Josue 3

1 At bumangong maaga si Josue sa kinaumagahan; at sila’y umalis sa Sittim at napasa Jordan, siya at ang lahat na mga anak ni Israel; at sila’y tumigil doon bago sila tumawid.

2 At nangyari pagkatapos ng tatlong araw, na ang mga pinuno ay napasa gitna ng kampamento;

3 At sila’y nagutos sa bayan, na sinasabi, Pagka inyong nakita ang kaban ng tipan ng Panginoon ninyong Dios, at dinadala ng mga saserdote na Levita, ay kikilos nga kayo sa inyong dako at susunod doon.

4 Gayon ma’y magkakapagitan sa inyo at sa kaban ng may dalawang libong siko ang sukat: huwag ninyong lapitan, upang alamin ang daan na inyong marapat paroonan; sapagka’t hindi pa ninyo nararaanan ang daang ito ng una.

5 At sinabi ni Josue sa bayan, Magpakabanal kayo; sapagka’t bukas ay gagawa ng mga kababalaghan ang Panginoon sa inyo.

6 At nagsalita si Josue sa mga saserdote, na sinasabi, Buhatin ninyo ang kaban ng tipan at magpauna kayo sa bayan. At kanilang binuhat ang kaban ng tipan, at nagpauna sa bayan.

7 At sinabi ng Panginoon kay Josue, Sa araw na ito ay pasisimulan kong padakilain ka sa paningin ng buong Israel, upang kanilang makilala, na kung paanong ako’y suma kay Moises ay gayon ako sasaiyo.

8 At iyong uutusan ang mga saserdote na nagdadala ng kaban ng tipan, na iyong sasabihin, Pagka kayo’y dumating sa tabi ng tubig ng Jordan, ay tumigil kayo sa Jordan.

9 At sinabi ni Josue sa mga anak ni Israel, Magsilapit kayo at dinggin ninyo ang mga salita ng Panginoon ninyong Dios.

10 At sinabi ni Josue, Sa ganito ay inyong makikilala na ang buhay na Dios ay nasa gitna ninyo, at walang pagsalang kaniyang itataboy sa harap ninyo ang Cananeo, at ang Hetheo, at ang Heveo, at ang Pherezeo, at ang Gergeseo, at ang Amorrheo, at ang Jebuseo.

11 Narito, ang kaban ng tipan ng Panginoon ng buong lupa ay nagpapauna sa inyo sa Jordan.

12 Ngayon nga ay kumuha kayo ng labing dalawang lalake sa mga lipi ni Israel, na isang lalake sa bawa’t lipi.

13 At mangyayari, na pagka ang mga talampakan ng mga paa ng mga saserdote na nagdadala ng kaban ng Panginoon, ng Panginoon ng buong lupa, ay titigil sa tubig ng Jordan, na ang tubig ng Jordan ay mahahawi, sa makatuwid baga’y ang tubig na bumababang mula sa itaas; at magiisang bunton.

14 At nangyari nang umalis ang bayan sa kanilang mga tolda, upang tumawid sa Jordan, ay nasa unahan ng bayan ang mga saserdote na nagdadala ng kaban ng tipan;

15 At nang dumating sa Jordan ang mga may dala ng kaban, at ang mga paa ng mga saserdote na nagdadala ng kaban ay nabasa sa gilid ng tubig, (sapagka’t inaapawan ng Jordan ang lahat niyang pangpang sa buong panahon ng pagaani,)

16 Na ang tubig na bumababang mula sa itaas ay tumigil, at nagisang bunton na malayo sa kanila, sa Adam, na bayang nasa tabi ng Sarethan: at yaong nagsisibaba sa dagat ng Araba, na Dagat na Alat ay lubos na nahawi: at ang bayan ay tumawid sa tapat ng Jerico.

17 At ang mga saserdote na nagdadala ng kaban ng tipan ng Panginoon ay tumayong panatag sa tuyong lupa sa gitna ng Jordan; at ang buong Israel ay dumaan sa tuyong lupa, hanggang sa nakatawid na lubos sa Jordan ang buong bansa.

Josue 4

1 At nangyari nang nakatawid na lubos sa Jordan ang buong bansa, na ang Panginoon ay nagsalita kay Josue, na nagsasabi,

2 Kumuha ka ng labing dalawang lalake sa bayan, na isa sa bawa’t lipi,

3 At iutos ninyo sa kanila, na sabihin, Kumuha kayo mula rito sa gitna ng Jordan, mula sa dakong tinatayuang matatag ng mga paa ng mga saserdote, ng labing dalawang bato, at dalhin ninyo, at ilapag ninyo sa tigilang dako, na inyong tutuluyan sa gabing ito.

4 Nang magkagayo’y tinawag ni Josue ang labing dalawang lalake, na kaniyang inihanda sa mga anak ni Israel, na isang lalake sa bawa’t lipi.

5 At sinabi ni Josue sa kanila, Dumaan kayo sa harap ng kaban ng Panginoon ninyong Dios sa gitna ng Jordan, at pasanin ng bawa’t isa sa inyo ang isang bato sa kaniyang balikat, ayon sa bilang ng mga lipi ng mga anak ni Israel;

6 Upang ito’y maging pinaka tanda sa gitna ninyo, na pagka itinanong ng inyong mga anak sa panahong darating, na sasabihin, Anong kahulugan sa inyo ng mga batong ito?

7 At inyo ngang sasabihin sa kanila, Sapagka’t ang tubig ng Jordan ay nahawi sa harap ng kaban ng tipan ng Panginoon; nang magdaan yaon sa Jordan, ay nahawi ang tubig sa Jordan: at ang mga batong ito ay magiging pinaka alaala sa mga anak ni Israel magpakailan man.

8 At ginawang gayon ng mga anak ni Israel gaya ng iniutos ni Josue, at pumasan ng labing dalawang bato mula sa gitna ng Jordan, gaya ng sinalita ng Panginoon kay Josue, ayon sa bilang ng mga lipi ng mga anak ni Israel; at kanilang dinala sa dakong kanilang tutuluyan, at inilapag doon.

9 At si Josue ay nagpabunton ng labing dalawang bato sa gitna ng Jordan, sa dakong tinayuan ng mga saserdote na nagdadala ng kaban ng tipan: at nangandoon, hanggang sa araw na ito.

10 Sapagka’t ang mga saserdote na nagdadala ng kaban ay tumayo sa gitna ng Jordan, hanggang sa natapos ang bawa’t bagay na iniutos ng Panginoon kay Josue na salitain sa bayan, ayon sa buong iniutos ni Moises kay Josue: at ang bayan ay nagmadali at tumawid.

11 At nangyari nang nakatawid na lubos ang buong bayan, na ang kaban ng Panginoon ay itinawid at ang mga saserdote sa harap ng bayan.

12 At ang mga anak ni Ruben, at ang mga anak ni Gad, at ang kalahati ni Manases, ay dumaang may sandata sa harap ng mga anak ni Israel, gaya ng salita ni Moises sa kanila:

13 May apat na pung libo na nasasakbatang handa sa pakikidigma ang dumaan sa harap ng Panginoon na patungo sa pakikibaka, sa mga kapatagan ng Jerico.

14 Nang araw na yaon ay pinadakila ng Panginoon si Josue sa paningin ng buong Israel; at sila’y natakot sa kaniya, gaya ng kanilang pagkatakot kay Moises, sa lahat ng mga araw ng kaniyang buhay.

15 At ang Panginoon ay nagsalita kay Josue, na sinasabi,

16 Iutos mo sa mga saserdote na nagdadala ng kaban ng patotoo, na sila’y sumampa mula sa Jordan.

17 Nagutos nga si Josue sa mga saserdote, na sinasabi, Umahon kayo mula sa Jordan.

18 At nangyari, nang umahon mula sa gitna ng Jordan ang mga saserdote na nagdadala ng kaban ng tipan ng Panginoon, at nang matungtong sa tuyong lupa ang mga talampakan ng mga paa ng mga saserdote, na ang tubig ng Jordan ay nanauli sa kanilang dako, at umapaw sa pangpang na gaya ng dati.

19 At ang bayan ay umahon mula sa Jordan nang ikasangpung araw ng unang buwan, at humantong sa Gilgal, sa hangganang silanganan ng Jerico.

20 At yaong labing dalawang bato, na kanilang kinuha sa Jordan, ay ibinunton ni Josue sa Gilgal.

21 At siya’y nagsalita sa mga anak ni Israel, na sinasabi, Pagka itatanong ng inyong mga anak sa kanilang mga magulang sa panahong darating, na sasabihin, Anong kahulugan ng mga batong ito?

22 Ay inyo ngang ipatatalastas sa mga anak ninyo, na sasabihin, Ang Israel ay tumawid sa Jordang ito sa tuyong lupa.

23 Sapagka’t tinuyo ng Panginoon ninyong Dios ang tubig ng Jordan sa harap ninyo, hanggang sa kayo’y nakatawid, gaya ng ginawa ng Panginoon ninyong Dios sa Dagat na Mapula, na kaniyang tinuyo sa harap namin, hanggang sa kami ay nakatawid;

24 Upang makilala ng lahat na mga bayan sa lupa ang kamay ng Panginoon, na makapangyarihan; upang sila’y matakot sa Panginoon ninyong Dios magpakailan man.

Josue 5

1 At nangyari, nang mabalitaan ng lahat ng mga hari ng mga Amorrheo na nasa dako roon ng Jordan sa dakong kalunuran, at ng lahat ng mga hari ng mga Cananeo, na nangasa tabi ng dagat, kung paanong tinuyo ng Panginoon ang tubig ng Jordan sa harap ng mga anak ni Israel, hanggang sa kami ay nangakatawid, na nanglumo ang kanilang puso, at sila’y nawalan ng loob dahil sa mga anak ni Israel.

2 Nang panahong yaon ay sinabi ng Panginoon kay Josue, Gumawa ka ng mga sundang na pinkiang bato at tuliin mo uli na ikalawa ang mga anak ni Israel.

3 At gumawa si Josue ng mga sundang na pinkiang bato, at tinuli ang mga anak ni Israel sa burol ng mga balat ng masama.

4 At ito ang dahil na itinuli ni Josue: ang buong bayan na lumabas mula sa Egipto, na mga lalake, lahat na lalaking pangdigma, ay namatay sa ilang sa daan, pagkatapos na sila’y makalabas na mula sa Egipto.

5 Sapagka’t ang buong bayan na lumabas ay mga tuli; nguni’t ang buong bayan na ipinanganak sa ilang sa daan pagkalabas sa Egipto, ay hindi tuli.

6 Sapagka’t ang mga anak ni Israel ay lumakad na apat na pung taon sa ilang, hanggang sa ang buong bansa, sa makatuwid baga’y ang mga lalaking pangdigma na lumabas mula sa Egipto, ay nalipol, sapagka’t hindi nila dininig ang tinig ng Panginoon: na siyang sinumpaan ng Panginoon na hindi niya ipakikita sa kanila ang lupain na isinumpa ng Panginoon sa kanilang mga magulang na ibibigay sa atin, na lupaing binubukalan ng gatas at pulot.

7 At ang kanilang mga anak na kaniyang ibinangong kahalili nila, ay pinagtuli ni Josue, sapagka’t mga hindi tuli, sapagka’t hindi nila tinuli sila sa daan.

8 At nangyari nang kanilang matuli ang buong bansa, na tumahan sila sa kanilang mga dako sa kampamento hanggang sa sila’y magsigaling.

9 At sinabi ng Panginoon kay Josue, Sa araw na ito ay inalis ko sa inyo ang pagdusta ng Egipto. Kaya’t ang pangalan ng dakong yaon ay tinawag na Gilgal hanggang sa araw na ito.

10 At ang mga anak ni Israel ay humantong sa Gilgal; at kanilang ipinagdiwang ang paskua nang ikalabing apat na araw ng buwan sa kinahapunan sa mga kapatagan ng Jerico.

11 At sila’y kumain ng imbak na trigo ng lupain sa kinabukasan pagkatapos ng paskua, ng mga tinapay na walang lebadura, at ng sinangag na trigo, sa araw ding yaon.

12 At ang mana ay naglikat nang kinabukasan, pagkatapos na sila’y makakain ng imbak na trigo ng lupain; at hindi naman nagkaroon pa ng mana ang mga anak ni Israel; kundi sila’y kumain ng bunga ng lupain ng Canaan ng taong yaon.

13 At nangyari, nang si Josue ay malapit sa Jerico, na kaniyang itiningin ang kaniyang mga mata at tumingin, at, narito, nakatayo ang isang lalake sa tapat niya na may kaniyang tabak sa kaniyang kamay na bunot: at si Josue ay naparoon sa kaniya, at sinabi sa kaniya, Ikaw ba’y sa amin, o sa aming mga kaaway?

14 At kaniyang sinabi, Hindi; kundi ako’y naparito ng parang prinsipe ng hukbo ng Panginoon. At si Josue ay nagpatirapa sa lupa at sumamba, at nagsabi sa kaniya, Anong sabi ng aking panginoon sa kaniyang lingkod?

15 At sinabi ng prinsipe ng hukbo ng Panginoon kay Josue, Hubarin mo ang iyong panyapak sa iyong paa; sapagka’t ang dakong iyong kinatatayuan ay banal. At ginawang gayon ni Josue.

Josue 6

1 Ang Jerico nga ay lubos na nakukubkob dahil sa mga anak ni Israel: walang nakalalabas, at walang nakapapasok.

2 At sinabi ng Panginoon kay Josue, Tingnan mo, aking ibinigay sa iyong kamay ang Jerico, at ang hari niyaon, at ang mga makapangyarihang lalaking matapang.

3 At iyong liligirin ang bayan, lahat ng mga lalaking pangdigma, na liligid na minsan sa bayan. Ganito mo gagawin na anim na araw.

4 At pitong saserdote sa unahan ng kaban ay magdadala ng pitong pakakak na mga sungay ng tupa: at sa ikapitong araw ay inyong liligiring makapito ang bayan, at ang mga saserdote ay hihipan ang mga pakakak.

5 At mangyayari, na pagka hinipan nila ng matagal ang sungay ng tupa, at pagka inyong narinig ang tunog ng pakakak, ay hihiyaw ng malakas ang buong bayan; at ang kuta ng bayan ay guguho, at ang bayan ay sasampa ang bawa’t isa’y tapatan sa harap niya.

6 At tinawag ni Josue na anak ni Nun ang mga saserdote, at sinabi sa kanila, Buhatin ninyo ang kaban ng tipan, at magdala ang pitong saserdote ng pitong pakakak na mga sungay ng tupa sa unahan ng kaban ng Panginoon.

7 At kaniyang sinabi sa bayan, Magpauna kayo, at ligirin ninyo ang bayan, at papagpaunahin ninyo ang mga lalaking may sandata sa unahan ng kaban ng Panginoon.

8 At nangyari, na pagkapagsalita ni Josue sa bayan, ay nagpauna sa Panginoon ang pitong saserdote na may tangang pitong pakakak na mga sungay ng tupa, at humihip ng mga pakakak; at ang kaban ng tipan ng Panginoon ay sumusunod sa kanila.

9 At ang mga lalaking may sandata ay nagpauna sa mga saserdote na humihihip ng mga pakakak, at ang bantay likod ay sumusunod sa kaban, na ang mga saserdote ay humihip ng mga pakakak habang sila’y yumayaon.

10 At iniutos ni Josue sa bayan, na sinasabi, Huwag kayong hihiyaw, ni huwag ninyong iparirinig ang inyong tinig, ni huwag magbubuka ang inyong bibig ng anomang salita, hanggang sa araw na aking sabihing kayo’y humiyaw; kung magkagayo’y hihiyaw kayo.

11 Sa gayo’y kaniyang iniligid sa bayan ang kaban ng Panginoon, na lumigid na minsan: at sila’y nasok sa kampamento, at tumigil sa kampamento.

12 At si Josue ay bumangong maaga sa kinaumagahan, at binuhat ng mga saserdote ang kaban ng Panginoon.

13 At ang pitong saserdote na may tangang pitong pakakak na mga sungay ng tupa sa unahan ng kaban ng Panginoon ay yumaon na patuloy, at humihihip ng mga pakakak: at ang mga lalaking may sandata ay nagpauna sa kanila; at ang bantay likod ay sumusunod sa kaban ng Panginoon, na ang mga saserdote ay humihihip ng mga pakakak habang sila’y yumayaon.

14 At sa ikalawang araw ay kanilang niligid na minsan ang bayan, at nagsibalik sa kampamento: kanilang ginawang gayon na anim na araw.

15 At nangyari nang ikapitong araw, na sila’y bumangong maaga sa pagbubukang liwayway, at niligid ang bayan ng gayon ding paraan na makapito: nang araw lamang na yaon kanilang niligid ang bayan na makapito.

16 At nangyari, sa ikapito, nang humihip ng mga pakakak ang mga saserdote, ay sinabi ni Josue sa bayan, Humiyaw kayo; sapagka’t ibinigay na ng Panginoon sa inyo ang bayan.

17 At ang bayan ay matatalaga sa Panginoon, yaon at ang lahat na tumatahan doon: si Rahab na patutot lamang ang mabubuhay, siya at ang lahat na kasama niya sa bahay, sapagka’t kaniyang ikinubli ang mga sugo na ating sinugo.

18 At kayo, sa anomang paraan ay magsipagingat sa itinalagang bagay; baka pagka naitalaga na sa inyo ay kumuha kayo sa itinalagang bagay; sa gayo’y inyong ipasusumpa ang kampamento ng Israel, at inyong babagabagin.

19 Nguni’t lahat na pilak, at ginto, at mga sisidlang tanso at bakal, ay banal sa Panginoon: pawang ipapasok sa silid ng kayamanan ng Panginoon.

20 Sa gayo’y humiyaw ang bayan, at ang mga saserdote ay humihip ng mga pakakak: at nangyari nang marinig ng bayan ang tunog ng pakakak na ang bayan ay humiyaw ng malakas, at ang kuta ay gumuho, na ano pa’t ang bayan ay sumampang nasok sa siyudad, na bawa’t isa’y matuwid na nagpatuloy, at kanilang sinakop ang bayan.

21 At kanilang lubos na nilipol ng talim ng tabak ang lahat na nasa bayan, ang lalake at gayon din ang babae, ang binata at gayon din ang matanda, at ang baka, at ang tupa, at ang asno.

22 At sinabi ni Josue sa dalawang lalaking tumiktik sa lupain, Pumasok kayo sa bahay ng patutot, at ilabas ninyo roon ang babae, at ang lahat niyang tinatangkilik, na gaya ng inyong isinumpa sa kaniya.

23 At ang mga binata na mga tiktik ay pumasok, at inilabas si Rahab, at ang kaniyang ama, at ang kaniyang ina, at ang kaniyang mga kapatid, at lahat ng kaniyang tinatangkilik; lahat niyang kamaganakan naman ay kanilang inilabas; at kanilang inilagay sila sa labas ng kampamento ng Israel.

24 At kanilang sinunog ng apoy ang bayan, at lahat na nandoon: ang pilak lamang, at ang ginto, at ang mga sisidlang tanso at bakal, ang kanilang ipinasok sa silid ng kayamanan ng bahay ng Panginoon.

25 Nguni’t si Rahab na patutot at ang sangbahayan ng kaniyang ama, at ang lahat niyang tinatangkilik, ay iniligtas na buhay ni Josue; at siya’y tumahan sa gitna ng Israel, hanggang sa araw na ito; sapagka’t kaniyang ikinubli ang mga sugo na sinugo ni Josue upang tumiktik sa Jerico.

26 At binilinan sila ni Josue sa pamamagitan ng sumpa nang panahong yaon, na sinasabi, Sumpain ang lalake sa harap ng Panginoon, na magbangon at magtayo nitong bayan ng Jerico; kaniyang inilagay ang tatagang-baon niyaon sa kamatayan ng kaniyang panganay, at kaniyang itatayo ang mga pintuang-bayan niyaon sa kamatayan ng kaniyang bunso.

27 Sa gayo’y ang Panginoon ay sumama kay Josue; at ang kaniyang kabantugan ay lumaganap sa buong lupain.

Josue 7

1 Nguni’t ang mga anak ni Israel ay nakagawa ng pagsalangsang sa itinalagang bagay: sapagka’t si Achan na anak ni Carmi, na anak ni Zabdi, na anak ni Zera, sa lipi ni Juda; ay kumuha sa itinalagang bagay, at ang galit ng Panginoon ay nagningas laban sa mga anak ni Israel.

2 At mula sa Jerico ay nagsugo si Josue ng mga lalake sa Hai na nasa siping ng Beth-aven, sa dakong silanganan ng Beth-el, at nagsalita sa kanila, na nagsasabi, Sumampa kayo at tiktikan ninyo ang lupain. At ang mga lalake ay yumaon at tiniktikan ang Hai.

3 At sila’y nagsibalik kay Josue, at sinabi sa kaniya, Huwag sumampa ang buong bayan, kundi sumampa lamang ang dalawa o tatlong libong lalake at sugatan ang Hai; huwag mong pagurin ang buong bayan doon; sapagka’t sila’y kakaunti.

4 Sa gayo’y sumampa roon sa bayan ay may tatlong libong lalake: at sila’y tumakas sa harap ng mga lalake sa Hai.

5 At ang mga lalake sa Hai ay sumakit sa kanila ng may tatlong pu’t anim na lalake; at hinabol nila sila mula sa harap ng pintuang-bayan hanggang sa Sebarim, at sinaktan sila sa babaan: at ang mga puso ng mga tao ay nanglumo, at naging parang tubig.

6 At hinapak ni Josue ang kaniyang mga suot, at nagpatirapa sa lupa sa harap ng kaban ng Panginoon hanggang sa kinahapunan, siya at ang mga matanda ng Israel; at sila’y nagsipagbuhos ng alabok sa kanilang ulo.

7 At sinabi ni Josue, Ay, Oh Panginoong Dios, bakit mo pinatawid ang bayang ito sa Jordan, upang ibigay kami sa kamay ng mga Amorrheo, na ipalipol kami? nakatigil sana kaming masaya at nakatahan sa dakong yaon ng Jordan!

8 Oh Panginoon, anong aking sasabihin pagkatapos na ang mga anak ng Israel ay makatalikod sa harap ng kanilang mga kaaway!

9 Sapagka’t mababalitaan ng mga Cananeo at ng lahat na nananahan sa lupain, at kami ay kukubkubin at ihihiwalay ang aming pangalan sa lupa: at ano ang iyong gagawin sa iyong dakilang pangalan?

10 At sinabi ng Panginoon kay Josue, Bumangon ka; bakit ka nagpatirapa ng ganito?

11 Ang Israel ay nagkasala; oo, kanilang sinalangsang din ang aking tipan na aking iniutos sa kanila; oo, sila’y kumuha rin sa itinalagang bagay, at nagnakaw rin, at nagbulaan din; at sila’y naglagay rin sa kanilang sariling daladalahan.

12 Kaya’t ang mga anak ni Israel ay hindi makatatayo sa harap ng kanilang mga kaaway; sila’y tumalikod sa harap ng kanilang mga kaaway, sapagka’t sila’y naging sinumpa: ako’y hindi na sasa inyo pa, maliban sa inyong sirain ang itinalagang bagay sa gitna ninyo.

13 Bumangon ka, papagbanalin mo ang bayan, at sabihin mo, Mangagpakabanal kayo sa kinabukasan: sapagka’t ganito ang sabi ng Panginoon, ng Dios ng Israel, May itinalagang bagay sa gitna mo, Oh Israel: ikaw ay hindi makatatayo sa harap ng iyong mga kaaway, hanggang sa inyong alisin ang itinalagang bagay sa gitna ninyo.

14 Sa kinaumagahan nga ay lalapit kayo ayon sa inyong mga lipi: at mangyayari, na ang lipi na pipiliin ng Panginoon ay lalapit ayon sa mga angkan: at ang angkan na pipiliin ng Panginoon ay lalapit ayon sa mga sangbahayan; at ang sangbahayan na pipiliin ng Panginoon ay lalapit bawa’t lalake.

15 At mangyayari, na ang makunan ng itinalagang bagay ay susunugin sa apoy, siya at ang lahat niyang tinatangkilik: sapagka’t kaniyang sinalangsang ang tipan ng Panginoon, at sapagka’t siya’y gumawa ng kaululan sa Israel.

16 Sa gayo’y bumangong maaga si Josue sa kinaumagahan, at inilapit ang Israel ayon sa kanilang mga lipi: at ang lipi ni Juda ay napili:

17 At kaniyang inilapit ang angkan ni Juda; at napili ang angkan ng mga Zeraita: at kaniyang inilapit ang angkan ng mga Zeraita na bawa’t lalake; at si Zabdi ay napili:

18 At kaniyang inilapit ang kaniyang sangbahayan bawa’t lalake: at si Achan, na anak ni Carmi, na anak ni Zabdi, na anak ni Zera, sa lipi ni Juda, ay napili.

19 At sinabi ni Josue kay Achan, Anak ko, isinasamo ko sa iyo, na iyong luwalhatiin ang Panginoon, ang Dios ng Israel, at magpahayag ka sa kaniya; at ipahayag mo sa akin ngayon kung ano ang iyong ginawa; huwag kang maglihim sa akin.

20 At sumagot si Achan kay Josue, at sinabi, Sa katotohanan ay nagkasala ako laban sa Panginoon, sa Dios ng Israel, at ganito’t ganito ang aking ginawa:

21 Nang aking makita sa samsam ang mainam na balabal na yaring Babilonia, at ang dalawang daang siklong pilak, at ang isang dila na ginto, na limang pung siklo ang timbang, ay akin ngang inimbot, at aking kinuha; at, narito, nangakukubli sa lupa sa gitna ng aking tolda, at ang pilak ay nasa ilalim niyaon.

22 Sa gayo’y nagsugo si Josue ng mga sugo at kanilang tinakbo ang tolda; at, narito, nakakubli sa kaniyang tolda, at ang pilak ay nasa ilalim niyaon.

23 At kanilang kinuha sa gitna ng tolda, at dinala kay Josue, at sa lahat ng mga anak ni Israel; at kanilang inilapag sa harap ng Panginoon.

24 At kinuha ni Josue, at ng buong Israel na kasama niya, si Achan na anak ni Zera at ang pilak, at ang balabal, at ang dila na ginto, at ang kaniyang mga anak na lalake at babae, at ang kaniyang mga baka, at ang kaniyang mga asno, at ang kaniyang mga tupa, at ang kaniyang tolda, at ang lahat niyang tinatangkilik: at kanilang isinampa sa libis ng Achor.

25 At sinabi ni Josue, Bakit mo kami binagabag? babagabagin ka sa araw na ito ng Panginoon. At binato siya ng mga bato ng buong Israel; at sinunog nila sila sa apoy, at binato sila ng mga bato.

26 At kanilang binuntunan siya ng malaking bunton na mga bato, hanggang sa araw na ito; at ang Panginoon ay nagpigil ng kabangisan ng kaniyang galit. Kaya’t ang pangalan ng dakong yaon ay tinawag na, Ang libis ng Achor, hanggang sa araw na ito.

Josue 8

1 At sinabi ng Panginoon kay Josue, Huwag kang matakot, ni manglumo: ipagsama mo ang buong bayang pangdigma, at bumangon ka, na sumampa ka sa Hai: tingnan mo, aking ibinigay sa iyong kamay ang hari sa Hai, at ang kaniyang bayan, at ang kaniyang siyudad, at ang kaniyang lupain;

2 At iyong gagawin sa Hai at sa kaniyang hari ang gaya ng iyong ginawa sa Jerico at sa kaniyang hari: ang samsam lamang doon, at ang mga hayop niyaon, ang iyong kukunin na pinakasamsam ninyo: lagyan mo ng mga bakay ang bayan sa likuran.

3 Sa gayo’y bumangon si Josue, at ang buong bayang pangdigma, upang sumampa sa Hai: at pumili si Josue ng tatlong pung libong lalake, na mga makapangyarihang lalaking matapang, at sinugo ng kinagabihan.

4 At iniutos niya sa kanila, na sinasabi, Narito, kayo’y babakay laban sa bayan, sa likuran ng bayan: huwag kayong lumayong totoo sa bayan kundi humanda kayo;

5 At ako, at ang buong bayan na kasama ko ay lalapit sa bayan. At mangyayari, na pagka sila’y lumabas laban sa amin gaya ng una, ay tatakas kami sa harap nila;

6 At sila’y lalabas na susunod sa amin, hanggang sa aming mailayo sila sa bayan, sapagka’t kanilang sasabihin, Sila’y tumatakas sa harap natin, na gaya ng una; gayon kami tatakas sa harap nila:

7 At kayo’y babangon sa pagbakay, at inyong aariin ang bayan: sapagka’t ibibigay ng Panginoon ninyong Dios sa inyong kamay.

8 At mangyayari, na pagka inyong nasakop ang bayan, ay inyong sisilaban ng apoy ang bayan; ayon sa salita ng Panginoon ay inyong gagawin: narito, aking iniutos sa inyo.

9 At pinapagpaalam sila ni Josue: at sila’y yumaon sa pagbakay, at lumagay sa pagitan ng Beth-el at ng Hai, sa dakong kalunuran ng Hai: nguni’t si Josue ay tumigil ng gabing yaon sa gitna ng bayan.

10 At si Josue ay bumangong maaga sa kinaumagahan, at binilang ang bayan, at sumampa siya at ang mga matanda ng Israel, sa unahan ng bayan, sa Hai.

11 At ang buong bayan, sa makatuwid baga’y ang mga taong pangdigma na kinasama niya, ay sumampa, at lumapit, at naparoon sa harap ng bayan, at humantong sa dakong hilagaan ng Hai: mayroon ngang isang libis sa pagitan niya at ng Hai.

12 At siya’y kumuha ng may limang libong lalake at inilagay niya silang bakay sa pagitan ng Beth-el at ng Hai sa dakong kalunuran ng bayan.

13 Gayon inilagay nila ang bayan, ang buong hukbo na nasa hilagaan ng bayan, at ang kanilang mga bakay na nasa kalunuran ng bayan; at si Josue ay naparoon ng gabing yaon sa gitna ng libis.

14 At nangyari, nang makita ng hari sa Hai, na sila’y nagmadali at bumangong maaga, at ang mga lalake sa bayan ay lumabas laban sa Israel upang makipagbaka, siya at ang kaniyang buong bayan, sa kapanahunang takda, sa harap ng Araba, nguni’t hindi niya talastas na may bakay laban sa kaniya sa likuran ng bayan.

15 At ginawa ni Josue at ng buong Israel na parang sila’y nadaig sa harap nila, at tumakas sa daan na ilang.

16 At ang lahat ng mga tao na nasa bayan ay pinisan upang humabol sa kanila: at kanilang hinabol si Josue, at nangalayo sa bayan.

17 At walang lalake na naiwan sa Hai o sa Beth-el, na hindi humabol sa Israel: at kanilang iniwang bukas ang bayan, at hinabol ang Israel.

18 At sinabi ng Panginoon kay Josue, Iunat mo ang sibat na nasa iyong kamay sa dakong Hai; sapagka’t aking ibibigay sa iyong kamay. At iniunat ni Josue ang sibat na nasa kaniyang kamay sa dakong bayan.

19 At ang bakay ay bumangong bigla sa kanilang dako, at sila’y tumakbo pagkaunat niya ng kaniyang kamay, at pumasok sa bayan at sinakop at sila’y nagmadali at sinilaban ang bayan.

20 At nang lumingon ang mga lalake sa Hai sa likuran nila, ay kanilang nakita, at, narito, ang usok ng bayan ay napaiilanglang sa langit, at wala silang kapangyarihan na makatakas sa daang ito o sa daang yaon: at ang bayan na tumakas sa ilang ay pumihit sa mga manghahabol.

21 At nang makita ni Josue at ng buong Israel na nasakop ng bakay ang bayan at ang usok ng bayan ay napaiilanglang, ay nagsibalik nga uli sila at pinatay ang mga lalake sa Hai.

22 At ang iba’y lumabas sa bayan laban sa kanila, na anopa’t sila’y nasa gitna ng Israel, na ang iba’y sa dakong ito, at ang iba’y sa dakong yaon: at sinaktan nila sila, na anopa’t wala silang iniwan sa kanila na nalabi o nakatanan.

23 At ang hari sa Hai ay hinuli nilang buhay, at dinala nila siya kay Josue.

24 At nangyari, nang matapos ng Israel na mapatay sa parang ang lahat ng mga taga Hai, sa ilang na kanilang pinaghabulan sa kanila, at mangabuwal sa pamamagitan ng talim ng tabak, hanggang sa nalipol nila sila, ay bumalik ang buong Israel sa Hai, at sinugatan ng talim ng tabak.

25 At ang lahat na nabuwal ng araw na yaon, lalake at gayon din ang babae ay labing dalawang libo, lahat ng mga tao sa Hai.

26 Sapagka’t hindi iniurong ni Josue ang kaniyang kamay na kaniyang ipinag-unat ng sibat hanggang sa kaniyang nalipol na lubos ang lahat ng mga taga Hai.

27 Ang hayop lamang at ang samsam sa bayan na yaon ang kinuha ng Israel na pinakasamsam, ayon sa salita ng Panginoon na kaniyang iniutos kay Josue.

28 Gayon sinunog ni Josue ang Hai, at pinapaging isang bunton magpakailan man na isang kagibaan, hanggang sa araw na ito.

29 At ibinitin niya ang hari sa Hai sa isang punong kahoy hanggang sa kinahapunan: at sa paglubog ng araw ay iniutos ni Josue, at ibinaba nila ang kaniyang bangkay sa punong kahoy at inihagis sa pasukan ng pintuan ng bayan, at binuntunan ng malaking bunton ng mga bato, hanggang sa araw na ito.

30 Nang magkagayo’y ipinagtayo ni Josue ng isang dambana ang Panginoon, ang Dios ng Israel, sa bundok ng Ebal,

31 Gaya ng iniutos ni Moises na lingkod ng Panginoon, sa mga anak ni Israel, gaya ng nakasulat sa aklat ng kautusan ni Moises, na isang dambana na hindi hinitsurahang mga bato, na hindi pinagbuhatan ng sinomang tao ng bakal: at kanilang pinaghandugan sa Panginoon ng mga handog na susunugin, at pinaghainan ng mga handog tungkol sa kapayapaan.

32 At siya’y sumulat doon sa mga bato ng isang salin ng kautusan ni Moises na kaniyang sinulat, sa harap ng mga anak ni Israel.

33 At ang buong Israel, at ang kanilang mga matanda at mga pinuno at ang kanilang mga hukom, ay tumayo sa dakong ito ng kaban at sa dakong yaon sa harap ng mga saserdote na mga Levita, na nagdadala ng kaban ng tipan ng Panginoon ang mga taga ibang lupa na gaya rin ng mga taga-roon; kalahati nila ay sa harap ng bundok ng Gerizim at kalahati nila ay sa harap ng bundok ng Ebal; gaya ng iniutos ni Moises na lingkod ng Panginoon, na kanilang basbasan muna ang bayan ng Israel.

34 At pagkatapos ay kaniyang binasa ang lahat ng mga salita ng kautusan, ang pagpapala at ang sumpa, ayon sa lahat na nakasulat sa aklat ng kautusan.

35 Walang salita sa lahat na iniutos ni Moises na hindi binasa ni Josue sa harap ng buong kapulungan ng Israel at ng mga babae, at ng mga bata, at ng mga taga ibang lupa na nakikipamayan sa kanila.

Josue 9

1 At nangyari, nang mabalitaan ng lahat ng hari na nangasa dako roon ng Jordan sa lupaing maburol, at sa mga kapatagan, at sa lahat ng baybayin ng malaking dagat sa tapat ng Libano, ng Hetheo, at ng Amorrheo, ng Cananeo, ng Pherezeo, ng Heveo, at ng Jebuseo;

2 Ay nagpipisan upang labanan si Josue at ang Israel, na may pagkakaisa.

3 Nguni’t nang mabalitaan ng mga taga Gabaon ang ginawa ni Josue sa Jerico at sa Hai,

4 Ay gumawa naman silang may katusuhan at yumaon at nagpakunwaring sila’y mga sugo, at nagpasan ng mga lumang bayong sa kanilang mga asno at mga sisidlang balat ng alak na luma, at punit at tinahi;

5 At mga tagpi-tagping pangyapak na nakasuot sa kanilang mga paa, at ng mga lumang bihisan na suot nila; at ang lahat na tinapay na kanilang baon ay tuyo at inaamag.

6 At sila’y nagsiparoon kay Josue sa kampamento sa Gilgal, at nangagsabi sa kaniya at sa mga lalake ng Israel, Kami ay mula sa malayong lupain: ngayon nga’y makipagtipan kayo sa amin.

7 At sinabi ng mga lalake ng Israel sa mga Heveo, Marahil kayo’y nananahang kasama namin; at paanong kami ay makikipagtipan sa inyo?

8 At kanilang sinabi kay Josue, Kami ay iyong mga lingkod. At sinabi ni Josue sa kanila, Sino kayo at mula saan kayo?

9 At sinabi nila sa kaniya, Mula sa totoong malayong lupain ang iyong mga lingkod, dahil sa pangalan ng Panginoon mong Dios: sapagka’t aming nabalitaan ang kabantugan niya, at ang lahat niyang ginawa sa Egipto,

10 At lahat ng kaniyang ginawa sa dalawang hari ng mga Amorrheo, na nasa dako roon ng Jordan, kay Sehon na hari sa Hesbon, at kay Og, na hari sa Basan, na nasa Astaroth.

11 At ang aming mga matanda at ang lahat na tagaroon sa aming lupain ay nagsalita sa amin, na sinasabi, Magbaon kayo sa inyong kamay ng maipaglalakbay, at yumaon kayo na salubungin ninyo sila, at inyong sabihin sa kanila, Kami ay inyong mga lingkod: at ngayo’y makipagtipan kayo sa amin.

12 Itong aming tinapay ay kinuha naming mainit na pinakabaon namin mula sa aming mga bahay nang araw na kami ay lumabas na patungo sa inyo; nguni’t ngayon, narito, tuyo at inaamag:

13 At ang mga sisidlang balat ng alak na ito na aming pinuno ay bago; at, narito, mga hapak: at itong aming mga bihisan at aming mga pangyapak ay naluma dahil sa totoong mahabang paglalakbay.

14 At kumuha ang mga tao sa Israel ng kanilang baon, at hindi humingi ng payo sa bibig ng Panginoon.

15 At si Josue ay nakipagpayapaan sa kanila at nakipagtipan sa kanila, na pabayaan silang mabuhay: at ang mga prinsipe ng kapisanan ay sumumpa sa kanila.

16 At nangyari, sa katapusan ng tatlong araw, pagkatapos na sila’y makapagtipanan sa kanila, na kanilang nabalitaan na sila’y kanilang kalapit bayan, at sila’y nananahang kasama nila.

17 At ang mga anak ni Israel ay naglakbay, at naparoon sa kanilang mga bayan sa ikatlong araw. Ang kanila ngang mga bayan ay Gabaon, Caphira, at Beeroth, at Kiriath-jearim.

18 At hindi sila sinaktan ng mga anak ni Israel, sapagka’t ang mga prinsipe ng kapisanan ay sumumpa sa kanila sa pangalan ng Panginoon, ng Dios ng Israel. At inupasala ng buong kapisanan ang mga prinsipe.

19 Nguni’t sinabi ng lahat ng mga prinsipe sa buong kapisanan, Kami ay sumumpa sa kanila sa pangalan ng Panginoon, ng Dios ng Israel: ngayon nga’y hindi natin magagalaw sila.

20 Ito ang ating gagawin sa kanila at sila’y ating pababayaang mabuhay; baka ang pagiinit ay sumaatin dahil sa sumpa na ating isinumpa sa kanila.

21 At sinabi ng mga prinsipe sa kanila, Pabayaan silang mabuhay: sa gayo’y sila’y naging mamumutol ng kahoy at mananalok ng tubig sa buong kapisanan; gaya ng sinalita ng mga prinsipe sa kanila.

22 At ipinatawag sila ni Josue, at nagsalita siya sa kanila, na sinasabi, Bakit kayo’y nagdaya sa amin na nagsasabi, Kami ay totoong malayo sa inyo; dangang nananahan kayong kasama namin?

23 Ngayon nga’y sumpain kayo, at hindi mawawalan sa inyo kailan man ng mga alipin, ng mamumutol ng kahoy at gayon din ng mananalok ng tubig sa bahay ng aking Dios.

24 At sila’y sumagot kay Josue, at nagsabi, Sapagka’t tunay na nasaysay sa iyong mga lingkod, kung paanong iniutos ng Panginoon ninyong Dios kay Moises na kaniyang lingkod na ibibigay sa inyo ang buong lupain, at inyong lilipulin ang lahat na nananahan sa lupain sa harap ninyo; kaya’t ikinatakot naming mainam ang aming buhay dahil sa inyo, at aming ginawa ang bagay na ito.

25 At ngayon, narito, kami ay nasa iyong kamay: kung ano ang inaakala mong mabuti at matuwid na gawin sa amin, ay gawin mo.

26 At gayon ang ginawa niya sa kanila, at iniligtas niya sila sa kamay ng mga anak ni Israel, na hindi sila pinatay.

27 At ginawa sila ni Josue nang araw na yaon na mga mamumutol ng kahoy at mga mananalok ng tubig sa kapisanan, at sa dambana ng Panginoon, hanggang sa araw na ito, sa dakong kaniyang pipiliin.

Josue 10

1 Nangyari nga, nang mabalitaan ni Adoni-sedec na hari sa Jerusalem na kung paanong nasakop ni Josue ang Hari at nagibang lubos (na kung paanong kaniyang ginawa sa Jerico at sa hari niyaon, gayon ang kaniyang ginawa sa Hai at sa hari niyaon), at kung paanong nakipagpayapaan sa kanila ang mga taga Gabaon, at nangasa gitna nila;

2 Ay natakot silang mainam, sapagka’t ang Gabaon ay malaking bayan na gaya ng isa sa mga bayan ng hari, at sapagka’t lalong malaki kay sa Hai, at ang lahat na lalake roon ay mga makapangyarihan.

3 Kaya’t si Adoni-sedec na hari sa Jerusalem ay nagsugo kay Oham na hari sa Hebron, at kay Phiream na hari sa Jarmuth, at kay Japhia, na hari sa Lachis, at kay Debir na hari sa Eglon na ipinasasabi,

4 Sampahin ninyo ako at inyong tulungan ako, at saktan natin ang Gabaon: sapagka’t nakipagpayapaan kay Josue at sa mga anak ni Israel.

5 Kaya’t ang limang hari ng mga Amorrheo, ang hari sa Jerusalem, ang hari sa Hebron, ang hari sa Jarmuth, ang hari sa Lachis, ang hari sa Eglon, ay nagpipisan at sumampa, sila at ang lahat nilang hukbo, at humantong laban sa Gabaon, at nakipagdigma laban doon.

6 At ang mga tao sa Gabaon ay nagsugo kay Josue sa kampamento sa Gilgal, na sinasabi, Huwag mong papanlambutin ang iyong kamay sa iyong mga lingkod; sampahin mo kaming madali, at iligtas mo kami, at tulungan mo kami: sapagka’t ang lahat ng mga hari ng mga Amorrheo na nangananahan sa lupaing maburol ay nagpipisan laban sa amin.

7 Sa gayo’y sumampa si Josue mula sa Gilgal, siya at ang buong bayang pangdigma na kasama niya, at ang lahat ng mga makapangyarihang lalake na matatapang.

8 At sinabi ng Panginoon kay Josue, Huwag mo silang katakutan: sapagka’t aking ibinigay sila sa iyong mga kamay; walang lalake roon sa kanila na tatayo sa harap mo.

9 Si Josue nga ay naparoong bigla sa kanila; siya’y sumampa mula sa Gilgal buong gabi.

10 At nilito sila ng Panginoon sa harap ng Israel, at kaniyang pinatay sila ng malaking pagpatay sa Gabaon, at hinabol niya sila sa daan na sampahan sa Beth-horon, at sinaktan niya sila hanggang sa Azeca, at sa Maceda.

11 At nangyari, na habang tumatakas sa harap ng Israel samantalang sila’y nasa babaan sa Beth-horon, na binagsakan sila ng Panginoon sa Azeca ng mga malaking bato na mula sa langit, at sila’y namatay: sila’y higit na namatayan sa pamamagitan ng mga batong granizo kay sa pinatay ng mga anak ni Israel sa pamamagitan ng tabak.

12 Nang magkagayo’y nagsalita si Josue sa Panginoon nang araw na ibinigay ng Panginoon ang mga Amorrheo sa harap ng mga anak ni Israel; at kaniyang sinabi sa paningin ng Israel, Araw, tumigil ka sa Gabaon; At ikaw, Buwan, sa libis ng Ajalon.

13 At ang araw ay tumigil, at ang buwan ay huminto, Hanggang sa ang bansa ay nakapanghiganti sa kaniyang mga kaaway. Hindi ba ito nakasulat sa aklat ni Jasher? At ang araw ay tumigil sa gitna ng langit, at hindi nagmadaling lumubog sa isang buong araw.

14 At hindi nagkaroon ng araw na gaya niyaon bago nangyari yaon o pagkatapos niyaon, na ang Panginoon ay nakinig sa tinig ng tao: sapagka’t ipinakipaglaban ng Panginoon ang Israel.

15 At si Josue ay bumalik at ang buong Israel na kasama niya, sa kampamento sa Gilgal.

16 At ang limang haring ito ay tumakas at nagsipagkubli sa yungib sa Maceda.

17 At nasaysay kay Josue, na sinasabi, Ang limang hari ay nasumpungan, na nakatago sa yungib sa Maceda.

18 At sinabi ni Josue, Maggulong kayo ng mga malaking bato sa bunganga ng yungib, at maglagay kayo ng mga lalake roon upang magbantay sa kanila:

19 Nguni’t huwag kayong magsitigil; inyong habulin ang inyong mga kaaway, at inyong sasaktan ang kahulihulihan sa kanila; huwag ninyong tiising pumasok, sa kanilang mga bayan: sapagka’t ibinigay sila ng Panginoon ninyong Dios sa inyong kamay.

20 At nangyari, nang makatapos si Josue at ang mga anak ni Israel ng pagpatay ng malaking pagpatay sa kanila, hanggang sa nangalipol at ang labi na natira sa kanila ay pumasok sa mga nakukutaang bayan,

21 Na ang buong bayan ay bumalik sa kampamento kay Josue sa Maceda na tiwasay: walang maggalaw ng kaniyang dila laban sa kaninoman sa mga anak ni Israel.

22 Nang magkagayo’y sinabi ni Josue, Inyong buksan ang bunganga ng yungib, at inyong ilabas sa akin ang limang haring iyan sa yungib.

23 At kanilang ginawang gayon, at inilabas ang limang haring yaon mula sa yungib, ang hari sa Jerusalem, ang hari sa Hebron, ang hari sa Jarmuth, ang hari sa Lachis, ang hari sa Eglon.

24 At nangyari, nang kanilang ilabas ang mga haring yaon kay Josue na ipinatawag ni Josue ang lahat na lalake sa Israel, at sinabi sa mga pinuno ng mga lalaking mangdidigma na sumama sa kaniya, Lumapit kayo, ilagay ninyo ang inyong mga paa sa mga leeg ng mga haring ito. At sila’y lumapit at inilagay ang kanilang mga paa sa mga leeg ng mga yaon.

25 At sinabi ni Josue sa kanila, Huwag kayong matakot, ni manglupaypay; kayo’y magpakalakas at magpakatapang na maigi: sapagka’t ganito ang gagawin ng Panginoon sa lahat ninyong mga kaaway na inyong kinakalaban.

26 At pagkatapos ay sinaktan sila ni Josue, at ipinapatay sila, at ibinitin sila sa limang puno ng kahoy; at sila’y nangabitin sa mga puno ng kahoy hanggang sa kinahapunan.

27 At nangyari sa paglubog ng araw, na si Josue ay nagutos at kanilang ibinaba sa mga punong kahoy, at kanilang inihagis sa yungib na kanilang pinagtaguan, at kanilang nilagyan ng mga malaking bato ang bunganga ng yungib hanggang sa araw na ito.

28 At sinakop ni Josue ang Maceda nang araw na yaon, at sinugatan ng talim ng tabak, at ang hari niyaon; kaniyang lubos silang nilipol at ang lahat na tao na nandoon, wala siyang iniwang nalabi: at kaniyang ginawa sa hari sa Maceda ang gaya ng kaniyang ginawa sa hari ng Jerico.

29 At si Josue ay dumaan mula sa Maceda, at ang buong Israel na kasama niya, hanggang sa Libna, at lumaban sa Libna:

30 At ibinigay rin ng Panginoon, sangpu ng hari niyaon, sa kamay ng Israel; at kaniyang sinugatan ng talim ng tabak, at ang lahat na tao na nandoon; wala siyang iniwan doon; at kaniyang ginawa sa hari niyaon ang gaya ng kaniyang ginawa sa hari sa Jerico.

31 At dumaan si Josue mula sa Libna, at ang buong Israel na kasama niya, hanggang sa Lachis, at humantong laban doon, at lumaban doon.

32 At ibinigay ng Panginoon ang Lachis sa kamay ng Israel at kaniyang sinakop sa ikalawang araw, at sinugatan ng talim ng tabak, at ang lahat na tao na nandoon, ayon sa lahat na ginawa niya sa Libna.

33 Nang magkagayo’y sumampa si Horam na hari sa Gezer upang tulungan ang Lachis; at sinaktan ni Josue siya at ang kaniyang bayan, hanggang sa walang iniwan siya.

34 At dumaan si Josue mula sa Lachis, at ang buong Israel na kasama niya, hanggang sa Eglon; at sila’y humantong laban doon, at nakipaglaban doon;

35 At kanilang sinakop nang araw na yaon, at sinugatan ng talim ng tabak, at ang lahat na tao na nandoon ay kaniyang lubos na nilipol nang araw na yaon, ayon sa lahat niyang ginawa sa Lachis.

36 At sumampa si Josue mula sa Eglon, at ang buong Israel na kasama niya, hanggang sa Hebron; at sila’y nakipaglaban doon:

37 At kanilang sinakop, at sinugatan ng talim ng tabak, at ang hari niyaon, at ang lahat ng mga bayan niyaon, at ang lahat na tao na nandoon; wala siyang iniwang nalabi, ayon sa lahat niyang ginawa sa Eglon; kundi kaniyang lubos na nilipol, at ang lahat na tao na nandoon.

38 At si Josue at ang buong Israel na kasama niya ay bumalik sa Debir; at nakipaglaban doon:

39 At kaniyang sinakop at ang hari niyaon, at ang lahat ng mga bayan niyaon; at kanilang sinugatan ng talim ng tabak at lubos na nilipol ang lahat na tao na nandoon: wala siyang iniwang nalabi: kung paano ang kaniyang ginawa sa Hebron, ay gayon ang kaniyang ginawa sa Debir, at sa hari niyaon; gaya ng kaniyang ginawa sa Libna at sa hari niyaon.

40 Ganito sinaktan ni Josue ang buong lupain, ang lupaing maburol, at ang Timugan, at ang mababang lupain, at ang mga tagudtod, at ang lahat ng hari niyaon; wala siyang iniwang nalabi: kundi kaniyang lubos na nilipol ang lahat na humihinga, gaya ng iniutos ng Panginoon ng Dios ng Israel.

41 At sinaktan sila ni Josue mula sa Cades-barnea hanggang sa Gaza, at ang buong lupain ng Gosen, hanggang sa Gabaon.

42 At ang lahat ng mga haring ito at ang kanilang lupain ay sinakop ni Josue na paminsan, sapagka’t ipinakipaglaban ng Panginoon, ng Dios ng Israel.

43 At si Josue at ang buong Israel na kasama niya ay bumalik sa kampamento sa Gilgal.

Josue 11

1 At nangyari nang mabalitaan ni Jabin na hari sa Hasor, na siya’y nagsugo kay Jobab na hari sa Madon, at sa hari sa Simron, at sa hari sa Achsaph,

2 At sa mga hari na nangasa hilagaan, sa lupaing maburol, at sa Araba sa timugan ng Cinneroth at sa mababang lupain, at sa mga kaitaasan ng Dor sa kalunuran,

3 Sa Cananeo sa silanganan at sa kalunuran at sa Amorrheo, at sa Hetheo, at sa Pherezeo, at sa Jebuseo sa lupaing maburol, at sa Heveo sa ibaba ng Hermon, sa lupain ng Mizpa.

4 At sila’y lumabas, sila at ang kanilang mga hukbo na kasama nila, maraming tao, na gaya nga ng mga buhangin na nasa baybayin ng dagat sa karamihan, na may mga kabayo at mga karo na totoong marami.

5 At ang lahat ng mga haring ito ay nagpipisan; at sila’y naparoon at humantong na magkakasama sa tubig ng Merom, upang makipaglaban sa Israel.

6 At sinabi ng Panginoon kay Josue, Huwag kang matakot ng dahil sa kanila; sapagka’t bukas sa ganitong oras ay ibibigay ko silang lahat na patay sa harap ng Israel: inyong pipilayan ang kanilang mga kabayo, at sisilaban ng apoy ang kanilang mga karo.

7 Sa gayo’y biglang naparoon si Josue, at ang buong bayang pangdigma na kasama niya, laban sa kanila sa tabi ng tubig ng Merom, at dumaluhong sila sa kanila.

8 At ibinigay sila ng Panginoon sa kamay ng Israel, at sinaktan nila, at hinabol nila sila hanggang sa malaking Sidon, at hanggang sa Misrephoth-maim, at hanggang sa libis ng Mizpa, sa dakong silanganan; at sinaktan nila sila hanggang sa wala silang iniwan sa kanila nalabi.

9 At ginawa ni Josue sa kanila ang gaya ng iniutos ng Panginoon sa kaniya; kaniyang pinilayan ang kanilang mga kabayo, at sinilaban ng apoy ang kanilang mga karo.

10 At bumalik si Josue nang panahong yaon at sinakop ang Hasor, at sinugatan ng tabak ang hari niyaon: sapagka’t ang Hasor ng una ay pangulo ng lahat ng mga kahariang yaon.

11 At kanilang sinugatan ng talim ng tabak ang lahat na tao na nandoon, na kanilang lubos na nilipol: walang naiwan na may hininga, at kaniyang sinilaban ng apoy ang Hasor.

12 At ang lahat ng mga bayan ng mga haring yaon at ang lahat ng mga hari ng mga yaon ay sinakop ni Josue, at sinugatan niya sila ng talim ng tabak at lubos na nilipol sila; gaya ng iniutos ni Moises na lingkod ng Panginoon.

13 Nguni’t tungkol sa mga bayang natatayo sa kanilang mga bunton, ay walang sinunog ang Israel sa mga yaon, liban sa Hasor lamang, na sinunog ni Josue.

14 At ang lahat na samsam sa mga bayang ito at ang mga hayop ay kinuha ng mga anak ni Israel na pinakasamsam para sa kanilang sarili; nguni’t ang bawa’t tao ay sinugatan nila ng talim ng tabak hanggang sa kanilang nalipol sila, ni hindi nagiwan sila ng anomang may hininga.

15 Kung paanong nagutos ang Panginoon kay Moises na kaniyang lingkod, ay gayon nagutos si Moises kay Josue: at gayon ang ginawa ni Josue; wala siyang iniwang hindi yari sa lahat na iniutos ng Panginoon kay Moises.

16 Sa gayo’y sinakop ni Josue ang buong lupaing yaon, ang lupaing maburol, at ang buong Timugan, at ang buong lupain ng Gosen, at ang mababang lupain, at ang Araba, at ang lupaing maburol ng Israel, at ang mababang lupain niyaon;

17 Mula sa bundok ng Halac na paahon sa Seir, hanggang sa Baal-gad sa libis ng Libano sa ibaba ng bundok Hermon: at kinuha niya ang lahat nilang hari, at sinaktan niya sila at ipinapatay niya sila.

18 Si Josue ay nakipagdigmang malaong panahon sa lahat ng mga haring yaon.

19 Walang bayan na nakipagpayapaan sa mga anak ni Israel, liban ang mga Heveo na mga taga Gabaon: kanilang kinuhang lahat sa pakikipagbaka.

20 Sapagka’t inakala nga ng Panginoon na papagmatigasin ang kanilang puso, upang pumaroon laban sa Israel sa pakikipagbaka, upang kanilang malipol silang lubos, na huwag silang magtamo ng biyaya, kundi kaniyang malipol sila, gaya ng iniutos ng Panginoon kay Moises.

21 At naparoon si Josue nang panahong yaon at nilipol ang mga Anaceo mula sa lupaing maburol, sa Hebron, sa Debir, sa Anab, at sa buong lupaing maburol ng Juda, at sa buong lupaing maburol ng Israel: nilipol silang lubos ni Josue sangpu ng kanilang mga bayan.

22 Walang naiwan sa mga Anaceo sa lupain ng mga anak ni Israel: sa Gaza, sa Gath, at sa Asdod lamang, nagiwan siya ng ilan.

23 Gayon sinakop ni Josue ang buong lupain ayon sa lahat na sinalita ng Panginoon kay Moises; at ibinigay ni Josue na pinakamana sa Israel, ayon sa kanilang pagkakabahagi sangayon sa kanilang mga lipi. At ang lupain ay nagpahinga sa pakikipagdigma.

Josue 12

1 Ang mga ito nga ang mga hari sa lupain na sinaktan ng mga anak ni Israel, at inari ang kanilang lupain sa dako roon ng Jordan na dakong sinisikatan ng araw mula sa libis ng Arnon hanggang sa bundok ng Hermon, at ng buong Araba na dakong silanganan:

2 Si Sehon na hari ng mga Amorrheo, na nanahan sa Hesbon at nagpuno mula sa Aroer, na nasa tabi ng libis ng Arnon at ang bayan na nasa gitna ng libis, at ang kalahati ng Galaad, hanggang sa ilog Jaboc, na hangganan ng mga anak ni Ammon;

3 At ang Araba hanggang sa dagat ng Cinneroth, na dakong silanganan, at hanggang sa dagat ng Araba, Dagat na Alat, na dakong silanganan, na daang patungo sa Beth-jesimoth; at sa timugan sa ilalim ng mga tagudtod ng Pisga:

4 At ang hangganan ni Og na hari sa Basan, sa nalabi ng mga Rephaim na nanahan sa Astaroth at sa Edrei,

5 At nagpuno sa bundok ng Hermon, at sa Salca, at sa buong Basan, hanggang sa hangganan ng mga Gessureo at ng mga Maachateo, at ng kalahati ng Galaad, na hangganan ni Sehon na hari sa Hesbon.

6 Sinaktan sila ni Moises na lingkod ng Panginoon at ng mga anak ni Israel: at ibinigay ni Moises na lingkod ng Panginoon na pinakaari sa mga Rubenita, at sa mga Gadita, at sa kalahating lipi ni Manases.

7 At ang mga ito’y ang mga hari ng lupain na sinaktan ni Josue at ng mga anak ni Israel sa dako roon ng Jordan na dakong kalunuran, mula sa Baal-gad na libis ng Libano hanggang sa bundok ng Halac, na pasampa sa Seir (at ibinigay ni Josue na pinakaari sa mga lipi ng Israel ayon sa kanilang pagkakabahagi;

8 Sa lupaing maburol, at sa mababang lupain, at sa Araba, at sa mga tagudtod, at sa ilang, at sa Timugan; ang Hatheo, ang Amorrheo, at ang Cananeo, ang Pherezeo, ang Heveo, at ang Jebuseo);

9 Ang hari sa Jerico, isa; ang hari sa Hai na nasa tabi ng Beth-el, isa;

10 Ang hari sa Jerusalem, isa; ang hari sa Hebron, isa.

11 Ang hari sa Jarmuth, isa; ang hari sa Lachis, isa;

12 Ang hari sa Eglon, isa; ang hari sa Gezer, isa;

13 Ang hari sa Debir, isa; ang hari sa Geder, isa;

14 Ang hari sa Horma, isa; ang hari sa Arad, isa;

15 Ang hari sa Libna, isa; ang hari sa Adullam, isa;

16 Ang hari sa Maceda, isa; ang hari sa Beth-el, isa;

17 Ang hari sa Tappua, isa; ang hari sa Hepher, isa;

18 Ang hari sa Aphec, isa; ang hari sa Lasaron, isa;

19 Ang hari sa Madon, isa; ang hari sa Hasor, isa;

20 Ang hari sa Simron-meron, isa; ang hari sa Achsaph, isa;

21 Ang hari sa Taanach, isa; ang hari sa Megiddo, isa;

22 Ang hari sa Chedes, isa; ang hari sa Jocneam sa Carmel, isa;

23 Ang hari sa Dor sa kaitaasan ng Dor, isa; ang hari ng mga bansa sa Gilgal, isa;

24 Ang hari sa Tirsa, isa; lahat ng hari ay tatlong pu’t isa;