.

29 Sa gayo’y ang hari sa Israel, at si Josaphat na hari sa Juda ay nagsiahon sa Ramoth-galaad.

30 At sinabi ng hari sa Israel kay Josaphat, Ako’y magpapakunwaring iba, at paroroon sa pagbabaka; nguni’t ikaw ay magsuot ng iyong mga balabal-hari. At ang hari ng Israel ay nagpakunwaring iba, at naparoon sa pagbabaka.

31 Ang hari nga ng Siria ay nagutos sa tatlong pu’t dalawang punong kawal ng kaniyang mga karo, na nagsasabi, Huwag kayong magsilaban kahit sa maliit o sa malaki man, liban lamang sa hari sa Israel.

32 At nangyari, nang makita ng mga punong kawal ng mga karo si Josaphat na kanilang sinabi, Walang pagsalang hari sa Israel; at sila’y nagsibalik upang magsilaban sa kaniya: at si Josaphat ay humiyaw.

33 At nangyari, nang makita ng mga punong kawal ng mga karo na hindi siyang hari sa Israel, na sila’y humiwalay ng paghabol sa kaniya.

34 At inihilagpos ng isang lalake ang kaniyang pana sa pagbabakasakali, at tinamaan ang hari sa Israel sa pagitan ng mga pagkakasugpong ng sakbat; kaya’t kaniyang sinabi sa nagpapatakbo ng kaniyang karo, Ipihit mo ang iyong kamay, at ihiwalay mo ako sa hukbo; sapagka’t ako’y nasugatan ng malubha.

35 At ang pagbabaka ay lumala nang araw na yaon; at ang hari ay natigil sa kaniyang karo sa harap ng mga taga Siria, at namatay sa kinahapunan: at ang dugo ay bumuluwak sa sugat sa pinakaloob ng karo.

36 At nagkaroon ng hiyawan sa buong hukbo sa may paglubog ng araw, na nagsasabi, Bawa’t lalake ay sa kaniyang bayan, at bawa’t lalake ay sa kaniyang lupain.

37 Sa gayo’y namatay ang hari at dinala sa Samaria; at kanilang inilibing ang hari sa Samaria.

38 At kanilang hinugasan ang karo sa tabi ng tangke ng Samaria; at hinimuran ng mga aso ang kaniyang dugo (ang mga masamang babae nga ay nagsipaligo roon;) ayon sa salita ng Panginoon na kaniyang sinalita.

39 Ang iba nga sa mga gawa ni Achab, at ang lahat niyang ginawa, at ang bahay na garing na kaniyang itinayo, at ang lahat na bayan na kaniyang itinayo, di ba nasusulat sa aklat ng mga alaala sa mga hari sa Israel?

40 Sa gayo’y natulog si Achab na kasama ng kaniyang mga magulang; at si Ochozias na kaniyang anak ay naghari na kahalili niya.

41 At si Josaphat na anak ni Asa ay nagpasimulang maghari sa Juda, nang ikaapat na taon ni Achab na hari sa Israel.

42 Si Josaphat ay tatlong pu’t limang taon nang magpasimulang maghari; at siya’y nagharing dalawang pu’t limang taon sa Jerusalem. At ang pangalan ng kaniyang ina ay Azuba na anak ni Silai.

43 At siya’y lumakad ng buong lakad ni Asa na kaniyang ama; hindi siya lumiko sa paggawa ng matuwid sa mga mata ng Panginoon: gayon ma’y ang mga mataas na dako ay hindi inalis; ang bayan ay nagpatuloy na naghahain, at nagsusunog ng kamangyan sa mga mataas na dako.

44 At si Josaphat ay nakipagpayapaan sa hari ng Israel.

45 Ang iba nga sa mga gawa ni Josaphat, at ang kaniyang kapangyarihan na kaniyang ipinakita, at kung paanong siya’y nakidigma, di ba nangasusulat sa aklat ng mga alaala sa mga hari sa Juda?

46 At ang nangalabi sa mga sodomita na nangalabi sa mga kaarawan ng kaniyang ama na si Asa, ay pinaalis niya sa lupain.

47 At walang hari sa Edom: isang kinatawan ay hari.

48 Si Josaphat ay gumawa ng mga sasakyang dagat sa Tharsis, upang pumaroon sa Ophir dahil sa ginto: nguni’t hindi sila nagsiparoon; sapagka’t ang mga sasakyan ay nangasira sa Ezion-geber.

49 Nang magkagayo’y sinabi ni Ochozias na anak ni Achab kay Josaphat, Magsiyaon ang aking mga lingkod na kasama ng iyong mga lingkod sa mga sasakyan. Nguni’t tumanggi si Josaphat.

50 At si Josaphat ay natulog na kasama ng kaniyang mga magulang, at nalibing na kasama ng kaniyang mga magulang sa bayan ni David na kaniyang magulang: at si Joram na kaniyang anak ay naghari na kahalili niya.

51 Si Ochozias na anak ni Achab ay nagpasimulang maghari sa Israel sa Samaria, nang ikalabing pitong taon ni Josaphat na hari sa Juda, at siya’y nagharing dalawang taon sa Israel.

52 At siya’y gumawa ng masama sa paningin ng Panginoon, at lumakad sa lakad ng kaniyang ama, at sa lakad ng kaniyang ina, at sa lakad ni Jeroboam na anak ni Nabat, na ipinagkasala niya sa Israel.

53 At siya’y naglingkod kay Baal, at sumamba sa kaniya, at minungkahi sa galit ang Panginoon, ang Dios ng Israel, ayon sa lahat na ginawa ng kaniyang ama.

II Samuel 1

1 At nangyari, pagkamatay ni Saul, nang magbalik si David na mula sa pagpatay sa mga Amalecita, at tumahan si David na dalawang araw sa Siclag;

2 Ay nangyari, sa ikatlong araw, na narito, ang isang lalake ay lumabas sa kampamento na mula kay Saul na hapak ang kaniyang suot, at may lupa ang kaniyang ulo: at nagkagayon, na nang dumating siya kay David, ay nagpatirapa at nagbigay galang.

3 At sinabi ni David sa kaniya, Saan ka nanggaling? At kaniyang sinabi sa kaniya, Sa kampamento ng Israel ay tumakas ako.

4 At sinabi ni David sa kaniya, Ano ang nangyari? isinasamo ko sa iyo na iyong saysayin sa akin. At siya’y sumagot: Ang bayan ay tumakas sa pakikipagbaka, at karamihan sa bayan naman ay nangabuwal at nangamatay; at si Saul at si Jonathan na kaniyang anak ay nangamatay rin.

5 At sinabi ni David sa binata na nagsaysay sa kaniya: Paanong nalalaman mo na si Saul at si Jonathan na kaniyang anak ay patay?

6 At sinabi sa kaniya ng binatang nagsaysay, Sa isang pagkakataon ay napasa bundok ako ng Gilboa, narito, si Saul ay nagpakabuwal sa kaniyang sibat; at, narito, hinahabol siyang mainam ng mga karo at ng mga mangangabayo.

7 At nang siya’y lumingon, kaniyang nakita ako, at tinawag niya ako, at ako’y sumagot: Narito ako.

8 At sinabi niya sa akin, Sino ka? At ako’y sumagot sa kaniya, Ako’y isang Amalecita.

9 At kaniyang sinabi uli sa akin, Tumayo ka sa siping ko, isinasamo ko sa iyo, at patayin mo ako, dahil sa dinatnan ako ng panglulumo; sapagka’t ang aking buhay ay lubos ko pang taglay.

10 Sa gayo’y tumayo ako sa siping niya, at aking pinatay siya, sapagka’t talastas ko na siya’y hindi mabubuhay pagkatapos na siya’y nabuwal: at aking kinuha ang putong na nasa kaniyang ulo, at ang pulsera na nasa kaniyang kamay, at aking dinala rito sa aking panginoon.

11 Nang magkagayo’y tinangnan ni David ang kaniyang mga suot at pinaghapak; at gayon din ang ginawa ng lahat na lalake na kasama niya:

12 At sila’y tumangis, at umiyak, at nagayuno hanggang sa paglubog ng araw, dahil kay Saul, at dahil kay Jonathan na kaniyang anak, at dahil sa bayan ng Panginoon, at dahil sa sangbahayan ng Israel; sapagka’t sila’y nangabuwal sa pamamagitan ng tabak.

13 At sinabi ni David sa binata na nagsaysay sa kaniya, Taga saan ka? At siya’y sumagot: Ako’y anak ng isang taga ibang lupa, na Amalecita.

14 At sinabi ni David sa kaniya, Bakit hindi ka natakot na iunat mo ang iyong kamay na patayin ang pinahiran ng langis ng Panginoon?

15 At tinawag ni David ang isa sa mga bataan, at sinabi, Lumapit ka, at daluhungin mo siya. At kaniyang sinaktan siya, na anopa’t namatay.

16 At sinabi ni David sa kaniya, Ang iyong dugo ay sumaiyong ulo; sapagka’t ang iyong bibig ang sumaksi laban sa iyo, na nagsasabi, Aking pinatay ang pinahiran ng langis ng Panginoon.

17 At tinaghuyan ni David ng ganitong panaghoy si Saul at si Jonathan na kaniyang anak:

18 (At kaniyang ipinaturo sa mga anak ni Juda ang awit sa pamamana narito, nasusulat sa aklat ni Jaser):

19 Ang iyong kaluwalhatian, Oh Israel, ay napatay sa iyong matataas na dako! Ano’t nangabuwal ang mga makapangyarihan!

20 Huwag ninyong saysayin sa Gath, Huwag ninyong ihayag sa mga lansangan ng Ascalon; Baka ang mga anak na babae ng mga Filisteo ay mangagalak, Baka ang mga anak na babae ng mga hindi tuli ay magtagumpay.

21 Kayong mga bundok ng Gilboa, Huwag magkaroon ng hamog, o ulan man sa inyo, kahit mga bukid na mga handog: Sapagka’t diyan ang kalasag ng makapangyarihan ay nahagis ng kahalayhalay. Ang kalasag ni Saul, na parang isa, na hindi pinahiran ng langis.

22 Sa dugo ng pinatay, sa taba ng makapangyarihan, Ang busog ni Jonathan ay hindi umurong, At ang tabak ni Saul ay hindi nagbalik na walang dala.

23 Si Saul at si Jonathan ay nagibigan at nagmagandahang-loob sa kanilang kabuhayan. At sa kanilang kamatayan sila’y hindi naghiwalay; Sila’y lalong maliliksi kay sa mga agila, Sila’y lalong malalakas kay sa mga leon.

24 Kayong mga anak na babae ng Israel, iyakan ninyo si Saul, Na siyang sa inyo’y maselang na nagbihis ng escarlata, Na siyang naggayak ng ginto sa inyong mga kasuutan.

25 Ano’t nangabuwal ang mga makapangyarihan sa gitna ng pagbabaka! Oh Jonathan, napatay ka sa iyong matataas na dako.

26 Ako’y namanglaw dahil sa iyo, kapatid kong Jonathan: Naging totoong kalugodlugod ka sa akin; Ang iyong pag-ibig sa akin ay kagilagilalas, Na humihigit sa pagsinta ng mga babae.

27 Ano’t nangabuwal ang mga makapangyarihan, At nangalipol ang mga sandata na pandigma!

II Samuel 2

1 At nangyari, pagkatapos nito, na nagusisa si David sa Panginoon, na nagsasabi, Aahon ba ako sa alinman sa mga bayan ng Juda? At sinabi ng Panginoon sa kaniya, Umahon ka. At sinabi ni David, Saan ako aahon? At kaniyang sinabi, Sa Hebron.

2 Sa gayo’y umahon si David doon, at pati ng kaniyang dalawang asawa, si Ahinoam na taga Jezreel, at si Abigail na asawa ni Nabal, na taga Carmelo.

3 At ang kaniyang mga lalake na kasama niya ay iniahon ni David bawa’t lalake na kasama ang kanikaniyang sangbahayan: at sila’y nagsitahan sa mga bayan ng Hebron.

4 At nagsiparoon ang mga lalake ng Juda, at kanilang pinahiran ng langis doon si David upang maging hari sa sangbahayan ng Juda. At kanilang isinaysay kay David, na sinasabi, Ang mga lalake sa Jabes-galaad ay siyang naglibing kay Saul.

5 At nagsugo ng mga sugo si David sa mga lalake sa Jabes-galaad, at sinabi sa kanila, Pagpalain nawa kayo ng Panginoon, na kayo’y nagpakita ng kagandahang loob na ito sa inyong panginoon, sa makatuwid baga’y kay Saul, at inyong inilibing siya.

6 At ngayon nawa’y pagpakitaan kayo ng Panginoon ng kagandahang loob at katotohanan: at ako naman ay gaganti sa inyo nitong kagandahang loob, sapagka’t inyong ginawa ang bagay na ito.

7 Ngayon nga, magsilakas nawa ang inyong mga kamay, at kayo nawa’y maging matatapang: sapagka’t patay na si Saul na inyong panginoon, at pinahiran ng langis naman ako ng sangbahayan ni Juda upang maging hari sa kanila.

8 Kinuha nga ni Abner na anak ni Ner na kapitan sa hukbo ni Saul, si Is-boseth na anak ni Saul, at inilipat sa Mahanaim;

9 At kaniyang ginawa siyang hari sa Galaad, at sa mga Asureo, at sa Jezreel, at sa Ephraim, at sa Benjamin, at sa buong Israel.

10 Si Is-boseth na anak ni Saul ay may apat na pung taon nang siya’y magpasimulang maghari sa Israel, at siya’y naghari na dalawang taon. Nguni’t ang sangbahayan ni Juda ay sumunod kay David.

11 At ang panahon na ipinaghari ni David sa Hebron sa sangbahayan ni Juda ay pitong taon at anim na buwan.

12 At si Abner na anak ni Ner, at ang mga lingkod ni Is-boseth na anak ni Saul, ay nangapasa Gabaon mula sa Mahanaim.

13 At si Joab na anak ni Sarvia, at ang mga lingkod ni David ay nagsilabas, at sinalubong sila sa siping ng tangke sa Gabaon; at sila’y naupo, na ang isa’y sa isang dako ng tangke, at ang isa’y sa kabilang dako ng tangke.

14 At sinabi ni Abner kay Joab, Isinasamo ko sa iyo na bumangon ang mga bataan at magsanay ng tabak sa harap natin. At sinabi ni Joab, Bumangon sila.

15 Nang magkagayo’y bumangon sila at tumawid ayon sa bilang; labing dalawa sa Benjamin, at sa ganang kay Is-boseth na anak ni Saul, at labing dalawa sa mga lingkod ni David.

16 At hinawakan sa ulo ng bawa’t isa sa kanila ang kaniyang kaaway, at isinaksak ang kaniyang tabak sa tagiliran ng kaniyang kaaway; sa gayo’y nangabuwal sila na magkakasama: kaya’t ang dakong yaon ay tinatawag na Helcath-assurim na nasa Gabaon.

17 At ang pagbabaka ay lumalalang mainam nang araw na yaon; at si Abner ay nadaig, at ang mga lalake ng Israel sa harap ng mga lingkod ni David.

18 At nandoon ang tatlong anak ni Sarvia, si Joab, at si Abisai, at si Asael: at si Asael ay magaan ang paa na gaya ng mailap na usa.

19 At hinabol ni Asael si Abner; at sa pagyaon, siya’y hindi lumihis sa kanan o sa kaliwa man sa pagsunod kay Abner.

20 Nang magkagayo’y nilingon ni Abner, at sinabi, Ikaw ba’y si Asael? At siya’y sumagot: Ako nga.

21 At sinabi ni Abner sa kaniya, Lumihis ka sa iyong kanan o sa iyong kaliwa, at iyong tangnan ang isa sa mga bataan, at kunin mo ang kaniyang sakbat. Nguni’t ayaw ni Asael na humiwalay sa pagsunod sa kaniya.

22 At sinabi uli ni Abner kay Asael, Lumihis ka sa pagsunod sa akin: bakit nga kita ibubulagta sa lupa? paanong aking maitataas nga ang aking mukha kay Joab na iyong kapatid?

23 Gayon ma’y tumanggi siyang lumihis: kaya’t sinaktan siya ni Abner sa tiyan ng dulo ng sibat, na anopa’t ang sibat ay lumabas sa likod niya; at siya’y nabuwal doon at namatay sa dako ring yaon: at nangyari, na lahat na naparoon sa dakong kinabuwalan ni Asael at kinamatayan, ay nangapatigil.

24 Nguni’t hinabol ni Joab at ni Abisai si Abner: at ang araw ay nakalubog na nang sila’y dumating sa burol ng Amma, na nasa harap ng Gia sa siping ng daan sa ilang ng Gabaon.

25 At ang mga anak ng Benjamin ay nagpipisan sa likuran ni Abner, at nagisang pulutong, at nagsitayo sa taluktok ng isang burol.

26 Nang magkagayo’y tinawag ni Abner si Joab, at nagsabi, Mananakmal ba ang tabak magpakailan man? hindi mo ba nalalaman na magkakaroon ng kapaitan sa katapusan? hanggang kailan mo nga pababalikin ang bayan na mula sa pagsunod sa kanilang mga kapatid?

27 At sinabi ni Joab, Buhay ang Dios, kung hindi mo sana sinalita ay tunay nga na umalis disin ang bayan sa kinaumagahan, o sinundan man ng sinoman ang bawa’t isa sa kaniyang kapatid.

28 Sa gayo’y hinipan ni Joab ang pakakak, at ang buong bayan ay tumigil, at hindi na hinabol ang Israel, o sila man ay lumaban pa.

29 At si Abner at ang kaniyang mga lalake ay nagdaan buong gabi sa Araba; at sila’y nagsitawid ng Jordan, at nagsidaan sa buong Bitron, at nagsidating sa Mahanaim.

30 At bumalik si Joab na humiwalay ng paghabol kay Abner: at nang kaniyang mapisan ang buong bayan, nagkulang sa mga lingkod ni David ay labing siyam na lalake at si Asael.

31 Nguni’t sinaktan ng mga lingkod ni David ang Benjamin, at ang mga lalake ni Abner, na anopa’t nangamatay ay tatlong daan at anim na pung lalake.

32 At kanilang iniahon si Asael, at inilibing nila siya sa libingan ng kaniyang ama, na nasa Bethlehem. At si Joab at ang kaniyang mga lalake ay nagsiyaon buong gabi, at dumating sila sa Hebron sa kinaumagahan.