I Samuel 29

1 Pinisan nga ng mga Filisteo ang lahat nilang hukbo sa Aphec: at ang mga taga Israel ay humantong sa bukal na nasa Jezreel.

2 At ang mga pangulo ng mga Filisteo ay nagdadaan na mga daan daan, at mga libolibo: at si David at ang kaniyang mga tao ay nagdadaan sa mga huli na kasama ni Achis.

3 Nang magkagayo’y sinabi ng mga prinsipe ng mga Filisteo, Ano ang mga Hebreong ito? At sumagot si Achis sa mga prinsipe ng mga Filisteo, Hindi ba ito ay si David na lingkod ni Saul na hari sa Israel na napasa akin ng mga araw na ito, o ng mga taong ito, at hindi ako nakasumpong ng anomang kakulangan sa kaniya mula nang siya’y lumapit sa akin hanggang sa araw na ito?

4 Nguni’t ang mga prinsipe ng mga Filisteo ay nagalit sa kaniya; at sinabi ng mga prinsipe ng mga Filisteo sa kaniya, Pabalikin mo ang taong iyan, upang siya’y bumalik sa kaniyang dako na iyong pinaglagyan sa kaniya, at huwag mong pababain na kasama natin sa pakikipagbaka, baka sa pagbabaka ay maging kaaway natin siya: sapagka’t paanong makikipagkasundo ito sa kaniyang panginoon? hindi ba sa pamamagitan ng mga ulo ng mga taong ito?

5 Hindi ba ito ang David na siyang kanilang pinagaawitanan sa mga sayaw, na sinasabi, Pinatay ni Saul ang kaniyang libolibo, At ni David ang kaniyang laksalaksa?

6 Nang magkagayo’y tinawag ni Achis si David, at sinabi sa kaniya, Buhay ang Panginoon, ikaw ay matuwid, at ang iyong paglabas at ang iyong pagpasok na kasama ko sa hukbo ay mabuti sa aking paningin: sapagka’t hindi ako nakasumpong ng kasamaan sa iyo mula sa araw ng iyong pagdating sa akin hanggang sa araw na ito: gayon ma’y hindi ka kinalulugdan ng mga pangulo.

7 Kaya’t ngayo’y ikaw ay bumalik at yumaong payapa, upang huwag kang kagalitan ng mga pangulo ng mga Filisteo.

8 At sinabi ni David kay Achis, Nguni’t anong aking ginawa? at anong iyong nasumpungan sa iyong lingkod habang ako’y nasa sa harap mo hanggang sa araw na ito, upang ako’y huwag yumaon at lumaban sa mga kaaway ng aking panginoon na hari?

9 At sumagot si Achis, at sinabi kay David, Talastas ko na ikaw ay mabuti sa aking paningin, na gaya ng isang anghel ng Dios: gayon ma’y sinabi ng mga prinsipe ng mga Filisteo. Hindi siya aahon na kasama natin sa pakikipagbaka.

10 Kaya’t bumangon kang maaga sa kinaumagahan na kasama ng mga lingkod ng iyong panginoon na naparitong kasama mo; at pagbangon ninyong maaga sa kinaumagahan, at pagliliwanag ay yumaon kayo.

11 Sa gayo’y bumangong maaga si David, siya at ang kaniyang mga lalake, upang yumaon sa kinaumagahan, na bumalik sa lupain ng mga Filisteo. At ang mga Filisteo ay umahon sa Jezreel.

I Samuel 30

1 At nangyari, nang si David at ang kaniyang mga lalake ay dumating sa Siclag, sa ikatlong araw, na ang mga Amalecita ay sumalakay sa Timugan, at sa Siclag, at sinaktan ang Siclag, at sinunog ng apoy;

2 At dinalang bihag ang mga babae at lahat na nandoon, ang maliliit at gayon din ang malalaki; hindi nila pinatay ang sinoman, kundi kanilang pinagdadala, at nagpatuloy ng kanilang lakad.

3 At nang si David at ang kaniyang mga lalake ay dumating sa bayan, narito, sinunog ng apoy; at ang kanilang mga asawa, at ang kanilang mga anak na lalake at babae ay pinagdadalang bihag.

4 Nang magkagayo’y si David at ang bayan na nasa kaniya ay naglakas ng tinig, at umiyak, hanggang sa sila’y nawalan ng lakas na umiyak.

5 At ang dalawang asawa ni David ay nabihag, si Ahinoam na taga Jezreel, at si Abigail, na asawa ni Nabal, na taga Carmelo.

6 At nagdalamhating totoo si David, sapagka’t pinagsasalitaan ng bayan na batuhin siya, sapagka’t ang kaluluwa ng buong bayan ay pumanglaw, bawa’t tao dahil sa kanikaniyang mga anak na lalake at babae; nguni’t si David ay nagpakatibay sa Panginoon niyang Dios.

7 At sinabi ni David kay Abiathar na saserdote, na anak ni Ahimelech, Isinasamo ko sa iyo na dalhin mo rito ang epod. At dinala doon ni Abiathar ang epod kay David.

8 At sumangguni si David sa Panginoon, na nagsasabi, Kung aking habulin ang pulutong na ito, ay akin kayang aabutan sila? At sinagot niya siya, Iyong habulin: sapagka’t tunay na iyong aabutan, at walang pagsalang mababawi mo ang lahat.

9 Sa gayo’y yumaon si David, siya at ang anim na raang lalake na kasama niya, at naparoon sa batis ng Besor, na kinaroroonan niyaong mga naiwan sa likuran.

10 Nguni’t hinabol ni David, niya at ng apat na raang lalake: sapagka’t ang dalawang daan natira sa likuran, na mga pata na hindi na nakatawid sa batis ng Besor:

11 At sila’y nakasumpong ng isang taga Egipto sa parang, at dinala nila siya kay David, at binigyan nila siya ng tinapay, at kumain: at binigyan nila siya ng tubig na mainom:

12 At binigyan nila siya ng isang putol ng binilong igos, at dalawang buwig na ubas; at nang kaniyang makain, ang kaniyang diwa ay nagsauli uli sa kaniya: sapagka’t hindi siya nakakain ng tinapay o nakainom man ng tubig, na tatlong araw at tatlong gabi.

13 At sinabi ni David sa kaniya, Kanino ka ba nauukol? at taga saan ka? At sinabi niya, Ako’y isang binatang taga Egipto, bataan ng isang Amalecita; at iniwan ako ng aking panginoon, sapagka’t tatlong araw na ako’y nagkasakit.

14 Kami ay sumalakay sa Timugan ng mga Ceretheo, at sa nauukol sa Juda, at sa Timugan ng Caleb; at aming sinunog ng apoy ang Siclag.

15 At sinabi ni David sa kaniya, Ilulusong mo ba ako sa pulutong na ito? At kaniyang sinabi, Ipanumpa mo sa akin ang Dios, hindi mo ako papatayin, o ibibigay man sa mga kamay ng aking panginoon, at aking ilulusong ka sa pulutong na ito.

16 At nang kaniyang mailusong, narito, sila’y nangangalat sa buong lupa, na nagkakainan at nagiinuman, at nagkakasayahan, dahil sa lahat na malaking samsam na kanilang nakuha sa lupain ng mga Filisteo, at sa lupain ng Juda.

17 At sinaktan ni David sila mula sa pagtatakip silim hanggang sa paglubog ng araw sa sumunod na araw: at walang taong nakatanan sa kanila liban sa apat na raang bataan na nakasakay sa mga kamelyo at tumakas.

18 At binawi ni David ang lahat na nakuha ng mga Amalecita: at iniligtas ni David ang kaniyang dalawang asawa.

19 At walang nagkulang sa kanila, kahit maliit o malaki man, kahit mga anak na lalake o babae man, kahit samsam man, kahit anomang bagay na nakuha nila sa kanila: ibinalik na lahat ni David.

20 At kinuha ni David ang lahat ng kawan at bakahan, na kanilang dinala na nasa unahan niyaong mga ibang hayop, at sinabi, Ito’y samsam ni David.

21 At naparoon si David sa dalawang daang lalake, na totoong mga pata na hindi nangakasunod kay David, na kanila namang pinatahan sa batis ng Besor; at sila’y lumabas upang salubungin si David, at upang salubungin ang mga taong kasama niya: at nang lumapit si David sa bayan, siya’y bumati sa kanila.

22 Nang magkagayo’y sumagot ang lahat ng masamang tao, at mga tao na hamak, sa mga yumaong kasama ni David, at nagsabi, Sapagka’t hindi sila yumaong kasama namin, hindi namin bibigyan sila ng samsam na aming nabawi, liban sa bawa’t lalake ay ang kaniyang asawa at ang kaniyang mga anak, upang kanilang dalhin, at yumaon.

23 Nang magkagayo’y sinabi ni David, Huwag ninyong gagawing gayon, mga kapatid ko, sa ibinigay sa atin ng Panginoon, na siyang nagadya sa atin, at nagbigay sa ating kamay ng pulutong na naparito laban sa atin.

24 At sino ang didinig sa inyo sa bagay na ito? sapagka’t kung gaano ang bahagi ng lumusong sa pakikipagbaka, ay gayon ang bahagi ng naiwan sa daladalahan: sila’y paraparang magkakabahagi.

25 At nagkagayon, na mula sa araw na yaon, na siya’y gumawa ng isang palatuntunan at ayos sa Israel, hanggang sa araw na ito.

26 At nang dumating si David sa Siclag, siya’y nagpadala ng mga samsam sa mga matanda sa Juda, sa makatuwid baga’y sa kaniyang mga kaibigan, na sinasabi, Narito, ang isang kaloob sa inyo na mula sa samsam sa mga kaaway ng Panginoon;

27 Sa kanila na nasa Beth-el, at sa kanila na nasa Ramoth ng Timugan, at sa kanila na nasa Jathir;

28 At sa kanila na nasa Aroer, at sa kanila na nasa Siphmoth, at sa kanila na nasa Esthemoa;

29 At sa kanila na nasa Rachal, at sa kanila na nasa mga bayan ng mga Jerameelita, at sa kanila na nasa mga bayan ng mga Cineo;

30 At sa kanila na sa Horma, at sa kanila na nasa Chorasan, at sa kanila na nasa Athach;

31 At sa kanila na nasa Hebron, at sa lahat na dako na karaniwang pinaroroonan ni David at ng kaniyang mga lalake.

I Samuel 31

1 Ang mga Filisteo nga ay lumaban sa Israel: at ang mga lalake sa Israel ay tumakas sa harap ng mga Filisteo, at nangabuwal na patay sa bundok ng Gilboa.

2 At hinabol ng panunod ng mga Filisteo si Saul at ang kaniyang mga anak; at pinatay ng mga Filisteo si Jonathan, at si Abinadab, at si Melchisua, na mga anak ni Saul.

3 At ang pagbabaka ay lumubha laban kay Saul, at inabutan siya ng mga mamamana; at siya’y totoong nahirapan dahil sa mga mamamana.

4 Nang magkagayo’y sinabi ni Saul sa kaniyang tagadala ng sandata, Bunutin mo ang iyong tabak at palagpasan mo ako niyaon; baka dumating ang mga hindi tuling ito at ako’y palagpasan, at ako’y kanilang pahirapan. Nguni’t ayaw ang kaniyang tagadala ng sandata; sapagka’t siya’y totoong natakot. Kaya’t kinuha ni Saul ang kaniyang tabak, at nagpakabuwal sa kaniyang tabak.

5 At nang makita ng kaniyang tagadala ng sandata na si Saul ay patay, siya naman ay nagpakabuwal sa kaniyang tabak, at nagpakamatay na kasama niya.

6 Gayon namatay si Saul, at ang kaniyang tatlong anak, at ang kaniyang tagadala ng sandata, at ang lahat niyang mga lalake nang araw na yaon na magkakasama.

7 At nang makita ng mga lalake sa Israel na nasa kabilang dako ng libis, at ng mga nasa dako roon ng Jordan, na ang mga lalake sa Israel ay tumakas, at si Saul at ang kaniyang mga anak ay namatay, kanilang iniwan ang mga bayan, at nagsitakas; at naparoon ang mga Filisteo, at tumahan sa mga yaon.

8 At nangyari nang kinabukasan nang ang mga Filisteo ay dumating upang hubaran ang mga patay, ay kanilang nasumpungan si Saul at ang kaniyang tatlong anak na nabuwal sa bundok ng Gilboa.

9 At kanilang pinugot ang kaniyang ulo, at hinubad ang kaniyang mga sakbat, at ipinadala sa lupain ng mga Filisteo sa palibot upang ibalita sa mga bahay ng kanilang mga diosdiosan at sa bayan.

10 At kanilang inilagay ang kaniyang sakbat, sa bahay ni Astaroth: at kanilang ibinitin ang bangkay niya sa kuta ng Beth-san.

11 At nang mabalitaan ng mga tumatahan sa Jabes-galaad ang tungkol sa ginawa ng mga Filisteo kay Saul,

12 Lahat ng matapang na lalake ay bumangon at nagsilakad sa buong gabi at kinuha ang bangkay ni Saul at ang mga bangkay ng kaniyang mga anak sa kuta ng Beth-san; at sila’y naparoon sa Jabes, at kanilang pinagsunog doon.

13 At kanilang kinuha ang kanilang mga buto at ibinaon sa ilalim ng isang puno ng tamarisko sa Jabes, at nagayuno silang pitong araw.

Ruth 1

1 At nangyari nang mga kaarawan nang humatol ang mga hukom, na nagkagutom sa lupain. At isang lalaking taga Bethlehem-juda ay yumaong nakipamayan sa lupain ng Moab, siya, at ang kaniyang asawa, at ang kaniyang dalawang anak na lalake.

2 At ang pangalan ng lalake ay Elimelech, at ang pangalan ng kaniyang asawa ay Noemi, at ang pangalan ng kaniyang dalawang anak ay Mahalon at Chelion, mga Ephrateo na taga Bethlehem-juda. At sila’y naparoon sa lupain ng Moab, at nanirahan doon.

3 At si Elimelech na asawa ni Noemi ay namatay: at siya’y naiwan at ang kaniyang dalawang anak.

4 At sila’y nagsipagasawa sa mga babae sa Moab; ang pangalan ng isa’y Orpha, at ang pangalan ng isa’y Ruth: at sila’y tumahan doon na may sangpung taon.

5 At namatay kapuwa si Mahalon at si Chelion; at ang babae ay naiwan ng kaniyang dalawang anak at ng kaniyang asawa.

6 Nang magkagayo’y bumangon siya na kasama ng kaniyang dalawang manugang upang siya’y bumalik mula sa lupain ng Moab: sapagka’t kaniyang nabalitaan sa lupain ng Moab kung paanong dinalaw ng Panginoon ang kaniyang bayan sa pagbibigay sa kanila ng tinapay.

7 At siya’y umalis sa dakong kaniyang kinaroroonan, at ang kaniyang dalawang manugang na kasama niya: at sila’y yumaon upang bumalik sa lupain ng Juda.

8 At sinabi ni Noemi sa kaniyang dalawang manugang, Kayo’y yumaon, na bumalik ang bawa’t isa sa inyo sa bahay ng kaniyang ina: gawan nawa kayo ng magaling ng Panginoon, na gaya ng inyong ginawa sa mga namatay at sa akin.

9 Ipagkaloob nawa ng Panginoon na kayo’y makasumpong ng kapahingahan, bawa’t isa sa inyo sa bahay ng kaniyang asawa. Nang magkagayo’y kaniyang hinagkan sila; at inilakas nila ang kanilang tinig at nagsiiyak.

10 At sinabi nila sa kaniya, Hindi, kundi kami ay babalik na kasama mo sa iyong bayan.

11 At sinabi ni Noemi, Kayo’y magsibalik, mga anak ko: bakit kayo’y yayaong kasama ko? may mga anak pa ba ako sa aking tiyan, na magiging inyong mga asawa?

12 Kayo’y magsibalik, mga anak ko, magpatuloy kayo ng inyong lakad; sapagka’t ako’y totoong matanda na upang magkaroon pa ng asawa. Kung aking sabihin, Ako’y may pagasa, kung ako’y magkaasawa man ngayong gabi, at ako’y magkakaanak man;

13 Maghihintay kaya kayo hanggang sa sila’y lumaki? magbabawa kaya kayo na magkaasawa? huwag, mga anak ko: sapagka’t daramdamin kong mainam dahil sa inyo, sapagka’t ang kamay ng Panginoon ay nanaw laban sa akin.

14 At inilakas nila ang kanilang tinig at nagsiiyak uli; at hinagkan ni Orpha ang kaniyang biyanan; nguni’t si Ruth ay yumakap sa kaniya.

15 At sinabi niya, Narito, ang iyong hipag ay bumalik na sa kaniyang bayan, at sa kaniyang dios; bumalik kang sumunod sa iyong hipag.

16 At sinabi ni Ruth, Huwag mong ipamanhik na kita’y iwan, at bumalik na humiwalay sa iyo; sapagka’t kung saan ka pumaroon, ay paroroon ako: at kung saan ka tumigil, ay titigil ako: ang iyong bayan ay magiging aking bayan, at ang iyong Dios ay aking Dios:

17 Kung saan ka mamatay, ay mamamatay ako, at doon ako ililibing; hatulan ako ng Panginoon at lalo na, maliban ang kamatayan ang maghiwalay sa iyo at sa akin.

18 At nang makita ni Noemi na mapilit ng pagsama sa kaniya, ay tumigil ng pagsasalita sa kaniya.

19 Sa gayo’y yumaon silang dalawa hanggang sa sila’y dumating sa Bethlehem. At nangyari, nang sila’y dumating sa Bethlehem, na ang buong bayan ay napataka sa kanila; at sinabi ng mga babae, Ito ba’y si Noemi?

20 At sinabi niya sa kanila, Huwag na ninyo akong tawaging Noemi, tawagin ninyo akong Mara: sapagka’t ginawan ako ng kapaitpaitan ng Makapangyarihan sa lahat.

21 Ako’y umalis na puno, at ako’y iniuwi ng Panginoon na walang dala. Bakit ninyo ako tinatawag na Noemi, yamang ang Panginoon ay nagpatotoo laban sa akin, at dinalamhati ako ng Makapangyarihan sa lahat?

22 Sa gayo’y nagsibalik si Noemi at si Ruth na Moabita, na kaniyang manugang na kasama niya, na nagsibalik mula sa lupain ng Moab: at sila’y nagsidating sa Bethlehem sa pasimula ng pagaani ng sebada.

Ruth 2

1 At si Noemi ay may kamaganak ng kaniyang asawa, isang mayamang makapangyarihan, sa angkan ni Elimelech; at ang pangalan niya’y Booz.

2 At sinabi ni Ruth na Moabita kay Noemi, Paparoonin mo ako ngayon sa bukid, at mamulot ng mga uhay sa likuran niyaong aking kasumpungan ng biyaya sa paningin. At sinabi niya sa kaniya, Yumaon ka, anak ko.

3 At siya’y yumaon at naparoon, at namulot sa bukid sa likuran ng mga mangaani: at nagkataong dumating sa bahagi ng lupa na nauukol kay Booz, na sa angkan ni Elimelech.

4 At, narito, si Booz ay nanggaling sa Bethlehem, at nagsabi sa mga mangaani, Ang Panginoo’y sumainyo nawa. At sila’y sumagot sa kaniya, Pagpalain ka nawa ng Panginoon.

5 Nang magkagayo’y sinabi ni Booz sa kaniyang lingkod na kaniyang katiwala sa mga mangaani, Sinong babae ito?

6 At ang lingkod na katiwala sa mga mangaani ay sumagot at nagsabi, Siya’y babaing Moabita na bumalik na kasama ni Noemi na mula sa lupain ng Moab:

7 At kaniyang sinabi, Isinasamo ko sa iyong pamulutin mo ako, at papagtipunin sa likuran ng mga mangaani sa gitna ng mga bigkis. Sa gayo’y naparoon siya at nagpatuloy, sa makatuwid baga’y mula sa umaga hanggang ngayon, liban sa siya’y nagpahingang sangdali sa bahay.

8 Nang magkagayo’y sinabi ni Booz kay Ruth, Di mo ba naririnig, anak ko? Huwag kang mamulot sa ibang bukid, o lumagpas man dito, kundi manahan ka ritong malapit sa piling ng aking mga alilang babae.

9 Itanaw mo ang iyong mga mata sa bukid na kanilang inaanihan, at sumunod ka sa kanila; di ba ibinilin ko sa mga bataan na huwag ka nilang gagalawin? At pagka ikaw ay nauuhaw, pumaroon ka sa mga banga, at uminom ka sa inigib ng mga bataan.

10 Nang magkagayo’y nagpatirapa siya at yumukod sa lupa, at nagsabi sa kaniya, Bakit ako nakasumpong ng biyaya sa iyong paningin na nilingap mo ako, dangang ako’y taga ibang lupa?

11 At si Booz ay sumagot at nagsabi sa kaniya, Ipinatalastas sa akin ang buong iyong ginawa sa iyong biyanan mula sa pagkamatay ng iyong asawa: at kung paanong iyong iniwan ang iyong ama at iyong ina, at ang lupang pinanganakan sa iyo, at ikaw ay naparito sa bayan na hindi mo nakilala nang una.

12 Gantihin nawa ng Panginoon ang iyong gawa, at bigyan ka nawa ng lubos na ganting pala ng Panginoon, ng Dios ng Israel, sa ilalim ng mga pakpak niyaong iyong kakanlungan.

13 Nang magkagayo’y kaniyang sinabi, Makasumpong nawa ako ng biyaya sa iyong paningin, panginoon ko; sapagka’t ako’y iyong inaliw, at sapagka’t may kagandahang loob na pinagsalitaan mo ang iyong lingkod, bagaman ako’y hindi gaya ng isa sa iyong mga alila.

14 At sa pagkain ay sinabi ni Booz sa kaniya, Parito ka, at kumain ka ng tinapay, at basain mo ang iyong subo sa suka. At siya’y umupo sa siping ng mga mangaani: at iniabot niya sa kaniya, ang sinangag na trigo, at siya’y kumain, at nabusog, at lumabis.

15 At nang siya’y tumindig upang mamulot, ay iniutos ni Booz sa kaniyang mga bataan, na sinasabi, Pamulutin ninyo siya hanggang sa gitna ng mga bigkis, at huwag ninyo siyang hiyain.

16 At ihugot din ninyo siya ng ilan sa mga bigkis, at iwan ninyo at pamulutin niya, at huwag ninyong hiyain siya.

17 Sa gayo’y namulot siya sa bukid hanggang sa paglubog ng araw; at kaniyang hinampas yaong kaniyang napamulot, at may isang epa ng sebada.

18 At kaniyang dinala at pumasok sa bayan: at nakita ng kaniyang biyanan ang kaniyang napamulot: at kaniyang inilabas at ibinigay sa kaniya ang lumabis sa kaniya pagkatapos na siya’y nabusog.

19 At sinabi ng kaniyang biyanan sa kaniya, Saan ka namulot ngayon? at saan ka gumawa? Pagpalain nawa yaong lumingap sa iyo, At itinuro niya sa kaniyang biyanan kung kanino siya gumawa, at sinabi, Ang pangalan ng lalake na aking ginawan ngayon ay Booz.

20 At sinabi ni Noemi sa kaniyang manugang: Pagpalain nawa siya ng Panginoon, na hindi ikinait ang kaniyang kagandahang loob sa mga buhay at sa mga patay. At sinabi ni Noemi sa kaniya, Ang lalaking yaon ay isa sa mga kamaganak na malapit natin, isang pinakamalapit na kamaganak natin.

21 At sinabi ni Ruth na Moabita, Oo, sinabi niya sa akin, Ikaw ay sumunod na malapit sa aking mga bataan hanggang sa kanilang matapos ang aking ani.

22 At sinabi ni Noemi kay Ruth na kaniyang manugang, Mabuti, anak ko, na ikaw ay lumabas na kasama ng kaniyang mga alila, at huwag kang masumpungan sa ibang bukid.

23 Sa gayo’y nakipisang maliksi na kasiping ng mga alila ni Booz, upang mamulot hanggang sa katapusan ng pagaani ng sebada at pagaani ng trigo; at siya’y tumahang kasama ng kaniyang biyanan.

Ruth 3

1 At sinabi sa kaniya ni Noemi na kaniyang biyanan, Anak ko, hindi ba kita ihahanap ng kapahingahan, na ikabubuti mo?

2 At ngayo’y wala ba rito si Booz na ating kamaganak, na ang kaniyang mga alila ay siya mong kinasama? Narito, kaniyang pahahanginan ang sebada ngayong gabi sa giikan.

3 Maligo ka nga, at magpahid ka ng langis, at magbihis ka at bumaba ka sa giikan: nguni’t huwag kang pakilala sa lalake, hanggang siya’y makakain at makainom.

4 At mangyayari, paghiga niya, na iyong tatandaan ang dakong kaniyang hihigaan, at ikaw ay papasok, at iyong alisan ng takip ang kaniyang mga paa, at mahiga ka; at sasabihin niya sa iyo kung ano ang iyong gagawin.

5 At sinabi niya sa kaniya, Lahat ng iyong sinasabi sa akin ay aking gagawin.

6 At siya’y bumaba sa giikan, at ginawa niya ang ayon sa buong iniutos sa kaniya ng kaniyang biyanan.

7 At nang si Booz ay makakain at makainom, at ang kaniyang puso’y maligayahan, siya’y yumaong nahiga sa dulo ng bunton ng trigo; at siya’y naparoong marahan, at inalisan ng takip ang kaniyang mga paa, at siya’y nahiga.

8 At nangyari, sa hating gabi, na ang lalake ay natakot at pumihit: at, narito, isang babae ay nakahiga sa kaniyang paanan.

9 At sinabi niya, Sino ka? At siya’y sumagot, Ako’y si Ruth, na iyong lingkod: iladlad mo nga ang iyong kumot sa iyong lingkod; sapagka’t ikaw ay malapit na kamaganak.

10 At kaniyang sinabi, Pagpalain ka nawa ng Panginoon, anak ko: ikaw ay nagpakita ng higit na kagandahang loob sa huli kay sa ng una, sa hindi mo pagsunod sa mga bagong tao maging sa dukha o sa mayaman.

11 At ngayon, anak ko, huwag kang matakot; gagawin ko sa iyo ang lahat na iyong sinasabi, sapagka’t buong bayan ng aking bayan ay nakakaalam na ikaw ay isang babaing may bait.

12 At tunay nga na ako’y kamaganak na malapit; gayon man ay may kamaganak na lalong malapit kay sa akin.

13 Maghintay ka ngayong gabi, at mangyayari sa kinaumagahan, na kung kaniyang tutuparin sa iyo ang bahagi ng pagkakamaganak, ay mabuti; gawin niya ang bahagi ng pagkakamaganak: nguni’t kundi niya gagawin ang bahagi ng pagkakamaganak sa iyo, ay gagawin ko nga ang bahagi ng pagkakamaganak sa iyo, kung paano ang Panginoon ay nabubuhay: mahiga ka nga hanggang kinaumagahan.

14 At siya’y nahiga sa kaniyang paanan hanggang kinaumagahan: at siya’y bumangong maaga bago magkakilala ang isa’t isa. Sapagka’t kaniyang sinabi, Huwag maalaman na ang babae ay naparoon sa giikan.

15 At kaniyang sinabi, Dalhin mo rito ang balabal na nasa ibabaw mo at hawakan; at hinawakan niya; at siya’y tumakal ng anim na takal na sebada, at isinunong sa kaniya; at siya’y pumasok sa bayan.

16 At nang siya’y pumaroon sa kaniyang biyanan, ay sinabi niya, Ano nga, anak ko? At isinaysay niya sa kaniya ang lahat na ginawa sa kaniya ng lalake.

17 At sinabi niya, Ang anim na takal na sebadang ito ay ibinigay niya sa akin; sapagka’t kaniyang sinabi, Huwag kang pumaroong walang dala sa iyong biyanan.

18 Nang magkagayo’y sinabi niya, Maupo kang tahimik, anak ko, hanggang sa iyong maalaman kung paanong kararatnan ng bagay: sapagka’t ang lalaking yaon ay hindi magpapahinga, hanggang sa kaniyang matapos ang bagay sa araw na ito.

Ruth 4

1 Si Booz nga’y sumampa sa pintuang-bayan, at naupo siya roon: at, narito, ang malapit na kamaganak na sinalita ni Booz ay nagdaan; sa lalaking yao’y sinabi niya, Oy, kuwan! lumiko ka, maupo ka rito. At siya’y lumiko, at naupo.

2 At siya’y kumuha ng sangpung lalake sa mga matanda sa bayan, at sinabi, Maupo kayo rito. At sila’y naupo.

3 At sinabi niya sa malapit na kamaganak, Ipinagbibili ni Noemi, na bumalik na galing sa lupain ng Moab, ang bahagi ng lupa, na naging sa ating kapatid na kay Elimelech:

4 At aking inisip na ipahayag sa iyo, na sabihin, Bilhin mo sa harap nilang nakaupo rito, at sa harap ng mga matanda ng aking bayan. Kung iyong tutubusin ay tubusin mo; nguni’t kung hindi mo tutubusin ay saysayin mo nga, upang matalastas ko: sapagka’t wala nang tutubos na iba pa liban sa iyo: at ako ang sumusunod sa iyo. At sinabi niya, Aking tutubusin.

5 Nang magkagayo’y sinabi ni Booz, Anomang araw na iyong bilhin ang parang sa kamay ni Noemi, ay marapat na iyong bilhin din ang kay Ruth na Moabita, na asawa ng namatay, upang ibangon ang pangalan ng namatay sa kaniyang mana.

6 At sinabi ng malapit na kamaganak, Hindi ko matutubos sa ganang akin, baka masira ang aking sariling mana: iyo na ang aking matuwid ng pagtubos; sapagka’t hindi ko matutubos.

7 Ito nga ang kaugalian ng unang panahon sa Israel tungkol sa pagtubos at tungkol sa pagpapalit, upang patotohanan ang lahat ng mga bagay; hinuhubad ng isa ang kaniyang pangyapak, at ibinibigay sa kaniyang kapuwa: at ito ang paraan ng pagpapatotoo sa Israel.

8 Sa gayo’y sinabi ng malapit na kamaganak kay Booz, Bilhin mo sa ganang iyo. At hinubad niya ang kaniyang pangyapak.

9 At sinabi ni Booz sa mga matanda at sa buong bayan, Kayo’y mga saksi sa araw na ito, na aking binili ang lahat ng kay Elimelech, at lahat na kay Chelion, at kay Mahalon, sa kamay ni Noemi.

10 Bukod dito’y si Ruth na Moabita, na asawa ni Mahalon, ay aking binili na maging aking asawa, upang ibangon ang pangalan ng namatay sa kaniyang mana, upang ang pangalan ng namatay ay huwag mahiwalay sa gitna ng kaniyang mga kapatid, at sa pintuang-bayan ng kaniyang dako: kayo’y mga saksi sa araw na ito.

11 At ang buong bayan na nasa pintuang-bayan, at ang mga matanda ay nagsabi, Kami ay mga saksi. Gawin ng Panginoon ang babae na pumapasok sa iyong bahay, na gaya ni Rachel at gaya ni Lea, na silang dalawa ang nagtatag ng sangbahayan ni Israel, at maging makapangyarihan ka sa Ephrata, at maging bantog sa Bethlehem:

12 At ang iyong sangbahayan ay maging gaya ng sangbahayan ni Phares, na ipinanganak ni Thamar kay Juda, sa binhi na ibibigay ng Panginoon sa iyo sa batang babaing ito.

13 Sa gayo’y kinuha ni Booz si Ruth, at siya’y naging kaniyang asawa; at siya’y sumiping sa kaniya, at pinapaglihi ng Panginoon, at siya’y nanganak ng isang lalake.

14 At sinabi ng mga babae kay Noemi, Pagpalain ka nawa ng Panginoon na hindi ka binayaan sa araw na ito, na mawalan ng isang malapit na kamaganak; at maging bantog nawa ang kaniyang pangalan sa Israel.

15 At siya’y magiging sa iyo ay isang tagapagsauli ng buhay, at tagapagkandili sa iyong katandaan: sapagka’t ang inyong manugang na nagmamahal sa iyo, ay nagkaanak sa kaniya, at siya’y mahigit pa sa iyo kay sa pitong anak.

16 At kinuha ni Noemi ang bata, at inihilig sa kaniyang kandungan, at siya’y naging yaya.

17 At nilagyan ng pangalan ng mga babaing kaniyang kapitbahay, na sinasabi, May isang lalake na ipinanganak kay Noemi; at tinawag nila ang pangalan niya na Obed; siya ang ama ni Isai, na ama ni David.

18 Ito nga ang mga lahi ni Phares: naging anak ni Phares si Hesron;

19 At naging anak ni Hesron si Ram, at naging anak ni Ram si Aminadab;

20 At naging anak ni Aminadab si Nahason, at naging anak ni Nahason si Salmon:

21 At naging anak ni Salmon si Booz, at naging anak ni Booz si Obed;

22 At naging anak ni Obed si Isai, at naging anak ni Isai si David.

Mga Hukom 1

1 At nangyari, pagkamatay ni Josue, na itinanong ng mga anak ni Israel sa Panginoon, na sinasabi, Sino ang unang sasampa sa amin laban sa mga Cananeo, upang lumaban sa kanila?

2 At sinabi ng Panginoon, Ang Juda ang sasampa: narito, aking ibinigay ang lupain sa kaniyang kamay.

3 At sinabi ng Juda sa Simeon na kaniyang kapatid, Sumampa kang kasama ko sa aking kapalaran, upang ating kalabanin ang mga Cananeo; at ako nama’y sasama sa iyong kapalaran. Sa gayo’y yumaon ang Simeon na kasama niya.

4 At sumampa ang Juda; at ibinigay ng Panginoon ang mga Cananeo, at ang mga Pherezeo sa kanilang kamay: at sinaktan nila sa kanila sa Bezec ay sangpung libong lalake.

5 At kanilang nasumpungan si Adoni-bezec sa Bezec: at siya’y nilabanan nila, at kanilang sinaktan ang mga Cananeo at ang mga Pherezeo.

6 Nguni’t tumakas si Adoni-bezec; at kanilang hinabol siya, at hinuli siya, at pinutol nila ang mga daliring hinlalaki ng kaniyang kamay at paa.

7 At sinabi ni Adoni-bezec, Pitong pung hari, na mga may putol ng kanilang mga hinlalaki sa kamay at sa paa ay namulot ng kanilang pagkain sa ilalim ng aking dulang: kung paano ang aking ginawa ay gayon ako pinaghigantihan ng Dios. At dinala nila siya sa Jerusalem, at siya’y namatay roon.

8 At ang mga anak ni Juda ay lumaban sa Jerusalem, at sinakop at sinugatan ng talim ng tabak, at sinilaban ng apoy ang bayan.

9 At pagkatapos, ang mga anak ni Juda ay lumusong na lumaban sa mga Cananeo na tumatahan sa mga lupaing maburol, at sa Timugan, at sa mababang lupa.

10 At ang Juda’y yumaon laban sa mga Cananeo na tumatahan sa Hebron (ang pangalan ng Hebron nang una ay Chiriath-arba:) at kanilang sinaktan ang Sesai, at ang Ahiman, at ang Talmai.

11 At mula roo’y yumaon laban sa mga taga Debir. (Ang pangalan nga ng Debir nang una ay Chiriath-sepher.)

12 At sinabi ni Caleb, Ang sumakit sa Chiriath-sepher at sumakop niyaon, ay doon ko papagaasawahin si Axa na aking anak.

13 At si Othoniel na anak ni Cenez, kapatid na bata ni Caleb, ay siyang sumakop: at pinapag-asawa nito sa kaniya si Axa na kaniyang anak.

14 At nangyari, nang makipisan si Axa, na kaniyang kinilos siya na humingi sa kaniyang ama ng isang bukid: at siya’y bumaba sa kaniyang asno, at sinabi ni Caleb sa kaniya, Anong ibig mo?

15 At sinabi ni Axa sa kaniya, Bigyan mo ako ng isang kaloob; sapagka’t inilagay mo ako sa lupain na Timugan, bigyan mo naman ako ng mga bukal ng tubig. At ibinigay ni Caleb sa kaniya ang mga bukal sa itaas, at ang mga bukal sa ibaba.

16 At ang mga anak ni Cineo, na bayaw ni Moises ay umahon sa bayan ng mga puno ng palma na kasama ng mga anak ni Juda sa ilang ng Juda, na nasa timugan ng Arad; at sila’y naparoon at nagsitahang kasama ng bayan.

17 At ang Juda’y yumaong kasama ng Simeon na kaniyang kapatid, at kanilang sinaktan ang mga Cananeo na nagsisitahan sa Sephath at lubos na pinuksa. At ang pangalan ng bayan ay tinawag na Horma.

18 Sinakop rin naman ng Juda ang Gaza pati ng hangganan niyaon at ang Ascalon pati ng hangganan niyaon, at ang Ecron pati ng hangganan niyaon.

19 At ang Panginoon ay sumasa Juda; at kaniyang pinalayas ang mga taga lupaing maburol; sapagka’t hindi niya mapalayas ang mga nananahan sa libis, dahil sa sila’y may mga karong bakal.

20 At kanilang ibinigay ang Hebron kay Caleb, gaya ng sinalita ni Moises: at kaniyang pinalayas doon ang tatlong anak ni Anac.

21 At hindi pinalayas ng mga anak ni Benjamin ang mga Jebuseo na tumatahan sa Jerusalem: kundi ang mga Jebuseo ay nagsitahang kasama ng mga anak ni Benjamin sa Jerusalem hanggang sa araw na ito.

22 At ang sangbahayan ni Jose, sila’y umahon din laban sa Beth-el: at ang Panginoon ay sumakanila.

23 At ang sangbahayan ni Jose, ay nagsugo upang tiktikan ang Beth-el. (Ang pangalan nga ng bayan nang una ay Luz.)

24 At nakita ng mga bakay ang isang lalake na lumalabas sa bayan at kanilang sinabi sa kaniya, Ituro mo sa amin, isinasamo namin sa iyo ang pasukan sa bayan at kahahabagan ka namin.

25 At itinuro niya sa kanila ang pasukan sa bayan, at kanilang sinugatan ng talim ng tabak ang bayan nguni’t pinayaon ang lalake at ang madlang sangbahayan niya.

26 At ang lalake ay pumasok sa lupain ng mga Hetheo, at nagtayo ng isang bayan, at tinawag ang pangalan niyaon na Luz: na siyang pangalan niyaon hanggang sa araw na ito.

27 At hindi pinalayas ng Manases ang mga taga Beth-sean at ang mga bayan niyaon, ni ang mga taga Taanach at ang mga bayan niyaon, ni ang mga taga Dor at ang mga bayan niyaon, ni ang mga taga Ibleam at ang mga bayan niyaon, ni ang mga taga Megiddo at ang mga bayan niyaon: kundi ang mga Cananeo ay nagsitahan sa lupaing yaon.

28 At nangyari, nang lumakas ang Israel, na kanilang pinapagatag ang mga Cananeo, at hindi nila lubos na pinalayas.

29 At hindi pinalayas ni Ephraim ang mga Cananeo na tumatahan sa Gezer; kundi ang mga Cananeo ay nagsitahan sa Gezer sa gitna nila.

30 Hindi pinalayas ni Zabulon ang mga nananahan sa Chitron, ni ang mga nananahan sa Naalol; kundi ang mga Cananeo ay nagsitahan sa gitna nila, at naging mga tagapagpaatag.

31 Hindi pinalayas ng Aser ang mga taga Acho, ni ang mga taga Sidon, ni ang taga Ahlab, ni ang taga Achzib, ni ang taga Helba, ni ang taga Aphec, ni ang taga Rehob:

32 Kundi ang mga Aserita ay nagsitahang kasama ng mga Cananeo, na mga taga lupaing yaon: sapagka’t hindi nila pinalayas sila.

33 Hindi pinalayas ng Nephtali ang mga nananahan sa Beth-semes, ni ang mga nananahan sa Beth-anath; kundi siya’y tumahan sa gitna ng mga Cananeo, na nagsisitahan sa lupaing yaon: gayon ma’y ang mga nananahan sa Beth-semes at nananahan sa Beth-anath ay naging mga tagapagpaatag sa kaniya.

34 At piniit ng mga Amorrheo ang mga anak ni Dan sa mga lupaing maburol; sapagka’t ayaw nilang payagang sila’y lumusong sa libis;

35 Nguni’t inibig ng mga Amorrheo na tumahan sa bundok ng Heres, sa Ajalon, at sa Saalbin: gayon ma’y nanaig ang kamay ng sangbahayan ni Jose, na anopa’t sila’y naging mga tagapagpaatag.

36 At ang hangganan ng mga Amorrheo ay mula sa sampahan ng Acrabim, buhat sa batuhan, at paitaas.

Mga Hukom 2

1 At sumampa ang anghel ng Panginoon sa Bochim mula sa Gilgal. At kaniyang sinabi, Kayo’y pinaahon ko mula sa Egipto, at dinala ko kayo sa lupain na aking isinumpa sa inyong mga magulang; at sinabi ko, Kailan ma’y hindi ko sisirain ang aking tipan sa inyo:

2 At huwag kayong makikipagtipan sa mga taga lupaing ito; inyong iwawasak ang kanilang mga dambana. Nguni’t hindi ninyo dininig ang aking tinig: bakit ginawa ninyo ito?

3 Kaya’t aking sinabi rin, Hindi ko sila palalayasin sa harap ninyo; kundi sila’y magiging parang mga tinik sa inyong mga tagiliran, at ang kanilang mga dios ay magiging silo sa inyo.

4 At nangyari, pagkasalita ng anghel ng Panginoon ng mga salitang ito sa lahat ng mga anak ni Israel, na inilakas ng bayan ang kanilang tinig at umiyak.

5 At kanilang tinawag ang pangalan ng dakong yaon na Bochim; at sila’y naghain doon sa Panginoon.

6 Nang mapayaon nga ni Josue ang bayan, pumaroon ang mga anak ni Israel, bawa’t isa, sa kaniyang mana, upang ariin ang lupa.

7 At naglingkod ang bayan sa Panginoon sa lahat ng mga araw ni Josue, at sa lahat ng mga araw ng mga matandang natirang nabuhay kay Josue, na nakakita ng mga dakilang gawa ng Panginoon, na kaniyang ginawa sa Israel.

8 At si Josue na anak ni Nun, na lingkod ng Panginoon, ay namatay, na may isang daan at sangpung taon ang gulang.

9 At kanilang inilibing siya sa hangganan ng kaniyang mana, sa Timnath-heres, sa lupaing maburol ng Ephraim, sa hilagaan ng bundok Gaas.

10 At ang buong lahing yaon ay nalakip din sa kanilang mga magulang; at doo’y may ibang lahing bumangon pagkamatay nila, na hindi nakilala ang Panginoon, ni ang mga gawa na kaniyang ginawa sa Israel.

11 At ginawa ng mga anak ni Israel ang masama sa paningin ng Panginoon, at naglingkod sa mga Baal:

12 At kanilang pinabayaan ang Panginoon, ang Dios ng kanilang mga magulang, na naglabas sa kanila sa lupain ng Egipto, at sumunod sa ibang mga dios, sa mga dios ng mga bayan na nasa palibot nila, at sila’y yumukod sa mga yaon: at kanilang minungkahi ang Panginoon sa galit.

13 At kanilang pinabayaan ang Panginoon, at naglingkod kay Baal at kay Astaroth.

14 At ang galit ng Panginoon ay nagalab laban sa Israel, at kaniyang ibinigay sila sa kamay ng mga mangloloob na lumoob sa kanila; at kaniyang ipinagbili sila sa mga kamay ng kanilang mga kaaway sa palibot, na anopa’t sila’y hindi makatayong maluwat sa harap ng kanilang mga kaaway.

15 Saan man sila yumaon, ang kamay ng Panginoon ay laban sa kanila sa ikasasama nila, gaya ng sinalita ng Panginoon, at gaya ng isinumpa sa kanila ng Panginoon: sila’y nagipit na mainam.

16 At nagbangon ang Panginoon ng mga hukom, na nagligtas sa kanila sa kamay niyaong mga lumoloob sa kanila.

17 At gayon ma’y hindi nila dininig ang kanilang mga hukom: sapagka’t sila’y sumamba sa ibang mga dios, at kanilang niyukuran ang mga yaon: sila’y nagpakaligaw na madali sa daan na nilakaran ng kanilang mga magulang, na sumunod ng mga utos ng Panginoon; nguni’t hindi sila gumawa ng gayon.

18 At nang ipagbangon sila ng Panginoon ng mga hukom, ang Panginoon ay suma hukom, at iniligtas sila sa kamay ng kanilang mga kaaway sa lahat ng mga araw ng hukom: sapagka’t nagsisi ang Panginoon dahil sa kanilang daing, dahil doon sa mga pumighati sa kanila at nagpakalupit sa kanila.

19 Nguni’t nangyari pagkamatay ng hukom, na sila’y tumalikod at lalong sumama kay sa kanilang mga magulang sa pagsunod sa ibang mga dios, upang maglingkod sa kanila, at yumukod sa kanila; sila’y hindi naglikat sa kanilang mga gawa, ni sa kanilang tampalasang lakad.

20 At ang galit ng Panginoon ay nagalab laban sa Israel; at kaniyang sinabi, Sapagka’t sinalangsang ng bansang ito ang aking tipan na aking iniutos sa kanilang mga magulang, at hindi dininig ang aking tinig;

21 Hindi ko na naman palalayasin pa sa harap nila ang sinoman ng mga bansang iniwan ni Josue nang siya’y mamatay;

22 Upang sa pamamagitan nila’y aking masubok ang Israel, kung kanilang susundin o hindi ang daan ng Panginoon upang lakaran nila, na gaya ng inilakad ng kanilang mga magulang.

23 Kaya’t iniwan ng Panginoon ang mga bansang yaon, na hindi niya pinalayas silang biglaan; ni ibinigay sila sa kamay ni Josue.

Mga Hukom 3

1 Ito nga ang mga bansang iniwan ng Panginoon, upang subukin ang Israel sa pamamagitan nila, sa makatuwid baga’y sa mga hindi nakaalam ng mga pagbabaka sa Canaan;

2 Nang maalaman man lamang yaon ng mga sali’t saling lahi ng mga anak ni Israel, upang turuan sila ng pakikibaka, yaon man lamang nang una’y hindi nakaalam:

3 Ang nangabanggit ay ang limang pangulo ng mga Filisteo at ang lahat ng mga Cananeo, at ang mga Sidonio, at ang mga Heveo, na tumatahan sa bundok ng Libano, mula sa bundok ng Baal-hermon hanggang sa pasukan ng Hamath.

4 At sila nga upang subukin ang Israel sa pamamagitan nila, na maalaman kung kanilang didinggin ang mga utos ng Panginoon, na kaniyang iniutos sa kanilang mga magulang sa pamamagitan ni Moises.

5 At ang mga anak ni Israel ay tumahan sa gitna ng mga Cananeo, ng Hetheo, at ng Amorrheo, at ng Pherezeo, at ng Heveo, at ng Jebuseo:

6 At kinuha nila ang kanilang mga anak na babae upang maging mga asawa nila, at ibinigay ang kanilang sariling mga anak na babae sa kanilang mga anak na lalake, at naglingkod sa kanilang mga dios.

7 At ginawa ng mga anak ni Israel ang masama sa paningin ng Panginoon, at nilimot ang Panginoon nilang Dios, at naglingkod sa mga Baal at sa mga Aseroth.

8 Kaya’t ang galit ng Panginoon ay nagalab laban sa Israel, at kaniyang ipinagbili sila sa kamay ni Chusan-risathaim, na hari sa Mesopotamia: at ang mga anak ni Israel ay naglingkod kay Chusan-risathaim na walong taon.

9 At nang dumaing sa Panginoon ang mga anak ni Israel ay nagbangon ang Panginoon ng isang tagapagligtas sa mga anak ni Israel, na siyang nagligtas sa kanila, sa makatuwid baga’y si Othoniel na anak ni Cenaz, na kapatid na bata ni Caleb.

10 At ang Espiritu ng Panginoon ay sumakaniya, at siya’y naghukom sa Israel; at siya’y lumabas na nakibaka, at ibinigay ng Panginoon si Chusan-risathaim na hari sa Mesopotamia sa kaniyang kamay: at ang kaniyang kamay ay nanaig laban kay Chusan-risathaim.

11 At nagpahinga ang lupain na apat na pung taon. At si Othoniel na anak ni Cenaz ay namatay.

12 At ginawang muli ng mga anak ni Israel ang masama sa paningin ng Panginoon: at pinatibay ng Panginoon si Eglon na hari sa Moab laban sa Israel, sapagka’t kanilang ginawa ang masama sa paningin ng Panginoon.

13 At kaniyang tinipon ang mga anak ni Ammon at ni Amalec; at siya’y yumaon at sinaktan niya ang Israel, at kanilang inari ang bayan ng mga puno ng palma.

14 At ang mga anak ni Israel ay naglingkod kay Eglon na labing walong taon.

15 Nguni’t nang dumaing ang mga anak ni Israel sa Panginoon, ibinangon sa kanila ng Panginoon ang isang tagapagligtas, si Aod na anak ni Gera, ang Benjamita, na isang lalaking kaliwete. At ang mga anak ni Israel, ay nagpadala ng isang kaloob sa pamamagitan niya kay Eglon na hari sa Moab.

16 At si Aod ay gumawa ng isang tabak na may dalawang talim, na may isang siko ang haba; at kaniyang ibinigkis sa loob ng kaniyang suot, sa kaniyang dakong kanang hita.

17 At kaniyang inihandog ang kaloob kay Eglon na hari sa Moab: at si Eglon ay lalaking napakataba.

18 At nang siya’y matapos makapaghandog ng kaloob, ay pinapagpaalam niya ang mga tao na nagdala ng kaloob.

19 Nguni’t siya nga ay bumalik mula sa tibagan ng bato na nasa piling ng Gilgal, at nagsabi, Ako’y may isang pasugong lihim sa iyo, Oh hari. At kaniyang sinabi, Tumahimik ka. At yaong lahat na nakatayo sa siping niya, ay umalis sa harap niya.

20 At si Aod ay naparoon sa kaniya; at siya’y nakaupong magisa sa kaniyang kabahayan na pangtaginit. At sinabi ni Aod, Ako’y may dalang pasugo sa iyo na mula sa Dios. At siya’y tumindig sa kaniyang upuan.

21 At inilabas ni Aod ang kaniyang kaliwang kamay, at binunot ang tabak mula sa kaniyang kanang hita, at isinaksak sa kaniyang tiyan:

22 At pati ng puluhan ay sumuot na kasunod ng talim; at natikom ang taba sa tabak, sapagka’t hindi niya binunot ang tabak sa kaniyang tiyan; at lumabas sa likod.

23 Nang magkagayo’y lumabas si Aod sa pintuan, at sinarhan niya siya sa mga pintuan ng kabahayan, at pinagtatrangkahan.

24 Nang makalabas nga siya ay dumating ang kaniyang mga alila; at kanilang nakita, at, narito, ang mga pintuan ng kabahayan ay nakakandaduhan; at kanilang sinabi, Walang pagsalang kaniyang tinatakpan ang kaniyang mga paa sa kaniyang silid na pangtaginit.

25 At sila’y nangaghintay hanggang sa sila’y nangapahiya; at, narito, hindi niya binuksan ang mga pintuan ng kabahayan: kaya’t sila’y kumuha ng susi, at binuksan; at, narito, ang kanilang panginoon, ay nakabulagtang patay sa lupa.

26 At tumakas si Aod samantalang sila’y nangaghihintay, at siya’y dumaan sa dako roon ng tibagan ng bato at tumakas hanggang sa Seirath.

27 At nangyari, pagdating niya, ay kaniyang hinipan ang pakakak sa lupaing maburol ng Ephraim, at ang mga anak ni Israel ay nagsilusong na kasama niya mula sa lupaing maburol, at siya’y sa unahan nila.

28 At kaniyang sinabi sa kanila, Sumunod kayo sa akin; sapagka’t ibinigay ng Panginoon ang inyong mga kaaway na mga Moabita sa inyong kamay. At sila’y nagsilusong na kasunod niya, at sinakop ang mga tawiran sa Jordan laban sa mga Moabita, at hindi nila pinayagang tumawid doon ang sinomang tao.

29 At sila’y sumakit sa Moab nang panahong yaon ng may sangpung libong lalake, bawa’t lalaking may loob, at bawa’t lalaking may tapang; at doo’y walang nakatakas na lalake.

30 Gayon napasuko ang Moab nang araw na yaon, sa ilalim ng kapangyarihan ng kamay ng Israel: at ang lupa’y nagpahingang walong pung taon.

31 At pagkatapos niya’y si Samgar, na anak ni Anat, ay siyang nanakit sa mga Filisteo, ng anim na raang lalake, sa pamamagitan ng panundot sa baka: at kaniya ring iniligtas ang Israel.