Apocalipsis 21

1 At nakita ko ang isang bagong langit at ang isang bagong lupa: sapagka’t ang unang langit at ang unang lupa ay naparam; at ang dagat ay wala na.

2 At nakita ko ang bayang banal, ang bagong Jerusalem, na nananaog mula sa langit buhat sa Dios, na nahahandang gaya ng isang babaing kasintahan na nagagayakang talaga sa kaniyang asawa.

3 At narinig ko ang isang malakas na tinig na mula sa luklukan, na nagsasabi, Narito, ang tabernakulo ng Dios ay nasa mga tao, at siya’y mananahan sa kanila, at sila’y magiging mga bayan niya, at ang Dios din ay sasa kanila, at magiging Dios nila:

4 At papahirin niya ang bawa’t luha sa kanilang mga mata; at hindi na magkakaroon ng kamatayan; hindi na magkakaroon pa ng dalamhati, o ng pananambitan man, o ng hirap pa man: ang mga bagay nang una ay naparam na.

5 At yaong nakaluklok sa luklukan ay nagsabi, Narito, ginagawa kong bago ang lahat ng mga bagay. At sinabi niya, Isulat mo: sapagka’t ang mga salitang ito ay tapat at tunay.

6 At sinabi niya sa akin, Nagawa na. Ako ang Alpha at ang Omega, ang pasimula at ang wakas. Ang nauuhaw ay aking paiinuming walang bayad sa bukal ng tubig ng buhay.

7 Ang magtagumpay ay magmamana ng mga bagay na ito; at ako’y magiging Dios niya, at siya’y magiging anak ko.

8 Nguni’t sa mga duwag, at sa mga hindi mananampalataya, at sa mga kasuklamsuklam, at sa mga mamamatay-tao, at sa mga mapakiapid, at sa mga manggagaway, at sa mga mapagsamba sa diosdiosan, at sa lahat na mga sinungaling, ang kanilang bahagi ay sa dagatdagatang nagniningas sa apoy at asupre; na siyang ikalawang kamatayan.

9 At dumating ang isa sa pitong anghel na may pitong mangkok, na mga puno ng pitong huling salot; at nagsalita sa akin, na nagsasabi, Halika, ipakikita ko sa iyo ang babaing kasintahan, ang asawa ng Cordero.

10 At dinala niya akong nasa Espiritu sa isang malaki at mataas na bundok, at ipinakita sa akin ang bayang banal na Jerusalem, na nananaog mula sa langit buhat sa Dios,

11 Na may kaluwalhatian ng Dios: ang kaniyang ilaw ay katulad ng isang totoong mahalagang bato, na gaya ng batong jaspe, na malinaw na gaya ng salamin:

12 Na may isang malaki at mataas na kuta; na may labingdalawang pintuan, at sa mga pintuan ay labingdalawang anghel; at may mga pangalang nakasulat sa mga yaon, na siyang sa labingdalawang angkan ng mga anak ng Israel:

13 Sa silanganan ay may tatlong pintuan; at sa hilagaan ay may tatlong pintuan; at sa timugan ay may tatlong pintuan; at sa kalunuran ay may tatlong pintuan.

14 At ang kuta ng bayan ay may labingdalawang pinagsasaligan, at sa mga ito’y ang labingdalawang pangalan ng labingdalawang apostol ng Cordero.

15 At ang nakikipagusap sa akin ay may panukat na tambong ginto upang sukatin ang bayan, at ang mga pintuan nito, at ang kuta nito.

16 At ang pagkatayo ng bayan ay parisukat, at ang kaniyang haba ay gaya ng kaniyang luwang: at sinukat niya ng tambo ang bayan, ay labingdalawang libong estadio: ang haba at ang luwang at ang taas nito ay magkakasukat.

17 At sinukat niya ang kuta nito, ay isang daan at apat na pu’t apat na siko, ayon sa sukat ng tao, sa makatuwid baga’y ng isang anghel.

18 At ang malaking bahagi ng kuta niya ay jaspe: at ang bayan ay dalisay na ginto, na katulad ng malinis na bubog.

19 Ang mga pinagsasaligan ng kuta ng bayan ay may pamuting sarisaring mahahalagang bato. Ang unang pinagsasaligan ay jaspe; ang ikalawa ay zafiro; ang ikatlo ay calcedonia; ang ikaapat ay esmeralda;

20 Ang ikalima ay sardonica; ang ikaanim ay sardio; ang ikapito ay crisolito; ang ikawalo ay berilo; ang ikasiyam ay topacio; ang ikasangpu ay crisopasio; ang ikalabingisa ay jacinto; ang ikalabingdalawa ay amatista.

21 At ang labingdalawang pintuan ay labingdalawang perlas; at bawa’t pinto ay isang perlas; at ang lansangan ng bayan ay dalisay na ginto, na gaya ng nanganganinag na bubog.

22 At hindi ako nakakita ng templo doon: sapagka’t ang Panginoong Dios, ang Makapangyarihan sa lahat, at ang Cordero ay siyang templo doon.

23 At ang bayan ay hindi nangangailangan ng araw, o ng buwan man, upang lumiwanag sa kaniya: sapagka’t nililiwanagan ng kaluwalhatian ng Dios, at ang ilaw doon ay ang Cordero.

24 At ang mga bansa ay lalakad sa pamamagitan ng liwanag nito: at ang mga hari sa lupa ay mangagdadala ng kanilang karangalan sa loob niyaon.

25 At ang mga pintuan niyaon ay hindi ilalapat kailan man sa araw (sapagka’t hindi magkakaroon doon ng gabi):

26 At dadalhin nila sa loob niyaon ang karangalan at kapurihan ng mga bansa:

27 At hindi papasok doon sa anomang paraan ang anomang bagay na karumaldumal, o siyang gumagawa ng kasuklamsuklam at ng kasinungalingan: kundi yaon lamang na mga nakasulat sa aklat ng buhay ng Cordero.

Apocalipsis 22

1 At ipinakita niya sa akin ang isang ilog ng tubig ng buhay, na maningning na gaya ng bubog, na lumalabas sa luklukan ng Dios at ng Cordero,

2 Sa gitna ng lansangang yaon. At sa dako rito ng ilog, at sa ibayo nito, naroon ang punong kahoy ng buhay, na namumunga ng labingdalawang iba’t ibang bunga, na namumunga sa bawa’t buwan: at ang mga dahon ng punong kahoy ay pangpagaling sa mga bansa.

3 At hindi na magkakaroon pa ng sumpa: at ang luklukan ng Dios at ng Cordero ay naroroon: at siya’y paglilingkuran ng kaniyang mga alipin;

4 At makikita nila ang kaniyang mukha; at ang kaniyang pangalan ay sasa kanilang mga noo.

5 At hindi na magkakaroon pa ng gabi, at sila’y hindi nangangailangan ng liwanag ng ilawan, ni ng liwanag man ng araw; sapagka’t liliwanagan sila ng Panginoong Dios: at sila’y maghahari magpakailan kailan man.

6 At sinabi niya sa akin, Ang mga salitang ito’y tapat at tunay, at ang Panginoon, ang Dios ng mga espiritu ng mga propeta, ay nagsugo ng kaniyang anghel upang ipakita sa kaniyang mga alipin ang mga bagay na kinakailangang mangyari madali.

7 At narito, ako’y madaling pumaparito. Mapalad ang tumutupad ng mga salita ng hula ng aklat na ito.

8 At akong si Juan, ako ang nakarinig at nakakita ng mga bagay na ito. At nang aking marinig at makita, ay nagpatirapa ako upang sumamba sa harapan ng anghel na nagpakita sa akin ng mga bagay na ito.

9 At sinasabi niya sa akin, Ingatan mong huwag gawin iyan: ako’y kapuwa mo alipin at ng iyong mga kapatid na mga propeta, at ng mga tumutupad ng mga salita ng aklat na ito: sumamba ka sa Dios.

10 At sinasabi niya sa akin, Huwag mong tatakan ang mga salita ng hula ng aklat na ito; sapagka’t malapit na ang panahon.

11 Ang liko, ay magpakaliko pa: at ang marumi, ay magpakarumi pa: at ang matuwid, ay magpakatuwid pa: at ang banal, ay magpakabanal pa.

12 Narito, ako’y madaling pumaparito; at ang aking ganting-pala ay nasa akin, upang bigyan ng kagantihan ang bawa’t isa ayon sa kaniyang gawa.

13 Ako ang Alpha at ang Omega, at ang una at ang huli, ang pasimula at ang wakas.

14 Mapapalad ang nangaghuhugas ng kanilang damit, upang sila’y magkaroon ng karapatan sa punong kahoy ng buhay, at makapasok sa bayan sa pamamagitan ng mga pintuan.

15 Nangasa labas ang mga aso, at ang mga manggagaway, at ang mga mapakiapid, at ang mga mamamatay-tao, at ang mga mapagsamba sa diosdiosan, at ang bawa’t nagiibig at gumagawa ng kasinungalingan.

16 Akong si Jesus ay nagsugo ng aking anghel upang sa inyo’y magpatotoo ng mga bagay na ito sa mga iglesia. Ako ang ugat at ang supling ni David, ang maningning na tala sa umaga.

17 At ang Espiritu at ang kasintahang babae ay nagsasabi, Halika. At ang nakikinig ay magsabi, Halika. At ang nauuhaw, ay pumarito: ang may ibig ay kumuhang walang bayad ng tubig ng buhay.

18 Aking sinasaksihan sa bawa’t taong nakikinig sa mga salita ng hula ng aklat na ito, Kung ang sinoman ay magdagdag sa mga ito, ay daragdagan siya ng Dios ng mga salot na nakasulat sa aklat na ito:

19 At kung ang sinoman ay magalis sa mga salita ng aklat ng hulang ito, ay aalisin ng Dios ang kaniyang bahagi sa punong kahoy ng buhay, at sa bayang banal, na nangakasulat sa aklat na ito.

20 Ang sumasaksi sa mga bagay na ito ay nagsasabi, Oo: ako’y madaling pumaparito. Siya nawa: pumarito ka Panginoong Jesus.

21 Ang biyaya ng Panginoong Jesus ay mapasa mga banal nawa. Siya nawa.

Judas 1

1 Si Judas, na alipin ni Jesucristo, at kapatid ni Santiago, sa mga tinawag, na minamahal sa Dios Ama, at iniingatang para kay Jesucristo:

2 Kaawaan at kapayapaan at pagibig ang sa inyo nawa’y paramihin.

3 Mga minamahal, samantalang ako’y totoong nagsisikap ng pagsulat sa inyo tungkol sa kaligtasan nating lahat, ay napilitan akong sumulat sa inyo na inaaralan kayong makipaglabang masikap dahil sa pananampalataya na ibinigay na minsan at magpakailan man sa mga banal.

4 Sapagka’t may ilang taong nagsipasok ng lihim, yaong mga itinalaga nang una pa sa kahatulang ito, mga di banal, na pinalitan ng kalibugan ang biyaya ng ating Dios, na itinatatuwa ang ating iisang Guro at Panginoong si Jesucristo.

5 Ninanasa ko ngang ipaalaala sa inyo, bagama’t nalalaman ninyong maigi ang lahat ng mga bagay, na nang mailigtas ng Panginoon ang isang bayan, sa lupain ng Egipto, ay nilipol niya pagkatapos yaong mga hindi nagsisipanampalataya.

6 At ang mga anghel na hindi nangagingat ng kanilang sariling pamunuan, kundi iniwan ang kanilang sariling tahanan, ay iniingatan niya sa mga tanikalang walang hanggan sa paghuhukom sa dakilang araw.

7 Gayon din ang Sodoma at Gomorra, at ang mga bayang nasa palibot ng mga ito, na dahil sa pagpapakabuyo sa pakikiapid at sa pagsunod sa ibang laman, ay inilagay na pinakahalimbawa, na sila’y nagbabata ng parusang apoy na walang hanggan.

8 Gayon ma’y ang mga ito rin naman sa kanilang pagkagupiling ay inihahawa ang laman, at hinahamak ang mga paghahari, at nilalait ang mga puno.

9 Datapuwa’t ang arkanghel Miguel, nang makipaglaban sa diablo, na nakikipagtalo tungkol sa katawan ni Moises, ay hindi nangahas gumamit laban sa kaniya ng isang hatol na may pagalipusta, kundi sinabi, Sawayin ka nawa ng Panginoon.

10 Datapuwa’t ang mga ito’y nangalipusta sa anomang bagay na hindi nila nalalaman: at sa mga bagay na talagang kanilang nauunawa, ay nangagpapakasira na gaya ng mga kinapal na walang bait.

11 Sa aba nila! sapagka’t sila’y nagsilakad sa daan ni Cain, at nagsidaluhong na walang pagpipigil sa kamalian ni Balaam dahil sa upa, at nangapahamak sa pagsalangsang ni Core.

12 Ang mga ito’y pawang mga batong natatago sa inyong piging ng pagiibigan, kung sila’y nakikipagpiging sa inyo, mga pastor na walang takot na nangagpapasabsab sa kanilang sarili; mga alapaap na walang tubig, na tinatangay ng mga hangin; mga punong kahoy sa taginaw na walang bunga, na makalawang namatay, na binunot pati ugat;

13 Mga mabangis na alon sa dagat, na pinagbubula ang kanilang sariling kahihiyan; mga bituing gala na siyang pinaglaanan ng pusikit ng kadiliman magpakailan man.

14 At ang mga ito naman ang hinulaan ni Enoc, na ikapito sa bilang mula kay Adam, na nagsabi, Narito, dumating ang Panginoon, na kasama ang kaniyang mga laksalaksang banal,

15 Upang isagawa ang paghuhukom sa lahat, at upang sumbatan ang lahat ng masasama sa lahat ng kanilang mga gawang masasama na kanilang ginawang may kasamaan, at sa lahat ng mga bagay na mabibigat na sinalita laban sa kaniya ng mga makasalanang masasama.

16 Ang mga ito’y mga mapagbulong, mga madaingin, na nangagsisilakad ayon sa kanilang masasamang pita (at ang kanilang bibig ay nangagsasalita ng mga kapalaluan), nangagpapakita ng galang sa mga tao dahil sa pakikinabangin.

17 Nguni’t kayo, mga minamahal, ay alalahanin ninyo ang mga salitang nang una’y sinabi ng mga apostol ng ating Panginoong Jesucristo;

18 Kung paanong sinabi sa inyo, Magkakaroon ng mga manunuya sa huling panahon, na magsisilakad ayon sa kanikanilang masasamang pita.

19 Ang mga ito ang nagsisigawa ng paghihiwalay, malalayaw, na walang taglay na Espiritu.

20 Nguni’t kayo, mga minamahal, papagtibayin ninyo ang inyong sarili sa inyong lubhang banal na pananampalataya, na manalangin sa Espiritu Santo,

21 Na magsipanatili kayo sa pagibig sa Dios, na inyong asahan ang awa ng ating Panginoong Jesucristo sa ikabubuhay na walang hanggan.

22 At ang ibang nagaalinlangan ay inyong kahabagan;

23 At ang iba’y inyong iligtas, na agawin ninyo sa apoy; at ang iba’y inyong kahabagan na may takot; na inyong kapootan pati ng damit na nadungisan ng laman.

24 Ngayon doon sa makapagiingat sa inyo mula sa pagkatisod, at sa inyo’y makapaghaharap na walang kapintasan na may malaking galak, sa harapan ng kaniyang kaluwalhatian.

25 Sa iisang Dios na ating Tagapagligtas, sa pamamagitan ni Jesucristo na ating Panginoon, ay sumakaniya nawa ang kaluwalhatian, ang karangalan, ang paghahari, at ang kapangyarihan, sa kaunaunahang panahon, at ngayon at magpakailan man. Siya nawa.

III Juan 1

1 Ang matanda, kay Gayo na minamahal, na aking iniibig sa katotohanan.

2 Minamahal, aking idinadalangin na sa lahat ng mga bagay ay guminhawa ka at bumuti ang iyong katawan, na gaya ng pagginhawa ng iyong kaluluwa.

3 Sapagka’t ako’y totoong nagalak nang magsidating ang mga kapatid at mangagpatotoo sa iyong katotohanan, ayon sa paglakad mo sa katotohanan.

4 Wala nang dakilang kagalakan sa ganang akin na gaya nito, na marinig na ang aking mga anak ay nagsisilakad sa katotohanan.

5 Minamahal, ginagawa mo ang tapat na gawa sa lahat ng iyong ginagawa doon sa mga kapatid at sa mga taga ibang lupa;

6 Na siyang nangagpapatotoo ng iyong pagibig sa harapan ng iglesia: na iyong gagawan ng magaling kung iyong tutulungan sila ng nararapat sa Dios, sa kanilang paglalakbay:

7 Sapagka’t dahil sa Pangalan, ay nangagsiyaon sila na walang kinuhang anoman sa mga Gentil.

8 Nararapat nga nating tanggaping mabuti ang mga gayon, upang tayo’y maging kasama sa paggawa sa katotohanan.

9 Ako’y sumulat ng ilang bagay sa iglesia: datapuwa’t si Diotrefes na nagiibig magkaroon ng kataasan sa kanila, ay hindi kami tinatanggap.

10 Kaya’t kung pumariyan ako, ay ipaaalaala ko ang mga gawang kaniyang ginagawa, na nagsasalita ng masasamang salita laban sa amin: at hindi nasisiyahan sa ganito, ni hindi man niya tinatanggap ang mga kapatid, at silang mga ibig tumanggap ay pinagbabawalan niya at pinalalayas sila sa iglesia.

11 Minamahal, huwag mong tularan ang masama, kundi ang mabuti. Ang gumagawa ng mabuti ay sa Dios: ang gumagawa ng masama ay hindi nakakita sa Dios.

12 Si Demetrio ay pinatototohanan ng lahat, at ng katotohanan: oo, kami man ay nagpapatotoo rin; at nalalaman mo na ang aming patotoo ay tunay.

13 Maraming mga bagay ang isusulat ko sana sa iyo, datapuwa’t hindi ko ibig isulat sa iyo ng tinta at panulat:

14 Datapuwa’t inaasahan kong makita kang madali, at tayo’y magkakausap ng mukhaan. Ang kapayapaa’y sumainyo nawa. Binabati ka ng mga kaibigan. Batiin mo ang mga kaibigan sa pangalan.

II Juan 1

1 Ang matanda sa hirang na ginang at sa kaniyang mga anak, na aking iniibig sa katotohanan; at hindi lamang ako, kundi pati ng lahat ng mga nakakakilala ng katotohanan;

2 Alangalang sa katotohanan na nananahan sa atin, at sasa atin magpakailan man:

3 Sumaatin nawa ang biyaya, awa, at kapayapaang mula sa Dios Ama at kay Jesucristo, Anak ng Ama, sa katotohanan at sa pagibig.

4 Ako’y lubhang nagagalak na aking nasumpungan ang ilan sa iyong mga anak na nagsisilakad sa katotohanan, ayon sa ating tinanggap na utos sa Ama.

5 At ngayo’y ipinamamanhik ko sa iyo, ginang, na hindi waring sinusulatan kita ng isang bagong utos, kundi niyaong ating tinanggap nang pasimula, na tayo’y mangagibigan sa isa’t isa.

6 At ito ang pagibig, na tayo’y mangagsilakad ayon sa kaniyang mga utos. Ito ang utos, na tayo’y mangagsilakad sa kaniya, gaya ng inyong narinig nang pasimula.

7 Sapagka’t maraming magdaraya na nangagsilitaw sa sanglibutan, sa makatuwid ay ang mga hindi nangagpapahayag na si Jesucristo ay napariritong nasa laman. Ito ang magdaraya at ang anticristo.

8 Mangagingat kayo sa inyong sarili, upang huwag ninyong iwala ang mga bagay na aming pinagpagalan, kundi upang tanggapin ninyo ang isang lubos na kagantihan.

9 Ang sinomang nagpapatuloy at hindi nananahan sa aral ni Cristo, ay hindi kinaroroonan ng Dios: ang nananahan sa aral, ay kinaroroonan ng Ama at gayon din ng Anak.

10 Kung sa inyo’y dumating ang sinoman, at hindi dala ang aral na ito, ay huwag ninyong tanggapin sa inyong bahay, at huwag ninyo siyang batiin:

11 Sapagka’t ang bumabati sa kaniya ay nararamay sa kaniyang masasamang gawa.

12 Yamang may maraming mga bagay na isusulat sa inyo, ay hindi ko ibig isulat sa papel at tinta; datapuwa’t inaasahan kong pumariyan sa inyo, at makipagusap ng mukhaan, upang malubos ang inyong galak.

13 Ang mga anak ng iyong hirang na kapatid na babae ay bumabati sa iyo.

I Juan 1

1 Yaong buhat sa pasimula, yaong aming narinig, yaong nakita ng aming mga mata, yaong aming namasdan, at nahipo ng aming mga kamay, tungkol sa salita ng buhay;

2 (At ang buhay ay nahayag, at aming nakita, at pinatotohanan, at sa inyo’y aming ibinabalita ang buhay, ang buhay na walang hanggan, na kasama ng Ama at sa atin ay nahayag);

3 Yaong aming nakita at narinig ay siya rin naming ibinabalita sa inyo, upang kayo naman ay magkaroon ng pakikisama sa amin: oo, at tayo ay may pakikisama sa Ama, at sa kaniyang Anak na si Jesucristo:

4 At ang mga bagay na ito ay aming isinusulat, upang ang ating kagalakan ay malubos.

5 At ito ang pasabing aming narinig sa kaniya at sa inyo’y aming ibinabalita, na ang Dios ay ilaw, at sa kaniya’y walang anomang kadiliman.

6 Kung sinasabi nating tayo’y may pakikisama sa kaniya at nagsisilakad tayo sa kadiliman, ay nangagbubulaan tayo, at hindi tayo nagsisigawa ng katotohanan:

7 Nguni’t kung tayo’y nagsisilakad sa liwanag, na gaya niyang nasa liwanag, ay may pakikisama tayo sa isa’t isa, at nililinis tayo ng dugo ni Jesus na kaniyang Anak sa lahat ng kasalanan.

8 Kung sinasabi nating tayo’y walang kasalanan, ay ating dinadaya ang ating sarili, at ang katotohanan ay wala sa atin.

9 Kung ipinahahayag natin ang ating mga kasalanan, ay tapat at banal siya na tayo’y patatawarin sa ating mga kasalanan, at tayo’y lilinisin sa lahat ng kalikuan.

10 Kung sinasabi nating tayo’y hindi nangagkasala, ay ating ginagawang sinungaling siya, at ang kaniyang salita ay wala sa atin.

I Juan 2

1 Mumunti kong mga anak, ang mga bagay na ito ay isinusulat ko sa inyo upang kayo’y huwag mangagkasala. At kung ang sinoman ay magkasala, ay may Tagapamagitan tayo sa Ama, si Jesucristo ang matuwid:

2 At siya ang pangpalubag-loob sa ating mga kasalanan; at hindi lamang sa ating mga kasalanan, kundi ng sa buong sanglibutan din naman.

3 At sa ganito’y nalalaman natin na siya’y ating nakikilala, kung tinutupad natin ang kaniyang mga utos.

4 Ang nagsasabing, Nakikilala ko siya, at hindi tumutupad ng kaniyang mga utos, ay sinungaling, at ang katotohanan ay wala sa kaniya;

5 Datapuwa’t ang sinomang tumutupad ng kaniyang salita, tunay na sa kaniya ay naging sakdal ang pagibig ng Dios. Dahil dito’y nalalaman nating tayo’y nasa kaniya:

6 Ang nagsasabing siya’y nananahan sa kaniya ay nararapat din namang lumakad na gaya ng inilakad niya.

7 Mga minamahal, wala akong isinusulat sa inyo na anomang bagong utos, kundi ang dating utos na nasa inyo buhat nang pasimula; ang dating utos ay ang salita na inyong narinig.

8 Muli, isang bagong utos ang isinusulat ko sa inyo, bagay na tunay sa kaniya at sa inyo; sapagka’t ang kadiliman ay lumilipas, at ang tunay na ilaw ay lumiliwanag na.

9 Ang nagsasabing siya’y nasa liwanag at napopoot sa kaniyang kapatid, ay nasa kadiliman pa hanggang ngayon.

10 Ang umiibig sa kaniyang kapatid ay nananahan sa liwanag, at sa kaniya’y walang anomang kadahilanang ikatitisod.

11 Nguni’t ang napopoot sa kaniyang kapatid ay nasa kadiliman, at lumalakad sa kadiliman, at hindi niya nalalaman kung saan siya naparoroon, sapagka’t ang kaniyang mga mata ay binulag ng kadiliman.

12 Kayo’y sinusulatan ko, mumunti kong mga anak, sapagka’t ipinatawad sa inyo ang inyong mga kasalanan dahil sa kaniyang pangalan.

13 Kayo’y sinusulatan ko, mga ama, sapagka’t inyong nakikilala yaong buhat pa nang pasimula ay siya na. Kayo’y sinusulatan ko, mga binata, sapagka’t inyong dinaig ang masama. Kayo’y aking sinulatan, mumunting mga anak, sapagka’t inyong nakikilala ang Ama.

14 Kayo’y aking sinulatan, mga ama, sapagka’t inyong nakikilala yaong buhat pa nang pasimula ay siya na. Kayo’y aking sinulatan, mga binata, sapagka’t kayo’y malalakas, at ang salita ng Dios ay nananahan sa inyo, at inyong dinaig ang masama.

15 Huwag ninyong ibigin ang sanglibutan, ni ang mga bagay na nasa sanglibutan. Kung ang sinoman ay umiibig sa sanglibutan, ay wala sa kaniya ang pagibig ng Ama.

16 Sapagka’t ang lahat na nangasa sanglibutan, ang masamang pita ng laman at ang masamang pita ng mga mata at ang kapalaluan sa buhay, ay hindi mula sa Ama, kundi sa sanglibutan.

17 At ang sanglibutan ay lumilipas, at ang masamang pita niyaon; datapuwa’t ang gumagawa ng kalooban ng Dios ay nananahan magpakailan man.

18 Mumunting mga anak, ito ang huling oras: at gaya ng inyong narinig na darating ang anticristo, kahit ngayon ay lumitaw ang marami nang anticristo; kaya nga nalalaman natin na ito na ang huling oras.

19 Sila’y nangagsilabas sa atin, nguni’t sila’y hindi sa atin; sapagka’t kung sila’y sa atin ay nagsipanatili sana sa atin: nguni’t nangagsilabas, upang sila’y mahayag na silang lahat ay hindi sa atin.

20 At kayo’y may pahid ng Banal, at nalalaman ninyo ang lahat ng mga bagay.

21 Hindi ko kayo sinulatan ng dahil sa hindi ninyo nalalaman ang katotohanan, kundi dahil sa inyong nalalaman, at sapagka’t alin mang kasinungalingan ay hindi sa katotohanan.

22 Sino ang sinungaling kundi ang tumatanggi na si Jesus ay siyang Cristo? Ito ang anticristo, sa makatuwid ay ang tumatanggi sa Ama at sa Anak.

23 Ang sinomang tumatanggi sa Anak, ay hindi sumasa kaniya ang Ama: ang nagpapahayag sa Anak ay sumasa kaniya naman ang Ama.

24 Tungkol sa inyo, ay manahan sa inyo ang inyong narinig buhat nang pasimula. Kung manahan sa inyo yaong buhat nang pasimula ay inyong narinig, kayo naman ay mananahan sa Anak, at sa Ama.

25 At ito ang pangakong kaniyang ipinangako sa atin, ang buhay na walang hanggan.

26 Isinulat ko sa inyo ang mga bagay na ito tungkol sa mga may ibig na magligaw sa inyo.

27 At tungkol sa inyo, ang pagkapahid na sa kaniya’y inyong tinanggap ay nananahan sa inyo, at hindi ninyo kailangang kayo’y turuan ng sinoman; nguni’t kung paanong kayo’y tinuturuan ng kaniyang pahid tungkol sa lahat ng mga bagay, at siyang totoo, at hindi kasinungalingan, at kung paanong kayo’y tinuruan nito, ay gayon kayong nananahan sa kaniya.

28 At ngayon, mumunti kong mga anak, manahan kayo sa kaniya; upang, kung siya’y mahayag, ay magkaroon kayo ng pagkakatiwala, at huwag tayong mangapahiya sa harapan niya sa kaniyang pagparito.

29 Kung nalalaman ninyong siya’y matuwid, nalalaman naman ninyo na ang bawa’t gumagawa ng katuwiran ay ipinanganak niya.

I Juan 3

1 Masdan ninyo kung gaanong pagibig ang ipinagkaloob sa atin ng Ama, upang tayo’y mangatawag na mga anak ng Dios; at tayo’y gayon nga. Dahil dito’y hindi tayo nakikilala ng sanglibutan, sapagka’t siya’y hindi nakilala nito.

2 Mga minamahal, ngayon ay mga anak tayo ng Dios, at hindi pa nahahayag kung magiging ano tayo. Nalalaman natin, na kung siya’y mahayag, tayo’y magiging katulad niya: sapagka’t siya’y ating makikitang gaya ng kaniyang sarili.

3 At sinomang mayroon ng pagasang ito sa kaniya ay naglilinis sa kaniyang sarili, gaya naman niyang malinis.

4 Ang sinomang gumagawa ng kasalanan ay sumasalangsang din naman sa kautusan: at ang kasalanan ay ang pagsalangsang sa kautusan.

5 At nalalaman ninyo na siya’y nahayag upang magalis ng mga kasalanan; at sa kaniya’y walang kasalanan.

6 Ang sinomang nananahan sa kaniya ay hindi nagkakasala; sinomang nagkakasala ay hindi nakakita sa kaniya, ni hindi man nakakilala sa kaniya.

7 Mumunti kong mga anak, huwag kayong padaya kanino man: ang gumagawa ng katuwiran ay matuwid, gaya niya na matuwid:

8 Ang gumagawa ng kasalanan ay sa diablo; sapagka’t buhat pa nang pasimula ay nagkakasala ang diablo. Sa bagay na ito’y nahayag ang Anak ng Dios, upang iwasak ang mga gawa ng diablo.

9 Ang sinomang ipinanganak ng Dios ay hindi nagkakasala, sapagka’t ang kaniyang binhi ay nananahan sa kaniya: at siya’y hindi maaaring magkasala, sapagka’t siya’y ipinanganak ng Dios.

10 Dito nahahayag ang mga anak ng Dios, at ang mga anak ng diablo: ang sinomang hindi gumagawa ng katuwiran ay hindi sa Dios, ni ang hindi umiibig sa kaniyang kapatid.

11 Sapagka’t ito ang pasabing inyong narinig buhat ng pasimula, na mangagibigan tayo sa isa’t isa:

12 Hindi gaya ni Cain na siya’y sa masama, at pinatay ang kaniyang kapatid. At bakit niya pinatay? Sapagka’t ang kaniyang mga gawa ay masasama, at ang mga gawa ng kaniyang kapatid ay matuwid.

13 Huwag kayong mangagtaka, mga kapatid, kung kayo’y kinapopootan ng sanglibutan.

14 Nalalaman nating tayo’y nangalipat na sa buhay mula sa kamatayan, sapagka’t tayo’y nagsisiibig sa mga kapatid. Ang hindi umiibig ay nananahan sa kamatayan.

15 Ang sinomang napopoot sa kaniyang kapatid ay mamamatay-tao: at nalalaman ninyong sinomang mamamatay-tao ay hindi pinananahanan ng buhay na walang hanggan.

16 Dito’y nakikilala natin ang pagibig, sapagka’t kaniyang ibinigay ang kaniyang buhay dahil sa atin; at nararapat nating ibigay ang ating mga buhay dahil sa mga kapatid.

17 Datapuwa’t ang sinomang mayroong mga pag-aari sa sanglibutang ito, at nakikita ang kaniyang kapatid na nangangailangan, at doo’y ipagkait ang kaniyang awa, paanong mananahan ang pagibig ng Dios sa kaniya?

18 Mumunti kong mga anak, huwag tayong magsiibig ng salita, ni ng dila man; kundi ng gawa at katotohanan.

19 Dito’y makikilala nating tayo’y sa katotohanan, at papapanatagin natin ang ating mga puso sa harapan niya.

20 Sapagka’t kung hinahatulan tayo ng ating puso, ang Dios ay lalong dakila kay sa ating puso, at nalalaman niya ang lahat ng mga bagay.

21 Mga minamahal, kung tayo’y hindi hinahatulan ng ating puso, ay may pagkakatiwala tayo sa Dios;

22 At anomang ating hingin ay tinatanggap natin sa kaniya, sapagka’t tinutupad natin ang kaniyang mga utos at ginagawa natin ang mga bagay na kalugodlugod sa kaniyang paningin.

23 At ito ang kaniyang utos, na manampalataya tayo sa pangalan ng kaniyang Anak na si Jesucristo, at tayo’y mangagibigan, ayon sa ibinigay niyang utos sa atin.

24 At ang tumutupad ng kaniyang mga utos ay mananahan sa kaniya, at siya ay sa kaniya. At dito’y nakikilala natin na siya’y nananahan sa atin, sa pamamagitan ng Espiritu na kaniyang ibinigay sa atin.

I Juan 4

1 Mga minamahal, huwag kayong magsipaniwala sa bawa’t espiritu, kundi inyong subukin ang mga espiritu, kung sila’y sa Dios: sapagka’t maraming nagsilitaw na mga bulaang propeta sa sanglibutan.

2 Dito’y nakikilala ninyo ang Espiritu ng Dios: ang bawa’t espiritung nagpapahayag na si Jesucristo ay naparitong nasa laman ay sa Dios:

3 At ang bawa’t espiritung hindi ipinahahayag si Jesus, ay hindi sa Dios: at ito ang sa anticristo, na inyong narinig na darating; at ngayo’y nasa sanglibutan na.

4 Kayo’y sa Dios, mumunti kong mga anak, at inyong dinaig sila: sapagka’t lalong dakila siyang nasa inyo kay sa nasa sanglibutan.

5 Sila’y sa sanglibutan: kaya’t tungkol sa sanglibutan ang sinasalita nila, at sila’y dinidinig ng sanglibutan.

6 Tayo nga’y sa Dios: ang nakakakilala sa Dios ay dumirinig sa atin; ang hindi sa Dios ay hindi dumirinig sa atin. Dito’y ating nakikilala ang espiritu ng katotohanan, at ang espiritu ng kamalian.

7 Mga minamahal, mangagibigan tayo sa isa’t isa: sapagka’t ang pagibig ay sa Dios; at ang bawa’t umiibig ay ipinanganak ng Dios, at nakakakilala sa Dios.

8 Ang hindi umiibig ay hindi nakakakilala sa Dios; sapagka’t ang Dios ay pagibig.

9 Dito nahayag ang pagibig ng Dios sa atin, sapagka’t sinugo ng Dios ang kaniyang bugtong na Anak sa sanglibutan upang tayo’y mabuhay sa pamamagitan niya.

10 Narito ang pagibig, hindi sa tayo’y umibig sa Dios, kundi siya ang umibig sa atin, at sinugo ang kaniyang Anak na pangpalubagloob sa ating mga kasalanan.

11 Mga minamahal, kung tayo’y inibig ng Dios ng gayon, ay nararapat na mangagibigan din naman tayo.

12 Sinoman ay hindi nakakita kailan man sa Dios: kung tayo’y nangagiibigan, ang Dios ay nananahan sa atin, at ang kaniyang pagibig ay nagiging sakdal sa atin:

13 Dito’y nakikilala natin na tayo’y nangananahan sa kaniya at siya’y sa atin, sapagka’t binigyan niya tayo ng kaniyang Espiritu.

14 At nakita natin at sinasaksihan na sinugo ng Ama ang Anak upang maging Tagapagligtas ng sanglibutan.

15 Ang sinomang nagpapahayag na si Jesus ay Anak ng Dios, ang Dios ay nananahan sa kaniya, at siya’y sa Dios.

16 At ating nakilala at ating sinampalatayanan ang pagibig ng Dios sa atin. Ang Dios ay pagibig; at ang nananahan sa pagibig ay nananahan sa Dios, at ang Dios ay nananahan sa kaniya.

17 Dito’y naging sakdal ang pagibig sa atin, upang tayo’y magkaroon ng pagkakatiwala sa araw ng paghuhukom; sapagka’t kung ano siya, ay gayon din naman tayo sa sanglibutang ito.

18 Walang takot sa pagibig: kundi ang sakdal na pagibig ay nagpapalayas ng takot, sapagka’t ang takot ay may kaparusahan; at ang natatakot ay hindi pa pinasasakdal sa pagibig.

19 Tayo’y nagsisiibig, sapagka’t siya’y unang umibig sa atin.

20 Kung sinasabi ng sinoman, Ako’y umiibig sa Dios, at napopoot sa kaniyang kapatid, ay sinungaling; sapagka’t ang hindi umiibig sa kaniyang kapatid na kaniyang nakita, ay paanong makaiibig siya sa Dios na hindi niya nakita?

21 At ang utos na itong mula sa kaniya ay nasa atin, na ang umiibig sa Dios ay dapat umibig sa kaniyang kapatid.

I Juan 5

1 Ang sinomang nananampalataya na si Jesus ay siyang Cristo ay ipinanganak ng Dios: at ang bawa’t umiibig sa nanganak ay umiibig din naman sa ipinanganak niyaon.

2 Dito’y ating nakikilala na tayo’y nagsisiibig sa mga anak ng Dios, pagka tayo’y nagsisiibig sa Dios at tinutupad natin ang kaniyang mga utos.

3 Sapagka’t ito ang pagibig sa Dios, na ating tuparin ang kaniyang mga utos: at ang kaniyang mga utos ay hindi mabibigat.

4 Sapagka’t ang sinomang ipinanganak ng Dios ay dumadaig sa sanglibutan: at ito ang pagtatagumpay na dumadaig sa sanglibutan, sa makatuwid ay ang ating pananampalataya.

5 At sino ang dumadaig sa sanglibutan, kundi yaong nananampalatayang si Jesus ay anak ng Dios?

6 Ito yaong naparito sa pamamagitan ng tubig at dugo, sa makatuwid ay si Jesucristo; hindi sa tubig lamang, kundi sa tubig at sa dugo.

7 At ang Espiritu ang nagpapatotoo, sapagka’t ang Espiritu ay katotohanan.

8 Sapagka’t may tatlong nagpapatotoo, ang Espiritu, ang tubig, at ang dugo: at ang tatlo ay nagkakaisa.

9 Kung tinatanggap natin ang patotoo ng mga tao, ay lalong dakila ang patotoo ng Dios, sapagka’t ito ang patotoo ng Dios: sapagka’t ito papatotoo tungkol sa kaniyang Anak.

10 Ang nananampalataya sa Anak ng Dios ay may patotoo sa kaniya: ang hindi nananampalataya sa Dios ay ginagawang isang sinungaling ang Dios: sapagka’t hindi sumampalataya sa patotoo na ibinigay ng Dios tungkol sa kaniyang Anak.

11 At ito ang patotoo, na tayo’y binigyan ng Dios ng buhay na walang hanggan, at ang buhay na ito ay nasa kaniyang Anak.

12 Ang kinaroroonan ng Anak ay kinaroroonan ng buhay; ang hindi kinaroroonan ng Anak ng Dios ay hindi kinaroroonan ng buhay.

13 Ang mga bagay na ito ay isinulat ko sa inyo, upang inyong maalaman na kayo’y mayroong buhay na walang hanggan, sa makatuwid ay sa inyong nananampalataya sa pangalan ng Anak ng Dios.

14 At ito ang nasa ating pagkakatiwala sa kaniya, na kung tayo’y humingi ng anomang bagay na ayon sa kaniyang kalooban, ay dinidinig tayo niya:

15 At kung ating nalalaman na tayo’y dinidinig niya sa anomang ating hingin, ay nalalaman natin na nasa atin ang mga kahilingang sa kaniya’y ating hiningi.

16 Kung makita ng sinoman na ang kaniyang kapatid ay nagkakasala ng kasalanang hindi ikamamatay, ay idalangin siya at bibigyan siya ng Dios ng buhay, na ukol sa mga nagkakasala nang hindi ikamamatay. May kasalanang ikamamatay: hindi tungkol dito ang sinasabi ko na idalangin niya.

17 Lahat ng kalikuan ay kasalanan: at may kasalanang hindi ikamamatay.

18 Nalalaman natin na ang sinomang ipinanganak ng Dios ay hindi nagkakasala; datapuwa’t ang ipinanganak ng Dios ay nagiingat sa kaniyang sarili, at hindi siya ginagalaw ng masama.

19 Nalalaman natin na tayo’y sa Dios at ang buong sanglibutan ay nakahilig sa masama.

20 At nalalaman natin na naparito ang Anak ng Dios, at tayo’y binigyan ng pagkaunawa, upang ating makilala siya na totoo, at tayo’y nasa kaniya na totoo, sa makatuwid ay sa kaniyang Anak na si Jesucristo. Ito ang tunay na Dios, at ang buhay na walang hanggan.

21 Mga anak ko, mangagingat kayo sa mga diosdiosan.