II Samuel 3

1 Nagkaroon nga ng matagal na pagbabaka ang sangbahayan ni Saul at ang sangbahayan ni David: at si David ay lumakas ng lumakas, nguni’t ang sangbahayan ni Saul ay humina ng humina.

2 At nagkaanak si David sa Hebron: at ang kaniyang panganay ay si Amnon kay Ahinoam na taga Jezreel;

3 At ang kaniyang pangalawa ay si Chileab, kay Abigail na asawa ni Nabal na taga Carmelo; at ang ikatlo ay si Absalom na anak ni Maacha na anak ni Talmai na hari sa Gessur;

4 At ang ikaapat ay si Adonias na anak ni Haggith; at ang ikalima ay si Saphatias na anak ni Abital;

5 At ang ikaanim ay si Jetream kay Egla, na asawa ni David. Ang mga ito’y ipinanganak kay David sa Hebron.

6 At nangyari, samantalang may pagbabaka ang sangbahayan ni Saul at ang sangbahayan ni David, na si Abner ay nagpakalakas sa sangbahayan ni Saul.

7 Si Saul nga ay may babae na ang pangalan ay Rispa, na anak ni Aja: at sinabi ni Is-boseth kay Abner, Bakit ka sumiping sa babae ng aking ama?

8 Nang magkagayo’y nagalit na mainam si Abner dahil sa mga salita ni Is-boseth, at sinabi, Ako ba’y isang ulo ng aso na nauukol sa Juda? Sa araw na ito ay nagpapakita ako ng kagandahang loob sa sangbahayan ni Saul na iyong ama, sa kaniyang mga kapatid, at sa kaniyang mga kaibigan, at hindi ka ibinigay sa kamay ni David, at gayon ma’y iyong ibinibintang sa araw na ito sa akin ang isang kasalanan tungkol sa babaing ito.

9 Hatulan ng Dios si Abner, at lalo na, malibang gawin kong gayon sa kaniya, na gaya ng isinumpa ng Panginoon kay David;

10 Na ilipat ang kaharian mula sa sangbahayan ni Saul, at itatag ang luklukan ni David sa Israel, at sa Juda mula sa Dan hanggang sa Beer-seba.

11 At hindi siya nakasagot kay Abner ng isang salita, sapagka’t siya’y natakot sa kaniya.

12 At si Abner ay nagsugo ng mga sugo kay David, sa ganang kaniya, na sinasabi naman, Makipagtipan ka sa akin, at, narito, ang aking kamay ay sasa iyo, upang dalhin sa iyo ang buong Israel.

13 At kaniyang sinabi, Mabuti; ako’y makikipagtipan sa iyo; nguni’t isang bagay ang hinihiling ko sa iyo, na ito nga: huwag mong titingnan ang aking mukha, maliban na iyo munang dalhin si Michal na anak na babae ni Saul, pagparito mo upang tingnan ang aking mukha.

14 At nagsugo ng mga sugo si David kay Is-boseth na anak ni Saul, na sinasabi, Isauli mo sa akin ang aking asawa na si Michal, na siyang aking pinakasalan sa halaga na isang daang balat ng masama ng mga Filisteo.

15 At nagsugo si Is-boseth, at kinuha siya sa kaniyang asawa, kay Paltiel na anak ni Lais.

16 At ang kaniyang asawa’y yumaong kasama niya na umiyak habang siya’y yumayaon, at sumusunod sa kaniya hanggang sa Bahurim. Nang magkagayo’y sinabi ni Abner sa kaniya, Ikaw ay yumaon, bumalik ka: at siya’y bumalik.

17 At nakipag-usap si Abner sa mga matanda sa Israel, na sinasabi, Sa panahong nakaraan ay inyong hinanap si David upang maging hari sa inyo:

18 Ngayon nga ay inyong gawin: sapagka’t sinalita ng Panginoon tungkol kay David, na sinasabi, Sa pamamagitan ng kamay ng aking lingkod na si David ay aking ililigtas ang aking bayang Israel sa kamay ng mga Filisteo at sa kamay ng lahat nilang mga kaaway.

19 At nagsalita naman si Abner sa pakinig ng Benjamin: at si Abner naman ay naparoong nagsalita sa pakinig ni David sa Hebron ng lahat na inaakalang mabuti ng Israel, at ng buong sangbahayan ni Benjamin.

20 Sa gayo’y naparoon si Abner kay David sa Hebron, at dalawang pung lalake ang kasama niya. At ginawan ni David ng isang kasayahan si Abner at ang mga lalake na kasama niya.

21 At sinabi ni Abner kay David, Ako’y babangon at yayaon, at aking pipisanin ang buong Israel sa aking panginoon na hari, upang sila’y makipagtipan sa iyo, at upang iyong pagharian ng buong ninanasa ng iyong kaluluwa. At pinayaon ni David si Abner; at siya’y yumaong payapa.

22 At, narito, ang mga lingkod ni David at si Joab ay nagsidating na mula sa isang paghabol, at may dalang malaking samsam: nguni’t si Abner ay wala kay David sa Hebron, sapagka’t pinayaon niya siya, at siya’y yumaong payapa.

23 Nang si Joab at ang buong hukbo na kasama niya ay magsidating, kanilang isinaysay kay Joab, na sinasabi, Si Abner na anak ni Ner ay naparoon sa hari, at siya’y pinayaon at siya’y yumaong payapa.

24 Nang magkagayo’y naparoon si Joab sa hari, at nagsabi, Ano ang iyong ginawa? narito, si Abner ay naparito sa iyo; bakit mo pinayaon siya, at siya’y lubos na yumaon?

25 Nalalaman mo si Abner na anak ni Ner ay naparito upang dayain ka at upang maalaman ang iyong paglabas at ang iyong pagpasok, at upang maalaman ang lahat na iyong ginagawa.

26 At nang lumabas si Joab na mula kay David, siya’y nagsugo ng mga sugo na sumunod kay Abner, at kanilang ibinalik siya na mula sa balon ng Sira: nguni’t hindi nalalaman ni David.

27 At nang bumalik si Abner sa Hebron, ay dinala siya ni Joab na bukod sa gitna ng pintuang-bayan upang makipagsalitaan sa kaniya ng lihim, at sinaktan niya siya roon sa tiyan, na anopa’t siya’y namatay, dahil sa dugo ni Asael na kaniyang kapatid.

28 At pagkatapos nang mabalitaan ni David, ay kaniyang sinabi, Ako at ang aking kaharian ay walang sala sa harap ng Panginoon magpakailan man sa dugo ni Abner na anak ni Ner:

29 Bumagsak sa ulo ni Joab, at sa buong sangbahayan ng kaniyang ama; at huwag na di magkaroon sa sangbahayan ni Joab ng isang inaagasan, o ng isang may ketong, o ng umaagapay sa isang tungkod, o nabubuwal sa pamamagitan ng tabak, o ng kinukulang ng tinapay.

30 Sa gayo’y pinatay si Abner ni Joab at ni Abisal na kaniyang kapatid, sapagka’t pinatay niya ang kanilang kapatid na si Asael sa Gabaon, sa pagbabaka.

31 At sinabi ni David kay Joab at sa buong bayan na kasama niya: Hapakin ninyo ang inyong mga suot, at magbigkis kayo ng magaspang na damit, at magluksa kayo sa harap ni Abner. At ang haring si David ay sumunod sa kabaong.

32 At kanilang inilibing si Abner sa Hebron: at inilakas ng hari ang kaniyang tinig, at umiyak sa libingan ni Abner; at ang buong bayan ay umiyak.

33 At tinangisan ng hari si Abner, at sinabi, Marapat bang mamatay si Abner, na gaya ng pagkamatay ng isang mangmang?

34 Ang iyong mga kamay ay hindi nangatatalian, o ang iyong mga paa man ay nangagagapos: Kung paanong nabubuwal ang isang lalake sa harap ng mga anak ng kasamaan ay gayon ka nabuwal. At iniyakan siyang muli ng buong bayan.

35 At ang buong bayan ay naparoon upang pakanin ng tinapay si David samantalang araw pa; nguni’t sumumpa si David, na sinasabi, Hatulan ng Dios ako, at lalo na, kung ako’y tumikim ng tinapay o ng anomang bagay hanggang sa ang araw ay lumubog.

36 At nahalata ng buong bayan, at minagaling nila: palibhasa’y anomang ginagawa ng hari ay nakalulugod sa buong bayan.

37 Sa gayo’y naunawa ng buong bayan at ng buong Israel sa araw na yaon, na hindi sa hari ang pagpatay kay Abner na anak ni Ner.

38 At sinabi ng hari sa kaniyang mga bataan, Hindi ba ninyo nalalaman na may isang prinsipe at mahal na tao, na nabuwal sa araw na ito sa Israel?

39 At ako’y mahina sa araw na ito, bagaman pinahirang hari; at ang mga lalaking ito na mga anak ni Sarvia ay totoong mahirap kasamahin: gantihan nawa ng Panginoon ang manggagawang masama ayon sa kaniyang kasamaan.

II Samuel 4

1 At nang mabalitaan ni Is-boseth, na anak ni Saul, na si Abner ay patay na sa Hebron, ang kaniyang mga kamay ay nanghina, at ang lahat na taga Israel ay nabagabag.

2 At si Is-boseth, na anak ni Saul, ay may dalawang lalake na mga punong kawal sa mga pulutong: ang pangalan ng isa ay Baana, at ang pangalan ng isa ay Rechab, na mga anak ni Rimmon na Beerothita sa mga anak ni Benjamin: (sapagka’t ang Beeroth din naman ay ibinilang sa Benjamin:

3 At ang mga Beerothita ay nagsitakas sa Githaim, at nangakipamayan doon hanggang sa araw na ito.)

4 Si Jonathan nga na anak ni Saul, ay may isang anak na pilay sa kaniyang mga paa. Siya’y may limang taon nang dumating ang balita tungkol kay Saul at kay Jonathan na mula sa Jezreel, at kinalong siya ng kaniyang yaya at tumakas: at nangyari, habang siya’y nagmamadali ng pagtakas, na siya’y nabagsak, at naging pilay. At ang kaniyang pangalan ay Mephiboseth.

5 At ang mga anak ni Rimmon na Beerothita, na si Rechab at si Baana, ay nagsiyaon at nagsiparoon ng may kainitan ang araw sa bahay ni Is-boseth, na doon siya nagpahinga sa katanghalian tapat.

6 At sila’y nagsipasok doon sa gitna ng bahay, na parang sila’y kukuha ng trigo; at kanilang sinaktan siya sa tiyan; at si Rechab at si Baana na kaniyang kapatid ay nangagtanan.

7 Sapagka’t nang sila nga’y magsipasok sa bahay habang siya’y nahihiga sa kaniyang higaan sa kaniyang silid, kanilang sinaktan siya, at pinatay siya, at pinugutan siya ng ulo, at dinala ang kaniyang ulo at nagpatuloy ng lakad sa Araba buong gabi.

8 At kanilang dinala ang ulo ni Is-boseth kay David sa Hebron, at sinabi nila sa hari, Tingnan mo ang ulo ni Is-boseth na anak ni Saul na iyong kaaway na umuusig ng iyong buhay; at ipinanghiganti ng Panginoon ang aking panginoon na hari sa araw na ito kay Saul, at sa kaniyang binhi.

9 At sinagot ni David si Rechab at si Baana na kaniyang kapatid, na mga anak ni Rimmon na Beerothita, at sinabi sa kanila, Buhay ang Panginoon na siyang tumubos ng aking kaluluwa sa buong kahirapan.

10 Nang saysayin sa akin ng isa, na sinasabi, Narito, si Saul ay namatay, na inakala niyang nagdala siya ng mabuting balita, ay aking hinawakan siya, at pinatay ko siya sa Siclag na siyang kagantihang ibinigay ko sa kaniya dahil sa kaniyang balita.

11 Gaano pa kaya kung pinatay ng masasamang lalake ang isang matuwid na tao sa kaniyang sariling bahay, sa kaniyang higaan, hindi ko ba sisiyasatin ngayon ang kaniyang dugo sa inyong kamay, at aalisin kayo sa lupa?

12 At iniutos ni David sa kaniyang mga bataan, at pinatay nila sila, at pinutol ang kanilang mga kamay at ang kanilang mga paa, at mga ibinitin sa tabi ng tangke sa Hebron. Nguni’t kanilang kinuha ang ulo ni Is-boseth, at inilibing sa libingan ni Abner sa Hebron.

II Samuel 5

1 Nang magkagayo’y naparoon ang lahat ng mga lipi ng Israel kay David sa Hebron, at nagsipagsalita, na nagsisipagsabi, Narito, kami ay iyong buto at iyong laman.

2 Sa panahong nakaraan nang si Saul ay hari sa amin, ikaw ang naglalabas at nagpapasok sa Israel: at sinabi ng Panginoon sa iyo: Ikaw ay magiging pastor ng aking bayang Israel: at ikaw ay magiging prinsipe sa Israel.

3 Sa gayo’y nagsiparoon ang lahat ng mga matanda sa Israel sa hari sa Hebron: at ang haring si David ay nakipagtipan sa kanila sa Hebron sa harap ng Panginoon: at kanilang pinahiran ng langis si David na maging hari sa Israel.

4 Si David ay may tatlong pung taon nang siya’y magpasimulang maghari, at siya’y nagharing apat na pung taon.

5 Sa Hebron ay naghari siya sa Juda na pitong taon at anim na buwan: at sa Jerusalem ay naghari siya na tatlong pu at tatlong taon sa buong Israel at Juda.

6 At ang hari at ang kaniyang mga lalake ay nagsiparoon sa Jerusalem laban sa mga Jebuseo na nagsisitahan sa lupain, na nangagsalita kay David, na nangagsasabi, Maliban na iyong alisin ang bulag at ang pilay, hindi ka papasok dito: na iniisip, na si David ay hindi makapapasok doon.

7 Gayon ma’y sinakop ni David ang katibayan sa Sion; na siyang bayan ni David.

8 At sinabi ni David nang araw na yaon, Sino mang sumakit sa mga Jebuseo, ay pumaroon siya sa inaagusan ng tubig, at saktan ang pilay at ang bulag, na kinapopootan ng kaluluwa ni David. Kaya’t kanilang sinasabi, Mayroong bulag at pilay; hindi siya makapapasok sa bahay.

9 At tumahan si David sa katibayan at tinawag na bayan ni David. At itinayo ni David ang kuta sa palibot mula sa Millo, at sa loob.

10 At si David ay dumakila ng dumakila; sapagka’t ang Panginoon na Dios ng mga hukbo, ay sumasa kaniya.

11 At si Hiram na hari sa Tiro ay nagpadala kay David ng mga sugo, at ng mga puno ng sedro, at mga anluwagi, at mangdadaras sa bato; at kanilang ipinagtayo si David ng isang bahay.

12 At nahalata ni David, na itinalaga siya ng Panginoon na maging hari sa Israel, at kaniyang itinaas ang kaniyang kaharian dahil sa kaniyang bayang Israel.

13 At kumuha pa si David ng mga babae at mga asawa sa Jerusalem, panggagaling niya sa Hebron: at may mga ipinanganak pa na lalake at babae kay David.

14 At ito ang mga pangalan niyaong mga ipinanganak sa kaniya sa Jerusalem; si Sammua, at si Sobab, at si Nathan, at si Salomon,

15 At si Ibhar, at si Elisua; at si Nephegh at si Japhia;

16 At si Elisama, at si Eliada, at si Eliphelet.

17 At nang mabalitaan ng mga Filisteo na kanilang inihalal si David na hari sa Israel, ang lahat ng Filisteo ay nagsiahon upang usigin si David; at nabalitaan ni David, at lumusong sa katibayan.

18 Ang mga Filisteo nga ay nagsidating at nagsikalat sa libis ng Rephaim.

19 At nagusisa si David sa Panginoon, na nagsasabi, Aahon ba ako laban sa mga Filisteo? ibibigay mo ba sila sa aking kamay? At sinabi ng Panginoon kay David, Umahon ka: sapagka’t tunay na aking ibibigay ang mga Filisteo sa iyong kamay.

20 At naparoon si David sa Baal-perasim at sila’y sinaktan doon ni David; at kaniyang sinabi, Pinanambulat ng Panginoon ang aking mga kaaway sa harap ko, na gaya ng pilansik ng tubig. Kaya’t kaniyang tinawag ang pangalan ng dakong yaon na Baal-perasim.

21 At kanilang iniwan doon ang kanilang mga larawan, at mga inalis ni David at ng kaniyang mga lalake.

22 At nagsiahon pa uli ang mga Filisteo, at nagsikalat sa libis ng Rephaim.

23 At nang isangguni ni David sa Panginoon, kaniyang sinabi, Huwag kang aahon: liligid ka sa likuran nila, at ikaw ay sasagupa sa kanila sa mga puno ng morales.

24 At mangyayari, pagka iyong narinig ang hugong ng lakad sa mga dulo ng mga puno ng morales, na ikaw nga ay magmamadali: sapagka’t lumabas na ang Panginoon sa harap mo upang saktan ang hukbo ng mga Filisteo.

25 At ginawang gayon ni David; gaya ng iniutos ng Panginoon sa kaniya; at sinaktan niya ang mga Filisteo mula sa Geba hanggang sa dumating sa Gezer.

II Samuel 6

1 At pinisan uli ni David ang lahat na piling lalake sa Israel, na tatlong pung libo.

2 At bumangon si David at yumaon na kasama ng buong bayan na nasa kaniya, mula sa Baale Juda, upang iahon mula roon ang kaban ng Dios, na tinatawag sa Pangalan, sa makatuwid baga’y sa pangalan ng Panginoon ng mga hukbo, na tumatahan sa gitna ng mga querubin.

3 At kanilang inilagay ang kaban ng Dios sa isang bagong karo, at kanilang inilabas sa bahay ni Abinadab na nasa burol: at si Uzza at si Ahio, na mga anak ni Abinadab, ay siyang nagpatakbo ng bagong karo.

4 At kanilang inilabas sa bahay ni Abinadab, na nasa burol, pati ng kaban ng Dios: at si Ahio ay nagpauna sa kaban.

5 At si David at ang buong sangbahayan ni Israel ay nagsitugtog sa harap ng Panginoon ng sarisaring panugtog na kahoy na abeto, at ng mga alpa, at ng mga salterio, at ng mga pandereta, at ng mga kastaneta at ng mga simbalo.

6 At nang sila’y magsidating sa giikan ni Nachon, iniunat ni Uzza ang kaniyang kamay sa kaban ng Dios, at hinawakan; sapagka’t ang mga baka ay nangatisod.

7 At ang galit ng Panginoon ay nagalab laban kay Uzza; at sinaktan siya ng Dios doon dahil sa kaniyang kamalian; at doo’y namatay siya sa siping ng kaban ng Dios.

8 At hindi minagaling ni David, sapagka’t nagalit ang Panginoon kay Uzza: at kaniyang tinawag ang dakong yaon na Perez-uzza hanggang sa araw na ito.

9 At natakot si David sa Panginoon sa araw na yaon; at kaniyang sinabi, Paanong madadala rito ang kaban ng Panginoon sa akin?

10 Sa gayo’y hindi inilipat ni David ang kaban ng Panginoon sa kaniya sa bayan ni David, kundi iniliko ni David sa bahay ni Obed-edom na Getheo.

11 At ang kaban ng Panginoon ay natira sa bahay ni Obed-edom na Getheo na tatlong buwan: at pinagpala ng Panginoon si Obed-edom, at ang kaniyang buong sangbahayan.

12 At nasaysay sa haring kay David, na sinasabi, Pinagpala ng Panginoon ang sangbahayan ni Obed-edom, at ang lahat ng nauukol sa kaniya, dahil sa kaban ng Dios. At yumaon si David at iniahon ang kaban ng Dios mula sa bahay ni Obed-edom, hanggang sa bayan ni David, na may kagalakan.

13 At nagkagayon na nang yaong mga nagdadala ng kaban ng Panginoon ay makalakad ng anim na hakbang, siya’y naghain ng isang baka at isang pinataba.

14 At nagsayaw si David ng kaniyang buong lakas sa harap ng Panginoon; at si David ay nabibigkisan ng isang epod na lino.

15 Sa gayo’y iniahon ni David at ng buong sangbahayan ng Israel ang kaban ng Panginoon, na may hiyawan, at may tunog ng pakakak.

16 At nagkagayon, sa pagpapasok ng kaban ng Panginoon sa bayan ni David, na si Michal na anak ni Saul ay tumitingin sa dungawan, at nakita na ang haring si David ay naglulukso at nagsasayaw sa harap ng Panginoon; at kaniyang niwalan ng kabuluhan siya sa kaniyang puso.

17 At kanilang ipinasok ang kaban ng Panginoon, at inilagay sa kaniyang dako, sa gitna ng tolda na itinayo ni David: at naghandog si David ng mga handog na susunugin at mga handog tungkol sa kapayapaan sa harap ng Panginoon.

18 At nang makatapos si David na maghandog ng mga handog na susunugin at ng mga handog tungkol sa kapayapaan, kaniyang binasbasan ang bayan sa pangalan ng Panginoon ng mga hukbo.

19 At kaniyang binahagi sa buong bayan, sa makatuwid baga’y sa buong karamihan ng Israel, sa mga lalake at gayon din sa mga babae, sa bawa’t isa ay isang tinapay at isang bahaging lamang kati, at isang binilong pasas. Sa gayo’y ang buong bayan ay yumaon bawa’t isa sa kaniyang bahay.

20 Nang magkagayo’y bumalik si David upang basbasan ang kaniyang sangbahayan. At si Michal na anak ni Saul ay lumabas na sinalubong si David, at sinabi, Pagkaluwalhati ngayon ng hari sa Israel, na siya’y naghubad ngayon sa mga mata ng mga babaing lingkod ng kaniyang mga lingkod, na gaya ng naghuhubad na kahiyahiya ang isang walang kabuluhang tao.

21 At sinabi ni David kay Michal, Yao’y sa harap ng Panginoon, na siyang pumili sa akin na higit sa iyong ama, at sa buong sangbahayan niya, upang ihalal ako na prinsipe sa bayan ng Panginoon, sa Israel: kaya’t ako’y tutugtog sa harap ng Panginoon.

22 At ako’y magpapakawalang kabuluhan pa kay sa yaon, at ako’y magpapakababa sa aking sariling paningin: nguni’t sa mga babaing lingkod na iyong sinalita, ay pararangalan ako.

23 At si Michal na anak ni Saul ay hindi nagkaanak hanggang sa araw ng kaniyang kamatayan.

II Samuel 7

1 At nangyari nang ang hari ay tumahan sa kaniyang bahay, at binigyan siya ng Panginoon ng kapahingahan sa lahat niyang mga kaaway sa palibot,

2 Na sinabi ng hari kay Nathan na propeta: Tingnan mo ngayon ako’y tumatahan sa isang bahay na sedro, nguni’t ang kaban ng Dios ay nanahanan sa loob ng mga tabing.

3 At sinabi ni Nathan sa hari, Yumaon ka, gawin mo ang lahat na nasa iyong puso; sapagka’t ang Panginoon ay sumasa iyo.

4 At nangyari, nang gabi ring yaon, na ang salita ng Panginoon ay dumating kay Nathan, na sinasabi,

5 Yumaon ka at saysayin mo sa aking lingkod na kay David, Ganito ang sabi ng Panginoon: Ipagtatayo mo ba ako ng isang bahay na matatahanan?

6 Sapagka’t hindi ako tumahan sa isang bahay mula sa araw na aking iahon ang mga anak ni Israel mula sa Egipto, hanggang sa araw na ito, kundi ako’y lumakad sa tolda at sa tabernakulo.

7 Sa lahat ng dako na aking nilakaran na kasama ng lahat ng mga anak ni Israel, nagsalita ba ako ng isang salita sa isa sa mga lipi ng Israel na aking inutusan na maging pastor ng aking bayang Israel, na nagsasabi, Bakit hindi ninyo ipinagtayo ako ng isang bahay na sedro?

8 Ngayon nga’y ganito ang iyong sasabihin sa aking lingkod na kay David, Ganito ang sabi ng Panginoon ng mga hukbo: Kinuha kita mula sa kulungan ng tupa, sa pagsunod sa tupa, upang ikaw ay maging pangulo sa aking bayan, sa Israel:

9 At ako’y suma iyo saan ka man naparoon, at aking inihiwalay ang lahat ng iyong mga kaaway sa harap mo; at gagawin kitang isang dakilang pangalan, gaya ng pangalan ng mga dakila na nasa lupa.

10 At aking tatakdaan ng isang dako ang aking bayan na Israel, at aking itatatag sila, upang sila’y magsitahan sa kanilang sariling dako, at huwag nang mabago pa; ni pipighatiin pa man sila ng mga anak ng kasamaan, na gaya ng una.

11 At gaya mula sa araw na aking halalan ng mga hukom ang aking bayang Israel; at aking papagpapahingahin ka sa lahat ng iyong mga kaaway. Bukod sa rito ay isinaysay ng Panginoon na igagawa ka ng Panginoon ng isang bahay.

12 Pagka ang iyong mga araw ay naganap, at ikaw ay matutulog na kasama ng iyong mga magulang, aking ibabangon ang iyong binhi pagkatapos mo, na magmumula sa iyong tiyan, at aking itatatag ang kaniyang kaharian.

13 Kaniyang ipagtatayo ng bahay ang aking pangalan, at aking itatatag ang luklukan ng kaniyang kaharian magpakailan man.

14 Ako’y magiging kaniyang ama, at siya’y magiging aking anak: kung siya’y gumawa ng kasamaan, aking sasawayin siya ng pamalo ng mga tao, at ng panghampas ng mga anak ng mga tao;

15 Nguni’t ang aking kagandahang loob ay hindi mahihiwalay sa kaniya na gaya nang aking pagkaalis niyan kay Saul, na aking inalis sa harap mo.

16 At ang iyong sangbahayan at ang iyong kaharian ay matitiwasay magpakailan man sa harap mo: ang iyong luklukan ay matatatag magpakailan man.

17 Ayon sa lahat ng mga salitang ito, at ayon sa buong pangitaing ito ay gayon sinalita ni Nathan kay David.

18 Nang magkagayo’y ang haring si David ay pumasok, at umupo sa harap ng Panginoon: at kaniyang sinabi, Sino ako, Oh Panginoong Dios, at ano ang aking sangbahayan na ako’y iyong dinala sa ganiyang kalayo?

19 At ito’y munting bagay pa sa iyong paningin, Oh Panginoong Dios; nguni’t ikaw ay nagsalita naman ng tungkol sa sangbahayan ng iyong lingkod nang hanggang sa malaong panahong darating; at ito ay ayon sa paraan ng tao, Oh Panginoong Dios!

20 At ano pa ang masasabi ni David sa iyo? sapagka’t iyong kilala ang iyong lingkod, Oh Panginoong Dios.

21 Dahil sa iyong salita, at ayon sa iyong sariling puso, iyong ginawa ang buong kadakilaang ito, upang iyong ipakilala sa iyong lingkod.

22 Kaya’t ikaw ay dakila, Oh Panginoong Dios: sapagka’t walang gaya mo, o may ibang Dios pa bukod sa iyo, ayon sa lahat na aming naririnig ng aming mga pakinig.

23 At anong bansa sa lupa ang gaya ng iyong bayan, gaya ng Israel, na tinubos ng Dios sa kaniyang sarili na pinakabayan, at upang gawin niya sa kaniyang isang pangalan, at upang igawa kayo ng mga dakilang bagay, at ng mga kakilakilabot na mga bagay ang iyong lupain, sa harap ng iyong bayan na iyong tinubos para sa iyo mula sa Egipto, mula sa mga bansa at sa kanilang mga dios?

24 At iyong itinatag sa iyong sarili ang iyong bayang Israel upang maging bayan sa iyo magpakailan man; at ikaw, Panginoon, ay naging kanilang Dios.

25 At ngayon, Oh Panginoong Dios, ang salita na iyong sinalita tungkol sa iyong lingkod, at tungkol sa kaniyang sangbahayan, iyong pagtibayin nawa magpakailan man, at iyong gawin gaya ng iyong sinalita.

26 At dumakila ang iyong pangalan magpakailan man, sa pagsasabi: Ang Panginoon ng mga hukbo ay Dios sa Israel: at ang sangbahayan ng iyong lingkod na si David ay matatag sa harap mo.

27 Sapagka’t ikaw, Oh Panginoon ng mga hukbo, ang Dios ng Israel ay napakita ka sa iyong lingkod na iyong sinasabi, Aking ipagtatayo ka ng isang bahay; kaya’t nasumpungan ng iyong lingkod sa kaniyang puso na idalangin ang panalanging ito sa iyo.

28 At ngayon, Oh Panginoong Dios, ikaw ay Dios at ang iyong mga salita ay katotohanan, at iyong ipinangako ang mabuting bagay na ito sa iyong lingkod:

29 Ngayon nga’y kalugdan mong pagpalain ang sangbahayan ng iyong lingkod, upang mamalagi magpakailan man sa harap mo: sapagka’t ikaw, Oh Panginoong Dios ay nagsalita: at sa pamamagitan ng iyong pagpapala ay maging mapalad nawa ang sangbahayan ng iyong lingkod magpakailan man.

II Samuel 8

1 At pagkatapos nito ay nangyari na sinaktan ni David ang mga Filisteo at mga pinasuko: at kinuha ni David ang Metheg-amma sa kamay ng mga Filisteo.

2 At kaniyang sinaktan ang Moab, at sinukat niya sila ng tali, na pinahiga sila sa lupa; at kaniyang sinukat ng dalawang tali upang patayin, at ng isang buong tali upang buhayin. At ang mga Moabita ay naging mga alipin ni David, at nagsipagdala ng mga kaloob.

3 Sinaktan din ni David si Hadadezer na anak ni Rehob, na hari sa Soba, habang siya’y yumayaon upang bawiin ang kaniyang pamumuno sa Ilog.

4 At kinuha ni David sa kaniya ang isang libo at pitong daan na mangangabayo, at dalawang pung libo na naglalakad: at pinilayan ni David ang lahat ng mga kabayo ng mga karo, nguni’t sa mga yaon ay nagtaan ng sa isang daang karo.

5 At nang sumaklolo ang mga taga Siria sa Damasco kay Hadadezer na hari sa Soba, ay sinaktan ni David sa mga taga Siria ang dalawang pu’t dalawang libong tao.

6 Nang magkagayo’y naglagay si David ng mga pulutong sa Siria sa Damasco: at ang mga taga Siria ay nangaging mga alipin ni David, at nagsipagdala ng mga kaloob. At pinapagtagumpay ng Panginoon si David saan man siya pumaroon.

7 At kinuha ni David ang mga kalasag na ginto na nangasa lingkod ni Hadadezer, at dinala sa Jerusalem.

8 At sa Beta at sa Berothai na mga bayan ni Hadadezer, ay kumuha ang haring si David ng lubhang maraming tanso.

9 Nang mabalitaan ni Toi na hari sa Hamath na sinaktan ni David ang buong hukbo ni Hadadezer,

10 Sinugo nga ni Toi si Joram na kaniyang anak sa haring David, upang bumati sa kaniya, at upang purihin siya, sapagka’t siya’y nakipagdigma laban kay Hadadezer at sinaktan niya siya: sapagka’t si Hadadezer ay nagkaroon ng mga pakikipagbaka kay Toi. At nagdala si Joram ng mga sisidlang pilak, at mga sisidlang ginto, at mga sisidlang tanso;

11 Na itinalaga naman ni David sa Panginoon ang mga ito, na kasama ng pilak at ng ginto na kaniyang itinalaga na mula sa lahat ng mga bansa na kaniyang pinasuko;

12 Sa Siria, at sa Moab, at sa mga anak ni Ammon, at sa mga Filisteo, at sa Amalec, at sa samsam kay Hadadezer na anak ni Rehob na hari sa Soba.

13 At nabantog si David nang siya’y bumalik na mula sa pagsakit sa mga taga Siria sa Libis na Alat, sa makatuwid baga’y sa labing walong libong lalake.

14 At naglagay siya ng mga pulutong sa Edom; sa buong Edom ay naglagay siya ng mga pulutong, at ang lahat na Idumeo ay nangaging alipin ni David. At pinapagtagumpay ng Panginoon si David saan man siya pumaroon.

15 At naghari si David sa buong Israel; at iginawad ni David ang kahatulan at ang katuwiran sa kaniyang buong bayan.

16 At si Joab na anak ni Sarvia ay nasa hukbo; at si Josaphat na anak ni Ahilud ay kasangguni:

17 At si Sadoc na anak ni Ahitub at si Ahimelech na anak ni Abiathar ay mga saserdote; at si Seraia ay kalihim;

18 At si Benahia na anak ni Joiada ay nasa mga Ceretheo at sa mga Peletheo; at ang mga anak ni David ay mga pangulong tagapangasiwa.

II Samuel 9

1 At sinabi ni David, May nalalabi pa ba sa sangbahayan ni Saul, upang aking mapagpakitaan ng kagandahang loob dahil kay Jonathan?

2 At may isang lingkod sa sangbahayan ni Saul na nagngangalang Siba, at kanilang tinawag siya sa harap ni David; at sinabi ng hari sa kaniya, Ikaw ba’y si Siba? At kaniyang sinabi, Ang iyong lingkod nga.

3 At sinabi ng hari, wala na ba kayang natitira sa sangbahayan ni Saul, upang aking mapagpakitaan siya ng kagandahang loob ng Dios? At sinabi ni Siba sa hari, Si Jonathan ay may isang anak pa, na pilay ang kaniyang mga paa.

4 At sinabi ng hari sa kaniya, Saan nandoon siya? At sinabi ni Siba sa hari, Narito, siya’y nasa bahay ni Machir na anak ni Amiel, sa Lo-debar.

5 Nang magkagayo’y nagsugo ang haring si David at ipinakuha siya sa bahay ni Machir na anak ni Amiel mula sa Lo-debar.

6 At si Mephiboseth, na anak ni Jonathan, na anak ni Saul, ay naparoon kay David, at nagpatirapa sa kaniyang harap, at nagbigay galang. At sinabi ni David, Mephiboseth. At siya’y sumagot: Narito, ang iyong lingkod!

7 At sinabi ni David sa kaniya, Huwag kang matakot: sapagka’t aking tunay na pagpapakitaan ka ng kagandahang loob dahil kay Jonathan na iyong ama, at aking isasauli ang buong lupa ni Saul na iyong ama, sa iyo; at ikaw ay parating kakain ng pagkain sa aking dulang.

8 At siya’y nagbigay galang at nagsabi, Ano ang iyong lingkod upang iyong lingapin akong isang asong patay?

9 Nang magkagayo’y tinawag ng hari si Siba na lingkod ni Saul, at sinabi sa kaniya, Lahat ng nauukol kay Saul at sa buong kaniyang sangbahayan ay aking ibinigay sa anak ng iyong panginoon.

10 At iyong bubukirin ang lupain para sa kaniya, ninyo ng iyong mga anak, at ng iyong mga bataan at iyong dadalhin dito ang mga bunga, upang ang anak ng iyong panginoon ay magkaroon ng tinapay na makakain: nguni’t si Mephiboseth na anak ng iyong panginoon ay kakain ng tinapay kailan man sa aking dulang. Si Siba nga ay may labing limang anak at dalawang pung bataan.

11 Nang magkagayo’y sinabi ni Siba sa hari, Ayon sa lahat na iniutos ng aking panginoon na hari sa kaniyang lingkod, ay gayon gagawin ng iyong lingkod. Tungkol kay Mephiboseth, sinabi ng hari, Siya’y kakain sa aking dulang na gaya ng isa sa mga anak ng hari.

12 At si Mephiboseth ay may isang anak na binata, na ang pangalan ay Micha. At lahat na nagsisitahan sa bahay ni Siba ay mga bataan ni Mephiboseth.

13 Gayon tumahan si Mephiboseth sa Jerusalem: sapagka’t siya’y kumaing palagi sa dulang ng hari. At siya’y pilay sa kaniyang dalawang paa.

II Samuel 10

1 At nangyari pagkatapos nito, na ang hari ng mga anak ni Ammon ay namatay, at si Hanun na kaniyang anak ay naghari na kahalili niya.

2 At sinabi ni David, Aking pagpapakitaan ng kagandahang loob si Hanun na anak ni Naas, na gaya ng pagpapakita ng kagandahang loob ng kaniyang ama sa akin. Sa gayo’y nagsugo si David sa pamamagitan ng kaniyang mga lingkod upang aliwin siya tungkol sa kaniyang ama. At nagsiparoon ang mga lingkod ni David sa lupain ng mga anak ni Ammon.

3 Nguni’t sinabi ng mga prinsipe ng mga anak ni Ammon kay Hanun na kanilang panginoon, Inakala mo bang pinararangalan ni David ang iyong ama, kaya’t siya’y nagsugo ng mga tagaaliw sa iyo? hindi ba nagsugo si David ng kaniyang mga bataan sa iyo upang kilalanin ang bayan, at upang tiktikan, at upang daigin?

4 Sa gayo’y kinuha ni Hanun ang mga lingkod ni David, at inahit ang kalahati ng kanilang balbas, at pinutol ang kanilang mga suot sa gitna, sa kanilang pigi, at pinayaon.

5 Nang kanilang saysayin kay David, siya’y nagsugo upang salubungin sila; sapagka’t ang mga lalake ay totoong nangapahiya. At sinabi ng hari, Mangaghintay kayo sa Jerico hanggang sa tumubo ang inyong balbas, at kung magkagayo’y mangagbalik kayo.

6 At nang makita ng mga anak ni Ammon na sila’y naging nakapopoot kay David, ang mga anak ni Ammon ay nangagsugo, at inupahan ang mga taga Siria sa Beth-rehob, at ang mga taga Siria sa Soba, na dalawang pung libong naglalakad, at ang hari sa Maaca na may isang libong lalake, at ang mga lalaking taga Tob na labing dalawang libong lalake.

7 At nang mabalitaan ni David, kaniyang sinugo si Joab at ang buong hukbo ng makapangyarihang mga lalake.

8 At ang mga anak ni Ammon ay nagsilabas at nagsihanay ng pakikipagbaka sa pasukan sa pintuang-bayan: at ang mga taga Siria sa Soba, at sa Rehob, at ang mga lalaking taga Tob at mga taga Maaca, ay nangabubukod sa parang.

9 Nang makita nga ni Joab na ang pagbabaka ay nauumang laban sa kaniyang harapan at likuran, siya’y pumili ng lahat na mga hirang na lalake sa Israel, at ipinaghahanay niya laban sa mga taga Siria:

10 At ang nalabi sa bayan ay kaniyang ibinigay sa kamay ni Abisai na kaniyang kapatid, at kaniyang ipinaghahanay laban sa mga anak ni Ammon.

11 At kaniyang sinabi, Kung ang mga taga Siria ay maging malakas kay sa akin, iyo ngang tutulungan ako: nguni’t kung ang mga anak ni Ammon ay maging malakas kay sa iyo, ay paparoon nga ako at tutulungan kita.

12 Magpakatapang ka, at tayo’y magpakalalake para sa ating bayan, at sa mga bayan ng ating Dios: at gawin nawa ng Panginoon ang inaakala niyang mabuti.

13 Sa gayo’y nagsilapit si Joab at ang bayan na kasama niya sa pakikipagbaka laban sa mga taga Siria: at sila’y nagsitakas sa harap niya.

14 At nang makita ng mga anak ni Ammon na ang mga taga Siria ay nagsitakas, sila naman ay nagsitakas sa harap ni Abisai, at nagsipasok sa bayan. Ngayo’y bumalik si Joab na mula sa mga anak ni Ammon, at naparoon sa Jerusalem.

15 At nang makita ng mga taga Siria na sila’y nasasahol sa harap ng Israel, sila’y nagpipisan.

16 At nagsugo si Hadadezer at dinala ang mga taga Siria na nangaroon sa dako pa roon ng Ilog; at sila’y nagsiparoon sa Helam, na kasama ni Sobach na puno ng hukbo ni Hadadezer sa kanilang unahan.

17 At nasaysay kay David, at kaniyang pinisan ang buong Israel, at tumawid sa Jordan, at naparoon sa Helam. At ang mga taga Siria ay nagsihanay laban kay David, at nagsilaban sa kaniya.

18 At ang mga taga Siria ay nagsitakas sa harap ng Israel; at pumatay si David sa mga taga Siria ng mga tao ng pitong daang karo, at apat na pung libo na nangangabayo, at sinaktan si Sobach na kapitan sa kanilang hukbo, na anopa’t namatay roon.

19 At nang makita ng lahat na hari na mga lingkod ni Hadadezer na sila’y nasahol sa harap ng Israel, ay nangakipagpayapaan sa Israel at nangaglingkod sa kanila. Sa gayo’y nangatakot ang mga taga Siria na magsitulong pa sa mga anak ni Ammon.

II Samuel 11

1 At nangyari sa pagpihit ng taon sa panahon ng paglabas ng mga hari sa pakikipagbaka, na sinugo ni David si Joab, at ang kaniyang mga lingkod na kasama niya, at ang buong Israel; at kanilang nilipol ang mga anak ni Ammon at kinubkob sa Rabba. Nguni’t si David ay naghintay sa Jerusalem.

2 At nangyari sa kinahapunan, na si David ay bumangon sa kaniyang higaan, at lumakad sa bubungan ng bahay ng hari: at mula sa bubungan ay kaniyang nakita ang isang babae na naliligo; at ang babae ay totoong napakagandang masdan.

3 At nagsugo si David, at nagpasiyasat tungkol sa babae. At sinabi ng isa, Hindi ba ito ay si Bath-sheba na anak ni Eliam, na asawa ni Uria na Hetheo?

4 At si David ay nagsugo ng mga sugo, at kinuha siya; at siya’y pumaroon sa kaniya, at kaniyang sinipingan siya (sapagka’t siya’y malinis sa kaniyang karumihan;) at siya’y bumalik sa kaniyang bahay.

5 At ang babae ay naglihi; at siya’y nagsugo at nasaysay kay David, at nagsabi: Ako’y buntis.

6 At nagsugo si David kay Joab, na sinasabi, Suguin mo sa akin si Uria na Hetheo. At sinugo ni Joab si Uria kay David.

7 At nang si Uria ay dumating sa kaniya, tinanong ni David siya kung paano ang tayo ni Joab, at kung ano ang kalagayan ng bayan, at kung paano ang tayo ng pagbabaka.

8 At sinabi ni David kay Uria, Babain mo ang iyong bahay, at iyong hugasan ang iyong mga paa. At umalis si Uria sa bahay ng hari at isinusunod sa kaniya ang isang pagkain na mula sa hari.

9 Nguni’t natulog si Uria sa pintuan ng bahay ng hari na kasama ng lahat ng mga lingkod ng kaniyang panginoon, at hindi binaba ang kaniyang bahay.

10 At nang masaysay kay David, na sabihin, Hindi binaba ni Uria ang kaniyang bahay, sinabi ni David kay Uria, Hindi ka pa ba nakapaglalakbay? bakit hindi mo binaba ang iyong bahay?

11 At sinabi ni Uria kay David, Ang kaban, at ang Israel, at ang Juda, ay nasa mga tolda at ang aking panginoon si Joab, at ang mga lingkod ng aking panginoon, ay nangahahantong sa luwal na parang; yayaon nga ba ako sa aking bahay, upang kumain, at upang uminom, at upang sumiping sa aking asawa? buhay ka, at buhay ang iyong kaluluwa, hindi ko gagawin ang bagay na ito.

12 At sinabi ni David kay Uria, Tumigil ka rin dito ngayon at bukas ay aking payayaunin ka. Sa gayo’y tumigil si Uria sa Jerusalem sa araw na yaon, at sa kinabukasan.

13 At nang tawagin siya ni David, siya’y kumain at uminom sa harap niya; at kaniyang nilango siya: at sa kinahapunan, siya’y lumabas upang mahiga sa kaniyang higaan na kasama ng mga lingkod ng kaniyang panginoon, nguni’t hindi niya binaba ang kaniyang bahay.

14 At nangyari, sa kinaumagahan, na sumulat si David ng isang sulat kay Joab, at ipinadala sa pamamagitan ng kamay ni Uria.

15 At kaniyang isinulat sa sulat, na sinasabi, Ilagay mo si Uria sa pinakaunahan ng mahigpit na pagbabaka, at kayo’y magsiurong mula sa kaniya, upang siya’y masaktan, at mamatay.

16 At nangyari, nang bantayan ni Joab ang bayan, na kaniyang inilagay si Uria sa dakong kaniyang nalalaman na kinaroroonan ng mga matapang na lalake.

17 At ang mga lalake sa bayan ay nagsilabas at nakipagbaka kay Joab: at nangabuwal ang iba sa bayan, sa mga lingkod ni David; at si Uria na Hetheo ay namatay rin.

18 Nang magkagayo’y nagsugo si Joab, at isinaysay kay David ang lahat ng mga bagay tungkol sa pagbabaka;

19 At kaniyang ibinilin sa sugo, na sinasabi, Pagka ikaw ay nakatapos na magsaysay sa hari ng lahat ng mga bagay tungkol sa pagbabaka,

20 Mangyari na, kung ang galit ng hari ay maginit, at kaniyang sabihin sa iyo: Bakit kayo lumapit na mabuti sa bayan upang bumaka? hindi ba ninyo nalalaman na sila’y papana mula sa kuta?

21 Sino ang sumakit kay Abimelech na anak ni Jerobaal? hindi ba isang babae ang naghagis ng isang bato sa ibabaw ng gilingan sa kaniya mula sa kuta, na anopa’t siya’y namatay sa Thebes? bakit kayo’y nagpakalapit sa kuta? saka mo sasabihin, Ang iyong lingkod na si Uria na Hetheo ay namatay rin.

22 Sa gayo’y yumaon ang sugo, at naparoon at isinaysay kay David ang lahat na iniutos sa kaniya ni Joab.

23 At sinabi ng sugo kay David, Ang mga lalake ay nanganaig laban sa amin, at nilabas kami sa parang, at aming pinaurong sila hanggang sa pasukan ng pintuang-bayan.

24 At pinana ng mga mamamana ang iyong mga lingkod mula sa kuta; at ang iba sa mga lingkod ng hari ay nangamatay, at ang iyong lingkod na si Uria na Hetheo ay namatay rin.

25 Nang magkagayo’y sinabi ni David sa sugo, Ganito ang iyong sasabihin kay Joab: Huwag mong masamain ang bagay na ito, sapagka’t nilalamon ng tabak maging ito gaya ng iba: iyong palakasin pa ang iyong pagbabaka laban sa bayan, at iwasak: at iyong palakasin ang loob niya.

26 At nang marinig ng asawa ni Uria na si Uria na kaniyang asawa ay namatay, kaniyang tinangisan ang kaniyang asawa.

27 At nang ang pagtangis ay makaraan, ay nagsugo si David at kinuha siya sa kaniyang bahay, at siya’y naging kaniyang asawa, at nagkaanak sa kaniya ng isang lalake. Nguni’t ang bagay na ginawa ni David ay minasama ng Panginoon.

II Samuel 12

1 At sinugo ng Panginoon si Nathan kay David. At siya’y naparoon sa kaniya, at nagsabi sa kaniya, May dalawang lalake sa isang bayan; ang isa ay mayaman at ang isa ay mahirap.

2 Ang mayaman ay mayroon totoong maraming kawan at bakahan:

3 Nguni’t ang mahirap ay walang anomang bagay, liban sa isang munting korderong babae, na kaniyang binili at inalagaan: at lumaki sa kaniya, at sa kaniyang mga anak; kumakain ng kaniyang sariling pagkain at umiinom ng kaniyang sariling inumin, at humihiga sa kaniyang sinapupunan, at sa kaniya’y parang isang anak.

4 At naparoon ang isang maglalakbay sa mayaman, at ipinagkait niya ang kaniyang sariling kawan at ang kaniyang sariling bakahan, na ihanda sa naglalakbay na dumating sa kaniya, kundi kinuha ang kordero ng mahirap na lalake, at inihanda sa lalake na dumating sa kaniya.

5 At ang galit ni David ay nagalab na mainam laban sa lalake; at kaniyang sinabi kay Nathan, Buhay ang Panginoon, ang lalake na gumawa nito ay karapatdapat na mamatay:

6 At isinauli ang kordero na may dagdag na apat, sapagka’t kaniyang ginawa ang bagay na ito, at sapagka’t siya’y hindi naawa.

7 At sinabi ni Nathan kay David, Ikaw ang lalaking yaon. Ganito ang sabi ng Panginoon, ng Dios ng Israel, Pinahiran kita ng langis na maging hari sa Israel, at aking iniligtas ka sa kamay ni Saul;

8 At ibinigay ko sa iyo ang bahay ng iyong panginoon, at ang mga asawa ng iyong panginoon sa iyong sinapupunan, at ibinigay ko sa iyo ang sangbahayan ng Israel at ng Juda; at kung totoong kakaunti pa ito, ay dadagdagan pa kita ng gayong bagay.

9 Bakit nga iyong niwalang kabuluhan ang salita ng Panginoon, na iyong ginawa ang masama sa kaniyang paningin? iyong sinugatan ng tabak si Uria na Hetheo, at iyong kinuha ang kaniyang asawa upang maging iyong asawa, at iyong pinatay siya ng tabak ng mga anak ni Ammon.

10 Ngayon nga’y ang tabak ay hindi hihiwalay kailan man sa iyong sangbahayan; sapagka’t iyong niwalan ng kabuluhan ako, at iyong kinuha ang asawa ni Uria na Hetheo upang maging iyong asawa.

11 Ganito ang sabi ng Panginoon, Narito, ako’y magtitindig ng kasamaan laban sa iyo na mula sa iyong sariling sangbahayan, at aking kukunin ang iyong mga asawa sa harap ng iyong mga mata, at aking ipagbibigay sa iyong kapuwa, at kaniyang sisipingan ang iyong mga asawa sa sikat ng araw na ito.

12 Sapagka’t iyong ginawa na lihim: nguni’t aking gagawin ang bagay na ito sa harap ng buong Israel, at sa harap ng araw.

13 At sinabi ni David kay Nathan, Ako’y nagkasala laban sa Panginoon. At sinabi ni Nathan kay David, Inalis din ng Panginoon ang iyong kasalanan; hindi ka mamamatay.

14 Gayon ma’y sapagka’t sa gawang ito’y iyong binigyan ng malaking pagkakataon ang mga kaaway ng Panginoon upang magsipanungayaw, ang bata naman na ipinanganak sa iyo ay walang pagsalang mamamatay.

15 At si Nathan ay umuwi sa kaniyang bahay. At sinaktan ng Panginoon ang bata na ipinanganak ng asawa ni Uria kay David, at totoong malubha.

16 Ipinanalangin nga ni David sa Dios ang bata; at si David ay nagaayuno, at pumapasok, at humihiga buong gabi sa lupa.

17 At bumabangon ang mga matanda sa kaniyang bahay, at tumatayo sa siping niya, upang itindig siya sa lupa; nguni’t siya’y ayaw kahit kumain ng tinapay na kasalo nila.

18 At nangyari, nang ikapitong araw, na ang bata ay namatay. At nangatakot ang mga lingkod ni David na saysayin sa kaniya na ang bata ay patay na: sapagka’t kanilang sinabi, Narito, samantalang ang bata ay buhay pa, tayo ay nakipagsalitaan sa kaniya, at hindi siya nakinig sa ating tinig: gaano ngang ikababagabag niya kung ating sasabihin sa kaniya na ang bata ay patay na?

19 Nguni’t nang makita ni David na ang kaniyang mga lingkod ay nagbubulong-bulungan, nahalata ni David na ang bata ay patay na: at sinabi ni David sa kaniyang mga lingkod, Patay na ba ang bata? At kanilang sinabi, Siya’y patay na.

20 Nang magkagayo’y bumangon si David sa lupa at naligo, at nagpahid ng langis, at nagbihis ng kaniyang suot; at siya’y naparoon sa bahay ng Panginoon, at sumamba: saka naparoon siya sa kaniyang sariling bahay; at nang siya’y humingi, hinainan nila ng tinapay siya sa harap, at siya’y kumain.

21 Nang magkagayo’y sinabi ng kaniyang mga lingkod sa kaniya, Anong bagay ito na iyong ginawa? ikaw ay nagaayuno at umiiyak dahil sa bata, samantalang siya’y buhay; nguni’t nang mamatay ang bata, ikaw ay bumangon at kumain ng tinapay.

22 At kaniyang sinabi, Samantalang ang bata’y buhay pa, ako’y nagaayuno at umiiyak: sapagka’t aking sinabi, Sino ang nakakaalam kung maaawa sa akin ang Panginoon, na anopa’t ang bata’y mabuhay?

23 Nguni’t ngayo’y patay na siya; bakit pa ako magaayuno? Maibabalik ko pa ba siya? Ako’y paroroon sa kaniya, nguni’t siya’y hindi babalik sa akin.

24 At inaliw ni David si Bath-sheba na kaniyang asawa, at lumapit sa kaniya, at sumiping sa kaniya: At siya’y nanganak ng isang lalake, at tinawag niya ang kaniyang pangalan na Salomon. At minahal siya ng Panginoon.

25 At nagsugo siya sa pamamagitan ng kamay ni Nathan na propeta, at tinawag niya ang kaniyang pangalan na Jedidiah alang-alang sa Panginoon.

26 Nakipaglaban nga si Joab, sa Rabba sa mga anak ni Ammon, at sinakop ang bayang hari.

27 At nagsugo si Joab ng mga sugo kay David, at nagsabi, Ako’y nakipaglaban sa Rabba, oo, aking sinakop ang bayan ng mga bukal ng tubig.

28 Ngayon nga’y pisanin mo ang nalabi sa bayan, at humantong ka laban sa bayan, at sakupin mo: baka aking sakupin ang bayan, at tawagin ayon sa aking pangalan.

29 At pinisan ni David ang buong bayan, at naparoon sa Rabba, at bumaka laban doon, at sinakop.

30 At inalis ang putong ng kanilang hari sa kaniyang ulo: at ang bigat niyaon ay isang talentong ginto, at may mga mahalagang bato; at ipinutong sa ulo ni David. At siya’y naglabas ng samsam sa bayan na totoong marami.

31 At kaniyang inilabas ang bayan na nandoon, at inilagay sa ilalim ng mga lagari, at ng mga suyod na bakal, at ng mga palakol na bakal, at mga pinaraan sa mga lutuan ng laryo: at gayon ang ginawa niya sa lahat ng mga bayan ng mga anak ni Ammon. At si David at ang buong bayan ay bumalik sa Jerusalem.