I Samuel 19

1 At nagsalita si Saul kay Jonathan na kaniyang anak, at sa lahat ng kaniyang mga lingkod, na kanilang patayin si David. Nguni’t si Jonathan na anak ni Saul ay naliligayang mainam kay David.

2 At isinaysay ni Jonathan kay David, na sinasabi, Pinagsisikapan ni Saul na aking ama na patayin ka: ngayon nga’y isinasamo ko sa iyo, na magingat ka sa kinaumagahan, at manatili sa isang lihim na dako, at magtago ka:

3 At ako’y lalabas at tatayo sa siping ng aking ama sa parang na iyong kinaroroonan, at ako’y makikipagusap sa aking ama ng tungkol sa iyo; at kung may makita akong anoman, ay aking sasaysayin sa iyo.

4 At nagsalita si Jonathan kay Saul na kaniyang ama, ng mabuti tungkol kay David, at sinabi sa kaniya, Huwag magkasala ang hari laban sa kaniyang lingkod na si David; sapagka’t hindi siya nagkasala laban sa iyo; at sapagka’t ang kaniyang mga gawa ay naging mabuti sa iyo:

5 Sapagka’t kaniyang ipinain ang kaniyang buhay, at sinaktan ang Filisteo, at gumawa ang Panginoon ng dakilang pagtatagumpay sa ganang buong Israel: nakita mo at nagalak ka; bakit nga magkakasala ka laban sa walang salang dugo, na papatayin si David ng walang anomang kadahilanan?

6 At dininig ni Saul ang tinig ni Jonathan; at sumumpa si Saul: Buhay ang Panginoon, siya’y hindi papatayin.

7 At tinawag ni Jonathan si David, at isinaysay ni Jonathan sa kaniya ang lahat ng mga bagay na yaon. At dinala ni Jonathan si David kay Saul, at siya’y lumagay sa kaniyang harap, na gaya ng dati.

8 At nagkaroong muli ng digma: at lumabas si David, at nakipaglaban sa mga Filisteo, at pumatay sa kanila ng malaking pagpatay; at sila’y tumakas sa harap niya.

9 At isang espiritung masama na mula sa Panginoon ay suma kay Saul, nang siya’y nakaupo sa kaniyang bahay na tangan niya ang kaniyang sibat sa kaniyang kamay; at tumugtog si David sa pamamagitan ng kaniyang kamay.

10 At pinagsikapan ni Saul na tuhugin ng sibat si David sa dinding; nguni’t siya’y nakatakas sa harap ni Saul at ang kaniyang tinuhog ng sibat ay ang dinding: at tumakas si David at tumanan ng gabing yaon.

11 At nagsugo si Saul ng mga sugo sa bahay ni David, upang siya’y bantayan, at siya’y patayin sa kinaumagahan: at sinaysay sa kaniya ni Michal na asawa ni David, na sinasabi, Kundi mo iligtas ang iyong buhay ngayong gabi bukas ay papatayin ka.

12 Kaya inihugos ni Michal si David sa isang dungawan, at siya’y yumaon, at tumakas, at tumanan.

13 At kinuha ni Michal ang mga terap, at inihiga sa higaan at nilagyan sa ulunan ng isang unan na buhok ng kambing, at tinakpan ng mga kumot.

14 At nang magsugo si Saul ng mga sugo upang dakpin si David, kaniyang sinabi, Siya’y may sakit.

15 At nagsugo si Saul ng mga sugo upang tingnan si David, na sinasabi, Ipanhik ninyo siya sa akin na nasa kaniyang higaan, upang aking patayin siya.

16 At nang pumasok ang mga sugo, narito, ang mga terap at nasa higaan, pati ng unang buhok ng kambing sa ulunan niyaon.

17 At sinabi ni Saul kay Michal, Bakit mo ako dinaya ng ganiyan, at iyong pinaalis ang aking kaaway, na anopa’t siya’y nakatanan? At sumagot si Michal kay Saul, Kaniyang sinabi sa akin: Bayaan mo akong yumaon: bakit kita papatayin?

18 Si David nga ay tumakas, at tumanan, at naparoon kay Samuel sa Rama, at isinaysay sa kaniya ang lahat ng ginawa ni Saul sa kaniya. At siya at si Samuel ay yumaon at tumahan sa Najoth.

19 At nasaysay kay Saul na sinasabi, Narito si David ay nasa Najoth sa Rama.

20 At nagsugo si Saul ng mga sugo upang dakpin si David: at nang kanilang makita ang pulutong ng mga propeta na nanganghuhula, at si Samuel ay tumatayong pinakapangulo sa kanila, ang Espiritu ng Dios ay dumating sa mga sugo ni Saul, at sila naman ay nanganghula.

21 At nang maisaysay kay Saul, siya’y nagsugo ng ibang mga sugo, at sila man ay nanganghula. At si Saul ay nagsugo uli ng mga sugo na ikaitlo, at sila man ay nanganghula.

22 Nang magkagayo’y naparoon din naman siya sa Rama, at dumating sa dakilang balon na nasa Socho: at siya’y tumanong, at nagsabi, Saan naroon si Samuel at si David? At sinabi ng isa, Narito, sila’y nasa Najoth sa Rama.

23 At siya’y naparoon doon sa Najoth sa Rama: at ang Espiritu ng Dios ay dumating din sa kaniya, at siya’y nagpatuloy, at nanghula hanggang sa siya’y dumating sa Najoth sa Rama.

24 At siya rin nama’y naghubad ng kaniyang mga suot, at siya man ay nanghula sa harap ni Samuel, at nahigang hubad sa buong araw na yaon at sa buong gabing yaon. Kaya’t kanilang sinasabi, Pati ba si Saul ay nasa gitna ng mga propeta?

I Samuel 20

1 At si David ay tumakas mula sa Najoth, na nasa Rama, at siya’y dumating at nagsabi sa harap ni Jonathan, Anong aking ginawa? anong aking kasamaan? at anong aking kasalanan sa harap ng iyong ama, upang kaniyang usigin ang aking buhay?

2 At sinabi niya sa kaniya, Malayo nawa; hindi ka mamamatay: narito, ang aking ama ay hindi gumagawa ng anomang bagay na malaki o maliit kundi niya ipaalam sa akin: at bakit ililihim sa akin ng aking ama ang bagay na ito? hindi gayon.

3 At gayon ma’y si David ay sumumpa, at nagsabi, Talastas na maigi ng iyong ama, na ako’y nakasumpong ng biyaya sa iyong paningin; at kaniyang sinasabi, Huwag maalaman ni Jonathan ito, baka siya’y magdalamhati; nguni’t buhay nga ang Panginoon, at buhay ang iyong kaluluwa, na iisang hakbang ang pagitan ko sa kamatayan.

4 Nang magkagayo’y sinabi ni Jonathan kay David, Anomang adhikain ng iyong kaluluwa ay aking gagawin dahil sa iyo.

5 At sinabi ni David kay Jonathan, Narito, bukas ay bagong buwan, at ako’y di marapat na di sumalo sa hari; nguni’t bayaan mo akong yumaon upang ako’y magkubli sa parang hanggang sa ikatlong araw sa paglubog ng araw.

6 Kung ako’y punahin ng iyong ama, iyo ngang sabihing, Hiniling na mainam sa akin ni David na siya’y patakbuhin sa Bethlehem na kaniyang bayan: sapagka’t siyang paghahain na taonan sa lahat ng angkan.

7 Kung kaniyang sabihing ganito, Mabuti; ang iyong lingkod ay matitiwasay; nguni’t kung siya’y magalit, talastasin mo nga na ang kasamaan ay ipinasiya niya.

8 Kaya pagmagandahang loob mo ang iyong lingkod; sapagka’t iyong dinala ang iyong lingkod sa isang tipan ng Panginoon sa iyo; nguni’t kung magtaglay ako ng kasamaan, patayin mo ako; sapagka’t bakit mo pa dadalhin ako sa iyong ama?

9 At sinabi ni Jonathan, Malayo nawa sa iyo: sapagka’t kung matalastas ko sa anomang paraan na ang kasamaan ay ipinasiya ng ama kong sumapit sa iyo, hindi ko ba sasaysayin sa iyo?

10 Nang magkagayo’y sinabi ni David kay Jonathan, Sino ang magsasaysay sa akin, kung sakaling ang iyong ama ay sumagot sa iyo na may kagalitan?

11 At sinabi ni Jonathan kay David, Halika at tayo’y lumabas sa parang. At sila’y kapuwa lumabas sa parang.

12 At sinabi ni Jonathan kay David, Ang Panginoon, ang Dios ng Israel, maging saksi; pagka aking natarok ang aking ama sa oras na ito sa kinabukasan o sa ikatlong araw, narito, kung maging mabuti kay David, hindi ko nga ba pasasapitin sa iyo, at ipababatid sa iyo?

13 Kung mabutihin ng aking ama na gawan ka ng kasamaan, ay hatulan ng Panginoon si Jonathan, malibang ipabatid ko sa iyo at payaunin ka, upang ikaw ay yumaong payapa: at ang Panginoon ay sumaiyo nawa na gaya ng siya’y nasa aking ama.

14 At huwag mangyari kailanman hanggang ako’y nabubuhay, na di mo ako pagpakitaan ng kagandahang loob ng Panginoon upang ako’y huwag mamatay:

15 Subali’t huwag mo ring ihihiwalay ang iyong kagandahang loob sa aking sangbahayan magpakailan man: huwag kahit man lipulin ng Panginoon ang lahat ng mga kaaway ni David sa balat ng lupa.

16 Sa gayo’y nakipagtipan si Jonathan sa sangbahayan ni David, na sinabi, At hihingin ng Panginoon sa kamay ng mga kaaway ni David.

17 At pinasumpa uli ni Jonathan si David dahil sa pagibig niya sa kaniya: sapagka’t kaniyang minamahal siya na gaya ng pagmamahal niya sa kaniyang sariling kaluluwa.

18 Nang magkagayo’y sinabi ni Jonathan sa kaniya, Bukas ay bagong buwan, at ikaw ay pupunahin, sapagka’t sa iyong upuan ay walang nakaupo.

19 At pagtatagal mo ng tatlong araw ay bababa kang madali at paroroon ka sa dakong iyong pinagtaguan ng araw na pag-usapan ito, at ikaw ay maghihintay sa tabi ng bato ng Ezel.

20 At ako’y papana ng tatlong palaso sa dako niyaon na parang ako’y may pinatatamaan.

21 At, narito, aking susuguin ang bata: Ikaw ay yumaon na hanapin mo ang mga palaso. Kung aking sabihin sa bata: Narito, ang mga palaso ay nangarito sa dako mo rito: pagkunin mo, at parito ka; sapagka’t may kapayapaan sa iyo at walang anoman, buhay ang Panginoon.

22 Nguni’t kung aking sabihing ganito sa bata: Narito, ang mga palaso ay nangasa dako mo pa roon: ituloy mo ang iyong lakad, sapagka’t pinayaon ka ng Panginoon.

23 At tungkol sa usap na ating pinagsalitaan, narito, ang Panginoon ay nasa gitna natin magpakailan man.

24 Sa gayo’y nagkubli si David sa parang: at nang dumating ang bagong buwan, ang hari ay umupong kumain.

25 At umupo ang hari sa kaniyang upuan na gaya ng kinaugalian niya sa makatuwid baga’y sa upuang nasa siping ng dinding; at tumayo si Jonathan, at umupo si Abner sa siping ni Saul; nguni’t sa upuan ni David ay walang nakaupo.

26 Gayon ma’y hindi nagsalita si Saul ng anoman sa araw na yaon: sapagka’t kaniyang inisip: May bagay na nangyari sa kaniya, siya’y hindi malinis; tunay na siya’y hindi malinis.

27 At nangyari nang kinabukasan, pagkaraan ng bagong buwan na ikalawang araw, na sa upuan ni David ay walang nakaupo, sinabi ni Saul kay Jonathan na kaniyang anak, Bakit hindi naparirito ang anak ni Isai upang kumain, ni kahapon, ni ngayon man.

28 At sumagot si Jonathan kay Saul, Namanhik si David na bayaan ko siya na pumaroon sa Bethlehem:

29 At kaniyang sinabi, Isinasamo ko sa iyo na payaunin mo ako; sapagka’t ang aming angkan ay may paghahain sa bayan; at iniutos sa akin ng aking kapatid na dumoon; at ngayon, kung ako’y nakasumpong ng biyaya sa iyong paningin, ay bayaan mo akong yumaon, isinasamo ko sa iyo, at aking tingnan ang aking mga kapatid. Kaya hindi siya naparito sa dulang ng hari.

30 Nang magkagayo’y nagalab ang galit ni Saul laban kay Jonathan, at sinabi niya sa kaniya, Ikaw ay anak ng masama at mapanghimagsik na babae, hindi ko ba nalalaman na iyong pinili ang anak ni Isai sa ikahihiya mo, at sa ikahihiya ng kahubaran ng iyong ina?

31 Sapagka’t habang nabubuhay ang anak ni Isai sa ibabaw ng lupa, ikaw ay hindi mapapanatag ni ang iyong kaharian man. Kaya ngayo’y iyong ipasundo at dalhin siya sa akin, sapagka’t siya’y walang pagsalang mamamatay.

32 At sumagot si Jonathan kay Saul na kaniyang ama; at nagsabi sa kaniya, Bakit siya papatayin? anong kaniyang ginawa?

33 At inihandulong ni Saul ang kaniyang sibat sa kaniya upang saktan siya; na doon nakilala ni Jonathan na pasiya ng kaniyang ama na patayin si David.

34 Sa gayo’y tumindig si Jonathan sa dulang na may mabangis na galit, at hindi kumain sa ikalawang araw ng buwan: sapagka’t siya’y nagdalamhati dahil kay David, sapagka’t hiniya siya ng kaniyang ama.

35 At nangyari sa kinaumagahan, na si David ay nilabas ni Jonathan sa parang sa takdang panahon, at isang munting bata ang kasama niya.

36 At sinabi niya sa kaniyang bataan, Takbo, hanapin mo ngayon ang mga palaso na aking ipinana. At pagtakbo ng bataan, kaniyang ipinana ang palaso sa dako roon niya.

37 At nang dumating ang bataan sa dako ng palaso na ipinana ni Jonathan, sinigawan ni Jonathan ang bataan, at sinabi, Hindi ba ang palaso ay nasa dako mo pa roon?

38 At sinigawan ni Jonathan ang bataan, Tulin, magmadali ka, huwag kang tumigil. At pinulot ng bataan ni Jonathan ang mga palaso, at naparoon sa kaniyang panginoon.

39 Nguni’t hindi naalaman ng bataan ang anoman: si Jonathan at si David lamang ang nakaalam ng bagay.

40 At ibinigay ni Jonathan ang kaniyang sandata sa kaniyang bataan, at sinabi sa kaniya, Yumaon ka, dalhin mo sa bayan.

41 At pagkayaon ng bataan, si David ay tumindig sa dakong tungo sa Timugan, at sumubsob sa lupa, at yumukod na makaitlo: at sila’y naghalikan, at umiyak kapuwa, hanggang si David ay humigit.

42 At sinabi ni Jonathan kay David, Yumaon kang payapa, yamang tayo’y kapuwa sumumpa sa pangalan ng Panginoon na nagsasabi, Ang Panginoon ay lalagay sa gitna natin, at sa gitna ng aking binhi at ng iyong binhi, magpakailan man. At siya’y bumangon at yumaon: at pumasok si Jonathan sa bayan.

I Samuel 21

1 Nang magkagayo’y naparoon si David sa Nob kay Ahimelech na saserdote: at sinalubong si David ni Ahimelech na nanginginig, at sinabi sa kaniya, Bakit ka nagiisa, at walang taong kasama ka?

2 At si David ay nagsabi kay Ahimelech na saserdote, Inutusan ako ng hari ng isang bagay, at sinabi sa akin, Huwag maalaman ng sinoman ang bagay na aking isinusugo sa iyo, at ang aking iniutos sa iyo: at aking inilagay ang mga bataan sa gayo’t gayong dako.

3 Ngayon nga anong mayroon ka sa iyong kamay? Bigyan mo ako ng limang tinapay sa aking kamay, o anomang mayroon ka.

4 At sumagot ang saserdote kay David, at nagsabi, Walang karaniwang tinapay sa aking kamay, nguni’t mayroong banal na tinapay; kung disin ang mga bataan ay magpakalayo lamang sa mga babae.

5 At sumagot si David sa saserdote, at nagsabi sa kaniya, Sa katotohanan ang mga babae ay nalayo sa amin humigit kumulang sa tatlong araw na ito; nang ako’y lumabas ang mga daladalahan ng mga bataan ay banal, bagaman isang karaniwang paglalakad; gaano pa kaya kabanal ngayon ang kanilang mga daladalahan?

6 Sa gayo’y binigyan siya ng saserdote ng banal na tinapay: sapagka’t walang tinapay roon, kundi tinapay na handog, na kinuha sa harap ng Panginoon, upang lagyan ng tinapay na mainit sa araw ng pagkuha.

7 Isang lalake nga sa mga lingkod ni Saul ay naroon nang araw na yaon, na pinigil sa harap ng Panginoon: at ang kaniyang pangalan ay Doeg na Idumeo, na pinakapuno ng mga pastor na nauukol kay Saul.

8 At sinabi ni David kay Ahimelech, At wala ka ba sa iyong kamay na sibat o tabak? sapagka’t hindi ko nadala kahit ang aking tabak o ang aking mga sandata man, dahil sa ang bagay ng hari ay madalian.

9 At sinabi ng saserdote, Ang tabak ni Goliath na Filisteo, na iyong pinatay sa libis ng Ela, narito, nabibilot sa isang kayo na nasa likod ng epod: kung iyong kukunin yaon, kunin mo: sapagka’t walang iba rito liban yaon. At sinabi ni David, Walang ibang gaya niyaon; ibigay mo sa akin.

10 At tumindig si David, at tumakas nang araw na yaon dahil sa takot kay Saul, at naparoon kay Achis na hari sa Gath.

11 At sinabi ng mga lingkod ni Achis sa kaniya, Hindi ba ito’y si David na hari sa lupain? Hindi ba pinagaawitanan siya sa mga sayaw, na sinasabi, Pinatay ni Saul ang kaniyang libolibo, At ni David ang kaniyang laksalaksa?

12 At iningatan ni David ang mga salitang ito sa kaniyang puso, at natakot na mainam kay Achis na hari sa Gath.

13 At kaniyang binago ang kaniyang kilos sa harap nila at nagpakunwaring ulol sa kanilang mga kamay, at nagguhit sa mga pinto ng pintuang-daan, at pinatulo ang kaniyang laway sa kaniyang balbas.

14 Nang magkagayo’y sinabi ni Achis sa kaniyang mga lingkod, Narito, tingnan ninyo ang lalake ay ulol: bakit nga ninyo dinala siya sa akin?

15 Kulang ba ako ng mga ulol, na inyong dinala ang taong ito upang maglaro ng kaululan sa aking harapan? papasok ba ang taong ito sa aking bahay?

I Samuel 22

1 Umalis nga si David doon, at tumakas sa yungib ng Adullam: at nang mabalitaan ng kaniyang mga kapatid at ng sangbahayan ng kaniyang ama, kanilang nilusong siya roon.

2 At bawa’t isa na napipighati, at bawa’t isa na may utang, at bawa’t isa na may kalumbayan ay nakipisan sa kaniya; at siya’y naging punong kawal nila: at nagkaroon siya ng may apat na raang tao.

3 At naparoon si David mula roon sa Mizpa ng Moab, at kaniyang sinabi sa hari sa Moab: Isinasamo ko sa iyo na ang aking ama at aking ina ay makalabas, at mapasama sa inyo, hanggang sa aking maalaman kung ano ang gagawin ng Dios sa akin.

4 At kaniyang dinala sila sa harap ng hari sa Moab: at sila’y tumahan na kasama niya buong panahon na si David ay nasa moog.

5 At sinabi ng propetang si Gad kay David, Huwag kang tumahan sa moog; ikaw ay yumaon at pumasok sa lupain ng Juda. Nang magkagayo’y yumaon si David, at pumasok sa gubat ng Hareth.

6 At nabalitaan ni Saul na si David ay nasumpungan, at ang mga lalake na kasama niya: si Saul nga’y nauupo sa Gabaa sa ilalim ng punong tamarisko sa Rama, na tangan ang kaniyang sibat sa kaniyang kamay, at ang lahat ng kaniyang mga lingkod ay nakatayo sa palibot niya.

7 At sinabi ni Saul sa kaniyang mga lingkod na nakatayo sa palibot niya, Dinggin ninyo ngayon, mga Benjamita; bibigyan ba ng anak ni Isai ang bawa’t isa sa inyo ng mga bukiran at mga ubasan, gagawin ba niya kayong lahat na mga punong kawal ng lilibuhin at mga punong kawal ng dadaanin;

8 Upang kayong lahat ay magsipagsuwail laban sa akin, at walang nagpakilala sa akin nang gawin ng aking anak ang isang pakikipagtipan sa anak ni Isai, at wala sinoman sa inyo na nagdamdam dahil sa akin, o nagpakilala sa akin na ang aking anak ay humihikayat sa aking lingkod laban sa akin upang bumakay, gaya sa araw na ito?

9 Nang magkagayo’y sumagot si Doeg na Idumeo na nakatayo sa siping ng mga lingkod ni Saul, at nagsabi, Aking nakita ang anak ni Isai na naparoroon sa Nob, kay Ahimelech na anak ni Ahitob.

10 At isinangguni niya siya sa Panginoon, at binigyan siya ng mga pagkain, at ibinigay sa kaniya ang tabak ni Goliath na Filisteo.

11 Nang magkagayo’y ipinatawag ng hari si Ahimelech na saserdote na anak ni Ahitob, at ang buong sangbahayan ng kaniyang ama, na mga saserdote na nasa Nob, at sila’y naparoong lahat sa hari.

12 At sinabi ni Saul, Iyong dinggin ngayon, ikaw na anak ni Ahitob. At siya’y sumagot. Narito ako, panginoon ko.

13 At sinabi ni Saul sa kaniya, Bakit kayo ay nagsipagsuwail laban sa akin, ikaw, at ang anak ni Isai, na iyong binigyan siya ng tinapay, at ng tabak, at isinangguni siya sa Dios upang siya’y bumangon laban sa akin na bumakay, gaya sa araw na ito?

14 Nang magkagayo’y sumagot si Ahimelech sa hari, at nagsabi, At sino sa gitna ng lahat ng iyong mga lingkod ang tapat na gaya ni David, na manugang ng hari, at tinatanggap sa iyong pulong, at karangaldangal sa iyong bahay?

15 Pinasimulan ko bang isangguni siya ngayon sa Dios? malayo sa akin: huwag ibintang ng hari ang anomang bagay sa kaniyang lingkod, o sa buong sangbahayan man ng aking ama: sapagka’t walang nalalamang bagay ang iyong lingkod tungkol sa lahat na ito, munti o malaki.

16 At sinabi ng hari, Ikaw ay walang pagsalang mamamatay, Ahimelech, ikaw at ang buong sangbahayan ng iyong ama.

17 At sinabi ng hari sa bantay na nangakatayo sa palibot niya, Pumihit kayo at patayin ninyo ang mga saserdote ng Panginoon; sapagka’t ang kanilang kamay man ay sumasa kay David, at sapagka’t kanilang nalaman na siya’y tumakas, at hindi nila ipinakilala sa akin. Nguni’t hindi inibig ng mga lingkod ng hari na iunat ang kanilang kamay upang daluhungin ang mga saserdote ng Panginoon.

18 At sinabi ng hari kay Doeg: Pumihit ka, at iyong daluhungin ang mga saserdote. At pumihit si Doeg na Idumeo, at kaniyang dinaluhong ang mga saserdote, at kaniyang pinatay nang araw na yaon ay walong pu’t limang lalake na nagsusuot ng epod na lino.

19 At sinugatan ng talim ng tabak ang Nob, ang bayan ng mga saserdote, ang mga lalake at gayon din ang mga babae, ang mga bata at ang mga pasusuhin, at ang mga baka at mga asno at mga tupa, ng talim ng tabak.

20 At isa sa mga anak ni Ahimelech na anak ni Ahitob na nagngangalang Abiathar ay tumanan, at tumakas na sumunod kay David.

21 At isinaysay ni Abiathar kay David na pinatay na ni Saul ang mga saserdote ng Panginoon.

22 At sinabi ni David kay Abiathar, Talastas ko nang araw na yaon na si Doeg na Idumeo ay naroon, na kaniyang tunay na sasaysayin kay Saul: ako’y naging kadahilanan ng kamatayan ng lahat ng mga tao sa sangbahayan ng iyong ama.

23 Matira kang kasama ko, huwag kang matakot; sapagka’t siya na umuusig ng aking buhay ay umuusig ng iyong buhay: sapagka’t kasama kita ay maliligtas ka.

I Samuel 23

1 At kanilang isinaysay kay David, na sinasabi, Narito, ang mga Filisteo ay nakikipaglaban sa Keila, at kanilang ninanakaw ang mga giikan.

2 Kaya’t sumangguni si David sa Panginoon, na nagsasabi, Yayaon ba ako at aking sasaktan ang mga Filisteong ito? At sinabi ng Panginoon kay David, Yumaon ka at iyong saktan ang mga Filisteo, at iligtas mo ang Keila.

3 At sinabi ng mga lalake ni David sa kaniya, Narito, tayo’y natatakot dito sa Juda: gaano pa nga kaya kung tayo ay pumaroon sa Keila laban sa mga hukbo ng mga Filisteo?

4 Nang magkagayo’y sumangguni uli si David sa Panginoon. At sumagot ang Panginoon sa kaniya at sinabi, Bumangon ka at lumusong ka sa Keila; sapagka’t aking ibibigay ang mga Filisteo, sa iyong kamay.

5 At si David at ang kaniyang mga lalake ay naparoon sa Keila, at bumaka sa mga Filisteo, at dinala ang kanilang kawan, at pinatay nila sila ng malaking pagpatay. Gayon iniligtas ni David ang mga tumatahan sa Keila.

6 At nangyari nang makatakas si Abiathar na anak ni Ahimelech kay David sa Keila, na siya’y lumusong na may isang epod sa kaniyang kamay.

7 At nasaysay kay Saul na si David ay naparoon sa Keila. At sinabi ni Saul, Ibinigay ng Dios siya sa aking kamay; sapagka’t siya’y nasarhan sa kaniyang pagpasok sa isang bayan na mayroong mga pintuang-bayan at mga halang.

8 At tinawag ni Saul ang buong bayan sa pakikidigma, upang lumusong sa Keila na kubkubin si David at ang kaniyang mga tao.

9 At naalaman ni David na nagiisip si Saul ng masama laban sa kaniya; at kaniyang sinabi kay Abiathar na saserdote, Dalhin mo rito ang epod.

10 Nang magkagayo’y sinabi ni David, Oh Panginoon, na Dios ng Israel, tunay na nabalitaan ng iyong lingkod na pinagsisikapan ni Saul na pumaroon sa Keila, upang ipahamak ang bayan dahil sa akin.

11 Ibibigay ba ako ng mga tao sa Keila sa kaniyang kamay? lulusong ba si Saul ayon sa nabalitaan ng iyong lingkod? Oh Panginoon, na Dios ng Israel, idinadalangin ko sa iyo, na saysayin mo sa iyong lingkod. At sinabi ng Panginoon, Siya’y lulusong.

12 Nang magkagayo’y sinabi ni David, Ibibigay ba ng mga tao sa Keila ako at ang aking mga tao sa kamay ni Saul? At sinabi ng Panginoon, Ibibigay ka nila.

13 Nang magkagayo’y si David at ang kaniyang mga tao na anim na raan, ay tumindig at umalis sa Keila, at naparoon kung saan sila makakaparoon. At nasaysay kay Saul na si David ay tumanan sa Keila, at siya’y tumigil ng paglabas.

14 At si David ay tumahan sa ilang sa mga katibayan, at nanira sa lupaing maburol sa ilang ng Ziph. At pinag-uusig siya ni Saul araw-araw, nguni’t hindi siya ibinigay ng Dios sa kaniyang kamay.

15 At nakita ni David na lumalabas si Saul upang usigin ang kaniyang buhay: at si David ay nasa ilang ng Ziph sa gubat.

16 At si Jonathan na anak ni Saul ay bumangon, at naparoon kay David sa gubat, at pinagtibay ang kaniyang kamay sa Dios.

17 At sinabi niya sa kaniya, Huwag kang matakot: sapagka’t hindi ka masusumpungan ng kamay ni Saul na aking ama; at ikaw ay magiging hari sa Israel, at ako’y magiging pangalawa mo; at nalalamang gayon ni Saul na aking ama.

18 At silang dalawa ay nagtipanan sa harap ng Panginoon: at si David ay tumahan sa gubat, at si Jonathan ay umuwi sa kaniyang bahay.

19 Nang magkagayo’y inahon ng mga Zipheo si Saul, sa Gabaa, na sinasabi, Hindi ba nagkukubli sa amin si David sa mga katibayan sa gubat, sa burol ng Hachila, na nasa timugan ng ilang?

20 Ngayon nga, Oh hari, lumusong ka, ayon sa buong adhika ng iyong kalooban na lumusong; at ang aming bahagi ay ibibigay sa kamay ng hari.

21 At sinabi ni Saul, Pagpalain nawa kayo ng Panginoon; sapagka’t kayo’y nahabag sa akin.

22 Kayo’y yumaon, isinasamo ko sa inyo, inyong turuling maigi, at alamin at tingnan ang kaniyang kinaroroonan, at kung sino ang nakakita sa kaniya roon: sapagka’t nasaysay sa akin na siya’y nagpapakatalino.

23 Inyo ngang tingnan, at alamin ang mga kublihang dako na kaniyang pinagtataguan, at bumalik kayo sa akin na may katunayan, at ako’y paroroong kasama ninyo: at mangyayari, kung siya’y nasa lupain, ay aking sisiyasatin siya sa gitna ng lahat ng mga libolibo sa Juda.

24 At sila’y tumindig at naparoon sa Ziph na nagpauna kay Saul: nguni’t si David at ang kaniyang mga tao ay nasa ilang ng Maon sa Araba sa timugan ng ilang.

25 At si Saul at ang kaniyang mga tao ay naparoon upang pag-usigin siya. At kanilang sinaysay kay David: kaya’t siya’y lumusong sa burol na bato at tumahan sa ilang ng Maon. At nang mabalitaan ni Saul, kaniyang hinabol si David sa ilang ng Maon.

26 At naparoon si Saul sa dakong ito ng bundok, at si David at ang kaniyang mga tao ay sa dakong yaon ng bundok: at si David ay nagmadaling umalis dahil sa takot kay Saul; sapagka’t kinukubkob ni Saul at ng kaniyang mga tao si David at ang kaniyang mga tao upang sila’y hulihin.

27 Nguni’t dumating ang isang sugo kay Saul, na nagsasabi, Magmadali ka at parito ka; sapagka’t ang mga Filisteo ay sumalakay sa lupain.

28 Sa gayo’y bumalik si Saul na mula sa paghabol kay David, at naparoon laban sa mga Filisteo: kaya’t kanilang tinawag ang dakong yaon na Sela-hammahlecoth.

29 At si David ay umahon mula roon, at tumahan sa mga katibayan ng En-gaddi.

I Samuel 24

1 At nangyari, nang si Saul ay bumalik na mula sa paghabol sa mga Filisteo, na nasaysay sa kaniya, na sinasabi, Narito, si David ay nasa ilang ng En-gaddi.

2 Nang magkagayo’y kumuha si Saul ng tatlong libong piling lalake sa buong Israel, at yumaong inusig si David at ang kaniyang mga lalake sa mga bundok ng maiilap na kambing.

3 At siya’y naparoon sa mga kulungan ng kawan sa daan, na kinaroroonan ng isang yungib; at pumasok si Saul upang takpan ang kaniyang mga paa. Si David nga at ang kaniyang mga tao ay tumatahan sa pinakaloob na bahagi ng yungib.

4 At sinabi ng mga tao ni David sa kaniya, Narito, ang araw na sinabi ng Panginoon sa iyo, Narito, aking ibibigay ang iyong kaaway sa iyong kamay, at iyong gagawin sa kaniya kung ano ang mabutihin mo. Nang magkagayo’y tumindig si David at pinutol na lihim ang laylayan ng balabal ni Saul.

5 At nangyari pagkatapos, na nagdamdam ang puso ni David, sapagka’t kaniyang pinutol ang laylayan ng balabal ni Saul.

6 At kaniyang sinabi sa kaniyang mga lalake, Huwag itulot ng Panginoon na ako’y gumawa ng ganitong bagay sa aking panginoon, na pinahiran ng langis ng Panginoon, na aking iunat ang aking kamay laban sa kaniya, yamang siya ang pinahiran ng langis ng Panginoon.

7 Sa gayo’y pinigilan ni David ang kaniyang mga tao ng mga salitang ito, at hindi niya sila binayaang bumangon laban kay Saul. At tumindig si Saul sa yungib at nagpatuloy ng kaniyang lakad.

8 Si David naman ay tumindig pagkatapos, at lumabas sa yungib, at hiniyawan si Saul, na sinasabi, Panginoon ko na hari. At nang lumingon si Saul ay iniyukod ni David ang kaniyang mukha sa lupa, at nagbigay galang.

9 At sinabi ni David kay Saul, Bakit ka nakikinig sa mga salita ng mga tao, na nagsasabi, Narito, pinagsisikapan kang saktan ni David?

10 Narito, nakita ngayon ng iyong mga mata kung paanong ibinigay ka ngayon ng Panginoon sa aking kamay sa yungib: at sinabi sa akin ng iba na patayin kita: nguni’t hindi kita inano; at aking sinabi, Hindi ko iuunat ang aking kamay laban sa aking panginoon; sapagka’t siya ang pinahiran ng langis ng Panginoon.

11 Bukod dito’y iyong tingnan, ama ko, oo, tingnan mo ang laylayan ng iyong balabal sa aking kamay: sapagka’t sa pagputol ko ng laylayan ng iyong balabal ay hindi kita pinatay, talastasin mo at tingnan mo na wala kahit kasamaan o pagsalangsang man sa aking kamay, at hindi ako nagkasala laban sa iyo, bagaman iyong pinag-uusig ang aking kaluluwa upang kunin.

12 Hatulan tayo ng Panginoon, at ipanghiganti ako ng Panginoon sa iyo: nguni’t ikaw ay hindi ko pagbubuhatan ng kamay.

13 Gaya ng sabi ng kawikaan ng mga matanda: Sa masama magmumula ang kasamaan: nguni’t ikaw ay hindi ko pagbubuhatan ng kamay.

14 Sinong nilabas ng hari ng Israel? sinong hinahabol mo? isang patay na aso, isang kuto.

15 Maging hukom nga ang Panginoon, at hatulan tayo, at tingnan, at ipagsanggalang ang aking usap, at iligtas ako sa iyong kamay.

16 At nangyari, nang makatapos si David ng pagsasalita ng mga salitang ito kay Saul, ay sinabi ni Saul, Ito ba ang iyong tinig, anak kong David? At inilakas ni Saul ang kaniyang tinig, at umiyak.

17 At kaniyang sinabi kay David, Ikaw ay lalong matuwid kay sa akin: sapagka’t ikaw ay gumanti sa akin ng mabuti, samantalang ikaw ay aking ginantihan ng kasamaan.

18 At iyong ipinakilala sa araw na ito kung paanong gumawa ka sa akin ng mabuti, sapagka’t nang ibigay ako ng Panginoon sa iyong kamay, ay hindi mo ako pinatay.

19 Sapagka’t kung masumpungan ng isang tao ang kaniyang kaaway, pababayaan ba niyang yumaong mabuti? kaya’t gantihan ka nawa ng Panginoon ng mabuti dahil sa iyong ginawa sa akin sa araw na ito.

20 At ngayo’y narito, talastas ko na ikaw ay tunay na magiging hari, at ang kaharian ng Israel ay matatatag sa iyong kamay.

21 Isumpa mo nga ngayon sa akin sa pangalan ng Panginoon, na hindi mo puputulin ang aking binhi pagkamatay ko, at hindi mo papawiin ang aking pangalan sa sangbahayan ng aking magulang.

22 At sumumpa si David kay Saul. At si Saul ay umuwi; nguni’t si David at ang kaniyang mga lalake ay umakyat sa katibayan.

I Samuel 25

1 At namatay si Samuel; at nagpipisan ang buong Israel, at pinanaghuyan siya, at inilibing siya sa kaniyang bahay sa Rama. At bumangon si David, at lumusong sa ilang ng Paran.

2 At may isang lalake sa Maon, na ang mga pag-aari ay nasa Carmelo; at ang lalake ay lubhang dakila, at siya’y mayroong tatlong libong tupa, at isang libong kambing; at kaniyang ginugupitan ng balahibo ang kaniyang tupa sa Carmelo.

3 Ang pangalan nga ng lalake ay Nabal; at ang pangalan ng kaniyang asawa ay Abigail: at ang babae ay matalino, at may magandang pagmumukha; nguni’t ang lalake ay masungit at masama sa kaniyang mga gawa; at siya’y supling sa sangbahayan ni Caleb.

4 At narinig ni David sa ilang na ginugupitan ni Nabal ng balahibo ang kaniyang tupa.

5 At nagsugo si David ng sangpung bataan, at sinabi ni David sa mga bataan, Umahon kayo sa Carmelo, at kayo’y pumaroon kay Nabal, at batiin ninyo siya sa aking pangalan:

6 At ganito ang sasabihin ninyo sa kaniya na nabubuhay na maginhawa, Kapayapaan nawa ang sumaiyo, at kapayapaan nawa ang sumaiyong sangbahayan, at kapayapaan nawa ang suma lahat ng iyong tinatangkilik.

7 At ngayo’y aking narinig na ikaw ay nagpapagupit ng balahibo ng tupa; ang iyong mga pastor nga ay nasa sa amin, at hindi namin inano sila, o nagkulang man ng anomang bagay sa kanilang buong panahon na kanilang ikinaroon sa Carmelo.

8 Tanungin mo ang iyong mga bataan at kanilang sasaysayin sa iyo: kaya’t makasumpong nawa ng biyaya sa iyong mga mata ang mga bataan; sapagka’t kami ay naparito sa mabuting araw: isinasamo ko sa iyo, na ibigay mo ang anomang masumpungan mo ng iyong kamay, sa iyong mga lingkod, at sa iyong anak na kay David.

9 At nang dumating ang mga bataan ni David, kanilang sinalita kay Nabal ang ayon sa lahat ng mga salitang yaon sa pangalan ni David, at nagsitahimik.

10 At sinagot ni Nabal ang mga lingkod ni David, at nagsabi, Sino si David? at sino ang anak ni Isai? maraming mga bataan ngayon sa mga araw na ito na nagsisilayas bawa’t isa sa kaniyang panginoon.

11 Akin nga bang kukunin ang aking tinapay at ang aking tubig, at ang aking hayop na aking pinatay dahil sa aking mga manggugupit, at aking ibibigay sa mga tao na hindi ko nakikilala kung taga saan?

12 Sa gayo’y ang mga bataan ni David ay pumihit sa kanilang lakad, at nagsibalik, at naparoon, at isinaysay sa kaniya ang ayon sa lahat ng mga salitang ito.

13 At sinabi ni David sa kaniyang mga lalake, Ibigkis ng bawa’t isa sa inyo ang kaniyang tabak. At nagbigkis ang bawa’t isa ng kaniyang tabak; at si David ay nagbigkis din ng kaniyang tabak: at ang umahon na sumunod kay David ay may apat na raang lalake; at naiwan ang dalawang daan sa daladalahan.

14 Nguni’t isinaysay ng isa sa mga bataan kay Abigail, na asawa ni Nabal, na sinasabi, Narito, si David ay nagsugo ng mga sugo mula sa ilang upang bumati sa ating panginoon; at kaniyang tinanggihan.

15 Nguni’t ang mga lalake ay napakabuti sa amin, at hindi kami sinaktan, o nagkulang man ng anomang bagay habang kami ay nakikisama sa kanila, nang kami ay nasa mga parang:

16 Sila’y naging kuta sa amin sa gabi at gayon din sa araw buong panahong aming ikinaroon sa kanila sa pagaalaga ng mga tupa.

17 Ngayon nga’y iyong alamin at dilidilihin kung ano ang iyong gagawin; sapagka’t ang kasamaan ay ipinasiya na laban sa ating panginoon, at laban sa kaniyang buong sangbahayan: sapagka’t siya’y isang hamak na tao, na sinoma’y hindi makapakiusap sa kaniya.

18 Nang magkagayo’y nagmadali si Abigail, at kumuha ng dalawang daang tinapay, at dalawang balat ng alak, at limang handang tupa, at limang takal ng trigo na sinangag, at isang daang kumpol na pasas, at dalawang daang binilong igos, at ipinagpapasan sa mga asno.

19 At sinabi niya sa kaniyang mga bataan, Magpauna kayo sa akin; narito ako’y susunod sa inyo. Nguni’t hindi niya isinaysay sa kaniyang asawang kay Nabal.

20 At nagkagayon na samantalang siya’y nakasakay sa kaniyang asno at lumulusong sa isang kubling dako ng bundok na narito, si David at ang kaniyang mga lalake ay lumulusong na patungo sa kaniya, at sinalubong niya sila.

21 Sinabi nga ni David, Tunay na walang kabuluhang aking iningatan ang lahat na tinatangkilik ng taong yaon sa ilang, na anopa’t hindi nawala ang anoman sa lahat na nauukol sa kaniya: at kaniyang iginanti sa akin ay masama sa mabuti.

22 Hatulan nawa ng Dios ang mga kaaway ni David, at lalo na, kung ako’y magiwan ng labis sa lahat na nauukol sa kaniya sa pagbubukang liwayway kahit isang batang lalake.

23 At nang makita ni Abigail si David, ay nagmadali siya, at lumunsad sa kaniyang asno, at nagpatirapa sa harap ni David at yumukod sa lupa.

24 At siya’y nagpatirapa sa kaniyang mga paa at nagsabi, Mapasa akin, panginoon ko, mapasa akin ang kasamaan: at isinasamo ko sa iyo na iyong papagsalitain ang iyong lingkod sa iyong mga pakinig, at iyong dinggin ang mga salita ng iyong lingkod.

25 Isinasamo ko sa iyo, na ang aking panginoon ay huwag makitungo sa lalaking ito na hamak, sa makatuwid baga’y kay Nabal; sapagka’t kung ano ang kaniyang pangalan ay gayon siya: Nabal ang kaniyang pangalan, at ang kamangmangan ay sumasakaniya: nguni’t akong iyong lingkod, hindi nakakita sa mga bataan ng aking panginoon, na iyong sinugo.

26 Ngayon nga, panginoon ko, buhay ang Panginoon, at buhay ang iyong kaluluwa, yamang ikaw ay pinigil ng Panginoon sa pagbububo ng dugo, at sa panghihiganti mo ng iyong sariling kamay kaya nga ang iyong mga kaaway at yaong mga umuusig ng kasamaan sa aking panginoon ay maging gaya ni Nabal.

27 At ngayo’y itong kaloob na dinala ng iyong lingkod sa aking panginoon ay mabigay sa mga bataan na sumusunod sa aking panginoon.

28 Isinasamo ko sa iyo na iyong ipatawad ang pagkasalangsang ng iyong lingkod: sapagka’t tunay na gagawin ng Panginoon ang aking panginoon ng isang sangbahayan na tiwasay, sapagka’t ibinabaka ng aking panginoon ang mga pagbabaka ng Panginoon; at ang kasamaan ay hindi masusumpungan sa iyo sa lahat ng iyong mga araw.

29 At bagaman bumangon ang isang lalake upang habulin ka, at usigin ang iyong kaluluwa, gayon ma’y ang kaluluwa ng aking panginoon ay matatali sa talian ng buhay na kasama ng Panginoon mong Dios; at ang mga kaluluwa ng iyong mga kaaway, ay pahihilagpusin niya, na parang mula sa gitna ng isang panghilagpos.

30 At mangyayari, pagka nagawa ng Panginoon sa aking panginoon ang ayon sa lahat ng mabuti na kaniyang sinalita tungkol sa iyo, at kaniyang naihalal ka na prinsipe sa Israel;

31 Na ito’y hindi magiging kalumbayan sa iyo o kutog man ng loob sa aking panginoon, maging ikaw ay nagbubo ng dugo sa walang kabuluhan, o gumanti ng sa kaniyang sarili ang aking panginoon: at pagka gumawa ang Panginoon ng mabuti sa aking panginoon, alalahanin mo nga ang iyong lingkod.

32 At sinabi ni David kay Abigail, Purihin nawa ang Panginoon, ang Dios ng Israel, na nagsugo sa iyo sa araw na ito upang salubungin ako:

33 At purihin nawa ang iyong kabaitan, at pagpalain ka, na pumigil sa akin sa araw na ito sa pagbububo ng dugo, at sa panghihiganti ng aking sariling kamay.

34 Sapagka’t tunay, buhay ang Panginoon, ang Dios ng Israel na siyang pumigil sa akin sa pagsakit sa iyo, kundi ka nagmadali, at pumaritong sumalubong sa akin, tunay na walang malalabi kay Nabal sa pagbubukang liwayway kahit isang batang lalake.

35 Sa gayo’y tinanggap ni David sa kaniyang kamay ang dinala niya sa kaniya: at sinabi niya sa kaniya, Umahon kang payapa na umuwi sa iyong bahay; tingnan mo, aking dininig ang iyong tinig, at aking tinanggap ang iyong pagkatao.

36 At naparoon si Abigail kay Nabal; at, narito, siya’y gumawa ng isang kasayahan sa kaniyang bahay, na gaya ng pagsasaya ng isang hari; at ang puso ni Nabal ay nagalak sa kaniyang loob, sapagka’t siya’y lubhang nalango; kaya’t siya’y hindi nagsaysay sa kaniya ng anoman, munti o malaki, hanggang sa pagbubukang liwayway.

37 At nangyari sa kinaumagahan, nang ang alak ay mapawi kay Nabal, na isinaysay ng asawa niya sa kaniya ang mga bagay na ito, at nagkasakit siya sa puso, at siya’y naging parang isang bato.

38 At nangyari, pagkaraan ng may sangpung araw, at sinaktan ng Panginoon si Nabal, na anopa’t siya’y namatay.

39 At nang mabalitaan ni David na si Nabal ay namatay, ay kaniyang sinabi, Purihin nawa ang Panginoon na siyang nagsanggalang ng aking kadustaan mula sa kamay ni Nabal, at pinigil ang kaniyang lingkod sa kasamaan: at ang masamang gawa ni Nabal ay ibinalik ng Panginoon sa kaniyang sariling ulo. At nagsugo si David upang salitain kay Abigail na kunin siya na maging asawa niya.

40 At nang dumating ang mga lingkod ni David kay Abigail sa Carmelo, ay kanilang sinalita sa kaniya, na sinasabi, Sinugo kami ni David sa iyo, upang kunin ka na maging asawa niya.

41 At siya’y bumangon at nagpatirapa sa lupa, at nagsabi, Narito, ang iyong lingkod ay isang aba upang maghugas ng mga paa ng mga lingkod ng aking panginoon.

42 At nagmadali si Abigail, at bumangon, at sumakay sa isang asno, na kasama ng limang dalaga niya na sumusunod sa kaniya; at siya’y sumunod sa mga sugo ni David, at naging kaniyang asawa.

43 Kinuha naman ni David si Ahinoam, na taga Jezreel; at sila’y kapuwa naging asawa niya.

44 Ngayo’y ibinigay ni Saul si Michal na kaniyang anak, na asawa ni David, kay Palti na anak ni Lais na taga Gallim.

I Samuel 26

1 At naparoon ang mga Zipheo kay Saul sa Gabaa, na nagsasabi, Hindi ba nagtatago si David sa burol ng Hachila, sa tapat ng ilang?

2 Nang magkagayo’y bumangon si Saul at lumusong sa ilang ng Ziph, na may tatlong libong piling lalake sa Israel na kasama niya upang hanapin si David sa ilang ng Ziph.

3 At humantong si Saul sa burol ng Hachila na nasa tapat ng ilang sa tabi ng daan. Nguni’t si David ay tumahan sa ilang, at kaniyang nakita na sinusundan siya ni Saul sa ilang.

4 Nagsugo nga si David ng mga tiktik, at nalaman na tunay na dumarating si Saul.

5 At si David ay bumangon at naparoon sa dakong kinahahantungan ni Saul: at nakita ni David ang dakong kinaroroonan ni Saul at ni Abner na anak ni Ner, na kapitan ng kaniyang hukbo: at si Saul ay nakahiga sa dako ng mga karo, at ang bayan ay humantong sa palibot niya.

6 Nang magkagayo’y sumagot si David, at nagsabi kay Ahimelech na Hetheo, at kay Abisai na anak ni Sarvia, na kapatid ni Joab, na nagsasabi, Sinong lulusong na kasama ko kay Saul sa kampamento? At sinabi ni Abisai, Ako’y lulusong na kasama mo.

7 Sa gayo’y naparoon si David at si Abisai sa bayan sa kinagabihan: at, narito, si Saul ay nakatulog sa loob ng dako ng mga karo na dala ang kaniyang sibat na nakasaksak sa lupa sa kaniyang ulunan: at si Abner at ang bayan ay nakahiga sa palibot niya.

8 Nang magkagayo’y sinabi ni Abisai kay David, Ibinigay ng Dios ang iyong kaaway sa iyong kamay sa araw na ito: ngayon nga’y isinasamo ko sa iyo, na bayaan mong tuhugin ko siya ng sibat sa lupa sa isang saksak, at hindi ko pagmamakalawahin.

9 At sinabi ni David kay Abisai, Huwag mong patayin siya: sapagka’t sinong maguunat ng kaniyang kamay laban sa pinahiran ng langis ng Panginoon at mawawalan ng sala?

10 At sinabi ni David, Buhay ang Panginoon, ang Panginoon ay siyang sasakit sa kaniya; o darating ang kaniyang kaarawan upang mamatay; o siya’y lulusong sa pagbabaka, at mamamatay.

11 Huwag itulot ng Panginoon na aking iunat ang aking kamay laban sa pinahiran ng langis ng Panginoon: nguni’t ngayo’y iyong kunin, isinasamo ko sa iyo, ang sibat na nasa kaniyang ulunan, at ang banga ng tubig, at tayo’y yumaon.

12 Sa gayo’y kinuha ni David ang sibat at ang banga ng tubig sa ulunan ni Saul; at sila’y umalis, at walang nakakita, o nakaalam man, o nagising man ang sinoman: sapagka’t sila’y pawang mga tulog; sapagka’t isang mahimbing na pagkakatulog ang inihulog sa kanila ng Panginoon.

13 Nang magkagayo’y dumaan si David sa kabilang dako, at tumayo sa taluktok ng bundok na may kalayuan; na may malaking pagitan sa kanila:

14 At sumigaw si David sa bayan at kay Abner na anak ni Ner, na nagsabi, Hindi ka sumasagot, Abner? Nang magkagayo’y sumagot si Abner at nagsabi, Sino kang sumisigaw sa hari?

15 At sinabi ni David kay Abner, Hindi ka ba matapang na lalake? at sinong gaya mo sa Israel? bakit nga hindi mo binantayan ang iyong panginoon na hari? sapagka’t pumasok ang isa sa bayan upang patayin ang hari na iyong panginoon.

16 Ang bagay na ito na iyong ginawa ay hindi mabuti. Buhay ang Panginoon, kayo’y marapat na mamatay, sapagka’t hindi ninyo binantayan ang inyong panginoon, ang pinahiran ng langis ng Panginoon. At ngayo’y tingnan ninyo kung saan nandoon ang sibat ng hari, at ang banga ng tubig na nasa kaniyang ulunan.

17 At nakilala ni Saul ang tinig ni David at nagsabi, Ito ba ang tinig mo, anak kong David? At sinabi ni David, Aking tinig nga, panginoon ko, Oh hari.

18 At kaniyang sinabi, Bakit hinahabol ng aking panginoon ang kaniyang lingkod? sapagka’t anong aking ginawa? o anong kasamaan ang nasa aking kamay?

19 Ngayon nga, isinasamo ko sa iyo, na dinggin ng aking panginoon na hari ang mga salita ng kaniyang lingkod. Kung ang Panginoon ay siyang nagudyok sa iyo laban sa akin, ay tumanggap siya ng isang handog: nguni’t kung ang mga anak ng tao, sumpain sila sa harap ng Panginoon; sapagka’t sila’y nagpalayas sa akin sa araw na ito upang huwag akong magkaroon ng bahagi ng mana sa Panginoon, na nagsasabi, Ikaw ay yumaon, maglingkod ka sa ibang mga dios.

20 Ngayon nga’y huwag ibubo ang aking dugo sa lupa sa harap ng Panginoon; sapagka’t lumabas ang hari sa Israel upang humanap ng isang kuto, gaya ng isang humahabol ng isang pugo sa mga bundok.

21 Nang magkagayo’y sinabi ni Saul, Ako’y nagkasala: bumalik ka, anak kong David: sapagka’t hindi na ako gagawa ng masama sa iyo, sapagka’t ang aking buhay ay mahalaga sa iyong mga mata sa araw na ito: narito, ako’y nagpakamangmang, at ako’y nagkamali ng di kawasa.

22 At sumagot si David at nagsabi, Tingnan mo ang sibat, Oh hari! paparituhin mo ang isa sa mga bataan at kunin.

23 At gagantihin ng Panginoon ang bawa’t tao sa kaniyang katuwiran at sa kaniyang pagtatapat: sapagka’t ibinigay ka ng Panginoon sa aking kamay ngayon, at hindi ko iniunat ang aking kamay laban sa pinahiran ng langis ng Panginoon.

24 At, narito, kung paanong ang iyong buhay ay mahalagang mainam sa aking paningin sa araw na ito, ay maging gayon nawang mahalagang mainam ang aking buhay sa paningin ng Panginoon, at iligtas niya nawa ako sa madlang kapighatian.

25 Nang magkagayo’y sinabi ni Saul kay David, Pagpalain ka, anak kong David: ikaw ay gagawa na makapangyarihan, at tunay na ikaw ay mananaig. Sa gayo’y nagpatuloy si David ng kaniyang lakad, at si Saul ay bumalik sa kaniyang dako.

I Samuel 27

1 At nasabi ni David sa kaniyang sarili, Ako’y mamamatay isang araw sa kamay ni Saul: walang anomang bagay na mabuti sa akin kundi ang tumakas sa lupain ng mga Filisteo; at si Saul ay mawawalan ng pagasa tungkol sa akin, upang huwag na akong pag-usigin sa lahat ng mga hangganan ng Israel: sa gayo’y tatakas ako mula sa kaniyang kamay.

2 At si David ay bumangon at lumipat, siya at ang anim na raang lalake na nasa kaniya, kay Achis na anak ni Maoch na hari sa Gath.

3 At tumahan si David na kasama ni Achis sa Gath, siya at ang kaniyang mga lalake, bawa’t lalake ay kasama ang kaniyang sangbahayan, sa makatuwid baga’y si David pati ng kaniyang dalawang asawa, si Ahinoam na taga Jezreel at si Abigail na taga Carmelo na asawa ni Nabal.

4 At nasaysay kay Saul na si David ay tumakas na napatungo sa Gath: at hindi na niya pinagusig siya uli.

5 At sinabi ni David kay Achis, Kung ngayo’y nakasumpong ako ng biyaya sa iyong paningin, bigyan nila ako ng isang matatahanan sa isa sa mga bayan sa lupain, upang ako’y tumahan doon: sapagka’t bakit tatahan kasama mo ang iyong lingkod sa bayan ng hari?

6 Nang magkagayo’y ibinigay ni Achis sa kaniya ang Siclag nang araw na yaon: kaya’t ang Siclag ay nauukol sa mga hari sa Juda hanggang sa araw na ito.

7 At ang bilang ng mga araw na itinahan ni David sa lupain ng mga Filisteo ay isang buong taon, at apat na buwan.

8 At umahon si David at ang kaniyang mga lalake, at sinalakay ang mga Gesureo, at ang mga Gerzeo, at ang mga Amalecita; sapagka’t ang mga yaon ay dating nangananahan sa lupain, mula nang gaya ng kung ikaw ay paroroon sa Shur, hanggang sa lupain ng Egipto.

9 At sinaktan ni David ang lupain, at walang iniligtas na buhay kahit lalake o babae man, at dinala ang mga tupa at ang mga baka, at ang mga asno, at ang mga kamelyo, at ang mga kasuutan; at siya’y bumalik, at naparoon kay Achis.

10 At sinabi ni Achis, Saan kayo sumalakay ngayon? At sinabi ni David, Laban sa Timugan ng Juda, at laban sa Timugan ng mga Jerameeliteo, at laban sa Timugan ng mga Cineo.

11 At walang iniligtas na buhay si David kahit ng lalake o ng babae man, upang dalhin sa Gath, na sinasabi, Baka sila’y magsumbong laban sa atin, na sabihin, Ganoon ang ginawa ni David, at gayon ang kaniyang paraan sa buong panahon na kaniyang itinahan sa lupain ng mga Filisteo.

12 At naniwala si Achis kay David, na nagsasabi, Kaniyang ginawa na ang kaniyang bayang Israel ay lubos na nakayayamot sa kaniya: kaya’t siya’y magiging aking lingkod magpakailan man.

I Samuel 28

1 At nangyari sa mga araw na yaon, na pinisan ng mga Filisteo ang kanilang mga hukbo sa pakikidigma upang lumaban sa Israel. At sinabi ni Achis kay David, Talastasin mong maigi na ikaw ay lalabas na kasama ko sa hukbo, ikaw at ang inyong mga lalake.

2 At sinabi ni David kay Achis, Kaya’t iyong nalalaman kung anong gagawin ng iyong lingkod. At sinabi ni Achis kay David, Kaya’t gagawin kitang bantay sa aking ulo magpakailan man.

3 Si Samuel nga ay namatay, at pinanaghuyan ng buong Israel at inilibing siya sa Rama, sa makatuwid baga’y sa kaniyang sariling bayan. At pinalayas ni Saul sa lupain, yaong mga nakikipagsanggunian sa masamang espiritu, at ang mga manghuhula.

4 At nagpipisan ang mga Filisteo, at naparoon at humantong sa Sunam: at pinisan ni Saul ang buong Israel, at sila’y humantong sa Gilboa.

5 At nang makita ni Saul ang hukbo ng mga Filisteo, siya’y natakot, at ang kaniyang puso ay nanginig na mainam.

6 At nang magusisa si Saul sa Panginoon, ay hindi siya sinagot ng Panginoon, maging sa panaginip man, ni sa Urim man, ni sa pamamagitan man ng mga propeta.

7 Nang magkagayo’y sinabi ni Saul sa kaniyang mga lingkod, Ihanap ninyo ako ng isang babae na nakikipagsanggunian sa masamang espiritu, upang ako’y pumaroon sa kaniya, at magusisa sa kaniya. At sinabi ng kaniyang mga lingkod sa kaniya. Narito, may isang babae na nakikipagsanggunian sa masamang espiritu sa Endor.

8 At hindi napakilala si Saul, at nagsuot ng ibang kasuutan, at naparoon siya at ang dalawang lalake na kasama niya, at sila’y dumating sa babae nang kinagabihan: at kaniyang sinabi, Hulaan mo ako isinasamo ko sa iyo, sa pamamagitan ng sinasanggunian mong espiritu, at iahon mo sa akin sinomang banggitin ko sa iyo.

9 At sinabi ng babae sa kaniya, Narito, iyong nalalaman ang ginawa ni Saul, kung paanong kaniyang inihiwalay yaong mga nakikipagsanggunian sa masamang espiritu, at ang mga manghuhula, sa lupain: bakit nga ipinaglalagay mo ng silo ang aking buhay, upang ipapatay ako?

10 At sumumpa si Saul sa kaniya sa pamamagitan ng Panginoon, na sinasabi, Buhay ang Panginoon, walang parusang mangyayari sa iyo dahil sa bagay na ito.

11 Nang magkagayo’y sinabi ng babae, Sinong iaahon ko sa iyo? At kaniyang sinabi, Iahon mo si Samuel sa akin.

12 At nang makita ng babae si Samuel, ay sumigaw ng malakas na tinig at nagsalita ang babae kay Saul, na sinasabi, Bakit mo ako dinaya? sapagka’t ikaw ay si Saul.

13 At sinabi ng hari sa kaniya, Huwag kang matakot: sapagka’t anong iyong nakikita? At sinabi ng babae kay Saul, Aking nakikita’y isang dios na lumilitaw sa lupa.

14 At kaniyang sinabi sa kaniya, Ano ang kaniyang anyo? At sinabi niya, Isang matandang lalake ay lumilitaw; at siya’y nabibilot ng isang balabal. At nakilala ni Saul, na si Samuel, at siya’y yumukod sa lupa, at nagbigay galang.

15 At sinabi ni Samuel kay Saul, Bakit mo binagabag ako sa aking pagahon? At sumagot si Saul, Ako’y totoong naliligalig; sapagka’t ang mga Filisteo ay nangdidigma laban sa akin, at ang Dios ay humiwalay sa akin, at hindi na ako sinasagot, kahit sa pamamagitan ng mga propeta, ni ng panaginip man: kaya tinawag kita, upang maipakilala mo sa akin kung ano ang aking gagawin.

16 At sinabi ni Samuel, Bakit nga nagtatanong ka sa akin, dangang ang Panginoon ay humiwalay sa iyo, at naging iyong kaaway?

17 At ginawa ng Panginoon ang gaya ng sinalita niya sa pamamagitan ko: at inihiwalay ng Panginoon ang kaharian sa iyong kamay, at ibinigay sa iyong kapuwa, sa makatuwid baga’y kay David.

18 Sapagka’t hindi mo sinunod ang tinig ng Panginoon, at hindi mo ginawa ang kaniyang mabagsik na galit sa Amalec, kaya’t ginawa ng Panginoon ang bagay na ito sa iyo sa araw na ito.

19 Bukod dito’y ibibigay ng Panginoon ang Israel naman na kalakip mo sa kamay ng mga Filisteo: at bukas, ikaw at ang iyong mga anak ay masasama sa akin: ibibigay naman ng Panginoon ang hukbo ng Israel sa kamay ng mga Filisteo.

20 Nang magkagayo’y biglang nabulagta si Saul sa lupa, at siya’y natakot na mainam, dahil sa mga salita ni Samuel; at nawalan siya ng lakas; sapagka’t hindi siya kumain ng tinapay buong araw, ni buong gabi man.

21 At naparoon ang babae kay Saul at nakita na siya’y totoong bagabag, at sinabi sa kaniya, Narito, narinig ng iyong lingkod ang iyong tinig, at aking inilagay ang aking buhay sa aking kamay, at aking dininig ang iyong mga salita na iyong sinalita sa akin.

22 Ngayon nga, isinasamo ko sa iyo, iyong dinggin naman ang tinig ng iyong lingkod, at papaglagyin mo ako ng isang subo na tinapay sa harap mo; at iyong kanin upang ikaw ay lumakas, paglakad mo ng iyong lakad.

23 Nguni’t siya’y tumanggi at nagsabi, Hindi ako kakain. Nguni’t ipinilit ng kaniyang mga lingkod na pati ng babae; at dininig niya ang kanilang tinig. Sa gayo’y siya’y bumangon sa lupa, ay umupo sa higaan.

24 At ang babae ay mayroong isang matabang guyang baka sa bahay; at siya’y nagmadali, at pinatay niya; at siya’y kumuha ng harina at kaniyang minasa, at kaniyang niluto na tinapay na walang lebadura;

25 At kaniyang dinala sa harap ni Saul, at sa harap ng kaniyang mga lingkod; at sila’y kumain. Nang magkagayo’y sila’y bumangon, at umalis nang gabing yaon.