II Samuel 23

1 Ito nga ang mga huling salita ni David. Sinabi ni David na anak ni Isai, At sinabi ng lalake na pinapangibabaw, Na pinahiran ng langis ng Dios ni Jacob, At kalugodlugod na mangaawit sa Israel:

2 Ang Espiritu ng Panginoon ay nagsalita sa pamamagitan ko, At ang kaniyang salita ay suma aking dila.

3 Sinabi ng Dios ng Israel, Ang malaking bato ng Israel ay nagsalita sa akin: Ang naghahari sa mga tao na may katuwiran, Na mamamahala sa katakutan sa Dios,

4 Siya’y magiging gaya ng liwanag sa kinaumagahan pagka ang araw ay sumisikat, Sa isang umagang walang mga alapaap; Pagka ang malambot na damo ay sumisibol sa lupa, Sa maliwanag na sikat pagkatapos ng ulan.

5 Katotohanang ang aking sangbahayan ay hindi gayon sa Dios; Gayon ma’y nakipagtipan siya sa akin ng isang tipang walang hanggan, Maayos sa lahat ng mga bagay, at maasahan: Sapagka’t siyang aking buong kaligtasan, at buong nasa. Bagaman hindi niya pinatubo.

6 Nguni’t ang mga di banal ay ipaghahagis na gaya ng mga tinik, Sapagka’t hindi nila matatangnan ng kamay:

7 Kundi ang lalake na humipo sa kanila, Marapat magsakbat ng bakal at ng puluhan ng sibat; At sila’y lubos na susunugin ng apoy sa kanilang kinaroroonan.

8 Ito ang mga pangalan ng mga makapangyarihang lalake na nasa kay David: Si Josebbasebet na Tachemonita, na pinuno ng mga kapitan; na siya ring si Adino na Eznita, na siyang dumaluhong laban sa walong daan na nangapatay ng paminsan.

9 At pagkatapos niya’y si Eleazar, na anak ni Dodo, na anak ng isang Ahohita, na isa sa tatlong malalakas na lalake na kasama ni David, nang sila’y mangakipagaway sa mga Filisteo, na nangapipisan doon upang makipagbaka, at ang mga lalake ng Israel ay nagsialis:

10 Siya’y bumangon, at sinaktan ang mga Filisteo hanggang sa ang kaniyang kamay ay nangalay, at ang kaniyang kamay ay nadikit sa tabak: at ang Panginoo’y gumawa ng dakilang pagtatagumpay sa araw na yaon: at ang bayan ay bumalik na kasunod niya, upang manamsam lamang.

11 At pagkatapos niya’y si Samma na anak ni Age, na Araita. At ang mga Filisteo ay nagpipisan sa isang pulutong, na kinaroroonan ng isang putol na lupa sa puno ng lentehas; at tinakasan ng bayan ang mga Filisteo.

12 Nguni’t siya’y tumayo sa gitna ng putol na yaon, at ipinagsanggalang niya, at pinatay ang mga Filisteo: at ang Panginoo’y gumawa ng dakilang pagtatagumpay.

13 At tatlo sa tatlong pung pinuno ay nagsilusong at nagsiparoon kay David sa pagaani sa yungib ng Adullam; at ang pulutong ng mga Filisteo ay nagsihantong sa libis ng Rephaim.

14 At si David nga’y nasa katibayan, at ang pulutong nga ng mga Filisteo ay nasa Bethlehem.

15 At nagnais si David, at nagsabi, Oh may magbigay sana sa akin ng tubig sa balon ng Bethlehem, na nasa tabi ng pintuang-bayan!

16 At ang tatlong malalakas na lalake ay nagsisagasa sa hukbo ng mga Filisteo, at nagsiigib ng tubig sa balon ng Bethlehem, na nasa siping ng pintuang bayan, at kinuha, at dinala kay David: nguni’t hindi niya ininom yaon, kundi kaniyang ibinuhos na handog sa Panginoon.

17 At kaniyang sinabi, Malayo sa akin, Oh Panginoon, na aking gawin ito: iinumin ko ba ang dugo ng mga lalake na nagsiparoon na ipinain ang kanilang buhay? kaya’t hindi niya ininom. Ang mga bagay na ito ay ginawa ng tatlong malalakas na lalake.

18 At si Abisai, na kapatid ni Joab, na anak ni Sarvia, ay pinuno ng tatlo. At kaniyang itinaas ang kaniyang sibat laban sa tatlong daan at pinatay niya sila, at nagkapangalan sa tatlo.

19 Hindi ba siya ang lalong marangal sa tatlo? kaya’t siya’y ginawang punong kawal nila: gayon ma’y hindi siya umabot sa unang tatlo.

20 At si Benaia, na anak ni Joiada, na anak ng matapang na lalake na taga Cabseel, na gumawa ng makapangyarihang gawa, na kaniyang pinatay ang dalawang anak ni Ariel na taga Moab; siya’y lumusong din at pumatay ng isang leon sa gitna ng isang hukay sa kapanahunan ng niebe.

21 At siya’y pumatay ng isang taga Egipto na malakas na lalake: at ang taga Egipto ay may sibat sa kaniyang kamay; nguni’t siya’y nilusong niyang may tungkod, at inagaw niya ang sibat sa kamay ng taga Egipto, at pinatay niya siya ng kaniyang sariling sibat.

22 Ang mga bagay na ito ay ginawa ni Benaias, na anak ni Joiada, at nagkapangalan sa tatlong malalakas na lalake.

23 Siya’y marangal kay sa tatlongpu, nguni’t sa unang tatlo’y hindi siya umabot. At inilagay ni David siya sa kaniyang bantay.

24 At si Asael na kapatid ni Joab ay isa sa tatlongpu; si Elhaanan na anak ni Dodo, na taga Bethlehem,

25 Si Samma na Harodita, si Elica na Harodita,

26 Si Heles na Paltita, si Hira na anak ni Jecces na Tecoita.

27 Si Abiezer na Anathothita, si Mebunai na Husatita,

28 Si Selmo na Hahohita, si Maharai na Netophathita,

29 Si Helec na anak ni Baana, na Netophathita, si Ithai na anak ni Ribai, na taga Gabaa, sa mga anak ng Benjamin.

30 Si Benaia na Pirathonita, si Hiddai sa mga batis ng Gaas,

31 Si Abi-albon na Arbathita, si Azmaveth na Barhumita,

32 Si Eliahba na Saalbonita, ang mga anak ni Jassen, si Jonathan,

33 Si Samma na Ararita, si Ahiam na anak ni Sarar, na Ararita,

34 Si Elipheleth na anak ni Asbai, na anak ni Maachateo, si Eliam na anak ni Achitophel na Gelonita,

35 Si Hesrai na Carmelita, si Pharai na Arbita;

36 Si Igheal na anak ni Nathan na taga Soba, si Bani na Gadita,

37 Si Selec na Ammonita, si Naharai na Beerothita, na mga tagadala ng sandata ni Joab na anak ni Sarvia;

38 Si Ira na Ithrita, si Gareb na Ithrita,

39 Si Uria na Hetheo: silang lahat ay tatlong pu’t pito.

II Samuel 24

1 At ang galit ng Panginoon ay nagalab uli laban sa Israel, at kaniyang kinilos si David laban sa kanila, na sinabi, Ikaw ay yumaon, iyong bilangin ang Israel at Juda.

2 At sinabi ng hari kay Joab na puno ng hukbo, na kasama niya, Magparoo’t parito ka nga sa lahat ng mga lipi ng Israel, mula sa Dan hanggang sa Beer-seba, at bilangin ninyo ang bayan, upang aking maalaman ang kabuoan ng bayan.

3 At sinabi ni Joab sa hari, Ngayo’y dagdagan ng Panginoon mong Dios ang bayan, sa gaano man karami sila, ng makaisang daan pa; at makita ng mga mata ng aking panginoon na hari: nguni’t bakit nalulugod ang panginoon ko na hari sa bagay na ito?

4 Gayon ma’y ang salita ng hari ay nanaig laban kay Joab, at laban sa mga puno ng hukbo. At si Joab at ang mga puno ng hukbo ay nagsilabas mula sa harapan ng hari upang bilangin ang bayan ng Israel.

5 At sila’y nagsitawid ng Jordan, at nagsihantong sa Aroer sa dakong kanan ng bayan na nasa gitna ng libis ng Gad, at sa Jazer:

6 Saka sila nagsiparoon sa Galaad, at sa lupain ng Tatimhodsi; at sila’y nagsidating sa Dan-jaan at sa palibot hanggang sa Sidon.

7 At nagsiparoon sa katibayan ng Tiro, at sa lahat ng mga bayan ng mga Heveo, at ng mga Cananeo; at sila’y nagsilabas sa timugan ng Juda, sa Beer-seba.

8 Sa gayon nang sila’y makapagparoo’t parito na, sa buong lupain, ay nagsiparoon sila sa Jerusalem sa katapusan ng siyam na buwan at dalawang pung araw.

9 At ibinigay ni Joab sa hari ang bilang ng pagkabilang sa bayan; at mayroon sa Israel na walong daang libo na matapang na lalake na nagsisihawak ng tabak; at ang mga tao sa Juda ay limang daang libong lalake.

10 At ang puso ni David ay sinaktan niya pagkatapos na kaniyang nabilang ang bayan. At sinabi ni David sa Panginoon, Ako’y nagkasala ng malaki sa aking nagawa: nguni’t ngayo’y isinasamo ko sa iyo na iyong pawiin ang kasamaan ng iyong lingkod; sapagka’t aking ginawa ng buong kamangmangan.

11 At nang bumangon si David sa kinaumagahan, ang salita ng Panginoon ay dumating sa propeta Gad na tagakita ni David, na sinasabi,

12 Ikaw ay yumaon at salitain mo kay David, Ganito ang sabi ng Panginoon, Pinagpapalagayan kita ng tatlong bagay; pumili ka ng isa sa mga yaon upang aking magawa sa iyo.

13 Sa gayo’y naparoon si Gad kay David, at nagsaysay sa kaniya: at nagsabi sa kaniya, Darating ba sa iyo ang pitong taon na kagutom sa iyong lupain? o tatakas ka bang tatlong buwan sa harap ng iyong mga kaaway samantalang hinahabol ka nila? o magkakaroon ba ng tatlong araw na pagkasalot sa iyong lupain? ngayo’y muniin mo, at dilidilihin mo kung anong kasagutan ang aking ibabalik doon sa nagsugo sa akin.

14 At sinabi ni David kay Gad, Ako’y nasa totoong kagipitan: mahulog tayo ngayon sa kamay ng Panginoon; sapagka’t ang kaniyang mga kaawaan ay dakila: at huwag akong mahulog sa kamay ng tao.

15 Sa gayo’y nagsugo ang Panginoon ng salot sa Israel mula sa umaga hanggang sa takdang panahon: at namatay sa bayan mula sa Dan hanggang sa Beer-seba ay pitong pung libong lalake.

16 At nang iunat ng anghel ang kaniyang kamay sa dakong Jerusalem upang gibain ay nagsisi ang Panginoon sa kasamaan, at sinabi sa anghel na lumipol ng bayan, Siya na; ngayo’y itigil mo ang iyong kamay. At ang anghel ng Panginoon ay nasa giikan ni Arauna na Jebuseo.

17 At nagsalita si David sa Panginoon, nang kaniyang makita ang anghel na sumakit sa bayan, at nagsabi, Narito, ako’y nagkasala, at ako’y gumawa ng kalikuan; nguni’t ang mga tupang ito, ano ang ginawa? isinasamo ko sa iyo na ang iyong kamay ay maging laban sa akin, at laban sa sangbahayan ng aking ama.

18 At si Gad ay naparoon sa araw na yaon kay David, at nagsabi sa kaniya, Ikaw ay yumaon, magtayo ka ng isang dambana sa Panginoon sa giikan ni Arauna na Jebuseo.

19 At si David ay umahon ayon sa sinabi ni Gad, kung paanong iniutos ng Panginoon.

20 At tumanaw si Arauna, at nakita ang hari, at ang kaniyang mga lingkod na nagsisilapit sa kaniya; at si Arauna ay lumabas at nagpatirapa sa harap ng hari.

21 At sinabi ni Arauna: Bakit ang aking panginoon na hari ay naparito sa kaniyang lingkod? At sinabi ni David, Upang bilhin ang giikan sa iyo, na mapagtayuan ng isang dambana sa Panginoon, upang ang salot ay magtigil sa bayan.

22 At sinabi ni Arauna kay David, Kunin ng aking panginoon na hari, at ihandog kung ano ang inaakala niyang mabuti: narito, ang mga baka na panghandog na susunugin, at ang mga kagamitan sa giikan at ang mga pamatok ng mga baka na pang kahoy:

23 Ang lahat na ito, Oh hari, ibinibigay ni Arauna sa hari. At sinabi ni Arauna sa hari, Tanggapin ka nawa ng Panginoon mong Dios.

24 At sinabi ng hari kay Arauna, Huwag; kundi katotohanang bibilhin ko sa iyo sa halaga: hindi nga ako maghahandog ng mga handog na susunugin sa Panginoon kong Dios na hindi nagkahalaga sa akin ng anoman. Sa gayo’y binili ni David ang giikan at ang mga baka ng limang pung siklong pilak.

25 At nagtayo roon si David ng isang dambana sa Panginoon, at naghandog ng mga handog na susunugin at ng mga handog tungkol sa kapayapaan. Sa gayo’y nadalanginan ang Panginoon dahil sa lupain, at ang salot ay tumigil sa Israel.

I Samuel 1

1 May isa ngang lalake na taga Ramathaim-sophim, sa lupaing maburol ng Ephraim, at ang pangalan niya’y Elcana, na anak ni Jeroham, na anak ni Eliu, na anak ni Thohu, na anak ni Suph na Ephraimita:

2 At siya’y may dalawang asawa; ang pangalan ng isa’y Ana, at ang pangalan ng isa’y Peninna: at si Peninna ay may mga anak nguni’t si Ana ay walang anak.

3 At ang lalaking ito ay umaahon sa taon-taon mula sa kaniyang bayan upang sumamba at maghain sa Panginoon ng mga hukbo sa Silo. At ang dalawang anak ni Eli, na si Ophni at si Phinees, na mga saserdote sa Panginoon, ay nangandoon.

4 At pagka dumarating ang araw na si Elcana ay naghahain, ay kaniyang binibigyan ng mga bahagi si Peninna na kaniyang asawa, at ang lahat ng kaniyang mga anak na lalake at babae:

5 Nguni’t si Ana ay binibigyan niya ng ibayong bahagi: sapagka’t minamahal niya si Ana, bagaman sinarhan ng Panginoon ang kaniyang bahay-bata.

6 At minumungkahi siyang mainam ng kaniyang kaagaw upang yamutin siya, sapagka’t sinarhan ng Panginoon ang kaniyang bahay-bata.

7 At gayon ang ginagawa niya sa taon-taon, na pagka inaahon niya ang bahay ng Panginoon ay minumungkahi niyang gayon ang isa; kaya’t siya’y umiiyak, at hindi kumakain.

8 At sinabi ni Elcana na kaniyang asawa sa kaniya, Ana, bakit ka umiiyak? at bakit hindi ka kumakain? at bakit nagdadalamhati ang iyong puso? hindi ba ako mabuti sa iyo kay sa sangpung anak?

9 Sa gayo’y bumangon si Ana pagkatapos na makakain sila sa Silo at pagkatapos na sila’y makainom. Ngayo’y si Eli na saserdote ay nakaupo sa upuan niya sa siping ng haligi ng pintuan ng templo ng Panginoon.

10 At siya’y nanalangin sa Panginoon ng buong paghihinagpis ng kaluluwa, at tumangis na mainam.

11 At siya’y nanata ng isang panata, at nagsabi, Oh Panginoon ng mga hukbo, kung tunay na iyong lilingunin ang pagkapighati ng iyong lingkod, at aalalahanin mo at hindi mo kalilimutan ang iyong lingkod, kundi iyong pagkakalooban ang iyong lingkod ng anak na lalake, ay akin ngang ibibigay sa Panginoon sa lahat ng kaarawan ng kaniyang buhay, at walang pangahit na daraan sa kaniyang ulo.

12 At nangyari, habang siya’y nananatili ng pananalangin sa harap ng Panginoon, ay pinagmamasdan ni Eli ang kaniyang bibig.

13 Si Ana nga’y nagsasalita sa kaniyang puso; ang kaniya lamang mga labi ang gumagalaw, nguni’t ang kaniyang tinig ay hindi naririnig: kaya’t inakala ni Eli na siya’y lasing.

14 At sinabi ni Eli sa kaniya, Hanggang kailan magiging lasing ka? ihiwalay mo ang iyong alak sa iyo.

15 At sumagot si Ana, at nagsabi, Hindi, panginoon ko, ako’y isang babae na may diwang mapanglaw: hindi ako nakainom ng alak o inuming nakalalasing, kundi aking inihayag ang aking kaluluwa sa harap ng Panginoon.

16 Huwag mong ibilang na babaing hamak ang iyong lingkod: sapagka’t sa kasaganaan ng aking daing at ng aking pagkaduwahagi ay nagsalita ako hanggang ngayon.

17 Nang magkagayo’y sumagot si Eli, at nagsabi, Yumaon kang payapa: at ipagkaloob nawa sa iyo ng Dios ng Israel ang iyong hiling na hinihingi mo sa kaniya.

18 At sinabi niya, Makasumpong nawa ang iyong lingkod ng biyaya sa iyong paningin. Sa gayo’y nagpatuloy ng kaniyang lakad ang babae at kumain, at ang kaniyang mukha’y hindi na malumbay.

19 At sila’y bumangong maaga ng kinaumagahan, at sumamba sa Panginoon, at bumalik, at umuwi sa kanilang bahay sa Ramatha; at nakilala ni Elcana si Ana na kaniyang asawa; at inalaala siya ng Panginoon.

20 At nangyari, nang sumapit ang panahon, na si Ana ay naglihi, at nanganak ng isang lalake; at tinawag ang pangalan niya na Samuel, na sinasabi, Sapagka’t aking hiningi siya sa Panginoon.

21 At ang lalaking si Elcana, at ang buong sangbahayan niya, ay nagsiahon upang maghandog sa Panginoon ng hain sa taon-taon, at ganapin ang kaniyang panata.

22 Nguni’t si Ana ay hindi umahon; sapagka’t sinabi niya sa kaniyang asawa, Hindi ako aahon hanggang sa ang bata’y mahiwalay sa suso; at kung magkagayo’y aking dadalhin siya, upang siya’y pakita sa harap ng Panginoon, at tumahan doon magpakailan man.

23 At sinabi ni Elcana na kaniyang asawa sa kaniya, Gawin mo ang inaakala mong mabuti; maghintay ka hanggang sa maihiwalay mo siya sa suso; pagtibayin lamang ng Panginoon ang kaniyang salita. Sa gayo’y naghintay ang babae, at pinasuso ang kaniyang anak, hanggang sa naihiwalay niya sa suso.

24 At nang kaniyang maihiwalay na sa suso, ay kaniyang iniahon, na may dala siyang tatlong guyang lalake, at isang epang harina, at isang sisidlang balat ng alak, at dinala niya siya sa bahay ng Panginoon sa Silo: at ang anak ay sanggol.

25 At kanilang pinatay ang guyang lalake, at dinala ang bata kay Eli.

26 At sinabi niya, Oh panginoon ko, alangalang sa buhay ng iyong kaluluwa, panginoon ko, ako ang babaing tumayo sa siping mo rito, na nanalangin sa Panginoon.

27 Dahil sa batang ito ako nanalangin; at ipinagkaloob sa akin ng Panginoon ang aking hiling na aking hiningi sa kaniya:

28 Kaya’t aking ipinagkakaloob naman sa Panginoon habang siya’y nabubuhay ay ipinagkakaloob ko siya sa Panginoon. At siya ay sumamba sa Panginoon doon.

I Samuel 2

1 At si Ana ay nanalangin, at nagsabi: Nagagalak ang aking puso sa Panginoon; Ang aking sungay ay pinalaki ng Panginoon; Binigyan ako ng bibig sa aking mga kaaway; Sapagka’t ako’y nagagalak sa iyong pagliligtas.

2 Walang banal na gaya ng Panginoon; Sapagka’t walang iba liban sa iyo, Ni may bato mang gaya ng aming Dios.

3 Huwag na kayong magsalita ng totoong kapalaluan; Huwag mabuka ang kahambugan sa inyong bibig; Sapagka’t ang Panginoon ay Dios ng kaalaman, At sa pamamagitan niya’y sinusukat ang mga kilos.

4 Ang mga busog ng mga makapangyarihang tao ay nasisira; At yaong nangatisod ay nabibigkisan ng kalakasan.

5 Yaong mga busog ay nagpaupa dahil sa tinapay; At yaong mga gutom ay hindi na gutom: Oo, ang baog ay nanganak ng pito; At yaong may maraming anak ay nanghihina.

6 Ang Panginoo’y pumapatay, at bumubuhay: Siya ang nagbababa sa Sheol, at nagsasampa.

7 Ang Panginoo’y nagpapadukha at nagpapayaman: Siya ang nagpapababa, at siya rin naman ang nagpapataas.

8 Kaniyang ibinabangon ang dukha mula sa alabok, Kaniyang itinataas ang mapagkailangan mula sa dumihan, Upang sila’y palukluking kasama ng mga prinsipe, At magmana ng luklukan ng kaluwalhatian: Sapagka’t ang mga haligi ng lupa ay sa Panginoon, At kaniyang ipinatong ang sanglibutan sa kanila.

9 Kaniyang iingatan ang mga paa ng kaniyang mga banal; Nguni’t ang masama ay patatahimikin sa mga kadiliman; Sapagka’t sa pamamagitan ng kalakasan ay walang lalaking mananaig.

10 Yaong makipagkaalit sa Panginoon ay malalansag; Laban sa kanila’y kukulog siya mula sa langit: Ang Panginoon ang huhukom sa mga wakas ng lupa; At bibigyan niya ng kalakasan ang kaniyang hari, At palalakihin ang sungay ng kaniyang pinahiran ng langis.

11 At si Elcana ay umuwi sa Ramatha sa kaniyang bahay. At ang bata’y nangangasiwa sa Panginoon sa harap ni Eli na saserdote.

12 Ngayo’y ang mga anak ni Eli ay mga hamak na lalake; hindi nila nakikilala ang Panginoon.

13 At ang kaugalian ng mga saserdote sa bayan, ay, na pagka ang sinoma’y naghahandog ng hain, lumalapit ang bataan ng saserdote, samantalang ang laman ay niluluto, na may hawak sa kamay na pang-ipit na may tatlong ngipin;

14 At kaniyang dinuduro sa kawali, o sa kaldera, o sa kaldero, o sa palyok; at lahat ng nadadala ng pang-ipit ay kinukuha ng saserdote para sa kaniya. Gayon ang ginagawa nila sa Silo sa lahat ng mga Israelita na naparoroon.

15 Oo, bago nila sunugin ang taba, ay lumalapit ang bataan ng saserdote, at sinasabi sa lalake na naghahain, Magbigay ka ng lamang maiihaw para sa saserdote, sapagka’t hindi siya tatanggap sa iyo ng lamang luto, kundi hilaw.

16 At kung sabihin ng lalake sa kaniya, Walang pagsalang kanila munang susunugin ang taba, at saka mo kunin kung gaano ang nasain ng iyong kaluluwa; kaniya ngang sinasabi, Hindi, kundi ibibigay mo sa akin ngayon: at kung hindi ay aking kukuning sapilitan.

17 At ang kasalanan ng mga binatang yaon ay totoong malaki sa harap ng Panginoon; sapagka’t niwawalan ng kabuluhan ng mga tao ang handog sa Panginoon.

18 Nguni’t si Samuel ay nangangasiwa sa harap ng Panginoon, sa bagay ay bata pa, na may bigkis na isang kayong linong epod.

19 Bukod sa rito’y iginagawa siya ng kaniyang ina ng isang munting balabal, at dinadala sa kaniya taon-taon, pagka siya’y umaahon na kasama ng kaniyang asawa upang maghandog ng hain sa taon-taon.

20 At binasbasan ni Eli si Elcana at ang kaniyang asawa, at sinabi, Bigyan ka nawa ng Panginoon ng binhi sa babaing ito sa lugar ng hingi na kaniyang hiningi sa Panginoon. At sila’y umuwi sa kanilang sariling bahay.

21 At dinalaw ng Panginoon si Ana, at siya’y naglihi, at nagkaanak ng tatlong lalake at dalawang babae. At ang batang si Samuel ay lumalaki sa harap ng Panginoon.

22 Si Eli nga ay totoong matanda na; at kaniyang nababalitaan ang lahat ng ginagawa ng kaniyang mga anak sa buong Israel, at kung paanong sila’y sumisiping sa mga babae na naglilingkod sa pintuan ng tabernakulo ng kapisanan.

23 At sinabi niya sa kanila, Bakit ginagawa ninyo ang mga ganiyang bagay? sapagka’t aking nababalitaan sa buong bayang ito ang inyong mga masamang kilos.

24 Huwag, mga anak ko; sapagka’t hindi mabuting balita ang aking naririnig: inyong pinasasalangsang ang bayan ng Panginoon.

25 Kung ang isang tao ay magkasala laban sa iba, ay hahatulan siya ng Dios; nguni’t kung ang isang tao ay magkasala laban sa Panginoon, sino ang mamamagitan sa kaniya? Gayon ma’y hindi nila dininig ang tinig ng kanilang ama, sapagka’t inakalang patayin sila ng Panginoon.

26 At ang batang si Samuel ay lumalaki, at kinalulugdan ng Panginoon at ng mga tao rin naman.

27 At naparoon ang isang lalake ng Dios kay Eli, at sinabi sa kaniya, Ganito ang sabi ng Panginoon, Napakita ba ako ng hayag sa sangbahayan ng iyong ama, nang sila’y nasa Egipto sa pagkaalipin sa sangbahayan ni Faraon?

28 At pinili ko ba siya sa lahat ng mga lipi ng Israel upang maging saserdote ko, upang maghandog sa aking dambana, upang magsunog ng kamangyan, at upang magsuot ng epod sa harap ko? at ibinigay ko ba sa sangbahayan ng iyong ama ang lahat ng mga handog ng mga anak ni Israel na pinaraan sa apoy?

29 Bakit nga kayo’y tumututol sa aking hain at sa aking handog, na aking iniutos sa aking tahanan, at iyong pinararangalan ang iyong mga anak ng higit kaysa akin, upang kayo’y magpakataba sa mga pinakamainam sa lahat ng mga handog ng Israel na aking bayan?

30 Kaya’t sinasabi ng Panginoon, ng Dios ng Israel, Aking sinabi nga na ang iyong sangbahayan, at ang sangbahayan ng iyong ama, ay lalakad sa harap ko magpakailan man: nguni’t sinasabi ngayon ng Panginoon, Malayo sa akin; sapagka’t yaong mga nagpaparangal sa akin ay aking pararangalin, at yaong mga humahamak sa akin ay mawawalan ng kabuluhan.

31 Narito, ang mga araw ay dumarating, na aking ihihiwalay ang iyong bisig, at ang bisig ng sangbahayan ng iyong ama, upang huwag magkaroon ng matanda sa iyong sangbahayan.

32 At iyong mamasdan ang kadalamhatian sa aking tahanan, sa buong kayamanan na ibibigay ng Dios sa Israel; at mawawalan ng matanda sa iyong sangbahayan magpakailan man.

33 At ang lalaking iyo, na hindi ko ihihiwalay sa aking dambana, ay magiging upang lunusin ang iyong mga mata at papanglawin ang iyong puso; at ang madlang mararagdag sa iyong sangbahayan ay mamamatay sa kanilang kabataan.

34 At ito ang magiging tanda sa iyo, na darating sa iyong dalawang anak, kay Ophni at kay Phinees: sa isang araw, sila’y kapuwa mamamatay.

35 At ako’y magbabangon para sa akin ng isang tapat na saserdote, na gagawa ng ayon sa nasa aking puso at nasa aking pagiisip: at ipagtatayo ko siya ng panatag na sangbahayan; at siya’y lalakad sa harap ng aking pinahiran ng langis, magpakailan man.

36 At mangyayari, na bawa’t isa na naiwan sa iyong sangbahayan, ay paroroon at yuyukod sa kaniya dahil sa isang putol na pilak at sa isang putol na tinapay, at magsasabi, Isinasamo ko sa iyong ilagay mo ako sa isa sa mga katungkulang pagkasaserdote, upang makakain ako ng isang subong tinapay.

I Samuel 3

1 At ang batang si Samuel ay nangangasiwa sa Panginoon sa harap ni Eli. At ang salita ng Panginoon ay mahalaga noong mga araw na yaon; walang hayag na pangitain.

2 At nangyari nang panahon na yaon, nang si Eli ay mahiga sa kaniyang dako, (ang kaniya ngang mata’y nagpasimulang lumabo, na siya’y hindi nakakita,)

3 At ang ilawan ng Dios ay hindi pa namamatay, at si Samuel ay nakahiga upang matulog, sa templo ng Panginoon, na kinaroroonan ng kaban ng Dios;

4 Na tinawag ng Panginoon si Samuel: at kaniyang sinabi, Narito ako.

5 At siya’y tumakbo kay Eli, at nagsabi, Narito ako; sapagka’t tinawag mo ako. At kaniyang sinabi, Hindi ako tumawag; mahiga ka uli. At siya’y yumaon at nahiga.

6 At tumawag pa uli ang Panginoon, Samuel. At bumangon si Samuel at naparoon kay Eli, at nagsabi, Narito ako: sapagka’t ako’y tinawag mo. At siya’y sumagot, Hindi ako tumawag, anak ko; mahiga ka uli.

7 Hindi pa nga nakikilala ni Samuel ang Panginoon, o ang salita man ng Panginoon ay nahahayag pa sa kaniya.

8 At tinawag uli ng Panginoon na ikaitlo. At siya’y bumangon, at naparoon kay Eli, at nagsabi, Narito ako; sapagka’t ako’y iyong tinawag. At nahalata ni Eli na tinatawag ng Panginoon ang bata.

9 Kaya’t sinabi ni Eli kay Samuel, Yumaon ka, mahiga ka: at mangyayari, na kung tatawagin ka niya, ay iyong sasabihin, Magsalita ka, Panginoon; sapagka’t dinirinig ng iyong lingkod. Sa gayo’y yumaon si Samuel at nahiga sa kaniyang dako.

10 At ang Panginoon ay naparoon, at tumayo, at tumawag na gaya ng una, Samuel, Samuel. Nang magkagayo’y sinabi ni Samuel, Magsalita ka; sapagka’t dinirinig ng iyong lingkod.

11 At sinabi ng Panginoon kay Samuel, Narito, gagawa ako ng isang bagay sa Israel, na ang dalawang tainga ng bawa’t isa na nakikinig ay magpapanting.

12 Sa araw na yaon ay aking tutuparin kay Eli ang lahat na aking sinalita tungkol sa kaniyang sangbahayan, mula sa pasimula hanggang sa wakas.

13 Sapagka’t aking isinaysay sa kaniya na aking huhukuman ang kaniyang sangbahayan magpakailan man, dahil sa kasamaan na kaniyang nalalaman, sapagka’t ang kaniyang mga anak ay nagdala ng sumpa sa kanilang sarili, at hindi niya sinangsala sila.

14 At kaya’t ako’y sumumpa sa sangbahayan ni Eli, na ang kasamaan ng sangbahayan ni Eli ay hindi mapapawi ng hain, o handog man magpakailan man.

15 At nahiga si Samuel hanggang sa kinaumagahan, at ibinukas ang mga pinto ng bahay ng Panginoon. At natakot si Samuel na saysayin kay Eli ang panaginip.

16 Nang magkagayo’y tinawag ni Eli si Samuel, at nagsabi, Samuel, anak ko. At kaniyang sinabi, Narito ako.

17 At kaniyang sinabi, Ano ang bagay na sinalita sa iyo? isinasamo ko sa iyo na huwag mong ilihim sa akin: hatulan ka ng Dios, at lalo na, kung iyong ililihim sa akin ang anomang bagay sa lahat ng mga bagay na kaniyang sinalita sa iyo.

18 At isinaysay sa kaniya ni Samuel ang buong sinalita, at hindi naglihim ng anoman sa kaniya. At kaniyang sinabi, Panginoon nga: gawin niya ang inaakala niyang mabuti.

19 At si Samuel ay lumalaki at ang Panginoon ay sumasakaniya, at walang di pinapangyari sa kaniyang mga salita.

20 At nakilala ng buong Israel mula sa Dan hanggang sa Beer-seba na si Samuel ay itinatag na maging propeta ng Panginoon.

21 At napakilala uli ang Panginoon sa Silo, sapagka’t ang Panginoo’y napakilala kay Samuel sa Silo sa pamamagitan ng salita ng Panginoon.

I Samuel 4

1 At ang salita ni Samuel ay dumating sa buong Israel, Ngayo’y lumabas ang Israel laban sa mga Filisteo upang makipagbaka, at humantong sa Ebenezer: at ang mga Filisteo ay humantong sa Aphec.

2 At ang mga Filisteo ay humanay laban sa Israel: at nang sila’y magsagupa, ang Israel ay nasaktan sa harap ng mga Filisteo; at kanilang pinatay sa hukbo sa parang, ay may apat na libong lalake.

3 At nang ang bayan ay dumating sa kampamento, ay sinabi ng mga matanda sa Israel, Bakit sinaktan tayo ngayon ng Panginoon sa harap ng mga Filisteo? Ating dalhin sa atin ang kaban ng tipan ng Panginoon mula sa Silo, upang mapasa gitna natin yaon, at iligtas tayo sa kamay ng ating mga kaaway.

4 Sa gayo’y nagsugo ang bayan sa Silo, at kanilang dinala mula roon ang kaban ng tipan ng Panginoon ng mga hukbo, na nauupo sa gitna ng mga querubin: at ang dalawang anak ni Eli, si Ophni at si Phinees, ay nandoon na binabantayan ang kaban ng tipan ng Dios.

5 At nang ang kaban ng tipan ng Panginoon ay pumasok sa kampamento, ang buong Israel ay humiyaw ng malakas na hiyaw, na ano pa’t naghinugong sa lupa.

6 At nang marinig ng mga Filisteo ang ingay ng hiyaw, ay nagsipagsabi, Ano ang kahulugan ng ingay nitong malakas na hiyaw sa kampamento ng mga Hebreo? At kanilang natalastas na ang kaban ng Panginoon ay ipinasok sa kampamento.

7 At ang mga Filisteo ay nangatakot, sapagka’t kanilang sinabi, Ang Dios ay pumasok sa kampamento. At kanilang sinabi, Sa aba natin! sapagka’t hindi pa nagkakaroon ng ganyang bagay kailan man.

8 Sa aba natin! sino ang magliligtas sa atin sa kamay ng makapangyarihang mga dios na ito? ito ang mga dios na nanakit sa mga taga-Egipto ng sarisaring salot sa ilang.

9 Kayo’y magpakalakas at magpakalalake, Oh kayong mga Filisteo, upang kayo’y huwag maging mga alipin ng mga Hebreo, na gaya ng naging lagay nila sa inyo: kayo’y magpakalalake, at magsilaban.

10 At ang mga Filisteo ay nagsilaban, at ang Israel ay nasaktan, at tumakas ang bawa’t isa sa kanila sa kaniyang tolda: at nagkaroon ng malaking patayan; sapagka’t nabuwal sa Israel ay tatlong pung libong lalaking lakad.

11 At ang kaban ng Dios ay kinuha; at ang dalawang anak ni Eli, si Ophni at Phinees ay pinatay.

12 At tumakbo ang isang lalake ng Benjamin na mula sa hukbo, at naparoon sa Silo nang araw ding yaon, na may barong hapak at may lupa sa kaniyang ulo.

13 At nang siya’y dumating, narito, si Eli ay nakaupo sa kaniyang upuan sa tabi ng daan na nagbabantay; sapagka’t ang kaniyang puso’y nanginginig dahil sa kaban ng Dios. At nang ang tao ay pumasok sa bayan, at saysayin ang mga balita, ang buong bayan ay humiyaw.

14 At nang marinig ni Eli ang ingay ng hiyawan, ay kaniyang sinabi, Ano ang kahulugan ng kaingay ng gulong ito? At ang tao’y nagmadali, at naparoon, at isinaysay kay Eli.

15 Si Eli nga’y may siyam na pu’t walong taon na; at ang kaniyang mga mata’y malalabo na, siya’y di na makakita.

16 At sinabi ng lalake kay Eli, Ako yaong nanggaling sa hukbo, at ako’y tumakas ngayon mula sa hukbo. At kaniyang sinabi, Paano ang nangyari, anak ko?

17 At siya na nagdala ng mga balita ay sumagot at nagsabi, Ang Israel ay tumakas sa harap ng mga Filisteo, at nagkaroon din naman doon ng isang malaking patayan sa gitna ng bayan, at pati ng iyong dalawang anak, si Ophni at si Phinees ay patay na, at ang kaban ng Dios ay kinuha.

18 At nangyari, nang kaniyang banggitin ang kaban ng Dios, na siya’y nabuwal sa likuran sa kaniyang upuan sa dako ng pintuang-bayan; at nabalian siya sa leeg, at siya’y namatay: sapagka’t siya’y lalaking matanda at mabigat. At hinatulan niya ang Israel na apat na pung taon.

19 At ang kaniyang manugang, na asawa ni Phinees, ay buntis na kagampan: at pagkarinig niya ng balita na ang kaban ng Dios ay kinuha, at ang kaniyang biyanan at kaniyang asawa ay patay na, ay yumukod siya at napanganak; sapagka’t ang kaniyang pagdaramdam ay dumating sa kaniya.

20 At nang mamatay na siya, ay sinabi sa kaniya ng mga babaing nakatayo sa siping niya, Huwag kang matakot; sapagka’t ikaw ay nanganak ng isang lalake. Nguni’t hindi siya sumagot, o inalumana man niya.

21 At ipinangalan niya sa bata ay Ichabod, na sinasabi, Ang kaluwalhatian ay nahiwalay sa Israel; sapagka’t ang kaban ng Dios ay kinuha, at dahil sa kaniyang biyanan at sa kaniyang asawa.

22 At kaniyang sinabi, Ang kaluwalhatian ng Dios ay nahiwalay sa Israel; sapagka’t ang kaban ng Dios ay kinuha.

I Samuel 5

1 Kinuha nga ng mga Filisteo ang kaban ng Dios, at kanilang dinala sa Asdod mula sa Eben-ezer.

2 At kinuha ng mga Filisteo ang kaban ng Dios at ipinasok sa bahay ni Dagon, at inilagay sa tabi ni Dagon.

3 At nang bumangong maaga ang mga taga Asdod ng kinaumagahan, narito, si Dagon ay buwal na nakasubasob sa lupa sa harap ng kaban ng Panginoon. At kanilang kinuha si Dagon, at inilagay siya uli sa dako niyang kinaroroonan.

4 At nang sila’y bumangong maaga ng kinaumagahan, narito, si Dagon ay buwal na nakasubasob sa lupa sa harap ng kaban ng Panginoon; at ang ulo ni Dagon at gayon din ang mga palad ng kaniyang mga kamay ay putol na nasa tayuan ng pintuan; ang katawan lamang ang naiwan sa kaniya.

5 Kaya’t ang mga saserdote man ni Dagon, o ang sinomang nanasok sa bahay ni Dagon, ay hindi itinutungtong ang paa sa tayuan ng pintuan ni Dagon sa Asdod, hanggang sa araw na ito.

6 Nguni’t ang kamay ng Panginoon ay bumigat sa mga taga Asdod, at mga ipinahamak niya, at mga sinaktan ng mga bukol, sa makatuwid baga’y ang Asdod at ang mga hangganan niyaon.

7 At nang makita ng mga lalake sa Asdod na gayon, ay kanilang sinabi, Ang kaban ng Dios ng Israel ay huwag matirang kasama natin; sapagka’t ang kaniyang kamay ay mabigat sa atin, at kay Dagon ating dios.

8 Sila’y nagsugo nga at nagpipisan ang lahat ng mga pangulo ng mga Filisteo sa kanila at sinabi, Ano ang ating gagawin sa kaban ng Dios ng Israel? At sila’y sumagot, Dalhin sa Gath ang kaban ng Dios ng Israel. At kanilang dinala roon ang kaban ng Dios ng Israel.

9 At nangyari, na pagkatapos na kanilang madala, ang kamay ng Panginoon ay naging laban sa bayan, na nagkaroon ng malaking pagkalito: at sinaktan niya ang mga tao sa bayan, ang maliit at gayon din ang malaki; at mga bukol ay sumibol sa kanila.

10 Sa gayo’y kanilang ipinadala ang kaban ng Dios sa Ecron. At nangyari, pagdating ng kaban ng Dios sa Ecron, na ang mga Ecronita ay sumigaw, na nagsasabi, Kanilang dinala sa atin ang kaban ng Dios ng Israel, upang patayin tayo at ang ating bayan.

11 Pinasuguan nga nilang magpipisan ang lahat ng pangulo ng mga Filisteo, at kanilang sinabi, Ipadala ninyo ang kaban ng Dios ng Israel, at ipabalik ninyo sa kaniyang sariling dako, upang huwag kaming patayin at ang aming bayan. Sapagka’t nagkaroon ng panglitong ikamamatay sa buong bayan: ang kamay ng Dios ay totoong bumigat doon.

12 At ang mga lalaking hindi namatay ay nasaktan ng mga bukol; at ang daing ng bayan ay umabot sa langit.

I Samuel 6

1 At ang kaban ng Panginoon ay napasa lupain ng mga Filisteo na pitong buwan.

2 At tinawag ng mga Filisteo ang mga saserdote at ang mga manghuhula, na sinasabi, Anong aming gagawin sa kaban ng Panginoon? Ipatalastas ninyo sa amin kung aming ipadadala sa kaniyang dako.

3 At kanilang sinabi, Kung inyong ipadadala ang kaban ng Dios ng Israel, ay huwag ninyong ipadalang walang laman; kundi sa ano pa man ay inyong ibalik siya na may handog ng dahil sa pagkakasala: kung magkagayo’y gagaling kayo, at malalaman ninyo kung bakit ang kaniyang kamay ay hindi humiwalay sa inyo.

4 Nang magkagayo’y kanilang sinabi, Ano ang handog dahil sa pagkakasala na aming igaganti sa kaniya? At kanilang sinabi, Limang gintong bukol, at limang gintong daga ayon sa bilang ng mga pangulo ng mga Filisteo; sapagka’t iisang salot ang napasa inyong lahat, at napasa inyong mga pangulo.

5 Kaya’t kayo’y gagawa ng mga larawan ng inyong mga bukol, at mga larawan ng inyong mga daga na sumira ng lupain, at inyong bibigyan ng kaluwalhatian ang Dios ng Israel: baka sakaling kaniyang gaanan ang kaniyang kamay sa inyo, at sa inyong mga dios, at sa inyong lupain.

6 Bakit nga ninyo pinapagmamatigas ang inyong puso, na gaya ng mga taga Egipto at ni Faraon na pinapagmatigas ang kanilang puso? Nang siya’y makagawa ng kahangahanga sa kanila, di ba nila pinayaon ang bayan, at sila’y yumaon?

7 Ngayon nga’y kumuha kayo at maghanda kayo ng isang bagong karo, at dalawang bagong bakang gatasan, na hindi napatungan ng pamatok; at ikabit ninyo ang mga baka sa karo, at iuwi ninyo ang kanilang mga guya.

8 At kunin ninyo ang kaban ng Panginoon, at isilid ninyo sa karo; at isilid ninyo sa isang kahang nasa tabi niyaon ang mga hiyas na ginto na inyong ibabalik sa kaniya na pinakahandog dahil sa pagkakasala; at inyong ipadala upang yumaon.

9 At tingnan ninyo; kung umahon sa daan ng kaniyang sariling hangganan sa Beth-semes, ginawa nga niya sa atin ang malaking kasamaang ito: nguni’t kung hindi, malalaman nga natin na hindi kaniyang kamay ang nanakit sa atin; isang pagkakataong nangyari sa atin.

10 At ginawang gayon ng mga lalake, at kumuha ng dalawang bagong bakang gatasan, at mga ikinabit sa karo, at kinulong ang kanilang mga guya sa bahay:

11 At kanilang inilagay ang kaban ng Panginoon sa karo, at ang kaha na may mga dagang ginto at mga larawan ng kanilang mga bukol.

12 At tinuwid ng mga baka ang daan sa Beth-semes; sila’y nagpatuloy sa lansangan, na umuungal habang yumayaon, at hindi lumiko sa kanan o sa kaliwa; at ang mga pangulo ng mga Filisteo ay sumunod sa kanila hanggang sa hangganan ng Beth-semes.

13 At silang mga Beth-semita ay umaani ng kanilang trigo sa libis: at kanilang itiningin ang kanilang mga mata, at nakita ang kaban, at nangagalak sa pagkakita niyaon.

14 At ang karo ay pumasok sa bukid ni Josue na Beth-semita, at tumayo roon, sa kinaroroonan ng isang malaking bato: at kanilang biniyak ang kahoy ng karo, at inihandog sa Panginoon ang mga baka na pinakahandog na susunugin.

15 At ibinaba ng mga Levita ang kaban ng Panginoon, at ang kaha na kasama niyaon, na may silid na mga hiyas na ginto, at mga ipinatong sa malaking bato at ang mga lalake sa Beth-semes ay naghandog ng mga handog na susunugin at naghain ng mga hain ng araw ding yaon sa Panginoon.

16 At nang makita ng limang pangulo ng mga Filisteo, ay bumalik sa Ecron nang araw ding yaon.

17 At ito ang mga bukol na ginto na ibinalik ng mga Filisteo sa Panginoon na pinakahandog dahil sa pagkakasala: sa Asdod ay isa, sa Gaza ay isa, sa Ascalon ay isa, sa Gath ay isa, sa Ecron ay isa;

18 At ang mga dagang ginto, ayon sa bilang ng lahat ng mga bayan ng mga Filisteo na nauukol sa limang pangulo, ng mga bayan na nakukutaan at gayon din ng mga nayon sa parang; sa makatuwid baga’y hanggang sa malaking bato na kanilang pinagbabaan ng kaban ng Panginoon, na ang batong yaon ay namamalagi hanggang sa araw na ito sa bukid ni Josue na Beth-semita.

19 At sumakit ang Dios sa mga tao sa Beth-semes, sapagka’t kanilang tiningnan ang loob ng kaban ng Panginoon, sa makatuwid baga’y pumatay siya sa bayan ng pitong pung lalake at limang pung libong tao. At ang bayan ay nanaghoy, sapagka’t sinaktan ng Panginoon ang bayan ng di kawasang pagpatay.

20 At ang mga lalake sa Beth-semes ay nagsabi, Sino ang makatatayo sa harap ng Panginoon, dito sa banal na Dios? at sino ang kaniyang sasampahin mula sa atin?

21 At sila’y nagsugo ng mga sugo sa mga tumatahan sa Chiriath-jearim, na nagsasabi, Ibinalik ng mga Filisteo ang kaban ng Panginoon; kayo’y magsilusong at iahon ninyo sa inyo.

I Samuel 7

1 At ang mga lalake sa Chiriath-jearim ay nagsiparoon, at iniahon ang kaban ng Panginoon, at dinala sa bahay ni Abinadab sa burol, at pinapagbanal si Eleazar na kaniyang anak, upang ingatan ang kaban ng Panginoon.

2 At nangyari, mula nang araw na itahan ang kaban sa Chiriath-jearim, na ang panahon ay nagtatagal; sapagka’t naging dalawang pung taon; at ang buong sangbahayan ng Israel ay tumaghoy sa Panginoon.

3 At nagsalita si Samuel sa buong sangbahayan ng Israel, na nagsasabi, Kung kayo’y babalik sa Panginoon ng buo ninyong puso ay inyo ngang alisin sa inyo ang mga dios na iba, at ang mga Astaroth, at ihanda ninyo ang inyong mga puso sa Panginoon, at sa kaniya lamang kayo maglingkod; at ililigtas niya kayo sa kamay ng mga Filisteo.

4 Nang magkagayo’y inalis ng mga anak ni Israel ang mga Baal at ang mga Astaroth, at sa Panginoon lamang naglingkod.

5 At sinabi ni Samuel, Pisanin ninyo ang buong Israel sa Mizpa at idadalangin ko kayo sa Panginoon.

6 At sila’y nagtitipon sa Mizpa, at nagsiigib ng tubig, at ibinuhos sa harap ng Panginoon, at nagsipagayuno nang araw na yaon, at nangagsabi, Kami ay nangagkasala laban sa Panginoon. At naghukom si Samuel sa mga anak ni Israel sa Mizpa.

7 At nang mabalitaan ng mga Filisteo na ang mga anak ni Israel ay nagtitipon sa Mizpa, nagsiahon laban sa Israel ang mga pangulo ng mga Filisteo. At nang mabalitaan ng mga anak ni Israel, ay nangatakot sa mga Filisteo.

8 At sinabi ng mga anak ni Israel kay Samuel, Huwag kang tumigil ng kadadalangin sa Panginoon nating Dios, ng dahil sa atin, upang iligtas niya tayo sa kamay ng mga Filisteo.

9 At kumuha si Samuel ng isang korderong pasusuhin, at inihandog na pinaka buong handog na susunugin sa Panginoon: at dumaing si Samuel sa Panginoon dahil sa Israel; at ang Panginoon ay sumagot sa kaniya.

10 At samantalang si Samuel ay naghahandog ng handog na susunugin, ay lumapit ang mga Filisteo upang makipagbaka laban sa Israel; nguni’t ang Panginoon ay nagpakulog ng isang malakas na kulog nang araw na yaon sa mga Filisteo, at nilito sila; at sila’y nangabuwal sa harap ng Israel.

11 At ang mga lalake sa Israel ay nagsilabas sa Mizpa, at hinabol ang mga Filisteo, at sinaktan sila, hanggang sa nagsidating sila sa Beth-car.

12 Nang magkagayo’y kumuha si Samuel ng isang bato, at inilagay sa pagitan ng Mizpa at ng Sen, at tinawag ang pangalan niyaon na Ebenezer, na sinasabi, Hanggang dito’y tinulungan tayo ng Panginoon.

13 Sa gayo’y nagsisuko ang mga Filisteo, at hindi na sila pumasok pa sa hangganan ng Israel: at ang kamay ng Panginoon ay laban sa Filisteo lahat ng mga araw ni Samuel.

14 At ang mga bayan na sinakop ng mga Filisteo sa Israel ay nasauli sa Israel, mula sa Ecron hanggang sa Gath; at ang mga hangganan niyaon ay pinapaging laya ng Israel sa kamay ng mga Filisteo. At nagkaroon ng kapayapaan sa pagitan ng Israel at ng mga Amorrheo.

15 At hinatulan ni Samuel ang Israel lahat ng mga araw ng kaniyang buhay.

16 At siya’y naparoon na lumigid taon-taon sa Beth-el, at sa Gilgal, at sa Mizpa; at hinatulan niya ang Israel sa lahat ng mga dakong yaon.

17 At ang kaniyang balik ay sa Rama, sapagka’t nandoon ang kaniyang bahay; at doo’y hinatulan niya ang Israel: at siya’y nagtayo roon ng isang dambana sa Panginoon.

I Samuel 8

1 At nangyari, nang si Samuel ay matanda na, na kaniyang ginawang mga hukom sa Israel ang kaniyang mga anak.

2 Ang pangalan nga ng kaniyang panganay ay Joel; at ang pangalan ng kaniyang ikalawa ay Abia: sila’y mga hukom sa Beer-seba.

3 At ang kaniyang mga anak ay hindi lumakad sa kaniyang mga daan, kundi lumingap sa mahalay na kapakinabangan, at tumanggap ng mga suhol, at sinira ang paghatol.

4 Nang magkagayo’y nagpipisan ang mga matanda ng Israel, at naparoon kay Samuel sa Ramatha;

5 At kanilang sinabi sa kaniya, Narito, ikaw ay matanda na, at ang iyong mga anak ay hindi lumalakad sa iyong mga daan: ngayon nga’y lagyan mo kami ng isang hari upang humatol sa amin gaya ng lahat ng mga bansa.

6 Nguni’t hindi minabuti ni Samuel, nang kanilang sabihin, Bigyan mo kami ng isang hari upang humatol sa amin. At si Samuel ay nanalangin sa Panginoon.

7 At sinabi ng Panginoon kay Samuel, Dinggin mo ang tinig ng bayan sa lahat ng kanilang sinasabi sa iyo; sapagka’t hindi ikaw ang kanilang itinakuwil, kundi itinakuwil nila ako, upang huwag akong maghari sa kanila.

8 Ayon sa lahat na gawa na kanilang ginawa mula nang araw na iahon ko sila mula sa Egipto hanggang sa araw na ito, sa kanilang pagiiwan sa akin, at paglilingkod sa ibang mga dios ay gayon ang ginagawa nila sa iyo.

9 Ngayon nga’y dinggin mo ang kanilang tinig: gayon ma’y tatanggi kang mainam sa kanila, at ipakikilala mo sa kanila ang paraan ng hari na maghahari sa kanila.

10 At isinaysay ni Samuel ang buong salita ng Panginoon sa bayan na humihingi sa kaniya ng isang hari.

11 At kaniyang sinabi, Ito ang magiging paraan ng hari na maghahari sa inyo: kaniyang kukunin ang inyong mga anak at kaniyang ilalagay sa kaniyang mga karo, at upang maging mga mangangabayo niya; at sila’y tatakbo sa unahan ng kaniyang mga karo;

12 At kaniyang mga ihahalal sa kaniya na mga kapitan ng lilibuhin at mga kapitan ng lilimangpuin; at ang iba ay upang umararo ng kaniyang lupa, at umani ng kaniyang aanihin, at upang gumawa ng kaniyang mga sangkap na pangdigma, at sangkap sa kaniyang mga karo.

13 At kaniyang kukunin ang inyong mga anak na babae upang maging mga manggagawa ng pabango, at maging mga tagapagluto, at maging mga magtitinapay.

14 At kaniyang kukunin ang inyong mga bukid, at ang inyong mga ubasan, at ang inyong mga olibohan, sa makatuwid baga’y ang pinakamabuti sa mga yaon, upang mga ibigay sa kaniyang mga lingkod.

15 At kaniyang kukunin ang ika-sangpung bahagi ng inyong binhi, at ng inyong mga ubasan, at ibibigay sa kaniyang mga punong kawal, at sa kaniyang mga lingkod.

16 At kaniyang kukunin ang inyong mga aliping lalake at babae, at ang inyong pinakamabuting bataan, at ang inyong mga asno, at mga ilalagay sa kaniyang mga gawain.

17 Kaniyang kukunin ang ikasangpung bahagi ng inyong mga kawan: at kayo’y magiging kaniyang mga lingkod.

18 At kayo’y dadaing sa araw na yaon, dahil sa inyong hari na inyong pipiliin; at hindi kayo sasagutin ng Panginoon sa araw na yaon.

19 Nguni’t tinanggihang dinggin ng bayan ang tinig ni Samuel; at kanilang sinabi, Hindi; kundi magkakaroon kami ng hari sa amin;

20 Upang kami naman ay maging gaya ng lahat ng mga bansa, at upang hatulan kami ng aming hari, at lumabas sa unahan namin, at ipakipaglaban ang aming pakikipagbaka.

21 At narinig ni Samuel ang lahat ng mga salita ng bayan, at kaniyang mga isinaysay sa pakinig ng Panginoon.

22 At sinabi ng Panginoon kay Samuel, Dinggin mo ang kanilang tinig at lagyan mo sila ng hari. At sinabi ni Samuel sa mga tao sa Israel, Yumaon ang bawa’t isa sa inyo sa kanikaniyang bayan.