Mga Hukom 14

1 At lumusong si Samson sa Timnah, at nakita ang isang babae sa Timnah sa mga anak ng mga Filisteo.

2 At siya’y umahon, at isinaysay sa kaniyang ama at sa kaniyang ina, at sinabi, Aking nakita ang isang babae sa Timnah, sa mga anak ng mga Filisteo: ngayon nga’y papagasawahin ninyo ako sa kaniya.

3 Nang magkagayo’y sinabi ng kaniyang ama at ng kaniyang ina sa kaniya, Wala na bang babae sa mga anak ng iyong kapatid, o sa aking buong bayan, na ikaw ay yayaong magaasawa sa mga di tuling Filisteo? At sinabi ni Samson sa kaniyang ama, Papag-asawahin mo ako sa kaniya; sapagka’t siya’y lubhang nakalulugod sa akin.

4 Nguni’t hindi naalaman ng kaniyang ama at ng kaniyang ina, na kalooban ng Panginoon; sapagka’t siya’y humahanap ng pagkakataon laban sa mga Filisteo. Nang panahong yaon nga’y nagpupuno ang mga Filisteo sa Israel.

5 Nang magkagayo’y lumusong si Samson, at ang kaniyang ama, at ang kaniyang ina, sa Timnah, at naparoon sa ubasan ng Timnah: at, narito, isang batang leon ay umuungal laban sa kaniya,

6 At ang Espiritu ng Panginoon ay makapangyarihang sumakaniya, at nilamuray niya siya na parang naglamuray ng isang batang kambing, at siya’y walang anoman sa kaniyang kamay; nguni’t hindi niya sinaysay sa kaniyang ama o sa kaniyang ina kung ano ang kaniyang ginawa.

7 At siya’y lumusong at nakipagusap sa babae, at siya’y lubhang nakalulugod kay Samson.

8 At pagkaraan ng sandali ay bumalik siya upang kunin niya siya, at siya’y lumiko upang tingnan ang patay na leon: at, narito, may isang kawan ng pukyutan sa loob ng bangkay ng leon, at pulot-pukyutan.

9 At kaniyang dinala sa kaniyang kamay at yumaon, na kinakain niya samantalang siya’y yumayaon, at siya’y naparoon sa kaniyang ama at ina, at ibinigay sa kanila, at kanilang kinain; nguni’t hindi niya sinaysay sa kanila na kaniyang kinuha ang pulot sa bangkay ng leon.

10 At nilusong ng kaniyang ama ang babae: at gumawa si Samson ng isang kasayahan doon; sapagka’t kinaugaliang ginagawang gayon ng mga binata.

11 At nangyari, pagkakita nila sa kaniya, na sila’y nagdala ng tatlong pung kasama, upang maging kasama niya.

12 At sinabi ni Samson sa kanila, Pagbubugtungan ko kayo: kung maisaysay ninyo sa akin sa loob ng pitong araw na kasayahan, at inyong maturingan, ay bibigyan ko nga kayo ng tatlong pung kasuutang lino at tatlong pung bihisan:

13 Nguni’t kung hindi ninyo maisaysay sa akin, ay bibigyan nga ninyo ako ng tatlong pung kasuutang lino at ng tatlong pung bihisan. At kanilang sinabi sa kaniya, Ipagbadya mo ang iyong bugtong, upang aming marinig.

14 At sinabi niya sa kanila, Sa mangangain ay lumabas ang pagkain, At sa malakas ay lumabas ang katamisan. At hindi nila maisaysay sa tatlong araw.

15 At nangyari, nang ikapitong araw, na kanilang sinabi sa asawa ni Samson, Dayain mo ang iyong asawa, upang maisaysay niya sa amin ang bugtong, baka ikaw ay sunugin namin at ang sangbahayan ng iyong ama: inanyayahan ba ninyo kami upang papaghirapin? di ba gayon?

16 At umiyak ang asawa ni Samson sa harap niya, at nagsabi, Kinapopootan mo lamang ako, at hindi mo ako iniibig: ikaw ay nagbugtong ng isang bugtong sa mga anak ng aking bayan, at hindi mo isinaysay sa akin. At sinabi niya sa kaniya, Narito, hindi ko isinaysay sa aking ama, o sa aking ina man, at akin bang sasaysayin sa iyo?

17 At umiyak siya sa harap niya na pitong araw, habang hindi natapos ang kanilang kasayahan: at nangyari nang ikapitong araw, na isinaysay niya sa kaniya, sapagka’t pinilit niya siya: at isinaysay niya ang bugtong sa mga anak ng kaniyang bayan.

18 At sinabi ng mga lalake sa bayan kay Samson nang ikapitong araw bago lumubog ang araw. Alin kaya ang lalong matamis kay sa pulot? at ano pa kaya ang lalong malakas kay sa leon? At sinabi niya sa kanila. Kung hindi kayo nag-araro ng aking dumalaga, Hindi sana ninyo naturingan ang aking bugtong.

19 At ang Espiritu ng Panginoon ay makapangyarihang sumakaniya, at siya’y lumusong sa Ascalon, at pumatay ng tatlong pung lalake sa kanila, at kinuha ang samsam sa kanila, at ibinigay ang mga bihisan sa mga nakaturing ng bugtong at ang kaniyang galit ay nagalab, at siya’y umahon sa bahay ng kaniyang ama.

20 Nguni’t ang asawa ni Samson ay ibinigay sa kaniyang kasama, na siya niyang inaaring parang kaniyang kaibigan.

Mga Hukom 15

1 Nguni’t nangyari pagkatapos ng sangdaling panahon, sa panahon ng pagaani ng trigo, na dumalaw si Samson na may dalang isang anak ng kambing sa kaniyang asawa; at kaniyang sinabi, Aking papasukin ang aking asawa sa loob ng silid. Nguni’t ayaw papasukin siya ng kaniyang biyanang lalake.

2 At sinabi ng kaniyang biyanang lalake, Aking tunay na inisip na iyong lubos na kinapootan siya; kaya’t aking ibinigay siya sa iyong kasama: di ba ang kaniyang kapatid na bata ay maganda kay sa kaniya? Isinasamo ko sa iyo na kunin mong kahalili niya.

3 At sinabi ni Samson sa kanila, Ngayon ay wala akong ipagkakasala sa mga Filisteo, kung gawan ko man sila ng kasamaan.

4 At yumaon si Samson at humuli ng tatlong daang zorra at kumuha ng mga sigsig at pinag-kabitkabit ang mga buntot, at nilagyan ng isang sigsig sa gitna ng pagitan ng bawa’t dalawang buntot.

5 At nang kaniyang masulsulan ang mga sigsig, ay kaniyang binitiwan sa nakatayong trigo ng mga Filisteo at sinunog kapuwa ang mga mangdala at ang nakatayong trigo, at gayon din ang mga olibohan.

6 Nang magkagayo’y sinabi ng mga Filisteo, Sinong gumawa nito? At kanilang sinabi, Si Samson na manugang ni Timnateo, sapagka’t kaniyang kinuha ang asawa niya at ibinigay sa kaniyang kasama. At sumampa ang mga Filisteo, at sinunog ang babae at ang kaniyang ama.

7 At sinabi ni Samson sa kanila, Kung ginawa ninyo ang ganito ay walang pagsalang aking igaganti sa inyo; at pagkatapos ay magtitigil ako.

8 At sinaktan niya sila, sa hita at sasapnan ng di kawasang pagpatay: at siya’y bumaba at tumahan sa isang guwang ng bato ng Etam.

9 Nang magkagayo’y nagsisampa ang mga Filisteo, at humantong sa Juda, at nagsikalat sa Lehi.

10 At sinabi ng mga lalake sa Juda, Bakit kayo nagsisampa laban sa amin? At kanilang sinabi, Upang gapusin si Samson kung kaya’t kami ay nagsisampa upang gawin sa kaniya ang gaya ng ginawa niya sa amin.

11 Nang magkagayo’y ang tatlong libong lalake sa Juda ay nagsilusong sa guwang ng bato ng Etam, at sinabi kay Samson, Hindi mo ba nalalaman na ang mga Filisteo ay nagpupuno sa atin? ano nga itong ginawa mo sa amin? At sinabi niya sa kanila, Kung paano ang ginawa nila sa akin ay gayon ang ginawa ko sa kanila.

12 At sinabi nila sa kaniya, Kami ay nagsilusong upang gapusin ka, upang maibigay ka namin sa kamay ng mga Filisteo. At sinabi ni Samson sa kanila, Sumumpa kayo sa akin, na hindi kayo ang dadaluhong sa akin.

13 At sinalita nila sa kaniya, Hindi kundi gagapusin ka lamang namin, at ibibigay sa kanilang kamay: nguni’t tunay na hindi ka namin papatayin. At kanilang ginapos siya ng dalawang bagong lubid, at iniahon mula sa bato.

14 Nang siya’y dumating sa Lehi, ang mga Filisteo ay naghihiyawan samantalang sinasalubong nila siya: at ang Espiritu ng Panginoon ay makapangyarihang sumakaniya, at ang mga lubid na nasa kaniyang mga bisig ay naging parang lino na nasupok sa apoy, at ang kaniyang mga tali ay nalaglag sa kaniyang mga kamay.

15 At siya’y nakasumpong ng isang bagong panga ng asno, at iniunat ang kaniyang kamay, at kinuha, at ipinanakit sa isang libong lalake.

16 At sinabi ni Samson, Sa pamamagitan ng panga ng isang asno, ay nagkabuntonbunton, Sa pamamagitan ng panga ng isang asno ay nanakit ako ng isang libong lalake.

17 At nangyari, pagkatapos niyang makapagsalita, na kaniyang inihagis ang panga na nasa kaniyang kamay, at ang dakong yao’y tinawag na Ramath-lehi.

18 At siya’y nauhaw na mainam at tumawag sa Panginoon, at sinabi, Iyong ibinigay itong dakilang kaligtasan sa kamay ng iyong lingkod: at ngayo’y mamamatay ako dahil sa uhaw at mahuhulog sa kamay ng mga hindi tuli.

19 Nguni’t binuksan ng Dios ang isang guwang na nasa Lehi, at nilabasan ng tubig yaon; at nang siya’y makainom, ang kaniyang diwa ay nanumbalik, at siya’y nabuhay: kaya’t ang pangalan niyaon ay tinawag na En-haccore, na nasa Lehi hanggang sa araw na ito.

20 At siya’y naghukom sa Israel sa mga kaarawan ng mga Filisteo, ng dalawang pung taon.

Mga Hukom 16

1 At naparoon si Samson sa Gaza, at nakakita roon ng isang patutot at sinipingan.

2 At ibinalita sa mga taga Gaza na sinasabi, Si Samson ay naparito. At kanilang kinulong siya, at binakayan siya buong gabi sa pintuang-bayan, at tahimik buong gabi, na sinasabi, Maghintay tayo hanggang magbukang liwayway, saka natin patayin siya.

3 At si Samson ay humiga hanggang hating gabi, at bumangon sa hating gabi at humawak sa mga pinto ng pintuang-bayan, at sa dalawang haligi, at kapuwa binunot, pati ng sikang, at pinasan sa kaniyang mga balikat, at isinampa sa taluktok ng bundok na nasa tapat ng Hebron.

4 At nangyari pagkatapos, na siya’y suminta sa isang babae sa libis ng Sorec, na ang pangala’y Dalila.

5 At inahon ng mga pangulo ng mga Filisteo ang babae, at sinabi sa kaniya: Dayain mo siya, at tingnan mo kung saan naroon ang kaniyang dakilang kalakasan, at sa anong paraan mananaig kami laban sa kaniya upang aming matalian at mapighati siya: at bibigyan ka ng bawa’t isa sa amin ng isang libo’t isang daang putol na pilak.

6 At sinabi ni Dalila kay Samson, Saysayin mo sa akin, isinasamo ko sa iyo, kung saan naroon ang iyong dakilang kalakasan, at kung paanong matatalian ka upang pighatiin ka.

7 At sinabi ni Samson sa kaniya, Kung tatalian nila ako ng pitong sariwang yantok na kailan man ay hindi natuyo, ay hihina ako, at ako’y magiging gaya ng alinmang tao.

8 Nang magkagayo’y nagdala ang mga pangulo ng mga Filisteo sa kaniya ng pitong sariwang yantok na hindi pa natutuyo, at ipinagtali niya sa kaniya.

9 Ngayo’y may mga bakay na sa silid sa loob. At sinabi niya sa kaniya, Narito na sa iyo ang mga Filisteo, Samson. At kaniyang pinatid ang mga yantok, na tulad sa taling estopa pagka nadidikitan ng apoy. Sa gayo’y hindi naalaman ang kaniyang lakas.

10 At sinabi ni Dalila kay Samson, Narito, pinaglaruan mo ako, at pinagbulaanan mo ako: isinasamo ko ngayon sa iyo na saysayin mo sa akin kung paano matatalian ka.

11 At sinabi niya sa kaniya, Kung tatalian lamang nila ako ng mga bagong lubid na hindi pa nagagamit, ay hihina nga ako at magiging gaya ng alinmang tao.

12 Sa gayo’y kumuha si Dalila ng mga bagong lubid, at itinali sa kaniya, at sinabi sa kaniya, Narito na sa iyo ang mga Filisteo, Samson. At ang mga bakay ay nangasa silid sa loob. At pawang pinatid niya sa kaniyang mga bisig na parang sinulid.

13 At sinabi ni Dalila kay Samson, Hanggang dito’y pinaglaruan mo ako, at pinagbulaanan mo ako: saysayin mo sa akin kung paanong matatalian ka. At sinabi niya sa kaniya, Kung iyong hahabihin ang pitong tirintas sa aking ulo ng hinabing kayo.

14 At kaniyang pinagtibay ng tulos, at sinabi sa kaniya, Narito na sa iyo ang mga Filisteo, Samson. At siya’y gumising sa kaniyang pagkakatulog, at binunot ang tulos ng panghabi, at ang hinabi.

15 At sinabi niya sa kaniya, Bakit nasasabi mo, na iniibig kita, sa bagay ang iyong puso ay hindi sumasaakin? pinaglaruan mo akong makaitlo, at hindi mo isinaysay sa akin kung saan nagpapahinga ang iyong dakilang kalakasan.

16 At nangyari, nang kaniyang igiit araw araw, at kaniyang ipilit sa kaniya, na ang kaniyang loob ay naligalig sa ikamamatay.

17 At isinaysay niya sa kaniya ang kaniyang buong taglayin sa kaniyang puso, at sinabi sa kaniya, Walang pangahit na nagdaan sa aking ulo; sapagka’t ako’y naging Nazareo sa Dios mula sa tiyan ng aking ina: kung ako’y ahitan, hihiwalay nga sa akin ang aking lakas, at ako’y hihina, at magiging gaya ng alinmang tao.

18 At nang makita ni Dalila na sinaysay sa kaniya, ang buong taglayin niya sa kaniyang puso, ay nagsugo siya at tinawag ang mga pangulo ng mga Filisteo, na sinasabi, Ahunin pa ninyong minsan, sapagka’t sinaysay niya sa akin ang buong taglayin niya sa kaniyang puso. Nang magkagayo’y inahon siya ng mga pangulo ng mga Filisteo, at nagdala ng salapi sa kanilang kamay.

19 At pinatulog niya siya sa kaniyang mga tuhod; at nagpatawag siya ng isang lalake, at inahit ang pitong tirintas sa kaniyang ulo; at pinasimulan niyang pighatiin siya, at ang kaniyang lakas ay nawala.

20 At sinabi niya, Narito na sa iyo ang mga Filisteo, Samson. At siya’y gumising sa kaniyang pagkakatulog, at sinabi, Ako’y lalabas na gaya ng dati, at ako’y magpupumiglas. Nguni’t hindi niya talos na ang Panginoo’y humiwalay sa kaniya.

21 At hinuli ng mga Filisteo, at dinukit ang kaniyang mga mata; at inilusong nila sa Gaza, at tinalian siya ng mga pangaw na tanso; at siya’y gumiling sa bilangguan.

22 Gayon ma’y nagpasimulang tumubo uli ang buhok ng kaniyang ulo, pagkatapos na siya’y maahitan.

23 At nagpipisan ang mga pangulo ng mga Filisteo upang maghandog ng isang dakilang hain kay Dagon na kanilang dios, at mangagalak: sapagka’t kanilang sinabi, Ibinigay ng ating dios si Samson na ating kaaway sa ating kamay.

24 At nang makita siya ng bayan, ay kanilang pinuri ang kanilang dios: sapagka’t kanilang sinabi, Ibinigay ng ating dios sa ating kamay ang ating kaaway, at ang mangwawasak sa ating lupain, na pumatay sa marami sa atin.

25 At nangyari, nang masayahan ang kanilang puso, na kanilang sinabi, Tawagin si Samson, upang siya’y ating mapaglaruan. At tinawag nga si Samson mula sa bilangguan; at siya’y pinaglaruan nila. At kanilang inilagay sa pagitan ng mga haligi:

26 At sinabi ni Samson sa bata na umaakay sa kaniya sa kamay, Ipahipo mo sa akin ang mga haliging pumipigil ng bahay, upang aking mangahiligan.

27 Ang bahay nga ay puno ng mga lalake at babae, at ang lahat ng mga pangulo ng mga Filisteo ay nandoon; at sa bubungan ay may tatlong libong lalake at babae, na nanonood samantalang pinaglalaruan si Samson.

28 At tumawag si Samson sa Panginoon, at sinabi, Oh Panginoong Dios, idinadalangin ko sa iyo na alalahanin mo ako, at idinadalangin ko sa iyong palakasin mo ako, na minsan na lamang, Oh Dios, upang maiganti kong paminsan sa mga Filisteo ang aking dalawang mata.

29 At si Samson ay pumigil sa dalawang gitnang haligi na pumipigil ng bahay, at isinuhay sa mga yaon, ang isa sa kaniyang kanang kamay, at ang isa’y sa kaniyang kaliwa.

30 At sinabi ni Samson, Mamatay nawa akong kasama ng mga Filisteo, At iniubos niya ang kaniyang buong lakas; at ang bahay ay bumagsak sa mga pangulo, at sa buong bayan na nandoon sa loob. Sa gayo’y ang nangamatay na kaniyang pinatay sa kaniyang kamatayan ay higit kay sa pinatay niya sa kaniyang kabuhayan.

31 Nang magkagayo’y lumusong ang kaniyang mga kapatid at ang buong sangbahayan ng kaniyang ama, at kinuha siya, at iniahon siya, at inilibing siya sa pagitan ng Sora at Esthaol sa libingan ni Manoa na kaniyang ama. At siya’y naghukom sa Israel na dalawang pung taon.

Mga Hukom 17

1 At may isang lalake sa lupaing maburol ng Ephraim, na ang pangala’y Michas.

2 At sinabi niya sa kaniyang ina, Ang isang libo at isang daang putol na pilak na kinuha sa iyo, na siyang ikinapagtungayaw mo, at sinalita mo rin sa aking mga pakinig, narito, ang pilak ay nasa akin; aking kinuha. At sinabi ng kaniyang ina, Pagpalain nawa ng Panginoon ang aking anak.

3 At isinauli niya ang isang libo at isang daang putol na pilak sa kaniyang ina, at sinabi ng kaniyang ina, Aking tunay na itinalaga ng aking kamay ang pilak na ito sa Panginoon, na ukol sa aking anak, upang igawa ng isang larawang inanyuan at ng isang larawang binubo: kaya ngayo’y isasauli ko sa iyo.

4 At nang kaniyang isauli ang salapi sa kaniyang ina, ay kinuha ng kaniyang ina ang dalawang daang putol na pilak na ibinigay sa mga mangbububo, na siyang gumawa ng isang larawang inanyuan at ng isang larawang binubo: at nasa bahay ni Michas.

5 At ang lalaking si Michas ay nagkaroon ng isang bahay ng mga dios, at siya’y gumawa ng isang epod at mga terap at itinalaga ang isa ng kaniyang mga anak, na maging kaniyang saserdote.

6 Nang mga araw na yaon ay walang hari sa Israel: bawa’t tao’y gumagawa ng minamatuwid niya sa kaniyang sariling mga mata.

7 At may isa namang may kabataan sa Bethlehem-juda, sa angkan ni Juda; na isang Levita; at siya’y nakikipamayan doon.

8 At ang lalake ay umalis sa bayan, sa Bethlehem-juda, upang makipamayan kung saan siya makakasumpong ng matutuluyan: at siya’y naparoon sa lupaing maburol ng Ephraim, sa bahay ni Michas habang siya’y naglalakbay.

9 At sinabi ni Michas sa kaniya, Saan ka nanggaling? At sinabi niya sa kaniya, Ako’y Levita sa Bethlehem-juda, at ako’y yayaong makikipamayan kung saan ako makasumpong ng matutuluyan.

10 At sinabi ni Michas sa kaniya, Tumahan ka sa akin, at ikaw ay maging sa akin ay isang ama at isang saserdote, at bibigyan kita ng sangpung putol na pilak isang taon, at ng bihisan, at ng iyong pagkain. Sa gayo’y ang Levita ay pumasok.

11 At ang Levita ay nakipagkasundong tumahang kasama ng lalake: at ang binata sa kaniya’y parang isa sa kaniyang mga anak.

12 At itinalaga ni Michas ang Levita, at ang binata ay naging kaniyang saserdote, at nasa bahay ni Michas.

13 Nang magkagayo’y sinabi ni Michas, Ngayo’y talastas ko, na gagawan ako ng mabuti ng Panginoon, yamang ako’y may isang Levita na pinakasaserdote ko.

Mga Hukom 18

1 Nang mga araw na yaon ay walang hari sa Israel: at nang panahong yaon ay humahanap ang lipi ng mga Danita, ng isang mana na matatahanan; sapagka’t hanggang sa araw na yaon, ay hindi nahuhulog sa mga lipi ng Israel ang kanilang mana.

2 At ang mga anak ni Dan ay nagsugo ng limang lalake ng kanilang angkan, sa kanilang kabuoang bilang, ng mga lalaking may tapang, na mula sa Sora, at sa Esthaol, upang tiktikan ang lupain, at kilalanin; at sinabi nila sa kanila, Kayo’y yumaon, at inyong kilalanin ang lupain. At sila’y naparoon sa lupaing maburol ng Ephraim, sa bahay ni Michas, at tumuloy roon.

3 Nang sila’y malapit sa bahay ni Michas, ay nakilala nila ang tinig ng binatang Levita: at sila’y lumiko roon, at sinabi nila sa kaniya, Sinong nagdala sa iyo rito? at ano ang iyong ginagawa sa dakong ito? at anong mayroon ka rito?

4 At sinabi niya sa kanila, Ganito’t ganito ang ginawa sa akin ni Michas, at kaniyang kinayaring upahan ako, at ako’y naging kaniyang saserdote.

5 At sinabi nila sa kaniya, Isinasamo namin sa iyo na usisain mo sa Dios, upang aming maalaman, kung ang aming lakad ay papalarin.

6 At sinabi ng saserdote sa kanila, Yumaon kayong payapa: nasa harap ng Panginoon ang daang inyong nilalakaran.

7 Nang magkagayo’y lumakad ang limang lalake at dumating sa Lais, at nakita ang bayan na naroon, kung paanong sila’y tumatahan sa katiwasayan, na gaya ng mga Sidonio, na tahimik at tiwasay: sapagka’t wala sa lupain na nagaaring may kapangyarihan na makapagbibigay kahihiyan sa alin mang bagay, at malayo sa mga Sidonio, at walang pagkikipagkasundo sa kaninoman.

8 At sila’y naparoon sa kanilang mga kapatid sa Sora at Esthaol: at sinabi ng kanilang mga kapatid sa kanila, Ano kayo?

9 At kanilang sinabi, Kayo’y bumangon at tayo’y umahon laban sa kanila: sapagka’t aming nakita ang lupain, at, narito, napakabuti: at natatamad ba kayo? huwag kayong magmakupad na yumaon at pumasok upang ariin ang lupain.

10 Paglakad ninyo’y darating kayo sa isang bayang tiwasay, at ang lupain ay malaki: sapagka’t ibinigay ng Dios sa inyong kamay, isang dakong walang kakailanganing anomang bagay na nasa lupa.

11 At umalis mula roon ang ilan sa angkan ng mga Danita, mula sa Sora at sa Esthaol, na anim na raang lalake na may sandata ng mga kasakbatan na pangdigma.

12 At sila’y yumaon, at humantong sa Chiriath-jearim, sa Juda; kaya’t kanilang tinawag ang dakong yaon na Mahane-dan hanggang sa araw na ito: narito, ito’y nasa likod ng Chiriath-jearim.

13 At sila’y nagdaan doon hanggang sa lupaing maburol ng Ephraim, at naparoon sa bahay ni Michas.

14 Nang magkagayo’y sumagot ang limang lalake na tumiktik ng lupain ng Lais, at sinabi sa kanilang mga kapatid, Nalalaman ba ninyo na mayroon sa mga bahay na ito na isang epod, at mga terap, at isang larawang inanyuan, at isang larawang binubo? ngayon nga’y akalain ninyo ang marapat ninyong gawin.

15 At sila’y lumiko roon, at naparoon sa bahay ng binatang Levita, sa makatuwid baga’y hanggang sa bahay ni Michas, at tinanong nila siya ng kaniyang kalagayan.

16 At ang anim na raang lalake na may sandata ng kanilang mga kasakbatan na pangdigma, na pawang mga anak ni Dan, ay nagsitayo sa pasukan ng pintuang-bayan.

17 At ang limang lalake na yumaong tumiktik ng lupain ay nagsiahon at pumasok doon, at kinuha ang larawang inanyuan, at ang epod, at ang mga terap, at ang larawang binubo, at ang saserdote ay nakatayo sa pasukan ng pintuang-bayan na kasama ng anim na raang lalake na may sandata ng kanilang mga kasakbatang pangdigma.

18 At nang pumasok ang mga ito sa bahay ni Michas, at makuha ang larawang inanyuan, ang epod, at ang mga terap, at ang larawang binubo, ay sinabi ng saserdote sa kanila, Ano ang inyong gagawin?

19 At sinabi nila sa kaniya, Pumayapa ka, itakip mo ang iyong kamay sa iyong bibig at sumama ka sa amin, at maging ama at saserdote ka namin: magaling ba kaya sa iyo ang maging saserdote sa bahay ng isang lalake o maging saserdote sa isang lipi at sa isang angkan sa Israel?

20 At natuwa ang puso ng saserdote, at kaniyang kinuha ang epod, at ang mga terap, at ang larawang inanyuan, at yumaon sa gitna ng bayan.

21 Sa gayo’y bumalik sila, at yumaon, at inilagay ang mga bata at ang kawan, at ang mga daladalahan, sa unahan nila.

22 Nang sila’y malayo na sa bahay ni Michas, ang mga lalaking nasa mga bahay na kalapit ng bahay ni Michas ay nagpipisan at inabot ang mga anak ni Dan.

23 At kaniyang sinigawan ang mga anak ni Dan. At inilingon nila ang kanilang mga mukha, at sinabi kay Michas, Anong mayroon ka, na ikaw ay nagpisan ng ganyang pulutong?

24 At kaniyang sinabi, Inyong kinuha ang aking mga dios na aking ginawa, at ang saserdote, at kayo’y yumaon, at ano pang mayroon ako? at bakit nga sasabihin ninyo sa akin, Anong mayroon ka?

25 At sinabi ng mga anak ni Dan sa kaniya, Huwag ng marinig ang iyong tinig, baka daluhungin ka ng mga mapusok na kasama, at iyong iwala ang iyong buhay, pati ng buhay ng iyong sangbahayan.

26 At ipinagpatuloy ng mga anak ni Dan ang kanilang lakad: at nang makita ni Michas na sila’y totoong malakas kay sa kaniya, ay bumalik at umuwi sa kaniyang bahay.

27 At kanilang kinuha ang ginawa ni Michas, at ang saserdote na kaniyang tinatangkilik, at naparoon sa Lais, sa bayang tahimik at tiwasay, at sinaktan nila ng talim ng tabak: at sinunog nila ang bayan.

28 At walang magligtas, sapagka’t malayo sa Sidon, at sila’y walang pakikipagkasundo sa kanino man, at nasa libis na lumalaganap sa dakong Bethrehob. At kanilang itinayo ang bayan, at tinahanan nila.

29 At kanilang tinawag na Dan ang pangalan ng bayan, ayon sa pangalan ni Dan na kanilang ama na ipinanganak sa Israel: gayon ma’y ang pangalan ng bayan nang una ay Lais.

30 At itinayo sa kanilang sarili ng mga anak ni Dan ang larawang inanyuan: at si Jonathan na anak ni Gerson, na anak ni Moises, siya at ang kaniyang mga anak ay siyang mga saserdote sa lipi ng mga Danita hanggang sa araw ng pagkabihag sa lupain.

31 Gayon nila itinayo ang larawang inanyuan ni Michas na kaniyang ginawa, sa buong panahon na ang bahay ng Dios ay nasa Silo.

Mga Hukom 19

1 At nangyari nang mga araw na yaon, nang walang hari sa Israel, na may isang Levita na nakikipamayan sa malayong dako ng lupaing maburol ng Ephraim, na kumuha ng babae mula sa Bethlehem-juda.

2 At ang kaniyang babae ay nagpatutot at iniwan siya na napasa bahay ng kaniyang ama sa Bethlehem-juda, at dumoon sa loob ng apat na buwan.

3 At ang kaniyang asawa ay yumaon at sumunod sa kaniya, upang makiusap na maigi sa kaniya, na ibalik siya, na kasama ang kaniyang bataan, at dalawang magkatuwang na asno: at ipinasok siya ng babae sa bahay ng kaniyang ama: at nang makita siya ng ama ng babae, ay galak na sinalubong siya.

4 At pinigil siya ng kaniyang biyanan, ng ama ng babae; at siya’y tumahang kasama niya na tatlong araw: sa gayo’y sila’y nagkainan at naginuman, at tumuloy roon.

5 At nangyari nang ikaapat na araw, na sila’y bumangong maaga ng kinaumagahan, at siya’y bumangon upang yumaon: at sinabi ng ama ng babae sa kaniyang manugang, Palakasin mo muna ang iyong puso ng isang subong tinapay, at pagkatapos ay ipagpatuloy ninyo ang inyong lakad.

6 Sa gayo’y naupo sila, at kumain at uminom silang dalawa: at sinabi ng ama ng babae sa lalake, Isinasamo ko sa iyo na magsaya ka, at magpahinga sa buong gabi, at matuwa ang iyong puso.

7 At ang lalake ay bumangon upang umalis; nguni’t pinilit siya ng kaniyang biyanan; at siya’y tumigil uli roon.

8 At siya’y bumangong maaga sa kinaumagahan nang ikalimang araw upang yumaon; at sinabi ng ama ng babae, Isinasamo ko sa iyong palakasin mo muna ang iyong puso, at maghintay ka hanggang sa kumulimlim ang araw; at sila’y kumain, silang dalawa.

9 At nang tumindig ang lalake upang yumaon, siya, at ang kaniyang babae, at ang kaniyang bataan, ay sinabi ng kaniyang biyanan, na ama ng kaniyang babae, sa kaniya, Narito, ngayo’y ang araw ay gumagabi na, isinasamo ko sa inyong magpahinga sa buong gabi: narito, ang araw ay nananaw; tumigil dito, upang ang iyong puso ay sumaya; at bukas ay yumaon kayong maaga sa inyong paglakad, upang makauwi ka.

10 Nguni’t hindi na inibig ng lalake na magpahinga roon nang gabing yaon, kundi siya’y tumindig at yumaon at tinapat ang Jebus (na siyang Jerusalem): at may dala siyang dalawang magkatuwang na asno na gayak; ang kaniyang babae ay kasama rin niya.

11 Nang sila’y nasa tabi na ng Jebus, ang araw ay nananaw; at sinabi ng bataan sa kaniyang panginoon, Isinasamo ko sa iyo na halina, at tayo’y lumiko sa bayang ito ng mga Jebuseo, at tumigil dito.

12 At sinabi ng kaniyang panginoon sa kaniya, Hindi tayo liliko sa bayan ng iba, na hindi sa mga anak ni Israel; kundi dadaan tayo sa Gabaa.

13 At sinabi niya sa kaniyang alipin, Halina at tayo’y lumapit sa isa sa mga dakong ito; at tayo’y titigil sa Gabaa o sa Rama.

14 Sa gayo’y nagdaan sila at nagpatuloy ng kanilang paglakad; at nilubugan sila ng araw sa malapit sa Gabaa, na nauukol sa Benjamin.

15 At sila’y lumiko roon, upang pumasok na tumigil sa Gabaa: at sila’y pumasok, at naupo sila sa lansangan ng bayan: sapagka’t walang taong magpatuloy sa kanila.

16 At, narito, may umuwing isang matandang lalake na galing sa kaniyang paggawa sa bukid sa paglubog ng araw; ang lalake nga’y taga lupaing maburol ng Ephraim, at nakikipamayan sa Gabaa; nguni’t ang mga tao sa dakong yaon ay mga Benjamita.

17 At itiningin niya ang kaniyang mga mata, at nakita niya ang naglalakbay sa lansangan ng bayan; at sinabi ng matandang lalake, Saan ka paroroon? at saan ka nanggaling?

18 At sinabi niya sa kaniya, Kami ay nagdadaang mula sa Bethlehem-juda na patungo sa malayong dako ng lupaing maburol ng Ephraim; tagaroon ako at ako’y naparon sa Bethlehem-juda: at ako’y pasasabahay ng Panginoon; at walang taong magpatuloy sa akin.

19 Gayon man ay may dayami at damo para sa aming mga asno; at may tinapay at alak naman para sa akin, at sa iyong lingkod na babae, at sa batang kasama ng iyong mga lingkod: walang kakulangang anomang bagay,

20 At sinabi ng matandang lalake, Kapayapaan nawa ang sumaiyo; sa anomang paraa’y pabayaan mo sa akin ang lahat ng iyong mga kailangan: at huwag ka lamang tumigil sa lansangan.

21 Sa gayo’y kaniyang ipinasok sa kaniyang bahay, at binigyan ng pagkain ang mga asno: at sila’y naghugas ng kanilang mga paa, at nagkainan at naginuman.

22 Nang nangatutuwa na ang kanilang mga puso, narito, ang mga lalake sa bayan, na ilang hamak na tao, ay kinubkob ang bahay sa palibot, na hinahampas ang pintuan; at sila’y nagsalita sa may-ari ng bahay, sa matanda, na sinasabi, Ilabas mo ang lalake na pumasok sa iyong bahay upang makilala namin siya.

23 At lumabas sa kanila ang lalake, ang may-ari ng bahay, at sinabi sa kanila, Huwag, mga kapatid ko, isinasamo ko sa inyong huwag kayong gumawa ng ganiyang kasamaan; yamang ang lalaking ito’y pumasok sa aking bahay, ay huwag ninyong gawin ang kaululang ito.

24 Narito, nandito ang aking anak na dalaga, at ang kaniyang babae; akin silang ilalabas ngayon, at pangayupapain ninyo sila, at gawin ninyo sa kanila ang magalingin ninyo sa kanila: nguni’t sa lalaking ito ay huwag kayong gumawa ng anomang masama.

25 Nguni’t hindi siya dininig ng mga lalake: sa gayo’y hinawakan ng lalake ang kaniyang babae at inilabas sa kanila: at sinipingan nila siya, at hinalay buong gabi hanggang sa kinaumagahan; at nang magbukang liwayway, ay pinayaon nila siya.

26 Nang magkagayo’y dumating ang babae, pagbubukang liwayway, at nabuwal sa pintuan ng bahay ng lalake, na kinaroroonan ng kaniyang panginoon, hanggang sa lumiwanag.

27 At bumangon ang kaniyang panginoon ng kinaumagahan, at ibinukas ang mga pinto ng bahay, at lumabas na nagpatuloy ng kaniyang lakad: at, narito, ang babae na kaniyang kinakasama ay nakabuwal sa pintuan ng bahay, na ang kaniyang mga kamay ay nasa tayuan.

28 At sinabi niya sa kaniya, Bumangon ka, at tayo na; nguni’t walang sumagot: nang magkagayo’y kaniyang isinakay sa asno; at ang lalake ay bumangon, at napasa kaniyang dako.

29 At nang siya’y pumasok sa kaniyang bahay, ay kumuha siya ng isang sundang, at itinaga sa kaniyang babae, at pinagputolputol siya ayon sa kaniyang buto, ng labing dalawang putol; at ipinadala siya sa lahat ng hangganan ng Israel.

30 At nangyari, na lahat ng nakakita ay nagsabi, Walang ganitong gawang ginawa o nakita man mula sa araw na umahon ang mga anak ni Israel na mula sa lupain ng Egipto hanggang sa araw na ito: kayo’y magdilidili, pumayo, at magsalita.

Mga Hukom 20

1 Nang magkagayo’y lumabas ang lahat ng mga anak ni Israel, at ang kapisanan ay nagpisang gaya ng isang tao sa Panginoon sa Mizpa, mula sa Dan hanggang sa Beer-seba, na kalakip ng lupain ng Galaad.

2 At nagsiharap ang mga pinuno ng buong bayan, sa makatuwid baga’y ng lahat ng mga lipi ng Israel, sa kapulungan ng bayan ng Dios, na apat na raang libong lalake na humahawak ng tabak.

3 (Nabalitaan nga ng mga anak ni Benjamin na umahon ang mga anak ni Israel sa Mizpa.) At sinabi ng mga anak ni Israel, Saysayin ninyo sa amin kung bakit ang kasamaang ito ay nangyari?

4 At ang Levita, ang asawa ng babaing pinatay, ay sumagot at kaniyang sinabi, Ako’y naparoon sa Gabaa na ukol sa Benjamin, ako at ang aking babae upang tumigil.

5 At bumangon ang mga lalake sa Gabaa laban sa akin, at kinubkob ang bahay sa palibot laban sa akin nang kinagabihan; ako’y kanilang pinagakalaang patayin, at kanilang dinahas ang aking babae, at siya’y namatay.

6 At aking kinuha ang aking babae, at aking pinagputolputol, at ipinadala ko sa buong lupain ng mana ng Israel: sapagka’t sila’y nagkasala ng kalibugan at ng kaululan sa Israel.

7 Narito, kayong mga anak ni Israel, kayong lahat, ibigay ninyo rito ang inyong payo at pasiya.

8 At ang buong bayan ay bumangong parang isang tao, na nagsasabi, Hindi na babalik ang sinoman sa amin sa kaniyang tolda, ni uuwi man ang sinoman sa amin sa kaniyang bahay.

9 Kundi ngayo’y ito ang bagay na aming gagawin sa Gabaa; magsisiahon kami laban sa kaniya na aming pagsasapalaran;

10 At magsisikuha kami ng sangpung lalake sa isang daan, sa lahat ng mga lipi ng Israel, at isang daan sa isang libo, at isang libo sa sangpung libo, upang ipagbaon ng pagkain ang bayan, upang kanilang gawin pagparoon nila sa Gabaa ng Benjamin ang ayon sa buong kaululang kanilang ginawa sa Israel.

11 Sa gayo’y nagpipisan ang lahat ng mga lalake ng Israel laban sa bayang yaon, na nagtibay na magkakapisang parang isang tao.

12 At nagsugo ang mga lipi ng Israel ng mga lalake sa buong lipi ng Benjamin, na sinasabi, Anong kasamaan ito na nangyari sa gitna ninyo?

13 Ngayon nga’y ibigay ninyo ang mga lalake, ang mga hamak na tao, na nasa Gabaa, upang aming patayin sila, at alisin ang kasamaan sa Israel. Nguni’t hindi dininig ng mga anak ni Benjamin ang tinig ng kanilang mga kapatid na mga anak ni Israel.

14 At nagpisan ang mga anak ni Benjamin sa mga bayang patungo sa Gabaa, upang lumabas na makibaka laban sa mga anak ni Israel.

15 At ang mga anak ni Benjamin ay binilang nang araw na yaon sa mga bayan, na dalawang pu’t anim na libong lalake na humahawak ng tabak, bukod pa ang mga tumatahan sa Gabaa na binilang, na pitong daang piling lalake.

16 Sa kabuoan ng bayang ito ay may pitong daang piling lalake na kaliwete: na bawa’t isa’y nakapagpapahilagpos ng pagpapatama ng bato sa isang buhok, at hindi sumasala.

17 At binilang ang mga lalake sa Israel, bukod pa ang sa Benjamin, ay apat na raang libong lalake na humahawak ng tabak: lahat ng mga ito ay mga lalaking mangdidigma.

18 At bumangon ang mga anak ni Israel, at nagsiahon sa Beth-el upang sumangguni sa Dios; at kanilang sinabi, Sino ang unang aahon sa amin upang makibaka laban sa mga anak ni Benjamin? At sinabi ng Panginoon, Ang Juda ang unang aahon.

19 At nagsibangon ang mga anak ni Israel sa kinaumagahan, at humantong laban sa Gabaa.

20 At lumabas ang mga lalake ng Israel upang makibaka laban sa Benjamin; at humanay ang mga lalake ng Israel sa Gabaa, sa pakikibaka laban sa kanila.

21 At lumabas ang mga anak ni Benjamin sa Gabaa at ibinuwal sa lupa sa mga Israelita sa araw na yaon ay dalawang pu’t dalawang libong lalake.

22 At ang bayan, ang mga lalake ng Israel, ay nagpakatapang, at humanay uli sa pakikibaka sa dakong kanilang hinanayan nang unang araw.

23 At nagsiahon ang mga anak ni Israel, at nagsiiyak sa harap ng Panginoon hanggang sa kinahapunan; at sila’y sumangguni sa Panginoon, na sinasabi, Lalapit ba uli ako upang makibaka laban sa mga anak ni Benjamin na aking kapatid? At sinabi ng Panginoon. Umahon ka laban sa kanila.

24 At lumapit uli ang mga anak ni Israel laban sa mga anak ni Benjamin nang ikalawang araw.

25 At lumabas ang sa Benjamin sa Gabaa laban sa kanila nang ikalawang araw, at nabuwal uli sa lupa sa mga anak ni Israel ay labing walong libong lalake; lahat ng mga ito ay humahawak ng tabak.

26 Nang magkagayo’y nagsiahon ang lahat ng mga anak ni Israel, at ang buong bayan, at nagsiparoon sa Bethel, at nagsiiyak, at nagsiupo roon sa harap ng Panginoon, at nagsipagayuno nang araw na yaon hanggang sa kinahapunan; at sila’y naghandog ng mga handog na susunugin at ng mga handog tungkol sa kapayapaan sa harap ng Panginoon.

27 At itinanong ng mga anak ni Israel sa Panginoon (sapagka’t ang kaban ng tipan ng Dios ay nandoon nang mga araw na yaon,

28 At si Phinees, na anak ni Eleazar, na anak ni Aaron, ay tumayo sa harap niyaon nang mga araw na yaon,) na sinasabi, Lalabas ba ako uli upang makibaka laban sa mga anak ni Benjamin na aking kapatid, o magtitigil ako? At sinabi ng Panginoon, Umahon ka; sapagka’t bukas ay ibibigay ko siya sa iyong kamay.

29 At bumakay ang Israel laban sa Gabaa, sa buong palibot.

30 At nagsiahon ang mga anak ni Israel laban sa mga anak ni Benjamin nang ikatlong araw, at humanay laban sa Gabaa, gaya ng dati.

31 At ang mga anak ni Benjamin ay nagsilabas laban sa bayan, na ipinalayo sa bayan; at kanilang pinasimulang sinaktan at pinatay ang bayan gaya ng dati, sa mga lansangan, na ang isa’y umahon sa Beth-el, at ang isa’y sa Gabaa, sa bukid, na may tatlong pung lalake ng Israel.

32 At sinabi ng mga anak ni Benjamin, Sila’y nangasaktan sa harap natin, gaya ng una. Nguni’t sinabi ng mga anak ni Israel, Tayo’y tumakas, at palabasin natin sila mula sa bayan hanggang sa mga lansangan.

33 At lahat ng mga lalake sa Israel ay bumangon sa kanilang dako, at nagsihanay sa Baal-tamar: at ang mga bakay ng Israel ay nagsilabas mula sa kanilang dako, sa makatuwid baga’y mula sa Maare-Gabaa.

34 At nagsidating laban sa Gabaa ang sangpung libong piling lalake sa buong Israel, at ang pagbabaka ay lumala: nguni’t hindi nila naalaman na ang kasamaan ay malapit na sa kanila.

35 At sinaktan ng Panginoon ang Benjamin sa harap ng Israel: at pinatay ng mga anak ni Israel sa Benjamin nang araw na yaon ay dalawang pu’t limang libo at isang daang lalake: lahat ng mga ito’y humahawak ng tabak.

36 Sa gayo’y nakita ng mga anak ni Benjamin na sila’y nasaktan: sapagka’t binigyang kaluwagan ng mga lalake ng Israel ang Benjamin, sapagka’t sila’y umaasa sa mga bakay na kanilang inilagay laban sa Gabaa.

37 At nangagmadali ang mga bakay at nagsidaluhong sa Gabaa, at nangagpatuloy ang mga bakay, at sinugatan ang buong bayan ng talim ng tabak.

38 Nagkaroon nga ng palatandaan ang mga anak ng Israel at ang mga bakay, na sila’y gagawa ng alapaap na usok na pauusukin mula sa bayan.

39 At nang ang mga lalake ng Israel ay nagsipihit mula sa pagbabaka, at pinasimulang sinaktan at pinatay ng Benjamin ang mga lalake ng Israel na may tatlong pung lalake: sapagka’t kanilang sinabi, Walang pagsalang sila’y nasaktan sa harap natin gaya ng unang pagbabaka.

40 Nguni’t nang ang alapaap ay magpasimulang umilanglang mula sa bayan, sa isang haliging usok, ang mga Benjaminita ay lumingon sa likuran, at, narito, ang apoy ng buong bayan ay napaiilanglang sa langit.

41 At nangagbalik ang mga lalake ng Israel, at ang mga lalake ng Benjamin ay nangabalisa: sapagka’t kanilang nakita na ang kasamaan ay dumating sa kanila.

42 Kaya’t kanilang itinalikod ang kanilang likod sa harap ng mga lalake ng Israel, na nangagsitungo sa ilang; nguni’t hinabol silang mainam ng pakikibaka; at yaong nangagsilabas sa mga bayan, ay nagsilipol sa kanila sa gitna ng ilang.

43 Kanilang kinubkob ang mga Benjamita sa palibot, at kanilang hinabol, at kanilang inabutan sa pahingahang dako hanggang sa tapat ng Gabaa, sa dakong sinisikatan ng araw.

44 At nabuwal sa Benjamin, ay labing walong libong lalake; lahat ng mga ito ay mga lalaking may tapang.

45 At sila’y nagsiliko at nagsitakas sa dakong ilang sa malaking bato sa Rimmon. At hinabol nila sa mga lansangan ang limang libong lalake; at hinabol silang mainam hanggang sa Gidom, at pumatay sa kanila ng dalawang libong lalake.

46 Na ano pa’t lahat na nabuwal nang araw na yaon sa Benjamin ay dalawang pu’t limang libong lalake na humawak ng tabak; lahat ng mga ito ay mga lalaking may tapang.

47 Nguni’t anim na raang lalake ay nagsiliko at nagsitakas sa dakong ilang sa malaking bato ng Rimmon, at nagsitahan sa malaking bato ng Rimmon na apat na buwan.

48 At binalikan ng mga lalake ng Israel ang mga anak ni Benjamin, at sinugatan nila ng talim ng tabak, ang buong bayan, at gayon din ang kawan, at yaong lahat na kanilang nasumpungan: bukod dito’y yaong lahat ng mga bayan na kanilang nasumpungan ay kanilang sinilaban.

Mga Hukom 21

1 Ang mga lalake nga ng Israel ay nagsisumpa sa Mizpa, na nagsasabi, Walang sinoman sa atin na magbibigay ng kaniyang anak na babae sa Benjamin upang maging asawa.

2 At ang bayan ay naparoon sa Beth-el at umupo roon hanggang sa kinahapunan sa harap ng Dios, at inilakas ang kanilang mga tinig, at tumangis na mainam.

3 At kanilang sinabi, Oh Panginoon, na Dios ng Israel, bakit nangyari ito sa Israel, na mababawas ngayon ang isang lipi sa Israel?

4 At nangyari nang kinabukasan, na ang bayan ay bumangong maaga, at nagtayo roon ng dambana, at naghandog ng mga handog na susunugin at ng mga handog tungkol sa kapayapaan.

5 At sinabi ng mga anak ni Israel, Sino yaong hindi umahon sa lahat ng mga lipi ng Israel, sa kapulungan sa Panginoon? Sapagka’t sila’y gumawa ng dakilang sumpa laban doon sa hindi umahon sa Panginoon sa Mizpa, na sinasabi, Walang pagsalang siya’y papatayin.

6 At nangagsisi ang mga anak ni Israel dahil sa Benjamin na kanilang kapatid, at sinabi, May isang angkan na nahiwalay sa Israel sa araw na ito.

7 Paano ang ating gagawing paghanap ng mga asawa sa kanila na nangaiwan, yamang tayo’y nagsisumpa sa Panginoon na hindi natin ibibigay sa kanila ang ating mga anak na babae upang maging asawa?

8 At kanilang sinabi, Sino sa mga lipi ng Israel ang hindi umahon sa Panginoon sa Mizpa? At, narito, walang naparoon sa kampamento sa Jabes-galaad sa kapulungan.

9 Sapagka’t nang bilangin ang bayan, narito, wala sa nagsisitahan sa Jabes-galaad doon.

10 At nagsugo ang kapisanan ng labing dalawang libong lalaking napaka matapang, at iniutos sa kanila, na sinasabi, Kayo’y yumaon sugatan ninyo ng talim ng tabak ang nagsisitahan sa Jabes-galaad pati ang mga babae at mga bata.

11 At ito ang bagay na inyong gagawin: inyong lubos na lilipulin ang bawa’t lalake, at bawa’t babae na sinipingan ng lalake.

12 At kanilang nasumpungan sa nagsisitahan sa Jabes-galaad ay apat na raang dalaga, na hindi nakakilala ng lalake sa pagsiping sa kaniya: at kanilang dinala sa kampamento sa Silo, na nasa lupain ng Canaan.

13 At nagsugo ang buong kapisanan at nagsalita sa mga anak ni Benjamin na nangasa bato ng Rimmon, at inihayag ang kapayapaan sa kanila.

14 At bumalik ang Benjamin nang panahong yaon; at ibinigay nila sa kanila ang mga babaing kanilang iniligtas na buhay sa mga babae sa Jabes-galaad: at gayon ma’y hindi sapat sa kanila.

15 At ang bayan ay nagsisi dahil sa Benjamin, sapagka’t ginawan ng kasiraan ng Panginoon ang mga lipi ng Israel.

16 Nang magkagayo’y sinabi ng mga matanda ng kapisanan, Paanong ating gagawin na paghanap ng asawa doon sa nangatitira, yamang ang mga babae ay nalipol sa Benjamin?

17 At kanilang sinabi, Nararapat magkaroon ng mana yaong nangakatakas sa Benjamin, upang ang isang lipi ay huwag mapawi sa Israel.

18 Gayon man ay hindi natin maibibigay na asawa sa kanila ang ating mga anak na babae: sapagka’t ang mga anak ni Israel ay nagsisumpa, na nangagsasabi, Sumpain yaong magbigay ng asawa sa Benjamin.

19 At kanilang sinabi, Narito, may isang kasayahan sa Panginoon sa taon-taon sa Silo, na nasa hilagaan ng Beth-el sa dakong silanganan ng lansangan na paahon sa Sichem mula sa Beth-el, at sa timugan ng Lebona.

20 At kanilang iniutos sa mga anak ni Benjamin, na sinasabi, kayo’y yumaon at bumakay sa mga ubasan;

21 At tingnan ninyo, at, narito, kung ang mga anak na babae sa Silo ay lumabas na sumayaw ng mga sayaw, lumabas nga kayo sa ubasan, at kumuha ang bawa’t lalake sa inyo, ng kaniyang asawa sa mga anak sa Silo; at yumaon kayo sa lupain ng Benjamin.

22 At mangyayari, na pagka ang kanilang mga magulang o ang kanilang mga kapatid ay naparito upang kami ay usapin, ay aming sasabihin sa kanila, Ipagkaloob na ninyo sila sa amin: sapagka’t hindi namin kinuha na asawa sa bawa’t isa sa kanila sa pagkikipagbaka: o ibinigay man ninyo sila sa kanila, sa ibang paraan kayo’y magkakasala.

23 At ginawang gayon ng mga anak ni Benjamin, at kinuha nila silang asawa ayon sa kanilang bilang, sa mga sumasayaw, na kanilang dinala: at sila’y yumaon at nagbalik sa kanilang mana, at itinayo ang mga bayan, at tinahanan nila.

24 At yumaon ang mga anak ni Israel mula roon nang panahong yaon, bawa’t lalake ay sa kaniyang lipi at sa kaniyang angkan, at yumaon mula roon ang bawa’t lalake na umuwi sa kaniyang mana.

25 Nang mga araw na yao’y walang hari sa Israel: ginagawa ng bawa’t isa ang matuwid sa kaniyang sariling mga mata.

Josue 1

1 Nangyari nga pagkamatay ni Moises na lingkod ng Panginoon, na ang Panginoon ay nagsalita kay Josue na anak ni Nun na tagapangasiwa ni Moises, na sinasabi,

2 Si Moises na aking lingkod ay patay na; ngayon nga’y tumindig ka, tumawid ka sa Jordang ito, ikaw, at ang buong bayang ito, hanggang sa lupain na aking ibinibigay sa kanila, sa makatuwid baga’y sa mga anak ni Israel.

3 Bawa’t dakong tuntungan ng talampakan ng inyong paa, ay naibigay ko na sa inyo, gaya ng sinalita ko kay Moises.

4 Mula sa ilang, at ang Libanong ito, hanggang sa malaking ilog, na ilog Eufrates, buong lupain ng mga Hetheo, at hanggang sa malaking dagat sa dakong nilulubugan ng araw, ay magiging inyong hangganan.

5 Walang makatatayong sinomang tao sa harap mo sa lahat ng mga araw ng iyong buhay: kung paanong ako’y suma kay Moises, ay gayon ako sasa iyo: hindi kita iiwan ni pababayaan kita.

6 Magpakalakas ka at magpakatapang na mabuti: sapagka’t iyong ipamamana sa bayang ito ang lupain na aking isinumpa sa kanilang mga magulang na ibibigay sa kanila.

7 Magpakalakas ka lamang at magpakatapang na mabuti, na isagawa mo ang ayon sa buong kautusan na iniutos sa iyo ni Moises na aking lingkod: huwag kang liliko sa kanan o sa kaliwa, upang ikaw ay magtamo ng mabuting kawakasan saan ka man pumaroon.

8 Ang aklat na ito ng kautusan ay huwag mahihiwalay sa iyong bibig, kundi iyong pagbubulayan araw at gabi, upang iyong masunod na gawin ang ayon sa lahat na nakasulat dito: sapagka’t kung magkagayo’y iyong pagiginhawahin ang iyong lakad, at kung magkagayo’y magtatamo ka ng mabuting kawakasan.

9 Hindi ba kita inutusan? Ikaw ay magpakalakas at magpakatapang na mabuti; huwag kang matakot, ni manglupaypay: sapagka’t ang Panginoon mong Dios ay sumasa iyo saan ka man pumaroon.

10 Nang magkagayo’y nagutos si Josue sa mga pinunong bayan, na sinasabi,

11 Kayo’y magdaan sa gitna ng kampamento, at magutos sa bayan, na sabihin, Maghanda kayo ng baon; sapagka’t sa loob ng tatlong araw ay tatawid kayo sa Jordang ito, upang yumaong ariin ang lupain, na ibinibigay sa inyo ng Panginoon ninyong Dios upang ariin.

12 At sa mga Rubenita, at sa mga Gadita, at sa kalahating lipi ni Manases, ay nagsalita si Josue, na sinasabi,

13 Alalahanin ninyo ang salita na iniutos sa inyo ni Moises na lingkod ng Panginoon, na sinasabi, Binibigyan kayo ng kapahingahan ng Panginoon ninyong Dios, at ibibigay sa inyo ang lupaing ito.

14 Ang inyong mga asawa, ang inyong mga bata, at ang inyong mga hayop ay tatahan sa lupain na ibinigay sa inyo ni Moises sa dako roon ng Jordan; nguni’t kayo’y tatawid na may sandata sa harap ng inyong mga kapatid, kayong lahat na makapangyarihang lalaking matapang, at tutulong sa kanila;

15 Hanggang sa mabigyan ng kapahingahan ng Panginoon ang inyong mga kapatid, na gaya ninyo, at kanila namang maari ang lupaing ibinibigay sa kanila ng Panginoon ninyong Dios: kung magkagayo’y babalik kayo sa lupain na inyong ari, at inyong aariin, yaong ibinigay sa inyo ni Moises na lingkod ng Panginoon sa dako roon ng Jordan sa dakong sinisikatan ng araw.

16 At sila’y sumagot kay Josue, na sinasabi, Lahat ng iyong iniutos sa amin ay aming gagawin, at saan mo man kami suguin ay paroroon kami.

17 Kung paanong aming dininig si Moises sa lahat ng mga bagay, ay gayon ka namin didinggin: sumaiyo lamang ang Panginoon mong Dios, na gaya kay Moises.

18 Sinomang manghihimagsik laban sa iyong utos, at hindi makikinig ng iyong mga salita sa lahat ng iyong iniuutos sa kaniya, ay ipapapatay: magpakalakas ka lamang at magpakatapang na mabuti.

Josue 2

1 At si Josue na anak ni Nun ay nagsugong lihim mula sa Sittim ng dalawang lalake na pinakatiktik, na sinasabi, Yumaon kayo na inyong kilalanin ang lupain, at ang Jerico. At sila’y yumaon at pumasok sa isang bahay ng isang patutot na ang pangalan ay Rahab, at nakituloy doon.

2 At ito’y nasaysay sa hari sa Jerico, na sinasabi, Narito, may mga lalake, sa mga anak ni Israel na pumasok dito ngayong gabi upang kilalanin ang lupain.

3 At ang hari sa Jerico ay nagsugo kay Rahab, na sinasabi, Ilabas mo ang mga lalake na naparito sa iyo, na pumasok sa iyong bahay; sapagka’t sila’y naparito upang kilalanin ang buong lupain.

4 At ipinagsama ng babae ang dalawang lalake at ikinubli, at sinabi niya, Oo, ang mga lalake ay naparito sa akin, nguni’t hindi ko talastas kung sila’y taga saan:

5 At nangyari, sa may oras ng pagsasara ng pintuang-bayan, nang madilim na, na ang mga lalake ay lumabas; hindi ko talastas kung saan naparoon ang mga lalaking yaon; habulin ninyong madali sila; sapagka’t inyo silang aabutan.

6 Nguni’t kaniyang isinampa sila sa bubungan, at ikinubli sa mga puno ng lino, na kaniyang inilagay na maayos sa bubungan.

7 At hinabol ng mga tao sila sa daan na patungo sa Jordan hanggang sa mga tawiran: at pagkalabas ng humabol sa kanila, ay kanilang sinarhan ang pintuang-bayan.

8 At bago sila nahiga, ay sinampa niya sila sa bubungan.

9 At sinabi niya sa mga lalake, Talastas ko na ibinigay sa inyo ng Panginoon ang lupain, at dinatnan kami ng pangingilabot sa inyo at ang lahat na nananahan sa lupain ay nauupos sa harap ninyo.

10 Sapagka’t aming nabalitaan kung paanong tinuyo ng Panginoon ang tubig sa Dagat na Mapula sa harap ninyo, nang kayo’y lumabas sa Egipto; at kung ano ang inyong ginawa sa dalawang hari ng mga Amorrheo, na nangasa dako roon ng Jordan, kay Sehon at kay Og, na inyong lubos na pinuksa.

11 At pagkabalita namin, ay nanglumo ang aming puso, ni walang diwa na naiwan sa kanino mang tao, dahil sa inyo; sapagka’t ang Panginoon ninyong Dios, ay siyang Dios sa langit sa itaas, at sa lupa sa ibaba.

12 Ngayon nga, isinasamo ko sa inyo, sumumpa kayo sa akin sa pangalan ng Panginoon, na kung paanong ako’y nagmagandang loob sa inyo ay magmamagandang loob naman kayo sa sangbahayan ng aking magulang, at bibigyan ninyo ako ng tunay na tanda;

13 At inyong ililigtas na buhay ang aking ama, at ang aking ina, at ang aking mga kapatid na lalake at babae, at ang lahat nilang tinatangkilik, at inyong ililigtas ang aming mga buhay sa kamatayan.

14 At sinabi ng mga lalake sa kaniya, Ang aming buhay ay ilalagak namin sa inyo, kung hindi ninyo ihahayag itong aming pakay; at mangyayari, na pagka ibinigay sa amin ng Panginoon ang lupain, kami ay magmamagandang loob at magtatapat sa inyo.

15 Nang magkagayo’y kaniyang pinababa sila sa pamamagitan ng isang lubid sa dungawan: sapagka’t ang kaniyang bahay ay nasa kuta ng bayan, at siya’y tumatahan sa kuta.

16 At sinabi niya sa kanila, Pumaroon kayo sa bundok, baka kayo’y abutan ng manghahabol sa inyo; at kayo’y magkubli roon na tatlong araw, hanggang sa magsibalik ang mga manghahabol: at pagkatapos ay makayayaon kayo ng inyong lakad.

17 At sinabi ng mga lalake sa kaniya, Kami ay hindi magpapakasala sa sumpang ito, na iyong ipinasumpa sa amin.

18 Narito, pagka kami ay pumasok sa lupain, ay iyong itatali itong panaling pula sa dungawan na iyong pinagpababaan sa amin: at iyong pipisanin sa iyo sa loob ng bahay ang iyong ama, at ang iyong ina, at ang iyong mga kapatid, at ang buong sangbahayan ng iyong ama.

19 At mangyayari, na sinomang lalabas sa mga pintuan ng iyong bahay sa lansangan, ay mabububo sa kaniyang ulo ang kaniyang dugo at hindi namin magiging kasalanan: at sinomang kasama mo sa bahay ay mahuhulog sa aming ulo ang dugo niya, kung may magbuhat sa kaniya ng kamay.

20 Nguni’t kung iyong ihayag itong aming pakay, ay hindi namin ipagkakasala ang pagkapanumpa sa iyo, na iyong ipinapanumpa sa amin.

21 At kaniyang sinabi, Ayon sa inyong mga salita, ay siya nawang mangyari. At kaniyang pinapagpaalam sila at sila’y yumaon: at kaniyang itinali ang panaling pula sa dungawan.

22 At sila’y yumaon at naparoon sa bundok, at tumahan doon na tatlong araw, hanggang sa nagsibalik ang mga manghahabol; at hinanap sila ng mga manghahabol sa lahat ng daan, nguni’t hindi sila nasumpungan.

23 Nang magkagayo’y nagsibalik ang dalawang lalake at bumaba sa bundok, at tumawid at naparoon kay Josue na anak ni Nun; at kanilang isinaysay sa kaniya ang lahat na nangyari sa kanila.

24 At kanilang sinabi kay Josue, Tunay na ibinigay ng Panginoon sa ating mga kamay ang buong lupain; at bukod dito’y nangliliit ang lahat na nananahan sa lupain sa harap natin.