1 At si Moises ay sumagot at nagsabi, Datapuwa’t, narito, hindi nila paniniwalaan ako, ni didinggin ang aking tinig sapagka’t kanilang sasabihin, Ang Panginoon ay hindi napakita sa iyo.
2 At sinabi sa kaniya ng Panginoon, Ano iyang nasa iyong kamay? At kaniyang sinabi, Isang tungkod.
3 At kaniyang sinabi, Ihagis mo sa lupa. At kaniyang inihagis sa lupa, at naging isang ahas; at si Moises ay tumakas sa harap ng ahas.
4 At sinabi ng Panginoon kay Moises, Iunat mo ang iyong kamay, at sunggaban mo sa buntot: (at kaniyang iniunat ang kaniyang kamay, at kaniyang hinawakan, at naging isang tungkod sa kaniyang kamay).
5 Upang sila’y maniwala, na ang Dios ng iyong mga magulang, ang Dios ni Abraham, ang Dios ni Isaac, at ang Dios ni Jacob ay napakita sa iyo.
6 At sinabi pa sa kaniya ng Panginoon, Ipasok mo ang iyong kamay, sa iyong sinapupunan. At kaniyang ipinasok ang kamay niya sa kaniyang sinapupunan: at nang kaniyang ilabas, ay narito, ang kaniyang kamay ay may ketong, na maputing parang niebe.
7 At kaniyang sinabi, Ipasok mo uli ang iyong kamay sa iyong sinapupunan. (At kaniyang ipinasok uli ang kamay niya sa kaniyang sinapupunan, at nang kaniyang ilabas sa kaniyang sinapupunan, ay narito, nagsauling gaya ng kaniyang dating laman).
8 At mangyayari, na kung sila’y hindi maniniwala sa iyo, ni makikinig sa tinig ng unang tanda, ay kanilang paniniwalaan ang tinig ng huling tanda.
9 At mangyayari na kung sila’y hindi maniniwala sa dalawang tandang ito, ni hindi makikinig sa iyong tinig, ay kukuha ka ng tubig sa ilog, at iyong ibubuhos sa tuyong lupa, at ang tubig na iyong kukunin sa ilog ay magiging dugo sa tuyong lupa.
10 At sinabi ni Moises sa Panginoon, Oh Panginoon, ako’y hindi marikit mangusap, kahit ng panahong nakaraan, kahit mula ng magsalita ka sa iyong lingkod: sapagka’t ako’y kimi sa pangungusap at umid sa dila.
11 At sinabi sa kaniya ng Panginoon, Sinong gumawa ng bibig ng tao? o sinong gumawa ng pipi, o bingi, o may paningin, o bulag sa tao? Hindi ba akong Panginoon?
12 Ngayon nga’y yumaon ka, at ako’y sasaiyong bibig, at ituturo ko sa iyo kung ano ang iyong sasalitain.
13 At kaniyang sinabi, Oh Panginoon, magsugo ka, isinasamo ko sa iyo, sa pamamagitan ng kamay niyaong iyong susuguin.
14 At ang galit ng Panginoon ay nagningas laban kay Moises, at kaniyang sinabi, Wala ba si Aarong kapatid mo na Levita? Nalalaman kong siya’y makapagsasalitang mabuti. At saka, narito, siya’y lumalabas upang salubungin ka; at pagkakita niya sa iyo, ay matutuwa sa kaniyang puso.
15 At ikaw ay magsasalita sa kaniya, at iyong isasabibig niya ang mga salita; at ako’y sasaiyong bibig at sasakaniyang bibig, at aking ituturo sa inyo, kung ano ang inyong gagawin.
16 At siya ang makikipagusap sa lagay mo sa bayan: at mangyayari na siya’y magiging sa iyo’y bibig, at ikaw ay magiging sa kaniya’y parang Dios.
17 At tatangnan mo sa iyong kamay ang tungkod na ito, na iyong ipaggagawa ng mga tanda.
18 At si Moises ay yumaon, at bumalik kay Jethro na kaniyang biyanan, at nagsabi sa kaniya, Pahintulutan mo akong yumaon, isinasamo ko sa iyo, at bumalik sa aking mga kapatid na nasa Egipto, at titingnan ko, kung sila’y nabubuhay pa. At sinabi ni Jethro kay Moises, Yumaon kang payapa.
19 At sinabi ng Panginoon kay Moises sa Madian, Yumaon ka, bumalik ka sa Egipto: sapagka’t namatay na ang lahat ng tao, na nagmimithi ng iyong buhay.
20 At ipinagsama ni Moises ang kaniyang asawa at ang kaniyang mga anak, at kaniyang ipinagsasakay sa isang asno, at siya’y bumalik sa lupain ng Egipto: at tinangnan ni Moises ang tungkod ng Dios sa kaniyang kamay.
21 At sinabi ng Panginoon kay Moises, Pagkabalik mo sa Egipto, iyong gawin nga sa harap ni Faraon ang lahat ng kababalaghan na aking itiniwala sa iyong kamay: datapuwa’t aking papagmamatigasin ang kaniyang puso, at hindi niya tutulutang yumaon ang bayan.
22 At iyong sasabihin kay Faraon, Ganito ang sabi ng Panginoon, Ang Israel ay aking anak, aking panganay:
23 At aking sinabi sa iyo, Pahintulutan mong ang aking anak ay yumaon, upang siya’y makapaglingkod sa akin; at ayaw mo siyang payaunin, narito, aking papatayin ang iyong anak, ang iyong panganay.
24 At nangyari sa daan, sa dakong panuluyanan, na sinalubong ng Panginoon siya, at pinagsikapang patayin siya.
25 Nang magkagayo’y sumunggab si Sephora ng isang batong matalim, at pinutol ang balat ng masama ng kaniyang anak, at inihagis sa kaniyang paanan; at kaniyang sinabi, Tunay na ikaw sa akin ay isang asawang mabagsik.
26 Sa gayo’y kaniyang binitiwan siya. Nang magkagayo’y kaniyang sinabi, Isang asawa kang mabagsik, dahil sa pagtutuli.
27 At sinabi ng Panginoon kay Aaron, Pumaroon ka sa ilang na salubungin mo si Moises. At siya’y pumaroon, at nasalubong niya sa bundok ng Dios, at kaniyang hinagkan.
28 At isinaysay ni Moises kay Aaron ang lahat ng salita ng Panginoon, na ipinagbilin sa kaniyang sabihin, at ang lahat ng tandang ipinagbilin sa kaniyang gawin.
29 At si Moises at si Aaron ay naparoon at tinipon ang lahat ng matanda sa mga anak ni Israel:
30 At sinalita ni Aaron ang lahat ng salita na sinalita ng Panginoon kay Moises, at ginawa ang mga tanda sa paningin ng bayan.
31 At ang bayan ay naniwala: at nang kanilang marinig na dinalaw ng Panginoon ang mga anak ni Israel, at kaniyang nakita ang kanilang kapighatian, ay iniyukod nga nila ang kanilang mga ulo at sumamba.