Genesis 42

1 Nabalitaan nga ni Jacob na may trigo sa Egipto, at sinabi ni Jacob sa kaniyang mga anak, Bakit kayo nangagtitinginan?

2 At kaniyang sinabi, Narito, aking narinig na may trigo sa Egipto: bumaba kayo roon, at bumili kayo roon ng sa ganang atin, upang tayo’y mabuhay at huwag mamatay.

3 At ang sangpung kapatid ni Jose ay bumaba, na bumili ng trigo sa Egipto.

4 Datapuwa’t si Benjamin na kapatid ni Jose, ay hindi sinugo ni Jacob na kasama ng kaniyang mga kapatid; sapagka’t aniya’y, Baka sakaling may mangyari sa kaniyang anomang kapahamakan.

5 At ang mga anak ni Israel ay nagsiparoong bumili, na kasalamuha ng nagsisiparoon: sapagka’t nagkakagutom sa lupain ng Canaan.

6 At si Jose ang tagapamahala sa lupain; siya ang nagbibili ng trigo sa lahat ng mga tao sa lupain: at nagsidating ang mga kapatid ni Jose at nangagpatirapa sa kaniya, na ang kanilang mga mukha ay pasubasob.

7 At nakita ni Jose ang kaniyang mga kapatid, at kaniyang nangakilala, datapuwa’t siya’y nagkunwaring iba sa kanila, at sila’y kinausap niya ng magilas; at sinabi sa kanila, Saan kayo nagsipanggaling? At sinabi nila, Sa lupain ng Canaan, upang bumili ng pagkain.

8 At nakilala ni Jose ang kaniyang mga kapatid, datapuwa’t hindi nila siya nakilala.

9 At naalaala ni Jose ang mga panaginip na kaniyang napanaginip, tungkol sa kanila, at sa kanila’y sinabi, Kayo’y mga tiktik; upang tingnan ninyo ang kahubaran ng lupain kaya kayo naparito.

10 At kanilang sinabi sa kaniya, Hindi panginoon ko, kundi ang iyong mga lingkod ay nagsiparito upang bumili ng pagkain.

11 Kaming lahat ay anak ng isa lamang lalake; kami ay mga taong tapat, ang iyong mga lingkod ay hindi mga tiktik.

12 At kaniyang sinabi sa kanila, Hindi, kungdi upang tingnan ang kahubaran ng lupain kaya kayo naparito.

13 At kanilang sinabi, Kaming iyong mga lingkod ay labing dalawang magkakapatid, na mga anak ng isa lamang lalake sa lupain ng Canaan; at, narito, ang bunso ay nasa aming ama ngayon, at ang isa’y wala na.

14 At sinabi sa kanila ni Jose, Iyan ang sinasalita ko sa inyo, na aking sinasabi, Kayo’y mga tiktik;

15 Dito ko kayo susubukin: alangalang sa buhay ni Faraon ay hindi kayo aalis dito, malibang pumarito ang inyong kapatid na bunso.

16 Suguin ninyo ang isa sa inyo, na dalhin dito ang inyong kapatid, at kayo’y mangabibilanggo; upang masubok ang inyong mga salita, kung may katotohanan sa inyo: o kung hindi alangalang sa buhay ni Faraon, ay tunay na mga tiktik kayo.

17 At kaniyang inilagay silang lahat na magkakasama sa bilangguan na tatlong araw.

18 At sinabi ni Jose sa kanila sa ikatlong araw, Gawin ninyo ito at mangabuhay kayo; sapagka’t natatakot ako sa Dios:

19 Kung kayo’y mga taong tapat, ay matira ang isa sa inyong magkakapatid na bilanggo sa bahay na pinagbilangguan sa inyo; datapuwa’t kayo’y yumaon, magdala kayo ng trigo dahil sa kagutom sa inyong mga bahay:

20 At dalhin ninyo sa akin ang inyong kapatid na bunso; sa ganito’y matototohanan ang inyong mga salita, at hindi kayo mangamamatay. At kanilang ginawang gayon.

21 At sila’y nagsabisabihan, Katotohanang tayo’y salarin tungkol sa ating kapatid, sapagka’t nakita natin ang kahapisan ng kaniyang kaluluwa, nang namamanhik sa atin, at hindi natin siya dininig; kaya’t dumarating sa atin ang kahapisang ito.

22 At si Ruben ay sumagot sa kanila, na nagsasabi, Di ba nagsalita ako sa inyo, na aking sinasabi, Huwag kayong magkasala laban sa bata; at ayaw kayong makinig? kaya naman, narito, ang kaniyang dugo ay nagsasakdal.

23 At hindi nila nalalaman na sila’y pinakikinggan ni Jose; sapagka’t may tagapagpaliwanag sa kanila.

24 At siya’y humiwalay sa kanila, at umiyak; at siya’y bumalik sa kanila, at sila’y kinausap at kinuha sa kanila si Simeon, at siya’y tinalian sa harap ng kanilang mga mata.

25 Nang magkagayo’y ipinagutos ni Jose na punuin ang kanilang mga bayong ng trigo, at ibalik ang salapi ng bawa’t isa sa kanikaniyang bayong, at sila’y bigyan ng mababaon sa daan: at ginawa sa kanilang gayon.

26 At kanilang pinasanan ng trigo ang kanilang mga asno, at sila’y yumaon mula roon.

27 At pagbubukas ng isa ng kaniyang bayong upang bigyan ng pagkain ang kaniyang asno sa tuluyan, ay nakita niya ang kaniyang salapi; at, narito, nasa labi ng kaniyang bayong.

28 At sinabi niya sa kaniyang mga kapatid, Ang salapi ko ay nasauli; at, narito, nasa aking bayong: at kumutob ang kanilang puso; at nangagtinginan na nanganginginig, na nagsasabihan, Ano itong ginawa ng Dios sa atin?

29 At sila’y dumating kay Jacob na kanilang ama sa lupain ng Canaan, at isinaysay nila sa kaniya ang lahat na nangyari sa kanila; na sinasabi:

30 Ang lalaking panginoon sa lupaing yaon ay kinausap kami na magilas, at inari kaming mga tiktik sa lupain.

31 At aming sinabi sa kaniya, Kami ay mga taong tapat; hindi kami mga tiktik:

32 Kami ay labing dalawang magkakapatid, na mga anak ng aming ama; ang isa’y wala na, at ang bunso ay nasa aming ama ngayon sa lupain ng Canaan.

33 At sinabi sa amin ng lalaking yaon, ng panginoon sa lupain, Dito ko makikilala na kayo’y mga taong tapat: magiwan kayo sa akin ng isa sa inyong magkakapatid, at magsipagdala kayo ng trigo dahil sa kagutom sa inyong mga bahay, at kayo’y yumaon.

34 At dalhin ninyo rito sa akin ang inyong kapatid na bunso: kung gayo’y makikilala ko, na kayo’y hindi mga tiktik, kundi kayo’y mga taong tapat: sa ganito’y isasauli ko sa inyo ang inyong kapatid at kayo’y mangangalakal sa lupain.

35 At nangyari na pagaalis ng laman ng kanilang mga bayong, na, narito, sa bayong ng bawa’t isa ay nakalagay ang balot ng kanikaniyang salapi: at nang makita nila at ng kanilang ama ang kanilang mga balot ng salapi, ay nangatakot.

36 At sinabi sa kanila ng kanilang amang si Jacob, Inalis na ninyo sa akin ang aking mga anak: si Jose ay wala, at si Simeon ay wala, at aalisin pa ninyo si Benjamin: lahat ng bagay na ito ay laban sa akin.

37 At nagsalita, si Ruben sa kaniyang ama, na sinasabi, Ipapatay mo ang aking dalawang anak kung siya’y hindi ko dalhin sa iyo; ibigay mo sa aking kamay, at siya’y aking ibabalik sa iyo.

38 At kaniyang sinabi, Hindi yayaon ang aking anak na kasama ninyo; sapagka’t ang kaniyang kapatid ay patay na, at siya lamang ang natitira; kung mangyari sa kaniya ang anomang kapahamakan sa daan na inyong paroroonan, ay pabababain nga ninyo ang aking mga uban sa Sheol na may kapanglawan.

Genesis 43

1 At ang kagutom ay mahigpit sa lupain.

2 At nangyari, nang makain na nila ang trigong kanilang dinala mula sa Egipto, na sinabi sa kanila ng kanilang ama, Kayo’y pumaroong muli, ibili ninyo tayo ng kaunting pagkain.

3 At si Juda ay nagsalita sa kaniya, na sinasabi, Ipinahayag sa aming mahigpit ng lalaking yaon, na sinasabi, Hindi ninyo makikita ang aking mukha, maliban na ipagsama ninyo ang inyong kapatid.

4 Kung pasasamahin mo sa amin ang aming kapatid, ay bababa kami, at ibibili ka namin ng pagkain.

5 Datapuwa’t kung hindi mo paparoroonin ay hindi kami bababa: sapagka’t sinabi sa amin ng lalaking yaon, Hindi ninyo makikita ang aking mukha, malibang kasama ninyo ang inyong kapatid.

6 At sinabi ni Israel, Bakit ninyo ako ginawan ng masama, na inyong sinabi sa lalake na mayroon pa kayong ibang kapatid?

7 At kanilang sinabi, Tinanong kami ng buong siyasat, tungkol sa amin, at tungkol sa aming kamaganakan, na sinasabi, Buhay pa ba ang inyong ama? May iba pa ba kayong kapatid? At isinaysay namin sa kaniya ayon sa mga salitang ito: saan namin malalaman, kaniyang sasabihin, Ibababa ninyo rito ang inyong kapatid?

8 At sinabi ni Juda kay Israel na kaniyang ama. Pasamahin mo sa akin ang bata at kami ay magsisitindig at magsisiyaon; upang tayo’y mabuhay at huwag mamatay, kami, at ikaw, at gayon din ang aming mga bata.

9 Ako ang mananagot sa kaniya; sa aking kamay hahanapin mo siya; kung hindi ko ibalik sa iyo, at ilagay sa harap mo, ay pasanin ko ang sala magpakailan pa man:

10 Sapagka’t kung hindi tayo nagluwat, ay nakapagbalik na kaming makalawa.

11 At sinabi sa kanila ng kanilang amang si Israel, Kung gayon, ngayo’y gawin ninyo ito: magdala kayo sa inyong bayong ng mga piling bunga ng lupain, at dalhan ninyo ang lalaking yaon ng kaloob, ng kaunting balsamo at kaunting pulot, pabango, at mirra, mga pile at almendras.

12 At magdala kayo ng ibayong halaga ng salapi sa inyong kamay; at ang salaping nabalik sa labi ng inyong mga bayong ay dalhin ninyong muli sa inyong kamay; marahil ay kalituhan:

13 Dalhin din ninyo ang inyong kapatid, at magtindig kayo at pumaroon kayong muli sa lalaking yaon.

14 At pagkalooban nawa kayo ng Dios na Makapangyarihan sa lahat ng kaawaan sa harap ng lalaking yaon, upang isauli sa inyo ang inyong isang kapatid at si Benjamin. At kung mawalan ako ng mga anak, ay mawalan ako.

15 At dinala ng mga lalake ang kaloob na yaon, at ibayong halaga ng salapi ang dinala sa kanilang kamay, at si Benjamin; at nagsipagtindig, at nagsibaba sa Egipto, at nagsiharap kay Jose.

16 At nang makita ni Jose si Benjamin na kasama nila, ay sinabi niya sa katiwala ng kaniyang bahay: Dalhin mo ang mga lalaking iyan sa bahay, at magpatay ka ng mga hayop, at ihanda mo; sapagka’t ang mga lalaking iyan ay magsisipananghaling kasalo ko.

17 At ginawa ng lalake ang ayon sa iniutos sa kaniya ni Jose; at dinala ng katiwala ang mga lalaking yaon sa bahay ni Jose.

18 At ang mga lalake ay nangatakot, sapagka’t sila’y dinala sa bahay ni Jose; kanilang sinabi: Dahil sa salaping isinauli sa ating mga bayong ng una, ay dinala tayo rito; upang hanapan tayo ng dahilan, at tayo’y ibagsak niya, at tayo’y ariin niyang mga alipin, at pati ng atin mga asno.

19 At sila’y nagsilapit sa katiwala ng bahay ni Jose, at kinausap nila sa pintuan ng bahay.

20 At sinabi nila, Oh panginoon ko, tunay na kami ay bumaba ng una na bumili ng pagkain:

21 At nangyari, nang dumating kami sa tuluyan, na binuksan namin ang aming mga bayong, at, narito, ang salapi ng bawa’t isa sa amin ay nasa labi ng kanikaniyang bayong, ang salapi namin sa tunay na timbang: at aming muling dinala sa aming kamay.

22 At nagdala kami ng ibang salapi sa aming kamay upang ibili ng pagkain; hindi namin nalalaman kung sino ang naglagay ng aming salapi sa aming mga bayong.

23 At kaniyang sinabi, Mapayapa kayo; huwag kayong matakot, ang Dios ninyo at ang Dios ng inyong ama ang nagbigay sa inyo ng kayamanang natatago sa inyong mga bayong: tinanggap ko ang inyong salapi. At inilabas si Simeon sa kanila.

24 At dinala ng katiwala ang mga lalake sa bahay ni Jose, at sila’y binigyan ng tubig, at nangaghugas ng kanilang mga paa; at binigyan ng pagkain ang kanilang mga asno.

25 At kanilang inihanda ang kaloob sa pagdating ni Jose sa tanghali; sapagka’t kanilang narinig na doon sila magsisikain ng tinapay.

26 At nang dumating si Jose sa bahay, ay dinala nila sa kaniya sa loob ng bahay, ang kaloob na nasa kanilang kamay, at sila’y nagpatirapa sa harap niya.

27 At sila’y kaniyang tinanong tungkol sa kanilang kalagayan, at sinabi, Wala bang sakit ang inyong ama, ang matanda na inyong sinalita? buhay pa ba?

28 At kanilang sinabi, Walang sakit ang iyong lingkod na aming ama, buhay pa. At sila’y nagsiyukod at nagsigalang.

29 At itiningin niya ang kaniyang mga mata, at nakita si Benjamin na kapatid niya, na anak ng kaniyang ina, at sinabi, Ito ba ang inyong kapatid na bunso, na inyong sinalita sa akin? At kaniyang sinabi, Pagpalain ka nawa ng Dios, anak ko.

30 At nagmadali si Jose; sapagka’t nagniningas ang kaniyang loob dahil sa kaniyang kapatid: at humanap ng dakong maiiyakan; at pumasok sa kaniyang silid, at umiyak doon.

31 At siya’y naghilamos at lumabas; at nagpigil ng loob, at nagsabi, Maghain kayo ng tinapay.

32 At kanilang hinainan siyang bukod, at silang bukod, at ang mga Egipcio na kumakaing kasama niya ay bukod: sapagka’t ang mga taga Egipcio ay hindi makakaing kasalo ng mga Hebreo; sapagka’t kasuklamsuklam ito sa mga Egipcio.

33 At sila’y nagsiupo sa harap niya, ang panganay ayon sa kaniyang pagkapanganay, at ang bunso ayon sa kaniyang pagkabunso: at ang mga lalake ay nangamamangha na nagtitinginan.

34 At sila’y idinampot ni Jose sa harap niya ng mga ulam: datapuwa’t ang ulam ni Benjamin ay humihigit kay sa mga bahagi ng alin man sa kanila ng makalima. At nangaginuman at nangakipagkatuwa sa kaniya.

Genesis 44

1 At kaniyang iniutos sa katiwala ng kaniyang bahay, na sinasabi, Punuin mo ng mga pagkain ang mga bayong ng mga lalaking ito, kung gaano ang kanilang madadala: at ilagay mo ang salapi ng bawa’t isa sa labi ng kanikaniyang bayong.

2 At ilagay mo ang aking saro, ang sarong pilak, sa labi ng bayong ng bunso, at ang salapi ng kaniyang trigo. At ginawa niya ang ayon sa salita na sinalita ni Jose.

3 At pagliliwanag ng kinaumagahan, ay pinapagpaalam ang mga lalake, sila at ang kanilang mga asno.

4 Nang sila’y mangakalabas na sa bayan, at hindi pa sila nalalayo, ay sinabi ni Jose sa katiwala ng kaniyang bahay, Bumangon ka habulin mo ang mga lalake; at pagka sila’y iyong inabutan, ay sabihin mo sa kanila, Bakit iginanti ninyo ay kasamaan sa kabutihan?

5 Hindi ba ang sarong ito ang iniinuman ng aking panginoon, at tunay na kaniyang ipinanghuhula? Kayo’y gumawa ng masama sa paggawa ng ganiyan.

6 At kaniyang inabutan sila, at kaniyang sinalita sa kanila ang mga ito.

7 At kanilang sinabi sa kaniya, Bakit sinalita ng aking panginoon ang mga salitang ito? Huwag itulot ng Dios na gumawa ang iyong mga lingkod ng ganiyang bagay.

8 Narito, ang salapi na aming nasumpungan sa labi ng aming mga bayong ay aming isinauli sa iyo mula sa lupain ng Canaan: paano ngang kami ay magnanakaw sa bahay ng iyong panginoon ng pilak o ginto?

9 Yaong kasumpungan sa iyong mga lingkod, ay mamatay, at pati kami ay magiging alipin ng aming panginoon.

10 At kaniyang sinabi, Mangyari nga ang ayon sa inyong mga salita; yaong kasumpungan ay magiging aking alipin; at kayo’y mawawalan ng sala.

11 Nang magkagayo’y nagmadali sila, at ibinaba ng bawa’t isa ang kaniyang bayong sa lupa, at binuksan ng bawa’t isa ang kaniyang bayong.

12 At kaniyang sinaliksik, na pinasimulan sa panganay at niwakasan sa bunso; at nasumpungan ang saro sa bayong ni Benjamin.

13 Nang magkagayo’y kanilang hinapak ang kanilang mga suot, at pinasanan ng bawa’t isa ang kaniyang asno, at nagsibalik sa bayan.

14 At si Juda at ang kaniyang mga kapatid ay dumating sa bahay ni Jose at siya’y nandoon pa, at sila’y nangagpatirapa sa lupa sa harap niya.

15 At sinabi sa kanila ni Jose, Anong gawa itong inyong ginawa? Hindi ba ninyo nalalaman na ang isang tao na gaya ko ay tunay na makahuhula?

16 At sinabi ni Juda: Anong aming sasabihin sa aming panginoon? anong aming sasalitain? o paanong kami ay magpapatotoo? Inilitaw ng Dios ang kasamaan ng iyong mga lingkod: narito, kami ay alipin ng aming panginoon, kami sampu niyaong kinasumpungan ng saro.

17 At kaniyang sinabi, Huwag nawang itulot ng Dios na ako’y gumawa ng ganiyan; ang taong kinasumpungan ng saro, ay siyang magiging aking alipin; datapuwa’t tungkol sa inyo ay pumaroon kayong payapa sa inyong ama.

18 Nang magkagayo’y lumapit si Juda sa kaniya, at nagsabi, Oh panginoon ko, ipinamamanhik ko sa iyo na papagsalitain ang iyong lingkod, ng isang salita sa mga pakinig ng aking panginoon, at huwag nawang magalab ang iyong loob laban sa iyong lingkod; sapagka’t ikaw ay parang si Faraon.

19 Tinanong ng aking panginoon ang kaniyang mga lingkod, na sinasabi; Kayo ba’y mayroong ama o kapatid?

20 At aming sinabi sa aking panginoon, Kami ay may ama, isang matanda, at isang anak sa kaniyang katandaan, isang munting bata at ang kaniyang kapatid ay namatay, at siya lamang ang naiwan ng kaniyang ina, at minamahal siya ng kaniyang ama.

21 At sinabi mo sa iyong mga lingkod, Dalhin ninyo rito sa akin, upang mamasdan ko siya ng aking mga mata.

22 At aming sinabi sa aking panginoon, Hindi maiiwan ng bata ang kaniyang ama: sapagka’t kung iiwan niya ang kaniyang ama, ay mamamatay ang ama niya.

23 At iyong sinabi sa iyong mga lingkod, Hindi na ninyo makikita ang aking mukha, malibang inyong ipagsamang bumaba ang inyong kapatid na bunso.

24 At nangyari nang panhikin namin ang inyong lingkod na aking ama, ay aming isinaysay sa kaniya ang mga salita ng aking panginoon.

25 At sinabi ng aming ama, Pumaroon kayo uli, ibili ninyo tayo ng kaunting pagkain.

26 At aming sinabi, Hindi kami makabababa: kung ang aming bunsong kapatid ay kasama namin ay bababa nga kami: sapagka’t hindi namin makikita ang mukha ng lalaking yaon, malibang ang aming bunsong kapatid ay kasama namin.

27 At sinabi ng iyong lingkod na aming ama sa amin, Inyong talastas na ang aking asawa ay nagkaanak sa akin ng dalawang lalake:

28 At ang isa’y umalis sa akin, at aking sinabi, Tunay na siya’y nalapa; at hindi ko siya nakita mula noon.

29 At kung inyong kunin pa ang isang ito sa akin, at may mangyaring sakuna sa kaniya, ay inyong ibababa ang aking uban sa Sheol na may kapanglawan.

30 Ngayon nga’y kung ako’y dumating sa iyong lingkod na aking ama, at ang bata ay hindi namin kasama; sapagka’t ang kaniyang buhay ay natatali sa buhay ng batang iyan;

31 Ay mangyayari nga na pagka kaniyang nakitang ang bata ay di namin kasama, na mamamatay siya: at ibababa sa Sheol na may kapanglawan ng iyong mga lingkod ang mga uban ng iyong lingkod na aming ama.

32 Sapagka’t ang iyong lingkod ang siyang nanagot sa bata sa aking ama, na nagsasabi: Kung hindi ko siya dalhin sa iyo, ay papasanin ko nga ang kasalanan sa aking ama magpakailan man.

33 Ngayon nga, ay ipahintulot mo na ang iyong lingkod, aking isinasamo sa iyo, ay maiwan na kahalili ng bata na pinakaalipin ng aking panginoon; at iyong ipahintulot na ang bata ay umahong kasama ng kaniyang mga kapatid.

34 Sapagka’t paanong paroroon ako sa aking ama, at ang bata’y di ko kasama? Baka aking makita pa ang sakunang sasapit sa aking ama.

Genesis 45

1 Nang magkagayon ay hindi nakapagpigil si Jose sa harap nilang lahat na nakatayo sa siping niya; at sumigaw, Paalisin ninyo ang lahat ng tao sa aking harap. At walang taong tumayo na kasama niya samantalang si Jose ay napakikilala sa kaniyang mga kapatid.

2 At siya’y umiyak ng malakas: at narinig ng mga Egipcio, at narinig ng sangbahayan ni Faraon.

3 At sinabi ni Jose sa kaniyang mga kapatid, Ako’y si Jose; buhay pa ba ang aking ama? At ang kaniyang mga kapatid ay hindi mangakasagot sa kaniya: sapagka’t sila’y nagugulumihanan sa kaniyang harap.

4 At sinabi ni Jose sa kaniyang mga kapatid, Lumapit kayo sa akin, isinasamo ko sa inyo. At sila’y lumapit. At kaniyang sinabi: Ako’y si Jose na inyong kapatid, na inyong ipinagbili upang dalhin sa Egipto.

5 At ngayo’y huwag kayong magdalamhati, o magalit man sa inyong sarili na inyo akong ipinagbili rito: sapagka’t sinugo ako ng Dios sa unahan ninyo upang magadya ng buhay.

6 Sapagka’t may dalawang taon nang ang kagutom ay nasa lupain; at may limang taon pang hindi magkakaroon ng pagbubukid, o pagaani man.

7 At sinugo ako ng Dios sa unahan ninyo upang papanatilihin kayong pinakalahi sa lupa, at upang iligtas kayong buhay sa pamamagitan ng dakilang pagliligtas.

8 Hindi nga kayo ang nagsugo sa akin dito, kundi ang Dios: at kaniya akong ginawang ama kay Faraon, at panginoon sa buo niyang bahay, at tagapamahala ng buong lupain ng Egipto.

9 Magmadali kayo, at pumaroon kayo sa aking ama, at sabihin ninyo sa kaniya: Ganito ang sabi ng iyong anak na si Jose: Ginawa akong panginoon ng Dios sa buong Egipto: pumarito ka sa akin, huwag kang magluwat.

10 At ikaw ay tatahan sa lupain ng Gosen, at malalapit ka sa akin, ikaw at ang iyong mga anak, at ang mga anak ng iyong mga anak, at ang iyong mga kawan, at ang iyong mga bakahan, at ang iyong buong tinatangkilik.

11 At doo’y kakandilihin kita; sapagka’t may limang taong kagutom pa; baka ikaw ay madukha, ikaw at ang iyong sangbahayan, at ang lahat ng iyo.

12 At, narito, nakikita ng inyong mga mata at ng mga mata ng aking kapatid na si Benjamin, na ang aking bibig ang nagsasalita sa inyo.

13 At inyong sasaysayin sa aking ama ang aking buong kaluwalhatian sa Egipto, at ang inyong buong nakita; at kayo’y magmamadali at inyong ibababa rito ang aking ama.

14 At siya’y humilig sa leeg ng kaniyang kapatid na si Benjamin, at umiyak; at si Benjamin ay umiyak sa ibabaw ng kaniyang leeg.

15 At kaniyang hinagkan ang lahat niyang kapatid, at umiyak sa kanila: at pagkatapos ay nakipagsalitaan sa kaniya ang kaniyang mga kapatid.

16 At ang kabantugang yaon ay naibalita sa sangbahayan ni Faraon, na sinasabi, Nagsidating ang mga kapatid ni Jose: at ikinalugod ni Faraon, at ng kaniyang mga lingkod.

17 At sinabi ni Faraon kay Jose, Sabihin mo sa iyong mga kapatid, Ito’y gawin ninyo: pasanan ninyo ang inyong mga hayop, at kayo’y yumaon, umuwi sa lupain ng Canaan;

18 At dalhin ninyo ang inyong ama at ang inyong mga sangbahayan, at pumarito kayo sa akin: at aking ibibigay sa inyo ang pinakamabuti sa lupain ng Egipto, at kakanin ninyo ang katabaan ng lupain.

19 Ngayo’y inuutusan ka, ito’y gawin ninyo; kumuha kayo ng mga kariton sa lupain ng Egipto para sa inyong mga bata, at sa inyong mga asawa, at dalhin ninyo rito ang inyong ama, at kayo’y pumarito.

20 Huwag din ninyong lingapin ang inyong pag-aari; dahil sa ang buti ng buong lupain ng Egipto ay inyo.

21 At ginawang gayon ng mga anak ni Israel: at binigyan sila ni Jose ng mga kariton, ayon sa utos ni Faraon, at sila’y binigyan ng mababaon sa daan.

22 Sa kanilang lahat ay nagbigay siya ng mga pangpalit na bihisan; nguni’t kay Benjamin ay nagbigay siya ng tatlong daang putol na pilak, at limang pangpalit na bihisan.

23 At sa kaniyang ama ay nagpadala siya ng ganitong paraan; sangpung asnong may pasang mabuting mga bagay sa Egipto, at sangpung asna na may pasang trigo at tinapay at pagkain ng kaniyang ama sa daan.

24 Sa ganito ay kaniyang pinapagpaalam ang kaniyang mga kapatid, at sila’y yumaon: at kaniyang sinabi sa kanila, Huwag kayong magkaaalit sa daan.

25 At sila’y sumumpa mula sa Egipto, at naparoon sa lupain ng Canaan, kay Jacob na kanilang ama.

26 At kanilang isinaysay sa kaniya, na sinasabi, Si Jose ay buhay pa, at siya’y puno sa buong lupain ng Egipto. At ang kaniyang puso ay nanglupaypay, sapagka’t di niya pinaniwalaan sila.

27 At kanilang isinaysay sa kaniya ang lahat ng salita ni Jose, na kaniyang sinabi sa kanila: nang kaniyang makita ang mga karitong ipinadala ni Jose upang dalhin sa kaniya, ay nagsauli ang diwa ni Jacob na kanilang ama.

28 At sinabi ni Israel, Siya na; si Jose na aking anak ay buhay pa: ako’y paroroon at titingnan ko siya, bago ako mamatay.

Genesis 46

1 At si Israel ay naglakbay na dala ang lahat niyang tinatangkilik, at napasa Beerseba, at naghandog ng mga hain sa Dios ng kaniyang amang si Isaac.

2 At kinausap ng Dios si Israel sa mga panaginip sa gabi, at sinabi, Jacob, Jacob. At sinabi niya, Narito ako:

3 At kaniyang sinabi, Ako’y Dios, ang Dios ng iyong ama, huwag kang matakot na bumaba sa Egipto: sapagka’t doo’y gagawin kitang isang dakilang bansa:

4 Ako’y bababang kasama mo sa Egipto; at tunay na iaahon kita uli, at ipapatong ni Jose ang kaniyang kamay sa iyong mga mata.

5 At bumangon si Jacob mula sa Beerseba; at dinala ng mga anak ni Israel si Jacob na kanilang ama, at ang kanilang mga bata, at ang kanilang mga asawa, sa mga kariton na ipinadala ni Faraon kay Jacob.

6 At kanilang dinala ang kanilang mga hayop, at ang kanilang mga pag-aari na kanilang inimpok sa lupain ng Canaan, at na pasa Egipto, si Jacob at ang buong binhi niya na kasama niya.

7 Ang kaniyang mga anak na lalake at babae, at ang mga anak na lalake at babae ng kaniyang mga anak na kasama niya, at ang kaniyang buong binhi ay dinala niyang kasama niya sa Egipto.

8 At ito ang mga pangalan ng mga anak ni Israel, na napasa Egipto, ni Jacob at ng kaniyang mga anak: si Ruben na anak na panganay ni Jacob.

9 At ang mga anak ni Ruben; si Hanoch, at si Phallu, at si Hezron, at si Carmi.

10 At ang mga anak ni Simeon; si Jemuel, at si Jamin, at si Ohad, at si Jachin, at si Zohar, at si Saul na anak ng isang babaing taga Canaan.

11 At ang mga anak ni Levi; si Gerson, si Coat at si Merari.

12 At ang mga anak ni Juda; si Er, at si Onan, at si Sela, at si Phares, at si Zara; nguni’t si Er at si Onan ay namatay sa lupain ng Canaan. At ang mga anak ni Phares, si Hezron at si Hamul.

13 At ang mga anak ni Issachar; si Thola, at si Phua, at si Job, at si Simron.

14 At ang mga anak ni Zabulon; si Sered; at si Elon, at si Jahleel.

15 Ito ang mga anak ni Lea, na kaniyang ipinanganak kay Jacob sa Padan-aram, sangpu ng kaniyang anak na babaing si Dina: ang lahat na taong kaniyang mga anak na lalake at babae ay tatlong pu’t tatlo.

16 At ang mga anak ni Gad; si Ziphion, at si Aggi, si Suni, at si Ezbon, si Heri, at si Arodi, at si Areli.

17 At ang mga anak ni Aser; si Jimna; at si Ishua, at si Isui, at si Beria, at si Sera na kanilang kapatid na babae: at ang mga anak ni Beria; si Heber, at si Malchel.

18 Ito ang mga anak ni Zilpa na siyang ibinigay ni Laban kay Lea na kaniyang anak na babae, at ang mga ito ay kaniyang ipinanganak kay Jacob, na labing anim na tao.

19 Ang mga anak ni Raquel na asawa ni Jacob; si Jose at si Benjamin.

20 At kay Jose ay ipinanganak sa lupain ng Egipto si Manases at si Ephraim, na ipinanganak sa kaniya ni Asenath, na anak ni Potiphera na saserdote sa On.

21 At ang mga anak ni Benjamin; si Bela; at si Becher, at si Asbel, si Gera, at si Naaman, si Ehi, at si Ros, si Muppim, at si Huppim, at si Ard.

22 Ito ang mga anak ni Raquel na ipinanganak kay Jacob: lahat ay labing apat.

23 At ang mga anak ni Dan; si Husim.

24 At ang mga anak ni Nephtali; si Jahzeel, at si Guni, at si Jezer, at si Shillem.

25 Ito ang mga anak ni Bilha, na siyang ibinigay ni Laban kay Raquel na kaniyang anak, at ang mga ito ang ipinanganak niya kay Jacob; lahat na tao ay pito.

26 Lahat na tao na sumama kay Jacob sa Egipto, na nagsilabas sa kaniyang mga balakang, bukod pa ang mga asawa ng mga anak ni Jacob, ang lahat na tao ay anim na pu’t anim;

27 At ang mga anak ni Jose na ipinanganak sa kaniya sa Egipto, ay dalawang katao; ang lahat na tao sa sangbahayan ni Jacob, na napasa Egipto, ay pitongpu.

28 At pinapagpauna niya si Juda kay Jose, upang ituro ang daan na patungo sa Gosen; at sila’y nagsidating sa lupain ng Gosen.

29 At inihanda ni Jose ang kaniyang karro, at sumampang sinalubong si Israel na kaniyang ama sa Gosen; at siya’y humarap sa kaniya, at yumakap sa kaniyang leeg, at umiyak sa kaniyang leeg na matagal.

30 At sinabi ni Israel kay Jose, Ngayo’y mamatay na ako yamang nakita ko na ang iyong mukha, na ikaw ay buhay pa.

31 At sinabi ni Jose sa kaniyang mga kapatid, at sa sangbahayan ng kaniyang ama, Ako’y aahon, at aking sasaysayin kay Faraon, at aking sasabihin sa kaniya. Ang aking mga kapatid, at ang sangbahayan ng aking ama, na nangasa lupain ng Canaan, ay naparito sa akin;

32 At ang mga lalake ay mga pastor, sapagka’t sila’y naging tagapagalaga ng hayop, at kanilang dinala ang kanilang mga kawan, at ang kanilang mga bakahan, at ang lahat nilang tinatangkilik.

33 At mangyayaring, pagka tatawagin kayo ni Faraon, at sasabihin, Ano ang inyong hanapbuhay?

34 Na inyong sasabihin, Ang iyong mga lingkod ay naging tagapagalaga ng hayop mula sa aming pagkabata hanggang ngayon, kami at ang aming mga magulang; upang kayo’y matira sa lupain ng Gosen; sapagka’t bawa’t pastor ay kasuklamsuklam sa mga Egipcio.

Genesis 47

1 Nang magkagayo’y pumasok si Jose at isinaysay kay Faraon, at sinabi, Ang aking ama, at ang aking mga kapatid, at ang kanilang mga kawan, at ang kanilang mga bakahan, at ang lahat nilang tinatangkilik, ay dumating na mula sa lupain ng Canaan; at, narito, sila’y nasa lupain ng Gosen.

2 At sa kaniyang mga kapatid ay nagsama siya ng limang lalake, at mga iniharap niya kay Faraon.

3 At sinabi ni Faraon sa kaniyang mga kapatid, Ano ang inyong hanapbuhay? At kanilang sinabi kay Faraon, Ang iyong mga lingkod ay mga pastor, kami at gayon din ang aming mga magulang.

4 At kanilang sinabi kay Faraon, Upang makipamayan sa bayang ito ay naparito kami; sapagka’t walang makain ang mga kawan ng iyong mga lingkod; dahil sa ang kagutom ay mahigpit sa lupain ng Canaan: ngayon nga, ay isinasamo namin sa iyo, na pahintulutan mo na ang iyong mga lingkod ay tumahan sa lupain ng Gosen.

5 At sinalita ni Faraon kay Jose, na sinasabi, Ang iyong ama at ang iyong mga kapatid ay naparito sa iyo:

6 Ang lupain ng Egipto ay nasa harap mo; sa pinakamabuti sa lupain ay patirahin mo ang iyong ama at ang iyong mga kapatid; sa lupain ng Gosen patirahin mo sila: at kung may nakikilala kang mga matalinong lalake sa kanila, ay papamahalain mo sa aking hayop.

7 At ipinasok ni Jose si Jacob na kaniyang ama, at itinayo niya sa harap ni Faraon, at binasbasan ni Jacob si Faraon.

8 At sinabi ni Faraon kay Jacob, Ilan ang mga araw ng mga taon ng iyong buhay?

9 At sinabi ni Jacob kay Faraon, Ang mga araw ng mga taon ng aking pakikipamayan ay isang daan at tatlong pung taon; kaunti at masasama ang mga naging araw ng mga taon ng aking buhay, at hindi umabot sa mga araw ng mga taon ng buhay ng aking mga magulang sa mga araw ng kanilang pakikipamayan.

10 At binasbasan ni Jacob si Faraon at umalis sa harapan ni Faraon.

11 At itinatag ni Jose ang kaniyang ama, at ang kaniyang mga kapatid, at sila’y binigyan ng pag-aari sa lupain ng Egipto, sa pinakamabuti sa lupain, sa lupain ng Rameses, gaya ng iniutos ni Faraon.

12 At pinakain ni Jose ng tinapay ang kaniyang ama, at ang kaniyang mga kapatid, at ang buong sangbahayan ng kaniyang ama, ayon sa kanikaniyang sangbahayan.

13 At walang tinapay sa buong lupain; sapagka’t ang kagutom ay totoong malala, na ano pa’t ang lupain ng Egipto, at ang lupain ng Canaan ay nanglulupaypay dahil sa kagutom.

14 At tinipon ni Jose ang lahat ng salapi na nasumpungan sa lupain ng Egipto, at sa lupain ng Canaan, dahil sa trigong kanilang binibili: at ipinasok ni Jose ang salapi sa bahay ni Faraon.

15 At nang ang salapi ay maubos na lahat sa lupain ng Egipto, at sa lupain ng Canaan, ay naparoon kay Jose ang lahat ng mga Egipcio, at nagsabi; Bigyan mo kami ng tinapay: sapagka’t bakit kami mamamatay sa iyong harap? dahil sa ang aming salapi ay naubos.

16 At sinabi ni Jose, Ibigay ninyo ang inyong mga hayop; at bibigyan ko kayo dahil sa inyong mga hayop; kung naubos na ang salapi.

17 At kanilang dinala ang kanilang mga hayop kay Jose, at binigyan sila ni Jose ng tinapay na pinakapalit sa mga kabayo, at sa mga kawan, at sa mga bakahan, at sa mga asno; at kaniyang pinakain sila ng tinapay na pinakapalit sa kanilang lahat na hayop sa taong yaon.

18 At nang matapos ang taong yaon ay naparoon sila sa kaniya ng ikalawang taon, at kanilang sinabi sa kaniya: Hindi namin ililihim sa aming panginoon, na kung paanong ang aming salapi ay naubos, at ang mga kawan ng hayop ay sa aking panginoon; wala nang naiiwan sa paningin ng aking panginoon kundi ang aming katawan at ang aming mga lupa.

19 Bakit nga kami mamamatay sa harap ng iyong mga mata, kami at ang aming lupa? bilhin mo ng tinapay kami at ang aming lupa at kami at ang aming lupa ay paaalipin kay Faraon: at bigyan mo kami ng binhi, upang kami ay mabuhay, at huwag mamatay, at ang lupa ay huwag masira.

20 Sa ganito’y binili ni Jose ang buong lupain ng Egipto para kay Faraon; sapagka’t ipinagbili ng bawa’t isa sa mga Egipcio ang kaniyang bukid, dahil sa ang kagutom ay totoong mahigpit sa kanila: at ang lupain ay naging kay Faraon.

21 At tungkol sa mga tao ay kanilang ibinago sila sa mga bayan mula sa isang dulo ng hanganan ng Egipto hanggang sa kabilang dulo,

22 Ang lupa lamang ng mga saserdote ang hindi niya nabili: sapagka’t ang mga saserdote’y may bahagi kay Faraon, at kanilang kinakain ang kanilang bahagi na ibinibigay sa kanila ni Faraon; kaya hindi nila ipinagbili ang kanilang lupa.

23 Nang magkagayo’y sinabi ni Jose sa bayan: Narito, aking binili kayo ng araw na ito, at ang inyong lupa’y para kay Faraon: narito, ito ang ipangbibinhi ninyo, at inyong hahasikan ang lupa.

24 At mangyayari sa pag-aani ay inyong ibibigay ang ikalimang bahagi kay Faraon, at ang apat na bahagi ay sa inyo, sa binhi sa bukid at sa inyong pagkain, at sa inyong mga kasangbahay, at pinakapagkain sa inyong mga bata.

25 At kanilang sinabi, Iyong iniligtas ang aming buhay: makasumpong nawa kami ng biyaya sa paningin ng aking panginoon, at kami ay maging mga alipin ni Faraon.

26 At ginawang kautusan ni Jose sa lupain ng Egipto sa araw na ito, na mapapasa kay Faraon ang ikalimang bahagi, liban lamang ang lupa ng mga saserdote na hindi naging kay Faraon.

27 At si Israel ay tumahan sa lupain ng Egipto, sa lupain ng Gosen; at sila’y nagkaroon ng mga pag-aari roon, at pawang sagana at totoong dumami.

28 At si Jacob ay tumira sa lupain ng Egipto na labing pitong taon; kaya’t ang mga araw ni Jacob, ang mga taon ng kaniyang buhay, ay isang daan at apat na pu’t pitong taon.

29 At ang panahon ay lumalapit na dapat nang mamatay si Israel: at kaniyang tinawag ang kaniyang anak na si Jose, at sinabi niya sa kaniya, Kung ngayo’y nakasumpong ako ng biyaya sa iyong paningin, ay ilagay mo, isinasamo ko sa iyo, ang iyong kamay sa ilalim ng aking hita, at pagpakitaan mo ako ng kaawaan at katotohanan; isinasamo ko sa iyong huwag mo akong ilibing sa Egipto:

30 Kundi pagtulog kong kasama ng aking mga magulang ay dadalhin mo ako mula sa Egipto, at ililibing mo ako sa kanilang libingan. At kaniyang sinabi, Aking gagawin ang gaya ng iyong sabi.

31 At kaniyang sinabi, Sumumpa ka sa akin: at sumumpa siya sa kaniya. At yumukod si Israel sa ulunan ng higaan.

Genesis 48

1 At nangyari, pagkatapos ng mga bagay na ito, na sinabi ng isa kay Jose, Narito, ang iyong ama ay may sakit: at kaniyang ipinagsama ang kaniyang dalawang anak, si Manases at si Ephraim.

2 At may nagsaysay kay Jacob, at nagsabi, Narito, pinaparituhan ka ng anak mong si Jose: at si Israel ay nagpakalakas at umupo sa higaan.

3 At sinabi ni Jacob kay Jose, Ang Dios na Makapangyarihan sa lahat ay napakita sa akin sa Luz sa lupain ng Canaan, at binasbasan ako.

4 At sinabi sa akin, Narito, palalaguin kita, at pararamihin kita, at gagawin kitang isang kapisanan ng mga bayan; at aking ibibigay ang lupaing ito sa iyong lahi pagkamatay mo, na pinakaari magpakailan man.

5 At ang iyo ngang dalawang anak na ipinanganak sa iyo sa lupain ng Egipto bago ako naparito sa iyo sa Egipto, ay akin; si Ephraim at si Manases, gaya ni Ruben at ni Simeon ay magiging akin.

6 At ang iyong mga anak, na iyong mga naging anak na sumunod sa kanila ay magiging iyo; sila’y tatawagin ayon sa pangalan ng kanilang mga kapatid sa kanilang mana.

7 At tungkol sa akin, nang ako’y dumating mula sa Padan, si Raquel ay namatay sa akin sa lupain ng Canaan sa daan, nang kulang pa ng kaunti upang dumating sa Ephrata: at aking inilibing siya roon sa daan ng Ephrata (na siya ring Bethlehem).

8 At nakita ni Israel ang mga anak ni Jose, at sinabi, Sino sino ito?

9 At sinabi ni Jose sa kaniyang ama, Sila’y aking mga anak, na silang mga ibinigay ng Dios sa akin dito. At kaniyang sinabi, Isinasamo ko sa iyo, na iyong dalhin sila rito sa akin, at sila’y aking babasbasan.

10 Ang mga mata nga ni Israel ay malabo na dahil sa katandaan, na ano pa’t hindi na siya makakita. At kaniyang inilapit sila sa kaniya; at sila’y kaniyang hinagkan, at niyakap.

11 At sinabi ni Israel kay Jose, Hindi ko akalaing makita ang iyong mukha: at, narito, ipinakita sa akin ng Dios pati ng iyong binhi.

12 At sila’y pinagkuha ni Jose sa pagitan ng kaniyang mga tuhod; at siya’y nagpatirapa sa lupa.

13 At kapuwa dinala ni Jose, si Ephraim sa kaniyang kanang kamay, sa dakong kaliwang kamay ni Israel, at si Manases sa kaniyang kaliwang kamay, sa dakong kanang kamay ni Israel, at inilapit niya sa kaniya.

14 At iniunat ni Israel ang kaniyang kanang kamay, at ipinatong sa ulo ni Ephraim, na siyang bunso, at ang kaniyang kaliwang kamay ay sa ulo ni Manases, na pinapatnubayang sadya ang kaniyang mga kamay; sapagka’t si Manases ang panganay.

15 At kaniyang binasbasan si Jose, at sinabi, Ang Dios na sa harap niya ay lumakad ang aking mga magulang na si Abraham at si Isaac, ang Dios na nagpakain sa akin sa buong buhay ko hanggang sa araw na ito,

16 Ang anghel na tumubos sa akin sa buong kasamaan, ay siya nawang magpala sa mga batang ito; at tawagin nawa sila sa aking pangalan, at sa pangalan ng aking mga magulang na si Abraham at si Isaac; at magsidami nawa silang totoo sa ibabaw ng lupa.

17 At nang makita ni Jose na ipinatong ng kaniyang ama ang kaniyang kanang kamay sa ulo ni Ephraim, ay minasama niya; at itinaas niya ang kamay ng kaniyang ama, upang ilipat sa ulo ni Manases mula sa ulo ni Ephraim.

18 At sinabi ni Jose sa kaniyang ama, Hindi ganyan, ama ko: sapagka’t ito ang panganay; ipatong mo ang iyong kanang kamay sa kaniyang ulo.

19 At tumanggi ang kaniyang ama, at sinabi, Talastas ko, anak ko, talastas ko; siya man ay magiging isang bayan, at siya man ay magiging dakila: gayon ma’y ang kaniyang kapatid na bata ay magiging lalong dakila kay sa kaniya, at ang kaniyang binhi ay magiging isang makapal na bansa.

20 At kaniyang binasbasan sila ng araw na yaon, na sinasabi Sa iyo magbabasbas ang Israel, na magsasabi, Gawin ka nawa ng Dios na gaya ni Ephraim at gaya ni Manases, at kaniyang ipinagpauna si Ephraim bago si Manases.

21 At sinabi ni Israel kay Jose, Narito, ako’y namamatay: nguni’t ang Dios ay sasainyo, at dadalhin kayo uli sa lupain ng inyong mga magulang.

22 Bukod dito’y binigyan kita ng isang bahaging higit kay sa iyong mga kapatid, na aking kinuha ng aking tabak at ng aking busog sa kamay ng Amorrheo.

Genesis 49

1 At tinawag ni Jacob ang kaniyang mga anak, at sinabi, Magpipisan kayo, upang maisaysay ko sa inyo ang mangyayari sa inyo sa mga huling araw.

2 Magpipisan kayo at kayo’y makinig, kayong mga anak ni Jacob; At inyong pakinggan si Israel na inyong ama.

3 Ruben, ikaw ang aking panganay, ang aking kapangyarihan, at siyang pasimula ng aking kalakasan; Siyang kasakdalan ng kamahalan, at siyang kasakdalan ng kapangyarihan.

4 Kumukulong parang tubig na umaawas, hindi ka magtataglay ng kasakdalan, Sapagka’t, sumampa ka sa higaan ng iyong ama: Hinamak mo nga; sumampa sa aking higaan.

5 Si Simeon at si Levi ay magkapatid; Mga almas na marahas ang kanilang mga tabak.

6 Oh kaluluwa ko, huwag kang pumasok sa kanilang payo; Sa kanilang kapisanan, ay huwag kang makiisa, kaluwalhatian ko; Sapagka’t sa kanilang galit ay pumatay ng tao: At sa kanilang sariling kalooban ay pumutol ng hita ng baka.

7 Sumpain ang kanilang galit, sapagka’t mabangis; At ang kanilang pagiinit, sapagka’t mabagsik. Aking babahagihin sila sa Jacob. At aking pangangalatin sila sa Israel.

8 Juda, ikaw ay pupurihin ng iyong mga kapatid: Ang iyong kamay ay magpapahinga sa leeg ng iyong mga kaaway: Ang mga anak ng iyong ama ay yuyukod sa harap mo.

9 Si Juda’y isang anak ng leon, Mula sa panghuhuli, anak ko umahon ka: Siya’y yumuko, siya’y lumugmok na parang leon; At parang isang leong babae; sinong gigising sa kaniya?

10 Ang setro ay hindi mahihiwalay sa Juda, Ni ang tungkod ng pagkapuno sa pagitan ng kaniyang mga paa, Hanggang sa ang Shiloh ay dumating; At sa kaniya tatalima ang mga bansa.

11 Naitatali ang kaniyang batang asno sa puno ng ubas. At ang guya ng kaniyang asno sa puno ng piling ubas; Nilabhan niya ang kaniyang suot sa alak, At ang kaniyang damit sa katas ng ubas.

12 Ang kaniyang mga mata ay mamumula sa alak, At ang kaniyang mga ngipin ay mamumuti sa gatas.

13 Si Zabulon ay tatahan sa daongan ng dagat: At siya’y magiging daongan ng mga sasakyan; At ang kaniyang hangganan ay magiging hanggang Sidon.

14 Si Issachar ay isang malakas na asno, Na lumulugmok sa gitna ng mga tupahan:

15 At nakakita siya ng dakong pahingahang mabuti, At ng lupang kaayaaya; At kaniyang iniyukod ang kaniyang balikat upang pumasan, At naging aliping mangaatag.

16 Si Dan ay hahatol sa kaniyang bayan, Gaya ng isa sa angkan ni Israel.

17 Si Dan ay magiging ahas sa daan, At ulupong sa landas, Na nangangagat ng mga sakong ng kabayo, Na ano pa’t nahuhulog sa likuran ang sakay niyaon.

18 Aking hinintay ang iyong pagliligtas, Oh Panginoon.

19 Si Gad, ay hahabulin ng isang pulutong: Nguni’t siya ang hahabol sa kanila.

20 Hinggil kay Aser, ay lulusog ang tinapay niya, At gagawa ng masasarap na pagkain.

21 Si Nephtali ay isang usang babaing kawala: Siya’y nagbabadya ng maririkit na pananalita.

22 Si Jose ay sangang mabunga, Sangang mabunga na nasa tabi ng bukal; Ang kaniyang mga sanga’y gumagapang sa pader.

23 Pinamanglaw siya ng mga mamamana, At pinana siya, at inusig siya:

24 Nguni’t ang kaniyang busog ay nanahan sa kalakasan, At pinalakas ang mga bisig ng kaniyang mga kamay, Sa pamamagitan ng mga kamay ng Makapangyarihan ni Jacob, (Na siyang pinagmulan ng pastor, ang bato ng Israel),

25 Sa pamamagitan nga ng Dios ng iyong ama, na siyang tutulong sa iyo, At sa pamamagitan ng Makapangyarihan sa lahat, na siyang magpapala sa iyo, Ng pagpapala ng langit sa itaas, Pagpapala ng mga kalaliman na nalalagay sa ibaba, Pagpapala ng mga dibdib at ng bahay-bata.

26 Ang mga basbas ng iyong ama na humigit sa basbas ng aking mga kanunuan Hanggang sa wakas ng mga burol na walang hanggan: Mangapapasa ulo ni Jose, At sa tuktok ng ulo niya na bukod tangi sa kaniyang mga kapatid.

27 Si Benjamin ay isang lobo na mangaagaw: Sa kinaumagaha’y kaniyang kakanin ang huli, At sa kinahapunan ay kaniyang babahagihin ang samsam.

28 Ang lahat ng ito ang labing dalawang angkan ng Israel: at ito ang sinalita ng ama nila sa kanila, at sila’y binasbasan; bawa’t isa’y binasbasan ng ayon sa basbas sa kanikaniya,

29 At kaniyang ipinagbilin sa kanila, at sinabi sa kanila: Ako’y malalakip sa aking bayan: ilibing ninyo ako sa kasamahan ng aking mga magulang sa yungib na nasa parang ni Ephron na Hetheo,

30 Sa yungib na nasa parang ng Machpela, na nasa tapat ng Mamre, sa lupain ng Canaan, na binili ni Abraham, na kalakip ng parang kay Ephron na Hetheo, na pinakaaring libingan:

31 Na doon nila inilibing si Abraham at si Sara na kaniyang asawa; na doon nila inilibing si Isaac at si Rebeca na kaniyang asawa; at doon ko inilibing si Lea:

32 Sa parang at sa yungib na nandoon na binili sa mga anak ni Heth.

33 At nang matapos si Jacob na makapagbilin sa kaniyang mga anak, ay kaniyang itinaas at itinikom ang kaniyang mga paa sa higaan, at nalagot ang hininga, at nalakip sa kaniyang bayan.

Genesis 50

1 At yumakap si Jose sa mukha ng kaniyang ama, at umiyak sa ibabaw niya, at hinalikan niya siya.

2 At iniutos ni Jose sa kaniyang mga lingkod na manggagamot, na embalsamahin ang kaniyang ama: at inembalsama ng mga manggagamot si Israel.

3 At apat na pung araw ang ginanap sa kaniya; sapagka’t gayon ginaganap ang mga araw ng pagembalsama; at tinangisan siya ng mga Egipcio ng pitong pung araw.

4 At nang makaraan ang mga araw ng pagiyak sa kaniya ay nagsalita si Jose sa sangbahayan ni Faraon, na sinasabi, Kung ngayo’y nakasumpong ako ng biyaya sa inyong mga mata ay salitain ninyo, isinasamo ko sa inyo, sa mga pakinig ni Faraon, na inyong sabihin,

5 Pinanumpa ako ng ama ko, na sinasabi, Narito, ako’y namamatay: sa libingan na aking hinukay sa akin sa lupain ng Canaan, ay doon mo ako ililibing. Ngayon nga’y pahintulutan ninyo akong umahon, isinasamo ko sa inyo, at aking ilibing ang aking ama, at babalik uli ako.

6 At sinabi ni Faraon, Umahon ka, at ilibing mo ang iyong ama, ayon sa kaniyang ipinasumpa sa iyo.

7 At umahon si Jose upang ilibing ang kaniyang ama: at kasama niyang umahon ang lahat ng lingkod ni Faraon, ang mga matanda sa kaniyang sangbahayan, at ang lahat na matanda sa lupain ng Egipto;

8 At ang buong sangbahayan ni Jose, at ang kaniyang mga kapatid, at ang sangbahayan ng kaniyang ama: ang kanila lamang mga bata, at ang kanilang mga kawan, at ang kanilang bakahan, ang iniwan nila sa lupain ng Gosen.

9 At umahong kasama niya ang mga karro at mga nangangabayo: at yao’y naging totoong malaking pulutong.

10 At sila’y dumating sa giikan ni Atad, na nasa dako pa roon ng Jordan, at doo’y nanaghoy sila ng malakas at kapaitpait na panaghoy: at kaniyang pinanangisan ang kaniyang ama na pitong araw.

11 At nang makita ng mga nananahan sa lupaing yaon, ng mga Cananeo, ang panaghoy sa giikan ni Atad, ay kanilang sinabi, Ito’y isang kahambalhambal na panaghoy ng mga Egipcio kaya’t ang pangalang itinawag ay Abel-mizraim, nasa dako pa roon ng Jordan.

12 At ginawa sa kaniya ng kaniyang mga anak ang ayon sa iniutos sa kanila.

13 Sapagka’t dinala siya ng kaniyang mga anak sa lupain ng Canaan, at inilibing siya sa yungib ng Machpela, na binili ni Abraham sangpu ng parang na pinakaaring libingan, kay Ephron na Hetheo, sa tapat ng Mamre.

14 At bumalik si Jose sa Egipto, siya, at ang kaniyang mga kapatid, at ang lahat na umahong kasama niya sa paglilibing sa kaniyang ama, pagkatapos na mailibing ang kaniyang ama.

15 At nang makita ng mga kapatid ni Jose, na ang kanilang ama’y namatay, ay kanilang sinabi, Marahil si Jose ay mapopoot sa atin, at lubos na gagantihin sa atin ang buong kasamaan na ating ginawa sa kaniya.

16 At ipinasabi nila kay Jose, Iniutos ng iyong ama bago namatay, na sinasabi,

17 Ganito sasabihin ninyo kay Jose. Ipatawad mo, isinasamo ko sa iyo ngayon, ang pagsalangsang ng iyong mga kapatid, at ang kanilang kasalanan; at ngayon, ay aming isinasamo sa iyo, na ipatawad mo ang mga pagsalangsang ng mga lingkod ng Dios ng iyong ama. At si Jose ay umiyak ng kanilang salitain sa kaniya.

18 At naparoon ang kaniyang mga kapatid naman at nagpatirapa sa harap niya; at kanilang sinabi, Narito, kaming iyong mga lingkod.

19 At sinabi ni Jose sa kanila, Huwag kayong matakot, sapagka’t nasa kalagayan ba ako ng Dios?

20 At tungkol sa inyo ay inyong ipinalagay na kasamaan laban sa akin; nguni’t ipinalagay ng Dios na kabutihan upang mangyari ang gaya sa araw na ito, na iligtas ang buhay ng maraming tao.

21 Kaya nga huwag kayong matakot: aking pakakanin kayo at ang inyong mga bata. At kaniyang inaliw sila at kaniyang pinagsalitaan sila na may kagandahang loob.

22 At si Jose ay tumahan sa Egipto, siya at ang sangbahayan ng kaniyang ama: at si Jose ay nabuhay na isang daan at sangpung taon.

23 At nakita ni Jose ang mga anak ni Ephraim hanggang sa ikatlong salin ng lahi; ang mga anak man ni Machir na anak ni Manases ay ipinanganak sa mga tuhod ni Jose.

24 At sinabi ni Jose sa kaniyang mga kapatid: Ako’y namamatay: nguni’t tunay na dadalawin kayo ng Dios, at dadalhin kayo mula sa lupaing ito hanggang sa lupain na kaniyang isinumpa kay Abraham, kay Isaac at kay Jacob.

25 At ipinasumpa ni Jose sa mga anak ni Israel, na sinasabi, Tunay na dadalawin kayo ng Dios, at inyong iaahon ang aking mga buto mula rito.

26 Sa gayo’y namatay si Jose na may isang daan at sangpung taon: at kanilang inembalsama siya, at siya’y inilagay sa isang kabaong sa Egipto.